Sunday, June 29, 2025

Ang Pagpaslang kay Heneral Antonio Luna

(Ang sulating ito ay salin ng Mayakda mula Ingles sa artikulong pinamagatang, “The Killiing of General Antonio Luna,” na matatagpuan sa pahina 208-226 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Si Pangulong Emilio Aguinaldo ay matagal nang pinagbintangan bilang utak sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna. Ayon sa kanyang mga bumabatikos, ipinatawag niya si Luna sa pamamagitan ng telegrama upang pumaroon sa Cabanatuan at doon siya ipinaslang ng mga kawal mula sa Kawit, Cavite—mga kababayan ni Aguinaldo at nagsisilbing kanyang mga tanod sa pagka-pangulo. Ang sinasabing makiavelikong pakana ay iniuugnay sa pangambang maagawan siya ng kapangyarihan at pamumuno ng isang karibal, tulad din ng paratang sa kanya ukol sa kamatayan ng isa pang katunggali, ang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio. May kinalaman nga ba si Pangulong Emilio Aguinaldo sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna? Ayon sa mga tatalakayin sa mga sumusunod na talata, ang sagot ay wala.

Paanong Napatay si Luna

Narito ang isa sa inaasahang mas kapanipaniwalang salaysay sa likod ng kontrobersyal na pagpaslang kay Heneral Antonio Luna:

“Noong ika-3 ng Hunyo, 1899 (sic), kasama ang kanyang aide-de-camp na si Kapitan Roman at ilang mga kawal, pumasok si Luna sa opisyal na tirahan ni Pangulong Aguinaldo sa Cabanatuan (Nueva Ecija). Ang mga gwardiya, binubuo ng mga kawal mula sa Cavite na taga-Kawit (bayan ni Aguinaldo), ay nasa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Pedro Janolino, at sumaludo sa kanya pagpasok. Habang umaakyat sina Luna at Roman sa hagdanan upang hanapin si Aguinaldo, biglang narinig ang putok ng isang rebolber. Mabilis na bumaba si Luna, galit na galit, at ininsulto si Kapitan Janolino sa harap ng kanyang mga tauhan. Hindi na ito kinaya ni Janolino; kanyang hinugot ang isang punyal at itinarak ito nang marahas sa ulo ni Luna. Sa gitna ng kaguluhan, si Luna ay napatumba at pinaputukan ng ilang ulit. Bagamat sugatan, nakarating pa siya sa lansangan at nakasigaw ng ‘Mga duwag!’ bago siya tuluyang bumagsak at namatay. Samantala, habang tumatakbo si Kapitan Roman patungo sa isang bahay, siya'y tinamaan ng bala sa dibdib at agad na nasawi. Ipinahayag ng Pamahalaang Mapanghimagsik ang kanilang panghihinayang sa nasabing pangyayari, at ang dalawang opisyal ay inilibing na may karampatang parangal militar.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Foreman, 501)
 

Patotoo ng mga Saksi sa Pangyayari

Ilang mga tao ang nakasaksi o nagsabing sila’y nakasaksi sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna—sina Gregorio Fajardo, Teodoro Cada, Arcadio Zialcita, Ireneo de Guzman, at si Kapitan Eduardo Rusca, isa sa mga kasamahan ni Luna na nakaligtas sa trahedya sa Cabanatuan. Ang sipi ng salaysay ni Fajardo ay matatagpuan sa mga pahina 435–436 ng aklat ni Teodoro Agoncillo na “Malolos, The Crisis of the Republic.” Ang mga pahayag naman ni Zialcita ay nakalap ng pahayagang El Progreso at ng United States Schurman Commission. Ang mga pahayag ng iba pang mga saksi ay nasasaad sa aklat ni Juan Villamor na “La Tragedia de Cabanatuan: Crimen o Razon de Estado.”

At siyempre, naroroon ang pangunahing saksi na si Kapitan Pedro Janolino, na tinatawag ding Pedrong Kastila, ang pinuno ng mga tanod ni Aguinaldo na sinasabing unang sumaksak sa ulo ni Luna gamit ang punyal. Siya’y kinanayam ni Antonio K. Abad.

Ito ang salaysay ni Zialcita sa harap ng Komisyong Schurman:

T. Maaari po ba ninyong ilahad sa amin ang pangyayari sa pagkamatay ni Heneral Luna?

S. Nasabi ko na po ang lahat ng aking nakita at nalalaman hinggil doon sa isang kinatawan ng El Progreso. Nasa panayam na yaon ang lahat ng nalalaman ko.

T. Maaari po ba ninyong ulitin para sa aming kaalaman? 

S. Nakita ko po ang kanyang pagkamatay, subalit ang sanhi ng pagkamatay niya’y narinig ko lamang sa sabi-sabi.

T. Nasaan po kayo nang mangyari ito? 

S. Ako po’y nasa isang bahay sa plaza, kung saan naroon ang kumbento, ang himpilan ng pamahalaan, at ang simbahan, at mula roon ay tanaw ang buong paligid. Ayon sa mga sabi, umakyat daw si Luna upang hanapin si Aguinaldo, kasama si Francisco Roman, upang siya’y dalawin. Nang hindi niya matagpuan, siya’y nagalit at ininsulto ang gwardiya. Nang tangkain ng gwardiya na dakpin siya at ang kasama niya, inakala nilang siya’y wala sa sariling diwa, kaya’t agad-agad silang nagpaputok, at gumanti naman ng putok ang gwardiya.

T. Pinaputukan po ba siya ng gwardiya?

S. Oo po, silang lahat. Ninais nilang hulihin siya, ngunit may sable’t rebolber siya upang ipagtanggol ang sarili, kaya’t wala silang magawa kundi putukan siya.

T. Siya po ba’y napatay sa pamamagitan ng bala, kutsilyo, o bayoneta?

S. Sa saksak ng mga kutsilyo, at marahil ay sa bala rin, sapagkat may tatlo o apat na putok, kaya’t hindi ko masabi kung pawang sa saksak o sa bala siya napatay.

T. Ano po ang naging epekto ng pagkamatay ni Heneral Luna sa mga tao roon?

S. Hindi ko po masabi nang tiyak. Sa una, labis ang pagkagulat ng mga tao, subalit pagkaraan, sinabi nilang mas mabuti na raw iyon, sapagkat napakabangis niya; marami siyang ipinapatay na sariling kawal at mga opisyal, at isa raw siyang malaking mapaniil.

T. Hindi po ba bumalik si Aguinaldo nang malaman ang pagkamatay ni Luna?

S. Hindi ko po masabi kung siya’y nasabihan o kung siya’y bumalik. Hindi ko po siya nakita mula sa sandaling ako’y umalis. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa United States [Commission 1.2]: 148)

Narito naman ang ulat ng El Progreso kaugnay ng panayam nila kay Arcadio Zialcita:

“…Pumunta si Luna at ang kanyang kanang-kamay na si Francisco Roman sa tirahan ni Aguinaldo sa Cabanatuan na galit na galit. Pagkatapos nilang lampasan ang panlabas na bantay, umakyat sila sa hagdanan at nagtangkang puwersahang pasukin ang mga silid kung saan inaakala nilang naroon si Aguinaldo. Pinigil sila ng opisyal ng mga tanod, at matapos ang maiinit na salitaan, bumunot si Luna ng rebolber at pinaputukan ang opisyal. Isa sa mga tanod ang gumanti at tinamaan si Luna sa braso. Agad na sumaklolo si Roman at nagpaputok sa mga tanod, at habang sila’y bumababa sa hagdan, nagpatuloy ang putukan. Nang tuluyan silang makababa, nagsilabasan ang mga tanod at pinagtulungang saksakin sila ng mga itak, kaya’t napilitang umurong sina Luna at Roman hanggang sa plaza. Doon ay halos pinaghihiwa-hiwalay ang kanilang katawan. Sinasabing si Luna ay nagtamo ng dalawampung sugat.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Singapore [Manila], 12)

Patotoo ni Pedro Janolino

Si Kapitan Pedro Janolino, pinuno ng mga tanod ng Pangulo, ay umako ng buong pananagutan sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna sa isang panayam na isinagawa ni Antonio K. Abad noong 1929, na lumabas sa isang artikulo ng Philippines Free Press noong ika-3 ng Abril, 1954, na may pamagat na “More on Luna’s Death.” (De Viana [I-Stories], 108–109)


Narito ang tanungan ayon sa nasabing paglathala:

ABAD: Sino ang nag-utos sa iyo na paslangin si Heneral Luna?

JANOLINO: Wala pong nag-utos sa amin na paslangin si Heneral Luna. Inaako ko ang buong pananagutan sa nangyaring kasawiang-palad.

ABAD: Kung totoo iyan, bakit ninyo siya pinaslang sa paraang pataksil?

JANOLINO: Hindi po inaasahan ang pangyayari. Nang marinig ni Heneral Luna ang isang putok sa hagdang nasa ilalim ng kumbento, siya’y nagngitngit sa galit at bumaba agad habang sumisigaw ng ganito: “Gunggong! Ulol! Hindi mo alam kung paano humawak ng riple!” Inakala naming sa sandaling iyon na sasaktan kami ni Heneral Luna sapagkat siya’y galit na galit at kilalang marahas at madaling mag-init ang ulo. Dahil sa paniniwalang ito, ako’y kinabahan at agad kong hinampas ang kanyang ulo ng aking punyal. Sa sandaling iyon, tinulungan ako ng aking mga kawal mula sa Kawit Company sa pag-atake sa kanya hanggang siya’y makatakbong palabas ng kumbento, sugatan at duguan.

At narito naman ang opisyal na pahayag ni Severino de las Alas, Kalihim ng Kagawaran ng Panloob ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Republika ng Pilipinas, may petsang ika-8 ng Hunyo, 1899:

Karagdagan sa aking telegrama ngayong ikawalo ng buwan, ukol sa pagkamatay nina Heneral Antonio Luna at ng kanyang aide na si Coronel Francisco Roman, kailangang idagdag na ang sanhi ng kanilang kamatayan ay ang pagmumura, panununtok, at pananakit nila sa mga bantay ng bahay ng Kagalang-galang na Pangulo ng Republika, gayundin ang pagtutol at panlalait sa katauhan ng Pangulo, na sa mga oras na iyon ay wala roon at nasa larangan.

'Kaya’t ang mga bantay, matapos insultuhin ni Heneral Luna, sapilitang hampasin at tadyakan, at paputukan ng rebolber hindi lamang ng Heneral kundi maging ng kanyang aide na si Coronel Francisco Roman—at lalo pa ngang nilapastangan dahil sa kanilang pagbabanta ng kamatayan sa Kagalang-galang na Pangulo (na, salamat sa Diyos, ay wala roon sa oras ng pangyayari)—ang mga bantay ay napilitang gumamit ng kanilang mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa di-makatarungang pananakit ng Heneral at ng kanyang aide, na kapwa napatay sa mismong sandaling iyon.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Kalaw, Maximo [Development], 210

Ang Inaakalang Sabwatan sa Pagpaslang kay Luna

Isang salaysay na ipinalalaganap ng mga bumabatikos kay Aguinaldo ang nagsasabing siya umano ay nagpatawag kay Heneral Luna upang dumalo sa isang pagpupulong sa Cabanatuan, at ito raw ay bahagi ng isang panlilinlang upang maisagawa ang pagpatay sa Heneral sa kamay ng mga tanod ng Pangulo. Ayon sa salaysay, ang paanyaya ay nasa isang telegrama na may petsang ika-4 ng Hunyo, 1899, na nagtatawag kay Luna upang dumalo sa isang pagpupulong sa Cabanatuan.

Isang tunay na telegrama ang naging tampok sa isang tanyag at malawakang subastang isinagawa noong Nobyembre 2018 ng isang kilalang bahay-subastahan sa Kalakhang Maynila. Ang dokumentong ito ang itinuturo ng ilan bilang ang “smoking gun” na umano’y ebidensiyang nag-uugnay kay Aguinaldo sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna (https://nolisoli.ph/52289/aguinaldos-telegram-that-led-to-heneral-luna-abulan-20181120/). Pinalalakas pa ang pagiging tunay ng telegrama sa pamamagitan ng historyador na si Jim Richardson, na naglahad ng mga larawan ng tala sa logbook ng operator ng telegrama mula sa mga Philippine Insurgent Records (PIR) microfilm.

Ang nakodigong nilalaman ng telegrama ay ganito ang pagkakatala:

"Folabo puoncimane iun thiundotonade sin ordenar fegmicaen ciusi Esperando contestacion a me telegram anterior en que le pedia piso incupsicaen. Suplico urgencia."

Mapapansin na hindi ito madaling maunawaan. Ito ay dahil sa sadyang pinagpalit-palit ang ilang titik upang lituhin ang mga mambabasa, maliban sa mga nakaaalam ng lihim na susi sa pagbasa nito. Halimbawa, ang titik “e” ay pinalitan ng “o,” “b” ng “p,” at iba pa. Gayunman, sa katalogo ng bahay-subastahan na nag-anunsyo ng nasabing telegrama, ito’y isinalin at inilathala na ganito ang ibig sabihin:

“Paging for an important meeting therefore you are ordered to come here immediately. Waiting for a reply to my telegram about urgent matters to discuss. It is really an emergency.”

Ang sinumang makababasa nito ay madaling mag-aakalang si Aguinaldo nga ang nagpatawag kay Luna sa Cabanatuan upang isakatuparan ang balak na pagpatay. Subalit napatunayang mali at mapanlinlang ang pagsasaling ito, sapagkat ang tamang pagbasa ng dekodigong mensahe ay ganito:

“Felipe Buencamino aun detenido sin ordenar formacion causa. Esperando contestacion a mi telegrama anterior en que le pedia acusacion. Suplico urgencia.”

Na kung isasalin sa tamang Tagalog ay:

“Si Felipe Buencamino ay nakakulong pa rin nang walang iniutos na pagsasampa ng kaso. Ako’y naghihintay ng tugon sa aking naunang telegrama kung saan ako’y humihingi ng batayan ng iyong paratang. Ako’y taimtim na nakikiusap para sa agarang tugon.”

Wala ni katiting na binabanggit sa nasabing telegrama na ipinapatawag ni Aguinaldo si Luna sa Cabanatuan.

Ayon kay historyador Ambeth Ocampo, sa kanyang pitak sa Philippine Daily Inquirer noong Disyembre 2, 2018 na may pamagat na “The Luna Telegram: Not So Deadly After All,” ang nasabing telegrama ay hindi isang smoking gun o ang matagal nang hinahanap na ebidensiya ng mga historyador. Sa madaling sabi, hindi totoo ang kuwentong sinadya ni Aguinaldo na ipatawag si Luna upang ito ay mapatay ng mga kawal mula sa Kawit. Kaya’t ang sinasabing telegramang patunay sa sabwatan ni Aguinaldo sa pagkamatay ni Heneral Antonio Luna ay isa lamang kasinungalingang pinanday upang siraan ang katauhan ni Aguinaldo.

Ngunit kung walang telegramang ipinadala ni Aguinaldo, saan nagmula ang kuwentong ito?

Isa sa mga pinagmulan ay si Teodoro Cada, na nagpahayag sa isang salaysay na isinumite kay Juan Villamor. Ayon kay Cada, siya raw ay isang operator ng telegrama sa Cabanatuan at isang gabi raw ay dumating si Aguinaldo na naka-carjoncillo (salawal na panloob) at camiseta at inutusan siyang kontakin si Luna sa Tarlac. Nagbatian daw sila at sinabing pumarito si Luna sa Cabanatuan upang makipagpulong (Villamor, 72). Subalit ang buong salaysay ni Cada ay hindi binigyang  halaga sapagkat ang bahagi kung saan sinasabi niyang sinaksak sa dibdib si Luna ng  opisyal na  sumalakay mula sa likuran ay pinabulaanan ng autopsy na isinagawa noong 1903 ni Antonio Jimenez sa hinukay na bangkay ni Luna. Ayon sa autopsy, may dalawang butas sa bungo ni Luna na gawa ng matalas na bagay (Villamor, 38). Ipinapakita nito na sa ulo, at hindi sa dibdib, tinamaan si Luna—kaya’t nawalan ng kredibilidad ang buong pahayag ni Cada.

Bukod pa rito, ang telegramang sinasabi ni Cada na kanyang ipinadala ay hindi rin naitala sa logbook ng himpilan na tumanggap ng mensahe. Idinagdag pa ni historyador Teodoro Agoncillo na hindi kapani-paniwala na si Aguinaldo, bilang Pangulo ng Republika, ay magpapakita sa madla na suot lamang ay panloob na kasuutan, gaya ng isinalarawan ni Cada.

Ang isa pang pinagmulan ng kuwento ng telegrama ay si Gregorio Fajardo, isa sa mga saksi. Sa kanyang pinirmahang salaysay, sinabi niyang nakita’t narinig niya si Felipe Buencamino na inuutusan ang mga kawal na halughugin ang bulsa ng mga bangkay nina Luna at Paco Roman upang hanapin ang anumang dokumento—lalo na kung mayroong telegrama. 

Ayon naman sa Salaysay ni Aguinaldo ukol sa mga Pangyayari

Ayon kay Aguinaldo, hindi niya ipinatawag si Luna upang pumunta sa Cabanatuan. Sa halip, si Luna umano ang siyang nagpadala ng telegrama sa kanya, na nagsasabing siya (Luna) ay paririto upang makipagpulong. Ang impormasyong ito ay batay sa mga di-pa-nailalathalang tala ni Aguinaldo na pinamagatang “Ang Pagkamatay ng Heneral Luna,” na kamakailan lamang ay lumitaw. Ang mga dokumentong ito ay dating iningatan ng kalihim ni Aguinaldo na si Felisa Diokno, at sa kasalukuyan ay nasa pag-iingat ni Ginang Elizabeth Angsioco.


Ang larawan ng orihinal na sipi ng tala ay mula sa Facebook page ng TUKLAS PILIPINAS, Inc., kung saan ito unang isinapubliko, at muling inilathala dito sa pahintulot ni Ginang Angsioco.

Narito ang sipi ng salaysay ni Aguinaldo, ayon sa transkripsiyon ni Ginang Elizabeth Angsioco mula sa di-pa-nalilimbag na tala ni Aguinaldo na “Ang Pagkamatay ng Heneral Luna”:

“Sa pagka’t naitaboy na ng kalabang Amerikano ang Panguluhan ng Republikang Filipino sa Cabanatuan, Nueva Ecija, ako’y nakatanggap sa mga unang araw ng buwan ng Hunyo ng isang telegrama mula kay Heneral Antonio Luna na nagsasaad na siya’y paririto upang makipagpanayam sa akin.

At sapagkat nalalaman ko na noon pa man ay balak niyang isakatuparan ang kanyang panukalang Golpe de Estado laban sa pamahalaan ng Republika sa kanyang pagdating; at batid ko rin na ang nasabing kudeta ay maaaring humantong sa digmaang sibil—isang patayan ng magkababayan—na mahirap nang pigilan kahit isagawa ito nang palihim; at sa karanasan ko sa ugali ni Heneral Luna—tulad noong nilusob niya ang pulong ng Gabinete dala ang kalahating pulutong ng kawal, ginambala ang pagpupulong, at kahit naroroon ako ay sinampal pa niya si Kalihim ng Estado, Ginoong Felipe Buencamino, dahil lamang sa siya’y isang autonomista—hindi siya tumigil sa kabila ng aking pagsigaw, kaya’t ako mismo ang lumapit upang pigilan siya.

Dahil dito, minarapat kong iwasan siya. Sa halip na sagutin ang kanyang telegrama, isinuot ko ang aking uniporme bilang Kapitan-Heneral—isang kasuotan na noon ko pa lamang isinuot—dahil binalak kong biglain ang pagdalaw sa Divisyong Luna sa Bamban, Tarlac. Naisip ko na kung ako’y pupunta roon na naka-paisano ay baka hindi ako kilalanin at igalang ng mga kawal.

Bago ako umalis, iniatas ko kay Kapitan Pedro Janolino, opisyal ng mga gwardiyang tanod, na kung darating si Heneral Luna sa ika-5 ng Hunyo, sabihin sa kanya ang aking utos na hindi siya maaaring magsama ng alinmang kawal ng kanyang escolta sa pag-akyat sa tanggapan ng Panguluhan; at sakaling makita nilang muli siyang nagnanais na manakit o manampal ng alinmang Kalihim o kawani ng Pamahalaang Republikano, ay siya’y arestuhin at tanggalan ng sandata pati ang kanyang mga kawal.

Pagkaalis namin sa Cabanatuan noong ika-3 ng Hunyo, kasama ang ilang guwardiya kong alabardero, tumigil kami saglit sa Factoria o San Isidro, ang dating kabisera ng Nueva Ecija. Doon ko agad ipinahanap ang brigadang pinamumunuan ni Heneral Gregorio del Pilar, na nabalitaan kong lumisan upang umiwas sa posibilidad na alisan siya ng sandata ni Heneral Luna.

Nang dumating sila kinabukasan, agad kaming naglakbay, naglakad buong magdamag, at dumating kami sa Bamban, Tarlac, pagsikat ng araw. Agad na pumorma ang mga tanod, at mainam ang aming naging pagtanggap ni Heneral Venancio Concepcion. Kahit tila nabigla siya sa aming pagdating, siya’y agad na nagpasailalim sa aking kapangyarihan at hindi ako nakapuna ng anumang kilos na laban sa akin.

Sa layuning maiwasan ang digmaang sibil, agad kong pinagwatak-watak ang malaking kolum ng Divisyong Luna at ipinamahagi ito sa iba’t ibang brigada.

At bago matapos ang araw na iyon, ika-5 ng Hunyo, ay ipinadala ko ang telegrama kay Heneral Luna sa kanyang himpilan sa Bayambang-Bautista, Pangasinan, na nagsasaad ng utos na humarap siya agad sa akin sa Tarlac, Tarlac.

Subalit kinabukasan, tumanggap ako ng telegrama mula sa Gobernador Politiko-Militar ng Plaza sa Cabanatuan, Nueva Ecija, na nag-ulat ng sakuna—ang pagkamatay nina Heneral Antonio Luna at Coronel Paco Roman.” (Aguinaldo [Pagkamatay], 7–18)

Ang salaysay na ito ni Aguinaldo ay halos kaayon ng pagkakasunod ng mga pangyayari na matatagpuan sa mga aklat ni Augusto de Viana (Stories Barely Told, pp. 204–206) at ni Dr. Emmanuel Franco Calairo (Saloobin, pp. 33–35), na malamang ay nagmula rin sa parehong pinagkunan. Subalit kapuna-puna rin na may ilang kaibhan sa mga buwan at petsa ng ilang detalye.

Mga Pangyayaring May Kinalalaman sa Kamatayan ni Heneral Luna

Si Kapitan Pedro Janolino, ang pangunahing tauhan sa kontrobersyal na insidente, ay nagsabi na ang pagkamatay ni Luna ay isang di-inaasahang pangyayari— o kaya naman, isang aksidente lamang. Subalit ang mga kalagayang nakapaligid sa insidente, gayundin ang mga salaysay ng mga nakasaksi, ay nagpapahiwatig na ito’y pinaghandaan at isinakatuparan sa pakikilahok ng ilang katao.

Ang pangyayaring ito ay naganap sa panahon na ang unang Republikang Filipino, na kilala rin bilang Republikang Malolos, ay dumaranas ng matinding krisis. Hindi lamang sunod-sunod na pagkatalo ang dinaranas ng hukbo ng Pilipinas laban sa mga pwersang mananakop na Amerikano, kundi nahahati rin ang pamahalaan sa dalawang pangkat na may magkaibang pananaw: ang nagsusulong ng awtonomiya, at ang naninindigan sa ganap na kasarinlan.

Sina Heneral Antonio Luna at Apolinario Mabini ang pangunahing nagsusulong ng ganap na kalayaan para sa bansa. Matibay ang kanilang paninindigang walang dapat tanggapin ang pamahalaan kundi lubos na kasarinlan. Sa kabilang dako, ang ilang kagawad ng gabinete tulad nina Pedro Paterno, Felipe Buencamino, at iba pa ay nagbibigay-pansin sa mungkahing awtonomiya mula sa mga Amerikano bilang isang daan upang tapusin ang labanan at maibalik ang kapayapaan sa bayang pinapahirapan.


Para kay Luna, ang pagtanggap sa awtonomiya ay isang tahasang pagsuko sa mga Amerikano, sapagkat sa ilalim ng ganitong sistema, isang Amerikanong Gobernador-Heneral ang magiging pinuno ng pamahalaan, na nangangahulugang ang kapangyarihan ng Estados Unidos ay ganap nang kikilalanin sa kapuluan. Subalit ayon sa panig ng mga awtonomista, ang ganap na kalayaan ay hindi na maaring makamtan—isang kabiguang napatunayan sa pulong noong Enero 1899 sa pagitan ng mga kinatawan ni Heneral Otis at ng mga sugo ni Aguinaldo. Sa nasabing pagpupulong, iminungkahi ng mga Pilipino ang isang binagong kahulugan ng kasarinlan, na kinabibilangan ng pagkilala ng mga Amerikano sa pamahalaang Pilipino, na may kasamang kahilingan na ang Estados Unidos ay magtatag ng isang protektorado, hindi dahil sa kawalan ng kakayahang magpamuno, kundi dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang paraan upang mapanatili ang kasarinlan. (Taylor [III], Karagdagan sa Tomo 3, p. 110)

Sa madaling sabi, ang Estados Unidos ay magiging tagapangalaga laban sa panlabas na pananakop, habang hindi pa handang ipagtanggol ng mga Pilipino ang kanilang sarili sa pamamagitan ng sariling hukbo.

Ngunit kahit ang ganitong pinalabnaw na pananaw ng “kasarinlan” ay hindi tinanggap ni Luna, na mariing tumutol sa anumang kasunduan sa mga Amerikano. Nananatili siyang matatag sa kanyang paninindigan para sa ganap at lubos na kalayaan, at ang kanyang marahas na reaksiyon laban sa mga nagtataguyod ng awtonomiya ay nakita ng ilan bilang palatandaan ng isang posibleng pag-aalsa kung ang pamahalaan ay hindi sasang-ayon sa kanyang panig.

Sa gitna ng dalawang magkasalungat na pananaw, si Aguinaldo ay naipit sa pagitan ng hindi magkasundong pagtatalo.

Nais ni Aguinaldo na tapusin na ang labanan at makipagusap sa mga Amerikano ukol sa kinabukasan ng bansa sa ilalim ng isang kasunduan. Subalit tumanggi ang mga Amerikano maliban na lamang kung susuko ang mga Pilipino at tatanggapin ang alok na awtonomiya. Sa panahong ito, ang pag-abot sa ganap na kalayaan ay tila ilaw na unti-unting lumalayo at namamatay, bunga ng kawalan ng sapat na lakas ng hukbo ng Pilipinas upang makapanlaban sa mga Amerikano.

Ang kahinaang panloob na ito ng hukbo ay binanggit ni Heneral Jose Alejandrino, nang kanyang sabihin na dahil sa samu’t saring uri at anyo ng mga sandata, partikular ng mga riple na ginagamit ng mga kawal, ay naging suliranin sa logistika ang pagsuplay ng wastong bala para sa bawat uri ng armas (Alejandrino, 114). Isa sa karaniwang reklamo ng mga sundalo ay ang kakulangan ng bala. Pinalala pa ito ng kawalan ng tulong mula sa alinmang banyagang makapangyayari, at ang kawalan ng kakayahan ng Hong Kong Junta na magpadala ng mga sandata at bala dahil sa blockade na ipinatupad ng hukbong-dagat ng mga Amerikano.

Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, nakita ni Aguinaldo na ang awtonomiya ang tanging natitirang daan upang mailigtas ang pamahalaan mula sa lubos na pagkawasak. Ang kanyang pasya na pagtutok sa alternatibong ito ang nagbunga ng pagkakatanggal ni Mabini bilang Pangulo ng Gabinete, at ang pagpalit sa kanya ni Pedro Paterno. Nagsimula rin dito ang matinding alitan sa pagitan ng bagong mga pinuno ng gabinete at ni Heneral Luna.

Nang mabatid ni Luna na ang mga kinatawan ng pamahalaan ay nakipagpulong sa mga kinatawan ng Amerikano upang talakayin ang usapin ng awtonomiya noong huling bahagi ng Mayo 1899, siya’y labis na nagngitngit. Inaresto niya ang mga ito at ipinabilanggo, subalit iniutos ni Aguinaldo ang kanilang pagpapalaya.

May pangamba si Aguinaldo sa ugali ni Luna, isang bagay na nasaksihan niya mismo sa isa sa mga pagpupulong ng gabinete, nang bigla itong sumulpot na may kasamang kalahating pulutong ng kawal at inakusahan si Felipe Buencamino, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, ng pagtataksil. Matapos ang maanghang na palitan ng salita, sinampal ni Luna si Buencamino at itinulak sa sahig. Habang bumabangon si Buencamino ay narinig siyang bumubulong, “Ang ginawa mong ito, Heneral, ay may kabayaran.” (Salin ng Mayakda mula Kastila sa Villamor, 21 at 58)

Gayunman, ang matibay na pagtutol ni Luna sa awtonomiya ay hindi umaakma sa kanyang tungkulin bilang Direktor ng Digmaan. Ang kanyang pananagutan ay itaguyod ang misyon ng sandatahang-lakas sa pagtatanggol sa bayan laban sa pananakop ng mga Amerikano. Ang anumang landas na tatahakin ng pamahalaan sa larangan ng pulitika ay pananagutan ng gabinete at ng Kongreso, at hindi ng militar.

Tulad ng itinuro ni Mabini sa kanyang liham kay Aguinaldo noong ika-7 ng Marso, 1899, pinuna niya si Luna sa hindi pagkakaunawa sa saklaw ng kanyang tungkulin, sapagkat ito’y nakikialam sa pamamahala ng pamahalaan. (Santos [Mabini], 18)

Kung si Luna ay tapat sa kanyang mithiin ng ganap na kasarinlan, marapat sanang siya’y nagbitiw sa kanyang tungkulin at kumilos nang hiwalay sa pamahalaan na ang layunin ay salungat sa kanyang adhikain. Ang kanyang hakbang na palawakin ang kanyang kapangyarihan lagpas sa hangganan ng organisasyong militar, at ang pagpapahina—o pagtatangkang pahinain—ang kapangyarihan ng pamahalaan, ay isang kilos na itinuturing na Golpe de Estado, o kudeta.

Tugon ni Aguinaldo sa mga Gawi ni Luna

Nang matanggap ni Aguinaldo ang telegrama noong ika-1 ng Hunyo na nagsasaad na nais makipagpulong ni Luna sa kanya, minabuti niyang iwasan ito at huwag sagutin ang telegrama. Alam na ni Aguinaldo, batay sa isang lihim na ulat ni Tenyente Koronel Pepito Leyba (Aguinaldo [Alaala], 1), na layunin ni Luna na alisin sa pamahalaan ang mga tinaguriang awtonomista—yaong mga sumasang-ayon sa alok ng mga Amerikano ng kapayapaan sa ilalim ng awtonomiya. Upang maisakatuparan ito, balak umano ni Luna na magsagawa ng Golpe de Estado, at para kay Aguinaldo, ang isang kudeta ay maaaring magbunsod ng digmaang sibil.

Nang malaman ni Buencamino ang nalalapit na pagdating ni Luna, sumulat siya ng isang mahabang liham kay Aguinaldo kinabukasan, ika-2 ng Hunyo 1899 (Taylor [IV], 101–106). Sa kanyang liham, humiling siya ng proteksiyon laban sa maaaring di-makatwirang pag-aresto ni Luna. Takot siya para sa kanyang buhay, batay sa mga balitang si Luna’y pinuntirya ang mga awtonomista gaya nina Paterno, ang Kalihim ng Estado, gayundin sina Velarde at Arguelles, na siyang mga pangunahing tagasulong ng panig ng awtonomiya.

Hindi malinaw kung anong uri ng proteksiyon, kung meron man, ang ibinigay ni Aguinaldo kay Buencamino; sapat na sabihing nilisan ni Aguinaldo ang Cabanatuan patungong Tarlac.

Samakatuwid, para kay Aguinaldo, ang telegramang natanggap niya mula kay Luna ay palatandaan na isasakatuparan na ang Golpe de Estado pagdating ni Luna sa Cabanatuan. Kinailangan niyang gumawa ng hakbang upang maiwasan ang pagsiklab ng digmaang sibil. Gaya ng nakasaad sa di-publikadong tala ni Aguinaldo, isinuot niya ang kanyang uniporme bilang Kapitan-Heneral at nagtungo sa Bamban, Tarlac kasama si Heneral Gregorio del Pilar at ang kanyang hukbo. Doon, sinapawan niya ang pamumuan ng Dibisyong Luna at inalis sa posisyon si Heneral Venancio Concepcion, na mapayapa namang nagpasailalim sa kapangyarihan ni Aguinaldo.

Malinaw, mula sa pananaw ng isang tagamasid na walang kinikilingan, na ang layunin ng pagkilos ni Aguinaldo ay upang huwag hayaang magamit ni Luna ang hukbo sa balak nitong kudeta.

Matapos niyang matagumpay na mapasakamay ang pamumuno sa Dibisyong Luna, agad niya itong pinaghiwa-hiwalay sa iba’t ibang brigada. Pagkatapos ay ipinadala niya ang telegrama kay Luna upang humarap sa kanya sa Tarlac—ngunit kinabukasan ay natanggap niya ang balita na napatay na si Luna.

Wala umanong dahilan si Pangulong Aguinaldo upang ipapatay si Heneral Luna. Itinaas pa nga niya ito sa ranggo sa itaas ng mga nakatatandang opisyal ng rebolusyon—mga pinunong naging alanganin at tutol sa paghirang kay Luna, subalit nanaig ang pasya ni Aguinaldo, kahit ang ilan sa mga ito ay sariling kamag-anak niya.

Ipinaliwanag ni Aguinaldo ang kanyang pasya sa ganitong paraan:

“Kinuha ko si Luna at hinirang bilang Pangalawang Kalihim ng Digmaan na may ranggong Brigadyer Heneral sapagkat kapos tayo sa mga mahusay na pinunong-militar. Halos lahat ng mga kasalukuyang heneral ay humugot ng kawal mula sa sarili nilang mga kasama at mga kaanak, at karaniwan, ang mga kawal ay sa kanila lamang sumusunod. Bagama’t matatalino’t matatapang ang ating mga opisyal, karamihan sa kanila’y walang kakayahang mamuno ng malalaking pwersa. … Ni si Luna man ay hindi nag-aral sa akademyang militar, sapagkat siya’y edukadong parmasyotiko. Subalit, bukod sa hindi matatawarang tapang, siya’y masugid na mag-aaral ng estratehiyang militar at kasaysayan. Hindi lamang siya ang pinakabihasa nating kumander, kundi may kakayahan din siyang magtatag ng isang paaralang militar kung saan niya sinanay ang karamihan sa ating mga opisyal. Kailangan natin siya upang mapanatiling buo’t organisado ang ating pwersa. At kailangan natin, kahit ang kanyang mabagsik na ugali, upang maipataw ang disiplina sa ating hukbong walang pagsasanay.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Saulo [Rewriting], 16)

Ani Aguinaldo, kung nais niya raw ipapatay si Luna, hindi niya ito gagawin sa loob ng kanyang tanggapan kundi sa larangan ng labanan—at isisisi pa ito sa mga Amerikano.

“Kung nais ko lamang ipapatay si Luna, sa palagay ba ninyo ay magiging hangal ako upang gawin ito sa loob mismo ng aking punong himpilan at saka'y mapagbintangan pa ako ng publiko? Kay dali sanang ipaubaya ito sa pamamagitan lamang ng pag-uutos sa aking matatapat na tauhan na barilin siya sa gitna ng labanan, at pagkatapos ay isisi sa mga Amerikano ang kanyang pagkamatay.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Saulo [Rewriting], 28)

Pagsusuri at Pagtatapos sa mga Hindi Pa Nalulutas na Isyu

Ang isang pagsusuring isinagawa sa ganitong panahong halos mahigit isang dantaon na mula nang maganap ang malungkot na pangyayaring ito sa ating kasaysayan ay nagbubunga ng mga kaisipang nararapat bigyang-linaw at kasagutan:

Una -  Kung si Aguinaldo nga ang utak sa pagpatay kay Luna, bakit hindi niya ito pinaghandaan? Bakit hindi niya pinalakas ang mga tanod sa Cabanatuan bago siya nagtungo sa Tarlac upang kunin ang pamumuno ng Dibisyong Luna? Batid niya na si Luna ay kadalasang bumibiyahe na may kasamang yunit ng kabalyerya, bagaman naiwan ito noon sa kabila ng ilog dahil nasira ang mga bagon.

Ikalawa - Kung balak nga ni Aguinaldo na ipapatay si Luna, bakit hindi niya inilikas ang kanyang ina at asawa mula sa kumbento, gayong maaari itong maging lugar ng sagupaan at wala siya roon upang sila'y ipagtanggol? Ibig bang sabihin ay handa siyang isapanganib ang buhay ng kanyang mga mahal sa buhay, o kaya'y naman ay tutuong walaag anumang sabwatang na siya ang may pakana ukol sa pagpatay kay Luna?

Ikatlo - Si Luna ay nagtungo sa Cabanatuan na kasama lamang ang dalawa niyang aide. Maaaring nagpapahiwatig ito na hindi niya inaasahan ang kaguluhan sapagkat inaakalang isang pribadong pagpupulong lamang ito kasama si Aguinaldo hinggil sa isang mahalagang usapin. Ang mga hakbang na ito, kapwa mula kina Luna at Aguinaldo, ay nagpapakitang wala silang intensyon o layuning saktan ang isa’t isa.

Ikaapat - Ang katawan ni Luna ay nagtamo ng mahigit sa tatlumpung sugat—isang malinaw na pahiwatig ng lubos na poot at paghamak mula sa mga sumalakay sa kanya, na hindi kapareho ng sinapit ni Coronel Roman na napatay sa pamamagitan lamang ng isang tama ng bala sa dibdib. Hindi maikakaila na matindi ang galit ng mga kawal Caviteño kay Luna dahil sa maraming kadahilanan: sila’y pinaratangang dahilan ng pagkatalo sa Labanan sa Caloocan, ipinahiya ang kanilang yunit sa harap ng buong hukbo, inalisan ng ranggo ang kanilang mga opisyal at ipinabilanggo, ipinag-utos ang pagbuwag ng kanilang brigada, at pinagpapalo ni Luna ng latigo ang kanilang mga asawa’t anak—may ilang may bulutong—at pinababa mula sa tren-militar. Ayon sa nakasaksi sa insidente na si Heneral Jose Alejandrino, kaibigan at pinagkakatiwalaang kasama ni Luna:

“Ang ginawang ito ni Luna ay nagbunga ng maraming kaaway mula sa mga pinuno at opisyal na kasama ang kanilang pamilya sa tren, at hindi ako magtataka kung ilan sa kanila ay naging kabahagi ng balak sa Cabanatuan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Alejandrino, 133)

Ikalima - Sinasabi ng ilan na si Janolino at ang kanyang mga kawal ay hindi pinarusahan. Mali ito.  Ang katotohanan, isang hukuman-militar ang inihanda para sa kanila, gaya ng nasasaad sa opisyal na ulat ng pamahalaan noong ika-8 ng Hunyo 1899:

“…Kaagad pagkatapos ay ang Hukuman-Militar ay nagsagawa ng nararapat na hakbang at ngayon ay isinasagawa ang paunang paglilitis, at ipinasiya ng pamahalaan na ang libing ay isagawa na may lahat ng karampatang parangal militar.”
(Salin ng Mayakda mula Ingles sa Kalaw-Maximo [Development], 211)

Ngunit ang paglilitis ay hindi natapos. Ang pagkabigong ito ang naging dahilan ng mga haka-haka. Sinasabi ng iba na ito’y patunay na sangkot si Aguinaldo sapagkat hindi niya itinuloy ang parusa sa mga may sala. Ngunit tila nalilimutan ng mga bumabatikos na sa mga panahong iyon, ang buong lakas ng opensibang Amerikano ay winawasak ang lahat ng posibleng depensa ng Hukbong Republikano—isang pagsalakay na isa-isang nilalamon ang mga bayan-bayan. Sa ganitong kalagayan ng digmaan, naging imposible na matapos ang paglilitis sa hukuman. Subalit sa lahat ng palatandaan, sina Janolino at ang kanyang mga kawal ay inalis sa tungkulin bilang mga tanod ng Pangulo at hindi na isinama sa paglalakbay ni Aguinaldo patungong Palanan.

Ikaanim - Isang salaysay ang kumalat na diumano’y sumilip sa bintana ng kumbento ang ina ni Aguinaldo at sumigaw ng, “Ano ba, nagalaw pa ba iyan?” (Salin ng Mayakda mula Kastila sa Villamor, 25)—isang pahiwatig na alam daw niya ang mangyayari kay Heneral Luna. Ang pinagkunan ng salaysay ay ang Diarios de Operaciones ni Heneral Venancio Concepcion
(Villamor, 200). Subalit ang salaysay na ito ay itinuturing na tsismis sapagkat ang mismong pinagmulan nito ay isang koronel na wala naman sa pinangyarihan ng insidente. Mas kapani-paniwala ang salaysay ni Gregorio Fajardo, isang saksi, na nagsabing nakita niyang may isang babae na lumabas sa bintana ng kumbento—hindi niya tiyak kung ina o asawa ni Aguinaldo—at sumigaw:

“Bakit ninyo pinatay ang Heneral? Hindi ba ninyo siya nakilala? Mga walang hiya kayong lahat!” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Agoncillo [Malolos], 436)

Ikapito - Ang pagkamatay ng dalawang opisyal ng Hukbong Republikano na malapit kay Luna—ang magkapatid na Jose at Manuel Bernal—sa kamay nina Heneral Gregorio del Pilar at Servillano Aquino ayon sa pagkakasunod (Agoncillo [Malolos], 443), ay sinasabing bahagi ng isang mas malaking sabwatan upang ipapatay si Luna na may basbas diumano ni Aguinaldo. Ngunit kung ito ay totoo, bakit hindi pinatay ang iba pang mga opisyal na kilala ring matatapat at malalapit kay Luna? Tulad nina:Heneral Jose Alejandrino, Heneral Venancio Concepcion Koronel Simeon Villa, Koronel Manuel Sityar, Kapitan Eduardo Rusca, Koronel Cavestany, Tenyente Koronel Quirong at Cajanding, Mga Kumandante na sina Vister, Cruz, Estanislao, at Ochoa.

Ang katunayan, karamihan sa kanila ay sumama pa kay Aguinaldo sa mahaba at mapanganib na pagtakas patungong Palanan

Pagtatapos

Ang aklat ni Juan Villamor na “La Tragedia de Cabanatuan: Crimen o Razon de Estado” ay naglalaman ng isang malalim at masusing pagsisiyasat sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna. Ang pananaliksik na ito ay isinagawa sa kasagsagan ng mainit na kampanyang pampulitika sa pagitan nina Manuel L. Quezon at Emilio Aguinaldo para sa pagkapangulo ng Commonwealth. Sa panahong ito ng matinding tunggalian, ginamit ng kampo ni Quezon ang isyu bilang propaganda laban kay Aguinaldo, at inakusahan siya bilang may pananagutan sa pagkamatay nina Luna at Bonifacio. Ang kampanyang ito ng paninira ay maaaring naging dahilan kung bakit natalo si Aguinaldo sa pagkapangulo.

Hindi tuwirang isinisi ni Villamor kay Aguinaldo ang pagpaslang kay Luna, ngunit ipinaabot niya ang pananaw na maaaring may magagawa sana si Aguinaldo upang ito’y mapigilan kung kanyang gugustuhin, subalit hindi niya ginawa. Ito ang sinabi ni Villamor sa kanyang aklat:

“Hindi man siya (Aguinaldo) ang may-akda o tagapag-udyok ng krimen, anong pananagutan ang mayroon siya sa pangyayaring ito? Sa udyok ng mga tagapayo niyang mapangibabaw, lalo na ng isang Ginang na ang pagmamahal ay hindi niya maisantabi, siya’y napahinuhod sa sabwatan ng karahasan at sa mga bunga nito. Ito ang tanging pananagutan ni Pangulong Aguinaldo, sa aming mapagpakumbabang palagay.” (Salin ng Mayakda mula sa Kastila sa Villamor, 201)

Gayundin, si Teodoro Agoncillo, isang batikang historyador, ay hindi rin tuwirang isinisi kay Aguinaldo ang krimen:

“Walang sapat na matibay na ebidensiyang mag-uugnay kay Aguinaldo sa kamatayan ni Luna, subalit may malalakas na ebidensiyang nagpapakita na ang mga taong nasa paligid niya ay may interes na si Luna ay mapatay.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Agoncillo [Malolos], 444)

Kabilang sa mga taong nasa paligid ni Aguinaldo, ang itinuturong pangunahing sangkot ay si Felipe Buencamino. Ang matinding alitan nila ni Luna ay lumagpas na sa posibilidad ng pagkakasundo. Isinalarawan ni Agoncillo ang isa sa matitinding pagtatalo ng dalawa:

“Sa mga huling araw ng Mayo, nagtungo si Luna sa Cabanatuan at nakita roon si Buencamino—na noon ay nakalaya na—sa isang hapunang inihandog ni Aguinaldo. Sa gitna ng hapag-kainan, tiningnan ni Luna si Buencamino ng may matinding galit, saka humarap sa kanyang aide at sinabi: ‘Isa na namang taksil na dapat nating ikulong.’ Labis na ikinagalit ni Buencamino ang paratang at sumagot: ‘Ikaw ang tunay na taksil sa bayan! Kung hindi mo lamang inalis ang sanlibong kawal sa Kalumpit upang parusahan si Heneral Mascardo, sana’y naipit ng husto ang mga Amerikano sa Malolos. Ang iyong paratang ay kasinungalingan, gaya ng paninira mo sa aking anak sa harap ni Heneral Aguinaldo.’” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Agoncillo [Malolos], 426)

Si Luna ay nagparatang na ang anak ni Buencamino, si Kumandante Joaquin Buencamino, ay nagtaksil  sa bayan tulad ng kanyang ama at lumipat sa panig ng mga Amerikano. Subalit matapos ang pagsisiyasat ni Aguinaldo, napatunayan na si Joaquin ay namatay bilang isang bayani, sa pakikipaglaban sa mga Amerikano sa labas ng San Fernando noong ika-26 ng Mayo. (Taylor [IV], 101; Villamor, 88)

Maalala rin na matapos saktan ni Luna si Buencamino—sinampal at itinulak sa sahig—ay binigkas ni Buencamino ang isang babala:

“Ang ginawa mong ito, Heneral, ay may kabayaran.” (Salin ng Mayakda mula Kastila Villamor, 21)

At narito ang isang matinding ebidensiya: nagpatotoo si Gregorio Fajardo, isang saksi sa pangyayari, na isang kakilalang sundalo ang nagsabi sa kanya bago pa man ang insidente na:

“Si Don Felipe Buencamino ay gaganti kay General Luna.”

Ipinatotoo rin ni Fajardo na narinig niyang tinanong ni Buencamino ang mga sundalo kung may nasugatan sa kanila at iniutos na halughugin ang mga bulsa ng mga bangkay, lalo na kung may dala silang telegrama. (Agoncillo [Malolos], 435) Ito’y mga pangyayaring nagpapahiwatig na si Buencamino ay maaaring kasangkot sa pagpatay kay Luna.

Gayunman, sa kanyang liham noong ika-9 ng Nobyembre, 1928, kay sa kanyang pamangkin, ay sumumpa si Buencamino:

“Nguni’t ako’y sumusumpa sa harap ng Diyos at sa abo ng aking mga magulang na wala akong kinalaman—tuwiran man o di-tuwiran—sa kasuklam-suklam na pangyayaring iyon.” (Salin ng Mayakda mula Kastila sa Villamor, 80)

Ipinahayag din ni Buencamino na humiling siya kay Aguinaldo na bigyan siya ng sertipikasyon na siya’y walang kinalaman sa krimen, ngunit hindi ito ibinigay ni Aguinaldo.  

Sangkot nga kaya si Buencamino bilang utak sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna?  Kayong mamababasa na ang humusga gamit ang mga salaysay ng pangyayari at paliwanag na isinasaad sa sulating ito.


<><><>–o-O-o–<><><>




No comments:

Post a Comment