Friday, April 3, 2020

Ang Away ni Luna at Mascardo-Sanhi ng Pagbagsak ng Gitnang Luson

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “The Luna-Mascardo Feud that Cost the Battle of Bagbag,” na matatagpuan sa pahina 201-207 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)



Ang Alitan ni Luna at Mascardo na Naging Sanhi ng Pagbagsak ng Gitnang Luson (De Los Santos).

Si Heneral Antonio Luna ay huling nakisali sa himagsikan.  Hindi siya kasapi ng Katipunan at kanyang tinanggihan ang alok ni Andres Bonifacio na sumapi.  Ang tanong niya, "Paano tayo lalaban, gamit ito?", at itinuro ang kanyang mga ngipin. (Kalaw[politics], 73).  Nang nalantad na ang Katipunan, nagawa ni Luna na umiwas na madawit and itinuro pa si Dr. Jose Rizal na siyang tagapagtatag. (Tayor 1:237-238).  Subalit ang kanyang pagiging mason ay sapat na upang siya ay ikulong ng mga Kastila.  Nakalaya lamang siya dahil namagitan ang kanyang tanyag na kapatid na pintor na si Juan.

Umalis si Luna ng bansa at namalagi sa Europa at nagaral ng taktika militar.  Bumalik siya sa Pilipinas at dumaan sa Hongkong nang ang giyera ng Kastila at Amerikano ay sumiklab.  Nakakuha siya ng sulat-rekomendasyon kay Don Felipe Agoncillo, isang malapit na tagapayo at kaibigan ni Aguinaldo, na siyang nagbigay daan upang makapasok si Luna sa Hukbo ng Republikang Pilipino noong Septiyembre, 1898 na may rangkong Heneral ng brigada.

Kahit hindi nasiyahan ang mga matataas na beteranong pinuno ng hukbong Pilipino sa pagkapasok na ito ni Luna pinangatawan ni Aguinaldo ang paghirang sa kanya at sinabing si Luna ay nakapagaral ng taktika militar at kailangan ng hukbo ang kanyang kaalaman upang maitanim ang disiplina sa mga sundalo at magkaroon ng pangkalahatang pamunuan ang magkakahiwalay na mga pangkat ng mga Pilipino.   Subalit ang natatagong di-kasiyahan ng ilang pinuno ay unti-unting lumitaw sa pagsuway sa kapangyarihan ni Luna.  Isa rito, si Kapitan Pedro “Kastila” Janolino ng brigada ng Kawit, na tumangging sumunod sa utos ni Luna noong labanan sa Caloocan.  At dito nagsimula ang di magandang tinginan ng dalawa hanggang sa humantong sa pagkamatay ni Luna sa Cabanatuan sa kamay ng brigadang Kawit. 

Subalit ang talagang hayag na alitan ay sa pagitan ni Luna at ni Heneral Tomas Mascardo at ang tahasang pagsuway ni Mascardo na tumulong sa pagtatanggol sa Bagbag, Calumpit, Bulacan.  Ang katuwiran ni Mascardo ay tanging mga sundalo lamang ng Pampanga at Nueva Ecija ang inilagay ni Aguinaldo sa pamumuno ni Luna at  hindi kasama ang mga heneral.  Nagalit si Luna sa sinabing ito ni Mascardo kaya inihanda niya ang dalawang pangkat ng infanteria at nangangabayo at dalawang pangbundok na kanyon upang harapin si Mascardo.  Pinaalalahanan siya ng kanyang mga tagapayo na ang mga Amerikano ay nakahanda ng lumusob at hindi nararapat na magbawas ng sundalo sa depensa.

Panandaling nakinig si Luna sa palaala hanggang mabalitaan ni Luna na nakahanda daw si Mascardo na lumaban kung sakaling tumuloy ng lakad si Luna upang siya ay arestuhin, lalong-lalo na sa di-umano’y sinabi ni Mascardo: “Kung si Heneral Luna ay may bayag na ipatupad ang kanyang utos, si Mascardo ay may bayag din na lumaban.” Masyadong ikinagalit ito ni Luna kaya nagtungo siya sa pamunuan ni Mascardo sa Guaguya kasama ang mga inihandang sundalo at armas at tuluyang sumuko sa kanyang kapangyarihan si Mascardo.  Nang bumalik si Luna at kanyang pangkat sa Bagbag, huli na upang makatulong sila sa pagdepensa dahil napasok na ng mga Amerikano ang depensa ng mga Pilipino.

 Ang sumusunod na salaysay ay salin mula Ingles ng artikulong pinamagatang, “How the Battle of Bagbag was Lost.”  (Papaano Bumagsak ang Bagbag)  na sinulat ni Epifanio delos Santos na nalathala sa magasin “The Philppine Review”, Vol II, No. 3, 1917, pahina 40-44.  Dito hinimay-himay ang mga pangyayari tungkol sa naging resulta ng alitan sa pagitan ni Heneral Luna at ni Heneral Mascardo.  Ang mga pangalan ay sadyang inilihim ni Gg. Santos.

Narito ang kabuuang salysay ni Gg. Santos:

Mayo noong ng taong 1899 ng ating panginoon, ang hukbong Pilipino na gaping-gapi sa labanan sa Kalookan at Marilaw, ngunit muling nabuo at pinalakas ng dalubhasang bakal na kamay ni Heneral Luna, ay nagtalaga ng matibay na hanay, na ang gawing kanan  ay nasa Hagonoy at ang kaliwa ay nasa bulubundukin ng bayang Santa Maria.  Isang dibisyon na galing sa pinagsamasamang tira ng mga nakaraang labanan at mga pwersa galing Pampanga at Nueva Ecija ang itinalaga sa linyang ito, na may likas na depensa ng ilog ng Bagbag, ng gubat ng Quingua, at ng alon-along lupain ng Santa Maria.  Ang dibisyon na ito ay pinamumunuan ni Heneral Luna, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ay mga pinuno ng brigada sina Heneral Mascardo, Gregorio del Pilar at Llanera.  Habang nagtitipon-tipon ang kaaway sa siyudad ng Malolos, ang hukbong Pilipino ay nagpapalakas ng kanilang tanggulan, at ang brigadang nasa gitna ang siyang nakatalagang pangalawang depensa na ang himpilan ay nasa Rio Grande de la Pampanga.


Isang araw ng buwang nabanggit, ipinagutos ni Heneral Luna kay Heneral M. na magpadala ng tulong sa linya ng Bagbag, dahilan sa ang paghahandang ginagawa ng kaaway ay patunay na sasalakay sila sa linya ng mga Pilipino.  Ang utos ay hindi agad natupad dahilan sa si Heneral M. ay dumalo sa isang sayawan.  Nagalit si Heneral Luna sa ganoong gawi at ipinagutos ang pagdakip kay Heneral M. na arestado ng labindalawang oras.  Ayaw namang pumayag na maaresto si Heneral M. at nangatuwiran pang mayroon man daw utos  ang Pinakapuno  ng Hukbo na si A. na inilalagay lahat ng pwersa ng lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija sa ilalim ng kapangyarihan ni Heneral Luna, ngunit hindi naman ibig sabihin ay kasama din pati mga Heneral.   Ang pangyayaring ito sa pagitan ng pinuno ng dibisyon at ng brigada ang nagbunga ng ating pagkatalo noong nakakalungkot na araw nang ang mga Amerikano ay nakapasok sa linya ng mga Pilipino.

Alas diyes ng umaga noon nang ang ayuda-de-campo ni Heneral Luna ay pumasok sa upisina ni Komandante H. (?), hefe ng lupon ng dibisyon.

“Komandante, ibig kang makita ng heneral.”

“O sige, paroon na ako.”

“Pagutusan po ninyo heneral,” at sumaludo si Komandante H.

“Komandante, magdala ka ng dalawang pulutong ng sundalo, isang bahagi ng nakakabayo, at dalawang kanyon at dalhin mo rito si Heneral M. na arestado, payag man siya o hindi.”

Hindi agad nakakilos si Komandante H. na naguguluhan sa utos, dahilan sa magiging bunga nito, at sinamantala niya ang pagiging hefe ng lupon upang pakumbabang tumutol:

“Heneral, hindi ko po sinusuway ang iyong utos, ngunit ang kaaway ay maaring lumusob sa anumang oras at ang pagbabawas ng pwersa sa ating linya ay hindi nararapat.  Kung payag po kayo, susubukan kong hikayatin si Heneral M. na ayusin ang kanyang pagkakamali . . .”

“O sige, sagot ng Heneral.  Kung ganito ang pagbibigayan hindi tayo magkakaroon ng hukbo.  Papayag ako ngayon, ngunit huli na ito.”

Sumakay sa kabayo si Komandante H. at tinakbo ang animnapung kilometrong layo ng Calumpit at Guagua na himpilan ni Heneral M. ng wala pang apat na oras.  Dumating siya sa Guagua ng mga alas dos ng hapon at naabutan niya si Heneral na naiidlip.  Pinakiusapan niya si Komandante Fj. (?) na gisingin ang heneral, dahil mayroon siyang mahalagang lakad.  Nagising si Heneral M. at siya ay hinarap.

“Heneral,” sabi ni Komandante H., ”ipagpaumanhin po na gambalain kayo sa inyong pagkakaidlip, ngunit isang utos ni Heneral Luna ang nagpasadya sa akin.”

“Banggitin mo ano ang gusto niya”, pasimangot na sagot ni Heneral M.

At ipinaliwanag ni Komandante H. sa pamamagitan ng malamig at mahinahong pananalita ang kalagayan upang maunawaan niya kung ano ang ibig sabihin ng disiplina na kailangan sa hukbo, na kung ang mga sundalo, pinuno at mga opisyal na nasa larangan at ang brigada ay napasailalim ng kapangyarihan ni Heneral Luna ayon sa ipinagutos ng Pangulo, si Heneral M. man ay kasama din.  Hindi makapayag si Heneral M. at ipinagpilipilitan pa rin ang kanyang hinuha.  At sa huli, nang naubos ang kanyang pasensiya, nagsalita si Komandante H.:

“Kilala mo si Heneral Luna at ang kanyang ugali.  Hindi ka ba naniniwala na sapilitan niyang kukunin ang isang bagay sa pamamagitan ng lakas kung hindi niya makuha sa paliwanag?”

Napatindig si Heneral M. at galit na galit na nagsalitang:

“Komandante, sabihin mo kay Heneral Luna na kung mayroon siyang bituka na ipatupad ang kanyang utos, si Heneral M. ay mayroon din upang lumaban.”

Sa harap ng ganitong silakbo, malungkot at walang kibong umalis si Komandante H.  Alas siyete na ng hapon nang dumating si Komandante H. sa himpilan ni Heneral Luna sa Calumpit at ibinalita ang bigong lakad, subalit maingat na hindi binanggit ang walang paggalang na pangungusap na binitawan ni Heneral M.

“O sige”, sabi ni Heneral Luna, “ngayon wala ka ng maitututol sa pagtupad ng aking iniutos kaninang umaga.”

“Sa tingin ko po may isang paraan pa, Heneral”, ang balik ni Komandante H. “Bago po tayo gumamit ng dahas subukan ko pong iharap ito kay Heneral A.”

Pumayag si Heneral Luna at sumakay agad sa kabayo si Komandante H. at nagmadaling tumungo sa Baliwag, kung saan naroon ang himpilan ng Pinakapuno ng Hukbo.  Tinanggap siya ni Koronel R.S. (?) at nang malaman na maselan ang pakay ay inihatid si Komandante sa loob ng upisina ng Pinakapuno ng Hukbo.  Nang malaman ng Puno ang detalye ng pangyayari ay pagalit na nagsalita:

“Hindi, huwag mong sundin ang ganyang utos.  Ano na ang mangyayari sa ating bansa kung dahil lang sa isang pagsuway sa disiplina ay uubusin ang kakaunti nating natitirang mga bala upang magpatayan tayo?  Dalhin mo itong utos ko kay Heneral M.; nakalagay diyan ay dinadakip  siya at arestado ng dalawampu't apat na oras, sa halip na labingdalawa na ibinigay sa kanya ni Heneral Luna, kasama pa ang matinding saway sa kanyang di pagsunod sa utos.”  At pahabol pa ng Puno, “Ipaalam mo sa akin kung ano ang nangyari.”

Mabilis na lumakad si Komandante H. hanggang kaya ng kanyang kabayo and nakarating ng magbubukang liwayway na sa lugar na malapit sa tirahan ni Heneral M. at siya ay sinalubong sa gitna ng parang ni Komandante Fj.

“Hoy, tanda, bakit narito ka na sa labas napakaaga pa?” ang bati ni Komandante H. kay Komandante Fj.

“Wala, mayroon lang akong malaimpiyernong gabi” sagot ni Komandante Fj.  “Magdamag kaming hindi nakatulog  dahil hinihintay ka namin at iyong mga tauhan; ako at ang aking mga kawal ay napagutusan ng Heneral na itaboy kayo.  Salamat at walang ganoong nangyari at matatanggap kita ng yakap sa halip na putok ng baril.”

Magkasama silang nakipagkita kay Heneral M. at iniabot ang utos ng Pinakapuno ng Hukbo.  Tumupad si Heneral M. sa utos ng Puno, na naging kasiyasiya naman kay Heneral Luna.  Sa sandaling iyon waring napayapa ang  madilim na ulap.  Sa darating si Koronel Francisco Roman sa himpilan ni Heneral Luna.  Nang malaman ang buong pangyayari, pinagsabihan ng Koronel si Heneral Luna na nagpakita ito ng kahinaan na maaring maging dahilan ng pangungutya at kawalan ng paggalang ng hukbo sa kanya. Napakainam ng pananalita ng Koronel ng umagang iyon kung kaya’t ipinatawag ni Heneral Luna si Komandante H.

“Komandante, maghanda ka ng isang natatanging tren; isakay lahat ng magagamit na infanteriya, nangangabayo, at kanyon, at ipaalam mo sa akin kung handa na.”

Ang utos ay tinupad, at sina Heneral N., Koronel Roman, at dalawang ayuda, ang magkapatid na Bernal, ay sumakay kasama ni Heneral Luna.

“Sa San Fernando,” ang utos ni Heneral Luna.

Habang tumatakbo ang tren napagalaman na sila ay patungo sa himpilan ni Heneral M.  Ang bagong utos na ito ay hindi lamang dahil sa udyok ni Koronel R. kundi dahil na rin sa nabalitaan ni Heneral Luna na pinaghandaan pala ni Heneral M. ang pagdating ng pulutong ni Komandante H. upang sila ay habatan.  Kung papaano nalaman ito ni Heneral Luna ay isang hiwaga.  Hindi naman binanggit ito ni Komandante H. at wala rin siyang pinagsabihan.  Pagkarating ng tren sa San Fernando, may inilabas ng ganitong utos:

“Komandante, dalhin mo ang mga nakakabayo sa Bacolor, maglagay ng bantay sa bawat ulunan ng mga daan at huwag hayaang makalabas sinuman.  Barilin ng walang pasubali sinumang magtatangkang pumuslit.”

Sinubukang pigilan si Heneral Luna ng kanyang mga kapatid na si Don Jose and Don J (Juan), ngunit sa halip na sila’y pakinggan ikinulong pa sila ng matagal sa isang bagon ng tren  at nilagyan pa ng mga bantay.  Sa Bacolor, tumalaga si Heneral Luna sa kumbento.  Dito, ilang magagandang dalaga ng Krus na Pula ang nakiusap sa kanya, ngunit hindi niya pinakinggan.  Hindi matinag ang heneral.  Pinakiusapan din ni Tenyente Koronel L. ng kagawaran ng hukumang hukbo si Komandante H. na payagan siyang makapasok sa mga harang upang makarating sa Guagua at makiusap kay Heneral M. na sumuko na, para sa kapanakanan ng bayan, ngunit dahil sa mahigpit na utos na inilabas, pinagsabihan siya na ang tangi niyang magagawa ay ipikit ang kanyang mga mata, sapagkat sa sandaling tumuloy siya ay babarilin siya ng mga bantay.

At habang lumalakad ang mga pangyayari isang telegrama ang natanggap mula sa Baliwag, sinasabing ang mga Amerikano ay nagpipilit pumasok sa linya ng Bagbag; at ang ating hukbo ay umuurong, at kailangang-kailangan ang tulong.  Hindi pinaniwalaan ni Heneral Luna ang telegrama na sa kanyang wari ay isang panlilinlang upang hindi niya ituloy ang kanyang gagawin.  Pagdating ng alas dos ng hapon, isa na namang nagbabantang telegrama ang natanggap, at tulad din nang una hindi binigyang halaga ni Heneral Luna at sa halip ay inutos na magmartsa patungo sa Guagua.

Nang nasa bayan na sila ng Betis, ang mga nangungunang mga nakakabayo ay nakapansin ng isang karuwahe na inaalalayan  ng ilang opisyal.  Pinigil ang karuwahe;  ang nakasakay pala ay si Heneral M. at si Tenyente-Koronel L (?) Ang dalawang batalyon na maybaril ay humanay, at itinaas ang bandila; iniharap si Heneral M. sa kanila at sa ganitong lagay ay tinanong siya ni Heneral Luna:

“Heneral M. kinikilala mo ba ang aking kapangyarihan?  Susundin mo ba ang anumang kautusang matatanggap mo mula sa aking himpilan?”  Sumagot si Heneral M. ng Oo.

“O sige”, ang sabi ni Heneral Luna, at inatasan si Komandante H.: “Samahan si Heneral M. sakay sa karuwahe sa kanyang himpilan.”

Dumating sila sa Calumpit na mga alas sais ng hapon nang ang linya ng Bagbag ay napasok na ng mga Amerikano.  Ang tanging maaring dagdagan ng tulong ay ang nayon ng Santa Lucia (Calumpit), na buong lakas na ipinaglaban ni Heneral Luna, ngunit nakubkob pa rin kinabukasan ng lumulusob na kaaway.  Pagkaraan ng dalawang araw, dahil napatahimik ng kaaway ang unang tanggulan, ang mga sundalo ng hukbong Pilipino na buong tapang na lumalaban ay nasupil din sa Rio Grande de Calumpit, at sa pagkatalong ito ay nabuksan sa pagsalakay ng mga Amerikano ang lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija.

<><><>-o-O-o-<><><>


















No comments:

Post a Comment