Sunday, April 26, 2020

Heneral Gregorio del Pilar - Ang Bayani ng Pasong Tila

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “General Gregorio del Pilar - The Hero of Tirad Pass,” na matatagpuan sa pahina 243-253 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)



Mayroong hindi makakatugmang salaysay tungkol sa pagkamatay ni Heneral Gregorio del Pilar.  Isang salaysay ang nagsasabing nabaril siya sa mukha nang lumantad at tiningnan niya ang ginagawa ng mga Amerikano sa ibaba.  Isa namang salaysay ang nagsasabing nabaril siya habang nakasakay sa kanyang kabayo at papaalis na sana sa lugar ng pinaglabanan.

Ang di pagkakatugmang ito ng mga salaysay ay nilinaw ni Ginoong John McCutcheon sa kanyang parangal kay Del PIlar na sinulat niya para sa Chicago Record noong ika-23 ng Disyembre 1899.  Ito ang sabi niya:

Si Heneral Gregorio del Pilar ang huling natumba.  Tatalilis na sana siya  na may tama na sa kanyang balikat.  Akma siyang sasakay sa kanyang kabayo na inaalalayan ng isang tauhan nang isang bala ng Krag-Jorgensen ang tumama sa kanyang leeg at lumabas sa ibaba ng kanyang bibig.” (Isinatagalog ng mayakda mula sa Van Meter, 349)

Ayon sa salaysay ni Ginoong McCutcheon sa itaas, nawawari na nakatalikod si Del Pilar sa bumaril sa kanya at ang takbo ng bala ay hindi pataas,  nangangahulugang hindi siya nabaril habang nakatingin sa ibaba.  Pinapatunayan din ng salaysay na nakaakyat ang ilang Amerikano sa gulod at nakapwesto sila na tanaw ang mga nagtatanggol na mga Pilipino at sila ay isa-isang binaril, kasama na si Del Pilar.

Ang mga pangunahing batis tungkol sa pangyayari sa Pasong Tila ay galing sa mga nakaligtas sa labanan – sina Telesforo Canseco at Korporal Feliciano Mateo – at ang talaan ni  Koronel Simeon Villa.  Ang mga pumapangalawang mga batis ay mga sinulat nina Teodoro M. Kalaw, Teodoro Agoncillo, Nick Joaquin at Carlos Quirino.  Ang mga galing sa Amerikano ay salaysay ng mga kasapi ng hukbo ng Estados Unidos sa pamumuno ni Komandante Peyton C. March na nakipaglaban sa mga Pilipino sa Pasong Tirad, pati na salaysay ng mga kasamang mambabalita, sina Richard Henry Little at John McCutcheon, na naroroon sa pinangyarihan.



Makikita sa itaas ang larawan ng Pasong Tila.  Ayon sa salaysay ng mga sundalong Amerikano, sina Del Pialr ay nakatalaga sa dalawang  tanggulang sa itaas ng burol sa kaliwa.  Una’y harapang sumugod ang mga Amerikano ngunit sila’y napaurong sa lakas ng barilan.  Kaya inutusan ni Komandante March ang isang pangkat ng sundalong Amerikano na akyatin ang bundok sa may gawing kanan.  Matarik ang mataas ng bundok kaya ang mga sundalo ay ginamit pati kanilang kamay para mahila nila ang sarili pataas.  Nang sila’y nasa itaas na, madali nang inisa-isa ng manunudlang Amerikano ang mga nagtatanggol ng mga Pilipino, kasama na si Heneral Gregorio del Pilar. 

Maraming batis ang mga salaysay tungkol kay Heneral Gregorio del Pilar at ang huli niyang pagtindig sa Pasong Tila galing sa mananalaysay na Pilipino at Amerikano.  Ang mga pangunahing batis sa panig ng mga Pilipino ay galing sa mga sinasabing nakaligtas sa labanan – sina Korporal Feliciano Mateo at Telesforo Carrasco – at ang tandaan ni  Koronel Simeon Villa.  Ang mga pumapangalawang mga batis ay mga sinulat nina Teodoro M. Kalaw, Teodoro Agoncillo, Nick Joaquin at Carlos Quirino.  Ang mga galing sa Amerikano ay salaysay ng mga kasapi ng hukbo ng Estados Unidos sa pamumuno ni Komandante Peyton C. March na nakipaglaban sa mga Pilipino sa Pasong Tila, pati na salaysay ng mga kasamang mambabalita, sina Richard Henry Little at John McCutcheon, na naroroon sa pinangyarihan.

Ang sabi ni Korporal Mateo na pagkatapos ng labanan siya at pitong mga nakaligtas ay nagtungo sa Benguet at doon ay hinubad nila ang kanilang uniporme at naglakad ng pauwi.  Kaya ang kanyang salaysay ay binibigyang halaga.  Samantala, ang salaysay ni Carrasco ay hindi ginamit dahil wala siya sa listahan ng mga nakaligtas sa salaysay ni Korporal Mateo.  Hindi rin siya nabanggit ni Koronel Villa sa kanyang sinulat sa kanyang tandaan noon ika-2 ng Disyembre 1899 na isa sa mga opisyal na nakabalik galing sa bundok ng Tila na nagdala ng masamang balita.    Sa kabilang dako, ang pumapangalawang batis ng Pilipino at hindi naman kaiba sa mga Amerikano, kung kaya isa lamang ang ginamit dito, ang sinulat ni Carlos Quirino, upang maibigay ang kabuuang salaysay.

Narito ang salaysay ni Carlos Quirino tungkol sa labanan sa Pasong Tila na salin mula Ingles hango sa aklat na pinamgatang “Filipino Heritage”:

“Patapos na ang tagulan kaya nagsimula na ang pagsulong ng pwersang Amerikano.  Ang mga Pilipino ngayon ay kulang na sa dalawang libo.  Nagutos na si Aguinaldo na lumaban ng giyerang girelya kaya pinaghiwa-hiwalay na ang hukbo.  Upang makaiwas na makubkob, ang mga Pilipino ay mabilis na tumulak patungong hilaga.  Nakarating sila sa lalawigan ng La Union at tumuloy sa Ilocos Sur bago matapos ang buwan ng Nobyembre.  Ang pangkat ni Heneral Young ng Estados Unidos naman ay naunang dumating sa Candon, kaya si Aguinaldo ay umiwas at nagtungo sa timog-silangan papunta sa mga bundok ng Lepanto, dumaan sa Pasong Tila at nakarating sa nayon ng Angake.  Napansin nilang mapatigayon ang paso kaya nagkusa si Del Pilar na bumalik upang ipagtanggol ang lugar.

"Ito ang nakasulat sa tandaan ni Koronel Simeon Villa: “Nang alas 6 ng umaga nagpahiwatig si Heneral Del Pilar sa kagalanggalang na pangulo na payagan siyang bumisita sa mga tanggulan sa bundok ng Tila.”  Nagpaalam si Del Pilar sa lahat at sinabi kay Santiago Barcelona, ang tagatinging doktor sa Pangulo: ‘Kung ang mga Amerikano ay nakarating dito (Angake) ang ibig sabihin ay dumaan sila sa ibabaw ng aking bangkay.”    Ganito rin ang nabanggit ni Crispulo Aguinaldo sa kapatid niyang si Emilio nang pumalit siya sa labanan sa Salitran. 

“Si Del Pilar ay may salagimsim bago pa man naglabanan.  Isinulat niya sa kanyang tandaan ang ganito: 
Nagpapahinuhod ako sa napipintong kapalarang naghihintay sa akin at sa matatapang kong kawal, ngunit ako’y nagagalak na mamatay sa pagtatanggol ng bayan kong mahal.”
“Ang Pasong Tila ay 1,300 metrong taas na tinatakpan ng ulap ang tutok kung tagulan.  Sa Disyembre, maganda ang panahon at maliwanag ang paligid.  Nang buwang ito ang 60 sundalong Pilipino na armado ng riple ay nagbantay sa pasong ito.  Ihiniwalay sila sa taliba ng pangulo – na ngayon ay bumaba na sa 400.  Nagtayo sila ng tanggulan gamit ang lupa, mga bato at puno ng kahoy sa tatlong palapag.  Ang batalyon ni Komandante Peyton C. March na sumusunod sa tumatakas na si Aguinaldo at Del Pilar ay inaasahang aabutan nila sa Pasong Tila na sa kanan ay isang bundok halos 400 metro ang taas.  Sinubukan ng mga Amerikano ang harapang paglusob ngunit walang nangyari.  Kaya inutos ni Komandante March ang isang pulutong na umakyat sa tugatog na nakausli sa bundok 40 metro ang layo mula sa tutok ng Tila.  Ang mga Amerikano ay umakyat pataas ng tutok ng tugatog, gamit lang ang kanilang kamay upang mahila nila ang sarili pataas.  Dalawang oras nilang inakyat ang tugatog.  Samantala ang mga Pilipino naman ay patuloy ang pagbaril at paminsan-minsan ay binabato ang mga Amerikanong umaakyat.

“Mula sa itaas ng tugatog, ang malakas na Krag-Jorgensen ripleng Amerikano ay isa-isang tinudla ang 52 sa 60 kawal Pilipino.  Ang huling tumumba ay si Del Pilar.  May sugat na siya sa balikat at paakyat na siya sa tutok ng Tirad sakay sa kanyang kabayo nang tamaan siya ng manunudla sa mukha.  Tinakpan niya ang kanyang nagdudugong mukha ng kanyang kamay.  Pagkatapos ay tumumba siyang patalikod, patay.  Suot niya ay bagong unipormeng kaki, isang rebolber na nakasuksok sa sisidlan, pilak na tahid, balat na bota, at gintong singsing sa daliri.  “Magandang lalake siya at makisig hanggang kamatayan,” ang sabi ni Koronel Vicente Enriquez, isa sa mga nakaligtas.

“Natapos ang barilan.  Ang mga sundalong Amerikano na naghahanap ng pangalaala ay hinubaran ang bangkay ni Del Pilar ng lahat ng kanyang suot – ang singsing, isang laket na kwintas na may lamang buhok ng kanyang kasintahan, panyo, ang rebolber at sisidlan, ang tahid, bota, pati kanyang uniporme, iniwan siyang halos hubad.  Maari nilang hubarin lahat ng kanyang makamundong pagaari, ngunit hindi ng kanyang kagitingan.”  (Carlos Quirino, “Valiant Sacrifice at Tirad Pass,” The Filipino Heritage, vol 8, 2157-2160)

Ang Salaysay  Ayon sa  Amerikano
Mula sa sinulat ni Richard Henry Little, isang mambabalita ng Chicago Tribune na hango sa aklat ni H.H. Van Meter na pinamagatang, “The Truth About the Philippines”, narito ang kanyang salaysay:

“Nakita kong namatay ang pinabata at pinakamatapang ng heneral ng Pilipino habang inuudyukan ang kanyang mga tauhan sa kanilang huling tangkang pigilin ang pagsulong ng mga Amerikano; nakita ko ang huling labanan – ang labanan ng mga pili at magigiting na sundalong Pilipino sa kanilang mabangis na tangkang mapigilan ang mga Amerikano upang makatakas si Aguinaldo.

“Isang napakadakilang labanan na nangyari sa itaas ng mapanglaw na Pasong Tila nang umaga ng Sabado ika-2 ng Disyembre.  Nagbigay ng dangal sa batalyon ni Komandante March ng pang-33 boluntaryong hukbong-lakad na nagwagi.  Walang kahihiyan ang idinulot sa iilang mga animnapung Pilipino na lumaban at namatay doon.  Animnapu sila na nautusan ni Aguinaldo na tumalima sa Pasong Tila nang umagang iyon upang pigilan ang pagsulong ng mga Amerikano.  Pito lamang  ang nakabalik nang gabing iyon upang sabihin kay Aguinaldo na sila’y bigo.  Limampu’t tatlo ay namatay o sugatan.

“At siya sa kanilang lahat na huling umurong, naroon ang katawan ng batang heneral si Gregorio del Pilar.  Nakita namin siyang pinalalakas ang loob ng kanyang mga kawal.  Isa sa aming kumpanya ang nakaakyat sa burol  malapit sa kanyang tanggulan, narinig namin ang kanyang sigaw na paulit-ulit pinagsasabihan ang mga tauhan na maging matatag, kakagalitan,  pupurihin,  isusumpa, at minsan mamamanhik sa kanilang pagmamahal sa bayan at sa kahulihan ay binabantaan niyang siya mismo ang papatay sa kanila kung hindi sila magpapakatatag.  Napaurong sila sa unang tanggulan at lumipat sila sa ikalawa na kitang-kita ng mga manunudla at lantad sa matinding pamamaril.  Nang lahat sa kanyang paligid ay lugmok na saka pa lamang sumakay siya sa kanyang puting kabayo paakyat  sa palikong landas.  Kaming nasa ibaba ay nakatingin sa isang Amerikanong kumilos sa ibabaw ng malapad na bato, sumipat sa anyong nakasakay sa kabayo.  Hindi kami humihinga, di malaman ang dasal na ang manunudla ay tumama o pumalya.  At siyang pagputok ng ripleng Krag at ang taong nakasakay sa kabayo ay nahulog at gumulong sa lupa, at nang ang mga sundalo na paakyat sa tabi ng bundok ay nakarating sa kanya, ang batang heneral ng mga Piipino ay patay na.

“Umakyat kami sa tabi ng bundok.  Pagkatapos mapaalis ng kumpanyang “H” ang mga insurekto mula sa kanilang ikalawang tanggulan at napatay si Pilar, ang ibang kumpanya ay nagsiakyat din sa landas, at hindi huminto hanggang narating nila ang  itaas lampas ng mga ulap kung saan wala nang makitang mga insurekto.  Nang kami’y paakyat nadaanan namin ang mga patay na mga Pilipinong sundalo.  Sampu ang nabilang namin.  Ang ilan ay tinamaan ng maraming ulit.  Nakita namin ang patak ng dugo patungo sa gilid ng bangin kung saan ang mga sugatan ay maaring tumalon o nahulog.  Dinaanan namin ang ikalawang tanggulan paakyat sa landas.  Gawa ito ng mabibigat ng bato na siniksikan ng lupa.    At ilan yarda ang layo dito ay nakita namin ang nagiisang katawan na nakalugmok sa daan.  Ang katawan ay halos hubad, at walang marka ng ranggo sa madugong damit niya. Ngunit ang mukha ng patay na tao ay mayroong anyong kakaiba sa mga nakita kong nakaunipormeng patay na insurekto sa labanan, sanhi ng pamamaril ng mga Amerikano.  Ang katangian niya ay makinis, mataas at maganda ang noo, naisip ko na marahil ito ay isang opisyal ng mga insurekto.  Isang sundalo ang tumatakbong lumapit sa landas.

Si matandang Pilar iyan,” sabi niya.  “Nadale namin ang matandang tampalasan.  Siguro nagsisi siyang humarap sa Tatlumpu’t Tatlo.”

Walang duda na siya nga si Pilar,” pasigaw ng batang sundalo. “Nakuha namin ang kanyang tandaan, sulat, lahat na papeles, at si Sullivan ng aming kumpanya ang nakakuha ng kanyang pantalon, at si Snider nakuha ang kanyang sapatos, pero hindi niya maisuot dahil maliit, at isang sarhento ng kumpanyang ‘G’ ang nakakuha sa isang pilak na tahid, at ang isa ay napunta  sa isang tenyente,  at mayroong nagalis ng kanyang mga butones bago ako nakalapit, at ang natira sa akin ay ang butones sa kwelyo na mayroong dugo.”

“Ito ang naging katapusan ni Gregorio del Pilar.  Sa gulang na dalampu’t dalawa, nagawa niyang maging pinuno ng mga tao di pa man siya masyado pang nagbibinata, at sa huli ay iniaalay niya ang kanyang buhay para sa kanyang paniniwala.  Hawak ni komandante March ang kanyang tandaan.  Doon ay nakasulat sa ilalim ng ika-2 ng Disyembre, ang araw nang siya’y napatay:
Ibinigay sa akin ng Heneral ang piling mga tao na maaring ihiwalay at inutusan akong ipagtanggol ang paso.  Napagtanto kong napakalaking tungkulin ang ibinigay sa akin.  Subalit sa aking pakiramdam ay ito ang pinakamarangal na sandali ng aking buhay.  Ang gagawin ko ay para sa aking mahal na bayan.  Walang mas lalo pang mahalagang handog kundi ito.”
“Isang sundalo ang nagladlad ng panyo.  “Ito ay kay matandang Pilar.  Nakasulat ang ‘Dolores Hosea’ sa sulok.  Ito siguro ang kanyang kasintahan.  Tapos na lahat kay Gregorio.”

Hindi bale,” sabi ng sundalong si Sullivan, “Nasa akin ang kanyang pantalon.  Hindi na niya kailangan.”

“Ang isa na hawak ang sapatos ng heneral ay mayabang na palakad-lakad, ayaw tanggaping kapalit ang alok na pisong Mehicano at isang paris na sapatos na kinuha sa isang sundalong insurekto.  Isang sundalo rin ang nakaupo sa bato at sinisiyasat ang gintong laket na nilagyan ang buhok ng babae.  

Kinuha ko ang laket sa kanyang leeg,” sabi ng sundalo. ***

“At habang ang pinakahanay ay nagsimulang umakyat sa tutok ng bundok at dumating sa isang pagliko, natanaw namin muli ang heneral ng insurekto na nasa ibaba.  Wala nang panahon upang ilibing siya.  Ni walang kaputi o kumot man ang inilatag upang matakpan siya.

“Isang uwak ang dumapo sa paa niya.  At isa nama’y sa kanyang ulunan.  Ang makapal na lulap ay tumakip sa amin at hindi na namin siya nakita.

“Hindi kami sumulat kahit isang pangungusap, o naglagay ng tandang bato.  Iniwan namin siya sa kanyang karangalan.

“At nang ang sundalong si Sullivan ay lumampas dala ang damit ni Pilar, si Snider dala ang kanyang sapatos, at iyong isa pa na hawak ang kanyang mga butones, ang sarhento na kumuha ng kanyang tahid, at ang isa ay kinuha ng tenyente, at ang taong hawak ang panyo, at ang isa naman ay iyong tatak sa balikat, pumasok sa aking isipan na tanging karangalan lamang ang naiwan namin sa kanya.” (Salin mula Ingles sa Van Meter, 344-348)

Sa aklat din ni Van Meter isinaad kung ano ang nangyari sa katawan ni Del Pilar.  Narito ang salaysay:

“New York, ika-5 ng Marso. – Isang mambabalita ng Evening Post, sumulat mula sa Maynila noong ika-2 ng Pebrero ang nagsasabing: Noong makita ang katawan ni Gregorio del Pilar, hinubaran ng mga sundalong Amerikano ng lahat ng suot, pati singsing sa daliri at laket sa leeg.  Walang iniwan, lahat ay kinuha bilang pangalaala.  Sa loob ng dalawang araw ang katawan ay iniwan sa tabi ng daan hanggang sa umamoy na, at ilang Igorot ang napagutusang takpan ng lupa.  Ang mga bagay na kinuha sa kanya ay relo, pera, isang ginto at diyamanteng singsing.  Ang mga Amerikanong bayani natin ay hindi tumigil ng “pagnakaw ng bawat sentimo sa mata ng patay”, lalo pang hinubad ang huling tahi ng damit sa kanyang katawan at iniwang hindi nakalibing, subalit kung siya sana ay isang kinamuhiang Ingles ang matapang ng Boer ng Timog Aprika ay ililibing sana siya kasabay ang salmo at panalangin at parangal sa sundalo.” (Salin mula Ingles sa Van Meter, 348)

Ayon sa mga salasysay, ang bangkay ni Heneral Gregoio del Pilar ay nailibing din ng isang sundalong Amerikano si Tenyente  D. P. Quinlan at sa pinaglibingan ay inilagay ang isang batong tanda na may nakasulat:
“GENERAL GREGORIO DEL PILAR NAMATAY SA LABANAN SA PASONG TILA NOONG IKA-2 NG DISYEMBRE 1899 PINAMUNUAN ANG PANGLIKOD NA TALIBA NI AGUINALDO ISANG OPISYAL AT MAGINOO” (Pirmado) D.P. Quinlan, Pangalawang Tenyente, Pang-11 Nangangabayo.” (Salin mula Ingles sa Blount, 249)

<><><>-o-O-o-<><><>

 






No comments:

Post a Comment