Monday, February 17, 2020

Si Supremo Andres Bonifacio sa Cavite - Una sa 3 yugto



Una kong natisod ang ginawang pagtataksil ni Supremo Andres Bonifacio laban sa pamahalaang himagsikan ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa kinatha ni Gg. Epifanio delos Santos na nalathala sa Revista Filipina (Philippine Review, Vol. 3, No. 1, January 1918). 

Ito’y sinundan ng aklat ni Cristina Aguinaldo Suntay na pinamagatang “Emilio Aguinaldo: Mga Gunita ng Himagsikan” na nalimbag noong 1964. Ang mga hibla naman ng mga salaysay ay hinimay-himay ni Alfredo B. Saulo sa kanyang aklat na may pamagat na “Emilio Aguinaldo – Generalissimo and President of the First Philippine Republic – First Republic in Asia” na lumabas noong 1983.

Narito ang salaysay ni Saulo tungkol sa pagtataksil ni Supremo Andres Bonifacio:

“Ang napakamahalagang labanan sa lagusang Pasong Santol ay nangyari halos isang araw pagkatapos na maitayo ang pamahalaang himagsikan (sa kumbensiyon sa Tejeros). Sa katunayan, ang labanan ay nagsimula noong nakaraang isang linggo, Marso 7, sampung araw pagkatapos na bumagsak ang poblaciĆ³n ng Dasmarinas, at mula noon ang naturang lagusan ay ilang ulit nagpalitan kamay; hahawakan ng mga Pilipino sa umaga, ngunit makukuha ng kalaban sa hapon; muling babawiin at muling kukunin. Kaya ang unang ginawa ni Pangulong Aguinaldo pagkatapos niyang manumpa ay tumawag ng pulong at doon ay napagkayarian na magpadala ng tulong sa mga Pilipinong nagtatanggol sa Pasong Santol. Ang mga nasa pulong – na tinaguriang “Asemblea Aguinaldo-Cavitena ” - sa Sta. Cruz de Malabon (Ricarte, 24) liban kay Aguinaldo ay ang kanyang pangalawang pangulo, si Heneral Mariano Trias Y Closas; ang direktor ng digma, si Heneral Emiliano Riego de Dios; at ang kapitan-heneral, si Artemio Ricarte. Narito ang salaysay mula sa isang dahon ng kasaysayan:

“Pagtapos ng panunumpa ng hapon din iyon [isinulat ni Aguinaldo] tinawag ko ang aking mga kasamahan – Heneral Trias at Riego de Dios – pati si Heneral Ricarte sa isang pulong. Sinabi ko sa kanila na kailangang lahat ng punong militar sa bawat bayan na hindi kasalukuyang nakikipaglaban ay magtungo sa Sta. Cruz de Malabon upang tumulong kay Heneral Crispulo Aguinaldo sa Pasong Santol.

“Hindi pa man ako natatapos ng aking sinasabi ay biglang tumayo si Heneral Artemio Ricarte at nagsabing siya daw ay nahihilo. Kaya lumabas agad at ni hindi man lamang nakapagpaalam. Nagulat ako sa ganitong pakita ng heneral ng ating hukbo. Ngunit hinayaan ko na lamang. Ibinigay naman sa akin ang suporta ng dalawang heneral na umayon sa aking mungkahi. Nang gabi ding iyon ay nagpadala ng pasabi sa lahat ng tropang Magdiwang.

“Nang magaalas-diyes ng umaga kinabukasan, Marso 24, masaya kong nakita ang pagdating ng isang batalyon sa pamumuno ni Komandante Andres Villanueva, anak ng dating ministro ng digma, si Ariston Villanueva, sa gabinete ni Bonifacio, na sumagot sa aking tawag. Kaya agad kong inutusan si Villanueva na pumunta at tumulong kay Heneral Crispulo Aguinaldo sa Pasong Santol. . . Isa-isang nagdatingan pa ang mga kompanya at batalyon sa Sta. Cruz de Malabon galing sa iba’t ibang munisipyo. Agad ko silang inutusang magtungo sa Pasong Santol.” (Aguinaldo, 185-187)

“Tila wala namang ibinungang masama ang pagwawalang bisa ni Bonifacio ng resulta ng kumbensiyon sa Tejeros noong makalawa. Ngunit nagkapagtataka ang ikinilos ni Ricarte. Nagkukunwari ba siyang maysakit nang bigla siyang tumayo at nagsabing nahihilo siya bago pa man natapos ni Aguinaldo ang tungkol sa pagpapadala ng tulong sa Pasong Santol? Si Ricarte ay kanang kamay ni Bonifacio at kalihim ng kumbensiyon sa Tejeros. Sa katunayan, si Ricarte ang nagpakana at nagsulong ng kumbensiyon sa simula pa sa tulong ni Bonfiacio, itinakda ang araw upang kaunti lamang sa pinuno ng Magdalo ang makakadalo dahil nakikipaglaban sila sa mga kaaway. Napakagaling ng pagpili sa araw ng kumbensiyon; walo lamang sa pinuno ng Magdalo ang nakarating. Masasabing si Ricarte rin ang nagayos at namigay ng mga balota. Maaring siniguro niya na lahat ay ayos – ayon sa plano – hanggang sa bumalik na ang mga balota at binilang. At anong saklap! Ang Supremo Bonifacio ng Katipunan ay sunod-sunod na tinalo ng isang Magdalong Katipunero (Aguinaldo) para sa pagka pangulo, at ng isang ministrong Magdiwang (Trias) sa pagka pangalawang pangulo. Mukhang nagulo yata ang mga plano! Pakiramdam siguro ni Ricarte na ang kanyang mundo ay bumagsak. Bigla siyang naguluhan dahil samantala ang kanyang idolo ay magkakasunod ang talo sa isang kalaban na wala naman sa botohan at saka sa kanyang tauhan at tagahanga, siya naman, si Ricarte ay napanalunan ang pwesto ng kapitan heneral. Sino ngayon ang hindi magdududa na walang kalukuhang naganap? Ito ang dahilan kung bakit ang hiyang-hiya si Ricarte ay hindi tinanggap ang kanyang pagkahalal, at nagpapakumbabang sinabi na hindi siya karapatdapat sa posisyon. At pagkatapos ipahayag ni Bonifacio na walang bisa ang resulta ng kumbensiyon hindi maatim ni Ricarte na tanggapin ang kanyang panalo. Ganyan kadikit ang samahan nila Bonifacio at Ricarte. Lahat ay nakatungtong sa maling akala.

“At itinuloy ni Aguinaldo ang kanyang malungkot na salaysay:

“At anong sakit ng pagkabigo at kalungkutan ang aking naramdaman nang malaman kong ang mga kawal na ipinadala sa Pasong Santol ay hinarang ni Heneral Ricarte sa utos ng Supremo. Ang mga kawal ay tinipon sa malaking bakuran ni Ginang Estefania Potente sa poblaciĆ³n ng San Francisco de Malabon kung saan sinabi sa kanila ng Supremo na huwag nang sumaklolo sa Pasong Santol kundi hintayin na lamang ang mga kalaban sa teritoryo ng Magdiwang. At isa pa, nagutos din ang Supremo na ako ay harangin at dukutin pag dumaan ako patungong Imus pagkatapos akong makapanumpa sa Sta. Cruz de Malabon.

“Nang malaman ko ang masamang balak na ito, napabutonghininga na lamang ako at nasabi ko sa aking sarili, “Ang ating paghihimagsik ay hindi magtatagumpay dahil sa kasakiman at mapaghiganting asal ng isang tao (si Bonifacio). Galit na galit si Heneral Trias at iminungkahi kay Aguinaldo na ipahuli ang mga taksil! “ (Aguinaldo, 187)

“Ano ang nangyari pagkatapos harangin ni Bonfacio at Ricarte ang mga tutulong sa Pasong Santol? Ang kasagutan ni Aguinaldo:

“Noong gabi ng Marso 25, parang kidlat na tumusok sa akin ang balita na nakuha ng kaaway ang Pasong Santol, at ang mahal kong kapatid na si Crispulo Aguinaldo ay napatay sa isang matindi at madugong labanan.” Si Heneral Crispulo Aguinaldo, na naging tapat sa kanyang sumpa, ay nakipaghamok ng higit sa kanyang kakayahan, ngunit sa dami ng kaaway at lakas ng armas ng kalaban ay nakubkob ang lagusan at nanaig ang kalaban – sa ibabaw ng kanyang bangkay.

“Tinanggap ni Aguinaldo ang balita ng lubos ang kalungkutan at pagdaramdam.

“Kung ang malakas na tulong na aking ipinadala sa Pasong Santol ay hindi hinarang [dagdag ni Aguinaldo], sana ay hindi lamang ang heneral na kastilang si Antonio Zaballa ang napatay at nalibing doon sa labanan kundi mas malaking disgrasya sana ang nangyari na lalong magpapalala sa biglaang sakit ni Gobernador-Heneral Polavieja.” (Aguinaldo, 188)

“Alam sa kampo ni Aguinaldo na si Polavieja ay nagkasakit dahil sa pagkatalo ng kanyang hukbo at pagkawala ng marami niyang opisyal at mga sundalo sa nakaraang labanan sa Anabu II. Kaya siya ay naghain ng pagbibitiw sa posisyon dahilan sa hindi daw siya tinulungan ng pamahalaan ng Madrid.

“Kung sana ay nagbalik na lamang si Bonfacio sa kanyang himpilan sa Magdiwang pagkatapos ng kumbensiyon sa Tejeros at doon niya ibinuhos ang kanyang hinagpis, at sinarili na lamang ang kanyang kabiguan, nagkaroon sana ang sambayanan ng malasakit sa kanya. Ang nangyari tuloy, pagkatapos na itayo ng Supremo ang Katipunan at alagaan ito ng apat na taon, sa ilalim ng mapagusig na mga Kastila, hanggang maging malawakang samahan ng 30,000 kasapi – ang Supremo ay tinanggihan at di binigyang halaga ng mga kadugo sa Cavite? Napakahirap isipin!

“Ngunit si Bonifacio na nagpamalas ng pagmamataas tulad ng isang dugong-bughaw na Manileno sa harap ng isang mahiyaing porbinsiyano, ay hindi matanggap ang kanyang pagkatalo ng walang sama ng loob. Hindi niya kinilala ang pamahalaang himagsikan, at ipinagpatuloy niya ang kanyang Katipunan, kahit sukdulang magisa na lamang siya. Ito ang malaking pagkakamali ni Bonifacio: hindi niya natanto na ang Katipunan ay nabuwag na pagkatapos na maitayo ang pamahalaang himagsikan, na siyang pumalit sa Katipunan. Samakatuwid wala ng iba pang samahan, ahensiya o kilusan na may katumbas na layunin ang maaring kasabay na kumilos dahil ang kailangan ng himagsikan ay isang natatanging kapangyarihan na magsusulong ng layuning pabagsakin ang rehimeng Kastila. Maaring di masama ang hangarin ni Bonifacio nang harangin niya ang mga tutulong na tropa – ang iiwas ang kanyang mga kawal Magdiwang sa labanan upang ihanda sa inaasahang pagsalakay ng kaaway sa teritoryo ng Magdiwang, ngunit hindi maikakaila na ang utos sa pagpapadala ng tulong sa Pasong Santol ay nagmula sa kapangyarihan ng pamahalaang himagsikan sa pamumuno ni Aguinaldo. Kaawawa ang sasapitin ng sinumang hindi makakaintindi nito!

“Ang pagharang sa tropa sa San Francisco de Malabon, na sanhi ng pagkakuha ng kalaban sa Pasong Santol at ikinamatay ni Heneral Crispulo Aguinaldo, ay nangyari katatapos pa lamang pagtibayin ang “Acta de Tejeros,” na isinulong ni Ricarte (Ricarte, 40) at nilagdaan ng 45 pinuno ng Magdiwang bago pa man nagpulong ang grupo ni Bonifacio sa bahay asyenda ng Recoletos noong hapon ng Marso 23. (Agoncillo, 361) Ang kasulutang ito ay unang kilos ni Bonifacio at kanyang mga kabig, lalo na si Ricarte, ng pagsuway sa pamahalaang himagsikan. Samantalang inihahayag ang sinasabing pandaraya na nangyari sa kumbensiyon, ang “Acta” ay nagsasaad ng mga bagay na napagkaisahan ng mga lumagda:

“Kami . . . ay nagkaisa na humiwalay sa kanila [tukoy ay si Aguinaldo at kasamahan sa pamahalaang himagsikan], at hindi namin ipasasailalim ang aming kabisera [Magdiwang] sa kanilang kautusan, mangyari na ang mangyari . . . Lumagda kami dito, at isinusumpa naming na inaalay ang aming buhay at ari-arian para sa kalayaan at kapayapaan ng panguluhan [pamahalaang Magdiwang] . . . at aming din pinagkayarian na sinuman sa amin ang lalabag sa kasunduang ito, siya lalabanan ng lahat ng walang awa . . . (Agoncillo, 224)

“Ang sinasabing pandaraya sa kumbensiyon na binanggit sa “Acta” ay ang mga sumusunod: (1) “walang bisa ng batas” ang kumbensiyon; (2) “napagalaman naming hinigpitan ang aming panguluhan”; (3) “ang mga balota ay ginawa ng isang tao lamang at ipinamigay sa mga taong hindi karapatdapat upang sila ang mamayani”; (4) “napagalaman namin na kami ay pinagkaisahan nila [ang mga Magdalo].

“Nasasaad din sa kasulatan na ang “di makatarungang pangyayari sa kumbensiyon ay pinatutunayan ng di nila [ang mga Magdalo] paggawa ng tala ng pinagusapan para sa aming lagda, at dagdag pa na sa katunayan wala ang aming mga “kapatid-opisyal” dahil sila ay naroon sa labas.” (Agoncillo, 223)

“Ang dalawang punto ng “Acta” ay mga sapantaha lamang at hindi naman napatunayan ng mga lumagda. Ang pangatlong bintang tungkol sa mga balota na ginawa daw ng iisang tao at ibinahagi sa mga hindi dapat bigyan ay hindi kapanipaniwala dahil lahat ng nangyayari ay tanaw-paningin ng mga tao ng Magdiwang, lalo na si Bonifacio at Ricarte, ang talagang nagpapatakbo ng kumbensiyon. Tungkol sa pangapat na bintang kung saan pinagkaisahan ang mga Magdiwang, ang “Acta” ay hindi nagbigay ng paliwanag kung ano talaga ang ginawa sa kanila, at hindi nilinaw ng walang kaduda-duda kung papaano nga ba sila pinagkaisahan. Malabong makakapasa sa isang hukuman kung isusumbong ang mga bintang.

“At sinasabing ang kumbensiyon ay di makatarungan dahilan sa walang naitalang mga pinagusapan na dapat nilagdaan, at ang bintang na ang kanilang mga opisyal ay nasa labas ng kumbensiyon ay parang sa isang bata sila nakikipagusap, walang katuturan o isang katangahan. Hindi ba ang kumbensiyon ay pakana ng mga Magdiwang? Sino dapat ang gagawa ng tala ng pinagusapan? Ang bumuo ng kumbensiyon ay siyamnapung porsiyentong delegado ng Magdiwang. Kung mayroong mga “kapatid-opisyal” na hindi nakapasok at nasa labas ng kumbensiyon, sila ay mga Magdalo, hindi opisyales ng Magdiwang. Ngunit walang ganitong reklamo ang mga Magdalo.

“Si Ricarte, ang tanging nakapagaral sa hanay ng mga Magdiwang, na siyang nagpakana ng tatlong anyaya kay Bonifacio na bumisita sa Cavite, at siyang umamin na nagsulong ng pulong ng mga reklamador, siya ang dapat umako ng pananagutan sa “Acta de Tejeros” na nagtulak sa pagkakawalay ni Bonifacio. At si Bonifacio naman, sa ginawa niyang pagpayag at paglagda sa “Acta” ay ipinakita niya ang kanyang kahinaan, lalo na ang kanyang walang kakayahang mamuno sa himagsikan. Hindi na kailangang sabihin na sinumang magkamali sa paghihimagsik, kahit maliit na bagay lamang ay buhay ang kabayaran. Ang himagsikan ay isang malubhang gawain, hindi isang laruan.

“Ang pagtatayo ng pamahalaang himagsikan ay isa nang “fait accompli” o katuparan, at hindi maaring buwagin ng isang “Acta de Tejeros” lamang. Hindi ito naintindihan ng 45 na lumagdang Magdiwang. (12 lamang ang nakikilala pa sa mga lumagda: Andres Bonifacio, Mariano Alvarez, Artemio Ricarte, Diego Mojica, Ariston Villanueva, Jacinto Lumbreras, Pascual Alvarez, Fr. Manuel P. Trias, (kura paroka ng San Francisco de Malabon), Luciano San Miguel, Santiago Alvarez, Nicolas Portilla, at Santos Nocon, tingnan sa Agoncillo, p. 360-361) Kaya para silang itinulak ng masamang hangin, dahil tumalon sila sa mali buhat sa isa ring mali. Nang kanilang isinigaw sa mundo ang hindi nila pagkilala sa pamahalaan ni Aguinaldo, hinusto nila ang kanilang “walang urungan” na kapasyahan sa pamamagitan ng pangalawa at lalong nakamamatay na kasulatan: ang Kasunduang Militar ng Naik (o Acta de Naic). Sa halip na 45 ang nakalagda sa kasulatan ito ay 41 lamang ang lumagda , kasama si Bonifacio, Ricarte, Pio del Pilar, at Severino de las Alas. (Agoncillo, 232) Anong nangyari sa apat na hindi lumagda? Sila ba kaya ay nanlamig?

“Ang unang hakbang sa pagtatayo ng hiwalay na pamahalaan na ginawa ng 41 lumagda ay nagkasundo sila sa isang lihim na pulong sa Naik noong Abril 19, 1897, halos isang buwan pagkatapos ng kumbensiyon sa Tejeros, na magtayo ng isang hukbo na pamumunuan ni Heneral Pio del Pilar, ang isa sa pinakamatapang na heneral ni Aguinlado sa labanan sa Binakayan at sa pagkakuha ng Talisay, lalawigan ng Batangas.

“Kami na nakalagda [sabi ng kasulatan], mga pinuno ng hukbo na nagkita-kita sa kumbensiyon na pinamunuan ng Punong Supremo [si Bonifacio] . . . ay pinagkaisahan na ang lahat ng kawal ay pagsasamasamahin sa pamamagitan ng pakiusap o sapilitan, sa isang hukbong isasailalim sa pamumuno ni Heneral Pio del Pilar.”

“Pagkatapos ihayag na wala silang ibang kikilalaning kapangyarihan kundi

“Katuwiran . . . at iyong mga matatapang ng pinuno [na bubuo ng hukbo], at ang mga lumagda ay nagsabing sinumang taksil ay parurusahan agadan [at nagtapos sa pamamagitan ng sumpa]: 

“Sumusumpa kami sa Diyos at bayang tinubuan na aming itataguyod ito [ang Kasunduang Militar ng Naik] hanggang hukay.” (Agoncillo, 231)

“Ang Kasunduang Militar ng Naik ay ganap na isang kataksilan. Nagaalab na ang himagsikan; ang mga Pilipino sa ilalim ni Aguinaldo ay nagtayo na ng isang tunay ng pamahalaang himagsikan upang mapabuti ang pakikibaka sa mga mananakop na Kastila; ang pagtatayo ng isang hiwalay na hukbo ay walang ibang tunguhin kundi ang pahinain ang lakas ng makapangyayaring pamahalaang himagsikan. Ibig din sabihin, sa pamamagitan ng Kasunduang Militar ng Naik, sina Bonifacio, Ricarte at mga kasama ay magbibigay tulong at ginhawa sa kaaway at ang kabiguan magiging bunga ng pagtutunggali ay kamatayan ng himagsikan.”

(Salin sa Tagalog ng mayakda mula Ingles sa dahong 134- 139 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo – President of the First Philippine Republic, First Republic in Asia” (Phoenix Publishing House, Inc. Quezon City, 1983)

Sources cited in Saulo’s book named above:

(1) Agoncillo, Teodoro, “Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan”,  (University of the Philippines Press, 1956)

(2) Aguinaldo, Emilio, “Mga Gunita ng Himagsikan”, (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina Aguinaldo Suntay (Manila, 1964);

(3) Ricarte, Artemio, "The Hispano-Philippine Revolution", Yokohama, 1927.

#TUKLAS

No comments:

Post a Comment