Monday, March 11, 2024

Mga Hidwaan sa Pamununan ng Katipunan

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Crises of Leadership in the Katipunan,” na matatagpuan sa pahina 64-80 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)



Ang Katipunan, kilala sa bansag na KKK (Kataastaasang Kagalangalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan) ay naging pugad ng hidwaan at salungatan mula nang itayo ito noong 1892 hanggang sa mapalitan ito ng pamahalaang himagsikan noon 1897.

Itinayo ang Katipunan noong Hulyo 1892, nang si Doktor Jose Rizal ay ipinatapon sa Dapitan.  Noong Oktubre ng taong ding iyon, nagkaroon ng halalan, at ang sumusunod ay bumuo ng unang Katataastasang Sanggunian:

Deodato Arellano – Pangulo
Andres Bonifacio – Kalihim
Valentin Diaz – Ingat-yaman
Ladislao Diwa, Teodoro Plata at Briccio Pantas – mga Tagapayo

Marahil, ang pagkahalal ni Arellano bilang unang pangulo ng Katipunan ay dahil bayaw siya ni Marcelo H. Del Pilar (napangasawa ni Arellano ang kapatid ni Del Pilar na si Hilaria (Yayang)). May nagsasabing malaki ang naging papel ni Del Pilar sa pagkakatayo ng Katipunan.

Ayon kay St. Clair:

"Mula sa Madrid noon Hulyo 1892, ipinayo ni Marcelo H. del Pilar ang pagtatayo ng isa pang samahan na katulad nito (ang La Liga Filipina), nguni’t bubuuin ng mga manggagawa sa bukid at mga taong hindi gaanong nakapagaral, nguni’t pamumunuan ng mga hepe at kasiki sa kanilang lugar, at magiging napakalaking lakas na sa tamang panahon ay isisigaw ang hudyat ng paghihimagsik. Isinulat niya ang mga patakaran tungkol sa pagtatayo ng samahan at mga alituntunin. Sina Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo) Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, at Teodoro Plata ang naatasang magpatupad nito; pinagusapan nila ang mga alituntunin at ginawa nilang mahigpit, at nagpagkayarian nilang gawin na agad ang mga nararapat." (Salin mula Ingles sa St. Clair, 38-39)

Bilang saksi ng Kalupunang Olive ng Kastila, si Jose Dizon ay nagpahayag tungkol sa pagtatayo ng Katipunan ng ganito:

"Nang araw na iniutos ni Heneral Despujol ang pagtatapon kay Rizal, nagtipon sa bahay sa kalye Ilaya sina Bonifacio, Arellano, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Dian, at ang saksi, at kanilang pinagkasunduan na itayo ang samahan na tinatawag na Katipunan, na ang layunin ay pagaalsa, o sa madaling salita, ang kalayaan sa pananakop ng mga Kastila; ang anim na ito ay madaling nagsagawa ng kasunduang-dugo, ang paglagda sa sariling dugo sa isang isang papel, kasunod na isinulat ang makabuluhang ngalan para sa sarili. Saka nila inilapat ang tunguhin ng Samahan. Anim na sanaysay ang patakaran. Una, gawing lihim ang Samahan na tatawaging Katipunan; ikalawa: na ang Samahan ay sa pamamagitan ng tatsulok, na hindi lalampas sa tatlo ang nakakaalam sa isa’t-isa; ikatlo: bawat kasapi ay magaambag ng paunang bayad na isang real, at kalahati naman bawa’t buwan; ikaapat: na madadagdag ng balangay sa bawa’t distrito kung lalaki na ang dami ng kasapi; ikalima: mangangalap ng pondo upang magamit ng Samahan; ikaanim: kung kinakailangan pagbubutihin ang mga patakaran. Napagkayarian din nila ang uri ng susumpaan ng nagnanais sumapi, ang pangako na kanilang ibubuhos ang huling patak ng kanilang dugo para sa kalayaan ng Pilipinas. Ang Katipunan ay gumamit ng mga kaparaanan ng Mason. Sa pagtatayo ng isang tatsulok, bawat bagong kasapi ay dapat humikayat ng dalawa pa upang mabuo ang tatsulok. Ang ganitong ayos ng Samahan na binubuo ng iba't ibang tatsulok ay binago dahil sa naging mahirap ang pamamahala. Binuwag ang mga tatsulok at pinalitan ng tatlong hanay. Ang unang hanay ay binuo ng mga bagong sapi. Bawat isa ay may maskara at armas, baril o gulok, na babayaran o bibilhin ng kasaping naghahawak ng armas. Ang mga kasaping nasa ikalawang hanay ay mayroon ding maskara at magsusuot ng regalya o laso na nakasabit ay isang medalyang may letrang K ng sinaunang panulat ng mga ninunong Pilipino; at isang sable at magkakurus na watatwat. Ang pangatlong hanay ay mayroong pulang maskara na may tatlong K sa itaas, sa sinaunang panulat ng Pilipino, at sa ibaba ay mga letrang Z.’, LI.’. B.’ … na nangangahulugang mga anak ng bayan. Bawat hanay ay may sariling hudyatan na lihim sa bawat isa ang mga kasapi ng ibang hanay. (Salin mula Ingles sa St. Clair, 225-228)

Nanguna si Bonifacio sa pangangalap ng kasapi sa pamamagitan ng kaparaanang tatsulok, isinapi niya ang kapatid na si Procopio at si Restituo Javier.  Ipinasok naman ni Ladislao Diwa sina Roman Basa at Teodoro Gonzales.  Si Teodoro Plata naman ang nagpasok kina Briccio Pantas at Valentin Diaz.  (Santos[Himagsikan], 14) 

Unang Hidwaan sa Pamunuan

Nang sumunod na taon napagisipan ng ang kaparaanang tatsulok ay hindi nakapagsungko ng inaasahang dami ng mga kasapi, kaya napagkayariang iwaksi na ito at hayaan sinuman ang magpasok ng mga bagong sungko.  Hiningi din ni Bonifacio na alisin sa tungkulin si Deodato Arellano sa pagiging Pangulo dahil daw siya ay duwag at hindi nakikisali sa mga pulong (Taylor[I], 230).  Kaya sa halalang ginanap noong Pebrero 1893, nahalal ang mga sumusunod:

Roman Basa – Pangulo
Andres Bonifacio – Piscal o Ingat-yaman
Jose Turino – Kalihim
Teodoro Gonzales at Ladislao Diwa – Tagapayo 

Isang nangangalang Tomas Remigio ang gumulantang sa Kataastaasang Sanggunian nang paratangan niya si Bonifacio, ang taga Ingat-yaman, ng di wastong pamamahala ng pananalapi. Tumawag si Pangulong Roman Basa ng pulong ng mga nasasangkot sa usapan, at sa gitna ng pagtatalo, inilabas ni Bonifacio ang isang kahon ng tabako na naglalaman ng mga resibo ng pautang sa kanya at iba pang mga kasapi ng Katipunan. Pinuna ni Remigio ang pagpapautang at sinabing ang salapi ay laan para sa tunguhing kalayaan ng bayan, hindi upang ipautang sa mga kasapi.

Ang alitan ni Remigo at Bonifacio ay kumalat.  Dumating sa punto na sinabi ni Remigio na nakatanggap siya ng pasabi na ipinag-utos ni Bonifacio ang pagpatay sa kanya sa pamamagitan ng Camara Secreta, at ipinaalam ni Remigio kay Bonifacio sa harap ng marami na siya ay gagawa ng sulat at isasaad niya na kung sakaling siya ay mapatay, ang may kagagawan ay si Bonifacio. (Minakinilyang sulat ni Tomas Remigio na tago ni G. Jose P. Santos)

Ang pangyayaring ito ang naging sanhi ng pagkatalsik ni Basa sa pagkapangulo at pumalit si Bonifacio.  Isinilaysay ni Pio Valenzuela ang pangyayari sa kanyang pahayag sa Komisyon Olive.  Ang sabi niya: 

“Napagalaman ni Pangulong Roman Basa pagkatapos masiyasat ang talaan ni Bonifacio, ang taga-ingat-yaman ng samahan, na hindi wasto ang ginagawa niya at ninanakawan niya ang samahan.  Kaya pareho silang nagbitiw sa tungkulin at nagpalitan ng lait.  Tumawag si Andres Bonifacio ng pulong ng mga kasapi ng samahan at sinabi niyang ayon kay Basa lahat daw ng kasapi sa Katipunan ay magnanakaw at ang Katipunan ay samahan ng mga magnanakaw.  Galit na galit ang kapulungan sa narinig na paglalait ni Basa at inihalal na pangulo si Bonifacio.” (Salin mula Ingles sa Taylor[I], 230-231)

Pagkatapos ng naganap na halalan, ang Kataastaasang Sangguian ay binuo ng sumusunod:

Andres Bonifacio – Pangulo
Emilio Jacinto – Kalihim ng pamahalaan
Teoodro Plata – Kalihim Digma
Briccio Pantas – Kalihim Hukom
Aguedo del Rosario – Kalihim Pangloob
Enrique Franco – Kalihim Pananalapi
(Kalaw, Maximo[Development], 75)

 Ang Paglisan ni Pio Valenzuela

Noong ika-3 ng Mayo, 1896, tumawag ng pulong ng Katipunan si Bonifacio na ginanap sa bahay ni Valentin Cruz sa Pasig upang ipaalam na gusto na niyang simulan ang paghihimagsik. Itininulad niya ang Katipunan na isang buntis na kailangan nang magluwal ng sanggol bago pa man sa takdang kaarawan. Tinutulan nina Emilio Aguinaldo, Benigno Santi at Santiago Alvarez ang balak ni Bonifacio sa dahilang hindi pa handa ang samahan na magalsa laban sa armado at may mahusay na kagamitang hukbong kastila.

Pagkaraan ng palitan ng kuro-kuro, napagkaisahan na hingin ang payo ni Doktor Jose Rizal.  Si Pio Valenzuela kasama ang isang bulag na nangangalang Raymundo Mata ang naatasang makipagusap kay Rizal.  Sa pagbabalik ni Valenzuela, nakipagkita siya kay Bonifacio, at pagkatapos ng kanilang usapan ay parehong tikom ang bibig, na nagdulot ng agam-agam sa mga kasapi kung si Rizal nga ba ay payag o tutol sa pagaalsa. (Alvarez, 245-249)

Sa kanyang pahayag sa Kalupunang Olive, sinabi ni Valenzuela na hindi agad naniwala si Bonifacio sa balita niyang si Rizal ay tutol sa pagaalsa sa kasalukuyang kalagayan, at nang nabuo na ang kanyang paniniwala sinimulan ni Bonifacio na laitin si Rizal at tinawag niyang duwag, ginamitan pa ng ilang masasamang kataga, at pinagbawalan siyang banggitin kaninuman ang sinabi ni Rizal. Subali’t nabanggit na ni Valenzuela kina Kapitan Roman ng Pandacan, kay Emilio Jacinto at iba pa, na hindi na niya matandaan, at lumabas ang natatagong balita, nalaman ng marami lalo na sa mga nangakong magaambag sa Samahan.  (Taylor[I], 229-230).  Ang pagsira ng tiwalang ito ni Valenzuela ang naging sanhi ng paghihiwalay nila ni Bonifacio.  Nagbitiw si Valenzuela bilang doktor at piskal ng samahan na una'y tinutulan ni Bonifacio, nguni’t sa huli ay pinayagan na rin, at ang dalawa ay naghiwalay at nagkanya-kanya sa paggawa sa kani-kaniyang pansariling tunguhin. (St. Clair, 269-270)

Ang Pagkawalay ni Teodoro Plata

Si Teodoro Plata ay hindi lamang isa sa mga pangunahing kasapi ng Katipunan kundi siya ay bayaw ni Bonifacio, naging maybahay niya si Petrona (Nonay), kapatid ni Bonifacio,. Nang mabunyag ang Katipunan, inatasan ni Bonifacio si Plata ng isang napakahirap na gawain, ang dukutin ang Kastilang Gobernador-Heneral upang hawakan nilang prenda at pampalit sa anumang kanilang balak hingin. Hindi tinupad ni Plata ang utos at sa halip ay tumakas. Nagalit si Bonifacio at nagbantang paghihiwalayin ang ulo sa katawan ng sinumang susuway sa kanyang kautusan at ipinahanap si Plata upang mapatawan ng parusang kamatayan kung saan man siya matagpuan. (St. Clair, 134-135)

Hindi nahuli o natagpuan si Plata sapagka’t humarap siya sa mga may kapangyarihang Kastila sa ilalim ng patakarang patawad. Subali’t siya ay nilitis at nahatulan nagkasala laban sa Espanya at binaril sa Bagumbayan (Luneta) noong ika-6 ng Pebrero, 1897, kasama sina Vicente Molina, Apolonio de la Cruz, Hermegildo Reyes, Jose Trinidad, Pedro Nicodemus, Feliciano del Rosario, at Gervasio Samson (pahina 26 ng “Alamnaque Manila Galante para el ano 1912 pinatnugot ni D. Juan Fajardo), katulad din ng nangyari kay Roman Basa noong ika-11 ng Enero, 1897, kasama sina Domingo Franco, Moises Salvador, Numeriano Adriano, Antonio Salazar, Jose Dizon, Luis Enciso Villareal, Faustino Villareal, Ramon A. Padilla, Manuel Abella, Cristobal Medina, at Francisco Rojas. (Russell, 310-311)

Ang Agawan sa Dalawang Lata ng Ginto

Pagkatapos ng kauna-unahang sagupaan ng mga Katipunan at Kastila sa Pinaglabanan (Rizal) noong ika-29 ng Agosto kung saan nagapi ang mga Katipunan at nagkawatak-watak, bawa’t isa ay naghanap ng masisilungan.  Si Bonifacio at kanyang ilang kasamahan ay nagtago sa Balara at tumuloy sa bundok ng San Mateo.  Habang sila’y nakahimpil sa pinagtataguan, nakatanggap si Bonifacio ng anyaya kay Heneral Mariano Alvarez ng Sangguniang Magdiwang ng Kabite na dumalaw sa lalawigan.  Napagisip ni Bonifacio na katungkulan niyang dumalaw sa mga lugar na napunlaan ng diwa ng Katipunan kaya tinanggap niya ang anyaya.  Inatasan niya si Julio Nakpil bilang taga-pamahala ng Pantayanin at hinirang niyang pansamantalang kanang-kamay ng Pangulong Supremo ng Katipunan.  Nang siya ay yayao na, isang di magandang pangyayari ang namagitan sa kanila ni Heneral Luis Malinis ukol sa kung sino ang dapat magmay-ari ng dalawang lata ng gintong salapi (Alvarez, 405) 

Sa talanggunita ni Santiago Alvarez kasama ang salaysay ni Koronel Genaro de los Reyes tungkol sa pangyayaring ito, na sinipi ng May-akda.  Narito ang salaysay: 

“ Subali’t nang ang Supremo Bonifacio ay gayak na ng paglakad sa Kabite, ay biglang bumalansang si hral. Luis Malinis, at sinabi nitong dapat iwan sa kanila ang isa sa dalawang lata ng biskuwit na mga salaping ginto ang laman, na nahukay nila sa paggawa ng tanggulan sa San Mateo. Si hral. Luis ay pinagpayuhan ng marami na di dapat hatiin ang nabanggit na salapi, at sa pangangailangan ng Supremo sa kasalukuyang kalagayan ng bayan sa paghihimagsik, ay dapat ihanap at bigyan. Sa payuhang iyo’y marami ang umakap, hanggan sa mailayo ang Hral. na pinapayo; datapwa’t nang gayak na ang mga kasama ng Supremo sa paglakad, ay sumigaw si hral. Luis Malinis, na lumapit sa kanyang piling ang kanyang mga kawal; hinila ang lantaka (palkunete), itinapat sa pulutong ng Supremo na paalis at ayaw magpalapit na nagturing:

“’-Hindi kayo makakaalis kundi ninyo iwan ang dalawang lata ng ginto, kung ayaw ninyong iwan ang isa;’ - saka nagpakita ng totoong tapang at katigasan sa pagsasalita.

“- ’Wala ka na bang iginagalang?’ ang bigla kong sambot (ni koronel G. Delos Reyes) kaagad.’

“’Gumagalang ako, bakit hindi?, datapwa’t kailangang ibigay ang nauukol sa amin. Puhunan din namiin ay buhay, bukod sa kami pa ang nakakuha, at kapatid din ninyo na iiwan nang walang magugugol sa pagkain man lamang.’

“’Upang maiwasan ang gulo, noon di’y nagpayo Kalihim G. Emilio Jacinto, na ibigay na ang isang lata ng ginto kay hral. Luis, at ako pa ang nag-abot sa nabanggit na Heneral, sa pag-ayon na rin ng Supremo.’

“’Ang Katipunan ay di itinatag ng dahil sa salapi’, - ang buntot pang paliwanag ng kalihim Jacinto.’” (Alvarez, 405-406) 
Wala pang nakapagsabi kung ano ang nangyari sa lata ng ginto na napunta kay Bonifacio. Dinala ba niya ito sa Cavite, o iniwan sa pangangalaga ng katiwala sa Pantayanin? Mayroong salaysay na sapilitang pinagsasalita ni Koronel “Intong” Bonson si Gregoria de Jesus (Oryang) upang ibunyag kung saan matatagpuan ang pananalapi ng Katipunan habang si Oryang ay nakatali sa isang punong kahoy. Alam kaya ni Koronel Intong ang tungkol sa isang lata ng ginto? At noong nilitis si Bonifacio, isa sa mga paratang ay sinuhulan daw niya ang mga pinuno ng Magdalo at Magdiwang upang makiisa sa itinatayo niyang hukbo sa Limbon. Noon ay mayroong 35 tauhan si Bonifacio at hawak nila ay 30 baril ng Remington, 2 Mauser, at 13 lumang baril (Taylor[I], 307). Kung tutuong nanuhol nga si Bonifacio saan niya kinuha ang salapi? Walang tiyak na kasagutan hanggang ngayon ang mga katanungan.  Kung ano man ang kinahinatnan ng ginto na pinagawayan nina Heneral Luis Malinis at Bonifacio ay mananantiling isang hiwaga.

Ang Binaliwalang Utos na Dakipin si Vicente Fernandez 

Si Vicente Fernandez ay isa sa apat na heneral na hinirang ni Andres Bonifacio na mamuno sa paglusob sa Maynila noong ika-29 ng Agosto, 1896.  Ang tatlo ay sina Aguedo del Rosario, Ramon Bernardo at Gregorio Coronel (Corpuz, 48).  Ayon kay Corpuz, binago ang gampanin  ni Fernandez.  Dapat sana ay mamumuno siya ng pangkat ng Morong at Laguna para tumulong sa paglusob sa Maynila.  Subali’t hindi sumipot si Fernandez, hindi siya nangalap ng mga tauhan, at hindi siya tumupad ng tungkulin (Corpuz, 97).  Kaya noong dumalaw si Bonifacio sa Cavite sa paanyaya ni Mariano Alvarez, nasumpungan niya si Fernandez doon. 

Isinulat ni Santiago Alvarez sa kanyang talagunita ang pagkikitang ito nina Bonifacio at Vicente Fernandez. Ito ang sinasabi sa talagunita:

Dapit-hapon ng ika-17 ng Disyembre, 1896.  Ang Supremo Andres Bonifacio ay dumating sa Kabite at huminto sa Imus, sa bahay ni G. Juan Castaneda.  Kinbukasan ng umaga’y dinalaw nina GG. Emilio Aguinaldo, Baldomero Aguinaldo, Daniel Tirona, Vicente Fernandez (abogado) at iba pa.  Pagkakita ng Supremo sa katipunang Vicente Fernandez (abogado) ay ginamit ang kanyang tungkuling pagka-Supremo at ipinasyang dakipin ang Fernandez, at ipailalim sa isang mahigpit na pagsisiyasat dahil sa kapabayaang kanyang ginawa, na iknalupig at ikinapahamak sa isang labanan ng mga Kawal ng Bayan ng ika-29 ng Agosto, 1896; nguni’t ang kapasyahang iyon ng Supremo ay pinagtawanan lamang at niwalang halaga niya sa sinapupunan ng pamunuang yaong ng Naghihimagsik, kaya’t nagwalang-kibo na at nag-isip-isip.”  (Alvarez, 302) 

Ang Hiwalay na Naghihimagsik sa Kabite 

Ang Sangguniang Magdiwang ay ang pangunahing sangay ng Katipunan sa Kabite na itinatag noong ika-9 ng Abril, 1896 ni Andres Bonifacio at iba pang mga rebolusyonaryo. Kasama niya sina Dr. Pio Valenzuela, Emilio Jacinto at Pantaleon Torres. Pinamunuan ito ni Mariano Alvarez na naging kauna-unahang pangulo nito. Sa hapon ng araw na iyon, nagpunta ang mga pinuno ng Katipunan sa Kawit at bumuo ng isa pang sangay na pinangalanan Sangguniang Magdalo, at pinili si Baldomero Aguinaldo bilang pangulo. Nang makipagkita si Baldomero Aguinaldo kay Mariano Alvarez sa Noveleta, ipinaliwanag ni Alvarez kay Baldomero na ang Magdalo ay isang pangbayang  samahan lamang, at hindi panglalawigan, dahil hindi ito binigyan ng kaukulang pagkilala ng Supremo ng Katipunan. (Alvarez, 244)

Karaka’y pinaghati-hati ni Mariano Alvarez ang mga bayan ng Kabite sa Magdiwang at Magdalo. Napunta sa Magdalo ang bayan ng Kawit, Bakood, Imus, Dasmarinas, Silang, Mendez, at Amadeo. Isinailalim naman ng Magdiwang ang mga bayan ng Noveleta, Salina, San Francisco de Malabon, Tanza, Naic, Ternate, Maragondon, Indang , Magallanes, Alfonso, Bailen, at Mainam. (Ronquillo, 309-310)

Sa mula’t mula pa ay inako na ni Mariano Alvarez ang pamumuno ng Katipunan sa lalawigan ng Kabite.  Ginawa niya ito marahil sa lakas ng kapangyarihan ibinigay ni Bonifacio sa kanya nang hirangin siyang pangkalahatang pinuno ng pinagisang pwersa ng naghihimagsik sa lalawigan ng Kabite sa pulong na ginanap sa Balintawak noong ika-24 ng Agosto upang pagusapan ang mga bagay-bagay para sa gaganaping pagaalsa sa darating na ika-29 ng buwan.  Subali’t ang paghirang na ito ay hindi ipinaalam sa mga Magdalo, at hindi naisakatuparan.  Ito siguro ang dahilan kung bakit inanyayahan ni Alvarez si Bonifacio na dumalaw sa Kabite upang ipatupad ang pagganap niya ng tungkulin bilang pinuno ng Katipunan sa Kabite. 

At ito na nga ang nangyari – ginawa ni Bonifacio na pangkalahatang pinuno si Mariano Alvarez ng Kabite at saka ipinaalam kay Aguinaldo na ang dalawang Sanggunian ay pagiisahin niya sa isang pamahalaan na pamumunuan ng mga sumusunod:

Mariano Alvarez – Presidente
Baldomero Aguinaldo – Vice-Presidente
Ariston Villanueva – Director de Guerra
Daniel Tirona - Sub Director de Guerra
Diego Mojica - Director de Hacienda
Cayetano Topacio - Sub Director de Hacienda
Felix Cuenca – Director de Gracia y Justicia
(Hindi tinukoy na Magdiwang) – Sub Director de Gracia y Justicia
(Hindi tinukoy na Magdalo) – Director de Gobernacion y Fomento
(Hindi tinukoy na Magdiwang) – Sub Director de Gobernacion y Fomento
Santiago Alvarez – General en Jefe
Emilio Aguinaldo – Tenyente General
(Ronquillo, 551-552) 

Tinanggihan ni Aguinaldo ang tungkuling Tenyente Heneral na iniatang sa kanya ni Bonifacio at ang dalawa ay nagusap ng masinsinan.  Isinalaysay ni Ronquillo ang paghaharap nina Bonifacio at Aguinaldo at ganito ang naging takbo ng kanilang usapan (Ronquillo, 552-553): 

“’- Yayamang gayon po ay iknatutuwa ko po ang inyong nais na magkaisa nang tayo’y magkaisa ngang tunay sa pakikilaban at pinasasalamatan ko po ang inyong pagkahalal sa akin, kahit hindi ako dapat sa gayong tungkulin kaya’t nagbibitiw na nga akong matagal nang tungkulin kong pinapasan, dangan po lamang ay ayaw akong payagan ng mga kapatid natin sa Magdalo …’

“’At, bakit nga po naman?’ – ang putol ni Bonifacio sa pananalita ni Aguinaldo – ‘Hindi nga po dapat; nguni’t ngayon po’y dalawa na kayong magkakatuwang.’

“Kapwa sila napaimik malaong sandali, at nang matapos ay nagtanong si Aguinaldo:

“’-Datapwt patawarin mo po ako ng aking pagtatanong. Iyan po ba baga’y sa kaibigan ng Bayan”’

“’-Hindi’ – ang mataas at maliksing sagot ni Bonifacio – ‘Sa akin lamang sarili: at Di ba nila talastas at sampung ikaw po, na ako ang Supremo na tanging makapangyayari at tanging masusunod?’

“’-Kung gayon po’ ang sagot uli ni Aguinaldo na pinagpantingan sa gayon kahangasan – ‘ay sa Bayan lamang ang tanging Mataas at Makapangyayari, dinaramdam ko pong ipahayag sa inyo na iya’y di ko mapahahalagahan, pagka’t uanng-una’y di ko mapangangahasang yapakan ang loob ng Bayan at ikalawa po’y pagka’t di-bukal sa kaibigan ng Bayan. Bakit pa’y ginawa ninyo iyan at kahit sangguni man lamang ay di kayo humingi sa Pamunuan ng Magdalo, bagay na dahil diya’y di rin malilihis sa matuwid ang lahat ng tagaroong kapatid na huwag igalang ang sariling balangkas ninyong iyan. Nguni’t huwag po naman ninyong kuruin, na sa lahat na’y sasalansang ang mga taga-Magdalo, hindi po at katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang nasang pag-iisa ng Sanggunian ang siya na lamang minimithi-mithi ng lahat na di-kaila sa inyo; nguni’t ang pag-iisang iya’y kailangan lamang tumuntong sa matuwid.’

“-‘At bakit: Hindi matwid ang ginawa ko?’

“-’Huwag na po nating pagtalunan at lubhang kapos tayo sa panahon. Libot na libot na po tayo ng kaaway. Nabubunton na po sa Las Pinas ang Kastila, at isang lundag na lamang ay maabot na ang Bakood. Kaya huwag na po tayong magtalo, at yamang kayo’y nagkusa na sa bagay na iyan ay pasasalamatan ko po ang lahat ng kapatid ninyo sa Magdalo, kung ituloy ang adhikang pag-iisa, kailan ma’t iyan ang ayos sa ibig ng Bayan. Kailangan nga pong totoo na ialitunton ang bagay na ito sa ibig ng Bayan, yamang mula pa nang Nobyembre’y ito na ang nais. Kailangan nga pong ang mga mauupo sa Pamunuan ay halal ng Bayan at kailangang ang mga iyon ay pasukob dito, at di ito ang pasusukob doon; pagka’t kundi gayon, ay di po malayo na lalong malulugmok ang Katwiran natin na babahagya pong kalilitawk, salamat sa Diyos na nagpapala sa Panghihimagsik. Ito po ang huli kong pauna sa inyo at umaasa na po ako.’”

Magkaibang Kaparaanan ng Pagtatanggol ng Kabite 

Hindi lamang sa pag-iisa ng Sanggunian magkaiba ang pananaw ni Aguinaldo at Bonifacio. Hindi rin sila nagkasundo kung paano isasaayos ang hukbong sandatahan upang ipagtanggol ang Kabite. Ayaw ni Bonifacio na pagpisanin ang dalawaang pwersa at sa halip ay maghiwalay na lumaban at ipagtanggol ang kani-kanyang sakop na mga bayan. Sa ganang kay Aguinaldo panahon na upang pagsamahin ang hukbo ng Magdalo at Magdiwang at magkasamang harapin ang kalaban. Nanaig ang kagustuhan ni Bonifacio dahil siya ang may huling salita bilang Supremo ng Katipunan. 

Ang di pagkakasundo ng dalawa ay binigyang puwang ni Corpuz sa kanyang aklat, “Saga and Triumph,” Aniya:

“…Ayon sa salaysay ni Aguinaldo, nang mabasa niya sa Diario de Manila ang inaasahang pagsalakay ng mga Kastila sa Kabite, agad siyang lumapit kay Bonifacio sa kamyang himpilan sa San Francisco de Malabon.  Hiningi niya sa Supremo na ipahiram ang ilang sundalo ng Magdiwang upang tumulong sa hukbo ng Magdalo.  (Sa tantiya ni Aguinaldo ang sasalakay na pwersa ng Kastila  sa pamumuno ni Heneral Lachambre ay nasa 40,000 sundalo.)

 

“Ayon kay Aguinaldo, tinanggihan ni Bonifacio ang kanyang hiling sa dahilang nasa panganib din ang Magdiwang na maaring salakayin ng Kastila mula sa dagat.  Sinagot ni Aguinaldo na sa lahat ng kanyang pakikibaka sa mga Kastila hindi ito sumubok na dumaong sa katihan.  Umalis si Aguinaldo.

 

“Muling lumapit si Aguinaldo kay Bonifacio, doon din sa San Francisco de Malabon noong Enero 1897, dahil napatunayan niyang malaking pwersa ng kalaban ang nagtitipon na sa Las Pinas, sa hilaga ng Bacoor; at itinatalaga nila ang kanilang mga sundalo sa Alabang at Sto. Domingo malapit sa Silang.  Noon siya naniwala na talagang lulusob na ang mga kastila sa Kabite.  Linunok ni Aguinaldo ang kanyang kayabangan at lumapit muli kay Bonifacio.  Ipinagdiinan niya na ang Magdiwang ay ligtas at hindi dapat mabahala na mapapasabak sila sa labanan at muling hiniling na magsama sila ng pwersa para sa kapakanan ng Inang Bayan.


“Tulad din ng dati, sumagot si Bonifacio na maaring biglang susulpot ang kalaban sa sakop ng Magdiwang anumang oras nang walang makakaalam, kaya hindi niya mabibigyan ng tulong ang Magdalo. Napumilit si Aguinaldo, habang ipinaliliwanag kay Bonifacio na hindi makararating ang kalaban sa Magdiwang hangga’t hindi nalilipol ang Magdalo. Ito ay dahil sa ang mga bayan ng Magdalo ang unang lulusubin ng kalaban, at nasa likod lamang ang mga bayan ng Magdiwang.


“Matigas ang pagtanggi ni Bonifacio na hindi makakatulong ang Magdiwang sa Magdalo dahil hihina ang kanilang pwersa.  At tinataya ni Bonifacio na kung sakaling magapi man ng kalaban ang Magdalo sila ay maaring umurong sa linya ng Magdiwang at dito sila magsasama ng pwersa at ang magkapisasng hukbo ang siyang manaig sa kalaban.


“Isang mahalagang palitan ng kuro-kuro sa dalawang pinuno sa paraan ng pakikibaka.  Sa salaysay ni Aguinaldo sinabi niya kay Bonifacio na mas makabubuti na pagsamahin ang dalawang hukbo sa una pa mang sagupaan sa sakop ng Magdalo, at sa ganoon ay mapipigilan na makapasok ang kalaban sa sakop ng Magdiwang.  Nguni’t hindi tuminag si Bonifacio sa kanyang katuwiran, at tinapos ni Aguinaldo ang salaysay tigib ng kalungkutan at pagaalaala nang iniwan niya si Bonifacio. (Salin mula Ingles sa Corpuz, 114-115)

Dahil si Bonifacio ang Supremo ng Katipunan nasunod ang kanyang kagustuhan.  Hindi nabigyang halaga ang mungkahi ni Aguinaldo na magtulungan sila sa pagharap sa mga Kastila. 

Nguni’t maalaala na noon pa ma’y ipinag-utos na ni  Bonifacio na magsanib ang dalawang pwersa sa pamumuno ni Mariano Alvarez bilang presidente, at si Aguinaldo ay binigyan ng mababang katungkulan na Tenyente Heneral na pangalawa lamang sa General en Jefe na si Santiago Alvarez.  Ang di pagtanggap ni Aguninaldo ng tungkulin ng Tenyente Heneral at pagtutol niya sa ginawang pagsasanib ng dalawang Sanggunian ay maaring siyang dahila bakit hindi itinuloy ni Bonifacio ang balak niyang pagisahin ang dalawang sanggunian.  At  ngayon naman, si Aguinaldo ang humihiling na magsanib ang dalawang pwersa.  Ano kaya ang dahilan ng pagtanggi ni Bonifacio sa pakiusap na ito ni Aguinaldo, ito kaya ay ganti sa una nilang di pagkakasundo? 

Kung ano man ang dahilan ay nakatala na sa kasaysayan ang naging bunga ng di pagkakasundong ito – nabawi ng mga Kastila ang Kabite at ang nagaping Hukbo ng naghihimagsik ay nagkawatak-watak at nagsitago sa  kanonog na mga lalawigan, habang si Aguinaldo naman at kanyang natitirang pwersa ay nagsitakas tungo sa Biak-na-Bato sa Bulacan.  Marahil ito ang pinagbatayan ni Aguinaldo sa kanyang puna sa kakayahan ni Bonifacio na mamuno.  Ang sabi ni Aguinaldo: “Kung ang Supremo ang mamumuno sa lahat ng pwersa ng mga naghihimagsik, maari niyang gawin, kung siya’y mahalal na Pangulo na wasakin ang Hukbong Naghihimagsik sa isang labanan!  At yaon ang magwawasak ng Rebolusyon” (Ronquillo, 139) 

Alitan sa Pulong na Ginanap sa Imus 

Noong ika-29 ng Disyembre, 1896, inanyayahan ng Magdalo ang mga Magdiwang sa isang pulong na ginanap sa bahay-asyenda ng prayle sa Imus.  Ang paguusapan ay pagsasanib ng dalawang sanggunian sa isang hukbo, isang pamahalaan at isang pamunuan.  Kahit na Magdalo ang tumawag ng pulong si Bonifacio ang nangulo sa pulong.  Pinaghandaan ang paghahalal sa lahat ng pwesto, maliban sa tungkuling pangkapangulo ng itatayong pamahalaang himagsikan na inilalaan ng mga Magdiwang kay Bonifacio bilang Supremo ng Katipunan.

Tumutol si Edilberto Evangelista ng Magdalo sa mungkahing ibigay kay Bonifacio ang tungkuling pangulo ng walang halalan.  Ipinaliwanag niya na ang himagsikan ay hindi na pag-aari ng Katipunan, sa katunayan ito ay tunay na himagsikan na ng bansang Pilipino, dahil ang karamihan sa naghihimagsik ay binubuo ng mga hindi kasapi sa Katipunan kundi mga pangkaraniwang mamamayan.  Kaya, ayon kay Evangelista, ang pagpili ng pinuno ng himagsikan ay dapat sa kaparaanan ng paghahalal ng mga tao. (Corpuz, 300)

Walang naipatupad sa pulong dahil sa pagtatalo kung sinong grupo ang mangingibabaw, bawa’t isa ay ipinipilit ang pananaw na “akin” sa halip na “atin”  (Alvarez, 306). Lihim na itinatago nina Aguinaldo at Bonifacio at lumalalim na di pagkakasundo,  Nguni’t ang mga nangyayari sa kanilang paligid ay lalong nagpapalubha  sa suliranin.  Ayon kay Santiago Alvarez: 

“Ang mga damdaming nagniningas, bagaman ikinukubli nina Gg. Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo, na habang lumalao’y lalong pinapaginit ng mga pangyayari, at marahil sa di na pagkatiis sa mga bulong na laban sa karangalan ng isa’t isa, - isang gabi ng buwan ng Enero,1897, na ang sikat ng buwan ay malapit maging kabilugan, mula sa bahay ni Gng. E. Potente sa Malabon (Hral. Trias), tanggapan ng Pamunuan ng Katipunan,ay nanaog sina heneral Emilio Aguinaldo at ang kalihim Mariano Trias, ang Supremo A. Bonifacio at ang kapatid nitong Procopio Bonifacio, na taglay ay tig-isang baril, at sa isang tabi ng isang maliit na daan ng loob ng bayan, sa ilalim ng mga dahon ng nababakod na isang malaking halaman, sila’y nagsihinto at nagtapat ng may dalawang dipang agwat.  Nag-usap na dili nang masinsinan, saka nagsikiyang magangat ng mga baril, nang kataong biglang sa-rarating ang heneral APOY na noon di’y napagitna sa apat, kasabay ang matigas nitong salitang: - Unahin muna ninyo ako bago kayo magdaos ng inyong gayak na gawin!


“Ang heneral APOY ay lihim na nakapagmasid mula sa bahay na pinagmulan ng apat na magtatagisan, kaya maagap na sumunod upang pumigil sa di dapat mangyari.  Hindi naman naglipat-sandali’y dumating din ang heneral VIVORA, na nakatulong sa pag-aayos, hanggang ang apat ay mayakag at maisama sa bahay ng kalihim-yamang G. Diego Mojica, at mula rito’y ipinasundo ang paring si G. Manuel Trias, na siyang kura ng sambahang romano sa bayang iyon at amaing buo ng kalihim Trias.  Ang nabanggit ang Pare ay nakatulong na mabuti sa muling pagkakasundo, hanggan sa wakas ay pinagyakap, pinasalamatan at ipinalangin sa Diyos ang kanilang kapayapaan at pag-iibigan; pinaghahagkan sa pisngi at binasbasan sa ngalan ng isang Diyos at tatlong persona.” (Alvarez, 311-312) 

Makikita sa mga darating na pangyayari, na ang hidwaan ng dalawang pinuno ay umabot hanggang sa pagtatalo sa kaparaanang pangdigma at agawan sa pamumuno ng himagsikan. 

Bangayan sa Halalan sa Tejeros 

Makapal na ang naisulat tungkol sa halalan sa Tejeros na ginanap sa San Francisco de Malabon noon ika-22 ng Marso, 1897, nguni’t ang nangingibabaw sa usapan ay: (1) ang paratang na dinaya si Andres Bonifacio, at (2) ang dagliang pagalis si Bonifacio pagkatapos ihayag na lansag at walang bisa ang halalan.  Nguni’t mayroong mahahalagang pangyayari na naganap na hindi binigyan pansin, o kaya naman ay nilakdawan lamang at hindi binigyang halaga, tulad ng: (1) ang pagbasura sa Katipunan kapalit ng pamahalaang himagsikan, (2) ang pagbaba ng tingin kay Bonifacio, at (3) ang pakikialam ni Koronel Santiago Rillo sa pagsasaayos ng kapulungan.

Ang halalan sa Tejeros ay nangyari sa pulong na tinawag ng Magdiwang at unang pinanguluhan ni Jacinto Lumbreras na dinaluhan ng mga kinatawan ng Magdalo.  Ang pag-uusapan ayon sa Magdiwang ay kung papaano ipagtatanggol ang mga sakop na bayan ng Magdiwang.  Iminungkahi ni Severino de las Alas na unang-uma’y dapat magtayo muna ng isang pamahalaan at ang bagay tungkol sa pagtatanggol ng sakop ay kusang mapagaalaman.

Iginiit ng Magdiwang na ang Katipunan ay isa nang pamahalaan na may kapangyarihan sa buong kapuluan.  Subali’t pinuna ng Magdalo  na ito naman ay hindi kaharian at hindi rin isang republika, at ang nararapat na mithiin ay magkaroon ng isang pamahalaan ng republikang Pilipino.  Nangutya si Antonio Montenegro nang sabihin niyang: “Kung hindi mapagpapasyahan ang isang lalong nararapat na Pamunuan ng Paghihimagsik, at magpapatuloy ang kasalukuyang kalagayan, tayong lahat na Manghihigmagsik ay magiging katulad lamang ng isang pangkat na tulisan o kaya’y mga hayop na walang isip at maninibasib.” (Alvarerz, 319)  Ang kanyang puna ay ikinagalit ng marami at nangailangang papayapain muna ang kaguluhan bago naituloy ang pagpupulong.

Pagkatapos magkaroon ng kaayusan, nagbitiw si Lumbreras bilang pangulo ng pulong at si Bonifacio ang humalili.  Ayon kay Bonifacio naniniwala siyang nasasagot na ng Katipunan ang pangangailangan ng himagsikan, nguni’t payag siya sa kagustuhan ng kapulungan na magtayo ng isang kakaibang mataas at makapangyayaring Katipunan.  Aniya: 

“Yayamang ang hangad ninyo ay magbangon ng ibang Pamunuang Pangkalahatan ng K.K.K. ng mga A.N.B., at pawalan ng bisa ang pinagtibay ng pulong sa bahay-asyenda sa Imus, sa pagbabangon lamang ng mga Batas na dapat pairalin; Ako, sa aking pagka-Presidente Supremo ng K.K.K. ng mga A.N.B., ay sumang-ayon at sumusunod sa inyong kahilingan, datapwa’t inaanyayahan ko ang lahat na tayo’y kumilala at gumalang sa mga wastong gawain ng ating kakayahan at katapatan, sa pulong na ito at sa lahat ng pulong.” (Alvarez. 320)

Dahil sa kapasyahan ito ni Bonifacio nagsigawan ang mga kinatawan sa katuwaan sa inaasahang pagtatayo ng pamahalaang republikang Pilipino at iginayak ng kapulungan ang paghahalal ng mga tungkuling Pangulo, Pangalawang Pangulo, Ministro ng Asyenda, Ministro ng Pomento, Ministro ng Hustisya, at Kapitan Heneral. (Alvarez, 320) 

Ang lihim na mababang tingin kay Andres Bonifacio ay nahalata noong halalan.  Kahit wala si Aguinaldo sa pulong dahil naroon siya sa Pasong Santol naghahanda sa pagsalakay ng mga Kastila siya ang nahalal na Pangulo, tinalo niya si Bonifacio ng maraming boto.  Nagmukhang kaawa-awa si Bonifacio noong hindi siya inayunan sa mungkahing gawin siyang Pangalawang Pangulo ng wala nang paghahalal dahil sunod siya sa dami ng boto. At lalo na nang talunin siya ni Mariano Trias sa halalan ng  Pangalawang Pangulo. (Corpuz, 121) 

Sa kahuli-huliha’y nahalal si Bonifacio sa tungkuling Kalihim Pangloob laban kay Mariano Alvarez.  Subali’t ito ay humantong na naman sa isang kaguluhan.  Tumayo si Daniel Tirona at sinabing hindi nararapat si Bonifacio sa tungkuling pinagkahalalan niya dahil mahalaga at masselan ang tungkuling iyon.  Dugtong pa ni Tirona na dapat ihalal si Jose del Rosario, isang abogado at Magdiwang.  Napika si Bonifacio sa inasal ni Tirona na isang paglabag sa pinagkayarian sa pulong,  hinugot ang kanyang rebolber upang barilin si Tirona.  Napigil naman si Bonifacio at si Tirona naman ay nawala sa karamihan ng tao. Dahilan sa gulong ito winalang bisa ni Bonifacio ang pulong at lahat ng napagkayarian doon at gumayak ng pagalis. 

Ang pangyayaring ito ay sinundan naman ng di inaasahang paghaharap ni Bonifacio at ni Koronel Santiago Rillo, ang puno ng delagasyon ng Batangas, 

Bago makalakad si Bonifacio nilapitan siya ni Rillo at pinakiusapan na magpaiwan at tanggapin ang kanyang pagkahalal.  Tumanggi si Bonifacio.  At nang akmang aalis na, hinarap siya ni Rillo at sinabing wala siyang karapatan o kapangyarihan na pawalang bisa ang pulong at lahat ng napagkayarian, at siya, si Rillo, ay tutubos sa pagiging Pangulo sa Pullng ni Bonifacio na inayunan ng kapulungan,  Kaya nagpatuloy ang pulong kahit nakaalis na si Bonifacio at lahat ng napagusapan at napagkayarian ay pinagtibay, at saka  nagpadala ng sugo ang kapulungan sa Pasong Santol upang anyayahan si Aguinalo na sumumpa sa kanyang pagkahalal bilang pangulo ng bagong tayong pamahalaang himagsikan.  (Corpuz, 121-122) 

Kaguluhan Pagkatapos ng Halalan sa Tejeros 

Dahil sa nangyari sa Tejeros, lumayo si Bonifacio sa bagong tayong pamahalaang himagsikan.  Kinabukasan ng halalan naglabas siya ng isang patalastas na tinaguriang “Acta de Tejeros” na nilagdaan ng higit sa apatnapung pinuno ng Magdiwang, at hinihingi ang pagbibitiw sa tungkulin ng mga nahalal sa Tejeros sa dahilang nagkaroon ng dayaan.  Tinanggihan ng Magdalo ang kahilingan ng Acta at sinabing ang halalan ay ginawa sa wastong paraan ayon sa alituntunin at walang dahilan upang magbitiw ng tungkulin ang mga nahalal, at sinimulan ang pagsasaayos ng bagong pamahalaan. 

Ang unang hakbang na ginawa ni Aguinaldo ay magbigay alam sa mga pinuno ng bayan-bayan na magpadala ng mga kawal at tulong sa Pasong Santol.  Maraming tumugon sa kahilingan ni Aguinaldo kabilang ang ilang pinuno ng Magdiwang, nguni’t hindi nakarating sa paroroonan ang mga tutulong dahil hinarang sila ni Bonifacio at Artemio Ricarte at pinigil sa isang malaking bakuran. (Aguinaldo[Talambuhay], 113).  Sa hapon ding iyon nakatanggap si Aguinaldo ng balita na ang Pasong Santol ay naagaw ng kaaway at ang kapatid niyang si Crispulo, na pumalit sa kanya bilang pinuno ng mga nagtatanggol, ay napatay.

Nang napagalaman ni Bonifacio na hindi natupad ang ipinagutos niyang magbitiw sa tungkulin ang mga nahalal, bumuo siya ng pangkat na magtutulak ng kudeta na sinalihan ng mga Magdiwang at dalawang heneral ng Magdalo, sina heneral Noriel and Del Pilar.  Isinulat ang kanilang daing at nasa sa pamamagitan ng nilagdaang kasulatang tinawag na “Acta de Naic” o kasunduang militar, na ang layon ay sapilitang patalsikin ang mga namumuno sa bagong pamahalaan.  Ayon sa dokyumento, balak isuko ni Aguinaldo sa kastila ang himagsikan at nararapat na agawin ang pamamahala nito sa pamamagitan ng lakas at lipulin ang sasalungat kung kinakailangan.

Umabot sa kaalaman ni Aguinaldo ang binabalak ni Bonifacio nang si  Komandante Lazaro Macapagal ay nakatakas sa kanyang pagkakapigil sa Casa Hacienda kung saan nagpupulong sina Bonifacio at mga kasapakat.  Sa pagdating ni Aguinaldo sa lugar ng pinagpupulungan, inanyayahan siya ni Bonifacio makilahok na siya namang tinanggihan ni Aguinaldo.  Sa halip, hinanap ni Aguinaldo ang mga kawal na pinipigil ni Bonifacio at nang kanyang mapakawalan ay nagsigawan ng pasasalamat sa kanilang paglaya.  Sa nangyaring ingayan  narinig na lamang nina Aguinaldo ang malakas at mabilis na yabag ng mga nagsisibaba ng hagdan, iyon pala’y ingay ng mga nagpulong na nagsialisan tungo sa kani-kanilang pagtataguan.  (Ronquillo, 560-564) 

Ang Paglulutas sa Hidwaan 

Hindi na pinasundan ni Aguinaldo si Bonifacio at ang mga nagsitakbo, at sa  halip ay inanyayahan niyang makilahok sa pamahalaan.  Pinatawad niya ang dalawang heneral na sumali sa kudeta at inatasan niyang pangalagaan ang kani-kanilang mga tauhan sa himpilan.  Liban kay Bonifacio, marami sa matataas na pinuno ng Magdiwang ang sumagot sa anyaya ni Aguinaldo at noong kaagahan ng Abril, 1897, nabuo ang pamunuan ng pamahalaang republika ng Pilipinas na napagkayariang sa Tejeros at anim sa siyam na tungkulin ang naibigay sa mga Magdiwang.  Ito ang mga bumuo ng bagong pamunuan:

Emilio Aguinaldo – Pangulo
Mariano C. Trias (Magdiwang) – Pangalawang Pangulo
Pascual Alvarez (Magdiwang) – Direktor ng Interyor
Jacinto Lumbreras (Magdiwang) – Direktor of Estado
Baldomero Aguinaldo – Direktor ng Asyenda
Mariano Alvarez (Magdiwang) – Direktor ng Pomento
Severino de las Alas (Magdiwang)– Direktor ng Hustisya
Emiliano R. de Dios – Direktor ng Digma
Artemio Ricarte (Magdiwang) – Kapitan Heneral
(Alvarez, 328-329; Corpuz, 132) 

Sa kabilang dako, si Bonifacio naman ay nagtungo sa Limbon, nagtayo ng mga tanggulan, nagtatag ng pamahalaan, at nagsimulang magbuo ng hukbo.  Nagsumbong si Severino de las Alas na ang mga tauhan ni Bonifacio ay sapilitang kumuha ng mga pangangailangan sa bayan ng Indang.   Tinugon ni Aguinaldo ang sumbong at nagpadala ng mga kawal upang dakipin si Bonifacio.  Nagkaroon ng labanan at napatay si Ciriaco, ang kapatid ni Bonifacio, at nagtamo ng sugat si Bonifacio.  Dinakip ang magkapatid na Andres at Procopio upang humarap sa paglilitis sa kasalanang kataksilan at ang naging hatol ng hukom ay bitayin sa pamamagitan ng pagbaril. 

Panghuling Salita 

Sa aklat na pinamagatang “Saga ang Triumph” ni Onofre D. Corpuz, inilatag niya ang kahulugan ng hidwaan sa pamumuno ng himgasikan (Corpuz, 130-131).  Ang sabi sa aklat: 

“Pagkaraan ng salin-lahi at hanggang sa dekadang 1980-1990, noong ipinagdiriwang ang isangdaang taon ng mga pangyayari sa himagsikan, maraming Pilipino ang patuloy sa kanilang pananaw na ang pagkamatay ni Bonifacio ay dahilan sa away nila ni Aguinaldo.  Nangangahulugang: ang mga sinaysay ay hindi malinaw na ipinaliwanag ang tunay na pangyayari sa pagkamatay ni Bonifacio; o kaya ang pangyayari ay talagang hindi na malilinawan; o kaya naman ay mayroong matigas na pagkahilig ang Pilipino na tanggapin lamang ang isang masalimuot na pagkikitungo bilang isang pangkaraniwang alitan.


“Mayroong dalawang pagaaral, parehong sinulat makalipas ang taong 1897.  Parehong tiningnan ang pagbitay kay Bonifacio ayon sa kabuuan ng himagsikan.  Ang una ay kay Teodoro A. Agoncillo sa kanyang aklat na ‘The Revolt of the Masses (1956)’, Kapitulo XVI.  Mayroong mga kamaliang minana sa kasaysayan kolonyal at ilang di wastong pagsusuri sa lipunan, nguni’t mahusay naman ang paliwanag niya na si Bonifacio ay pinagtaksilan.  Ang ikalawa ay kay Jose Alejandrino sa kanyang ‘La Senda del Sacrificio, Episodios y Anecdotas de Nuestras Luchas por la Libertad (1933)’, Kapitulo II.  Kinilala ni Alejandrino ang pagka-makabayan ni Bonifacio at kanyang ambag at pangunguna sa himagsikan; pinanindigan niya ang matuwid na paghalili ni Aguinaldo sa pamunuan; naniniwala siyang ang pagkamatay ni Bonifacio ay kinailangan para sa pagkakaisa ng himagsikan; at kinilala niya ang nagawa ni Aguinaldo na pinagsama-sama ang iba’t-ibang lumahok sa himagsikan sa isang pambansang pagkakaisa.  Mas malapit si Alejandrino sa mga pangyayari na kanyang sinulat; si Agoncillo ay malayo.


“Sa kabuuan, si Bonifacio ay tunay na bayani bago pa man siya namatay.  Ang paglunsad ng himagsikan ay dahil sa kanya at hindi kaninuman.  Nguni’t si Bonifacio ay hindi ang himagsikan.  Ang himagsikan ay nagpatuloy kahit na wala siya.


<><><>-o-O-o-<><><>

 










No comments:

Post a Comment