Tuesday, March 12, 2024

Ang Pagbaril kay Andres at Procopio Bonifacio

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “The Execution of Andres and Procopio Bonifacio," na matatagpuan sa pahina 87-94 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


May mga lumalabas na salaysay tungkol sa pagkamatay ng magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio.  Mayroong nagsasabing si Andres ay pinatay noong ika-2 ng Abril, 1897 at hindi noong ika-10 ng Mayo ng taon ding yaon, at ang inulat na paglilitis ay hindi tutoo kundi gawa-gaawa lamang.  Ang iba namang salaysay ay nagsasabing hindi binaril ang magkapatid kundi tinaga ng gulok, at may nagsabi pang pinaghati-hati daw ang katawan. 

Ang ganitong uri ng ikinakalat na salaysay ay nakasisira lamang sa tunguhin ng ating kasaysayan – na ang layunin ng pagtuturo nito ay  hubugin ang pagka-makabayan ng kabataan,  Ang mga haka-hakang salaysay na ito ay nagdadagdag lamang na gatong sa kumukulong pagtatalo tungkol sa pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio, at dinurumihan ang alaala ng mga bayaning nagpakahirap para sa bayan, lalo na’t pinagbibintangan ang taong namuno sa pagpapabagsak ng kapangyarihan ng kastila sa kapuluuan, nagbigay ng ating pambansang watawat at awitin, at nagtayo ng unang republika ng Pilipinas, si Don Emilio Aguinaldo.

Ang Tutoong Nangyari kay Bonifacio

Ang tanging mapapagkatiwalaang ulat tungkol sa pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio ay ang mahabang sulat na may petsang ika-27 ng Hunyo taong 1929 na sinulat ni Lazaro Makapagal para kay Jose P. Santos.  Si Makapagal ay dating komandante ng Hukbong Naghihimagsik ng Pilipinas.  Siya at apat na sundalo ay naatasang tuparin ang pasya ng Hukumang-Digma, kaya’t sila ay hindi lamang ang taga-ganap ng utos ng pagbaril kundi sila ang tanging saksi ng mga pangyayari.  Anumang salaysay na hindi galing sa limang taong ito ay hindi dapat pansinin o pagkaabalahan.

Napasok si Santos sa usapan dahil nang panahong iyon sinusulat niya ang aklat na pinamagatang “Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan”.  Kinailangan niyang isama sa aklat ang tutoong pangyayari ng pagbaril sa magkapatid, kaya pinakiusapan niya si Makapagal na isalaysay sa kanya ang mga pangyayari.  Una’y nagpadili-dili si Makapagal, ang sabi ay natabunan na ng panahon ang ang bagay na ito at halos lahat ng nakatira  sa paligid na Maynila ay tanto ang mga pangyayari.  Nguni’t sa huli’y pumayag na rin si Makapagal, at ngayon ay mayroon tayong ulat na nagsasaad kung paano namatay ang magkapatid na Bonifacio sa pamamagitan ng isang nilagdaang kasulatan.

Matatandaan na binawi ni Pangulong Aguinaldo ang hatol na kamatayan at pinalitan ng ipatapon na lamang sa malayong pook ang magkapatid (Kalaw-Teodoro[Court-Martial], 39).  Ang abogado ni Andres ay lumagda sa utos-patawad na katunayang nabasa niya ito, nguni’t si Andres ay hindi nakalagda dahil sa sugat na tinamo sa kayang braso noong sila at mga kawal na dumakip sa kanya ay nagpalitan ng putok (Taylor[I], 330; Kalaw-Teodoro[Court-Martial, 40-41).

Kaya naman ang magkapatid ay di nagakalang sila ay babarilin at sa halip ay sasamahan lamang sa lugar ng kanilang pagtatapunan.  Nang ang magkapatid at mga kawal ay namamahinga pagkatapos ng mahabang nilakad hiniling ni Andres kay Makapagal na buksan ang sobre na may lamang utos ng Hukumang-Digma upang malaman kung saan sila dadalhin at iiwanan.  Pumayag si Makapagal.  Binuksan niya ang sobre at binasa ng malakas ang nilalaman ng sulat.  Ang magkapatid ay laking gulat nang marinig nila ang salitang sila pala ay babarilin.

Ayon kay Makapagal, inuna nila si Procopio.  Dinala siya sa kaloob-looban ng gubat at doon nila siya binaril.  At binalikan nila si Andres na binabantayan ng dalawang kawal.  Lumuhod si Andres kay Makapagal at nagmakaawa.  Nang hindi matinag si Makapagal kumaskas ng takbo si Andres.  Hinabol siya ng mga kawal at inabutan siya sa may tabi ng ilog at doon siya binaril. Inilibing ang magkapatid sa mababaw na hukay dahil wala silang magamit kundi bayoneta, at tinakpan na lamang ng mga sanga ng punong kahoy.

Ang sabi ni Makapagal, hindi niya makakalimutan ang araw ng ika-10 ng Marso, 1897, dahil ito ang araw ng pagsalakay ng mga Kastila sa bayan ng Maragondon.  Nagkaroon ng katakot-takot na patayan sa plasa at sa harap ng simbahan at siya nga daw ay tinamaan pa ng tatlong ligaw na bala.

Ang Sulat ni Lazaro Makapagal

Narito ang sulat ni Lazaro Makapagal kay Jose P Santos na may petsang ika-27 ng Hunyo taong 1929:

 

“G. Jose' P. Santos

1017 Pennsylvania, Malate, Manila

 

“Ginoo:

 

“Sumulat po ako sa inyo ukol doon sa sinabi ninyo sa akin na bigyan ko kayo ng sulat bilang paliwanag sa aking ‘actuacion militar’ sa nangyari sa magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio na may 30 taon na marahil ang nakalampas. Kaya hindi ko kayo mabigyan lugod ay dahil sa napakatagal na at lahat ng mga taga paligid ng Maynila ay alam na iyon. Tila lipas na sa panahon at hindi na kailangan. Gayon man po ako'y magpapaunlak at ganito ang nangyari:

 

“Noong umaga ng ika-l0 ng Mayo, 1897, araw na inilusob ng hukbong kastila sa bayan ng Maragondong, Kabite, pagtugtog ng diana ay humarap sa akin ang isang ordenansa at sinabing: ‘Komandante, kayo po'y ipinatatawag ni Heneral Noriel.’ Madali akong nagbihis at humarap agad. Matapos kong magbigay-galang na sinagot niya ng gayon din ay iniabot, sa akin ang isang sulat na nasa loob ng isang sobreng nakapinid at ang wika: Komandante, ang sulat na ito ay para.sa iyo datapuwa't huag ninyong bubuksan. Ganito ang inyong gagawin: Paroon kayo agad sa Kuwartel at sabihin kay Koronel Ritual na bigyan kayo ng apat na sundalo, pagkatapos ay paroon kayo sa Ermita at kunin ninyo ang magkapatid na preso na si G. Andres at Procopio Bonifacio, dalhin ninyo si-la sa bundok ng Tala. Pagdating doon, buksan itong sulat, basahin. ng malakas sa harap nilang dalawa, at sundin ninyong mahigpit kung ano ang sinasabi sa loob.niyan. Pqgkaabot sa aking kamay ay sinabing magmadali ako. at papasok noon ang mga kastila.

 

“Lumakad na akong patungong Kuwartel. Humarap ako kay koronel Ritual at sinabi ko sa kanya ang utos ng Heneral kaya madali akong binigyan ng apat na kawal. Kaming lima ay nagpunta sa Ermita. Pagdating namin sa bahay ay tinawag ko ang dalawa. at sinabi kong sila'y ipinadadala sa bundoking Tala, kaya't sila'y manaog agad at dadalhin ko roon. Nanaog naman sila dala ang mga damit. Nagtungo na kami sa Tala. Habang lumalakad ay itinatanong sa akin na baka raw sila ay babarilin. Sinabi kong hindi at ang orden sa akin ay dalhin sila sa bundok ng Tala upang ilayo marahil sa laban. Itinanong kung ano raw ang balita ko na gagawin sa kanila. Sinagot kong. ako'y isang Komandante lamang ng ‘fuerza’, malayo sa mga pinuno, pirme sa kuwartel kaya ako'y walang balitang tinatanggap kundi puro utos at trabajo. Habang lumalakad kami ay naguusap na mapayapa. Wala silang anomang kutob ng loob at ako, kaya pati mga kawal ay hindi handa sa panganib. Nang dumating na kami sa, isang pook na. may bundok na munti, tila bilog, malapit sa kawayanan, kabila ng tubigan, harap sa Norte, tanaw namin ang bayang Maragondong, kanan,ang sikat ng araw. at sa likod ay tanaw ang bundok buntis, ay niyaya nila akong magpahinga raw muna kami at sila'y pagod. Pumayag ako. Nagupuan kaming lahat sa pinakapaa ng bundok na munting bilog, harap sa, tubigan at kawayanan. Nang malaon na nang kaunti ay sinabi sa akin ni don Andres: ‘Kapatid, malapit na rin lamang. tayo sa. bunndok ng Tala ay baka mabubuksan na iyong pakete o sulat. at ng malaman natin kung saan, mo kami iiwan’. Alang-alang sa pakiusap ay pumayag ako. Akala, ko'y sa pangulo sa Tala, doon sila ibibigay. Dahil sa sabing basahing malakas sa harap nila at ng malaman kaya binasa ko naman ng malakas ang nilalaman na humigit kumulang ay ganito:

 

“G. Komandante Lazaro Makapagal:

 

“Alinsunod sa utos ng Consejo de Guerra na ginanap. sa Maragondong noong ika 8 nitong, Mayo laban, sa magkapatid na sina G. Andres at Procopio Bonifacio, hinatulang barilin upang mamatay. Sa pamamagitan nito, kayo at mga, kawal na nasa, ilalim ng inyong kapangyarihan. ay inuutusan upang ganapin ang nasabing hatol na barilin ang dalawang magkapatid.

 

“Ipinatatalastas sa inyo na sa ano mang kapabayaan o kakulangan ng pagsunod sa utos na ito, ay pananagutan at ipapataw sa inyo ang bisa at kautusagV -nasasabi sa, Codigo de Enjuiciamento Militar Espanol.Dios ang mag-ingat sa inyo sa mahabang panahon

 

.”Maragondong 10 -de Mayo -de 1897.

MARIANO NORIEL.

 

“Nang maringig nila ang wikang barilin, ang magkapatid ay napatigil ang pagbasa ko dahil sa ang Procopio ay napalukso sa upo sabay ang wikang ‘Naku Kuyang!', Ang Andres ay napaluhod na akmang ako'y yayapusin, sabay na napasigaw ang wikang ‘Kapatid, patawarin mo ako’ Ako naman ay umigtad at ang minamatyagan ko ay ang kilos ng Procopio dahil sa malakas kay sa Andres ay baka ako maunahan. Kinabahan ako ng takot na baka lumaban o makawala at makapagtago sa kagubatan. Awa sa kanila at takot sa nag-utos ang naghari sa akin. Paano ako? At ako'y sumigaw ng ‘Peloto paren! Carguen Armas!' Nang maringig nilang naglalagitikan na ang mga gatilyo ng pusil: sa pagkakarga, sila'y tumahimik na. Nang makargahan ang mga pusil hinarap ko ang Procopio, sinabi kong: ‘Defrenten Mar!’ Itinuro ko ang dinaanan, isang landas na munti, patungo sa loob ng gubat. Sa loob ng gubat ay tinupad namin ang utos ng Consejo de Guerra. Pagkatapos ay binalikan ko ang Andres na binabantayan ng dalawang kawal. Nang ako'y makita niya ay paluhod na sinabi sa aking ‘Kapatid, patawarin mo ako!’  Ako noon ay nasa panganib din na gaya niya. Nagdaramdam siya ay nagdaramdam din ako, ngunit ‘Wala akong magagawa’ ang naging sagot ko sa kanya. Nang makita niyang hindi siya makapamamanhik sa akin ay biglang tumakbo. Tinungo ang kagubatan, kaya hinabol namin. Inabot namin sa tabi ng ilog, pinakasulok ng isang ilog na munti. Sa malaki siya naroon at ang munting ilog ay pinaka sanga. Doon namin siya binaril. Pagkatapos ay tinangka naming ibaon, bilang paggalang, datapuwa't wala kaming panghukay. Gayon man ay nakagawa kami ng kaunti sa bayoneta, tinabunan ng kaunti na mga sanga ng kahoy ang pangdagdag.

 

“Pagkatapos noon ay nagbalik na kami. Ang katotohanan ay ang aking sariling loob ay galit sa aking ginawa, nguni't kung isipin ko'y wala akong magagawa laban sa nag-utos na hindi mo masusuway. Binasa ko uli ang sulat mula sa una hangang katapusan. Bumalik kami sa Maragondong na malumbay sa nangyari. Kung nalaman ko kapagkaraka'y dili ang hindi ako tatanggi dahil sa.hindi ko gusto ang gayong servicio. Masarap sa akin ang humarap sa panganib na laban kaysa gumanap ng gayong tungkulin sa isang hindi kagalit at walang sama ng loob.  Nang kami ay malapit na sa bayan ng Maragondong ay.nasalubong ko ang kanyang asawa, Ginang Gregoria de Jesus, at itinanong sa akin kung tsaan aroon ang kinuha ko sa kanya (ang Andres at Procopio:) Sa awa'y hindi ako nakasagot pagka't nalalaman kong malaking lumbay ang idudulot ko sa kanya. Gayon man ay napilitan akong sumagot: ‘Magpatuloy kayo at itanong sa Pangulo sa Tala.’ Ito'y kabulaanan,, nguni't. sa habag ko'y ano ang sasabihin ko? Pagkatapos ay nagpatuloy kami sa paglakad. Nang dumating kami, ang loob ng bayan ay nilulusob ng mga kastila, lahat ay napapalabang mahigpit.  May labanan sa loob ng Patio, sa harap ng simbahan, kumbento at ang kampanario ay kinakanyon. Nang tamaan ang kampanario ay sumabog ang bato, inilipad ang aking kapasete nguni't hindi ko na makuha sa higpit ng laban. Hindi nalaon ay isang bala ng mauser ang tumama sa dibdib ko, galing sa tribunal, nguni't hindi gaanong dinamdam  dahil sa tumama muna sa relos na bakal sa patio bago sa akin. Nang atakihin kami ng ‘ala bayoneta’ ay hindi kami nakatagal. Patay at sugatan ay nagtimbuwang sa patio. Aywan ko kung ano ang nangyari. Tinamaan ako sa binting kanan, hindi ako, makabangon ni hindi makagapang. Isang kawal ang humila sa akin., Kinaladkad akong parang sanga ng kahoy, at itinawid ako ng ilog. Nang makatawid sa ilog ay isa pa ang tumulong. Nang malayo na ako sa umuulang bala ay iniwan ako sa lilim ng isang puno ng kahoy na malaki. Ang laban ay inumpisahan ng umaga at nang maagaw sa amin ang bayan ay magiika-3 ng hapon. Gayon man ay hanggang magiika-6 ng hapon ay nariringig pa rin ang putukan. Ako'y magdamag na naiwan doon. Hindi ako kumain ng ano man bagaman maghapon at magdamag na gutom na gutom ako. Nang sumunod na umaga ay kinuha ako roon. Ginamot at dinala ako sa malapit sa bundok ng Buntis. Si heneral Noriel na nagutos sa akin sa pagbaril sa magkapatid na Bonifacio ay hindi ko nakita dahil mandin sa pagkakawatak ng mga kawal dahil sa nangyaring mahigpit na labanan. Dahilan dito sa mga nangyaring ito at ang tatlong pagkakatama sa akin kaya hindi ko malimutan na ang araw na iyon ang ipinasok ng mga kastila sa bayan ng Maragondong at siya rin namang araw na ikinamatay ng magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio.

 

“Manila, Hunio 27, 1929

LAZARO MAKAPAGAL”

 Ang Hiwaga sa Pagkamatay ng Magkapatid na Bonifacio

 Ang Pagkamatay ni Andres at Procopio Bonifacio ay naging maselang usapin sa loob ng matagal na panahon dahil sa hiwaga na bumabalot dito.  Ang itinatanong ay:

 

“Kung sila’y ipapapatay din lamang, ay bakit pa pinatawad?  At yamang pinatawad, ay bakit ipinapatay?” (Santos[Katipunan], 195)

Ayon kay Santos, nag-alay ng paliwanag si Heneral Pio del Pilar upang malinawan ang sinasabing hiwaga na ibinigay niya sa isang pahayag noong taong 1929, at sinasabing naggawad ng indulto o patawad ang Pangulong Aguinaldo nguni’t nang matanggap ito ni Heneral Noriel ay patay na ang magkapatid. (Santos[Himagsikan], 34) 

Subali’t noong pagdiriwang ng ika-79 araw ng kapanakan ni Aguinaldo na sumabay sa ika-50 taon lipas ng halalan sa Tejeros, tinanong siya ng mga panauhin, kabilang ang ilang mananalaysay at tagapayo, na ipaliwanag niya ang mga pangyayari sa mahiwagang pagkamatay ni Andres at Procopio Bonifacio.  Tinanong nila si Aguinaldo kung tutuo ngang patay na ang magkapatid nang matanggap ni Heneral Noriel ang indulto.  Sumagot si Aguinaldo na iyan ay kasinungalingan. Nagpunta sa kanyang silid at may kinuha.  Nang bumalik ay may dalang papel na ang nilalaman ay salaysay tulad ng sinasabing patay na nga ang magkapatid nang dumating ang indulto, na ito daw ay pinapipirmahan sa kanya nguni’t tumanggi siyang pirmahan.

Ang dahilan, sabi ni Aguinaldo, hindi katotohanan ang nakasaad sa papel.  Isinalaysay niya na pagkatapos niyang mailabas ang utos-patawad, agad siyang nilapitan nina Heneral Mariano Noriel at Pio del Pilar at marami pang mga matataas na pinuno ng pamahalaang himagsikan, at pinakikiusapan siyang bawiin ang kanyang utos para sa pagpapatuloy ng kapanatagan sa pamahalaang himagsikan at para di sa pansariling kaligtasan ng mga namumuno nito. At dahil nga sa kanilang matinding pakiusap ay binawi niya ang kanyang utos-patawad at inatasan si Heneral Noriel na ipatupad ang hatol ng Hukumang-Digma.

 

Sa ibinigay na paliwanag ni Aguinaldo hiniling nga mga panauhin na kung maari ay ihulog niya sa isang kasulatan ang kanyang mga sinabi, at siya naman ay nagpaunlak ng sulat na ito:

  

“Mahabang panahon na di naman napupuhunan at pinakikinabangan ang sari-saring pagtatalo sa pagmatay ng Ama ng Katipunan, bayaning Andres Bonifacio; at sapagka’t nabago at muling natamo na natin ang Kalayaan at Kasarinlan ng ating naglahong Republika Pilipina, ay nagpapagunita na ako, kahit alam kong hindi kaila sa madla, na walang hiwagang maituturing sa pagkamatay ng bayaning Andres Bonifacio.  Maari itong maging mahiwaga nga, kung siyang isinusulat at inilalarawan ng mga maniniping mananalaysay.

 

“Ang mga kasulatang inilathala at iniingatan ni G. Jose P. Santos, ay siyang nagbibigay ng tiyak na matuwid sa naging pasiya ng Hukumang Digmang lumitis at humatol na barilin ang magkapatid na Bonifacio.

 

“Ang hatol ay matigas na pinagtibay ng mga Punong kinauukulan, at silang lahat ay nagkakaisa sa katumpakan ng gayong hatol.  Subali’t ng ilipat sa aking ang mga kasulatan, at sa nais kong huwag madungisan ang pagkakaisa ng lahi sa paghihimagsik; at sapagkat makapangyarihan ako noon, ay ipinasiya kong baguhin ang gayong hatol, at halinhan ko na lamang ng ipatapon sa malayong pook ang magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio.

 

“Ngayon, noong matanto at maparoonan ako agad ng dalawang miembro ng Consejo de Guerra, General Mariano Noriel at General Pio del Pilar at matawagan ang pansin ko na “Kung ibig po ninyong magpatuloy ang kapanatagan ng ating pamahalaan sa paghihimagsik at kung ibig ninyong mabuhay pa tayo ay bawiin po ninyo ang inyong indulto sa magkapatid na iyan.  At kaya ipinabawi ko at iniatas ko tuloy kay General Noriel na ipatupad ang inihatol ng Consejo de Guerra sa kanilang magkapatid.

 

“(Lagda) Emilio Aguinaldo

Kawit, Kabite

22 ng Marso, 1948” 

At bilang panghuling salita, sinabi ni Santos:

Dahil sa salaysay na iyan ni Heneral Aguinaldo, ang mga pagtatalo ukol sa pagiging hiwaga ng pagkamatay nina Andres at Procopio Bonifacio ay lutas na ngayon.  Ang buong katotohanan ay ipinagtapat sa atin ng mabunying naging Kataastaasang Puno ng Pamahalaan ng Himagsikan at ng unang Republika ng Pilipinas, sa pamamagitan ng isang mahalagang kasulatang ipinamana niya ngayon sa kasaysayan ng ating Bayan at ng Himagsikan.”  (Santos[Katipunan], 202)


<><><>-o-O-o-<><><>

Mga Pinaghanguan ng Kaalaman:

1. Kalaw, Teodoro M.: "The court-martial of Andres Bonifacio: with prefatory notes, tr. by Paz Policarpio-Mendez,"  http://name.umdl.umich.edu/ADL9481.0001.001 


2. Santos, Jose P.: “Andres Bonifacio at ang Katipunan”, akda ni Tenepe, copyright 1948 by the author, typewritten and unpublished work found in U.P. Filipiniana Library 


3. Taylor, John R..M.: "The Philippine Insurrection Against the United States, a compilation of documents with an introduction by Renato Constantino," Eugenio Lopez Foundation, 5 Volumes (Volume I to V), Pasay City, Philippines, 1971






 

 


No comments:

Post a Comment