“Ang ilang nakaligtas sa masaker na ito ay nakapagbigay ng malinaw at detalyadong salaysay tungkol sa tunay na nangyari. Ang tatlong bantay na may dalang riple ay napatay sa isang iglap. Isang pangkat ng mga katutubo na nagkukubli sa simbahan ay sumugod sa tirahan ng mga opisyal, na matatagpuan sa kumbento sa tapat ng barracks. Si Kapitan O’Connell, na naabutang nakapadyama, ay tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanyang silid, sinubukang tumawid patungo sa barracks, ngunit inalihan ng dalawampu hanggang tatlumpung mandirigmang may bolo, at pinagtataga hanggang sa mamatay. Si Lieutenant Bumpus ay nabigla habang nakaupo sa upuan sa kanyang silid, hawak pa ang koreo sa kanyang kandungan; isang hataw ng bolo sa tulay ng ilong ang naghiwa sa buong unahang bahagi ng kanyang ulo. Siya ay natagpuang ganoon ang kalagayan ng mga nakaligtas. Si Major Griswold, ang manggagamot, ay pinagtulungan at tinaga hanggang mamatay, walang kahit katiting na pagkakataong makaligtas.
“Sa tapat ng kalsada, nakaupo sa mga hapag-kainan ang karamihan ng tropa at halos lahat ay napatay bago pa man makabangon. Ang Unang Sargento, na nahuling naghuhugas ng kanyang kit pangkain, ay hiniwa ang ulo sa gitna ng isang hampas ng palakol. Isang sargento naman ay potol ang ulo at bumagsak ito sa kanyang plato, habang may hawak pa siyang kutsilyo at tinidor. Ang kusinero ng kompanya, isa sa iilang nakaligtas, ay nagkataong may ilang sandatang maaring gamitin. Ibinalibag niya ang isang kaldero ng kumukulong kape sa unang grupo ng mga mandirigma na sumugod sa kanya at pinanatili ang depensa gamit ang mga delatang pagkain hanggang sa maubos. Pagkatapos, dumampot siya ng meat cleaver at naglaban habang patungo sa barracks kung saan naroroon ang mga riple.
“Ang iilang sundalong nakabangon at nakaligtas sa unang bugso ng atake ay dumampot ng anumang sandatang abot-kamay—piko, pala, bat ng baseball, pamalo, at kahit bolong nasamsam sa isang katutubo. Tatlong sundalo ang umakyat sa tambak ng bato at lumaban gamit ang mga bato. Si Sargento George F. Markley, isang tao ng dambuhalang pangangatawan, kahit sugatan, ay nakarating sa barracks sa pamamagitan ng pagpapadyak at pagpapalo sa mga kalaban. Nakadampot siya ng riple at nagpaputok ng mga bala ng Krag-Jorgensen sa mga katutubong nakapaligid sa kanya. Isang sundalo ang nakarating sa barracks, ngunit nasunggaban ng tatlong katutubo at pinagtataga. Ang kamay niya ay nakaabot sa isang baril na nahulog sa gitna ng kaguluhan, at sa huling pagsisikap ay nabaril niya ang mga umatake sa kanya, kaya’t nakaligtas.
“Dahil sa labis na pagkaka-outnumber, tinadtad na parang mga baboy ang mga Amerikano. Nagkalat sa plaza at barracks ang utak at bituka ng mga sundalo. Ang ilan na nagtangkang tumakas sa tubig malapit sa dalampasigan ay pinaghanap gamit ang bangka at pinagtataga hanggang mamatay.
“Labinlimang minuto matapos magsimula ang atake, lahat maliban sa lima sa 74 na sundalo ng kompanya ay napatay o nasugatan. Sa mga sugatan, labindalawa ang nakatayo pa at sa ilalim ng depensang putok ni Sargento Markley ay muling nagsama-sama at nakakuha ng mga riple. Ang maliit na pangkat na ito, sa kabila ng labis na kakulangan sa bilang, ay nagpaputok ng riple hanggang sa uminit ang mga ito at tuluyang napaurong ang mga bolomen palayo sa barracks.
“Sa mabilisang pagsusuri, nakita na hindi kayang ipagtanggol ng maliit na grupo ang buong bayan. Kaya’t nagpasya silang tumakas sa pamamagitan ng bangka patungo sa pinakamalapit na himpilan ng Amerikano. Habang binabaril ng mga katutubo mula sa malayo, isinakay ni Sargento Bentron ang grupo sa limang barotas (mga maliit na bangkang hukay) na natagpuan malapit, at nagsimulang tumungo sa Basey. Iniwan nila sa Balangiga ang mga bangkay, 56 na riple, at ilang libong bala. Bago umalis, sa kapalit ng dalawang sugatan, ibinaba ng mga nakaligtas ang bandila ng Amerika sa city hall at dinala ito sa kanila.
“Ang paglalakbay patungong Basey ay halos kasing lala ng masaker. Ang mga barota, makikitid at marurupok, ay mabagal sumagwan. Sa kalagitnaan ng biyahe, napuno ng tubig ang isang barota na may apat na tao at dahan-dahang inanod pabalik sa pampang. Dalawa sa mga ito ay pinagtataga hanggang mamatay. Ang dalawa naman, tumakbo at nagtago, kalauna’y nakahanap ng ibang bangka at nasagip ng isang steamer kinabukasan.
“Isa pang bangka na may dalawang tao ang inanod papalapit sa pampang at ang mga sakay nito ay pinaslang. Ang natitirang tatlong bangka, na may sapat na tao upang sumagwan, ay dahan-dahang naglayag sa baybayin patungo sa Basey. Pagsapit ng tanghali, naubos na ang inuming tubig at ang pag-inom ng tubig-alat ay nagpalala sa paghihirap ng mga sugatan. May ilang bangka ng katutubo, armado ng sibat at bolo, ang nagtangkang sumalakay, ngunit napaurong sila ng putok ng ilang Amerikano. May ilang pagtatangkang lumapag sa pampang ngunit napigilan dahil sa dami ng katutubong armado ng sibat at ilang riple. Sumunod pa ang isang grupo ng mga pating, na naakit ng dugo mula sa mga bangka. Sa iisang sundalo na may kakayahang magsalita, nakarating sila sa Basey pagsapit ng alas-tres y media ng madaling-araw. Sa 26 na nakaligtas, 22 ang sugatan, at dalawa ang namatay sa daan.
“Ang Kompanya G ng Ika-9 na Infantry, sa ilalim ni Kapitan Edwin V. Bookmiller, ay nakatalaga sa Basey. Kumuha siya ng serbisyo ng barkong 'Pittsburg' na nasa Tacloban, at kasama ang 55 sundalo, agad silang tumungo sa Balangiga at dumating pagsapit ng tanghali ng parehong araw. Napalayas nila ang mga Insurrecto nang walang gaanong pagtutol, ngunit ang tanawing kanilang inabutan ay kakila-kilabot. Nasusunog ang barracks, kasama ang mga bangkay ng mga Amerikanong sundalo. Ang ibang bangkay ay inihulog sa balon. Isang sargento at ang aso ng kompanya ay natagpuang natabunan ng harina sa kusina, ang mata ng aso ay tinanggal at pinalitan ng bato. Si Lieutenant Bumpus ay natagpuang walang mata at ang kanyang mukha ay pinahiran ng matamis na palaman upang dayuhin ng langgam. Ang ibang bangkay na hindi natupok sa apoy ay hubo’t hubad at sinira sa iba’t ibang paraan. Inilibing ni Kapitan Bookmiller ang tatlong opisyal at dalawampu’t siyam na sundalo sa plaza, sinunog ang bayan, at bumalik sa Basey.
Gayunman, kahit sila’y nabigla, ipinaglaban ng mga Amerikano ang kanilang buhay nang buong tapang. (Saliin mula Ingles sa Herman, 197–202)
No comments:
Post a Comment