Friday, April 3, 2020

PInagsamantalahan ba ni Aguinaldo ang Salapi ng Biyak-na-Bato

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “What Happened to the Biak-na-Bato Money?,” na matatagpuan sa pahina 119-128 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


ng 
Pinararatangan ng mga ilang naninira kay Pangulong Emilio Aguinaldo, tulad din noong halalan ng Komonwelt ng 1935, na pinagsamantalahan daw niya ang salaping ibinayad ng mga Kastila nang napagkasunduan ang tigil-putukan sa Biyak-na-Bato. Ibinibintang nila na noong tumira ng halos limang buwan sa Hong Kong si Aguinaldo at mga kasamahan ginastos daw nila ang salapi upang magpasasa at magpasarap-buhay.



Nakakalungkot makarinig ng ganitong paratang lalo na at kabaligtaran naman ang katotohanan.  Sa katunayan, inilagak ni Aguinaldo ang salapi sa dalawang bangko sa Hong Kong at tubo lamang ang inilalabas para sa panggaraw-araw na gastusin.  Nang dumating ang pagkakataon ng pangangailangan, unti-unting inilabas ang kabuuan upang ibili ng armas at bala na ipinadala sa Pilipinas upang gamitin sa pangalawang yugto ng himagsikan na nagsimula nang makabalik na si Aguinaldo sa Kabite noong ika-19 ng Mayo, 1898.

Matatandaan na nang mahusto ang kasunduang kapayapaan noon ika-19 ng Disyembre 1897, si Aguinaldo at labingwalong pinuno ng himagsikan ay tumulak ng Hong Kong bilang tapon (destierro) ayon sa usapan.  Ang layon ni Aguinaldo sa pagpayag niyang isuko ang himagsikan  at mangibang bayan ay hindi malinaw, ngunit sa pagkaalam ng kanyang mga kasamahan hindi ito katapusan ng laban.  Isa sa mga pinuno ni Aguinaldo ay sumulat noong Oktubre 1898 at sinabing:
Naniniwala ako na ang kasunduang kapayapaan ng Biyak-na-Bato, kahit di ko tanto ang mga nakasulat doon, ay isa lamang pakana na binalak mo (ni Aguinaldo) upang mabigyan ng panibagong lakas ang hukbong manghihimagsik na nanghina na upang mapalakas  sa tulong ng  makabagong gamit-pangdigma.  Ako, sa aking sarili, ay hindi tumigil sa paghahanda ng aking mga tauhan at magimbak ng lahat ng mga pangangailangan upang madaling makipagtipon sa himpilan ng ating himagsikan sa anumang pagkakataon na ikaw o sinumang iyong pinahintulutan ay magbigay ng hudyat.” (Salin mula Ingles ng nasa Taylor, 1:432)
Sa kanyang pagdating sa Hong Kong, inilagak ni Aguinaldo ang tsekeng 400,000 dolyar Mehikano sa unang araw ng kalakalan noong ng ika-2 ng Enero 1898 sa Hong Kong and Shanghai Banking Corporation sa pangalan ng “Aguinaldo and Company”, na ang pagkalagak ay pangmatagalan na tutubo ng 4 na bahagdan. Pagkalipas ng dalawang araw, inilabas ni Aguinaldo ang kalahati ng salapi at inilipat sa “Chartered Bank of India, Australia and China” sa kasunduang tutubo ito ng 2 bahagdan, mas mababa nga ngunit maari siyang maglabas ng halagang 50,000 tuwing ikatlong buwan. (Taylor, 1:94)

Narito ang paglalarawan ng buhay ni Aguinaldo at kanyang mga kasamang tapon sa Hong Kong:
Tumira si Aguinaldo at kanyang mga kasamahan sa isang inuupahang malaking bahay sa daang  Morrison Hill sa Victoria.  Ang ilan sa kanila ay natutulog sa sahig.  Ang mga iba pang sumunod sa kanila sa Hong Kong ay ganoon din ang sinapit.  Matipid si Aguinaldo, binibigyan niya bawat isa ng labingdalawang piso bawat buwan para sa pagkain, tirahan at panglaba.  Dahil sa kaunting halaga napipilitan tumira sa malaking bahay ang lahat.  Nagtitiyaga sila sa iisang suot na lanang damit na bigay ni Aguinaldo na pangsanggalang sa malamig na klima sa Hong Kong – at nang makatipid din sa laba. Ang halagang bigay ay kukulangin kung gagastos pa sa sigarilyo at libangan.  Ang nagbibigkis sa mga destierro ay ang halimbawang ipinakikita ni Aguinaldo na nakikiisang dumanas ng hirap at pagtitiis.  Kahit nasa kanyang kapangyarihan ang pamamahala ng salaping 400,000 hindi niya ito ginamit para sa pangsariling kaginhawahan.” (Salin mula Ingles ng nasa Corpuz, 153)
“Mula ng ika-4 ng Enero hanggang ika-4 ng Abril, naglabas si Aguinaldo ng halagang 5,786.46 sa bangko.  Ginamit itong panggastos ng pangangailangan sa Hong Kong.  Ang mga gastusin ay tipid na tipid, at si Aguinaldo ang tanging humahawak ng pera.  Kung ang isang kasamahan ay nangangailangan ng bagong sapatos o bagong lanang damit, si Aguinaldo ang bumibili.  Bawat gastos ay nakalista na nakatago sa kanyang mga papeles. . . Hindi madali ang buhay nila doon, ang mga kasamahan ni Aguinaldo ay pawang umaasa sa kanya.  Kahit maliit na bagay na kailangang bayaran  kailangan ang pahintulot ni Aguinaldo. Nakatira sila sa isang kakaibang lugar, kasalamuha ng mga taong hindi nagsasalita ng kanilang wika, at wala silang magawa kundi magaway-away. . . “ (Salin mula Ingles ng nasa Taylor, 1:95)

“Ang di pagkakasundo ay unang lumitaw noong ika-29 ng Disyembre, dalawang araw pagkaalis nina Aguinaldo.  Sa pangunguna ni Isabelo Artacho, naglabas ng pahiwatig ang mga nagpaiwan sa Pilipinas na salungat sa layunin ng mga tapon. . . Nais nila na ang pangalawa at pangatlong halagang ibabayad ng mga Kastila, sa kabuuan ay halagang 400,000, ay paghahati-hatiin sa mga nangangailangang mga kasapi. (Taylor, 1:451-55)  Kaya ang pangalawang bayad na halagang 200,000 na nilakad ni Paterno ay pinaghati-hatian ng mga pinunong nasa Pilipinas.  Nang malaman ito ni Aguinaldo, sinulatan niya si Paterno at sinabing ang salapi ay nakalaan para sa pangkalahatang kapakinabangan at hindi dapat ipamigay sa iilan, at  inutusan niya si Baldomero Aguinaldo na ipadala ang pangatlong bayad na halagang 200,000 sa Hong Kong upang doon ay mailagak sa bangko.  Hindi na ito nagawa ni Baldomero dahil itinigil na ng mga Kastila ang pagbabayad, subalit nakapagpadala pa rin ng halagang 18,582.90 na nadagdag sa nakalagak na pera sa bangko. (Taylor, 1:93)

Ngunit hindi nasiyahan si Artacho. Pumunta siya ng Hong Kong at “. . . naghabla na paghati-hatian ang salaping nasa bangko ayon sa katayuan ng bawat isa sa hukbo.  Hindi pumayag ni Aguinaldo dahil ang salapi aniya ay ipinagkatiwala lamang at manantiling nakalagak sa bangko hangga’t makitang hindi na tumupad ang mga Kastila sa mga pagbabagong ipinangako, at kung talagang sila’y lumabag sa kasunduan, gagamitin ang salapi sa panibagong himagsikan.” (PhilippineInformation Society, 2.1:8)

Marahil, ang paniwala na ang salaping Biyak-na-Bato ay ipinagkatiwala lamang at nakalaan para sa panibagong himagsikan ang siyang tunay na dahilan kung bakit pumayag sina Aguinaldo at mga pinuno ng himagsikan sa alok ni Pedro Paterno ng kasunduang pangkapayapaan.  Pagkatapos na mailatag ni Paterno ang kabuuan ng binabalak na kasunduan, nagpulong ang mga pinuno ng himagsikan noong ika-27 ng Agosto at sila’y nanumpa na nilagdaan nina Simeon Tecson, Francisco Soliman, Isidoro Torres, Fidel Abella, Mariano Llanera, Pedro de la Cruz, Faustino Quijano at Agapito S. Gabriel.  Ang sumpa ay nagsasaad ng ganito: 
(1) “Upang maparami at mapalaki ang kayamanan ng pamahalaan ipinangangako namin na idadagdag ang aming pangsariling pagaari”,
 (2) “Amin ding ipagkakaloob sa pamahalaan ang anumang buwis na matitipon namin sa aming bayan o nayon,” at,
 (3) “Wala kaming karapatang akuin o gastusin ang salaping natipon liban kung ipinaalam at pinahintulutan ng Pangulo.”  
Sinasabi rin sa kasulatan na sinumang lalabag sa sumpa ay tatanggap ng parusang isa o dalawang bala sa dibdib hanggang sa siya ay mamatay. (Taylor, 1:369)  

Danga’t hindi tinukoy sa sumpa ang salaping galing sa kasunduang Biyak-na-Bato, marahil upang ipaglihim, malinaw na isang ipinagkatiwalang puhunan ang itinayo para sa himagsikan at si Aguinaldo ang hinirang na tanging may kapangyarihang gumamit nito.

Sa payo ni Felipe Agoncillo, ang pinagpipitaganang pinuno ng Kapulungang Pilipino sa Hong Kong, tahimik na umalis si Aguinaldo tungo Singapore kasama sina Gregorio del Pilar at Jose Leyba upang makaiwas sa habla ni Artacho.  Habang nasa Singapore, kinausap siya ng Amerikanong Konsul na si Spencer Pratt at inalok ng pakikipagisa kay Komodor Dewey.  Bumalik si Aguinaldo sa Hong Kong upang hingin ang payo ng Kapulungan.  Nais ng Kapulungan na isulat ang alok ng mga Amerikano ngunit tanging salita lamang ang kanilang tinanggap mula sa pinunong Amerikano sa Hong Kong na diumano’y igagalang ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas.  Nagkaroon ng mainit na palitan ng kuro-kuro ang Kapulungan at sa huli ay nanaig ang panig na nagmumungkahing pauwiin na rin si Aguinaldo upang simulan ang bagong himagsikan.  Kaya inayos ng mga pinunong Amerikano sa Hong Kong ang paguwi ni Aguinaldo sa Pilipinas.  Samantala, ang salaping nakalagak sa bangko ay hindi mailabas at nalagay sa panganib dahilan sa habla ni Artacho, kaya ang Kapulungan ay pumayag na bayaran na lang si Artacho ng halagang 5,000, sa halip na halagang 40,000 na kanyang hinihingi. (Bell, 44) [Tala  ng mayakda: Pagbalik ni Artacho sa Pilipinas, siya ay ipinadakip ni Aguinaldo at ipinatapon sa kaloob-looban ng Kabite. (KalawT[memoirs], 469)

“Ang isang mahalagang bagay na kaakibat ng paghahanda  para sa pagbabalik ni Aguinaldo sa Pilipinas ay ang pamimili ng armas.  Sa bagay na ito ay umasa si Aguinaldo sa Amerikanong Konsul na si Gg. Wildman, na tuwang-tuwang makatulong.  Ang Konsul ay unang binigyan ng halagang 50,000 upang ipamili ng armas.  At bago umalis si Aguinaldo, nagiwan pa siya ng halagang 67,000 kay Wildman para sa pangalawang biyahe.  Ang unang padalang armas na binubuo ng 2,000 baril na Mauser at 200,000 bala ay dumating sa Pilipinas, ngunit ang pangalawa, ayon kay Aguinaldo, ay hindi natanggap.  Hindi tumupad si Gg. Wildman sa huling usapan, kanyang sinarili ang salapi at tumangging ibalik ito.” (Salin mula Ingles ng nasa Bell, 69; Taylor 1:448)

Nang ika-16 ng Mayo, lumulan si Aguinaldo sa barkong Amerikano “McCullough” para sa kanyang paguwi.  Pumalit si Agoncillo sa pamumuno ng Kapulungan, inatasan niya si Teodoro Sandico ng tungkuling pamimili ng armas at kay Vito Belarmino naman ang paghawak ng pananalapi.  “Ang unang pagbili ng armas ni Sandico ay nadisgrasiya.  Ipinagkatiwala niya ang halagang 47,000 sa isang Amerikanong taga Hong Kong ngunit walang armas na nabili.  Hindi rin ibinalik ang pera, dahil sa ang pagbili ng mga armas sa Hong Kong ay bawal at itinuturing ng mga Ingles na kontrabando, kaya hindi nila mahabol ang Amerikano.  Laban man sa kagustuhan ng Kapulungan, nakipagayos muli si Sandico ng panibagong pagbili sa isang namamagitan na binigyan niya ng halagang 60,000 para sa 2,000 baril at 200,000 bala.  May kamahalan ang kanyang pagkabili dahil kasama ang halaga ang bapor na magdadala ng kargamento at iba pa ang komisyon ng namagitan sa halagang 12,673.   Anu’t anu pa man ay tumulak pa rin si Sandico isang araw ng Hunyo 1898 pauwing Kabite kasabay ng kanyang mga pinamili at nagtagumpay naman siyang maiuwi ang mga armas.” (Bell, 82; Taylor 2:488)

Kahit nagkaroon ng kaunting disgrasya at pagkakamali, ang Kapulungan ay nagpatuloy pa rin ng pamimili ng armas upang maipadala sa Pilipinas.  Sa tala ni Belarmino noong ika-7 ng Hunyo, dalawang bulto na may 9,000 baril at 3,000 kartutso ang ipinadala sa Pilipinas, ngunit nakalimutan ang dalawang kanyon sa pagmamadaling makaalis ang pinaglulanan.” (Salin mula Ingles sa Bell, 82-83; Taylor, 3:245)

Sa kalagitnaan ng Hunyo, ang Kapulungan ay nahirapan ng magpadala ng armas.  Mahigpit na nagbantay ang Kastilang Konsul at isinumbong sa maykapangyarihan sa Hong Kong ang ginagawa ng Kapulungan.  Kumilos ang mga Ingles at nakatuklas ng kumpol ng baril at bala na nakatakdang ipapadala sa Pilipinas.” (Bell, 83)  Dahil walang kinakampihan ang mga Ingles sa awayan ng Pilipino at Kastila itinuring na labag ang ginagawang pamimili at pagiimbak ng mga gamit-pangdigma sa Hong Kong, kaya binantayan maigi ang kilos ng mga Pilipino.  Gayun pa man, hindi nabahala ang Kapulungan at nagpumilit pa rin sa kanilang gawain. (Bell, 83)

Dahilan sa pagbabantay na ginagawa ng mga Ingles na nagpahirap ng pamimili ng gamit-pangdigma sa Hong Kong, tumingin-tingin ang Kapulungan kung saan maaring bumili ng armas.  Hinirang ni Agoncillo ang dalawang pinagkakatiwalaang mga kasamahan, sina Mariano Ponce at Faustino Lichauco, na pumunta sa bansang Hapon upang tiyakin kung dito sila maaring makakahingi ng tulong.  Pumayag ang mga nakausap nilang Hapones na sila'y pagbilihan ng mga armas.  Inayos nina Ponce at Lichauco ang bilihan at humingi ng pera sa Kapulungan sa Hong Kong.  Ang unang pagbili ay halagang 30,000 na madali namang naipadala ng Hong Kong;  ngunit sa laki ng halagang pambayad sa barko na sasakyan ng armas, lumalabas na isang libong baril lamang ang maipapadala.  Kaya humingi ng dagdag na pera sa Kapulungan, at ipinadala naman, ngunit mali ang tsekeng naipadala, dahil hindi maaring tanggapin sa Hapon at  maipapalit lang sa Hong Kong.  Kaya ibinalik ang tseke upang mapalitan.  Samantala, ang mga Hapones na handa namang makipagkalakal, ay humingi ng salaping sa halagang 200,000 na ilalagak sa bangkong “Yokohama Specie Bank”.  Subalit ang mga Pilipino sa Yokohama ay walang ganito kalaking pera, kaya nagtagal ang bilihan dahil hinihintay ang perang manggagaling pa sa Hong Kong.  At siya namang pagputok ng digmaan Amerikano at Pilipino. Dahil ayaw masabit ng mga Hapon sa awayan, ang bilihan ng armas ay hindi natuloy.”  (Salin mula Ingles sa Bell, 83-84)

Dalawa pang walang kinahinatnang bilihan ang ginawa sa Hapon.  Noong Abril 1899, ang barkong "Nunobiki Maru" na may lulang 10,000 baril at 6,000,000 bala ay lumubog dahil sa bagyo isang daang milya ang layo sa Shanghai; ang pangalawang barko ay hindi nakapagbaba ng armas sa Pilipinas dahilan sa tinalasan ng mga Amerikano ang pagbabantay sa karagatan at minamanmanan ang kilos ng mga Pilipino sa pagangkat ng armas. (Gates, 101) Sa halip ang barko ay inilihis tungo sa Formosa at ang mga armas ay napasakamay ng manghihimagsik na mga Intsik sa pamumuno ni Sun Yat Sen. (Bell, 85)  Subalit kahit mayroon patakaran ang pamahalaang Hapon na huwag makialam, tumulong din ang ilang mamamayan sa ipinaglalaban ng mga Pilipino.  Maraming veterano ng digmaang Hapon at Ruso ang nagkusang lumaban sa panig ng mga Pilipino; nagpadala din sila ng damit, uniporme at ilang sandata.  Ang mga pahayagan ng Hapon at kanilang mga pinuno, lahat halos ay sangayon sa kalayaan ng Pilipinas; may ilan pa ngang tumutuligsa sa tinatawag na imperyalismo ng mga Amerikano. (Bell, 85)

Nang dumating si Aguinaldo sa Kabite noong ika-19 ng Mayo 1898, agad niyang sinimulan ang pagsasaayos ng hukbong himagsikan.  Narito ang kanyang naitala:
Agad kong ipinamahagi ang mga armas na kararating lamang, ang ilan ay ipinadala sa mga lalawigan at ang natira ay inilaan ko para sa manghihimagsik ng Kawit, na lihim kong ipinuslit sa Alapang noong gabi na ika-27 ng Mayo.  Kinabukasan (Ika-28 ng Mayo), habang kasalukuyan kaming namimigay ng armas sa mga manghihimagsik ng Kawit, isang pulutong ng 270 infanteria ng mga Kastila ang lumitaw sa paningin.  Ipinadala sila ng Kastilang heneral upang samsamin ang dumating na mga armas.  Dito nagsimula ang unang labanan ng himagsikan ng taong 1898 (na masasabing karugtong ng kampanya noong 1896-1897).  Ang labanan ay tumagal mula alas diyes ng umaga hanggang alas tres ng hapon  Naubusan ng bala ang mga Kastila kaya sila’y sumuko, pati kanilang mga armas, at sila’y dinala sa Kabite.  Sumulong ang himagsikan, sunod-sunod ang tagumpay, nagpapatunay ang lakas at panata ng mga mamamayan na itaboy ang mananakop na dayuhan at mabuhay ng malaya, tulad ng naiparating ko kay Almirante Dewey kung saan siya at ilan pang pinunong Amerikano na namangha sa naipamalas kong tagumpay ng hukbong Pilipino na pinatunayan ng maraming Kastilang bihag na tinipon sa Kabite mula sa maraming lugar ng Luzon.  Ayon sa aking ipinagutos noong Ika-1 ng Septiyembre, lahat ng sasakyang dagat ng Pilipino ay magwawagayway ng bandilang Pilipino; nauna rito ang mga marino ng mga barkong pangdigma.  Ang maliit nating hukbong-dagat ay binubuo ng walong may makinang bangka (dating pagaari ng Kastila na nabihag) at limang malalaking barko, tulad ng: Taaleno, Balayan, Taal, Bulusan, at Purisimia Concepcion.  Ang mga pangkalakal na barkong ito ay inihandog sa pamahalaang Pilipino ng mga dating may-ari, binago at ginawang barkong pangdigma sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kanyong na walo hanggang siyam na sentimetrong butas na galing sa mga lumubog na barkong pangdigma ng mga Kastila.  Ah! anong ganda at saya na makita ang ating watawat na sumasayaw sa ihip ng hangin sa tuktok ng poste ng ating mga barko, magkakatabi sa mga watawat ng malalaking at makapangyarihang bansa kung saan ang kanilang dambuhalang barkong pangdigma ay nagbibigay pugay at galang sa maliliit nating barko habang itinutungo ang kanilang bandila, ang watawat ng kasarinlan at kalayaan!  At ang paggalang o pagsamba dito nang biglang umakyat sa kanyang mabunying pagiisa at nagputong ng korona sa ating tagumpay, na natutuwa at galak sa nagawa ng ating hilaw na hukbong Pilipino na tumalo sa mga sanay na pwersa ng pamahalaang Kastila!  Ang puso ay tumataba at tumitibok sa damdaming kagalakgalak; ang kaluluwa ay puno ng giting, at ang layong pangmakabayan ay nararating sa gitna ng ganitong tanawin. (Salin mula Ingles sa Aguinaldo, 24-26)
Bilang katapusan, si Albert Sonrichsen, isang bihag na Amerikanog sundalo na dinakip noong ika-27 ng Enero 1899 sa salang paniniktik, at nahirang na magturo sa isang paaralan sa Vigan, ay sumulat tungkol sa kasunduang Biyak-na-Bato at sinabing: “ Ang halagang 400,000 na tinanggap ay itinabi sa Hong Kong at saka ginamit pambili ng armas at bala, at wala akong nabalitaang isa mang Pilipino na nagparatang kay Aguinaldo na kumupit ng kahit isang sentimo.” (Salin mula Ingles ng nasa Philippine Information Society, 1.1:35)

<><><>-o-O-o-<><><>















No comments:

Post a Comment