Sunday, January 23, 2022

Pebrero 4, 1899 - Araw ng Pagputok ng Digmaang Pilipino-Amerikano

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Who Started the Filipino-American War,” na matatagpuan sa pahina 183-200 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Ang itinuturo sa mga paaralan sa salinlahing Pilipino ng tungkol sa pagsimula ng digmaang Pilipino-Amerikano ay ganito: noong gabi ng ika-4 ng Pebrero 1899 isang Tenyenteng Pilipino at tatlong tauhan umano'y hindi huminto at patuloy na bumagtas sa guhit-hangganang na sakop ng mga Amerikano at sila ay binaril at napatay ng bantay na nangangalang Grayson.

Subalit isang kasulatan ang nagsasaad naman ng kakaibang salaysay, kabaligtaran ng pangyayaring isinasalaysay ng mga Amerikano.  Ayon kay Felipe Buencamino, dating nanungkulan sa pamahalaan ni Pangulong Aguinaldo, sa kanyang pahayag sa Senado ng Estados Unidos, sinabi niyang isang patrolya ng hukbong Amerikano ang tumawid sa guhit-hangganang na kanilang sakop at pinaputukan ang mga kawal Pilipino, at ang sumunod na palitan ng putok ay lumawig sa haba ng labinlimang kilometro.  Sa labanang ito tatlong libong kawal Pilipino ang nasawi sa unang araw ng putukan. (Blount, 193)

Sinamantala ni Pangulong William McKinley ng Estados Unidos ang pangyayaring ito upang palabasing si Aguinaldo ang nagsimula ng karahasan, nakumbinse ang Senado ng Amerika na ratipikahan ang Kasunduang Paris na nagbigay ng kapahintulutan sa hukbong Amerikano na gawin ang nararapat na hakbang upang masakop ang Pilipinas.  Ang sumunod na mga pangyayari ay nabaon na sa kasaysayan – ang 30,000 lakas ng hukbong Pilipino ay winasak ng mga Amerikano; ang mga bayan-bayang pinamamahalaan ng nagsasariling pamahalaang republikang Pilipino ay inagaw ng mga Amerikano, at ang mga tutol na mamamayan ay sapilitang itinalaga sa paghahari ng mga Amerikano

Salaysay ng Pangyayari

Ang pampaaralan (o Amerikanong) salaysay ng pangyayarai noong ika-4 ng Pebrero 1899 na itinuturo sa mga paaralan ay ganito ang sinasabi:

Noong gabi ng ika-4 ng Pebrero, ang kawal Amerikanong nangangalang Grayson ng Nebraska Volunteers, ay nakatayo at nagbabantay sa kabilang dulo ng tulay;  walang liwanag ang buwan, at masyadong madilim, nang siyang pagbungad ng isang Tenyenteng Pilipino at tatlong niyang tauhan, may armas at patuloy lumalapit patungo sa kanya.  Bilang pagtugon sa kautusan ng namamahala sa pagbabantay, sumigaw siya ng “Tigil”.  Subalit hindi pinansin ang kanyang utos, at parang nanunubok na patuloy ang paglapit.  Inulit ni Grayson ang sigaw ng “Tigil”.  Ang pangalawang sigaw ay hindi rin pinansin.  Ngunit lalong bumilis ang paglapit ng mga Pilipino.  Kaya nagpaputok siya at napatay ang Tenyenteng Pilipino.” (Isinatagalog mula sa Coursey, 72-73)


Ang salaysay naman sa panig ng mga Pilipino na hanggang sa ngayon ay hindi pa naisusulat sa mga aklat pampaaralan ay narito:

“Noong gabi ng ika-4 ng Pebrero ang bayan ng Santa Ana at San Juan del Monte ay nasa ilalim ng panunungkulan ni Heneral Ricarte at Koronel San Miguel.  Sa araw na ito ang dalawang pinuno ay umalis at nagtungo sa isang sayawan, at inihabilin ang kanilang tungkulin sa pangangalaga ng isang Kumandante nangangalang Gray [Fernando E Grey Y Fomentos - Mayakda], dalawampu’t anim na taong gulang, may kabataan at halos walang karanasan, upang pamunuan ang 1,800 sundalo.  Nakatalaga sila sa kahabaan ng silangang Maynila at kalahating milya ang layo sa hukbong Amerikano.  Kinuha namin ang pahayag ng Kumandanteng ito, at ayon sa kanya ay nang ika-9 ng gabi ang sarhento ng mga bantay ay dumating sa kanya at sinabing mayroong mga kawal Amerikano na nais tumawid sa kanilang hangganan na hindi pinayagan ng mga bantay na kawal Pilipino.  Sa oras na ito, isang putok ang umalingawngaw, at hindi niya masabi kung saan galing ang putok kung sa Amerikano ba o sa kanyang mga tauhan, kaya siya ay nagmamadaling nagtungo sa pinanggalingan ng putok at tumambad sa kanya ang mga kawal Amerikano na akmang mamamaril, kaya inutos niya ang magpaputok.  Ganito nagsimula ang digmaan.” (Isinatagalog mula sa Buencamino, 3)

Ang nabanggit na salaysay ni Buencamino ay sinipi sa kasulatan ng Senado ng Estados Unidos tungkol sa usaping Pilipinas at maituturing na siyang opisyal na salaysay sa panig ng mga Pilipino ng mga  pangyayari noong Ika-4 ng Pebrero 1899.

Ang salaysay na ito ni Kumandante Grey ay sinigundahan ni Serapio Narvaez, ang pinuno ng Kolumna ng Batalyon ng Morong sa kanyang ulat na ipinadala  sa komisyong pinanguluhan ni Heneral Mariano Trias na naatasang siyasatin ang pagsimula ng digmaan.  Narito ang nasabing ulat:

“Kahapon, mga alas-nueve ng gabi, habang si Korporal Anastacio Felix ng ika-4 na kompanya,  at dalawang sundalo ay nakatalaga sa pintuan ng Moog blg. 7, pinaputukan sila ng dalawang Amerikanong tanod na dumaraan sa nayong Santol, malapit sa moog.  Hindi nila sinagot ang putok, ngunit ilan pang mga sundalong Amerikano ang nagpaputok sa moog pati na rin sa Moog blg. 6.  Sa maselang kalagayang na ito nagpaputok na rin ang mga Pilipino hanggang maitaboy ang mga Amerikano…” (Isinatagalog mula sa Legarda, 43 at mababasa rin sa Taylor, v4:540-541)

Ang ulat ni Korporal Felix ay pinangalawahan ni Komandante Grey ng Ikatlong Sona na siyang namahala sa iniwang pamunuan ni Koronel Luciano San Miguel.  Ayon kay Grey, tumelegrama siya ng ganito: “Kapitan-Kaakbay Grey sa Departamento ng Giyera, San Juan del Monte, ika-4 ng Pebrero 1899, 9:58 p.m. – Sa ganap na ikasiyam ng gabi, nagpaputok ang mga Amerikano.  Sumagot ang ating sundalo.  Lahat ay tumalaga sa kanilang pwesto at hindi natakot.  Hinihintay ko ang inyong utos.” at saka ipinagpatuloy ang pagsasalaysay ng mga pangyayari.  Ito ang dagdag niyang salaysay:

…unang nagpaputok ang mga bantay Amerikano na nakatalaga sa nayong Santol sakop ng Sampaloc, sa ilalaim ng ikatlong Sona ng Maynila; at sa ulat ng ating namumuno sa mga nagbabantay sa Moog blg. 7,  nang ang dalawang bantay nating sundalo ay naglalakad patungo sa Moog blg. 6, upang makaugnay ang mga bantay doon, na siyang palaging ginagawa, upang makipagalaman sa anumang pangyayari nagaganap sa hangganan ng sakop ng mga Amerikano at ng sakop ng ating Republikang pamahalaan, napansing mas malapit na ang ilang mga Amerikano kaysa dati, at nang ang nasabing mga Amerikano ay nakaabot sa tapat ng ating mga bantay, pinaputukan nila ang ating mga tauhan na tumigil at hindi tumuloy sa Moog Blg. 6, at sa halip ay nagbalik sa kanilang pwesto sa Moog Blg. 7 upang ibalita ang nangyari sa kanila.   Hindi pa man sila nakakabalik sa kanilang pwesto, muli silang pinaputukan. At napansin din nila na mula sa tulay ng Balsa nanggagaling ang putok na kapareho ang tunog; sa pakiwari nila ay galing din sa kaaway.  Nais ko ring ipaalam na sa aking palagay may pakana ang mga Amerikano na lumusob  dahilan sa ang kanilang mga tolda sa Santa Mesa ay walang ilaw,  na dati-rati’y laging maliwanag.”  (Isinatagalog mula sa Taylor, v4:559-560)

Marahil, dahilan sa mga katunayang hawak ng Pambansang Lupon ng Kasaysayan (National Historical Institute (NHI)), ang palatandaan na nakakabit sa tulay ng San Juan ay inilipat sa kanto ng daang Sociego at Silencio sa Santa Mesa, Maynila, patunay na dito nga nangyari ang unang putok ng digmaan at hindi sa tulay ng San Juan, tulad ng salaysay ng mga Amerikano.

Amerikano ang Lumusob

Sa panig ng Amerikano, ang mga Pilipino ang lumusob dahil tuloy-tuloy pa rin ang paglapit sa kanila ng sundalong Pilipino kahit sila’y nagbabala na huwag tumuloy.  Sa panig naman ng Pilipino, ang lumusob ay mga Amerikano dahil tumawid sila sa hangganan ng kanilang sakop na hindi pinayagan ng mga Pilipino.

Ang pagtawid ng mga Amerikano sa lupaing sakop ng Pilipino ay nabanggit din ni Charles E. Russell, isang bantog na manguulat at sinabing ang mga Amerikano ang talagang lumabag sa guhit-hangganan.  Narito ang sabi niya:

Noong ika-4 ng Pebrero, pagkatapos na iusod ng Amerikano ang kanilang sakop ng isang milya na umabot hanggang sa sakop ng mga Pilipino, bumaba ang utos na iusod pa lalo.  Ang pinunong Pilipino ng lugar na iyon ay nagreklamo.  Isinumbong sa namumunong Amerikanong si Koronel Stotsenburg, ng grupong Nebraska.  Ang sagot, lalo pang dinagdagan ang pagsaklaw sa teritoryo ng Pilipino."  (Isinatagalog mula sa Russell, 92)

Ang Amerikanong sundalong si Grayson, na siyang unang nagpaputok, sa isang sulat na binanggit ni Senador Pettigrew ng Estados Unidos, ay nagpahayag na ang “ang katigasan ng ulo ng mg pinunong Amerikano na saklawin ang teritoryong Pilipino ang siyang na dahilan ng putok na iyan.” (Isinatagalog mula sa Pettigrew, 270)  Ang pahayag ni Grayson ay sumasalungat sa salaysay ng mga Amerikano at pinapatunayang ang mga Amerikano ay tunay na tumawid sa hangganan patungo sa teritoryo ng mga Pilipino at nagpaputok, na siyang pinagmulan ng digmaan.

Malabong Kampihan

Bakit kaya nagpasyang digmain ng mga Amerikano ang Pilipino gayong itinuring silang kakampi ng laban sa mga Kastila?  May balak kasi si Pangulong McKinley ng Estados Unidos na sakupin ang Pilipinas at gawing itong isang sakupbayan ng Amerika.  Subalit ang tatlongpung libong hukbong Republikanong Pilipino ay nakaharang at sagabal sa kanyang balak.  Kaya kinailangang magkaroon ng digmaan na sisimulan mismo ng mga Pilipino upang maging makatwiran ang paggamit ang lakas laban sa hukbong Pilipino.  Maingat si McKinley sa paggamit ng lakas dahil ayaw niyang makilala siyang isang mananakop sa halip na isang matulungin sa sangkatauhan.  Ginamit niya ang pangyayari noong ika-4 ng Pebrero upang hatakin ang mga Pilipino sa isang digmaan, ibunton sa kanila ang sisi, at makamit niya ang pangarap na ilagay ang Pilipinas sa mapa ng Estados Unidos.

Hindi agadang nahalata ni Aguinaldo ang balakin ni McKinley nang siya ay lapitan ni Spencer Pratt, ang Amerikanong Konsul sa Singapore noong ika-24 ng Abril 1898.  Nahimok si Aguinaldo na makipagtulungan kay Almirante Dewey sa pangakong ang kalayaan ng Pilipinas ay igagalang ng Amerikano.  Nakaalis na si Dewey patungong Maynila nang siya ay balitaan tungkol sa pakikipagtulungan kay Aguinaldo, gayon pa man ay pumayag si Dewey sa ginawang kasunduan ni Konsul Pratt.

Pagkatapos wasakin ni Dewey ang armada ng mga Kastila noong ika-1 ng Mayo, 1898, nahawakan niya ang look at daungan ng Maynila, pati na ang armasan ng Kabite na isinuko ng mga marinong Kastila kay Dewey.  Subalit patuloy pa ring nagwawagayway ang watawat ng mga Kastila sa Lungsod.  Kinakailangan ni Dewey ng hukbong panglupa upang tuluyang mapuksa ang hukbong Kastila.  Dito niya magagamit si Aguinaldo.  Si Gng. Wildman, ang Amerikanong Konsul sa Hongkong ang nagayos ng pagbabalik sa Pilipinas ni Aguinaldo at labing tatlong kasamahan, at may pahabol-salita pa si Wildman na ang Estados Unidos ay nakikialam sa Pilipinas kahalintulad sa ginawa nilang pagpapalaya sa mga Kubano sa kapangyarihan ng mga Kastila.

Noong ika-19 ng Mayo 1898, nakarating si Aguinaldo sa Kabite lulan sa isang barkong pandigma ng Amerikano, ang McCullough.  Pagkatapos paasahin na walang balak angkinin ng Estados Unidos ang kapuluan o alinlangang kikilalanin ang kasarinlan ng Pilipinas, tuluyang nagpasya si Aguinaldo na simulan ang paghihimagsik laban sa mga Kastila.  Nagpalabas siya ng tatlong pahayag noong ika-24 ng Mayo, 1898, upang ipaliwanag ang dahilan ng kanyang pagbabalik, ang pakay ng mga Amerikano na tumulong sa mga Pilipino, at ang pagsulong ng bagong himagsikan.   Kumalat na parang walang ampat na sunog ang kanyang panawagan at ang dating mga pinuno ng nakaraang himagsikan ay dagling tumugon at nagsidatingan.  Ang mga ambag na salapi, pagkain at kagamitan at ang mga taong nais magpalista bilang kawal ng bagong hukbo ay parang bahang umagos sa himpilan ni Aguinaldo sa Kabite. Sa loob ng madaling panahon ay naikama ni Aguinaldo ang isang malaking hukbong pangkati at pangdagat.

Ang mga unang armas na nalikom ng hukbo ni Aguinaldo ay 200 ripleng Mauser at ilang kanyon na galing sa armasan ng Kabite na isinuko ng mga Kastila kay Dewey.  Ang mga bagong armas mula sa ibayong dagat  na inangkat sa tulong ng Amerikanong Konsul Wildman na bumibilang sa 3,000 ripleng Remington at mga bala ay dumating na rin.  Ang mga inangkat na armas na ito ay binayaran mula sa pondo galing sa Kasunduang Biak-na-bato na itinalaga ni Aguinaldo upang gamitin sa himagsikan kung sakaling hindi tumupad ang mga Kastila sa napagkasunduang tigil-putukan.  Ang iba pang armas ay galing sa mga napasukong kawal at mga naukupahang himpilang Kastila, at dagdag pa ang padala ng grupo ng Pilipinong nasa Hongkong na kung tawagin ay Comite Central Filipino na siyang naging mga propagandista .  Pinagtahi din ang mga sundalo ng bihis-kawal mula sa inangkat na guhitang telang azul.

Ang mga taga Bisaya na naglilingkod sa hukbong Kastila, lalo na ang kasapi sa ika-74 rehimiyento at isa pang grupo ay kumalas sa kanilang tungkulin at nakiisa sa mga manghihimagsik.  Ang mga milisya na binuo ng mga Kastila upang humarap sa mga Amerikano na pinamunuan ng dating Heneral ng himagsikan si Pio del Pilar, ay kumalas din at sumama kay Aguinaldo.  Ang malaking dagdag na ito ay nagpataas sa antas ng katatagang-loob at kalidad ng hukbong Pilipino.  Naitaya ni Dewey na mayroong 25,000 sundalo si Aguinaldo, at magagawa niyang dagdagan pa ng mas marami danga’t napipigil lamang ng kakulangan sa armas. (Blount, 23)

Sa loob lamang ng ilang araw, lahat ng himpilan ng Kastila sa lalawigan ng Kabite at mga karatig ay mabilis na naagaw at ang mga ipinadalang mga sundalong Pilipino sa iba't ibang lugar sa Luzon, Mindoro, Palawan, Batanes, Samar, Leyte, Cebu, sa lalawigan ng Iloilo, Antique, Cagayanes, Zamboanga ay nakuhang iwagayway ang  watawat ng Pilipinas sa lalawigang mga napalaya na.  Bago matapos ang buwan ng Hunyo, 1898, nagapi ni Aguinaldo ang hukbong Kastila at may 9,000 katao siyang nabihag, ipinahayag ang Kalayaan ng Pilipinas, nagtayo ng isang pamahalaan, at pinaligiran ang lungsod ng Maynila.  Ang tagumpay ni Aguinaldo ay hindi nalingid kay Dewey na nagbalita sa Washington ng kanyang papuri kay Aguinaldo.  Ngunit nang ipaalam sa kanya ni Aguinaldo ang balak na lusubin ang lungsod, nagpayo si Dewey na hintayin ang padating ng mga sundalong Amerikano, at pumayag naman ni Aguinaldo.

Pagbabalewala ng Kampihan

Habang ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang kanilang tagumpay, sa darating naman ang mga sundalong Amerikano na umabot ang bilang sa 20,000 tauhan bago magtapos ang buwan ng Agosto.  Ilang naghihinalang mga heneral na Pilpino ang naguusisa bakit nagdadatingan pa ang mga sundalong Amerikano gayong gapi na ang mga Kastila.  Hindi binigyang halaga ni Aguinaldo ang mga hinalang ito at hindi niya inakalang gagamitin ang mga dumating na sundalong Amerikano laban sa kanya.  Patuloy ang tiwala ni Aguinaldo sa mga Amerikano:  Una, anumang pangangailan ng Amerikano tulad ng kabayo, kalabaw at baka, kariton, mga pagkain ay ipinauubaya sa kanila.  Pangalawa, ang mga trentseriya na itinayo ng mga Pilipino upang magamit sa paglusob sa Maynila ay binitawan at ibinigay sa bagong dating na hukbong Amerikano.  Sa ganitong kaayusan, napabuti ang pwesto ng mga Amerikano dahil nalagay sila sa pagitan ng hukbong Pilipino at ng mga nagtatanggol na sundalong Kastila sa loob ng Intramuros.

Hindi inakala ni Aguinaldo na siya pala ay ginagamit lamang ng mga Amerikano.  Isang Amerikanong manunulat ang naglarawan ng di magandang pagtrato ng Amerikano kay Aguinaldo.  Narito ang sabi niya:

’Laruin si Aguinaldo tulad ng isang pasusuhin! Talian siya hanggang sa makubkob ang Maynila. Huwag siyang bigyan kahit ano, sa halip ay iharap ang baril Gatling.’  Ito ay mawawari sa nga nakusot at tinuldukang mga telegrapiya na bumubuo ng talaang Doc 62 at Mensahe at kasulatan, Aklat 3 at 4 [ng Senado ng Estados Unidos – Mayakda].  Lumalabas sa mga kasulatang ito na si Aguinaldo at mga manghihimagsik ay itinuring na kakampi na gagamitin ng mga pinuno ng ating pamahalaan hanggang sa makubkob ang Maynila na may pahintulot ni Pangulong McKinley, kahit naipaalam sa kanya na sila ay nakikipaglaban upang makamit ang kalayaan at inaasahan nila ang pagkilala ng Estados Unidos sa kanilang ipinaglalaban.” (Isinatagalog mula sa Thomas, 87)

Ang patraydor na pagtrato kay Aguinaldo ng mga pinuno ng hukbong Amerikano ay naipahayag ni Koronel James Russell Codman ng angkang iginagalang sa New England.  Ito ang sabi niya:

Hindi maitatanggi dahil pinagtitibayan ng mga katunayan na mababasa ng sinumang nais makaalam na ang tulong ni Aguinaldo sa pakikidigma sa mga Kastila ay ipinakiusap ng mga pinuno ng Estados Unidos; na siya at kanyang kasamahan ay itinuring na kakampi ng mga pinuno ng ating militar; na hanggang sa makubkob ang Maynila kung saan sila ay tumulong, pinaasa sila na ang kalayaan ng kapuluan ay kikilalanin ng pamahalaang Amerikano; at nang mapalakas na ang hukbong Amerikano sa kapuluan – na sa palagay – ay masasakop na ang mga mamayan, ang maskara ay itinapon.  Ang kalayaan ay ipinagkait sa kanila, at ang balakin ng pangulo na sakupin at ipalaganap ang kapangyarihan ng Estados Unidos sa kapuluan ay tahasang ipinahayag.  Nang ang mga Pilipino ay lumaban at nagarmas laban sa dayuhan ay di dapat pagtakhan dahil ito rin ang gagawin natin kung sa atin ito nangyari.”  (Isinatagalog mula sa Codman, 1)

Si Heneral Wesley Merritt, ang pinakamataas na pinuno ng hukbong Amerikano, ay ipinatupad ang kautusan galing sa Washington na sa paglusob sa Maynila sa ika-13 ng Agosto, hindi papayagang makapasok ang mga Pilipino sa Maynila o makipagkasundo kay Aguinaldo.  Ang mga Kastila naman ay lihim na nakipagayos sa mga Amerikano, sa tulong ng Belhikang Konsul, si Ginoong Andre, na sila ay susuko ngunit pangungunahan muna ng isang  kunwari’y labanan na may palitan din ng putok upang hindi malagay sa kahihiyan ang karangalan ng hukbong Kastila at ng tronong Espanya.  Ang mga Pilipino na di binigyang pansin sa usapan ng pagsuko ay nagsilusob  mula sa apat na dako.  Ang kolumna ni Heneral Pio del Pilar ay kinubkob ang Sampaloc; ang kay Heneral Gregorio del Pilar, nakuha ang Tondo, Pritil at Azcarraga [ngayo’y Avenida Claro M. Recto]; si Heneral Noriel naman ay nakuha ang Singalong at Paco; si Heneral Ricate, nakuha ang Santa Ana, at hinabol niya ang mga Kastila hanggang sa makarating sa Intramuros. (Aguinaldo, 39)

Nang akmang papasok ang mga Pilipino sa Intramuros, hinarang sila ng mga sundalong Amerikano.  Uminit ang kalagayan na muntik nang humantong sa isang madugong labanan na napigilan lamang  nina Heneral Anderson ng Estados Unidos at Heneral Noriel at Ricarte sa panig ng mga Pilipino.  Tumelgrama si Heneral Anderson kay Aguinaldo sa Bacoor at ipinakiusap na utusang lumisan ang hukbong Pilipino sa Intramuros upang maiwasan ang kaguluhan na ibinigay naman ni Aguinaldo ang utos.  Nagsimulang lumisan ang mga Pilipino kahit ang ilang Heneral ay atubili at sa kanilang tingin ay panahon na upang kalabanin ang mga Amerikano, ngunit si Aguinaldo ay naging mahinahon at hindi naguyong makipagdigma.  Patuloy pa rin ang pagasa niya na ang mga pangako ni Konsul Pratt, Konsul Wildman, at ni Dewey ay kikilalanin ng pangasiwaan ni pangulong McKinley, kundi man ay ng kongreso ng Estados Unidos.  At sa pagsuko ng mga Kastila ang lupaing hawak ng Amerikano ay dagliang lumaki.

Si Heneral Elwell S. Otis na pumalit kay Heneral Merritt noong ika-21 ng Agosto 1898 ay gayon din ang ginawa kay Aguinaldo – tratuhin ng di mabuti.  Hiniling ni Otis na umalis ang hukbong Pilipino sa lungsod at karatig pook sa labas ng guhit-hangganan ayon sa mapa na ipinakita  ni Otis kay Aguinaldo.  Ayon kay Otis ang Kapayapaang Protokol ng nilagdaan noong ika-12 ng Agosto 1898 sa Washington D.C. sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos ay nagbigay ng kapangyarihan sa Amerika na hawakan ang look, daungan at lungsod ng Maynila.  Tinutulan ni Aguinaldo ang pagsama sa ilang kanayunan at humingi siya kay Otis ng kasulatan na ang dating lugar na kinatatayuan ng hukbong Pilipino ay ibabalik sa kanila kung sakaling lumisan ang Amerika at iwan ang Pilipinas sa Espanya.  Subalit hindi pinagbigyan ni Otis si Aguinaldo.

Nang hindi kumikilos ang hukbong Pilipino sa kautusan umalis sa lungsod, binalaan ni Otis noong ika-13 ng Septyembre na siya’y gagamit ng lakas.  Bumigay si Aguinaldo noong ika-15 ng Septyembre, habang ang pagbubuo ng Kongreso ng Republikang Pilipino ay ipinagdiriwang sa Malolos.  Apat na libong sundalong Pilipino ang namartsa palabas ng lungsod ng Maynila sa himig ng musikong banda ng Pasig at hiyawan ng masisiglang nanonood na nakapila sa tabi na daan.  At habang ang brigada ni Koronel Juan Cailles ay bumabagtas sa himpilan ng Wyoming Volunteers at ipinabubunyi ng mga kawal Amerikano, isang nagmamasid ang nagsabing “… nakapagtatakang marinig ang pagbubunyi ng isang pwersa para sa isa ring pwersa na kahapon lamang ang tingin wari ay isang kalaban.” (Stickney, 296-297)

Katulad ng isang inihandang programa,  sunod-sunod ang ginawang pagmamaltrato kay Aguinaldo.  Ang mga sumusunod na pangyayari ay sapat na dahilan upang simulan ang pakikibaka sa Amerikano ngunit hindi pa rin naantig ang kalooban ni Aguinaldo:

Una - Noong ika-23 ng Septyembre 1898, iniutos ni Dewey na samsamin ang 700 toneladang barkong Pilipino, ang Patria, na nakakanlong sa pangalang Abbey at nakarehistro bilang isang barkong Amerikano.  Ang barko ay palihim na ginagamit ng mga Pilipino upang magpasok ng bawal na armas at mga bala.  Ang pagsamsam ay tinutulan ng mga Pilipino ngunit hindi binigyang pansin ng mga Amerikano.

Ikalawa – Sa sumunod na buwan, biglang iniutos ni Dewey ang pagsamsam sa labintatlong barkong Pilipino na siyang bumubo ng na hukbong pangdagat ni Aguinaldo.  Nabuo ang hukbong pangdagat na ito ng maliliit na lantsa nakuha sa mga Kastila at ng mas malalaking barkong ambag ng mayayamang nagmamayari, tulad ng angkang Apacible, Lopez, Villavicencio at iba pa, mga taga lalawigan ng Batangas na pinangalanang TAALENO, BALAYAN, BULUSAN, TAAL at PURISIMA CONCEPCION.  Ang 900 toneladang barkong COMPANIA DE FILIPINAS ay nadagdag pagkatapos na magalsa ang mga tripulateng Pilipino sa pamumuno ni Vincente Catalan, pinatay ang mga pinunong Kastila at isinuko ang nasabing barko kay Aguinaldo.  Ang mga malalaking barko ay inarmasan ng mga kanyon na kinuha sa mga lumubog ng barko ng Kastila noong maglabanan sa dagat ang mga barko ng  Kastila at armada ni Dewey.  Ginamit ang mga barko panghatid ng mga sundalo, pangangailangan at gamit patungong hilagang Luson,  Bisaya, at ilan ding lugar sa Mindanao.  Inutusan ni Aguinaldo ang barkong FILIPINAS (dating COMPANIA DE FILIPINAS)  upang bombahin ang moog ng mga Kastila sa Subic, at kahit hindi mabisa ang pagbobomba ay ipinasya ng mga Kastila na itaas na rin ang puting watawat ng pagsuko.  Ang barkong Aleman na IRENE ay nakialam at akmang tutulong sa mga Kastila at bibihagin sana ang FILIPINAS sa dahilang hindi kilala ang watawat nito, kaya madaling ibinaba ng FILIPINAS ang bandilang Pilipino at itinaas ang puting watawat, at nagsumbong kay Aguinaldo na inereklamo naman niya kay Dewey.  Kaya inutusan ni Dewey ang dalawang barkong Amerikano, ang CONCORD at RALEIGH upang harapin ang IRENE.  Nang makita ng barkong Aleman ang papalapit na mga barkong Amerikano, tumalilis na ang IRENE.  Makikita pangyayaring ito na tunay ngang mayroong pagkakampihan si Aguinaldo at ni Dewey. (Van Meter, 91-97)

Ikatlo – Nang malagdaan ang Kasunduang Paris noong ika-10 ng Disyembre 1898, bago pa man naratipika ng Senado ng Estados Unidos, inutusan ni McKinley si Heneral Otis na magbuo ng isang pamahalaang militar na siyang mangangasiwa sa kapuluan sa ilalim ng kapangyarihan niya bilang Gobernador-Heneral.  Tumutol si Aguinaldo na sa kanyang pananaw ay isang pagyurak sa kanyang kapangyarihan bilang pangulo ng Republikang Pilipino, ngunit ang kanyang pagtutol ay binalewala.

Ikaapat – Halos kasabay ng utos ni McKinley kay Otis, si Heneral Marcus Miller ay naglayag patungong Iloilo noong ika-28 ng Disyembre 1898 upang sakupin ang lungsod.  Tinutulan ng Ilonggong Heneral Martin Delgado at ng kanyang katulong na Tagalog na si Ananias Diokno ang pagdaung ng mga sundalong Amerikano ng walang pahintulot ni Aguinaldo.  Magagawa sanang gumamit ng lakas si Heneral Miller, subalit minabuti niyang maghintay sa look ng Iloilo sa halip sa gamitan ng lakas ang pagsakop sa lungsod, dahilan sa hindi pa ratipikado ng Senado ang Kasunduang Paris at ang pagsakop sa lungsod gamit ang lakas ay maituturing na pagsalakay.  Ang pagkilos ni Miller ay natuloy din pagkalipas ng dalawang buwan, nang pumutok ang digmaan noong ika-4 ng Pebrero at sa wakas ay bumagsak ang lungsod ng Iloilo sa kamay ng mga Amerikano sa kabila ng malasadong paglaban ng mga Ilonggo.

Pinamamahalaan ni Aguinaldo ang Kapuluan

Matatandaan na bago sumiklab ang digmaan noong Ika-4 ng Pebrero, tanging lungsod ng Maynila lang ang hawak ng mga Amerikano.  Ang malaking bahagi ng Pilipinas ay hawak ng pamahalaan ng Republikang Pilipino na si Aguinaldo ang pangulo.  Isang mahalagang kasulatan, ang tinaguriang “MEMORIAL TO THE SENATE OF THE UNITED STATES”, na ipinasa ni Felipe Agoncillo sa Departamento Estado ng Estados Unidos na may kopya ang Senado na nagpaliwanag sa kalagayan ng panahong iyon.  Narito ang sinasabi sa kasulatan:

Hawak ng Amerika ngayon [mga buwan ng Oktobre 1898 - Mayakda] ang 143 kwadradong milya ng teritoryo, at may namamahayang 300,000 katao, samantalang ang pamahalaang Pilipino ay hawak ang 167,845 kwadradong milya na may namamahayang 9,395,000 katao, at ilang lamang ng nakakalat na himpilan ng Kastila na may laking 51,630 kwadradong milya, na may namamahayang 305,000 katao.  Ang mga numero inilaan para sa mga Kastila ay dapat paliitin, at ang numero naman na laan para sa pamahalaan Pilipino ay palakihin, dahilan sa katunayan na ang sundalong kastila sa mga pulo kung saan naroroon ang natitirang pwersa ng Kastila ay nakukulong sa loob ng makitid nilang himpilan sa nasabing mga bayan.” (Isinatagalog mula sa Atkinson, 4)

Sa madaling salita, ang pamahalaang Pilipino ay hawak ang 93 prosiyentong lupain ng kapuluan, at 7 porsiyento lamang ang sa Estados Unidos.  Sa ganang namamayan,  ang pamahalaang Pilipino ay namamahala sa 94 porsiyentong mamamayan, at 3 porsiyento lamang sa Amerikano.  Sa kasamaang-palad hindi binigyang halaga ang MEMORIAL dahil hindi ito tinanggap ng Departamento Estado ng Amerika.  Isang kahalintulad na kasulatan ang ipinasa rin sa mg komisyonadong Amerikano at Kastila sa panayam sa Paris noong ika-1 ng Oktobre hanggang ika 10 ng Disyembre 1898 na hindi rin binigyang halaga.

Kinailangan ang Digmaan Upang Maratipika ang Kasunduan Paris

Lihim kay Aguinaldo si Heneral Otis pala ay may malaking suliranin.  May utos si McKinley, na unang ibinigay kay Heneral Merritt, na dapat magtayo agad ng isang pamahalaang militar upang mapangasiwaan ang buong kapuluan, ngunit ang utos ay hindi pa rin naipatutupad.  Hind siguro tanto ni Pangulong McKinley na tanging lungsod ng Maynila lamang ang teritoryong hawak ng Amerikano nang isuko ito ng mga Kastila, na nilinaw ng Kapayapaang Protokol noon ika-12 ng Agosto na nilagdaan sa Washington D.C. sa pagitan ng Amerikano at Kastila.  Ang Kasunduang Paris na siyang magbibigay ng kapangyarihan sa Amerika na ariin ang buong kapuluan sa ilalim ng napagkasunduang bilihan ay nabibinbin pa sa Senado ng Estados Unidos, kaya wala silang karapatan na pakialaman ang mga teritoryong hawak ng Republikang Pilipino, at kung sila ay gagamit ng lakas lalabas itong isang marahas na pagsalakay.

Hindi pabor sa mga Amerikano ang kalagayan dahil nakapagtayo na ang mga Pilipino ng isang pamahalaan na siyang nangangasiwa sa lahat ng pangangailangan ng mga mamamayan, pati na ang paniningil ng buwis sa lahat ng mga daungan ng bapor kalakal, mapuwera ang daungan ng Maynila.  Alam ni Heneral Otis na ang tanging paraan upang maipatupad ang kautusan ni McKinley ay itaas ang watawat ng Amerika sa ibabaw ng mga bangkay ng sundalong Pilipino.  Subalit ito ay nangangahulugang digmaan laban sa Pilipino.

Ang nakabinbing Kasunduang Paris ay nakatakdang pagbotohan sa darating na ika-6 ng Pebrero 1899.  Ramdam na hindi mararatipika ang Kasunduan dahilan sa ang Senado ay hindi pabor sa pagkakaroon ng pinangangasiwaang teritoryo na 10,000 milya ang layo sa kalupaan ng Estados Unidos.  Subalit isang hindi inaasahan pangyayari ang yumanig sa sitwasyon na naging dahilan kung bakit naratipika din ang Kasunduan Paris.  Narito ang salaysay ni John Foreman:

Isang linggo bago magbotohan ipinapalagay na hindi makukuha ang tatlong-ikaapat na boto na kailangan upang maratipika ang Kasunduang Paris.  Nakapagtataka na noong nangangalap ng dagdag na boto ang Partido Republikano ay nangyari ang palitan ng putok sa pagitan ng Pilipino at Amerikano sa isang labas ng Maynila.” (Foreman, 486-487)

Si Senador Pettigrew ng Estados Unidos ay naniniwalang ang pagpapalawig ng teritoryo ng Amerikano na sumaklaw sa teritoryo ng Pilipino ang siyang dahilan ng pagsisimula ng digmaan.  Sinabi niya na ang mga Pilipino ay nagpapatrolya sa inaakala nilang parte ng kanilang teritoryo nang mangyari ang putukan.  Narito ang sinabi ng Senador:

Lumalabas na may isang bayan sa pagitan ng dalawang hukbo na okupado ng hukbo ni Aguinaldo – ang layo ay mga 150 yarda sa posisyon ng mga Amerikano – na nais maukupa ni Otis.  Kaya nakipagkasundo siya kay Aguinaldo na bitawan ang nasabing bayan ang lumipat ang pwersa ni Aguinaldo sa mas malayong lugar.  Ang patrolya ay hindi palaban, kundi naghahanap lamang ng naliligaw.  Dati nilang teritoryo ang lugar na hinahanapan nila ng naliligaw na ngayon ay hawak na natin, at nang mapalapit ang mga Malay na ito na hindi nakakaintindi ng ating wika, isang batang taga Nebraska ang sumigaw ng “Tigil”, ngunit hindi sila tumigil.” (Pettigrew, 214)

Binasa rin ng Senador sa harap ng Senado ng Estados Unidos ang sulat mula sa sundalong nangangalang Abram L. Mumpher taga Colorado nagpapatunay na pinasok ng Amerikano ang teritoryo ng Pilipino.  Narito ang sinabi sa sulat:

Ang rehimiyento Nebraska ay ipinadala sa Santa Mesa.  Tinutulan ito ni Aguinaldo dahil ang Santa Mesa ay labas na sa guhit-hangganang na napagkayarian sa Protokol.  Tiningnan ni Otis ang mapa at inamin kay Aguinaldo na tutuo nga (pahina 20 at 21, ulat ni Heneral Otis), ngunit hindi bumigay si Otis.  Dito sa labas ng linya na nakasaad sa Protokol, sa kagustuhang paatrasin ang mga insurekto, ang unang putok ay naganap.  Si Grayson, ang taong nagpaputok, ay naghayag sa akin habang kami ay nakasakay sa “Hancock”, nang papauwi na ang kanyang rehimiyento sa Amerika, na ang “katigasan ng ulo ng mga pinuno na pasukin ang teriroryo ng mga insurekto”  ang dahilan ng putok na iyan.  Muli tayong nagpaputok at sa pangatlong ulit and sumagot ang kalaban.  At ito’y nangyari dalawang araw bago magbotohan sa Kasunduang Paris, at maraming pinuno ng insurekto ang wala sa kanilang pwesto!  Ang ginawang ito ng mga insurekto ang tinawag ng ating Pangulo na “patraydor na pagsalakay”.  Ngunit nagpaputok din ang mga Pilipino kaya tuloy ang digmaan. ” (Pettigrew, 270)

Malinaw sa mga nabanggit ng pangyayari na ginamit ang giyera upang maratipika ng Senado ng Estados Unidos ang Kasunduang Paris. 

Ayaw ng Pilipino ng Digmaan

Hindi kagustuhan ng Pilipino makidigma sa mga Amerikano.  Dahil kung tutuong gusto nila, pumutok na sana ang digmaan noon pa.  Isang kilalang Kontra-Imperyalista nangangalang Atkinson ng Boston, Massachussetts, ay bumanggit sa ulat ni Heneral MacArthur tungkol sa isang pangyayari noong ika-2 ng Pebrero 1899, o dalawang araw bago nagsimula ang digmaan, na nagpapatunay na iginalang ng mga pinunong Pilipino ang hangganang linya na naghihiwalay sa dalawang hukbo.  Narito ang sinasabi sa ulat ni MacArthur:

Ang tala mula sa himpilang ito, na ginawa pagakatapos ng pakikipagpanayam sa pinuno ng departamento, ay dinala ni Kumandante Strong, na pumasok sa teritoryo ng mga insurekto and ibinigay ang tala kay Koronel San Miguel.  Ang kasagutan ni Koronel San Miguel ay isinulat sa tala, sa harap ni Kumandante Strong, at nakita niya si Koronel San Miguel na sumulat ng utos sa kanyang mga pinuno na lumisan sa lugar na sakop ng Amerikano.” (Atkinson, 37)

Ayon kay Aguinaldo, hindi tutuong sinimulan ng Pilipino ang digmaan.  Noong araw na iyon, Sabado noon, maraming pinunong Pilipino ang nagpahinga at umuwi sa kanila, naiwan lamang si Heneral Pantaleon Garcia sa kanyang pwesto sa Maypajo.  Narito ang pahayag ni Aguinaldo:

Habang ako, ang pamahalaan, ang Kongreso at ang buong sambayanan ay naghihintay sa katugunan ng panukala para sa isang malayang bansang Pilipinas sa ilalim ng patnubay ng Amerika dumating malagim na araw ng ika-4 ng Pebrero, gabi noon ay sumalakay ang hukbong Amerikano sa ating mga linya, na noon ay halos di tinauhan, dahil Sabado nga, si Heneral Pantaleon Garcia lamang ang nasa kanyang pwesto sa Maypajo, sa hilagang Maynila,  si Heneral Noriel, Rizal at Ricarte at Koronel San Miguel, Cailles at iba pa ay nagpapahinga … Hindi maaring sumalakay ang mga Pilipino sa Amerikano na aming kinikilalang kaibigan at umaasang kami’y papatnubayan upang makamit ang pagkilala sa aming Kalayaan ng ibang bansa.  Ayon sa mapagkakatiwalaang ulat, tumelegrapiya si Heneral Otis sa Washington at sinabing sinalakay ng Pilipino ang hukbong Amerikano na binasa naman ni Pangulong McKinley sa harap ng Senado, kung saan pinaguusapan ang Kasunduang Paris para maratipika o hindi, tungkol sa pagsakop sa Pilipinas, na siyang tanging buod ng usapan, at sa kriminal na paraang ito ay nakamit nila ang pagraratipika ng Kasunduan na tatlong boto lang ang kalamangan.” (Aguinaldo, 51-52)

Ang kalihim ni Aguinaldo na si Senor Escamillo ay dinakip ng mga Amerikano sa Maynila kinabukasan ng pagputok ng digmaan.  Kung mayroon mang nakakaalam ng balak na pagsalakay ng Pilipino sa Amerikano ay walang iba kundi ang kalihim ni Aguinaldo.  Kung tutuong sasalakay ang Pilipino sa mga Amerikano disin sana ay iiwasan ni Escamillo ang maglagalag sa lungsod.

Na walang balak ang Pilipino na simulan ang digmaan ay pinatutunayan sa ulat ni Heneral Otis na ipinadala niya sa Departamento ng Giyera kung saan sinabi niyang: “naniniwala ako ng hindi nais ng mga pinuno ng insurekto na makidigma sa ngayon” (Storey, 92)  Kinabukasan ng pagputok ng digmaan, inutusan ni Aguinaldo si Heneral Torres kay Heneral Otis upang pagusapan ang tigil-putukan at paghiwalayin ang dalawang hukbo at magkaroon sa pagitan ng sonang payapa.  Hindi pumayag si Heneral Otis at sumagot ng palaban: “nagsimula na ang labanan kaya ituloy na ito sa malagim na kahihinatnan” (Philippine Information Society [v1n6, 38)  Ang matigas na posisyon na ito ni Heneral Otis ay nasisilip ang tunay na hangarin ng mga Amerikano na lumalarawn sa tunay na patakaran ng imperyalistang Pangulong McKinley.  Narito ang sinabi niya:

Hindi na kailangan ang walang saysay na usapan hangga’t hindi nasusupil ang insureksiyon at naitatayo ang kapangyarihan ng Amerika.  Ang Pilipinas ay atin tulad din ng pagkabili sa Louisiana, o Teksas o Alaska.” (Sawyer, 120)

Tanto ni McKinley na ang pagpigil sa labanan ay magbibigay sa sambayanang Amerikano at sa mga tutol – ang mga Kontra-imperyalista – ng pagkakataong masiyasat at malaman ang tunay na pagkatao ng mga Pilipino at ang katotohanan tungkol sa digmaan sa Pilipinas na maaring maging hadlang sa kanyang pangarap ang masakop ang Pilipinas pati na ang kanyang muling pagkakandidato sa pagka pangulo.

Naging masalimuot na usapin sa Estados Unidos ang pagangkin ng Amerika sa Pilipinas.  Ang kandidato ng Partido Demokratiko na si William Jennings Brian ay inako ang Kalayaan ng Pilipinas bilang isa sa mga mahahalagang palatuntunan ng Partido.  Ang pangangampanya ni Brian ay sumakay sa paratang na inaakay ni McKinley ang Estados Unidos tungo sa imperyalismo.  Subalit nanalo pa rin si McKinley at ang kanyang tagumpay ay nagbadya ng kamatayan ng Kalayaan ng Pilipinas.  Nalagay din sa alanganin ang Pilipino upang mapatunayang mali si McKinley,  na una, hindi tutuong ang mga Pilipino ay mga taga bundok na hiwa-hiwalay sa maraming tribo; ikalawa, hindi rin tutuong makatao ang pakay ni McKinley na tulungan ang Pilipino na makaahon at maihanda sila sa kasarinlan;  at ikatlo, hindi rin tutuong ang insureksiyon  ay gawa-gawa lamang ng mga Tagalog samantalang ang iba namang mga tribo ay tanggap ang kapangyarihan ng Amerika.  Ang mga kasapi ng Kongreso ng Estados Unidos na kilalang patas ay tinuligsa si McKinley dahil sa kanyang pagiging walang isang salita, at itinapat sa prinsipiyo na una niyang ibinabandera: “Ang marahas na paglusob, ayon sa moralidad ng Amerikano, ay isang kriminal na pananakop.” (Olcott, 289)

Pagtatapos

Naintindihan ni Heneral Otis ang suliranin ni McKinley.  Kaya malugod siyang gumawa ng paraan upang magkaroon ng isang di kalakihang digmaan at ipasa kay Aguinaldo ang kasalanan.  Makikita sa mga sumunod na pangyayari na si McKinley ang talagang nakinabang sa pagputok ng digmaan.  Liban sa mahalal siyang muli, tagumpay siya sa kanyang balak na angkinin ang Pilipinas bilang isang sakopbayan ng Amerika na sinangayunan ng Senado ng Estados Unidos at sambayanang Amerikano, kahit na ito ay  di ayon sa kanilang saligang batas, tradisyon at moralidad.  Nangyari ito dahil isang sundalong nangangalang Grayson ang bumaril sa isang tenyenteng Pilipino kaakibat ng maniobra ni Heneral Otis na goyuin ang mga Pilipino sa giyera.  Kung hindi nagkaroon ng barilan sa Sta. Mesa walang magagamit na dahilan ang mga Amerikano na lumabas sa lungsod ng Maynila at okupahan ang teritoryong hawak ng Pilipino, at ang Kasunduang Paris ay malamang hindi mararatipikahan ng Senado ng Estados Unidos, at mapapatunayan ng mga Pilipino ang kanilang kakayahan magsarili.  Kaya malinaw, dahil sa kagustuhan ni McKinley, na kung hindi man si Grayson na siyang naatasang magpaputok, nakakasigurong mayroong iba pang tutupad sa iniatas na tungkuling ito.

<><><>-o-O-o-<><><>

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment