(Ang sulating ito ay hango sa artikulong pinaamagatang "The American Defector to the Filipino Army"na matatagpuan sa mga pahina 272–274 ng aklat na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know," na inilathala ng may-akda. Matatagpuan din sa pahina 402-415 nt aklat ang mga sanggunian at pinagkunang tala na binabanggit dito.)
Nagkaroon ng ilang mga kaso ng pagtalikod ng mga sundalong Amerikano at pagsapi sa panig ng mga Pilipino noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Ang pinakakilala at labis na kontrobersyal ay ang pagtalikod ni David Fagen mula sa all-black 24th Infantry, USV. Si Fagen ay kinilala bilang tenyente sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Alejandrino sa Arayat, itinaas bilang kapitan, at kalaunan ay naglingkod sa brigada ni Heneral Urbano Lacuna sa Nueva Ecija. (Ganzhorn, 191)
Sa Caloocan, isang Briton ang nakasaksi sa dalawang Amerikano na nakasuot ng unipormeng Pilipino, na tila tumalikod sa hukbong Amerikano at sumapi sa hukbo ni Aguinaldo. (Sheridan, 148)
Mayroon ding kaso ng trumpeter na si Maurice Sibley ng ika-16 na Infantry, na naging kanang kamay ni Heneral Tomines ng Isabela at kalaunan ay nag-asawa ng isang babaeng Igorot. (Philippine Constabulary [anniversary], 36), gayundin si Vance, isang musikero at tumalikod na sundalo mula sa ika-37 U.S. Infantry, na nahuli sa Pakil, Laguna. (Herman, 101), at ang kilalang-kilalang "White Bandit," na kalaunan ay nakilalang si George A. Raymond, isang tumalikod na sundalo mula sa ika-41 Infantry, na kumilos sa Pampanga. (Funston, 435)
Sa Cebu, limang puting Amerikano ang tumalikod at sumapi sa mga puwersa ni Heneral Arcadio Maxilom. (Foreman, 524)
Mayroon ding iba pang mga kaso ng pagtalikod ng mga sundalong Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Marinduque, ilang mga bihag na sundalong Amerikano ang piniling sumapi sa puwersa ni Koronel Maximo Abad.
Hindi layunin ng artikulong ito na siyasatin ang mga dahilan kung bakit tumalikod sa kanilang bansa ang mga sundalong Amerikano at sumapi sa panig ng mga Pilipino. Sapat nang sabihing wala pang digmaan sa kasaysayang militar ng Estados Unidos ang maaaring ipantapat sa maliit na digmaang ito — gaya ng tawag dito ni Pangulong McKinley — pagdating sa dami ng tumalikod sa panig ng kalaban.
Narito ang salaysay tungkol sa isang kaso ng pagtalikod na tila karapat-dapat gawing pelikula:
“Tawagin na lang natin siyang Jackson.Tahimik at may pagkamasungit si Jackson, at kakaunti lamang ang kanyang kaibigan sa batalyon. Halatang siya ay may magandang pinag-aralan at mahusay siyang magsalita ng Espanyol. Sa pangkaraniwan, isa siyang unang-klaseng sundalo—masipag at mahusay sa kanyang tungkulin. Ngunit mayroon siyang isang kahinaan na naging dahilan ng kanyang pagiging hindi popular: paminsan-minsan ay nagwawala siya sa kalasingan at palaging nauuwi sa pagkakakulong sa guard-house. Kapag siya’y lasing, para siyang baliw na palaaway at nakikipagtalo sa lahat ng tao.
“Umiibig si Jackson sa isang mestisang dalaga na, kasama ang kanyang ina, ay nagpapatakbo ng isang kantina sa plaza. Makalipas ang ilang panahon, ikinasal sila sa simbahan ng isang paring katutubo. Pagkatapos ng kasal, iniwasan na siya ng kanyang mga kasamahan. May isang hindi nakasulat na batas sa mga sundalo: hindi dapat mag-asawa ng katutubong babae ang isang puti.
“Nagtanim ng sama ng loob ang sundalong artilyero sa panlilibak ng kanyang mga kasama. Lalo siyang naging tahimik at mas pinili niyang makihalubilo sa mga Pilipino. Isang araw ng suweldo, muling nawalan ng kontrol si Jackson sa sarili. Sa gitna ng kanyang pagkabaliw sa alak, inatake niya ang isang kabataang tenyente at sinapak ito sa mukha.
“Ang pananakit sa isang opisyal ay isang mabigat na kasalanan sa militar. Sinailalim si Jackson sa court-martial at hinatulan ng anim na taong pagkakakulong sa military prison. Habang nakakulong sa guard-house at naghihintay ng paglipat sa Amerika upang pagdusahan ang kanyang parusa, pinayagan siyang makatakas ng isang miyembro ng guwardiya. Mabigat ang tungkuling bantayan ang isang kaibigang ituring na parang hayop sa hawla.
“Ang akala ng lahat ay tutungo si Jackson sa Maynila upang sumakay nang palihim sa isang barkong patungong Tsina. Ngunit imbes na gawin ito, naglakbay siya sa gabi patungo sa bahay ng kanyang asawa, at magkasama silang tumakas papunta sa hukbong rebolusyonaryo.
“Makalipas ang ilang linggo, lumaganap ang balita tungkol sa isang puting taksil. Siya raw ang namumuno sa isang yunit ng mga insurrecto. Gumagalaw siya na parang multo, lumilitaw sa mga hindi inaasahang lugar. Paulit-ulit nilang inaatake ang mga himpilan ng mga Amerikano. Sa isang pagkakataon, nasamsam niya ang dalawang kariton ng hukbo na punô ng suplay at napatay ang ilan sa mga guwardiya.
“Ilang buwan kaming abalang hinahabol si Jackson. Pinoprotektahan siya ng mga katutubo at palagi siyang naabisuhan kapag kami'y papalapit. Isang gabi, pinaligiran ng pangunahing hukbo ng mga insurrecto ang bayan ng Imus at inatake ito. Tumagal ang labanan ng ilang oras sa dilim.
“Habang nakahiga ako sa trintsera, malinaw kong narinig ang boses ni Jackson, nagsusumpa at nag-uutos sa kanyang mga tauhan na sumugod. Napaurong ang mga insurrecto, at pagsikat ng araw ay naglaho na sila.
“Makalipas ang ilang buwan, nasaksihan ko ang trahedya ng katapusan ni Jackson. Kasama ako sa mga native scouts sa ilalim ng utos ni Heneral Swan nang salakayin namin ang mga trintsera ng mga Pilipino malapit sa Noveleta, sa kanluran ng Imus. Ang mga scouts ang nasa unahan ng puwersa.
“Pag-akyat namin sa trintsera, nakita naming si Jackson ay nakahandusay sa gilid ng daan. Tinamaan siya sa baga at tiyan. Bagama’t parang kathang-isip, totoo ang nakita namin: ang kanyang asawang Pilipina ay nakaluhod sa putikan, hawak ang kanyang ulo sa kandungan. Tumanggi siyang makipag-usap sa amin at namatay siyang palaban, lumalaban sa bandilang minsan niyang ipinangakong ipagtatanggol.
“Ilang buwan matapos iyon, nanganak ang kanyang asawa ng isang batang may asul na mata. Laging tila may galit siya sa mga Amerikano, at mula noon ay hindi na siya muling nakipag-usap sa kahit sinong sundalong Amerikano.
“Isang kawili-wiling karugtong sa kuwento ni Jackson ay ang pagdating ng isang Amerikanong abogado sa Pilipinas pagkalipas ng ilang panahon. Pinuntahan niya ang ilan sa mga lalaking saksi sa pagkamatay ni Jackson at hiniling sa kanila na tulungan siyang matunton ang bangkay. Inilibing ito sa isang trintsera kasama ang humigit-kumulang animnapung Pilipinong nasawi sa laban.
Ipinahukay ng abogado ang bangkay, inilagay ito sa isang kabaong na bakal, at ipinadala pabalik sa Estados Unidos.” (Salin mula Ingles sa O'Reilly, 102–104)
No comments:
Post a Comment