Wednesday, July 2, 2025

Heneral Gregorio del Pilar — Ang Bayani ng Pasong Tirad

 (Ang sulating ito ay salin ng Mayakda mula Ingles sa artikulong pinamagatang, “General Gregorio del Pilar - The Hero of Tirad Pass,” na matatagpuan sa pahina 243-253 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."   Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


May salu-salungat na mga salaysay ukol sa kung paano nasawi si Heneral Gregorio del Pilar. Ayon sa isang ulat, si Del Pilar ay tinamaan ng punglo sa mukha habang siya’y nakayuko upang pagmasdan ang kilos ng mga Amerikano sa ibaba. Subalit, ayon sa isang ulat na higit na kapani-paniwala, siya'y tinamaan sa batok habang papalayo na sa labanan sakay ng kaniyang kabayo.

Mayroon ding isang alamat na walang matibay na patunay, na nagsasabing isang Igorot na ang pangalan ay Januario Galut ang umakay sa mga sundalong Amerikano sa isang lihim na daanan na nagbigay sa kanila ng magandang tanaw sa kinaroroonan ng barikada na pinangangalagaan nina Del Pilar at ng kaniyang mga tauhan.

Ang ulat ni Ginoong John McCutcheon ang tila nagbigay-linaw sa magkakasalungat na salaysay, sa kaniyang maselang pagpupugay na nalathala sa Chicago Record noong ika-23 ng Disyembre, taong 1899, na umaayon sa salaysay ng Pilipinong mananalaysay na si Carlos Quirino, at itinuturing na mas mapagkakatiwalaang sanggunian.  At narito ang sinabi ni McCutcheon:

Si Heneral Gregorio del Pilar ang huling bumagsak. Sinisikap niyang makatakas mula sa daan at siya'y nasugatan na sa balikat. May isang katutubo na siyang humahawak ng kaniyang kabayo at habang siya’y naghahanda nang sumakay, isang punglong mula sa Krag-Jorgensen ang tumama sa kaniyang batok, at nang tumagos ay lumabas sa ibaba ng kaniyang bibig.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, 349)

Mula sa salaysay na ito, maaaring mapagpasyahan na si Del Pilar ay nakatalikod sa bumaril sa kaniya, at ang paglipad ng punglo ay halos kahanay ng lupa, marahil ay bahagyang pababa, ngunit hindi paakyat—na siyang magiging posisyon kung siya'y nabaril habang nakayuko upang tanawin ang mga Amerikano sa ibaba.

Ang mga ulat ng hukbong Amerikano at ng mga mamamahayag na kanilang kasama ay nagpapakita kung paanong inakyat ng mga Amerikano ang karatig na bundok upang masilayan ang kinalalagyan ng mga Pilipino, na nagbigay sa kanilang mga mamamaril ng mataas na kalagayan upang isa-isang tamaan ang mga tagapagtanggol, kabilang si Del Pilar. Sa mga ulat na ito, walang nabanggit na katutubo o Igorot na ang pangalan ay Januario Galut na di-umano’y nagpakita ng isang lihim na landas na tinahak ng mga sundalong Amerikano.

Ayon sa mga salaysay ng mga Amerikano, si Del Pilar at ang kaniyang mga kawal ay nasa dalawang trintsera sa tuktok ng isang burol. Sa pasimula, sinubukan ng mga Amerikano ang isang harapang paglusob, ngunit sila'y napaurong dahil sa malakas na putok ng mga baril. Kaya't iniutos ng Amerikanong opisyal na si Kumandante Peyton C. March ang pagpapadala ng isang pulutong ng mga sundalo upang akyatin ang matarik na burol sa harapan ng posisyon ni Del Pilar, gamit ang kanilang mga bayoneta o patalim upang makaakyat. Nang marating nila ang rurok ng burol, naging madali na lamang ang pagtutok sa mga Pilipinong nasa trintsera sa tapat ng kanilang kinalalagyan, at isa-isang napatay ang mga kawal na nagtatanggol.


Ang mga pangunahing sanggunian ukol sa huling pagtatanggol ni Del Pilar ay nagmula sa mga Pilipino at Amerikano. Sa panig ng mga Pilipino, ang mga salaysay ay buhat sa mga nakaligtas, gaya nina Telesforo Carrasco at Kabo Feliciano Mateo, at mula sa talaarawan ni Koronel Simeon Villa. Ang mga sekondaryang sanggunian naman ay mula sa mga aklat na isinulat nina Teodoro M. Kalaw, Teodoro Agoncillo, Nick Joaquin, at Carlos Quirino. Sa panig ng mga Amerikano, ang mga ulat ay mula sa mga kasapi ng hukbong Amerikano sa pamumuno ni Kumandante March, na nakipaglaban sa mga Pilipino sa Pasong Tirad, kabilang ang mga ulat ng mga mamamahayag na sina Richard Henry Little at John McCutcheon, na kapwa naroroon mismo sa lugar ng pangyayari.

Isinalaysay ni Kabo Mateo na matapos ang labanan, siya at ang pito pang nakaligtas ay tumuloy sa Benguet, doon nila hinubad ang kanilang mga unipormeng rayadillo at sinimulan ang mahabang paglalakbay pauwi. Kaya't ang kaniyang salaysay ay itinuturing na may bigat. Samantalang ang salaysay ni Carrasco ay hindi kinikilala, sapagkat hindi siya kabilang sa tala ng mga nakaligtas na binanggit ni Kabo Mateo. Maging sa talagunita ni Koronel Villa hindi rin siya binanggit sa itinala noong ika-2 ng Disyembre 1899, bilang isa sa dalawang opisyal na bumalik mula sa Bundok Tila upang iulat ang trahedya.

Samantala, ang mga sekondaryang sanggunian ay malamang na hinango rin mula sa kaparehong ulat ng mga Pilipino at Amerikanong, kaya’t hindi dapat magkakaiba. Alinsunod dito, isang sekondaryang sanggunian lamang ang ginamit sa artikulong ito — ang akda ni Carlos Quirino — upang magbigay ng mas malawak na pananaw sa mga pangyayaring humantong sa labanan.


Narito ang salaysay ni Quirino gaya ng nalathala sa Filipino Heritage, wika nga:

Pagtapos ng tag-ulan ay muling nagpatuloy ang pagsulong ng mga Amerikano. Ang bilang ng mga kawal na Pilipino ay wala nang umabot sa dalawang libo. Ipinag-utos ni Aguinaldo ang paggamit ng gerilyang pakikidigma at ang malalaking yunit ng hukbo ay pinangalat. Upang makaiwas sa pag-iikid ng mga Amerikano, ang mga kawal ay mabilis na lumipat patungong hilaga. Nakatawid sila sa lalawigan ng La Union at tumungo sa Ilocos Sur bago matapos ang buwan ng Nobyembre. Nauna nang narating ni Heneral Young ng hukbong Amerikano ang bayan ng Candon kaya’t lumihis si Aguinaldo patimog-silangan patungo sa kabundukan ng Lepanto, tinawid ang Pasong Tirad upang marating ang maliit na nayong tinatawag na Angake. Nang mapansin ni Del Pilar ang kahalagahan ng Pasong Tirad sa estratehikong pananaw, siya’y boluntaryong nag-alok na bumalik at ipagtanggol ang lugar.

[Tala ng May-akda: Sa talaarawan ni Koronel Simeon Villa noong ika-1 ng Disyembre, 1900, ay mababasa: “Alas sais ng umaga, humiling si Heneral Del Pilar sa kagalang-galang na Pangulo na siya’y payagang dalawin ang mga trintsera sa Bundok Tila.”]

“Sa kaniyang pamamaalam sa hanay ni Aguinaldo, sinabi ni Del Pilar kay Dr. Santiago Barcelona, manggagamot ng Pangulo: ‘Kapag narating ng mga Amerikano ang lugar na ito (Angake), ibig sabihin ay tinahak na nila ang ibabaw ng aking bangkay.’ Halos gayon din ang winika ni Crispulo Aguinaldo sa nakababatang kapatid niyang si Emilio sa Salitran.

“May matinding pangitain si Del Pilar sa bisperas ng labanan. Isinulat niya sa kaniyang talaarawan: ‘Ako'y sumusuko sa mapait na kapalarang darating sa akin at sa aking matatapang na kawal, subalit ako'y nagagalak na mamamatay alang-alang sa iniibig kong bayan.’

“Ang Pasong Tirad ay may taas na 1,300 metro at sa panahon ng tag-ulan, ang ulap ay madalas lumambong sa tuktok nito. Subalit pagsapit ng Disyembre, ang panahon ay maliwanag at malinaw ang tanawin. Sa buwang ito nagbantay sa naturang daan ang animnapung kawal Pilipino na pawang may mga riple. Sila ay inihiwalay mula sa yunit ng Pangulo na bumaba na sa bilang na humigit-kumulang apatnaraan. Nagtayo sila ng mga trintsera mula sa lupa, bato, at punungkahoy sa tatlong antas. Isang batalyon ng kabalyerya sa pamumuno ni Major Peyton C. March ang humahabol kay Aguinaldo, at inaasahan na ni Del Pilar ang kanilang pagdating sa Pasong iyon. Sa kanan ng daan ay isang matarik na bundok na umaabot sa 400 metro ang taas. Sinubukan ng mga Amerikano ang isang harapang paglusob, ngunit nabigo sila. Kaya’t iniutos ni Major March sa isa sa kaniyang mga platon na akyatin ang isang munting gulod na kumakapit sa mukha ng bundok, mga apatnapung metro mula sa tuktok ng Tirad. Ang mga Amerikano ay umakyat nang tuwid gamit lamang ang kanilang mga kamay upang hilahin ang kanilang mga sarili. Umabot sa dalawang oras ang pag-akyat. Samantalang ang mga tagapagtanggol ay walang patid sa kanilang tama at sunod-sunod na putok, sinasabayan ng pagbato ng mga bato sa ulo ng mga umaakyat.

“Mula sa tuktok ng karatig na gulod, ang mga ripleng Krag-Jorgensen ng mga Amerikano ay piniling isa-isa ang mga rebelde—52 sa 60 ay napatay. Ang huling bumagsak ay si Del Pilar. Siya'y nasugatan na sa balikat at paakyat na sa tuktok ng Tirad sakay ng kaniyang kabayo nang tamaan ng punglo ng isang mamamaril sa mukha. Tinakpan niya ang kaniyang mukha habang umaagos ang dugo, saka siya bumagsak nang patalikod, wala nang buhay. Suot niya noon ang isang bagong unipormeng kulay-khaki, may dalang rebolber at kaluban, may pilak na espuelas, bota na balat, at may mga singsing na ginto’t diyamante sa kaniyang mga daliri. ‘Maginoo at maringal siya hanggang sa huling sandali,’ wika ng kaniyang aide-de-camp na si Koronel Vicente Enriquez, isa sa ilang nakaligtas sa labanan.

“Di naglaon, huminto na ang putukan. Ang mga sundalong Amerikano na nakakita sa bangkay ni Del Pilar ay naghanap ng mga alaala at isa-isang inagaw ang kaniyang mga gamit—ang mga singsing, isang lalagyan na may buhok ng isang dalaga, ang kaniyang talaarawan, isang manipis na panyo, ang rebolber at kaluban, ang espuelas, ang bota, at maging ang kaniyang uniporme—iniwan siyang halos hubo’t hubad. Maaaring inalis nila ang lahat ng kaniyang pag-aari sa lupa, ngunit hindi nila naagaw ang kaniyang kadakilaan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Carlos Quirino, “Salin ng Maykda mula Ingles sa Valiant Sacrifice at Tirad Pass,” The Filipino Heritage, Tomo 8, mga pahina 2157–2160)

Ang Bersiyon ng mga Amerikano

Ang pinakapinagkakatiwalaang salaysay hinggil sa labanan sa Pasong Tirad ay matatagpuan sa ulat ni  Kumandante March, ang opisyal ng mga kawal Amerikano na nakasagupa ng mga puwersa ni Heneral Gregorio del Pilar. Narito ang isang sipi mula sa kanyang ulat:

Ang Pasong Tila ay may taas na 4,440 talampakan at ang akyat ay labis na matarik. Paikid at pabigla-bigla ang liku-likong daan paakyat sa kabundukan ng Tila. Gumawa ang mga kaaway ng isang moog na bato na tumatawid sa landas, sa isang bahaging natatanaw ang mga liko ng daan sa malayong agwat. Ang moog na ito ay may mga butas na ukol sa pagpapaputok ng mga kawal, at nagbigay ng pananggalang sa ulo ng mga rebolusyonaryo. Paglampas sa Lingey, napigil ang aming pag-usad dahil sa mabigat na putok na nagmula sa moog, na nakapatay at nakasugat sa ilang tauhan namin, kahit hindi pa rin lumilitaw ang tiyak na kinalalagyan ng kaaway. Aking pinaabante ang natitirang bahagi ng aking hukbo sa agaran at mabilis na lakad, at dalawa sa aking mga tauhan ang nasugatan habang paakyat.

Sa aking pagdating sa lugar, gamit ang aking mga lente, ay aking natiyak ang posisyon ng mga rebolusyonaryo—ang kanilang putok ay pawang mula sa mga Mauser na may usok na hindi nakikita—sa tulong ng isang opisyal ng kaaway na hayagang nagpapakita at siyang umaatas sa pagpapaputok. Sa patuloy naming paglapit, lalong dumami ang tinatamaan sa aking hukbo, kaya’t nahinuha kong hindi maaaring lusubin nang harapan ang kanilang kuta, lalo na’t iisa lamang ang malulusutang daan. Sa kaliwa ng moog ay isang bangin na may ilang daang talampakang lalim; sa kanan naman, ayon sa aming pananaw, ay isang matarik na bundok na may taas na 1,500 talampakan mula sa daan. Sa kabila ng bangin, at sa kaliwang harapan ng moog, ay may isang burol na bagaman hindi maaring gamitin upang paputukan ang moog nang pahalang, ay tanaw naman ang likuran ng daan. Ang burol na ito ay aking pinuwestuhan ng sampung bihasang mamamaril na pinamumunuan ni Sergeant-Major McDougall. Isa sa kanila ang nasugatan sa pag-akyat, subalit nang makarating sa tuktok ay naging malaking tulong sa amin.

Pagdaka'y inutusan ko si Teniente Tompkins, kasama ang kanyang kompanyang H, na bumalik sa likuran ng daan upang akyatin ang bundok sa ilalim ng panangga ng isang munting gulod na sumasalpok sa mukha ng bundok mga 150 talampakan mula sa tuktok. Mula roon ay isang tuwid na akyat pataas, kung saan kinailangan ng mga tauhan niyang gumamit ng mga sanga at sariling kamay upang makaakyat. Dalawang oras ang ginugol sa akyatang ito, samantalang walang patid at tiyak ang putok ng kaaway, na sinabayan pa ng pagbato nila ng malalaking bato mula sa itaas.

Nang sumulpot na sa itaas ang mga tauhan ni Tompkins, kanilang tinutukan ang dalawang trintsera na nasa likuran ng moog, na aking inilalarawan, sa isang matalim na liko ng daan, at kung saan naroroon din ang ilang rebolusyonaryo. Binuksan nila ang putok sa mga iyon, at sabay kong sinalakay ang unang moog at inagaw ang pook mula sa kaaway. Nakita naming may walong bangkay sa daan, at ang mga palumpong sa gilid ng bangin ay may bahid ng dugo at durog-durog, tanda ng mga nasugatang nahulog doon.

Isa sa mga napatay ay si Gregorio del Pilar, ang heneral na pinuno ng mga rebolusyonaryo. Nasa aking pag-iingat ngayon ang kanyang shoulder straps, isang pares ng salaming panlarangan na ginagamit upang sukatin ang layu-layo, mga opisyal at pribadong dokumento, at mga bagay na nagpapakilala sa kanya. Siya ay personal ding nakilala nina Ginoong McCutcheon at Ginoong Keene, dalawang tagapagbalita, na minsang nakasama niya.

Ayon sa ulat ng mga rebolusyonaryo na nakuha ko pagdating sa Cervantes, sila'y nawalan ng 52 katao sa labanan. Sa panig ko, dalawa ang napatay at siyam ang nasugatan. Naabot ko ang tuktok bandang ika-4:30 ng hapon at doon kami nagkampo sa magdamag. Sa lugar na iyon ay may natagpuan kaming maraming bigas, mantika, at iba pang suplay na iniwan ng mga rebolusyonaryo at siyang nagsustento sa aking hukbo. Sa labanang ito, nakasamsam din kami ng ilang ripleng Mauser at maraming bala para rito.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information Society [9.1], mga pahina 57–59

Narito ang ulat ni John T. McCutcheon, tagapagbalita ng Chicago Record, na kasama ng mga kawal ni Kumandante March sa Tirad Pass:

“Si Heneral Gregorio del Pilar ang huling nalagutan ng hininga. Siya’y nagsikap na tumakas paakyat ng landas, at noon ay may tama na sa balikat. Isang katutubo ang siyang humahawak ng kaniyang kabayo, at sa sandaling siya’y naghahanda nang sumakay, isang punglo mula sa Krag-Jorgensen ang tumama sa kaniyang leeg, at sa paglabas nito ay sumabog sa ilalim ng kaniyang bibig. Agad na sumugod paitaas sa landas ang mga kawal ng Kompanyang E, at nahuli ang katutubong pilit kinukuha ang mga kasulatan sa bulsa ng heneral; ilang sandali pa'y nasakote rin ang kabayo.

“Wala pa noong nakakikilala kung sino ang nasawing lalaki, ngunit batay sa kaniyang uniporme at sagisag ay nahinuha nilang isa itong pinunong may mataas na katungkulan. Agad namang kumilos ang mga mangingilak ng alaala at hinubaran ang bangkay ng lahat ng bagay na may halaga—mula sa singsing na diyamante hanggang sa mga bota. Isang pares ng mamahaling field glasses na may kasangkapan para sa pagtaya ng distansya para sa mga riple ay isinuko ng isang kawal kay Kapitan Jenkinson. May tatlong maliliit na gintong kwintas  sa kaniyang leeg—isa’y may larawan ng isang santong may enamel, isa’y pawang pampalamuti lamang, at ang huli’y isang munting Agnus Dei. Siya’y may suot na pilak na espuelas, gintong sintas pangbalikat, at bagong kasuotang khaki na karaniwang isinusuot ng mga matataas na pinunong Pilipino. Wala siyang sandatang tabak. Sa isa sa kaniyang mga bulsa ay natagpuan ang isang gintong salaping $20 Amerikano, na ipinakita pa nga niya sa akin noong siya’y nasa Maynila bilang sugo ng kapayapaan ilang buwan na ang lumipas.

“Nguni’t ang lalong mahalaga at kawili-wiling nasamsam ay ang mga kasulatan sa kaniyang mga bulsa. Marami ang mga ito, at lahat ay ibinigay kay Kumandante March. Ilan ay talaan ng mga kawal, ilan ay mga sulat at tagubilin mula kay Aguinaldo, at isa’y isang tala mula kay Aguinaldo na naihatid ng katutubo kay Del Pilar sa gitna ng labanan. Sa pagsusuri sa katutubo, natagpuan sa loob ng kaniyang sombrero ang resibo ng naturang tala, pinirmahan ni Del Pilar. Marami ring sulat ang nakita—kadalasa’y mula sa kaniyang kasintahang si Dolores Jose na naninirahan sa Dagupan. Isang panyo na may pangalan ni Dolores ay natagpuan din sa kaniyang bulsa. Isa sa mga sulat ay mula sa pangulo ng Lingayen, na naglalaman ng tiyak na bilang ng mga kawal ni March.

“Ang talaarawan ni Del Pilar, na may petsang mula ika-19 ng Nobyembre hanggang sa araw ng kaniyang pagkamatay, ay tunay na pambihira’t kahanga-hanga, sapagkat isinasalaysay nito ang mabagsik na pagtakas niya’t ni Aguinaldo paakyat ng hilagang baybayin. Ang huling mga salitang naisulat niya, na waring katatapos pa lamang bago siya bawian ng buhay, ay puno ng damdamin at nagpapahiwatig ng marangal na likás ng kaniyang pagkatao:

‘Aking pinanghahawakan ang isang mahirap na posisyon laban sa di-mabilang na kalaban, ngunit buong galak akong mamamatay alang-alang sa aking iniibig na bayan.’

“Si Pilar, habang buháy at namumunò, at nagpapabagsak ng mabubuting Amerikano, ay isang bagay; nguni’t si Pilar, nakabulagta sa matahimik na landas sa kabundukan, halos hubad ang katawan, at ang kaniyang batang-mukha, makisig at maamo, ay nanlilimahid sa dugong bumalot sa kaniyang kasuotan at pumuno sa lupa, ay ibang bagay. Di naming naiwasang humanga sa kaniyang kabayanihan, at malungkot para sa kasintahang kaniyang iniwan. Ang kaniyang talaarawan ay inialay sa dalagang iyon, at nalaman ko pagkaraan na sila’y magpapakasal sana sa Dagupan sa loob ng dalawang linggo bago ang trahedya. Ngunit dumating agad ang mga Amerikano. Sa halip na tunog ng kampana ng kasal, ang narinig ay ang hudyat ng kalaban, at siya’y agarang inutusan na samahan si Aguinaldo sa padalus-dalos na pagtakas sa kabundukan. Naantala ang kasal, at kaniyang tinupad ang utos sa paglalakbay pa-hilaga.”

“Si Pilar ay isa sa mga pinakadakilang huwaran ng kawal Pilipino. Siya’y may edad lamang na 23 taon, ngunit nalahukan na niya ang lahat ng labanan sa kaniyang tungkulin bilang brigadier-general. Siya ang namuno sa labanan sa Quingua, sa araw na napatay si Koronel Stotsenberg—isa sa mga pinakamatinding labanan na naganap sa kapuluan. Siya’y isang makisig na binata, at kinikilala bilang isa sa mga Pilipinong tunay na may malasakit sa bayan, na lumaban sapagkat naniniwala silang sila’y nasa panig ng katwiran, at hindi dahil sa pansariling kapakinabangan o hangad na kapangyarihan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information Society[1.7], 61–62) 

At ito naman ang ulat ni Richard Henry Little, tagapagbalita ng digmaan ng Chicago Tribune:

“Nasaksihan ko ang pagkamatay ng pinakabata at pinakamatapang sa mga heneral ng mga Pilipino, habang walang-saysay niyang tinangka na buuin ang loob ng kanyang mga tauhan sa huling pagkakataon upang hadlangan ang pag-usad ng mga Amerikano. Aking nasaksihan ang huling pagsusumikap sa digmaan—ang labang ginawa ng pinakamainam at pinakapiling kawal ng hukbong Pilipino, sa isang desperadong pagtatangka na pigilin ang mga Amerikano hanggang sa makalayo si Aguinaldo.

Dakila ang labang yaon na naganap sa landas na patungo sa liblib na Pasong Tilad, isang Sabado ng umaga, ika-2 ng Disyembre. Ipinagkaloob nito ang karangalan sa batalyon ni  Kumandante Marsh ng Ika-tatlumpu’t tatlong Boluntaryong Kawal ng Hukbong Amerikano, na siyang nagwagi. Subalit hindi nito inilugmok ang karangalan ng munting pangkat ng animnapung kawal Pilipino na nakipaglaban at nagbuwis ng buhay sa pook na iyon. Animnapu ang ipinadala ni Aguinaldo upang humarang sa pasong yaon sa umagang iyon. Pito lamang ang bumalik pagsapit ng gabi upang iulat sa kaniya na sila’y nabigo. Limampu’t tatlo ang napatay o nasugatan.

At sa hulihan ng mga umurong, natagpuan namin ang bangkay ng batang heneral na si Gregorio del Pilar. Nasaksihan namin siyang nagbubunyi at umaalalay sa kanyang mga tauhan sa gitna ng labanan. Isa sa aming mga kompanya, na nakadapa sa paanan ng bangin malapit sa unang kinatayuang trintsera, ay patuloy na nakarinig ng kanyang tinig habang hinihimok ang kanyang mga tauhan—pinupuri, sinisigawan, minumura, minamahik, at sa isa pang sandali’y tinatakot pang siya mismo ang papatay sa kanila kung sila’y uurong. Nang mapilitang lisanin ang unang trintsera, siya’y unti-unting umurong sa ikalawa, sa harap ng aming mga mamamaril at sa ilalim ng masinsing putok. Hindi siya umurong mula sa ikalawang trintsera hanggang ang lahat ng tao sa kanyang paligid ay nalugmok. Noon lamang niya pinaharurot ang kanyang puting kabayo paakyat sa paikid na daan.

Mula sa aming kinatatayuan sa ibaba, nasaksihan namin ang isang kawal Amerikano na gumapang patungo sa ibabaw ng isang batong patag at doon ay unti-unting itinutok ang kanyang riple sa nakasakay na Pilipinong heneral. Napigil ang aming hininga—hindi namin alam kung kami ba’y dapat manalangin na siya’y tamaan o hindi. At dumagundong ang isang maikling putok mula sa ripleng Krag, at ang lalaki sa puting kabayo ay gumulong sa lupa. Nang marating ng aming hukbo ang bangkay, ang batang heneral ng mga Pilipino ay wala nang buhay.

Nagpatuloy kami paakyat ng bundok. Matapos maitaboy ng Kompanyang H ang mga rebolusyonaryo mula sa kanilang ikalawang posisyon at mapatay si Del Pilar, ang iba pang mga kompanya ay dali-daling sumugod paakyat sa daan, at hindi huminto hangga’t hindi narating ang ulap, at wala nang kaaway na masinagan. Habang paakyat kami sa landas, nadaanan namin ang mga bangkay ng mga kawal Pilipino—sampu ang aming nabilang. Ang ilan ay tinamaan nang ilang ulit. Nasundan namin ang mga bakas ng dugo patungo sa gilid ng mga bangin kung saan ang mga sugatan ay waring tumalon o nahulog. Nadaanan din namin ang ikalawang trintsera na matatagpuan sa mataas na bahagi ng daan—ito ay yari sa mabibigat na bato na sinapinan ng lupa. Ilang daang hakbang mula roon, may isang bangkay na nag-iisa sa gitna ng daan. Halos hubo’t hubad ang katawan, at wala nang natirang palatandaan ng ranggo sa kanyang damit na tinagpas ng dugo. Subalit ang mukha ng patay ay may anyong hindi ko pa nakita kailanman sa iba pang napatay na rebolusyonaryo—ang anyo’y maringal, ang noo’y mataas at maayos ang hubog. Napagpasyahan kong isa itong opisyal. Isang kawal ang bumaba sa landas.

“‘Si Matandang Pilar 'yan,’ aniya. ‘Nakuha namin ang hambog. Siguro’y nagsisisi na siyang hinarap ang ika-tatlumpu’t tatlo.’

“‘Wala nang duda, siya nga si Pilar,’ patuloy ng kabataang kawal. ‘Nasa amin ang kanyang talaarawan, mga sulat, at lahat ng kanyang papeles. Si Sullivan sa aming kompanya ay nakuha ang kanyang pantalon, si Snider naman ang sapatos, ngunit hindi niya maisuot sapagkat masikip. May isang sarhento sa Kompanyang G na nakakuha ng isang pilak niyang espuelas, at ang isa nama’y kinuha ng isang tenyente. May nagnakaw na rin ng kanyang butones sa manggqs bago ako dumating—kung hindi, akin na sana. Ang nakuha ko na lamang ay isang butones at ang kanyang kuwelyo na may dugo.’

“Ito ang wakas ni Gregorio del Pilar. Dalawampu’t dalawang taon pa lamang, ngunit napatunayan niya sa kanyang kabataan na siya’y isang pinuno. At sa huli, inalay niya ang kanyang buhay para sa paniniwala. Nasa pag-iingat ni Major Marsh ang kanyang talaarawan. At sa pahina para sa ika-2 ng Disyembre, ang araw ng kanyang kamatayan, kanyang isinulat:

‘Ipinagkaloob sa akin ng Heneral ang pinakapiling mga tauhang maaaring mahugot, at iniutos sa akin na ipagtanggol ang pasong ito. Batid kong ito’y isang napakabigat na tungkulin. Ngunit dama kong ito rin ang pinakamarilag na sandali ng aking buhay. Ang aking ginagawa ay para sa minamahal kong bayan. Walang sakripisyong masyadong dakila para dito.’

“May isang kawal na nakaupo sa tabi ng apoy sa kampo at ipinamamalas ang isang panyo. ‘Kay Matandang Pilar ito,’ aniya. ‘May nakasulat sa sulok na “Dolores Hosea.” Siguro'y siya ang kanyang irog. Wala na si Gregorio.’

“‘Basta’t,’ wika ni Private Sullivan, ‘nasa akin ang kanyang pantalon. Hindi na niya ito kailangan.’

“Ang lalaking may hawak ng sapatos ng heneral ay dumaan na may pagmamalaki at mariing tumanggi sa alok na isang dolyar ng Mehiko at sapatos ng isang kawal na rebolusyonaryo. Ang isang kawal na nakaupo sa isang bato ay tinitingnan ang isang gintong loket na may hibla ng buhok ng isang babae. ‘Kinuha ko ito sa kanyang leeg,’ wika ng kawal. * * *

“Nang magsimulang umakyat ang pangunahing hanay ng aming hukbo sa tuktok ng bundok, may isang liko sa daan na muling nagbigay sa amin ng tanaw sa bangkay ng heneral ng mga rebolusyonaryo. Hindi siya nailibing. Wala man lang kumot o poncho na itinabon sa kanya.

“Isang uwak ang nakadapo sa kanyang mga paa. Isa pa’y nasa kanyang ulo. Bumaba ang ulap sa aming paligid. Hindi na namin siya muling nasilayan.

“Wala kaming inukit na titik, at wala kaming itinayong batong alaala. Ngunit iniwan namin siyang nag-iisa sa kanyang kadakilaan.

“At nang dumaan si Private Sullivan suot ang kanyang pantalon, si Snider na dala ang kanyang sapatos, ang isa pang kawal na may butones ng manggas, ang sarhento na may isang espuelas, ang tenyente na may isa pa, ang may hawak ng kanyang panyo, at ang iba pang may bitbit ng kanyang mga palatandaan—biglang pumasok sa aking isip na ang natitira na lamang sa kanya ay ang kanyang karangalan.” (Salin ng Mayakda mula Inlges sa Van Meter, pahina 344–348

Mula sa aklat ni H.H. Van Meter hinggil sa naging kalagayan ng bangkay ni Heneral Gregorio del Pilar, kasama na rin ang ulat sa kalauna’y paglilibing sa kaniya:

"New York, Ika-15 ng Marso. — Isinulat ng isang tagapag-ulat ng Evening Post, na nagpadala ng liham mula sa Maynila na may petsang Ika-2 ng Pebrero, ang mga sumusunod: Nang matagpuan ang bangkay ni Gregorio del Pilar, hinubaran ito ng mga kawal Amerikano ng lahat ng kasuotan. Kinuha maging ang mga singsing sa daliri at isang locket sa leeg. Wala ni isang hibla ng saplot ang naiwan sa kaniyang katawan; lahat ay inangkin bilang mga alaala. Sa loob ng dalawang araw ay iniwang nakahandusay sa gilid ng daan ang bangkay, hindi inilibing, hanggang sa ito’y bumaho na at naging kasuklam-suklam ang amoy, saka lamang inutusan ang ilang mga Igorot na tabunan ito ng lupa. Kabilang sa mga kinuha ay ang kaniyang relo, salapi, gintong singsing, at singsing na may diyamante."

"...Ang ating mga bayaning Amerikano ay hindi nakuntento sa 'pagnanakaw ng salapi mula sa mata ng isang bangkay,' kundi hinubaran pa ito ng lahat ng saplot at iniwang walang habas sa gitna ng daan na walang libing ni dangal. Datapuwa’t kung ito’y isang kinapopootang Briton, ang matatapang na Bóer ng Timog Aprika sana’y naglibing sa kaniya na may pag-awit ng mga salmo, panalangin, at karangalan bilang kawal." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, p. 348)

Ayon sa ibang salaysay, ang mga labi ni Heneral Del Pilar ay sa dakong huli ay inilibing ng isang kawal Amerikano, si Tenyente D. P. Quinlan, at naglagay ng panandang-bato na may nakasulat na mga katagang ito:

"GENERAL GREGORIO DEL PILAR
KILLED AT THE BATTLE OF TILA PASS
DECEMBER 2, 1899
COMMANDING AGUINALDO’S REAR GUARD
AN OFFICER AND A GENTLEMAN" 
(Blount, p. 249)

 Sa wikang Pilipino:

"HENERAL GREGORIO DEL PILAR                                                                    NAPATAY SA LABANAN SA LAGUSAN NG TILA                                                          IKA-2 NG DISIEMBRE, 1899                                                                                  NAMUNO SA TANOD-BANTAY SA LIKURAN NI AGUINALDO                          ISANG PINUNO AT ISANG GINOO"
(Nilagdaan ni D. P. Quinlan, Ikalawang Tenyente, Ika-11 Kabalyerya)

 

<><><>-o-O-o-<><><> 



No comments:

Post a Comment