Ang salinlahi ng mga Pilipino sa kasalukuyan ay litó hinggil sa usapin ng pakikipagsabwatan sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bunga ng matinding pagdidilig ng edukasyong maka-Amerikano at propaganda, nabigong maunawaan ng sambayanang Pilipino na kapwa ang mga Amerikano at Hapones ay mga mananakop at mapaniil—kaya’t sila’y parehong kaaway ng bayang Pilipino. Kakaiba’t kapansin-pansin, kapag ang isang Pilipino’y nakipagtulungan sa mga Hapones, agad siyang tinatawag na “kolaboretor ng kaaway,” subalit kung sa mga Amerikano siya nakisama, hindi siya kailanman binansagang gayon.
Yamang ang Amerikano at Hapones ay kapwa naging kaaway ng Pilipino sa magkakaibang panahon, makatuwiran lamang na ang pakikipagtulungan sa alinman sa kanila ay maituturing ding pakikipagsabwatan sa kaaway ng bayan.
Tuwing lumilitaw ang usapin ukol sa kolaborasyon sa mga Hapones, agad na naihahayag ang pangalang Aguinaldo. Kakaiba, sapagkat ang mga pangalang gaya nina Recto, Laurel, Vargas, Madrigal, Aquino, at ng iba pang nakipagtulungan sa mga Hapones—pati na si Artemio Ricarte na dumating kasama ng Imperyal na Hukbong Hapones na nakasuot ng unipormeng militar nila—ay bihirang banggitin. Si Aguinaldo ang laging unang ibinubuwal sa larangan ng masidhing batikos, at ang paratang ng pakikipagsabwatan sa mga puwersang Hapones ay madalas gamitin bilang bahagi ng tila sabayang pagsisikap upang dungisan ang kaniyang pangalan.
Kung ang pakikipagtulungan sa mga Hapones ay isang gawaing kolaborasyon, samakatuwid ang lahat ng kalalakihan at kababaihang namahala sa ikalawang Republikang Pilipino sa ilalim ng pananakop ng mga Hapones (na hindi nga kabilang si Aguinaldo) ay mga kolaboreytor. Si Jorge Vargas, ang Kalihim ng Tagapagpaganap ng Pamahalaang Komonwelt, na naiwan upang pamahalaan ang bansa, ay inatasan mismo ni Pangulong Manuel L. Quezon na makipag-ugnayan sa mga Hapones sa kaniyang pamamalagi sa ibang bayan. Ginampanan lamang ni Vargas ang iniatang na tungkulin ni Quezon. Sa batas ng kinatawan at kinatawaning pinuno, ang kilos ng kinatawan—sa pagkakataong ito si Vargas—ay siyang kilos din ng pinuno, si Quezon. Kaya’t hindi malayong sabihin na si Quezon mismo ang unang nakipagsabwatan sa kaaway. Hindi lamang siya nakipagtulungan sa mga Amerikano, kundi siya rin ang nag-utos kay Vargas na manatili at binigyan ng pahintulot upang makipag-usap sa puwersang Hapones na sumalakay.
Ang naging papel ni Aguinaldo noong panahong iyon ay hindi pakikipagtulungan sa kaaway, kundi pagtangkang muling itindig ang Republikang Pilipino na winasak ng mga Amerikano noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Isa siya sa mga tumulong upang maisakatuparan ang adhikaing ito sa loob lamang ng tatlong taon sa ilalim ng pagkupkop ng mga Hapones—isang gawaing hindi nagawa ng mga Amerikano sa loob ng mahigit apatnapu’t limang taon ng kanilang pamumuno, sa kabila ng kanilang pangakong kalayaan.
Kalagayan ng mga Pilipino bago ang Pananakop ng mga Hapones
Nang matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1903, ginamit ng mga Amerikanong kolonyalista ang lahat ng kanilang kapangyarihan upang patahimikin at puksain ang diwang makabayan ng mga Pilipino. Isa sa mga pangunahing hakbang ay ang pagpapairal ng mga batas laban sa sedisyon at paninirang-puri. Sa loob ng labingdalawang taon, ipinagbawal ang pagpapakita ng watawat ng Pilipinas at ang anumang gawaing may damdaming makabayan. Ang sino mang lumabag ay ibinilanggo. Pinalitan ng Ingles ang wikang Kastila, at pinilit ang mga Pilipinong pag-aralan ang kasaysayan at kultura ng Amerika. Kaya’t matapos ang ilang dekadang muling pagtuturo at pagbabago sa isipan, ang dating makabayang Pilipino ay naging isang nilikhang malayo na sa kanyang pinagmulan. Ang matinding pagmamahal sa bayan na namayani noong himagsikan at digmaan laban sa mga Amerikano ay halos naglaho na. Siya’y naging isang mumurahing anyo ng isang Amerikano sa kaisipan, pananalita, at kilos. Nawalan siya ng dangal sa sarili at yumukod sa kanyang mga dayuhang panginoon, itinuring na mas mataas sa kanya ang mga puting banyaga. Kaya’t hindi katakatakang tinawag ni Gobernador-Heneral William Howard Taft ang mga Pilipino na "Little brown brothers," o maliliit na kayumangging kapatid, na maaaring ipakahulugang: ang mga Pilipino ay isa na sa amin, hindi na kaaway.
Bago sumalakay ang mga Hapones, pinalitan ng bagong pamahalaang Komonwelt ang dating pamahalaang kolonyal ng mga Amerikano. Itinakdang magtatagal ito ng sampung taon, mula 1935 hanggang 1945, bago pasiyahan ng pamahalaang Amerikano kung handa na ang mga Pilipino para sa ganap na kasarinlan. Nahalal si Manuel L. Quezon bilang pangulo, matapos talunin si Aguinaldo sa isang magulong halalan noong 1935. Itinalaga si Heneral Douglas MacArthur bilang pinuno ng hukbong sandatahan. Subalit kung ang Pilipinas ba ay magiging ganap na malaya sa pamumuno ng Amerika ay nakasalalay pa rin sa kapasyahan ng pamahalaang Amerikano, sapagkat sila lamang ang may kapangyarihang magpahayag kung ang mga Pilipino ay pumasa na sa kanilang itinakdang pagsusulit. Sa madaling sabi, habang nananatili ang kapangyarihan ng mga Amerikano, ang Pilipinas ay hindi pa ganap na malaya, kahit pa may pamahalaang Commonwealth na pinamamahalaan ng mga Pilipino.
Ang Pananakop ng mga Hapones
Nang bombahin ng mga Hapones ang Pearl Harbor, agad na nagdeklara ng digmaan ang Estados Unidos laban sa Hapon. Bilang kaanib ng pamahalaang Amerikano, sumunod din ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas at idineklara rin ang digmaan. Kaya’t naganap na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas ay isang labanan sa pagitan ng dalawang dayuhang kapangyarihan—ang Estados Unidos at Hapon. Ang mga Pilipino, na hindi mamamayan ng Amerika at hindi rin ng isang ganap at malayang bansa, ay napagitna sa dalawang dambuhalang lakas. Sa ilalim ng ganitong hindi tiyak na kalagayan, karamihan sa mga Pilipino ay napilitang yumukod at sumunod sa mga patakaran ng Hukbong Imperyal ng Hapon sa araw-araw na pamumuhay. Subalit may ilan na hindi nagpasakop at sinuway ang utos ng mga Hapones—sila’y agad na pinatay. Ang iba nama’y piniling lumaban sa mananakop.
.jpg)
Sa Panahon ng Pananakop ng mga Hapones
Nang pumasok at sinakop ng Hukbong Imperyal ng Hapon ang Maynila noong ika-2 ng Enero, taong 1942, nagsipagkubli ang Hukbong Katihan ng Estados Unidos at ang mga iskawts ng Pilipinas sa Bataan at Corregidor. Pagkaraan nito, lumisan si Heneral Douglas MacArthur patungong Estados Unidos, at gayundin si Manuel L. Quezon, Pangulo ng Komonwelt, kasama sina Sergio Osmeña at iba pang mga pinuno. Iniwan si Jorge Vargas upang humarap sa mga Hapones.
Di naglaon, sumuko ang pinagsanib na puwersa ng mga Pilipino at Amerikano, at dito nagsimula ang yugto ng digmaang gerilya. Subalit ang pagbabagong ito tungo sa gerilyang pakikidigma ay hindi nagbago sa likás na katangian ng digmaan—ito pa rin ay digmaan sa pagitan ng dalawang makapangyarihang banyagang bansa: ang Estados Unidos at Hapon. Sa pagkakataong ito, nahati ang mga Pilipino—ang mga gerilya, na tumatanggap ng utos mula sa USAFFE, ay pumanig sa mga Amerikano, samantalang ang mga kasapi ng MAKAPILI (Makabayang Katipunan ng mga Pilipino) ni Artemio Ricarte ay lumapit at naglingkod sa mga Hapones.
Si Jose P. Laurel, na siyang itinalaga sa pinakamataas na tungkulin sa itinataguyod ng Hapon na Ikalawang Republikang Pilipino, ay naniwalang nawalan na ng bisa ang soberanya ng Estados Unidos sa Pilipinas. Hindi nito napangalagaan ang kapuluan ni napaghandaan ang mga Pilipino upang ipagtanggol ang kanilang sariling bayan. Ayon sa kanya, wala nang kabuluhan ang pagpapatuloy ng hindi pantay na pakikibaka, kaya’t ipinaabot sa pamahalaan nina Quezon at sa Pangulo ng Amerika ang mungkahing ipatigil na ang labanan upang mailigtas ang buhay ng mga Pilipino. (De Viana, Kulaboretor, pahina 40)
Ang Pamahalaang Itinataguyod ng mga Hapones
Ang unang pangunahing hakbang ng mga mananakop na Hapones ay ang pagkakatatag ng Philippine Executive Commission noong ika-26 ng Enero, 1942. Ito’y pinagkalooban ng kapangyarihang tagapagbatas at tagahatol, at binigyan ng awtoridad upang pamahalaan ang mga gawain ng estado. Itinalaga bilang puno si Jorge B. Vargas, ang opisyal ng Koomonwelt na iniwan ni Quezon upang kumatawan sa pamahalaang Pilipino sa pakikitungo sa mga Hapones. Itinalaga rin ang mga sumusunod sa kani-kanilang tungkulin: si Benigno Aquino, Sr. bilang Komisyonado ng Loob; si Jose P. Laurel, Katarungan; si Rafael Alunan, Agrikultura at Kalakalan; si Quintin Paredes, Pampublikong Gawa at Komunikasyon; si Claro M. Recto, Edukasyon, Kalusugan at Pampublikong Kapakanan; si Serafin Marabut, Pangalawang Komisyonado; at si Teofilo Sison, Pangkalahatang Tagasuri at Punò ng Pananalapi (De Viana, Kulaboretor, 31).
Pagkaraan, bumuo si Vargas ng isang lupon ng mga tagapayo upang tumulong sa Komisyon. Kabilang sa mga hinirang ay si Heneral Emilio Aguinaldo, Ramon Avanceña, Alejandro Roces, at Miguel Unson (De Viana, Kulaboretor, 32). Subalit ang Komisyon ay hindi nakagagalaw nang malaya; madalas pakialaman ng mga Hapones ang mga pasya nito, kaya’t sa dakong huli’y naging tagapayo na lamang ito sa halip na tagapagpasiya.
Noon pa mang ika-21 ng Enero, 1942, ipinahayag na ni Punong Ministro Tojo ng Hapon na “... malugod na ipagkakaloob ng Hapon ang kasarinlan ng Pilipinas basta’t ito’y makikipagtulungan at kikilalanin ang layunin ng Hapon na itatag ang Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.” (Hartendorp, 468). Bilang paghahanda sa layuning ito, lahat ng partidong politikal ay pinawalang-bisa noong Disyembre 1942, at itinatag ang KALIBAPI (Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas). Isa sa mga sapilitang isinama sa KALIBAPI ay ang Veterans Association na pinamumunuan ni Aguinaldo, na ang pagtutol ay hindi pinansin ng mga Hapones.
Ang Ikalawang Republikang Pilipino
Makalipas ang ilang panahon, ipinahayag ng Hukbong Imperyal ng Hapon na nabigyan ng kasarinlan ang Burma, at susunod na ang Pilipinas, sa kundisyong magpapakita ito ng buong pakikipagtulungan sa lalong madaling panahon. Noong ika-23 ng Oktubre, 1943, itinatag ang Ikalawang Republikang Pilipino sa ilalim ng patnubay ng Hapon. Si Jose P. Laurel ay nahalal na pangulo sa pamamagitan ng isang national assembly na binubuo ng mga gobernador at alkalde ng mga lalawigan.
Ang unang mahalagang tungkuling iniatas ng mga Hapones sa bagong pamahalaan ay ang magdeklara ng digmaan laban sa Estados Unidos at sa mga kapanalig nito. Nag-aatubili si Pangulong Laurel sa pagtugon sa atas na ito at pilit na umiiwas. Nangangamba siya na kung hayagang pumanig ang Pilipinas sa Hapon sa digmaan laban sa Amerika, isusunod nito ang sapilitang pagpasok ng mga Pilipino sa hukbong sandatahan ng Hapon—isang bagay na ayaw niyang pahintulutan sa pamamagitan ng pormal na deklarasyon ng digmaan laban sa Estados Unidos. Sa bandang huli, tinanggap ng mga Hapones ang mungkahi ni Laurel na ideklara na lamang na mayroong “kalagayan ng digmaan” sa bansa. Isa itong naiibang pahayag sapagkat hindi nito sinasabi na ang pamahalaang Pilipino ay nakikipagdigma sa alinmang bansa, Hapon man o Amerikano.
Mahalagang banggitin na idineklara ni Pangulong Laurel na ang Maynila ay isang open city, isang hakbang na nagpapahiwatig ng pagiging walang kinikilingan, upang iligtas ang lungsod sa kapinsalaang dulot ng digmaan. At hindi ang mga Hapones ang sumira sa lungsod. Ang tuluy-tuloy na pambobomba ng mga Amerikano ang siyang naging sanhi ng pagkawasak ng Maynila—isang hakbang na layuning pahinain ang paglaban ng mga Hapones at tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga kababayang nakakulong sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Ang Pakikilahok ni Aguinaldo
Sa ilalim ng mga nabanggit na kalagayan, ang dating pangulo ng Unang Republikang Pilipino at dating heneral ng Himagsikan, si Emilio Aguinaldo, ay nakibahagi at nag-ambag sa pagbuo ng Ikalawang Republikang Pilipino. Una, tinanggap niya ang pagiging kasapi ng Council of State, na noo’y nagsilbing tagapayo sa Philippine Executive Commission. Pagkaraan, itinalaga siya bilang kasapi ng PCPI o Philippine Committee for Philippine Independence, na siyang bumalangkas ng saligang batas para sa mungkahing bagong Republika ng Pilipinas. At sa pormal na pagbubukas ng Republikang ito, aktibong lumahok si Aguinaldo. Siya at ang dati niyang heneral, si Artemio Ricarte, ay buong dangal at taimtim na nagtanghal ng watawat ng Pilipinas—ang unang pagkakataong muli itong itinaas mula noong unang araw ng pananakop ng mga Hapones.
Ngunit ang pinakakontrobersiyal sa lahat ng ginawa ni Aguinaldo ay ang kanyang pakikilahok sa mga pahayag sa radyo na isinagawa ng Japanese propaganda corps. Sa kanyang unang pahayag, nanawagan siya kay Pangulong Manuel L. Quezon ng Komonwelt na lumabas mula sa pulo ng Corregidor upang pangunahan ang pamamahala sa bagong pamahalaang sinusuportahan ng mga Hapones. Sa isa pang pahayag, nanawagan naman siya kay Heneral MacArthur na sumuko. Sa isa sa kanyang huling mga pahayag, nananawagan siya sa mga gerilya na lumitaw, sumuko, at talikuran na ang paglaban.
Ang layunin ni Aguinaldo sa mga panawagang ito ay ang wakasan ang digmaan at mapigilan ang patuloy na pagdanak ng dugo ng mga Pilipino, batay sa kanyang paniniwala sa nakahihigit na lakas ng mga sandata ng mga Hapones. Ang hakbanging ito ay kahalintulad ng kanyang ginawa matapos siyang mahuli ng mga Amerikano noong Marso 23, 1901, nang manawagan siya sa mga kumandante ng Hukbong Republikano sa larangan na sumuko na at ilapag ang kanilang mga sandata upang wakasan na ang salanta ng digmaan, bunsod ng kapangyarihang militar ng mga Amerikano. Naglakbay rin si Aguinaldo sa iba’t ibang lalawigan upang hanapin at hikayatin ang dati niyang mga opisyal sa Himagsikan na tumulong sa pagpapatupad ng kampanyang pamamayapa ng mga Hapones.
Pagkatapos ng pagkatalo at pagsuko ng Hapon, inaresto si Aguinaldo noong Marso 8, 1945, ng Counter Intelligence Corps (CIC) ng Hukbong Sandatahan ng Estados Unidos at ikinulong sa bilangguang Bilibid (De Viana, Kulaboretor, 114). Makalipas ang apat na araw, siya’y pinalaya sa ilalim ng house arrest. Siya’y sinampahan ng labinglimang kaso ng pagtataksil sa bayan, kasama ang 5,556 na iba pang akusado ng kaparehong sala ng Tanggapan ng Taga-usig. Kabilang sa mga kilalang personalidad na sinampahan din ng kasong pagtataksil ay si Pangulong Jose P. Laurel (130 kaso), Jorge B. Vargas (115), Benigno Aquino, Sr. (111), Leon Guinto (68), Claro M. Recto (26), Quintin Paredes (20), Antonio de las Alas (20), Camilo Osias (14), Emiliano Tria Tirona (13), Hilario Moncado (15), Vicente Madrigal (17), Pedro Subido (8), Heneral Guillermo Francisco (22), Francisco Lozada (10), at Antonio Torres (4) (De Viana, Kulaboretor, 129).
Proklamasyon ng Amnestiya ni Pangulong Roxas
Hindi kailanman nilitis sa People’s Court ang kaso ni Aguinaldo. Noong ika-28 ng Enero, 1948, si Pangulong Manuel Roxas—ang halal na pangulo ng Ikatlong Republikang Pilipino na humalili sa pamahalaang Commonwealth, at ang mga ginawang pakikipagtulungan niya sa mga Hapones ay agad na pinawalang-sala ni Heneral MacArthur—ay nagpalabas ng Proklamasyon Blg. 51 na nagkakaloob ng amnestiya sa lahat ng nakasuhan ng pakikipag-kolaborasyon sa larangang pampulitika at pangkabuhayan (De Viana, Kulaboretor, 191). Isang araw ng kasayahan ito para sa karamihan ng mga pinatawan ng kasong pagtataksil, ngunit may iilan, gaya nina Laurel at Recto, na may agam-agam sapagkat inalisan sila ng pagkakataong patunayan ang kanilang pagiging inosente. Isang araw makalipas ang proklamasyon ng amnestiya, ibinasura ng People’s Court ang mga kaso ni Aguinaldo.
Pagkaraang maibasura ang kanyang mga kaso, bumalik si Aguinaldo sa kanyang bayan sa Kawit, Cavite, "upang tahimik na gugulin ang huling yugto ng kanyang buhay.” Gayunman, muli siyang lumantad sa madla noong 1950 nang italaga siya ni Pangulong Elpidio Quirino bilang kasapi ng Council of State sa Malacañang. Muli siyang bumalik sa pagreretiro makalipas nito, at inukol ang kanyang panahon at lakas sa kapakanan ng mga beterano ng digmaan. Nang ilipat ni Pangulong Diosdado Macapagal ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan mula ika-4 ng Hulyo tungong ika-12 ng Hunyo noong 1962, tiniyak ni Aguinaldo na siya'y makadalo sa paggunita ng taong iyon, sa kabila ng kanyang karamdaman at mahinang katawan..." (Ara, 185)
Maaaring itanong kung bakit hindi itinuloy ang mga paglilitis sa mga kasong kolaborasyon. Hindi ipinaliwanag ni Pangulong Roxas kung bakit siya nagkaloob ng amnestiya, maliban sa pagsasabing pinag-isipan niya ito nang ilang araw. Marahil, bilang isang kolaborador na hindi pinarusahan at agad pinatawad sa bisa ng pagpapawalang-sala ni Heneral MacArthur, naramdaman niyang may pananagutang siya rin ay magbigay ng katulad na kaginhawaan sa kaniyang mga kapwa at kababayan.
Sa paglingon, may ligal na suliranin. Noong panahon ng pananakop ng mga Hapones, ang mga Pilipino ay hindi pa malaya at nagsasariling bayan. Ang Pilipinas ay isang teritoryo pa rin ng Estados Unidos, subalit ang mga mamamayan nito ay hindi mamamayang Amerikano. Ang pamahalaang Commonwealth ay hindi likha ng bayan kundi isang pamahalaang ipinatupad ng mga kolonyalistang Amerikano. At matapos ang sampung taon ng Commonwealth, pinalitan ito ng Ikatlong Republikang Pilipino na pinasinayaan noong ika-4 ng Hulyo, 1946, kung saan si Manuel Roxas ang naging Pangulo. Nangyari ito habang nakabimbin pa ang mga kasong kolaborasyon sa People’s Court.
Dapat ding isaisip na ang mga pag-aresto sa mga akusado ng pagtataksil ay isinagawa ng ahensiyang Amerikano na CIC (Counter Intelligence Corps), subalit ang Pamahalaang Amerikano ay hindi isinakdal ang mga kaso dahil nawalan na ito ng kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas matapos ideklara ang kasarinlan. Kung tunay na nais sanang ituloy ang mga paglilitis, marahil ay nararapat lamang na pinalawig muna ang buhay ng dating pamahalaang Commonwealth upang manatili sa kamay ng mga Amerikano ang kapangyarihan sa bansa at sa gayon ay maisakdal nila ang mga kasong kolaborasyon. Ngunit kung gayon, ang bigat ng pagbangon at muling pagtatayo mula sa pagkawasak ng digmaan ay mahuhulog sa balikat ng mga Amerikano.
Nagkaroon din ng mungkahi na dalhin sa Estados Unidos ang mga akusado upang doon litisin. Subalit paanong makagagawa ng pagtataksil sa Amerika ang mga akusado kung sila’y hindi naman mamamayan ng Estados Unidos? Sa wakas, ang mga akusado ay inilipat sa bagong proklamadong Ikatlong Republikang Pilipino. Isang bagay na may pagkasalikop: ang nagsasakdal ay isang pamahalaang hindi umiiral noong kapanahunan ng pananakop ng Hapon. Kaya’t paanong makagagawa ng krimen laban sa isang pamahalaang wala pa noon?
Tila ang pagmamadaling pagkakaloob ng kasarinlan sa Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo, 1946, sa kabila ng kaguluhan, pagkawasak, at kawalang-kahandaan ng mamamayan, ay naging kalagayang kapaki-pakinabang sa mga tinaguriang kolaborador.
Ang pananaw ni Jose P. Laurel na ang soberanya ng Amerika sa Pilipinas ay naglaho na ay maaari ring gamitin bilang tanggulan sa panig ng mga kolaborador. Kung totoo ngang nawalan ng bisa ang kapangyarihang Amerikano sa Pilipinas matapos bumagsak ang Bataan at Corregidor, nangangahulugang hindi maaaring ituring na kolaborador sa kaaway ang sinumang Pilipino, sapagkat ang mga Hapones ay hindi na kaaway kundi ayon sa batas ng digmaan, ang tunay na makapangyarihan at naghaharing puwersa sa kapuluan, na pumalit sa mga Amerikano.
Kailan Nagiging Kasalanan ang Pakikipag-kolaborasyon?
Nguni’t bilang paksa ng pagtalakay, ano ba ang karaniwang bumubuo sa tinatawag na kolaborasyon? Isang payak na paliwanag ang inilahad sa ganitong paraan:
“Lahat ay naging kolaborador noong panahon ng digmaan. Ayon sa ilan, sinumang gumamit ng perang inilimbag ng mga Hapones—na mas kilala bilang perang Mickey Mouse—ay isang kolaborador. Ang mismong paggamit ng salaping iyon noong panahon ng pananakop ay isang anyo ng kolaborasyon… Ang kolaborasyon ay isang kathang-isip, o di kaya’y lahat ay may sala rito.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa De Viana, Kulaboretor, na sinipi si Teodoro Locsin, buod ng pananaw ng Partido Liberal ukol sa Kolaborasyon, ika-22 ng Marso, 1952)
"Sa pananaw ng batas, ang kolaborasyon ay tumutukoy sa sinadyang pagkilos ng isang mamamayan upang tulungan ang isang dayuhang kaaway na sakupin ang kanyang sariling bayan sa panahon ng digmaan. Ang kolaborador ay kumikilos laban sa kapakanan ng sarili niyang bansa. Sila’y tumutulong sa pagkawasak nito sa pamamagitan ng pagpapahina sa kakayahan nitong lumaban, o kaya’y sa paglahok sa pamamalakad ng bansa sa ilalim ng kapangyarihan ng kaaway." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa De Viana, Kulaboretor, pahina 3)
May dalawang uri ng kolaborasyon. Una, ang pakikipagtulungan sa kaaway alinsunod sa hinihingi ng mananakop upang maisulong ang kanilang layuning militar, subalit hindi kabilang ang panunumpa ng katapatan sa kanila. Ang ganitong uri ng kolaborasyon ay hindi maituturing na pagtataksil. Ang ikalawang uri ng kolaborasyon ay may kasamang pagtataksil sa bayan—isang tahasang pagtalikod at pagtulong sa kaaway sa paraang nagpapakita ng pagkakanulo.
Hindi Nagtaksil si Aguinaldo
Ang ginawang pakikipag-kolaborasyon ni Aguinaldo ay napapabilang sa unang uri ng kolaborasyon, sapagkat wala itong kasamang elemento ng pagtataksil sa sariling bayan. Ang kanyang bayan ay ang Pilipinas, na sa panahong iyon ay isang kolonya ng Estados Unidos. Ang kanyang pananagutan ay batay sa panunumpang katapatan na kanyang isinagawa para sa Estados Unidos. Subalit, hindi siya isang mamamayan ng Estados Unidos, kaya’t hindi siya maaaring papanagutin sa kasong pagtataksil laban sa isang bansang hindi naman niya kabansa. Ang katotohanan, ang kanyang motibo sa pakikipagtulungan sa mga Hapones ay naimpluwensiyahan ng pangakong kasarinlan para sa mga Pilipino—isang kasarinlang ipinagkait sa kanila ng mga Amerikano sa loob ng mahigit apatnapu’t limang taon.
Ang humatak kay Aguinaldo upang mapalapit sa mga Hapones ay ang agarang pagtalima sa pagtatatag ng isang malayang Republikang Pilipino, gaya ng unang ipinahayag ni Punong Ministro Tojo ng Hapon noong Enero 1942. Marahil ay nawalan na siya ng tiyaga sa pagbubuno ng sampung taong panahong inilalaan sa pamahalaang Komonwelt. Isa sa mga panukala sa kanyang plataporma noong halalan ng 1935 ay ang pagpapaikli ng panahong ito mula sampu tungong tatlong taon. Marahil ay hindi niya maunawaan kung bakit kailangang maghintay ng mahigit apatnapu’t limang taon upang hatulan kung handa na nga ba ang mga Pilipino sa sariling pamahalaan. Maaaring pinagdudahan niya ang katapatan ng mga Amerikano, at inakala niyang muli nila itong pahahabain o kaya’y magpapataw ng mga kundisyon o kabayaran—gaya ng mga ipinataw matapos ang kasarinlan noong 1946. Maaaring inihabilin niya ang kanyang tiwala sa mga Hapones sapagkat noong digmaang Pilipino-Amerikano, sinuportahan siya ng mga ito ng mga sandata at tagapayo sa militar.
Ipinahayag ni Aguinaldo ang kanyang damdamin nang kanyang sabihin:
"Ang Hapon ang tanging bansang Asyano na nanaig laban sa kapangyarihang Kanluranin sa rehiyong ito. Hindi ko na maipagkakatiwala ang lahing puti, lalong-lalo na ang mga Amerikano, sa pagtataguyod ng ating kilusang makabansa." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Ara, pahina 175)
Patuloy niyang pinaghinalaan na muling lalansiin ng mga Amerikano ang mga Pilipino, gaya ng kanyang naranasan mismo: una, nagkunwaring kaalyado, ngunit sa bandang huli ay hindi tinupad ang pangakong igagalang ang hangaring makalaya ng mga Pilipino matapos matalo ang mga Kastila. Paanong malilimutan niya na ang lahat ng kanyang naitaguyod sa pamamagitan ng dakilang sakripisyo ng buhay at ari-arian—ang pinakamahalaga at pinakamatayog na gantimpala sa lahat—ang Unang Republikang Pilipino, ay binasura at winasak ng mga Amerikano?
Pinaigting pa niya ang kanyang agam-agam at pagkadismaya sa kolonyalismong Amerikano nang kanyang ipahayag:
“Maari sanang siya [ang Amerika] ay naging dakila at mapagbigay sa pamamagitan ng pagkilala sa Republikang aming naitatag na. Ngunit sa halip, pinili niyang maging isang sakim na kolonisador at ayaw kaming pakawalan noong 1946 kung hindi lamang nakipagkumpetensiya ang aming mga produkto sa kanyang sariling pamilihan.
"At muling binigyang-diin ang kanyang sinabi sa kanyang talumpati: "...ang kalayaang ipagkakaloob ng Hapon ay isang makapangyarihang lunas upang alisin ang malalim na pagkakaugat ng impluwensiyang Amerikano sa mga pulo ng Pilipinas sa loob ng 45 taon,” at ito raw “ang susi sa ganap na kapayapaan sa bayan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Ara, pahina 177)
Noong ika-12 ng Hunyo, 1943, apat na buwan bago ang pormal na pagkakatatag ng Ikalawang Republikang Pilipino sa ilalim ng patnubay ng mga Hapones, naging panauhing tagapagsalita si Heneral Emilio Aguinaldo sa pulong ng Veteranos ng Himagsikan, at kanyang winika:
“At bakit, itinanong kong buong kaseryosohan, may sinumang Pilipino na inaasahan—lalo’t higit, ninanais—ang muling pagbabalik ng Amerika sa Pilipinas? Paanong ang sinumang may dangal sa sarili at tunay na makabayan, na nagpapakilalang isang Pilipino, ay magnanais ng pagbabalik ng isang bansang laging tumanaw at tumuring sa kanya at sa kanyang mga kababayan bilang mababa at hindi kapantay, at na, sa kabila ng kanilang mga pahayag ng makataong layunin, ay laging pinangungunahan ng pansariling interes sa kanilang patakaran ukol sa Pilipinas?
"Magsasabi ang ilan sa atin na nangako ang Amerika na ipagkakaloob ang ating kalayaan sa taong 1946. Nguni’t mainam na alalahanin na ang tinatawag na pangakong ito ay hindi bunga ng paggalang ng Amerika sa ating mga makasaysayang mithiin, kundi isang makasariling hangaring iligtas ang sarili mula sa kumpetisyon ng ating paggawa at mga industriya. Bukod pa rito, ang matinding pagsuporta sa kalayaang Pilipino ay nag-ugat sa opinyong isolationista na naghahari sa maraming Amerikano, na nagnanais ng ganap na pag-urong ng Amerika mula sa mga usaping Silanganin, kaakibat ng interes ng tubo, asukal mula sa beet, langis mula sa bulak, gatasan, at panaling industriya.
"Batid na ang mga ito ang pangunahing salik na nagtulak sa Amerika upang mangakong ipagkakaloob ang ating kalayaan, sa anong dangal o pagpapahalaga sa sarili maaasahang may Pilipinong magnanais ngayon ng pagbabalik ng Amerika at ng muling pagpapanumbalik ng soberanyang Amerikano sa bayang ito?” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Aguinaldo, [Historical], Talumpating Ingles, pahina 5)
Ang tanging minimithi ni Aguinaldo ay ang kalayaan ng Pilipinas—ang katuparan ng mga pangarap na matagal na niyang ipinaglaban at pinagbuwisan. Subalit tila napakatagal ng mga Amerikano sa pagtupad nito. Samantala, nauna pa ang mga Hapones sa pangakong kasarinlan, at agad na itinatag ang isang republika noong ika-23 ng Oktubre, 1943—makaraan lamang ang napakaikling panahon. Nawalan na si Aguinaldo ng tiwala at pananalig sa mga Amerikano, bunga ng kanyang mapait na karanasan sa kanilang pakikitungo.
Muli nating balikan: noong ika-22 ng Abril, 1898, nilapitan siya ng Konsul ng Estados Unidos na si Pratt sa Singapore, at inalok ng isang alyansa upang labanan ang Espanya—isang alok na kanyang tinanggap. Subalit pagkaraan lamang ng ilang buwan, noong ika-4 ng Pebrero, 1899, biglaang sinalakay at winasak ng mga Amerikano ang hukbong Pilipino, at hindi pinakinggan ang kanyang panawagan para sa tigil-putukan upang maresolba ang sigalot.
No comments:
Post a Comment