Thursday, June 19, 2025

Si Bonifacio ba ang Unang Pangulo ng Pilipinas?

(Ang sulating ito ay salin mula sa artikulong Ingles na pinamagatang "Was Bonifacio the First President of the Philippines" na matatagpuan sa mga pahina 95-112 ng aklat na pinamagatang "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know," na inilathala ng may-akda. Ang mga sanggunian at pinagkunan ng impormasyon na binanggit dito ay nakasaad sa mga pahina 402–415 ng naturang aklat.)


Hindi pa rin humuhupa ang ingay sa mga pahayagan, magasin, at social media mula sa mga nagsusulong ng ideya na si Andres Bonifacio ang dapat kilalaning unang Pangulo ng Pilipinas. Maraming taon na ang lumipas mula nang isumite ng ilang kilalang historyador at mga propesor mula sa mga pangunahing unibersidad ang isang petisyon na bawiin ang titulo ng pagiging unang Pangulo mula kay Emilio Aguinaldo. Gayunpaman, hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang nasabing petisyon. Malamang na ito’y dadaan sa butas ng karayom sapagkat hindi madaling balewalain ang desisyon ng National Historical Institute sa Resolusyon Blg. 4 noong 1994 kung saan tinanggihan nito ang mungkahing kilalanin si Andres Bonifacio bilang “Unang Pinuno ng Estado” ng Pilipinas.



Ang petisyon na pinamagatang:

"TO TAKE THE NECESSARY STEPS TO RECOGNIZE BONIFACIO AS THE FIRST PRESIDENT OF THE PHILIPPINES (BONIFACIO: UNANG PANGULO)"

ay unang inilathala sa isyu ng Esquire Philippines noong Marso 2015 at muling lumitaw sa change.org matapos itong iharap kay Pangulong Rodrigo Duterte pagkahalal sa kanya noong 2016.

Mahalagang maunawaan ang mga katuwirang inilahad ng mga nagsumite ng petisyon upang ito ay masusing masuri at mapagbigyan ng angkop na sagot para gabayan ang mga mambabasa tungo sa katotohanan. Narito ang mga tiyak na punto ng katuwiran, ayon sa pagkakalathala nito sa change.org, at ang kaukulang tugon sa bawat isa:

KATUWIRAN Blg. 1
"Noong sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong 24 Agosto 1896, ang Katipunan ay hindi na isang simpleng samahan kundi isa nang rebolusyonaryong pamahalaan, ayon sa mga dokumento. At bilang pinuno ng Katipunan noong panahong iyon, siya (Bonifacio) ang naging pangulo nito."

SAGOT:
Hindi nagbago ang Katipunan; noong sumiklab ang rebolusyon, ito pa rin ay ang Katipunan na itinatag bilang isang rebolusyonaryong samahan. Ang tanging pagkakaiba ay ang pagiging hayagan nito sa publiko imbes na isang lihim na kilusan. Kung susundin ang lohikang ito, si Deodato Arellano ang dapat kilalaning unang Pangulo ng Pilipinas, sapagkat siya ang unang pinuno ng Katipunan.

KATUWIRAN Blg. 2
"Ang katotohanan ay nakuha ni Aguinaldo ang pamumuno sa Rebolusyon mula sa Supremo ng Katipunan sa pamamagitan ng pagpapapatay dito sa Cavite noong Mayo 1897."

SAGOT:
Baligtad ang nangyari. Si Bonifacio ang nagtangkang agawin ang kapangyarihan mula kay Aguinaldo. Napalaya ang lalawigan ng Cavite sa tulong ng pinagsamang pwersa nina Mariano Alvarez at Emilio Aguinaldo — ang mga sangay na Magdiwang at Magdalo ng Katipunan. Sa naganap na kumbensyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897, bumoto ang mga kinatawan na magtatag ng bagong rebolusyonaryong pamahalaan kapalit ng Katipunan, at si Aguinaldo ang halal na pangulo. Ang makasaysayang kaganapang ito ang pormal na nagpatibay sa awtoridad ni Aguinaldo at nagsawalang-bisa sa anumang pag-aangkin ni Bonifacio sa kapangyarihan. Ang katotohanan ay sinubukan ni Bonifacio na bawiin ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtatatag ng hiwalay na hukbo, pagbasura sa bagong pamahalaan, at paglaban dito — bagay na humantong sa kanyang malagim na sinapit. (tingnan ang karagdagang paliwanag sa mga susunod na bahagi ng artikulo)

KATUWIRAN Blg. 3
"Ang petsa at halalang naganap sa pagsisimula ng rebolusyon ay pinatutunayan ng isang draft na dokumento ng paghirang ni Bonifacio kay Mariano Alvarez bilang pangkalahatang pinuno ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa lalawigan ng Cavite na may petsang 26 Agosto 1896 sa Kalookan."

SAGOT:
Walang halalan ng mga opisyal na naganap sa pulong noong Agosto 24, 1896, maliban sa paghirang ng apat na heneral na mamumuno sa apat na pangkat na itinalagang umatake sa mga partikular na bahagi ng lungsod, kabilang na ang paghirang kay Mariano Alvarez bilang pangkalahatang pinuno ng pinagsamang pwersa ng Magdiwang at Magdalo sa Cavite. Dumalo si Domingo Orcullo bilang kinatawan ng Magdalo at iniulat kay Aguinaldo ang mga nangyari sa pulong. Walang napag-usapang pagtatatag ng pamahalaan o halalan ng mga opisyal. Gayunpaman, napagkasunduan sa pulong ang plano ng pag-aaklas, ang mga senyales, at ang paghirang kay Alvarez at ng apat na heneral. (Merong karagdagang paliwanag sa mga susunod na bahagi nitong artikulo)

KATUWIRAN Blg. 4“. . . mahalaga ang mga dokumento (archivo militar) dahil ipinapakita nito na ang Katipunan ay may sentralisadong gumaganang pamahalaan. Ang iba’t ibang liham, kautusan, at tala mula sa iba’t ibang sangay ng Katipunan at mula mismo kay Bonifacio ay nagpapatunay na noong 1896, ang Katipunan bilang isang samahan ay kumikilos na na parang isang pamahalaan — isang sistemang umiiral na nang pasimulan ng Kataastaasang Kapisanan ang rebolusyon at pormal na itinatag ang pamahalaan.”

SAGOT:
Pagkatapos ng kabiguan sa San Juan noong Agosto 30, 1896, nawalan ng kontrol si Bonifacio sa Katipunan at namuhay na parang isang pugante sa loob ng halos apat na buwan, palipat-lipat ng taguan. May ilang engkuwentro siya ngunit hindi ito naging matagumpay. Ipinahayag niya ang kanyang pagkadismaya sa sagot niya sa paanyaya ni Mariano Alvarez na bumisita sa Cavite, kung saan sinabi niyang hindi siya makakakuha ng bayan na maaaring gawing punong himpilan o tanggulan. Ang mga tagumpay na iniuugnay sa Katipunan matapos ang kabiguang ito ay walang saysay at walang matibay na batayan. (tingnan ang karagdagang paliwanag sa mga susunod na bahagi ng artikulo)

KATUWIRAN Blg. 5“. . . sa mga selyo ng Haring Bayang Katagalugan, ang terminong Kataastaasang Kapisanan ay pinalitan ng Kataastaasang Kapulungan, na nangangahulugang Supreme Assembly, ngunit mas may pormal o estadong dating. Sa aking palagay (ayon kay Richardson), ito ay paraan nina Bonifacio at ng kanyang mga tauhan upang ibukod ang rebolusyonaryong pamahalaan mula sa pamahalaan ng Katipunan bilang isang samahan.”

SAGOT:
Maaaring maglaman ang selyo ng kahit anong salita o sagisag, ngunit wala itong saysay kung wala namang sinusuportahang aktwal na pangyayari o tagumpay.

KATUWIRAN Blg. 6“Maliwanag ang buod ni Jim Richardson: … noong huling bahagi ng 1896 at unang bahagi ng 1897, ang Mataas na Sanggunian ay talagang kumilos bilang isang lokal na pamahalaan sa ilang lugar, partikular sa silangan ng Maynila at sa mga paanan ng Sierra Madre. Ang mga pinuno nito, sibilyan at militar, ay nagsagawa ng halalan, nagtalaga ng mga opisyal, nagplano at lumaban sa mga Kastila, nangalap ng pondo para sa rebolusyon, at sinikap harapin ang epekto ng digmaan sa mga mamamayang sibilyan.”

SAGOT:
Tulad ng sagot sa KATUWIRAN Blg. 5, ang halaga ng ganitong pahayag ay nasa nilalaman at kabuluhan ng mga tagumpay na binanggit — na hindi kailanman napatunayan o naramdaman sa aktwal na kalagayan.

KATUWIRAN Blg. 7“. . . ang pamahalaan ng Katipunan ay mayroon ding sangay na pang-diplomasya. Isang komisyong nakabase sa ibang bansa ang nagtangkang makipag-ugnayan upang humingi ng tulong pampulitika, militar, at pinansyal mula sa Hapon, at nakipag-ugnayan din sila sa mga konsulado ng U.S. at Pransya sa Hong Kong.”

SAGOT:
Nagkaroon ng mga pagtatangka, ngunit wala itong naging bunga. Bumuo si Bonifacio ng isang komite na magtutungo sa Hapon upang bumili ng mga armas. Nang dumating sa Maynila ang barkong pandigma ng Hapon na Kongo, nagpasya ang komite na makipagnegosasyon sa mga opisyal ng hukbong-dagat ng Hapon. Pumayag ang mga opisyal na maghatid ng 100,000 riple at 150 kanyon kapalit ng isa’t kalahating milyong piso. Gayunpaman, hindi natuloy ang kasunduan dahil hindi nakalikom ang mga Pilipino ng paunang bayad na P300,000 (Alip, 43).

Binanggit ni St. Clair na si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan ay nakipagkita sa komandante ng nasabing barkong Hapon sa Bazar Hapones upang iabot ang isang petisyon para sa Emperador ng Hapon na manghimasok sa mga gawain sa Pilipinas at gawin itong isang protectorate ng Hapon. Wala ring nangyari sa pulong na ito at hindi sineryoso ng opisyal ng Hapon ang nasabing petisyon. (St. Clair, 212–217)

Binanggit din ng British na historyador na si John Foreman ang isang petisyon upang aneksahin ng Hapon ang Pilipinas. Aniya, ilang buwan bago sumiklab ang rebolusyon, “…nagpadala ang Katipunan ng isang kinatawan sa Hapon upang iprisinta ang isang petisyon sa Mikado, na humihiling na aneksahin ang Pilipinas. Ang petisyong ito, na sinasabing pinirmahan ng 5,000 Pilipino, ay tinanggap ng Pamahalaang Hapon, na ipinasa ito sa Pamahalaang Kastila. Dahil dito, nalaman ng mga awtoridad sa Pilipinas ang mga pangalan ng 5,000 ‘disaffected persons’, ngunit piniling huwag maglabas agad ng mga pag-aresto upang hindi magsanhi ng kaguluhan.” (Foreman [F.R.G.S], 512)

KATUWIRAN Blg. 8“. . . sina historyador Milagros Guerrero at Zeus Salazar sa magkakahiwalay na publikasyon ay nagpahayag na si Bonifacio ang may pangkalahatang pamumuno sa hukbong Katipunan at siya ang nag-istratehiya para sa Katipunan sa pambansang antas, taliwas sa lokal o panlalawigang taktikal na operasyon ni Aguinaldo sa Cavite sa pagsisimula ng rebolusyon.”

SAGOT:
Ito ay hindi totoo. Pagkatapos ng pagkatalo sa laban sa Pinaglabanan, San Juan, Maynila, nagtago si Bonifacio sa Balara at sa kabundukan ng San Mateo at nawalan ng kontrol sa iba’t ibang sangay ng Katipunan. Paminsan-minsan ay sumalakay siya sa San Mateo ngunit nabigo. Nang lumipat siya sa Cavite, sa halip na makatulong ay nakasagabal pa siya sa mga plano at kilos ng mga rebolusyonaryo. Tumanggi siyang pag-isahin ang pwersa nila ni Aguinaldo upang harapin ang papalapit na hukbong Kastila o tulungan si Aguinaldo na ipagtanggol ang mga bayan ng Magdalo, na siyang unang pinuntiryang atakihin ng mga Kastila.

Pinigilan pa ni Bonifacio ang mga puwersang ipinadala ni Aguinaldo upang tumulong sa pagtatanggol ng Pasong Santol. Sa halip na maging tulong, naging pabigat si Bonifacio. (Saulo [Aguinaldo], 136–139)

KATUWIRAN Blg. 9Sa publikasyon ng La Ilustración Española y Americana noong Pebrero 8, 1897, may isang artikulo tungkol sa Rebolusyong Pilipino at kasama rito ang isang larawan ni Bonifacio na nakasuot ng itim na amerikana at puting kurbata, at sa ilalim nito ay nakasulat: ‘Andres Bonifacio President of the Tagala Republic.’”

SAGOT:
Hindi dapat asahan ang mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa Rebolusyong Pilipino mula sa anumang banyagang publikasyon. Kaugnay nito, mas mainam gamiting batayan ang mga sulat ng paring Kastila na si Padre Pio Pi at ng Piskal na si Rafael Comenje (Ronquillo, 582), gayundin si Fray Tomas Espejo (Ronquillo, 722). Ang mga lih
am na ito na nagmumungkahi ng tigil-putukan at mapayapang negosasyon ay ipinadala kay Aguinaldo, hindi kay Bonifacio — patunay na si Aguinaldo ang kinikilalang pinuno ng rebolusyon ng mga Kastila, at hindi si Bonifacio. (Saulo [Aguinaldo], 130)

Mahalagang balikan ang mga pangyayari pagkatapos ng pagkakatatag ng Katipunan, sa pagsiklab ng rebolusyon, at sa mga huling araw ni Supremo Andres Bonifacio sa Cavite, upang masuri nang mas mabuti ang mga isyung binanggit sa itaas.

Ang Katipunan

Ilan sa mga historyador ay nagbibigay ng pagkilala kay Marcelo H. del Pilar sa ideya ng pagtatatag ng Katipunan, nang mula sa Madrid noong Hulyo 1892,

“. . . kanyang ipinayo ang paglikha ng isang bagong samahan . . . na isasama ang mga manggagawang bukid at mga taong may kaunti o walang pinag-aralan, ngunit sa tulong ng mga cacique at pinuno sa mga lokalidad ay bubuo ng isang napakalaking nukleo na, sa takdang panahon, ang siyang magbibigay ng sigaw ng paghihimagsik. Nagbigay siya ng detalyadong mga tagubilin ukol sa organisasyon at ipinadala ang isang balangkas ng mga tuntunin.” (St. Clair, 38)

Ang mga dokumentong kinikilalang mga saligang kasulatan ng Katipunan ay ang Casaysayan, Pinagcasunduan, at ang Manga Daquilang Cautusan (Richardson, 6–38).  Hindi tiyak kung ito rin ba ang mga dokumentong ipinadala ni Del Pilar sa pamamagitan ni Moises Salvador (Richardson, 24), kasama ng mga tagubilin kina Deodato Arellano (bayaw ni Del Pilar), Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, at Teodoro Plata upang itatag ang kilusan. (Taylor [I], 196)

Noong Hulyo 6, 1892, sa pagkakatatag ng Katipunan (Santos [Katipunan], 35), si Deodato Arellano ang nahalal na pangulo at si Bonifacio ang kalihim.

Pagkalipas ng isang taon, pinalitan si Arellano ni Roman Basa sa pamamagitan ng panghihimasok ni Bonifacio. Hindi rin nagtagal si Basa sa puwesto dahil siya’y pinalitan ni Bonifacio. Nangyari ang pagbabagong ito sa isang espesyal na halalan na pinangunahan ni Bonifacio matapos kwestyunin ni Basa ang kalagayan ng pananalapi ng Katipunan sa ilalim ng pangangalaga ni Bonifacio (St. Clair, 44).
Nang sumali si Emilio Jacinto noong 1894, naipahayag at naitala na sa mga kasapi ng Katipunan ang mga patakaran, batas, alituntunin, aral, at pagpapahalagang moral ng kilusan.

Bago pa man sumiklab ang rebolusyon, may anyo na ng pamahalaan ang Katipunan dahil mayroon itong mga kasapi, saligang batas, estrukturang organisasyonal, mga patakaran, layunin, at mga alituntunin.

Kung totoo ngang pamahalaan na ang Katipunan noon pa man, at kung susundin ang pamantayan ng mga tagapagsulong ng petisyon, si Arellano ang dapat kilalaning unang pangulo ng Pilipinas. Ngunit tumatanggi rito ang mga nagpetisyon.

Ayon kay Taylor, naging isang rebolusyonaryong pamahalaan ang Katipunan matapos nitong talikuran ang pagiging lihim na samahan at lumantad bilang isang rebolusyonaryong kilusan. Tumutukoy si Taylor sa Agosto 24, 1896, sa Balintawak, nang magtipon sina Bonifacio at ang mga kasapi ng Katipunan bago isagawa ang rebolusyon. Sa pulong na iyon, hinati ng mga rebolusyonaryo ang kanilang mga sarili sa apat na pangkat na pamumunuan ng mga hinirang na heneral. Napagkasunduan din nila ang paraan ng pag-atake sa lungsod ng Maynila at ang mga senyas na gagamitin upang alertuhin ang mga karatig na lugar.

Ang apat na heneral na hinirang ay sina Aguedo del Rosario, Ramon Bernardo, Francisco Carreón, at Vicente Fernandez. Hinirang din si Mariano Alvarez upang pamunuan ang pinagsanib na puwersa ng mga sangay ng Katipunan sa Tangway [Cavite] (Ronquillo, 31). Dumalo rin si Domingo Orcullo bilang kinatawan ng sangay ng Magdalo, at inabot kay Aguinaldo ang isang liham mula kay Supremo Andres Bonifacio na may petsang Agosto 24, 1896, na nag-aanunsyo ng plano ng pag-atake sa Maynila sa gabi ng Agosto 29, 1896. Ayon sa plano, ang senyas ng pagsisimula ay ang pagpatay ng mga ilaw sa Luneta. Walang nabanggit sa liham tungkol sa pagtatatag ng isang bagong pamahalaan o halalan ng mga bagong opisyal. (Aguinaldo [Gunita], 68)

Haring Bayang Katagalugan

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng pananaw na ito, si Bonifacio ang dapat kilalaning unang Pangulo ng Pilipinas sapagkat siya ang naging Pangulo ng Katipunan — na para sa kanila ang kauna-unahang pamahalaang Pilipino ng pangunahing mga mamamayan ng kapuluan. Ang kaisipang ito ay nag-ugat sa salitang Tagalog na Bayan, na ang ibig sabihin ay bansa o isang kalipunan ng mga taong pinag-uugnay ng iisang lahi, wika, kasaysayan, kultura, at adhikain.

Ipinapalagay nila na ang Katipunan ay isang Haring Bayan o nagsasariling bansa, sapagkat ang Katipunan at ang mga kasapi nito ay may sariling pamamahala o soberanya. Hindi umano kinakailangang magkaroon ng tiyak na teritoryo, estado, o pormal na estrukturang republika upang matawag na pamahalaan ang isang samahan. Sapat na raw na may isang nagkakaisang grupo ng tao na maaaring pamunuan upang maging isang tunay na pamahalaan. Sa ganitong pananaw, ang Katipunan ay naging isang Haring Bayan o nagsasariling bansa.

Pinalawak ni Emilio Jacinto ang saklaw ng pamahalaang Katipunan nang kanyang sabihin:

“Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito, sa makatuid, bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.  (Santos [Jacinto], 60) 

Dahil dito, ang Katipunan ay itinuring na Haring Bayang Katagalugan o Soberanong Bansang Tagalog, na sumasaklaw umano sa halos lahat ng mamamayan ng kapuluan.

Tanong:

May bisa ba ang argumentong ito?

Sagot:

Hindi, ito ay isang kamalian.

Ang Haring Bayan bilang isang konsepto ay napakalimitado. Walang duda na ang Katipunan ay isang pamahalaan, dahil ito ay may kapangyarihang mamahala, may mga alituntunin at patakaran na itinatakda sa mga kasapi ng samahan. Subalit, ang pagpapalawak ng awtoridad nito sa labas ng kasapian sa pamamagitan lamang ng pagpapalawak sa kahulugan ng salitang “Tagalog” ay hindi katanggap-tanggap.

Ang mga Bisaya, Ilokano, o Kapampangan na hindi kasapi ng Katipunan ay hindi saklaw ng kapangyarihan ng Katipunan. Ang likas na pagiging eksklusibo ng Katipunan ay hindi nagpapahintulot na ito’y maging isang Soberanong Bansang Tagalog (Haring Bayan), sapagkat ang hurisdiksyon ng pamahalaang ito ay limitado lamang sa mga taong may iisang katangian gaya ng lahi, wika, kultura, kasaysayan, at mithiin — ang itinakdang pamantayan. Samakatwid, ang kapangyarihan ng Pangulo ng pamahalaang ito ay hindi epektibo sa mga Bisaya, Bikolano, Ilokano, at iba pa na hindi kabilang sa Katipunan.

Kahit pa pinalawak ni Jacinto ang saklaw ng salitang Katagalugan, hindi ito maaaring ilapat sa Katipunan bilang isang soberanong bansa dahil, una, hindi lahat ng ipinanganak sa Pilipinas ay maaaring maisama — tanging ang mga nagsasalita ng wikang Tagalog lamang. Pangalawa, ang magkakaibang pananaw sa politika, katapatan, at mithiin ay hadlang sa pagsama ng mga Bisaya at Macabebe, na mas piniling magsilbi sa hukbong Kastila. Gayundin ang kaso ng mga di-Kristiyanong mamamayan ng Mindanao, na may ibang wika, kultura, kasaysayan, at layunin.

Upang maisama ang iba pang mamamayan sa ilalim ng pamahalaang ito, ang Katipunan sana ay kailangang maging isang estado o republika na may kontrol sa mga teritoryong tinitirhan ng mga hindi kasapi. Ngunit wala namang kontrol ang Katipunan maliban sa Cavite sa isang yugto ng panahon.

Dahil dito, ang Katipunan o Haring Bayan ay nanatiling isang ideya lamang ng isang soberanong bansa. Nabigo itong maging isang mas inklusibong estruktura ng estado gaya ng muling pagbibigay-kahulugan ni Jacinto sa Haring Bayang Katagalugan.

Samakatuwid, ang pagiging Pangulo ni Bonifacio ay limitado lamang sa Katipunan bilang isang Haring Bayan at hindi para sa buong kapuluan.

Ang mga Estruktural na Depekto ng Katipunan

Gayunpaman, ang higit na nakapipinsalang batikos sa Katipunan (na tinatawag ring Haring Bayan) bilang isang soberanong bansa ay ang kalagayan ng iba’t ibang sangay o konseho ng Katipunan, na siyang bumubuo sa batayang estruktura ng organisasyon. Mula pa sa simula, ang mga konseho ng Katipunan ay hiwa-hiwalay at nagsasarili. Ang bawat konseho ay may sariling pinuno at hindi nakikipag-ugnayan sa iba. May isang may-akdang nagsabi:

"... wala pang pagkakahiwalay o alitan sa pagitan ng mga pinuno ng Magdiwang at Magdalo. Kapwa nila pinanatiling payapa ang kani-kanilang mga bayan, kapwa may karapatang ipagmalaki ang kanilang mga tagumpay sa labanan, at kapwa nilalabanan ang kanilang kahinaan sa pamamagitan ng pagpapalakas laban sa kaaway — hindi laban sa isa’t isa.” (Salin mula Ingles sa Corpuz, 99)

Nagkawatak-watak ang Katipunan matapos ang bigong pag-atake sa San Juan noong Agosto 30, 1896. Sa loob ng apat na buwan, namuhay si Bonifacio bilang isang lagalag sa Balara at sa kabundukan ng San Mateo. Siya at ang kanyang mga tauhan ay palipat-lipat ng taguan, umaatake sa mga bayan ngunit bigong mapanatili ang mga ito. Hindi nakapagtatakang binanggit niya sa pagtanggap ng paanyaya na bumisita sa Cavite na hindi siya nagtagumpay sa pagkubkob ng isang bayan na magagamit bilang tanggulan o punong himpilan. (Corpuz, 96)

Sa ganitong desperadong kalagayan, bakit walang isa man sa maraming konseho ng Katipunan, o isa man sa tinatayang 30,000 kasapi, ang nag-abot ng tulong o kumupkop sa kanya? Ang mga nasawi sa labanan sa San Juan ay hindi naman ganoon karami upang lubusang mawasak ang Katipunan, at nananatiling buo pa rin ang mga konseho nito. Ngunit tila bigla na lamang naglaho ang Katipunan bilang isang organisasyon. Ang tinatawag na Soberanong Bansa — o ang inaakalang pamahalaan ng Katipunan — ay hindi kailanman tunay na naitatag, kahit pa ito ay nailantad na sa publiko, sapagkat nanatiling watak-watak ang samahan. Walang matibay na hawak o kontrol ang Supremo sa mga pinuno ng iba’t ibang konseho.

Ang Soberanong Bansa o Haring Bayang Katagalugan ay muling binigyang-buhay lamang nang lumipat si Bonifacio sa Cavite, kung saan muling nabanggit ang katawagang ito. Ngunit kahit sa Cavite, ang tinaguriang pamahalaan ng Katipunan na binuo ni Bonifacio ay hindi kailanman tinanggap o kinilala.

Dahil dito, ang pahayag ni Taylor — "ang mga lodge ay naging mga batalyon," "ang mga grandmaster ay naging mga kapitan," at "ang Kataas-taasang Konseho ng Katipunan ay naging pamahalaang rebolusyonaryo" — ay pawang pagmamalabis lamang. 


Walang duda na nagbago ang Katipunan, ngunit ang pagbabagong ito ay mula lamang sa pagiging isang lihim na organisasyon tungo sa isang hayag at lantad na kilusan. Nanatili itong ayon sa orihinal na pagkakatatag — isang soberanong bayan — ngunit sa katotohanan ay wala itong sapat na katangian upang maituring na pamahalaan ng buong Pilipinas.

Pulong sa Imus – Patunay na Walang Umiiral na Rebolusyonaryong Pamahalaan

Ang pulong ng mga konseho ng Magdalo at Magdiwang na ginanap sa Imus noong Disyembre 28, 1896 (Disyembre 29 ayon kay Santiago Alvarez) ay nagsilbing patunay na ang Katipunan ay hindi isang umiiral na rebolusyonaryong pamahalaan. Sa pulong na ito, iminungkahi ni Baldomero Aguinaldo, pangulo ng Magdalo council, na pag-isahin ang dalawang konseho sa ilalim ng iisang pamahalaan, iisang hukbo, at iisang pinuno.

Narito ang mahahalagang detalye ng nasabing pulong mula sa mga pahina 2033–2036 ng aklat ni Zafra (matatagpuan din sa Corpuz, 98–100 at Saulo [Aguinaldo], 122–123):

Sinabi ni Ariston Villanueva, ministro ng digmaan ng Magdiwang, na ang kanilang panig ay sang-ayon sa paglikha ng isang rebolusyonaryong pamahalaan, ngunit iminungkahi niyang ang mataas na posisyon ay ilaan kay Andres Bonifacio, ang kinikilalang Supremo ng Katipunan.

Gayunpaman, tumutol si Edilberto Evangelista sa mungkahi ni Villanueva. Ipinunto niya na marami sa mga mamamayan ng mga bayan, na hindi naman kasapi ng Katipunan, ang sumali sa rebolusyonaryong pakikibaka. Sabi niya hindi tama o makatarungan na ipalagay na ang rebolusyon ay usapin lamang ng Katipunan. Mawawalan ng saysay ang ating pagkakaisa kung hindi natin kikilalanin ang papel ng ating mga kababayan sa ating hangarin sa kalayaan.

Tumayo rin ang ministro ng interior ng Magdiwang at nagsabi  na pabor siya sa pagboto sa mga ministro, ngunit hindi sa pinuno ng rebolusyonaryong pamahalaan, dahil ang nasa isip niya ay si Bonifacio ang nararapat mamuno.

Ang pagdating ni Paciano Rizal, kasama ang ilang kapatid at si Josephine Bracken, na nagdala ng balitang malapit nang bitayin si Rizal, ang siyang nagpahinto sa pagpupulong. Nabaling ang usapan sa isang planong pagsagip kay Rizal, ngunit tumutol si Paciano sapagkat naniniwala siyang hindi papayag ang kanyang kapatid na may ibang buhay ang maisakripisyo para sa kanya.

Mula sa mga pangyayaring ito, malinaw na ang mga rebolusyonaryo sa Cavite ay hindi kinikilala ang Katipunan bilang isang lehitimong pamahalaan. Sa halip, nagkasundo ang mga kinatawan sa mungkahing pag-isahin ang Magdiwang at Magdalo sa ilalim ng isang hukbo at isang pamahalaan. Tinalakay rin sa pulong ang halalan para sa mga opisyal. Ang mungkahi ng Magdiwang na ireserba ang pagkapangulo para kay Andres Bonifacio, bilang siya ang Supremo (o Pangulo) ng Katipunan, ay hindi tinanggap — patunay na ang binubuong bagong rebolusyonaryong pamahalaan ay hiwalay at walang kaugnayan sa Katipunan.

Bukod pa rito, alam at tinanggap ni Bonifacio na ang kanyang impluwensiya ay limitado lamang sa mga kasapi ng Magdiwang.

Kung kinikilala na niya ang sarili bilang pinuno ng isang umiiral at naitatag na pamahalaan, bakit siya papayag sa mungkahing pag-isahin ang dalawang panig?

Haring Bayan ng Magdiwang

Nang dumating si Bonifacio sa Cavite bago mag-Pasko ng 1896 (Ricarte [Himagsikan], 31), sinalubong siya ng mga tao sa isang magarbo at maringal na pagtanggap, at sumigaw sila ng “Mabuhay ang hari!” (Corpuz, 97). Tinanggap siya ng mga rebolusyonaryo sa Cavite bilang pinuno ng rebolusyon at kinilala ang kanyang awtoridad bilang Supremo ng Katipunan. Ngunit sa halip na manatiling walang kinakampihan, pumanig siya sa konseho ng Magdiwang, kung saan iginawad sa kanya ang titulong Haring Bayan (Soberanong Bayan o Hari ng Bayan?), at ang dating pinuno nitong si Mariano Alvarez ay inilagay bilang Pangalawang Haring Bayan o Virrey (Ronquillo, 140).

Tanong:

Bakit itinuturing ng mga mamamayan si Bonifacio bilang hari?   At bakit tinawag siya ng mga Magdiwang na Haring Bayan?

Sagot: 

Ang konsepto ng isang estado o republika ay wala pa sa kamalayan ng taumbayan, maging ng kanilang mga pinuno. Ang tanging uri ng pamahalaan na kanilang nakilala ay yaong kahalintulad ng isang monarkiya na pinamumunuan ng hari — gaya ng pamahalaang Kastila.

Ang kakulangan ng kaalaman sa mga ideya ng modernong republika ay binanggit ni Taylor:

“Ang ideya ng pagtatatag ng republika o paggamit ng mga titulong naaayon dito upang tukuyin ang mga opisyal ng Malayong despotismo ay naisip lamang sa bandang huli. Ang mga lalaking nagtataas ng bandila ng paghihimagsik noong Agosto 1896 — mga mandirigma tulad nina Bonifacio at Aguinaldo — ay hindi sapat ang kaalaman tungkol sa labas ng mundo upang maunawaan ang kahalagahan nito. Natutunan lamang ito ni Aguinaldo nang siya'y samahan ng mga taong nakabasa ng kasaysayan ng Pransya at Espanya. Nalaman nilang mas mainam kung tatakpan ang kanilang sistemang absolutista sa ngalan ng republika. Marahil ay iyon ang uri ng republika na kanilang nauunawaan, ngunit walang dahilan upang pagdudahan na noong Setyembre 1896, si Vito Belarmino ay tinawag ang sarili bilang Vito, Virrey ng Silang… At hanggang sa huli ng tinatawag na Republika ng Pilipinas, ang ‘royal family’ ay karaniwang tawag… at paulit-ulit na tinutukoy ng mga tagasunod ang mga kautusan ng Pangulo ng Republika bilang mga “royal decree.'” (Salin mula Ingles sa Taylor [I], 68)

Ang titulong Supremo ni Bonifacio, o Haring Bayan, ay hindi maitutumbas sa posisyong Pangulo ng isang estado o republika ayon sa kasalukuyang pagkakaunawa. Ang isang pangulo ay laging inihahalal — maging sa isang rebolusyonaryo, soberanong bansa, estado, o republika. Maaari ding iproklama ng isang tao ang sarili bilang pinuno, o ipagkaloob sa kanya ng isang pangkat ang titulo, ngunit ito ay katangian ng isang monarko, diktador, o pinunong militar — hindi ng isang halal na pangulo.

Totoo, si Bonifacio ay nahalal bilang pangulo ng Katipunan noong 1893, ngunit hindi ito awtomatikong nangangahulugang siya na ang unang pangulo ng Pilipinas. Kung ganoon man, dapat sana ay si Deodato Arellano ang kilalaning unang pangulo, bilang siya ang unang pinuno ng Katipunan.

Ito ang dahilan kung bakit itinatag ang isang rebolusyonaryong pamahalaan sa Kumbensiyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897 — sapagkat, ayon kay Severino de las Alas, ang Katipunan ay hindi isang republika ni isang monarkiya (Corpuz, 120).

Bilang pagpapatibay sa pahayag na ito, idineklara ni Antonio Montenegro na kung hindi sila magkasundo sa uri ng rebolusyonaryong pamahalaang dapat itatag, at kung mananatili sa kasalukuyang kalagayan, kung gayon ang mga rebolusyonaryo ay walang pinagkaiba sa mga tulisan o mabangis at walang isip na hayop. Ang komento niyang ito ay naging sanhi ng kaguluhan sa pulong (Alvarez, 84).

Ngunit tantuin na kahit si Bonifacio mismo ay hindi kailanman nag-angkin na siya ang Pangulo ng Pilipinas o ng isang rebolusyonaryong pamahalaan. Tandaan na nang kanyang ideklara ang pagbabasura sa kumbensiyon at lahat ng napagkasunduan doon, ito ang kanyang sinabi:

“Ako, sa aking pagka-pangulo ng kapulungang ito at sa pagka-pangulo rin  naman ng Kat. Sanggunian ng Katipunan, na di nalilingid sa lahat ay ipinahahayag kong lansag na ang kapulungan ito at pinawawalan ng kabuluhan ang lahat ng sa loob niya'y pinagkayarian at pinagpasyahan." (Ronquillo, 54)

Wala ni isang binanggit si Bonifacio na siya ay may kapangyarihan bilang pangulo ng isang rebolusyonaryong pamahalaan, ng isang Soberanong Bansa, o ng Pilipinas. Batid niya na wala pang umiiral na rebolusyonaryong pamahalaan o anumang maituturing na pamahalaang Pilipino, at hindi siya maaaring maging pangulo ng isang pamahalaang hindi pa naitatatag.

Ngunit sa huli, sinimulan ni Bonifacio ang pagtawag sa sarili bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.

Makikita ang bagong titulong ito sa isang kautusang kanyang nilagdaan noong Abril 19, 1897, ilang araw matapos siyang matalo sa halalan sa Tejeros sa pagkapangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan kay Aguinaldo. Sa kautusang ito, kanyang itinalaga si Emilio Jacinto bilang pinuno ng mga puwersa sa hilaga ng Maynila. (Ronquillo, 79)

Nangyari ito matapos ang halalan sa Tejeros. Mula rito, maaaring ipagpalagay na ang tinatawag na Haring Bayang Katagalugan ay isang ideya lamang na inimbento ni Bonifacio — isang alternatibong pamahalaang kanyang inisip na ipalit sa bagong rebolusyonaryong pamahalaang itinatag sa Tejeros.

Ang Halalan sa Tejeros

Ang kauna-unahang halalan upang pumili ng Pangulo ng mga Pilipino ay ginanap noong Marso 22, 1897, sa gitna ng rebolusyon laban sa Espanya, sa Casa Hacienda sa Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite — ang tanging lalawigang malaya sa panahong iyon.

Si Emilio Aguinaldo ng Katipunang Magdalo ang nahalal na pangulo in absentia, ng rebolusyonaryong pamahalaang naitatag sa kumbensiyon.

Ayon sa resulta ng lihim na botohan, si Aguinaldo ay nakakuha ng 146 boto, si Andres Bonifacio ng 80 boto, at si Mariano Trias ng 30 boto (May, 105).


Ang halalan ay nabahiran ng kaguluhan dahil kinuwestiyon ni Daniel Tirona ang kakayahan ni Bonifacio para sa pinakamababang posisyong kanyang nahalal — ang Direktor ng Panloob — na, sa lahat ng palatandaan, ay tila isang paraan lamang ng pagbibigay-pugay at pampalubag-loob matapos ang sunod-sunod niyang pagkatalo sa dalawa o tatlong mas mataas na posisyon.

Dahil sa matinding galit sa ginawa ni Tirona, binunot ni Bonifacio ang kanyang revolver at itinutok ito kay Tirona, na agad namang naglaho sa gitna ng karamihan.

Dapat ding banggitin ang mahalagang ginampanan ni Santiago Rillo, pinuno ng delegasyon ng Batangas, sa magulong halalang ito. Maaaring inakala ni Bonifacio na napawalang-bisa na niya ang resulta ng halalan, kaya’t naghanda siyang umalis kasama ang kanyang mga tauhan.

Ngunit bago pa sila makalabas, lumapit sa kanya si Rillo at nakiusap na tanggapin niya ang pagkakahalal sa kanya at ipagpatuloy ang pagdalo sa kumbensiyon. Tumanggi si Bonifacio.

Sa puntong iyon, sinabi ni Rillo kay Bonifacio na wala siyang kapangyarihan o karapatang pawalang-bisa ang halalan ng pangkalahatang asembleya, at idineklara niyang siya na ang uupong tagapangulo ng kumbensiyon sa pahintulot ng asembleya — na agad namang pinagtibay. (Ronquillo, 58)

Dahil dito, ipinagpatuloy ang kumbensiyon at nagtapos ito sa pasyang hanapin si Aguinaldo at imbitahan siyang manumpa bilang halal na Pangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan.

Nakita ni Bonifacio na hindi iginagalang ang kanyang deklarasyong walang bisa ang kumbensiyon. Kaya’t nagsagawa siya ng mga hakbang upang pawalang-bisa ang resulta ng halalan at muling mabawi ang unti-unting nawawala niyang awtoridad. Narito ang mga hakbang na kanyang ginawa:

Unang Hakbang:

Kinabukasan matapos ang halalan, iniutos ni Bonifacio na lahat ng nahalal ay bumitiw sa kanilang mga posisyon, sapagkat ayon sa kanya, ang halalan ay nadungisan ng pandaraya.

Ipinag-utos niyang itala ito sa isang dokumentong tinawag na Acta de Tejeros (Richardson, 320–327), na nilagdaan ni Bonifacio at ng mahigit apatnapung kasapi ng konsehong Magdiwang.

Ngunit binale-wala lamang ang nasabing kautusan. (May, 108; Ronquillo, 66)

Kagilagilalas na bagay na si Bonifacio ay nagbunsod lamang ng paratang ng daya matapos maisagawa ang halalan. Bagaman siya’y napagbilinan na ni Ginoong Diego Mojica — at marahil maging ni Ginoong Artemio Ricarte — na may ilang balota nang nasulatan na bago pa man ito maipamahagi, bakit kaya hindi niya kaagad siniyasat ang bagay na ito habang ang botohan ay kasalukuyang idinaraos? Ang kakulangang ito ay nagpapakilala na ang paratang ng pandaraya ay di bunga ng kapanahunang obserbasyon kundi ng isang kathang-isip na nabuo lamang pagkaraan ng pangyayari.

Ang pag-aakusa na may pandarayang naganap ay hindi gaanong matibay, yamang:

  • Ang kapisanan ni Bonifacio, ang Konseho ng Magdiwang, ang siyang nagpasimula ng kapulungan sa kanilang lupang saklaw;

  • Si Bonifacio ang namuno sa pagpupulong;

  • Si Ricarte, isang tapat na tagasunod ni Bonifacio, ang siyang tumayong kalihim ng kapulungan at siyang namahala sa pamamahagi ng mga balota;

  • Karamihan sa mga kasapi ng kapulungan ay buhat sa hanay ng Magdiwang;

  • Walo lamang ang naging kinatawan ng Magdalo sapagkat ang karamihan sa kanila ay nasa larangan ng labanan sa Pasong Santol sa bayan ng Dasmariñas, ipinagkakatiwalang humarang sa darating na lakas ng mga Kastila.

Bukod dito, lahat ng katungkulang pinagbotohan ay nakuha ng mga Magdiwang, maliban sa pagkapangulo, na nakuha ni G. Aguinaldo — at, kung tutuusin, si Mariano Trias na nahalal na pangalawang pangulo ay dating kasama rin ng Magdiwang bago lumipat sa hanay ng Magdalo.

Sa gayon, ang paratang ng pandaraya ay mahirap paniwalaan.

Ikalawang Hakbang:

Nang ang paratang ng pandaraya ay hindi umubra, si G. Bonifacio ay nagbintang kay Aguinaldo ng layuning ipagkanulo ang rebolusyon. Dahil dito, kanyang pinasimulan ang isang pagtatangkang kudeta sa pamamagitan ng isang kasulatang pinamagatang Acta de Naic (Richardson, 355–377), na nilagdaan ng mahigit apatnapung kasapi ng Magdiwang, kabilang sina Heneral Mariano Noriel at Heneral Pio del Pilar, na noo’y nasa ilalim ng pamumuno ni Aguinaldo.

Sa di-inaasahang pagkakataon, nabatid ni Aguinaldo ang lihim na pagpupulong, kaya't siya’y nagtungo sa pook upang siyasatin ang mga nangyayari. Dooy nasumpungan niyang ilang kawal niya ang ikinalaboso sa utos ni Bonifacio; at nang sila'y kanyang palayain, nagsilisan na sa pagmamadali si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan. (Saulo [Aguinaldo], 143)

Nguni’t sa halip na ipahuli at parusahan ang mga nagsabuwatan, pinatawad sila ni Aguinaldo at sinikap silang hikayatin na muling makiisa sa pamahalaang bagong-tatag. At sa gayon, sina Jacinto Lumbreras, Mariano Alvarez, Severino de las Alas, at Pascual Alvarez ay muling lumahok sa kilusan. (Saulo [Aguinaldo], 144)

Ikatlong Hakbang:

Ang huling pagtatangka ni Bonifacio upang mabawi ang kapangyarihan ay ang pagtatatag ng sariling hukbo. Kasama sa pagsisikap na ito ang pagluklok kay G. Emilio Jacinto bilang pangulo ng mga kawal sa hilaga ng Maynila, gaya ng nabanggit sa naunang bahagi.

Nguni’t sa kanyang punong himpilan sa Limbon, hindi niya napaalab ang damdamin ng marami upang sumapi sa kanyang hukbo; tanging ang ilan sa kanyang mga dating kasangga sa Balara ang sumama sa kanya, at wala ni isa mang heneral mula sa Magdiwang o Magdalo ang lumapit sa kanyang panig.

Nang dumulog si Ginoong Severino de las Alas kay Aguinaldo at iniulat ang pagbabanta ni Bonifacio na sunugin ang bayan ng Indang, at ang bakbakang naganap sa pagitan ng kanyang tauhan at ng mga sundalo ng pamahalaan, si Aguinaldo ay napilitang ipag-utos ang pagdakip kay Bonifacio.

Dito nagsimula ang kanyang: paglilitis; hatol ng kataksilan; parusang kamatayan; at ang pagpapatupad ng bitay. (Corpuz, 124)

Mahalagang tandaan na wala ni isa man mula sa konseho ng Magdiwang o alinmang sangay ng Katipunan ang nagtangkang tumulong kay Bonifacio. Maging ang karaniwang mamamayan ay tumanggi ring magbigay-tulong, gaya ng ipinakita sa naging saloobin ng mga taga-Indang, na tumangging bigyan si Bonifacio ng pagkain at suplay — dahilan ng pagreklamo ni Severino de las Alas.
Ang mga pinuno ng konseho ng Magdiwang na dating sumusuporta kay Bonifacio ay tumanggap ng mga posisyon sa bagong pamahalaang inalok ni Aguinaldo (Alvarez, 95).

Walang naitalang halalan bago ang Tejeros na nagkaloob ng pamagat na "Pangulo ng Pilipinas." Dahil dito, lalong tumitibay ang katuwirang si Aguinaldo ang tunay na kauna-unahang halal na Pangulo ng Pilipinas.  Yaong mga patuloy na iginigiit na si Bonifacio ang unang Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ay mga taong nagtatangkang baguhin ang kasaysayan, at ang gawaing ito ay nagmumula sa mga sektor ng lipunan na may pansariling interes at layuning pansarili lamang.

Pagkilala kay Aguinaldo bilang Unang Pangulo

Ang kasalukuyang henerasyon ay nararapat na maunawaan na ang mga pasya ng ating mga ninuno ay hindi na maaaring baguhin. May karapatan silang pumili kung sino ang mamumuno sa kanila, at ang anumang tangka ng kasalukuyang salinlahi na baguhin ang mga pangyayari ng nakaraan ay isang paglapastangan sa kanilang alaala at isang pagyurak sa dangal ng ating mga bayani na nagbuwis ng lahat upang makamtan natin ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.

Si Aguinaldo ay nahalal bilang Pangulo ng apat na ulit, at ang kanyang pamumuno ay kinilala at tumagal mula Marso 22, 1897 hanggang Marso 23, 1901 — mula sa Kumbensiyon ng Tejeros, sa Biak-na-Bato, sa kanyang pagpunta sa Hong Kong, sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas upang muling ipagpatuloy ang rebolusyon, sa Malolos, sa digmaan laban sa mga Amerikano, hanggang sa kabundukan ng Cordillera, at sa huli, sa Palanan, Isabela, kung saan siya nahuli ng mga Amerikano.



Pormal na kinikilala si Pangulong Emilio Aguinaldo bilang unang Pangulo ng Pilipinas. Ayon kay Isagani R. Medina, patnugot ng aklat ni Carlos Ronquillo na Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik nang Taong 1896–1897, ito ang opisyal na paninindigan ng mga kinikilalang institusyong pangkasaysayan ng pamahalaan, tulad ng:

"Ang paninindigan ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute) at ng Pambansang Lupon sa  Pananaliksik ng Komisyong Pambansa ukol sa Kalinangan at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts) noong 1993 ukol sa pagkilala kay Heneral Emilio Aguinaldo bilang kaunaunahang Pangulo ng Republica Filipina (Haring Bayang Katagalugan) at hindi si Andres Bonifacio bilang Pangulo ng Haring Bayan ay nagpapatunay lamang na dapat bigyang karangalan ang pinakamaraming natanggap na paninirang-puri na pangulo ng Pilipinas.  Naging panininindigan kapwa ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan at ng Pambansang Lupon sa Pananaliksik ng Pangkasaysayan na hindi na natin maibabalik pa ang nangyari sa nakaraan ukol sa sinasabing pagkitil sa pamamagitan ng pagbaril kay Andres Bonifacio na ginawa ayon sa hatol na kamatayan ng isang prosesong panghukumang binuo ni Aguinaldo isang daan na ang nakalilipas.(Ronquillo, 8)

Ilan sa mga sipi mula sa mga aklat ng dayuhang may-akda na nagpapatibay sa pagkilala kay Aguinaldo bilang unang Pangulo ng Pilipinas:

  1. Sa pagpapatupad ng resolusyong ito, si Aguinaldo ay agad nakabuo ng isang hukbong katutubo na sapat upang kubkubin ang Maynila sa lupa, habang ito’y kinukobkob ni Dewey mula sa dagat. At, bandang huling bahagi ng Hunyo, bagaman walang pormal na pagkilala mula sa admiral ng Amerika, ang mapusok na mga Pilipino ay pormal na nagdeklara ng kalayaan ng mga isla at inihalal si Aguinaldo bilang kanilang unang Pangulo.
    Bruce, Addington, “The Romance of the American Expansion,” Moffat Yard & Co., New York, 1909, p. 200

  2. Mula sa kasaysayan ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng panandaliang Republika ng Pilipinas, na ang kapangyarihan bilang diktador ay nahubog sa paraang ganito…”
    Diamonon, Victoriano D., “The Development of Self-Government in the Philippine Islands,” University of Iowa, 1920, p. 155

  3. Aguinaldo, Emilio, heneral at estadistang Pilipino, unang pangulo ng Republika ng Pilipinas; ang kanyang kakayahang militar…”
    Russell, Charles Edward, “The Hero of the Filipinos,” The Century Co., New York and London, 1923, p. 383

  4. Isang pangkalahatang asembleya ng mga pinuno ng rebolusyon ang ipinatawag noong Marso 12, 1897 (sic), upang bumuo ng pansamantalang pamahalaan. Malamang na inaasahan ni Bonifacio na siya ang mahahalal bilang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Subalit ang batang Heneral na si Aguinaldo ang siyang nahalal bilang Pangulo, at si Mariano Trias bilang Pangalawang Pangulo.
    Russell, Charles Edward, “The Outlook for the Philippines,” New York, 1922, p. 103

  5. Matapos matalo ang mga Kastila, si Aguinaldo ay nagpahayag nang walang pagtutol mula sa mga Amerikano bilang Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, nagtatalaga ng mga matataas na opisyal ng estado, bumuo ng isang Pambansang Asembleya, at nagpatupad ng buwis sa buong kapuluan. Bukod dito, ang kanyang hukbo — na pormal na ipinahayag na may 50,000 katao — ay pumaligid sa Maynila mula sa lahat ng panig sa pamamagitan ng hanay ng mga panlaban. Samantalang ang mga Amerikano, na may 21,000 kawal, ay nakapuwesto lamang sa Maynila at Cavite at sa katotohanan ay tila nakakulong na sa dalawang pook na iyon.”
    Younghusband, G.C., “The Philippines and Round About with some account of British Interest in these Waters,” McMillan & Co., Ltd., London & New York, 1899, p. 158


<><><>-o-O-o-<><><>





No comments:

Post a Comment