Wednesday, March 13, 2024

Si Aguinaldo sa Kasaysayan

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles  ng kathang pinamagatang, “Aguinaldo in History,” na matatagpuan sa pahina 142-165 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Si Aguinaldo ay tagapagpalaya ng sambayanang Pilipino, ama ng kaunaunahang bansa ng Pilipinas na nagbigay ng pagkakakilanlan sa lahat ng naninirahan sa kapuluan bilang mamayang Pilipino ng isang Republika, hindi na mga Peninsulares, Insulares, Indios o naturales, kundi mamamayan ng kapuluan ng Pilipinas malaya at may kasarinlan, kung tawagin ay mga Pilipino. Siya rin ang nagpakilala ng bagong silang na bansang Pilipino sa mga malalayang bansa ng mundo. Ang katotohanang ito ay hindi malinaw, anupa’t mali ang pagkaalam ng maraming kababayan natin dahil sa di wastong pagtuturo, kasinungalingan at paniniwalat ng mga may pansariling hangarin.

Ayon kay Heneral Douglas MacArthur ng Estados Unidos, si Aguinaldo ang kumakatawan sa adhikain ng Pilipino para sa kalayaan at kasarinlan.  Naroon din ang paghanga ni Pangulong Lyndon B. Johnson kay Aguinaldo nang sabihin niyang ang bantayog ni Aguinaldo ay ang Republika ng Pilipinas.  (Kalakip VI).

.

Ang Paglaya at Muling Pagbagsak ng Kabite

Nakamit ni Aguinaldo ang kaunaunahang tagumpay ng himagsikan sa labanan sa Imus (Ronquillo, 287-297). Kung nagapi ni Heneral Aguirre ang mga taga-Kabite tulad ng nangyari kay Bonifacio sa Maynila noong ika-29 ng Agosto, 1896, maaring ang kasisimulang himagsikan ay madaling napuksa. Subali’t dahil sa nagawang panalo laban sa pwersa ni Aguirre, naitaas ni Aguinaldo ang antas ng kasiglahan ng paghihimagsik, napilitang magisip-isip si Aguirre at hinintay na magkaroon siya ng lalong malakas na pwersa bago siya muling bumalik sa Kabite.  At sa ikalawang pagkakataon, muling nagapi ni Aguinaldo si Aguirre sa labanan sa Binakayan noong Nobyembre, 1896 (Ronquillo, 345-358), na siyang nagbigay ng panahon upang lalong mapalakas ang hanay ng mga naghihimagsik, mapasakamay ang mga bayan sa Kabite na dating hawak ng mga Kastila at nakilala ang pagiging mahusay niyang pinuno sa larangan ng himagsikan. 

Dahilan sa nakamit na tagumpay sa mga labanan, ang napalayang lalawigan ng Kabite ay naging kanlungan ng mga katipunang nakubkob sa mga karatig lalawigan. At bilang pagkilala sa kanyang mahusay na pamumuno, nahalal siyang pangulo ng pamahalaang himagsikan sa ginanap na halalan sa Tejeros. Subali’t dahilan sa di maayos na ugnayan at pakikitungo ng hanay ni Bonifacio sa paraan ng pagtatanggol sa Kabite, at ang kanyang di tuos na pakikiisa kay Aguinaldo sa harap ng lumulusob na mga Kastila (Saulo, 140-141) ang Kabite ay nabawi at ang mga nagsiurong na mga naghihimagsik ay nagsitakas sa mga karatig pook ng Batangas, Laguna at Bulacan, pati na rin si Aguinaldo at kanyang natitirang hukbo. 

Nailigtas ni Aguinaldo ang himagsikan sa tuluyang pagkatalo nang kanyang natipon ang natitirang naghihimagsik sa Biak-na-Bato at tinapatan ang walang tigil na panunupil ng mga Kastila. At dahil sa di masupil ang hanay ni Aguinaldo napilitang magalok ng isang tigil-putukan ang mga Kastila sa isang kasunduang kapayapaan na tinaguriang Pacto de Biak-na-Bato na siya namang inayunan ni Aguinaldo at mga pinuno ng mga naghihimagsik. Sa pangyayaring ito nagkaroon ng pagkakataong makapagpahinga ang mga pagod na naghihimagsik, nabigyan ng pagkalinga ang kanilang pangangatawan at pansariling kaligtasan, naiharap nila ang mga pagbabagong minimithi, kapalit ang pagsuko ng armas, malaking halagang pabuya at pagalis ni Aguinaldo at mga pinuno ng himagsikan sa bansa noong Disyembre, 1897. 

Ang Tagumpay sa Ikalawang Yugto ng Himagsikan

Ang ikalawang yugto ng himagsikan ay muling pumutok sa pagbalik ni Aguinaldo noong Mayo 1898 mula sa Hongkong, at kaagad-agad niyang inasikaso ang pagbubuo ng hukbo na sinandatahan niya ng mga baril na binili sa Hong Kong gamit ang salaping galing sa kasunduang Biak-na-Bato. Dahil sa kanyang karanasan at kaalaman sa pakikipaglaban sa mga Kastila at sa mga bagong gamit pandigma natalo niya ang hukbong Kastila, naitayo niya ang unang republika ng Pilipinas na naghari at namahala sa Luzon, mga ilang isla sa Bisaya at lugar sa Mindanao, liban lang sa lungsod ng Maynila na hawak ng mga Amerikano at ilang nahihiwalay na moog ng mga Kastila. Sa loob ng kulang-kulang na dalawang buwan, napalaya ni Aguinaldo ang buong Luzon. Pinaligiran niya ang Maynila and hinikayat niyang sumuko si Gobernador-Heneral Basilio Agustin. Habang hinihintay ang tugon ni Agustin ay nagpadala si Aguinaldo ng mga kawal sa Bisaya at Mindanao upang tumulong sa mga tagaroon na mabawi sa mga Kastila ang kanilang mga bayan-bayan at lupain. 

Isang Amerikanong mamamahayag ang nakasaksi ng unang malawakang tagumpay ni Aguinaldo laban sa mga Kastila sa Kabite noong kagitnaan ng taong 1898. Aniya: 

“Dahil hindi magkakaroon ng labanan ang mga pangdagat na pwersa ni Dewey at mga pangkating kawal Kastila minabuti kong masdan ang ginagawa ng mga Pilipino sa ilalim ng pamumuno ni Aguinaldo.  Sa loob ng isang linggo pagkarating niya sa Kabite nakabuo agad siya ng 1,000 tauhang may hawak na armas.  Binigyan siya ni Dewey ng mga baril na Mauser at maraming bala na nasamsam sa mga Kastila, at sa loob ng isa o dalawang araw isang maliit na barko na nakatago sa pangalang ‘Faon’ ay dumating mula Canton, may dalang 3,000 baril na ‘Remington’ at napakaraming bala.
“Noong gabi ng ika-26 ng Mayo nagpadala si Aguinaldo ng 600 tauhan tungo sa kabila ng look ng Bakoor at dumaong sa pagitan ng pangkat ng mga Kastilang nakahimpil sa Lumang Kabite at ang pangkat na nasa imbakan ng pulbura, halos nasa silangan ng Lumang Kabite. Ang moog ng dalawang tanggulang ito ay mayroong 300 tauhan bawat isa, kaya ang mga naghihimagsik at kanilang kaaway ay halos magkatugma ang dami. Kahit na ang mga Kastila ay mayroong 1,000 kawal at ilang kanyon na nakatalagang tutulong kung kailangan, ang mga Pilipino ay walang kanyon at walang nakahandang tulong. Kaya kapag naidaong na ang pwersa ng naghihimagsik sa kabila ng look ng Bakoor bahala na sila sa kanilang sarili.
“Kinaumagahan ng ika-28 ng Mayo isang pangkat ng mga Kastila ang lumusob sa mga naghihimagsik. Sumuko ang mga Kastila at nabihagan sila ng 418, kasama ang labing-limang pinuno. Ang lugar na pinaglabanan ay masukal, maraming batis at tubigan at mahirap ipatupad ang mga kaparaanang pang-militar. 
"Noong ika-29 ng Mayo, bago sumikat ang araw, dinagdagan ni Heneral Aguinaldo ang kanyang pwersa ng isang libong tauhan. Inasahan kong makita ang paglusob nila sa maliit na leeg na lupa na nagdurugtong ng kalawakan at ng tangway, kung saan ang mga Kastila ay mayroong isang malaking kanyon at maraming kawal. Ngunit bago magtanghali, sabi sa akin ni Heneral Aguinaldo na nagbago siya ng balak, dahil hawak ng mga Kastila ang tangway gamit ang malaking pwersa at nababahala siyang hindi magtatagumpay sa kanyang paglusob. Kung siya’y kapusin hindi niya matutulungan ang kanyang mga tauhan sa kabilang panig ng look nang hindi makikipagsapalaran sa mga bala ng Mauser ng mga Kastila na nakatalaga sa imbakan ng pulbura at ng Lunang Kabite. At kung sakaling dumating ang malakas na tulong ng mga Kastila mula Maynila, ang tauhan ni Aguinaldo ay maiipit sa dalawang putukan, at maari silang mabihag o mapatay. Dahil sa maselang kalagayang ito, hindi ako binigyan ni Aguinaldo ng tulong na makarating sa labanan, ni taga-turo man lang kung saan ko maaring idaong ang aking bangka sa kabila ng look.
“Habang pinanonood ko ang takbo ng pangyayari hindi ko napansin ang nangyayari sa aking likuran at ako ay nagulantang sa lakas ng putok  na sa ingay ng dumaraang panudla sa aking ulunan ay galing sa isang malaking kanyon, na sa una kong pakiwari ay para yatang nakisali na ang barkong Petrel (Amerikano) sa labanan.  Hindi ko makita kung saan tumama ang panudla; sa pagtingin ko muli sa Kabite, tanaw ko ang pulutong ng naghihimagsik na nagtipon-tipon sa apat na kanyon na nakatutok sa mga Kastila mula sa pader ng Kabite.  Sa harap ng mga kanyon ay isang mahabang tubo ng pugon na nagbibigay ng usok tulad ng nasa dalampasigan malapit sa akin.  Ito pala ang balaking inihahanda ni Aguinaldo, at ipinaalam niya sa kanyang mga tauhan na handa na siya at sasali na sa labanan.
“Tulad ng langgam, dumagsa ang maliliit na taong  kayumanggi sa dalampasigan patungo sa simbahan ng Bakoor.  Ito ang tanging lugar na mukhang malakas ang mga Kastila liban sa Lumang Kabite.  Lumalabas na ang mga naghihimagsik ay sumusugod sa kalupaan mula sa dalampasigan, at maya-maya’y nagpaputok ang mga kanyon at sunod-sunod na putok ng mga baril, kakaunti naman ang balang patungo sa aking kinaroroonan.
“Sa ilang sandali dalawa o tatlong sugatan ay pilit na tumatayo, iwinawagayway ang kanilang sambalilo sa hangin, at muling babagsak, pagod ngunit tagumpay.  Sa kasalukuyan ang watawat – pula sa itaas at bughaw sa ibaba na mayroong puting tatsulok malapit sa kabitan – ang sumasayaw-sayaw sa itaas ng simbahan ng Bakoor.  Lahat  ng nasa dalampasigan ay nabihag liban sa Lumang Kabite.”  (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Stickney, 75-81)

Si Felipe Buencamino, isang Koronel sa hukbo ng mga Kastila na pinuno ng isang rehimyento, ang nakamasid ng mga pangyayari habang siya ay bihag ng mga naghihimagsik pagkatapos siyang isinugo ni Gobernador-Heneral Basilio Agustin na hikayatin si Aguinaldo na kumampi sa mga Kastila laban sa mga Amerikano. Narito ang mahalagang nilalaman ng kanyang sulat sa Gobernador-Heneral na pinapayuhang niyang sumuko: 

“… Nang nabalik ako sa kulungan … nakikita ko … ang pagdaan ng mga bagon na may lulang mga armas, kanyon at mga bala, na dinadala sa daungan ng mga kasko, maliliit na bankang dumarating araw-araw sa lungsod na ito kasama ang maraming tao na sa aking palagay ay umaabot sa apat na libo. Dumarating din ang mga barkong galing Hongkong lulan ang mga armas at bala at mga datihang naghihimagsik. At napagalaman ko sa mga dumalaw sa akin, pagkatapos nang ako ay pakawalan sa nagiisang pagkakakulong na noong ika-28 ng nakaraang buwan isang pulutong ng tatlong-daang kawal ng Infanteria Marina na pinamumunuan ni Komandante Pazos ang nabihag sa pagitan ng Imus at Lumang Kabite, kasabay ang putukan sa buong lalawigan, na nagbabadya ng isang malawakang pagkilos ng himagsikan.

“Napagalaman ko rin na si Heneral Pena at kanyang mga kalupunan ay sumuko ng hindi man lamang nagpaputok, kabilang ang  mga kanyon, mga armas, at salaping pampubliko, kasama ang 200 mga sapingkusa (volunteer) na aking sinungko (recruited), na ipinasa naman kay Heneral Monet at pinamunuan ni Kapitan Don Jesus Roldan. Dumating din sa aking ang balita na ang pangkat ng Bakoor na bumibilang sa 200 sapingkusa mula sa aking rehimyento at higit sa isang-daang tauhan ng Infanteria Marina sa pamumuno ni Tenyente Koronel Don Luciano Toledo, at nasusukol … at walang magagawa kundi sumuko, tulad din ng pangkat ng Bakoor nang kinabukasan.

 

“At ito, sa loob lamang ng kulang-kulang sa anim na araw, ang pangkat ng Imus, Binakayan, Noveleta, Santa Cruz de Malabon, Rosario, Salinas, Lumang Kabite at iba pang mga bayan ng lalawigan ay sumuko na at nasa kamay na ng kapangyarihan ni Don Emilio Aguinaldo.

 

“Nguni’t hindi lamang iyan dahil dumating din ang mga bihag mula sa Kalamba, Binan, Muntinlupa, at lalawigan ng Bataan – kasama ang Gobernador at kalupunan pati mga asawa at anak – 200 sapingkusa ng Rehimyento Blanco at ang Kapitang si Gomez, apat na pinuno, 170 Cazadores at si Tenyente Koronel Baquero. Si Koronel Francia ay nakatakas sa Pampanga, iniwan ang mga sapingkusa.

 

“Sa madaling salita, sa loob lamang ng walong araw ng pagkilos, mayroong 2,500 na mga kawal, limang libong baril, 8 kanyon, napakaraming Prayle ang nabihag ni Don Emilio Aguinaldo sa mga nasakop ng mga bayan. Kaya inihahanda na niya ang paglusob sa Maynila katulong ang mga pwersa mula sa Bulakan, sa lalawigang ito, at Maynila, na binubuo ng tatlongpung-libong tauhan na may armas ng baril at kanyon; isinugo din niya ang kanyang pwersa upang paligiran si Heneral Monet na nasa Pampanga at pwersa ni Paciano Rizal naman ay takdang lulusob sa Batangas. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Taylor[III], 92-97) 

Ang salaysay ni Buencamino tungkol sa tagumpay ni Aguinaldo laban sa mga Kastila ay hindi nalingid sa kaalaman ng Amerikanong Heneral na si Thomas Anderson at binanggit niya ito sa isang panayam ng payagang  North American Review noong Pebrero, 1900. Narito ang sabi ng Heneral: 

“Noong panahon na iyon [July 1898] naitaboy ng mga naghihimagsik na Pilipino ang mga kawal Kastila sa loob ng tanggulan ng Maynila na pinaligiran ng halos labingapat na libong naghihimagsik. Kahit kulang sa armas at gamit tinalo nila ang mga Kastila at masasabing ang kasiglahan ay nasa kanila. Ang moog ng Maynila ay nasiraan na ng loob, kapos at mahina ang kanilang pananggol, at sa aking palagay, kung nakipagsundo tayo kay Aguinaldo, maisasakatuparan ang pagkubkob sa Maynila at bihagin ito, liban lang sa pinaderang lumang bayan ng mga Kastila. Nguni’t dahil sa umiiral na kautusan hindi tayo nakipagkasundo sa mga Pilipino at hindi natin kinilala ang pamahalaan itinayo ni Aguinaldo, at kung ang Maynila ay nakuha sa tulong nila, kasama sila sa tagumpay. Hindi natin mahahawakan ang malaking lungsod ng kakaunting pwersa lamang at ang mangyayari ay masasailalim ng kapangyarihan ng mga Pilipino ang lungsod ng Maynila.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information Society[1:2], 7-8) 


Pagpapalaya ng Luzon at Ilang lugar sa Visaya at Mindanao

Hindi lamang sa lalawigan ng Kabite naging matagumpay ang mga naghihimagsik na Pilipino kundi napalaya nila ang buong Luzon at nakarating din sila sa Bisaya at Mindanao.  Mababasa sa aklat ni Leandro H. Fernandez, “The Philippine Republic.” ang matagumpay na pagkilos ni Aguinaldo, at narito:

Ang unang pinaluwas na mga kawal na pinamunuan ng batang pinuno, Manuel Tinio, ay naatasang  magsagawa ng pagkilos sa lupaing Ilokos, sa hilagang-kanlurang Luzon.  Nagsimulang maglakbay ang mga ito sa San Fernando de la Union, na noon ay hawak na ng mga naghihimagsik.  Ang mga bagong dating na mga kawal ay walang nakasalubong na kalaban; ang mga kastila ay umurong sa kanilang pagdating; kaya naakupahan ni Tinio, noong ika-7 hanggang 17 ng Agosto, ang mahalagang bayan ng Bangar, Tagudin, Vigan at Laoag.  Sa Bangui, isang bayan sa tabi ng dagat, ang pangkat ng Kastila na bumibilang sa dalawa hanggang tatlong daang tauhan, ay sumuko nang makita nilang napaligiran na sila.  Sa katapusan ng Agosto ang mga lalawigan sa Ilokos, kasama na ang Abra, ay nahawakan ng pamahalaang Pilipino.

“Ang sumunod na pinaluwas na pwersa ay ipinadala sa ‘Cagayan Valley’ sa hilagang-silangang Luzon, sa pamumuno ni Koronel Daniel Tirona.  Binubuo ito ng anim na pulutong ng kawal na idinaong ng barkongFilipinas’ sa Aparri noong ika-25 ng Agosto.  Nagsimula agad ng pagkilos laban sa bayan: isang pangkat ang itinalaga sa nayon ng Linao, isa sa Kalamaniugan, at ang pangatlo ay sa bayan ng Lal-lo, dating punong-bayan ng diyosesis, kaya nakubkob ang bayan ng Aparri..  Nang matanto ng mga Kastila na ang mga taong akala nila ay tapat sa Espanya ay hindi lalaban sa kanilang kapwa Pilipino at sa tingin nila ay wala silang kalaban-laban,  ay nagsisuko.  Nang hawak na ng naghihimagsik ang Aparri, hinawakan din nila ang mga bayan sa baybaying dagat; at noong ika-3 ng Agosto, nakuha rin nila ang Tuguegarao.  Ang malalaking bayan sa Isabela ay nakuha rin pati Ilagan, ang kabisera.  Noon ding araw na iyon (ika-14 ng Septiyembre) nang makuha ang Ilagan, nakuha rin ang Bayombong, kabisera ng Nueva Vizcaya, ng isa pang pwersa ng naghihimagsik sa pamumuno ni Komandante Delfin Esquivel.,  Kaya ang buong ‘Cagayan Valley,’ kasama na ang mga pulo ng Batanes, na nasa hilagang Luzon, ay napasakamay ng mga naghihimagsik.

“Ang paglawak ng kapangyarihan ng pamahalaang Pilipino nakarating din sa Bikol, nasa timog-silangang Luzon, at dito iba naman ang nangyari.  Ang kalagayan sa Ambos Camarines at Albay ay hindi mabuti at ang mga mamamayan sa bayan ng Daet, Nueva Caceres at Albay ay handang maghimagsik.  Sa Daet at Nueva Caceres nanggagalaiti  na sa galit ang mga tao kaya ang mga pinunong Kastila at mga nakatira doon ay nagsialisan noong Agosto, samanatalang kinubkob naman ang Nueva Caceres at binihag ng mga naghimagsik doon ang bayan.  Isang pansamantalang pamahalaan ang itinayo at ang Republica Filipina ay nagsimulang mamahala.  Gumaya ang Albay at Sorsogon sa ginawa ng Ambos Camarines, at nagtayo sila ng sariling pangbayang pamahalaan.  Ang itinayo sa Albay noong ika-22 ng Septiyembre ay itinulad sa paraang nakasadya sa utos ni Aguinaldo noong ika-18 ng Hunyo, at kaagad ipinabatid kay Aguinaldo ang pagkakatayo nito, at ipinahayag ang tapat na pagpisan sa pamahalaang republika ng Pilipinas at ang kanilang kagustuhan na ilipat sa kinatawan ng pamahalaang sentral ang pangangalaga ng bayan.  Nang dumating si Vicente Lukban noong Oktubre bilang puno ng isang pangkat ng pinaluwas na mga kawal, ang kanyang tungkulin ay nagawa ng walang hirap, at sa loob ng ilang linggo ang mga lalawigan sa Bikol ay lubusang napasakamay  ng himagsikan.

“Ang mga pulong karatig ng timog Luzon ay napasakamay din ng mga naghihimagsik sa iba’t ibang panahon.  Ang hilagang Mindoro ay maagang naging layunin ng isang maliit pangkat ng pinaluwas galing Batangas, at,  noong ika-2 ng Hulyo, ang bayan ng Calapan, pagkatapos  na kubkubin ng labing isang araw ay naukupahan ng naghihimagsik. Ang Marinduque, malapit sa baybaying Tayabas, kabilang sa Mindoro, ay kinilala ng pamahalaang himagsikan na isang malayang lalawigan noong ika-20 ng Hulyo,  pagkatapos ito’y maisaayos ng mga mamamayan.  Mula sa Marinduque at baybaying Tayabas, isang nagpaluwas din ng mga kawal sa Masbate, na noong Ika-9 ng Nobyembre, kabilang ang pulo ng Ticao, ay ginawang distrito militar ng pamahalaang himagsikan.  Ang grupo ng Romblon, binubuo ng mga pulo ng Romblon, Tablas at Sibuyan, ay napasakamay na ng mga Bisaya na nakatira dito sa unang bahagi ng Septiyembre, na tinulungan ng mg kawal Tagalog mula sa pulo ng Luzon.

“Tulad ng sa Luzon at mga karatig pulo, ang kapangyarihan ng pamahalaang Pilipino ay pinalawig hanggang sa kabisayaan.  Dito, liban sa Panay at Negros, halos walang labanang nangyari sa pagitan ng Kastila at Pilipino.  Napagtanto noong Oktubre, 1898  ni Heneral Diego de los Rios, ang nahirang na Gobernador at Kapitang Heneral ng Bisaya at Mindanao, na hindi mabuti ang kalagayan ng kanyang sakop, nang dumating sa kaalaman niya na mayroong mga lihim na balak ang mga kawal katutubo na akala niya’y tapat, kaya kanyang ipinasya na tipunin ang kanyang pwersa sa Iloilo at Cebu.  At nang dumating ang Disyembre, pagkalagda ng Kasunduang Paris, umalis siya sa lugar na ito at lumipat sa malayong himpilan sa Zamboanga, kung saan naipagpatuloy niyang ipakita ang pamamahala ng Espanya.  Ang pagalis niya sa mga nasabing lugar ay nagbigay puwang sa mga tubong naghihimagsik na pumalit sa kanya.

“Ang Leyte at karatig pulong Samar na narating ng mga sugo mula Masbate at timog Luzon noon pa nang Agosto ay hinog na para sa kaguluhan kahit hindi pa umaalis ang mga Kastila noong Oktubre.  Nang nagpaluwas ng mga kawal mula sa Luzon si Heneral Vicente Lukban ang naatasang mamahala.  Noong ika-1 ng Enero, 1899, naglabas siya ng isang pagpapahayag sa mga mamamayan ng Samar at Leyte at hinngi niyang magkaisa at mabuhay ng mapayapa sa ilalim ng pagkalinga ng bagong republika.  Subali’t bago pa man nangyari ito ang mga mamamayan ng Tacloban, ang kabisera ng Leyte, ay nagtayo na ng pamahalaang pangbayan, itinaas ang watawat ng Pilipinas, at nagpahayag ng pagsapi sa Republica Filipina, at pagkilala sa kapangyarihan ni Aguinaldo, at sumusumpa ng kanilang pakikiisa sa layunin ng bagong pamahalaan.  Ang nangyari sa Leyte ay naganap din sa Samar, Cebu at Bohol.  Subali’t kung ang naghihimagsik sa Cebu, kung saan ay nagkapagtayo ng pamahalaang pangbayan noong ika-25 ng Disyembre, ay may kalakasan,  ang sa Bohol naman ay may kahinaan dahil kakaunting baril ang nakarating at walang kawal ang pinaluwas dito.

“Sa pulo ng Panay ang kilos himagsikan ay nagsimula noong pang Hulyo at Agosto, nang ang lupon ng lugar ay itnayo sa Molo, isang bayan sa Iloio.  Ang mga naghihimagsik sa Panay ay nagdaos ng mga panghikayat sa mga tao na makiisa, at nagpadala rin ng mga sugo sa Luzon upang mamili ng armas at humingi ng tulong sa pamahalaang sentral sa Malolos, at noong ika-17 ng Nobyembre ay itinayo ang pangsamantalang pamahalaang himagsikan sa Santa Barbara.  Sa ilalim ng  patakaran at kasagutan sa kahilingan, nagpaluwas ang Luzon ng mga kawal, una, mula Cavite tungo Antique sa pamumuno ni Leandro Fullon, at saka mula Batangas tungo Capiz noong kalagitnaan ng Nobyembre sa pamumuno ni Ananias Diokno, pangkalahatang pinuno ng pwersang pinaluwas sa Panay.  Sa susunod na buwan, nang inutusan ni Heneral Otis si Heneral Miller magtungo sa Iloilo, dinagdagan ng pamahalaang sentral ang tulong na pwersa sa Panay.  Samantala, ang pangsamanatalang pamahalaang himagsikan ay naging Sangguniang Pinagbuklod ng mga Bansang Bisaya (Council of the federal state of Bisayas) ay nagpadala ng mga kawal sa ilalim ng pamumuno ni Martin Delgado.  At sa katapusan ng Nobyembre, ang mga pwersang ito – Fullon sa Antique, Diokno sa Capiz, Poblador (na tauhan ni Delgado) sa Distrito ng Concepcion, at Delgado sa Iloilo – ay pinalaya ang Panay sa kamay ng mga Kastila.  Sa simula ng Disyembre ang tanging naiwan sa mga Kastial ay ang bayan ng Iloilo, na noong ika-24 ng Disyembre ay inihabilin nila sa pangangalaga ng punong-bayan si Vicente Gay,  at kanya naman ipinasa sa mga naghihimagsik kinabukasan.  Kaya sa huling linggo ng Disyembre, 1898, ang mga Pilipino na ang humahawak sa tatlong lalawigan.

“Ang katapatan ng naghihimagsik sa Panay sa pamahalaang Pilipino kung minsan ay pinagaalinlangan; nguni’t mayroon mga kasulatang nagpapatunay na ang mga taong bumubo ng Sangguniang Pinagbuklod na mga Bansang Bisaya hindi lamang kumilala sa kapangyarihan ng pamahalaang sentral, an ayon sa kanila ay nakalaan para sa buong Pilipinas, kundi kinilala din nila si Aguinaldo at ang watawat ng Pilipino.  Mayroon silang hindi maipagkakailang kagustuhang na magkaroon ng isang bukluran (union), na bubuin ng Luzon, Bisayas at Mindanao, sa halip na isang bansang sentral, na siyang pinili ng mga taga-Luzon at naitalaga sa saligang-batas ng Malolos; nguni’t liban dito hindi sila humiwalay.  Na sila ay tapat sa kanilang pagsapi sa pamahalaang Pilipino ay naipakita sa kanilang paulit-ulit na pagtanggi sa pagdaong ng mga kawal ni Heneral Miller sa Iloilo ng walang pahintulot ang Malolos, dahil ayon sa kanila, nakasalalay dito ang karangalan ng buong republika.  Sa sariling pangungusap ni Roque Lopez, pangulo ng sangguniang pinagbuklod na mga bansa, ang sinsabing kapangyarihan ng Estados Unidos ay nagsimula lamang sa Kasunduang Paris noong ika-10 ng Disyembre, samantalang ang kapangyarihan ng pamahalaang sentral ng Malolos ay nakaugat sa banal at likas na bigkis ng dugo, wika, gamit, kaugalian, pananaw, sakripisyo, at iba pa.  At dagdag pa niya: ‘inuulit naming hindi kayo mabibigyan ng pahintulot na magdaong ng inyong mga kawal ng walang utos mula sa aming pamahalaang sentral sa Malolos.’

“Ang mga mamamayan ng pulo ng Negros, na nasa timog-silangan ng Panay, ay napasali sa himagsikan dahilan sa pagpasok ng mga kaisipang paghihimagsik mula sa Iloilo.  Kahit mayroon ng isang lupon ng naghihimagsik na maagang naitayo sa bayan ng Silay, ang pag-aalsa ay nagsimula lamang nang matanggap noong ika-3 ng Nobyembre ng sulat ni Roque Lopez na sinasabing tagumpay ang pagkilos sa Iloilo.  Nahikayat ng halimbawa ng lalawigang ito, ang pag-aalsa  ay nagsimula noong ika-5 ng Nobyembre sa pamumuno nina Aniceto Lacson at Juan Araneta, at ang bayan ng Silay ang siyang unang nagtaas ng watawat ng Pilipino.  Noong ika-6 ng Nobyembre, ang Bacolod, ang kabisera ng Kanlurang Negros, ay sumuko, at kinabukasan, ang mga pinuno ng mga naghihimagsik na pinagpasahan ng Kastilang gobernador ng pamamahala, ay nagtayo ng pangsamantalang pamahalaang.  Ang Silangang Negros ay sumunod sa halimbawa ng kapatid na lalawigan, nag-alsa din, nagtayo ng sariling pamahalaang naghihimagsik, kahit iyong naitayo sa Bacolod,  lalo na pagkatapos na gawing ‘gobierno cantonal de la isla de Negros’ noong ika-6 ng Nobyembre ay inakalang sila ang namamahala ng buong pulo. Sa kalahat-lahatan, ang buong pulo ay napaksakamay, sa iba’t ibang paraan ng mga tubong naghihimagsik.

“Ang mga pinuno ng Kanlurang Negros, na bumubuo ng pangsamantalang pamahalaang naghihimagsik, ay hindi lapat sa kanilang pagsapi sa pamahalaang sentral.  Itinaas nila ang watawat ng Pilipino, ipinaalam kay Aguianldo at Roque Lopez ang pagtatayo ng pangsamantalang pamahalaang naghihimagsik, at marahil ipinapalagay, bago pa man at pagkatapos nang maitayo ang pamahalaang cantonal, ay kasama sa Republika ng Pilipinas; nguni’t lumalabas ng nagpakita sila ng pagiging tiwalag,  at nagawa nilang magpadala ng sulat kay Heneral Miller noong ika-2 ng Nobyembre at hiniling na sila ay bigyan ng kalinga.  Hindi nga sila nagtayo ng hiwalay na republika, na kung minsan ay inaakalang ginawa nila, subali’t ang kanilang pakikitungo sa pamahalaang sentral hanggang Marso, 1899, nang si Koronel James f. Smith ay ipinadala ni Heneral Otis sa Bacolod bilang gobernador Militar ng Negros, ay pasapyaw lamang .  Dahil naniniwala sila sa bukluran (confederation) at hindi sa nagiisang  republikang sentral, ang katapatan nila sa pamahalaang Pilipino ay talagang alanganin.  Subali’t ang masasabi tungkol sa Kanlurang Negros, ay hindi maaring sabihing ganon din ang Silangan Negros.

“Sa iba naman lugar ng kapuluan, ang paghihimagsik ay nakitaan ng lakas at kahinaan sa iba’t ibang panahon. Sa lalawigan ng Misamis, sa hilagang Mindanao, isang pangsamantalang pamahalaan sa pamumuno ni Jose Roa ang itinayo noong Enero, 1899.  Sa Surigao, sa hilagang-silangang baybayin ng pulo, isang kaagaw na pangkat ang pumigil sa pagtatayo ng malakas na pamahalaan sa lalawigan. Katulad din ng kalagayan sa Cotabato, na iniwanan ng mga Kastila noong Enero, 1899, at sa Zamboanga, kung saan ang paglaban sa kawal  Kastila ay nagsimula lamang noong Mayo.  Ang pulo ng Palawan ay naagaw ang Puerto Princesa, ang kabisera, ang mga bayan-bayan sa hilagang-silangang baybayin, , isang pangkat ng naghihimagsik ay at nagtayo ng pamahalaang naghihimagsik noong Nobyembre o Disyembre, 1898, nguni’t ang mas malaking parte ng lalawingan ay hindi napasakamay nila.  Ang mga di-binyagang (pagano at Mohammedan ng Mindanao, at ang mga Moro ng pulo ng Sulu,  pati na namumundok na pagano sa hilagang Luzon ay hindi naabot ng pagkilos ng himagsikan, at sa buong mga buwan ng pag-aalsa dito sa mga bahaging ito ng kapuluan ay nanatili ang kanilang malayang kalagayuan na kanilang tinatamasa kahit noong naghahari ang kapangyarihan ng Kastila.” (Salin ng Mayakdam ula Ingles sa Fernandez, 129-139)

Ito ang kaunanahang tagumpay ng isang bansa sa Asya laban sa ang isang kanluraning mananakop. Subali’t ang mga Kastila ay hindi bumagsak sa pagkagapi sa harap ng kanilang dating mga alipin dahil ang masalimoot na kaganapan ay nagbigay ng puwang sa mga Kastila na sa halip na sumuko kay Aguinaldo sa Amerikano sila nakipagsundo pagkatapos ng isang huwad na labanan, upang sa gayon ay mapangalagaan ang kapurihan ng tronong Espanya. 

At nang maitayo ni Aguinaldo ang republika, binuo rin niya ang lupon ng panglabas na palatalatastasin (foreign diplomatic corp) at nagpadala ng sugo tulad nina Felipe Agoncillo, Galicano Apacible, Mariano Ponce, Jose Sixto Lopez, Heriberto Zarcal, Jose Alejandrino at mga iba pa sa Estados Unidos, Europa, Hapon at iba pang bansa upang ipaalam sa mundo tungkol sa pagkakakroon ng bagong republika Filipina at makamtan ang kanilang pagkilala. 

Ito ang kaunaunahang kilos ng naghaharing kapangyarihan ng mga Pilipino na dating kilala sa taguring “Indios” – Tagalog, Ilocano, Kapampangan, Bikol, Bisaya, etc. – nang kumalas sila sa pagkaalipin sa ilalim ng paghahari ng mga Kastila sa loob ng 300 taon, inako nila ang bagong pagkakilala bilang mamayang Pilipino sa ilalim ng bagong tayong republika, ang kaunaunahang republika sa Asya, at ipinahayag nila ang kanilang hangaring maging malaya at nagsasarili sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa isang binuong kapulungan na nagbalangkas ng unang Saligang-Batas ng mga Pilipino, kung tawagin ay Saligang-Batas ng Malolos. Ito ang pinakamabunying nakamtan ng mga Pilipino na hindi pa napapantayan hanggang sa kasalukuyan; ito ang gintong pamana ng lahi.

Subali’t ang mapanakop na patakaran ng pamamahala ng Amerikanong pangulong McKinley na sinundan ni Roosevelt ay nagbunsod sa pagbagsak at pagkawasak ng republikang Pilipino. 

Nangyari ito noong ika-4 ng Pebrero, 1899 nang ang pangatlong yugto ng himagsikan ay pumutok, ito ngayon ay laban sa Amerikano na ang kanilang hangarin ay sakupin ang kapuluan, pagkatapos nilang ibasura ang pakikipagisa sa mga Pilipino sa pakikipaglaban sa mga Kastila at hindi pagkilala sa naghaharing kapangyarihan ng pamahalaan ni Aguinaldo. Ang digmaan ay tumagal ng higit sa tatlong taon. Narito ang kabuuan ng digmaan ayon sa isang tagamasid: 

“… 126,500 kawal na Amerikano ang nagsilbi sa himagsikang Pilipino, ang lakas ng hukbo sa kasagsagan ay umabot ng 70,000, at nalagasan ng 4,200 patay, at higit sa 2,800 sugatan. Ito’y tinatayang ika-5.5 bahagdang sakuna, isa sa pinakamataas sa kasaysayan ng Amerika. Ang ginastos ay higit sa $400 milyon, o 20 ulit na taas sa ibinayad sa Espanya. Ang mga naghihimagsik ay nagtala ng 16,000-20,000 patay. At dagdag pa, marahil 200,000 mamamayang Pilipino ang namatay sa gutom, sakit and iba pang kapamahakang dulot ng digmaan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Welch, 42) 

Ang dahilan ng ipinagtagal ng digmaan ay ang malawakang pagtulong ng mga karaniwang mamayan sa Hukbong Republika Filipina. Napuna ito ng Amerikanong Heneral Arthur MacArthur at inihayag niya ito sa isang panayam na nalimbag sa New York Criterion noong ika-17 ng Hunyo, 1899. Ang sabi niya: 

“Nang una akong humarap sa mga naghihimagsik akala ko’y iilan lamang ang mga kapanalig ni Aguinaldo … hindi ko matanggap na ang buong mammayan ng Luzon … ay ayaw sa atin, at ngayong nakarating na tayo rito, at nakaugnayan ko ang mga manlalaban at kakamping Pilipino, napilitan akong tanggapin na ang bansang Pilipinas ay tapat kay Aguinaldo at sa pamahalaang kanyang pinamumunuan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Blount, 24)  

Bakit Inaalipusta si Aguinaldo? 

Sa panahon natin ngayon ang alaala ni Aguinaldo ay dinurumihan ng mga paratang na walang katotohanan, tulad ng siya raw ay sakim sa kapangyarihan, nagpapatay sa dalawang bayani ng lahi, at nakipagtulungan sa kaaway. Bakit kaya ang isang taong itinaya ang kanyang buhay sa kapakanan ng bayan at nakapag-alay ng di masukat na pamana sa sambayanang Pilipino ay inaalipusta, sinisiraan at hindi iginagalang ng mismong bansang kanyang pinaglingkuran?  

Ang kasagutan sa katakatakang pananaw na ito ay masusundan sa sinupan (archive) ng Kongreso ng Estados Unidos sa mga kasulatan ng mga pinagpulungan na nagpapalinaw na noong maitayo ang kapangyarihan ng Amerika sa Pilipinas at nasugpo ang paglaban ni Aguinaldo sa Amerikano, si Almirante Dewey at mga pamunuan ng konsulado ng Amerika ay nagpatunay na walang kampihang naganap sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano laban sa mga Kastila.  Aniya:

“Hindi ako nangako ng kalayaan sa mga Pilipino.  Hindi ko siya itinuring na kakampi, liban sa gamitin ko siya at kanyang mga kawal upang tulungan ako sa aking pagkilos laban sa mga Kastila.  Hindi niya nabanggit ni minsan ang salitang kalayaan sa paguusap namin o sa aking  mga pinuno.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Malcolm, 121) 

Walang pinagkasunduang kampihan? Tunay na ito’y kasinungalingan.  Balikan natin ang ang pangyayari.  Ang mga Amerikano nga ang unang lumapit kay Aguinaldo upang magkaisa laban sa mga Kastila sa Pilipinas. Noon pa mang Marso 1898, nagulat ang Kalipunan ng mga Pilipino sa Hongkong (Hongkong Junta) nang si Kapitan Wood ng barkong Amerikanong U.S.S. Petrel, na kumakatawan kay Almirante Dewey, ay nakipanayam kay Aguinaldo at hinikayat siyang umuwi ng Pilipinas upang muling ilungsad ang himagsikan laban sa mga Kastila, at may pangakong magbibigay ang Amerikano ng mga armas.  Sa tanong kung ano ang magiging patakaran ng Amerika pagnapatalsik na ang mga Kastila, sumagot si Wood na ang Amerika ay malawak at mayamang bansa at hindi nangangailangan ng masasakop na lupain. (Agoncillo[Malolos], 98) 

Isa pang pulong ang naganap sa sumunod na buwan sa tahanan ng dentistang Pilipino nangangalang Dr. Isidro Santos na naninirahan sa Singapore na sapilitan pinakiusapan ni Howard Bray, isang Ingles na matagal ng nanirahan sa Pilipinas, na pagharapin si Konsul Spencer Pratt at Aguinaldo na lihim na pumuslit sa lungsod kasama sina Gregorio del Pilar at Jose Leyba upang makaiwas sa habla ni Isabelo Artachio sa Hongkong. Sa pulong na ito na nakaharap sina Bray, del Pilar at Leyba, sinabi ni Konsul Pratt kay Aguinaldo na ang Espanya at Amerika ay magkaaway na. Ngayon na ang panahon upang siya ay kumilos at makiisa sa Amerika at tiyak na matatalo ang mga Kastila. (Agoncillo[Malolos], 99)  

At habang nasa Singapore si Aguinaldo, dalawang kasapi ng lupon Pilipino sa Hongkong, sina Jose Alejandrino at Andres Gatchitorena, ang nakipagusap kay Almirante Dewey sa wikang Pranses at sakay sa barkong “Olympia” habang isinasalin naman ni Tenyente Bumby ang usapan, at nagsalita ang Almirante ng ganito: 

“Ang mga Amerikano, kilalang tagapagsulong ng kalayaan at kasarinlan, ay susuong sa digmaang ito ng may mapagkawanggawang layunin na hanguin ang mga tao sa pagkakagapos sa ilalim ng kapangyarihan ng Kastila at mabigyan sila ng kalayaan at kasarinlan, na siya naming ipinagmamalaki sa buong mundo. Mayaman ang Amerika at ang lupain ay malawak na hindi halos natatahanan, lalo na’t sa saligang batas ay ipinagbabawal ang pagsakop ng ibang bansa. Kaya sa kadahilanang ito, nakakatiyak ang mga Pilipino ng kanilang kasarinlan at hindi matatampalasan o kaya’y mabawasan kahit kapiraso ang kanilang lupain.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Alejandrino, 89-90) 

Ang kahuli-hulihang pulong ay naganap sa Hongkong sa pagitan ng Amerikanong Konsul Rounseville Wildman at ni Aguinaldo, at dito ay nagmungkahi si Wildman na magtayo si Aguinaldo ng diktadurang pamahalaan upang isulong ang digmaan at naghabilin pa nga si Aguinaldo ng salaping pambili na 2,000 baril at 200,000 bala. (Agoncillo[Malolos], 102). At di nga ba sina Aguinaldo at mga kasamahan ay nakauwi ng Pilipinas sakay sa mga barkong pangdigma ng mga Amerikano.  

Ang patanggi ng mga pinunong hukbo at konsuladang Amerikano sa kampihan ng Amerikano at mga Pilipino ay nagpapahiwatig na sinungaling si Aguinaldo at ang kanyang sinasabing pulong nila ni Almirante Dewey sakay sa barkong “Olympia” pagkarating sa Cavite kung saan nangako si Dewey na tutulong upang makamit ang kalayaan ng Pilipinas (Aguinaldo[True Version], 16) ay walang katotohanan kundi bungang-isip lamang ng nalilitong si Aguinaldo.  

Bakit itinanggi ng mga Amerikano ang pakikipagkampihan kay Aguinaldo? 

Ang dahilan ay kung aaminin ang pagkakaroon ng kampihan lalabas na di makatarungan ang ginawang pagtrato ng mga Amerikano kay Aguinaldo dahil nagkunwari sila at niloko si Aguinaldo upang balikatin ang kanilang digma at pagkatapos ay ibinasura siya at sinarili nila ang tagumpay. At nang hindi matanggap ni Aguinaldo ang kinalabasan siya naman ang hinarap ng Amerikano at pinuksa ang kanyang padigmang-tutol. Ang pangitaing ito ay malinaw na ipinaliwanag ni Koronel James Russell Codman: 

“Hindi maitatanggi, ayon sa mga patunay na masusumpungan ng sinumang mamayan na nais makita ito, na ang tulong ni Aguinaldo sa digmaan natin laban sa Kastila ay hiningi ng mga pinuno ng Estados Unidos; na siya at kanyang mga kasamahan ay kinasangkapan ng ating pangdagat at kating pamunuan; na hangga’t di pa nabibihag ang Maynila, kung saan sila ay nakipagtulungan, pinaniwala silang magiging malaya ang kapuluan at ang kanilang kasarinlan ay kikilalanin ng pamahalaang Amerikano; subali’t nang nagsidatingan na ang kabuuan ng hukbong Amerikano sa kapuluan – at sa palagay – ay maari nang masakop ang mga mamamayan, ang tabing ng pagkukunwari ay hinawi, ang pangakong kalayaan ay ipinagkait sa kanila at ang hangarin ng pangulo na isagawa ang paghahari ng Estados Unidos sa kanila gamit ang lakas ng hukbo ay isinakatuparan. Na ang mga Pilipino ay tumutol at sila ay nagalsa laban sa paghahari ng dayuhan ay isang bagay na aasahang mangyayari sapagkat ito din ang magiging kasagutan nating mga Amerikano sa ganitong kalagayan.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Codman, 1) 

Sa katunayan, ang pagsakop ng Estados Unidos sa kapuluan ay isang di-makatarungang panlulupig kung susundan ang sinabi ni Pangulong McKinley sa harap ng Senado ng Estados Unidos noong hinikayat niyang maghayag ng pakikidigma ang Amerika laban sa mga Kastila dulot ng kaguluhan sa Cuba. Sabi niya:

Hindi ko iminumungkahi ang tahasang pananakop, dapat nating isaalangalang ito dahil sa ating mabunying patakaran ay isang di-makatarungan panlulupig.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Storey, vi at 74)

 

Mismong si McKinley ang nagsabing ang pananakop ng Amerilkano sa Pilipinas ay isang hindi makatarungang panglulupig dahil pinaghari ng Estados Unidos ang kanilang pamamahala sa pamamagitan ng lakas na ginamit nila upang puksain ang isang pambansang paghihimagsik, di pinansin ang pagpapahayag ng kalayaan na isang tunay na gawain ng isang malayang naghahari, at binuwag ang kapulungan ng mga kinatawang pambansa. (Bankoff, 181)  

Oo, dumating ang mga Amerikano sa kapuluan bilang manlulupig. Ang Kasunduan sa Paris (Treaty of Paris) na tinitindigan ng kanilang pagangkin sa Pilipinas ay mali at walang bisa ayon kay Mabini, dahilan sa nawalan ng karapatan ang Espanya na ipagbili ang kapuluan nang sila ay matalo sa digmaan at sumuko at nawalan ng kapangyarihan sa Pilipinas. (Taylor, 4:64-66) Kung mayroon mang usapin tungkol sa hinaharap ng kapuluan ito ay nararapat gawin sa pagitan ng Amerikano at Pilipino na siyang naghari at makapangyayari sa malaking lawak ng PIlipinas liban sa Maynila na siyang tanging pinaghaharian ng mga Amerikano. Kaya nga masasabing ang pagsasara sa mga Pilipino ng pinto ng pagpupulong sa Paris at ang pagbabawal sa kanilang makisali sa pulong ay isang sinadyang paraan ng mga Amerikano upang maisangtabi ang mga Pilipino at isulong ang mapanakop na patakaran ni pangulong McKinley.  

Ang Pagalipusta kay Aguinaldo sa Panahon ng Amerikano  

Upang hinidi malagay sa kahihiyan ang mga Amerikano sa mata ng mundo, kinakailangang palitawin si Aguinaldo na isang sinungaling at taksil at ang kanyang pamumuno ay hindi para bayan kundi pansariling kapakanan. Kung sa mata ng Pilipino si Aguinaldo ay sinungaling, at lalong ngang taksil, mawawalan ng paggalang ang kanyang mga kababayan sa kanya, kaya ang mga nagawa niyang kabayanihan bilang pinuno ng himagsikan lalo na ang pagkikipaglaban niya sa mga Amerikano ay pagaalinlanganan o mawawalang saysay, o kaya’y magiging di kapani-paniwala. 

Mula sa ganitong pagpapalagay ay nabuo ang pakanang guluhin ang mga tunay na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas at palabasin na ang layunin ng mga Amerikano ay tulungan ang mga Pilipino na makaahon sa ilalaim ng patakaran mapagkawanggawang pagsasama-sama (Benevolent Assimilation).  Narito ang mga pakana.

 (1) Pinalabas na kasalanan ng mga Pilipino ang pagputok ng digmaan kahit sa katunayan mga Amerikano ang nagsinula at unang nagpaputok; 
(2) Inalisan nila ang papel ng Pilipino sa digmaan nang itakda nila ito’y Digmaang Kastila at Amerikano (Spanish-American War) sa kanilang mga aklat at kasulatan;
(3) Wala ang digmaang Pilipino at Amerikano (Philippine-American War) sa listahan ng mga digmaan na sinalihan ng Amerikano noon siglo 19 at 20.
(4) Tinawag ng himagsikan (insurrection) ang digmaan upang palabasin na nagahahari na ang kapangyarihan ng Amerikano sa Pilipinas at lumilitaw na mga naghihimagsik ang mga Pilipino kahit malaking bahagi ng Pilipinas ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng pamahalaan ni Aguinaldo.
(5) Napakaraming kasulatan at gamit-digma ang sinamsam at itinago sa Amerika upang mailayo sa pagsusuri ng mga Pilipino, liban sa mga mananalaysay na nabigyan ng pahintulot na makita ito.
(6)  Ang Batas Pag-aalsa na pinagtibay  at umiral sa loob ng labing dalawang taon ay nagparusa sa sinumang magwawagayway ng watawat ng Pilipino o kaya’y magtipon-tipon ng may paksa o himig ng pang-makabayan.
(7)  Nagtayo ng pampublikong paaralan upang turuan ang kabataan ng kasaysayan, kultura, artes, awitin, literatura, at mga bayani ng Amerika na humubog sa bagong Pilipino na nawalan ng wastong kamalayan sa kanyang pagka-Pilipino at minahal pa niya ang Amerika kaysa kanyang sariling bayan.
(8) Binansagan si Aguinaldo na isang taksil dahil sa kasunduang Biak-na-Bato at pagsumpa niya ng katapatan sa Estados Unidos,  nang hindi binigyang halaga ang banta na isang libong bihag na kawal Pilipino ang mabubulok sa bilangguan kung hindi siya susumpa. 

Ang isa sa mga naunang nagpahayag ng di magandang paglalarawan kay Aguinaldo ay si Murat Halstead (1829-1908), na kung kikilatisin lamang ang pamagat ng kanyang aklat ay masasaisip ang isang maitim na layuning siraan ang kapurihan ni Aguinaldo. Ang pamagat ng aklat ay: “Ang politika sa Pilipinas: Si Aguinaldong taksil sa mga Pilipino at manlilingo (conspirator) laban sa Estados Unidos; ang talaan ng kanyang pagbabago bilang manglilimos na naging diktador” (The Politics of the Philippines: Aguinaldo a traitor to the Filipinos and a conspirator against the United States; the record of his transformation from a beggar to a tyrant.)  

Mismong si Aguinaldo ay nagbulalas ng kanyang pagkabahala bago pa man pumuputok ang digmaan noon sa kanyang akala ay kakampi ang Amerika.  Ito ang sabi niya: 

“Ako’y naging tapat sa Amerika at mga Amerikano. Lagi akong kumilos ayon sa kanilang payo at sumunod sa kanilang kagustuhan, ngunit sa kanilang pangaraw-araw na paghahayag minamaliit nila ako sa harap ng aking mga kababayan. Wala akong nagawang masama sa kanila; sa halip tinulungan ko pa sila, ngunit ngayon ang tingin nila sa akin ay kaaway. Bakit nila ako tinatawag na kabilaanin, taksil o magnanakaw? (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Sheridan, 90)  

Siyang nga pala, mayroon tayong bantayog bilang parangal kay McKinley. Bakit kinakailangang bigyan ang mapagkunwaring ito ng parangal katulad ng ipangalan sa kanya ang isang malaking kalsada na tumatagos sa mamahaling mga ari-arian sa Makati at nagtatapos sa isang magandang liwasan sa Taguig? Kung wawariin lalabas na ang Pilipino ay mapaniwalain at madaling lukuhin, o maaring hunghang sa kasaysayan ng kanyang lahi.  

Pagaalipusta kay Aguinaldo sa Panahon ni Quezon


Pasok si Manuel L. Quezon. Noong himagsikan laban sa Espanya si Quezon ay nagsilbi bilang sapingkusa ng Batalyong Maynila ng hukbong Kastila. Ang kanyang ama na si Lucio naman ay kumampi rin sa panig ng mga Kastila at tumulong sa mga napapaligirang kawal Kastila sa loob ng simbahan ng Baler; siya ay nabihag at pinatay ng mga naghihimagsik (Javar, 14)

Sumapi si Quezon sa Hukbong Republikano Pilipino pagkatapos bumagsak ang kapangyarihan ng mga Kastila tulad ng ginawa ng maraming pinuno at sundalong Kastila. At nang napabagsak ng mga Amerikano ang unang republika, pinagtuunan ni Quezon ang pulitika at naging kaibigan niya ang mga Amerikano tulad nina Harry Brandholtz, James G. Harbord, at Heneral Douglas MacArthur.  

Ang pagangat niya sa pulitika ay kahanga-hanga kaya hindi malayong magkakasalubong sila ni Aguinaldo na sa panahon na iyon ay kinikilalang si “El Caudillo” at bayani dahil sa kanyang pamumuno sa himagsikan laban sa mga Kastila at ang kanyang armadong pagtutol sa pananakop ng mga Amerikano.  

Ganito inilarawan ng isang manunulat ang pagkakilala niya kay Quezon: 

“ … Si Quezon ay malapitin at tawag-pansin. Isang magaling na mananalumpati at pulitiko. pangahas, mapamaraan, at di matatali ng kapurihan, may katusuhang gumamit ng kanyang lakas pulitika upang maibaling ang paniwala ng bayan. Ang pagkilatis niya sa sinumang kanyang hinaharap ay kalimita’y tumpak. Nahuhubog niya kung kailangan – ma Pilipino o Amerikano man – at ginagamit niya ang kaparaanan ng halalan upang wasakin ang mga lumalaban sa kanya. Ang pagiging kalaban sa pulitika kung turingan niya ay isang kaaway at marahas ang kanyang pakikitungo sa mga kilalang Pilipino na tapat sa panig ng kalabang pamunuan at sa mga usaping hindi siya payag. Ang mga katangian ito ay napapahupa lamang kung naililipat sa kanya ang katapatan ng mga nagapi ng kanyang mapanglabang gawi o ng kusa nilang paglisan sa larangan ng pulitika.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Golay, 166)

Hindi magkatugma ang pananaw ni Quezon at Agunaldo. Noong dumating si Quezon bilang sugo sa Amerika at nagpahiwatig na mayroon siyang tinitingnan pangpalit kung sakaliing hindi ibigay ng Amerikano ang lubos na kalayaan na siyang napagkayarian ng lupon ng mga nagtutulak ng kalayaan, tinawag ni Aguinaldo si Quezon na isang taksil sa banal na hangarin ng mga Pilipino. (Golay, 297)  

Ibig nga ba ni Quezon ng kalayaan? Ang sabi ng isang kritiko ay:

 “Ang kasagutan ay hindi … nais ni Quezon ay maging pinuno ng isang pamahalaan hawak ng mga Pilipino ngunit nasa ilalim ng patnubay at pangangalaga ng magandang-loob na mga Amerikano kapalit ng ilang karapatan at handog na ibibigay sa Estados Unidos at mga Amerikano.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Onorato, 220) 

Ang ganitong kaayusan ng pakikitungo sa mga Amerikano ay nagkatutuo sa pagbibigay sa kanila ng mga moog tanggulan (military bases) at patas karapatang Pilipino (parity rights) na nalagdaan pagkalipas ng ilang taong maihayag ang kasarinlan ng Pilipinas noong 1946.  

At sa pagtatalo nina Quezon at Amerikanong Gobernador Leonard Wood, kumampi si Aguinaldo kay Wood. Hindi malinaw kung ang di pagkakaunawaang ito ni Quezon at Aguinaldo ay nagbunga na marahas na kasagutan ni Quezon. Ngunit sa mga sumunod na pangyayari mayroong mga kapanalig si Quezon na nagdawit kay Aguinaldo sa mga usaping mapanira kaya hindi maiwasan ang hinala na ang kamay ni Quezon ay gumalaw. Narito ang mga pangyayari: 

1. Noong taong 1917, si Gillermo Masangkay, dating kapanalig ng Supremo ng Katipunan Andres Bonifacio, at sa huli ay naging kapanalig ni Quezon, ay namuno ng isang pangkat na naghanap at naghukay sa mga labi ng Supremo Bonifacio sa Kabite at ang mga butong nahukay ay kinilala ng kapatid ng Supremo at inihayag ng Direktor ng Museo na si Epifanio delos Santos na tunay ngang mga buto ni Bonifacio. (Santos[Katipunan], 178-183) Ang mga nasabing buto ay ipinarada sa Maynila at inilagak sa magandang nasasalaming lalagyan at itinanghal sa Pambansang Museo. Kaya naman ang naging bunga nito ay pagkaawa sa Supremo at galit sa mga may kagagawan, at ang daliri ay nakaturo kay Aguinaldo dahil sa kanyang hinihinalang papel at pagkakasangkot.  

2.  Si Pantaleon Garcia, dating Heneral ni Aguinaldo, na ang naging hanapbuhay ay tagapamahala ng katiwasayan sa Senado nang si Quezon ang pangulo, ay naglabas ng isang pahayag noong 1930 na di-umano’y inutusan siya ni Aguinaldo na patayin si Heneral Antonio Luna, subali’t hindi niya nagawa ito dahil may sakit siya noong panahon na iyon. (Garcia[Pantaleon], 22)  

3.  Nong panahon ng pagkilos para sa halalan ng pagkapangulo ng Mangkomunidad (Commonwealth), isang nangangalang Antonio Bautista, dating punong tagalakad ni Aguinaldo sa Bulakan, ay biglang lumipat sa kampo ni Quezon at nagpakalat ng salaysay na tinawag na “pagluluksa sa Malolos” na di-umanno’y ang mga maninirahan sa Malolos ay nagsabit ng damit na itim at nagsara ng kanilang mga bintana noong si Aguinaldo ay dumating sa bayan. (Veneracion, 249; Constantino, 20-21)  

4.  Pinakialaman din ang pensyon ni Aguinaldo.  Ang labing dalawang libong pisong tinatanggap niya ayon sa Batas Lehislatura bilang 2922 na napagtibay noong ika-24, ng Marso, 1920, ay pinutol  at pinawalang bisa sa pamamagitan ng batas Komonwelt bilang 288  na napagtibay habang si Quezon ang pangulo ng pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas.  

5.  Pati na rin ang kanyang  pinagkikitaan ng ikabubuhay ay pinakialaman din. Itong si Eulogio Rodriguez, na noon ay Kalihim ng Pagsasaka at Kalakal sa pamahalaan ni Quezon ay biglang inilit at sinamsam ang mga lupain ni Aguinaldo liban sa 344 iktarya sa dahilang hindi daw nakabayad si Aguinaldo sa pinagkakautangan sa pamahalaan na kanyang ginamit pambili ng mga lupang sakahing Prayle sa Cavite. (Ara, 169)  

Kaya kapansin-pansin sa magmata ng masugid na tagasuri na mayroong  tatlong malalaking kalsada sa lungsod ng Quezon na nagtatagus-tagusan na ipinangalan kina Manuel L. Quezon (ang Quezon Avenue), kay Epifanio Delos Santos (ang EDSA) at kay Eulogio Rodriguez (ang E. Rodriguez Avenue). 

Ito kaya’y nagkataon lang o bilang pagkilala sa ginawa nilang tulong sa ikatataaguyod ng tunguhin ng isang mapaghangad na politiko at hindi dahil sa mahalagang papel na ginanap nila sa kasaysayan? 

Sa kalagayan noon ni Aguinaldo bunga ng paninira sa kanya madali nang idagdag ang ilan pang paratang na walang katotohanan tulad ng ipinagbili daw niya ang himagsikan,  nilustay daw niya ang salaping galing sa Biak-na-Bato, at nasa likod o sangkot sa pagkamatay ng dalawang bayani ng lahi.  At higit sa lahat, pinananagot siya ni Mabini sa pagkabigo ng himagsikan.  

Tutuo man o hindi ang mga paratang ang naging bunga ay ang dating bayaning si Aguinaldo ay nagmistulang buhong sa mata ng mga tao. Kaya hindi malayong isipin na ang kanyang pagkatalo sa halalan noong 1935 sa pagkapangulo ng Mangkomunidad ay hindi dahil si Quezon ay mas kinagigiliwan ng mga mamamayan at tanyag kaysa kay Aguinaldo kundi tumalab ang mga paninira sa kanya na tinanggap ng sambayanan.  

Pagaalipusta kay Aguinaldo noong Panahon ng Hapon  

Ang pangalawang digmaang pandaigdigan ay nagdagdag pa sa pagdungis ng katauhan ni Aguinaldo. Nang ang handog ng Hapon na ikalawang republika na si Joses P. Laurel ang pangulo ay pinasinayaan, inakala ni Aguinaldo na ito na ang katuparan ng kanyang pangarap. Naniniwala siyang kinikilala ng Hapon ang banal na hangarin ng mga Pilipino na maging malaya at may kasarinlan dahil sa loob lamang ng kulang sa tatlong taon ay nakamit ng mga Pilipino ang pagkakaroon muli ng isang republika, samantalang nakabitin sa loob ng halos 45 taon ang pagiging malaya sa ilalim ng kapangyarihan ng mga Amerikano at kinakailangan pang subukan sa loob ng sampung taon bilang isang Mangkomunidad kung talagang handa na ang mga Pilipinong na maging malaya.  

Marahil hindi makalimutan ni Aguinaldo ang mga tulong ng Hapon sa pamamagitan ng ilang armas at mga tagapayo na ipinadala ng Hapon noong digmaang Amerikano at Pilipino kaya lalong tiwala siya sa Hapon kaysa sa Amerikano na sa tingin niya ay nanlupig at nanakop sa kanyang bayan. Kaya nga masiglang nilakad niyang matigil sa madaling panahon ang labanan sa Pilipinas upang mabigyan ng pagasa ang bagong republika na inialay ng Hapon na magtagumpay. Ngunit ang kanyang mga pagsisikap ay minasama pa at siya ay pinagbintangang nakipagtulungan sa kaaway na Hapones, isang pagkilala sa kanya na hangga ngayon ay dala-dala pa rin.  

Pagaalipusta kay Aguinaldo ng mga Makakaliwa  

Ang pagsulpot ng isipang Marxist-Leninist sa Pilipinas ay lalong nagpalago sa pagalipusta kay Aguinaldo. Naitanim noong panimula ng siglong 20 ang makakaliwang dalumat (leftist ideology) na ito at yumabong pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig.  Ito'y inako ng mga makabayang mananalaysay, mga guro at magaaral sa mga pamantasan lalo na sa mga pampublikong paaralan. Kinasangkapan ng mga nagtutulak ng dalumat na ito ang mga paninira kay Aguinaldo noong panahon ng Amerikano at Quezon upang palakasin ang kanilang adhikain, sa madaling salita, ayon sa kanila, ay hubugin ang kaayusang paghihimagsik upang maibagsak ang lipunan ng mga naghaharing uri.  

Hinugot nila si Bonifacio sa pagkakahimlay at ginawa siyang sagisag ng kanilang pakikibaka bilang kinatawan ng masa, samantalang inilarawan naman si Aguinaldo na siyang kumakatawan sa mga naghaharing uri o elit, samaktuwid, kaaway, at ang dalawa ay pinagsabong bilang pagbubuhay sa kanilang di pagkakaunawaan noong himagsikan.  At upang madaling matanggap at maunawaan ng mga kabataan ang kanilang isinusulong na pakikibaka, ikinamada nila ang dalumat at isiningkaw ito sa nilikhang alitan ni Bonifacio at Aguinaldo na siyang natanim sa murang isipan ng kabataan.  Kaya ang pakikibaka ng masa laban sa elit ay dili iba't nagmula pa sa sinasabing awayan ni Bonifacio at Aguinaldo noong himagsikan na mabilis namang nilulunok ng mga pinaguukulan.   

At sa ganitong paraan naibaba nila ang masalimoot na makakaliwang dalumat mula sa kinaluluklukang utak ng mga nagsusulong at naibahay nila ito sa kaisipan ng mga kabataan.  Ito ang dahilan kung bakit sa larangan ng panglipunang talaytayan (social media) si Aguinaldo ang palaging tigpo (target) ng mga pangungutya tulad ng tawagin siyang "ganid sa kapangyarihan", "taksil", o "mamatay tao", na ibinabato ng mga kabataan na nahahalata sa kanila ang kakulangan sa kaalaman sa kasaysayan o pagkilala sa mga nagawang kabayanihan ni Aguinaldo at ambag niya sa pagkabansa ng mga Pilipino. 

Pangtapos ng Salita  

Sa kahuli-hulihan ang mga handog ni Aguinaldo sa sambayanan – ang pambansang watawat, ang pambansang awitin, lalong-lalo na ang hangaring maging malaya at nagsasarili na ipinama ng mga bumuo ng unang Republika ng Pilipinas, ay di mawawaglit, pati na rin ang alaala ni Aguinaldo. Sa ngayon, ang kaanyuan ni Aguinaldo bilang isang bayani at makabayan ay muling yumayabong, dinidilig ng mga patunay ng kasaysayan na nahahalungkat ng mga walang kinikilingang manunuri at mananalaysay.  

Bilang parangal sa kanya, narito ang papel ni Aguinaldo sa kasaysayan ayon kay Gabriel F. Fabella (Garcia[Mauro], 26-27):  

(1) Si Aguinaldo ang unang nagpakilala ng kapuluang Pilipinas sa mundo nang pamunuan niya ang himagsikan laban sa Kastila at ang digmang-pagtatanggol ng republika laban sa Estados Unidos. Kaya naman siya ang unang Pilipino na naitala sa pangmundong santaalaman (encyclopedia);  

(2) Tumulong siyang hubugin ang pagkabansa ng Pilipinas sa pamamagitan ng gawa hindi ng salita;  

(3) Siya ang unang nagpatunay na ang mga Pilipino ay may kakayahang magsarili at mamahala ng pamahalaang kanilang itinatag;  

(4) Nagpakita siya ng halimbawa ng katapatan, makatuwiran at malinis na pagpapalakad ng pamahalaan; nagdulot siyang magagandang alaala ng una at ikalawang republika, at,  

(5) Nagiwan siya ng walang kupas na alaala sa sambayanan: a) ang araw ng kalayaan b) ang pambansang watawat, at c) ang pambansang awit.  

<><><>-o-O-o-<><><>


 

            

 

 

 

 

 

 

  

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment