Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, ay nananatiling isang kontrobersiyang hindi pa rin tuluyang natatahimik. Si Heneral Emilio Aguinaldo, ang halal na Pangulo ng bagong tatag na rebolusyonaryong pamahalaan sa Kabite, ay inaakusahang siyang nagpapatay kay Bonifacio sapagkat ito umano’y karibal sa pamumuno ng rebolusyon.
Ang ganitong paratang ay muling umalingawngaw sa panahon ng maigting na kampanyang pampulitika noong dekada 1930, nang sadyang iugnay ng kampo ni Manuel L. Quezon si Aguinaldo sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna at kay Bonifacio. Ang sinasabing mga buto ni Bonifacio na nahukay sa Kabite ay ipinagparada sa mga lansangan ng Maynila, na siyang naglayo ng simpatiya ng madla kay Aguinaldo. Ang palabas na ito ukol kay Bonifacio, at ang sinadyang pag-uugnay kay Aguinaldo sa pagpatay kay Heneral Luna, ay lubhang nakaambag sa matinding pagkatalo ni Aguinaldo kay Quezon sa halalang ginanap noong taong 1935.
Ang mga pangyayari buhat sa halalan sa Tejeros noong ika-22 ng Marso 1897, hanggang sa dalawang Acta (Acta de Tejeros at Acta de Naic), at sa pagbitay sa magkapatid na Bonifacio noong ika-10 ng Mayo 1897, ay nagpapakilalang si Bonifacio ay nahulog sa isang kalagayang hindi na niya magampanan ang kanyang gampanin sa kilusang rebolusyonaryo. Ang Acta de Tejeros ay ang kanyang panawagang hindi pinakinggan na magbitiw sa tungkulin ang mga nahalal na pinuno; samantalang ang Acta de Naic ay isang kasunduang militar na ang layunin ay agawin ang kapangyarihan mula sa bagong tatag na pamahalaang rebolusyonaryo na si Aguinaldo ang halalang pangulo.
Si Andres Bonifacio ay dinakip, sinampahan ng kasong sedisyon, nilitis sa harap ng isang Hukumang Militar, napatunayang may sala, at hinatulan ng kamatayan. Subalit binago ni Pangulong Aguinaldo ang hatol at ginawang pagpapatapon, datapwa’t dahil sa pagsusumamo ng ilang heneral ng rebolusyon, binawi niya ang nasabing kautusan, na siyang humantong sa pagbitay sa magkapatid na Bonifacio.
Isinalarawan ni Heneral Santiago “Apoy” Alvarez ang kalagayan ni Bonifacio sa Limbon, kung saan siya sumilong matapos mabigo ang kaniyang tangkang kudeta (Acta de Naic), at ganito ang kaniyang salaysay:
"Samantalang nasa nayon ng Limbon ang Supremo A. Bonifacio at ang kanyang mga kawal, ay inayos nilang mabuti and mga tanggulan upang sila'y may mapagsanggalangan kung lusubin ng kastila ang Indang. Dito'y may mga Pinunung Pamahalaan, Pinunung Kawal at mga Kawal na dumadalaw at nag-aabuloy sa kanila ng pagkain, hanggang hindi pa natutuloy sa paguwi sa bundukin ng Silangan. Karamihan sa mga Kawal na kasama ng Supremo's mga sunod sa kanya sa Kabite; mga lalaki, babae, matanda at bata na pawang nananabik at makauwi sa kani-kanilang tahanan.
"Ang Supremo Bonifacio, na kinakapos sa pagkain ng kanyang mga tao, dahil sa ang kaunting abuloy na kanilang tinanggap ay di makasapat, ay nagpasiyang lahat na wala sa paglilingkod na kawal ay magsihanap ng malapit na hantungan at ng kanilang kailangan sa kagipitang iyon; sapagka't silang lahat ay nasa gipit na kalagayan, at sakaling makapaghanda at lalakad na, saka nila magsama-sama; nagutos sa mga Kawal na pumaroon sa Pamahalaang-Bayan ng Indang, lumapit sa mga kapatid na mamamatnugot, at humingi ng saklolong pagkain. Nguni't laban sa pag-asa ng Supremo, ang mga taong inutusan niyasa paghingi ng saklolo, sa halip biyayain ay hindi't bagkus niwalang bahala, taglay ang malungkot na balitang sumusunod: 'Na hindi sila binigyan ng anumang tulong o saklolo, pagka't tinutulan ni G. Severino de las Alas; ayaw igalang o kilanlin ang Supremo Bonifacio, at binantaan pa na may mangyayari kapag umulit na humingi ng abuloy.'
"Halos hindi makahinga at makapagsalita ang Supremo ng marinig ang balita, at pagkaraan ng ilang buntung-hininga malalakas, parang mga tinik na hinugot sa kanyang dibdib ang mga katagang: 'Mga taksil na kapatid! Diyata't itong nariritong handang maghain ng dugo at buhay sa Kalayaang ating nilalayon ang auaw kilanlin at saklolohan; binantaan pang may mangyayari kung makapbulas ng awa sa iba. Ano ang nararapat iganti sa inyong kabutihan?'
"Sunugin ang Bayan! walang patawarin! unahin ang Kumbento at Sambahan, nang makilala ang ganti ng katwiran sa ayaw magmasakit at tumulong sa pangangailangan ng Inang-Bayan, - ang pagkuwa'y pasigaw na tugon din niya (ng Supremo), na narinig ng maraming taong paroot-parito sa pagdaraan. Hindi naglipat araw at kumalat na ang balita sa loob ng Bayan, na ipinasusunog ng Supremo A. Bonifacio ang lahat ng bahay sa Indang, pati kumbento at sambahan." (Alvarez, 331-332)
Noong ika-27 ng Abril 1897, nagpalabas si Aguinaldo ng kautusang dakpin si Bonifacio. Ang nasabing kautusan ay ibinatay sa liham ng presidente ng bayan ng Indang, si Severino de las Alas, na nagsumbong na ang mga kawal ni Bonifacio ay umatake sa nasabing bayan. (Ronquillo, p. 109)
Ang hayagang pagkalas ni Bonifacio sa bagong tatag na pamahalaan ay lumitaw nang tumanggi siyang tanggapin ang kaniyang pagkatalo sa halalan sa Kumbensiyon sa Tejeros noong ika-22 ng Marso 1897. Sa araw ng halalan, siya’y nag-walkout at idineklara niyang walang-bisa ang halalan sapagkat ayon sa kaniya, hindi nasunod ang kalooban ng nakararami, na itinuro niyang bunga ng ginawang pagtutol ni Tirona sa kaniyang kakayahang humawak ng tungkulin bilang Direktor ng Panloob.
Kinabukasan, isang bagong pahayag ang ibinulalas ni Bonifacio—na siya raw ay nadaya. Siya, kasama ang humigit-kumulang apatnapung kasapi ng Konsehong Magdiwang, ay lumagda sa isang kasulatan na tinawag na “Acta de Tejeros,” na humihiling na magbitiw sa tungkulin ang mga nahalal sapagkat ang kanilang pagkakahalal ay walang-bisa dulot ng mga iregularidad sa halalan.
Tinanggihan ng mga Magdalo ang kaniyang hiling at iginiit na walang pandaraya. Ang nakararami sa mga delegado na hindi lumisan at nagpatuloy ng pagpupulong ay nagbawi sa deklarasyon ni Bonifacio at pinagtibay ang resulta ng halalan sa pamumuno ni Santiago Rillo ng delegasyon mula Batangas.
Nang mabigo sa kaniyang hiling, siya, kasama ang mga pinuno ng Magdiwang at dalawang heneral ng Magdalo, ay lumagda sa kasulatang tinaguriang “Acta de Naic” noong ika-19 ng Abril 1897—na sa diwa’y isang kudeta laban sa bagong tatag na pamahalaang Pilipino ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Subalit nabigo ang tangkang ito. Si Bonifacio, kasama ang ilang natitirang tagasunod, ay nilisan ang Naic at nagtungo sa Limbon. Pinayagan ni Pangulong Aguinaldo si Bonifacio at ang kaniyang mga kasabwat na makaligtas, at pinatawad pa ang dalawang heneral na nakilahok sa nasabing kudeta. (Ronquillo, 106–109; Saulo [Aguinaldo], 142–144)
Nang dumating sa Limbon ang mga kawal ng pamahalaan na inatasang tumupad sa kautusang pag-aresto, ang tatlumpu’t limang tauhan ni Bonifacio ay hindi lumaban at kusa nilang isinuko ang kanilang mga sandata. Gayunman, si Ciriaco, na kapatid ni Andres, ay nagpaputok sa mga umaresto at nakapatay ng dalawang kawal. Sa ganting putok, napatay si Ciriaco, at si Andres Bonifacio ay tinamaan sa braso ng bala mula sa riple habang itinututok ang kanyang rebolber (Kalaw-Teodoro [Court-Martial], mga pahina 5, 17, 20, 22 at 23; Ronquillo, p. 144; Corpuz, p. 124). Siya rin ay sinaksak malapit sa leeg ni Heneral Paua.
Ang magkapatid na Bonifacio ay dinala sa Maragondon, kung saan pinulong ang isang Konseho ng Digma upang litisin sila sa kasong sedisyon. Sila ay napatunayang may sala at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbabaril. Ang lahat ng detalye ng paglilitis ay matatagpuan sa aklat ni Teodoro M. Kalaw, The Court-Martial of Andres Bonifacio.
Narito ang ulat ng Pangkalahatang Tagapayo-Hukom ukol sa paglilitis kay Bonifacio:
“Sa Hukumang Militar:
“Mula sa pagbasa ng mga salaysay at hatol ng Hukumang Militar, lumilitaw na si Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio ay, nang walang kapangyarihan o pahintulot mula sa pamahalaang ito, ay nasa kanilang kampo sa Limbong, saklaw ng bayan ng Indang, nangangalap ng mga kawal, at kasabwat ang kanilang kapatid na si Ciriaco sa paglalang ng sabwatan laban sa Pamahalaan, kung kaya’t sila’y nagpupulong kasama nina Diego Mojica, Silvestre Domingo, at Santos Nocon. Sila’y nagbabalak na pabagsakin ang pamahalaang ito at patayin ang Pangulo nitong si Emilio Aguinaldo.
“Isinugo ang mga kawal upang sila’y pagsukuin at mapasunod sa kapangyarihan ng Pamahalaan, subalit sila ay nagpakita ng pagtutol at iniutos sa kanilang mga tauhan na paputukan ang ating mga kawal. Ang unang putok ay nagmula kay Ciriaco Bonifacio, na kasama ng kanyang mga kapatid na sina Andres at Procopio ay lubhang nakapinsala sa ating mga kawal, na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang sundalo. Si Procopio Bonifacio ay matagal na lumaban bago siya at ang kanyang mga kapatid ay nawalan ng sandata—si Ciriaco ay napatay at si Andres ay nasugatan.
“Ang katotohanan ng mga nasabing pangyayari ay pinatutunayan mismo ng kanilang mga tauhan na sina Pedro Giron, Bibiano Roxas, Bento Torres at iba pa. Upang maisakatuparan ang kanilang mga balakin, sila’y nagpapadala ng mga sulat na mapanghimagsik sa mga pinuno at kawal ng Pamahalaan upang hikayatin silang sumama at sumunod sa kanila. Nalalaman na sina Diego Mojica at Ariston Villanueva ay namamahagi ng salapi para sa layuning ito, at hindi marapat na ipalagay na ang pamamahaging yaon ay upang gantimpalaan ang mga kawal at pinunong lumaban sa Noveleta.
“Ang mga pagpupulong na madalas nilang isagawa sa tahanan ni Mojica sa Limbong, at ang pagtutol na kanilang ipinakita sa ating mga kawal, ay pagpapatibay sa layunin ng pamimigay ng salapi upang makaakit ng mga kawal at pinuno na sumuporta sa kanila. Sa madaling salita, ang magkakapatid na sina Andres, Ciriaco, at Procopio Bonifacio ay may layuning pabagsakin ang Pamahalaan, patayin ang Pangulo nitong si Emilio Aguinaldo, at labanan ang kanyang kapangyarihan, kaya’t nararapat na sang-ayunan ang hatol ng Hukumang Militar at pagtibayin ang pasya nito.
“Karagdagan pa, inirerekomenda ko ang pagsisiyasat kina Diego Mojica at Ariston Villanueva upang tukuyin ang kanilang naging papel sa sabwatan at ang kanilang pakikibahagi sa mga balak ni Bonifacio. Ako rin ay humihiling sa Hukumang Militar na magbukas ng pagsisiyasat ukol sa asal ni Tenyente Koronel Agapito Bonson kaugnay ng ulat na pagmamalupit at pananakit sa asawa ni Andres Bonifacio.
Maragondon, ika-7 ng Mayo 1897(Nilagdaan) Baldomero Aguinaldo”(Sanggunian: Taylor [I], pahina 328)
Binago ni Pangulong Aguinaldo ang hatol at ginawang pagpapatapon sa di tiyak na panahon (Kalaw-Teodoro [Court-Martial], p. 39), subalit sa kabila ng kautusang iyon, ang magkapatid ay gayon pa man binitay.
Noong ika-22 ng Marso 1948, isiniwalat ni Aguinaldo sa isang sulat-kamay na tala na pagkaraang ilabas niya ang kautusan ng pagpapaluwag sa hatol, siya ay nilapitan nina Heneral Mariano Noriel at Pio del Pilar, kasama ang ilang pinuno ng pamahalaang rebolusyonaryo, upang bawiin ang nasabing kautusan. Nagmakaawa silang ituloy ang pagbitay kina Procopio at Andres Bonifacio alang-alang sa rebolusyon at upang manaig ang kapayapaan—na siya namang kaniyang ginawa.
Narito ang isang sipi na nagsasaad ng opinyon ng retiradong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman, si Kagalang-galang Abraham Sarmiento (Ronquillo, p. 150), ukol sa legalidad ng paglilitis kay Bonifacio:
-
Na ukol sa paglilitis kina Andres at Procopio Bonifacio, ang nasabing paglilitis ay walang-bisa sapagkat pinagkaitan ng Hukumang Militar ang mga akusado ng wastong proseso ng batas;
-
Na ukol sa mga ebidensyang isinampa laban sa mga akusado, bagaman ang hatol ng Hukumang Militar ay hindi nakasalig sa sapat at karampatang ebidensiya, ito’y isang kasaysayang hindi matututulan na si Andres Bonifacio ay nagnais magtatag ng isang hiwalay na pamahalaan na sumusuway sa pamahalaang naitatag sa Tejeros;
-
Na ukol sa pagbitay sa mga akusado, ang pagbitay kay Bonifacio ay nasa pagpapasya ni Aguinaldo (batay sa Acta de Tejeros at sa Kasunduang Militar ng Naic).
Ang paglilitis kay Bonifacio ang siyang kauna-unahang, at kaisa-isang, pagdinig na isinagawa sa hukuman ng mga rebolusyonaryo. Kaugnay nito, sila ay humalaw ng halimbawa mula sa sistemang panghukbong Kastila (Codigo de Enjuiciamiento Militar Español). Isang malaking pagkakamali ang ikumpara ang sistemang kinasangkapan ng mga bagitong pinunong rebolusyonaryo ni Aguinaldo—na bumuo sa Hukumang Militar na humatol sa Supremo Bonifacio—sa sistemang panghukuman ng isang malaya at nagsasariling Republika ng Pilipinas. Ang dalawa ay lubhang magkalayo sa layunin, nilalaman, at pamamaraan.
Sa kabilang dako, ang pagsusumikap na litisin muna si Bonifacio sa halip na basta-bastang pagbabarilin na gaya ng maaaring ginawa rin ni Bonifacio sa mga sumuway sa Acta de Naic ay maituturing na makatao. Bukod pa rito, ang pagpapatuloy ng paglilitis sa kabila ng panganib na dulot ng opensibang Kastila ay kapuri-puri.
Karapat-dapat ding banggitin ang sinabi ni Apolinario Mabini kay Aguinaldo matapos siyang hiranging kalihim ng pamahalaang rebolusyonaryo noong ika-11 ng Hunyo 1898. Ipinahayag ni Mabini ang kaniyang panghihinayang sa malamig na pagtanggap kay Bonifacio, sapagkat kung sa kanya nangyari iyon, aniya, ay agad siyang nagpasya ng juicio sumaresimo o agarang paghatol—ibig sabihin, pagbabaril na walang paglilitis—laban kay Bonifacio at sa kaniyang mga kasamahan. (Ronquillo, p. 27)
<><><>-o-O-o-<><><>
No comments:
Post a Comment