Tuesday, August 30, 2022

Ang Pinagtatalunang Kasunduan ni Pratt at Aguinaldo

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “The Controversial Pratt-Aguinaldo Agreement,” na matatagpuan sa pahina 129-141 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Ang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas ay pinangunahan ni Almirante George Dewey noong ang mga barkong pangdigma ng Amerika ay nakadaung pa sa look ng Mirs, Tsina, katabi ng Hongkong noong Marso 1898, habang naghihintay ng utos sa inaasahang digmaang Amerikano-Kastila (natuloy ang digmaan noong ika 24 ng Abril, 1898). Nang panahon na iyon si Emilio Aguinaldo at mga pinuno ng himagsikan ng 1896-1897 ay nakatira sa Hongkong bilang tapon ayon sa napagkasunduang tigil-putukan ng Pacto de Biak-na-bato.

Unang Pagpupulong ni Aguinaldo at Amerikano

Ayon kay Aguinaldo, ang kumander ng barkong U.S.S. Petrel, si Kapitan Wood,  na kumatawan kay Dewey, ay nakipagkita sa kanya noong ika-16 ng Marso 1898 at hinihikayat siyang umuwi ng Pilipinas upang muling isulong ang himagsikan laban sa mga Kastila at nang makamit ang kalayaan.  Ipinangako sa kanya ng Kapitan na tutulungan siya ng mga Amerikano at bibigyan ng mga armas,  pangangailangan at pagtatanggol ng armadang Amerikano.  Isa pang pulong ang naganap noon ika-6 ng Abril.  (Aguinaldo[True Version], 6)

Nang itanong ni Aguinaldo kung ano ang mapapala ng mga Pilipino, sinagot siya ng Kapitan ng ganito:  “Ang Amerika ay malaki at mayamang bansa at hindi nangangailangan ng sakop na lupain.” (Aguinaldo[True Version, 7)

Ang magkasunod na pulong ay nagambala dahil kinailangang umalis si Aguinaldo sa Hongkong upang iwasan ang hinihingi ng sulat ni Isabelo Artacho at sinundan pa ng habla noong ika-15 ng Abril 1898, na paghati-hatian ang salaping nakadeposito sa dalawang bangko sa Hongkong na ibinayad ng mga Kastila ayon sa napagkasunduan sa Biak-na-bato.

Naglakbay si Aguinaldo noong ika-7 ng Abril patungong Saigon and tumuloy sa Singapore gamit ang ibang pangalan upang iligaw ang mga espiyang Kastila na sumusubaybay sa kanyang kinaroroonan.  Kasama niya sina Gregorio del Pilar at Jose Leyba.  Ang tatlo ay dumating sa Singapore noong ika-21 ng Abril at tumuloy sa bahay ng Pilipinong denstista nangangalang Doktor Santos.

Ang Pulong sa Singapore

Ang Amerikanong Konsul-Heneral ng Singapore na si Edward Spencer Pratt ay pinagsabihan ni Commodore Dewey na darating si Aguinaldo sa Singapore.  At noong araw ding iyon tumanggap ng bisita si Aguinaldo, isang Ingles na nangangalang Howard W. Bray, dating naninirahan sa Pilipinas, na umalis at iniwan ang kanyang negosyo at ari-arian sa Pilipinas dahil sa panggigipit ng mga Kastila.  Kilala niya si Aguinaldo bilang kaibigan sampu ng kanyang pamilya.  Inayos ni Bray na magkita si Pratt at Aguinaldo at ang dalawa ay nagpulong sa “The Mansions” sa daang River Valley Road noong ika-24 ng Abril.  Naroon din sa pulong sina Bray, Dr. Santos,  Del Pilar at  Leyba.

 Ayon kay Aguinaldo sinabi sa kanya ni Pratt:

 

“Na ang Estados Unidos ay kikilala sa Kalayaan ng Pilipinas sa ilalim ng pagkalinga ng hukbong dagat ng Estado Unidos.  Sinabi pa ng Konsul na hindi kailangan ang kasulatan ng pinagkasunduan dahil ang salita ng Almirante at ng Konsul ng Estados Unidos ay katumbas ng taimtim na sumpa na ang kanilang winikang pangako ay matutupad hanggang sa kahuli-hulihang salita at hindi maihahambing sa pangako ng mga Kastila o ng kanilang tinatawag ng ‘palabra de honor’.  Sa pagtatapos, sinabi ng Konsul, ‘Ang pamahalaan ng Hilagang Amerika ay tapat, pantay at malakas na pamahalaan.’”  (Aguinaldo[True Version], 10)

 

Noong ika-28 ng Abril, tumelegrama si Pratt sa Washington, aniya:

 

“Noong Sabado ng gabi ng ika-23 ng buwan, ako ay napagsabihan na darating ang di-nagpapakilalang pinakamataas na pinuno ng mga Pilipinong manghihimagsik, si Heneral Emilio Aguinaldo, ni Gg. Howard W. Bray, isang Ingles na mabunyi ang pagkakilala, pagkatapos tumira ng labing-limang taon sa Pilipino bilang isang negosyante at hacendero, ay napilitan umalis dahil sa kaguluhan dulot ng di mabuting pamamahala ng mga Kastila, kung saan sa kanya ko nakuha ang mga mahalangang pabatid para kay Commodore Dewey tungkol sa mga tanggulan, deposito ng karbon, atb., sa iba’t-ibang sulok ng kapuluan.

 

“Dahil sa alam ko na mataas ang pagtingin ng mga manghihimagsik kay Heneral Aguinaldo, na walang ibang tao sa labas at loob ng Pilipinas ang mayroong hibo o hawak tulad niya, minabuti kong kaagad ay makita siya, at sa aking pakiusap, isang lihim na panayam ang aking naihanda noong Linggo,  ika -24 ng Abril, na ang naroon lamang liban kay Aguinaldo, ay kanyang mga tapat na tagasunod at si Gg. Bray, na siyang gumanap bilang tagapagsalin ng magkaibang wika … tenelegramahan ko din si Commodore Dewey na pinadaan ko sa Konsul-Heneral ng Hongkong,  at ang sabi ko ay:

 

‘Aguinaldo pinuno manghihimagsik, narito.  Papunta Hongkong.  Iayos kay commodore ang pakikipagtulungan manghihimagsik Maynila kung gusto. Telegramahan Pratt.’

 

“Sumagot ang commodore, aniya:

 

‘Sabihin kay Aguinaldo pumarito madali.  Dewey’

 

“Natanggap ko  ito kagabi, at agad kong sinabihan si Aguinaldo, na kasama ang kanyang mga alalay gamit ang ibang pangalan at naisakay ko sila sa barkong Malacca na umalis dito noong Martes, ika-26.

 

“E. Spencer Pratt,

Konsul-Heneral ng E.U. sa Singapore” (Robinson, 42-43, gamit ang dokyumento numero 62 ng Senado ng E.U., unang parte, pang-limampung Kongreso, Pangatlong Pagtitipon, pahiwatig 212)

 

Ang pulong nina Pratt at Aguinaldo ay naging malaking balita sa Singapore.  Ang payahagang Singapore Free Press ay naglahatla ng pahayag noong ika-4 ng Mayo 1898,  at ibinalita ang makasaysayang kasunduan ng pagtutulungan ni Aguinaldo at Dewey, at inisa-isa ang pamantayan ng nasabing kasunduan sa ganitong pangungusap:

 

“Ang patakaran ni Aguinaldo ay sumasakop sa kalayaan ng Pilipinas, kung saan ang mga gawain panloob ay tutulumgan ng mga tagapagpayo ng Europa at Amerika.  Ang pangangalaga ng Amerika ay ninais ngunit panandalian lamang, tulad ng ginawa sa Cuba.  Ang mga daungan sa Pilipinas ay magiging bukas sa pandaigdigang kalakal, at babantayan ang pagpasok ng banyagang Intsik na makipagunahan sa masisipag na sangkatauhan ng bansa.  Magkakaroon ng tunay na pagbabago sa tiwaling sistemang panghukuman sa ilalim ng mga dalubhasang mambabatas.  Pagaganahin din ang kalayaang magpahayag, pati na ang pangmadlang pulong.  Magkakaroon din ng kalayaan sa pananampalataya at gagawa ng hakbang upang mapatalsik ang mga mapangabusong kapatirang relihiyon na sumaklaw sa lahat ng sangay ng pamahalaan.  Bibigyan din ng buong paglingap ang pagtuklas ng yamang kalikasan, mga kalsada at daambakal, at ang pagaalis ng mga sagabal sa pagtatayo ng negosyo at pamumuhunan.  Ang dating may mga katungkulang Kastila ay ililipat sa ligtas na lugar hanggang hindi pa sila nakakauwi sa Espanya.  Amg pangangalaga ng pangmadlang kaligtasan at katiwasayan at ang pagsugpo sa anumang paghihiganti sa mga Kastila, ay nararapat na pangunahing tungkulin ng pamahalaan sa bagong ikakanang kaayusan.  (Singapore[The War], 14)

 Hindi tinutulan o inulirat man lamang ni Konsul Pratt ang mga naglathala tungkol sa mga ipinahayag na pagkakasundo.  Sa katunayan, ipinadala pa ni Pratt sa Washington ang sipi ng pahayagang nagsasaad nito.

 Ang Pagharana kay Pratt

Mga tatlong linggo ang nakalipas nang ang lipon ng mga Pilipinong nakatira sa Singapore sa pamumuno ni Dr. Santos ay nagtungo sa tahanan ni Konsul Pratt at siya ay kanilang hinarana.  Sa kanyang talumpating papuri at pasasalamat na nalathala sa pahina 3 ng labas ng Singapore Free Press noong ika-16 ng Hunyo, sinabi ni Dr. Santos na:

 

“Ang aming mga kababayan sa Pilipinas at mga nariritong nakatira dito, mga takas sa mapangabusong pamamalakad ng Kastila sa aming minamahal na bansa, aming inaasahan na ang Estados Unidos, ang iyong bayan, na tumutuntong sa patakarang makatao, ay tutuparin ang kasunduan ninyo at ni Heneral Aguinaldo dito sa Lungsod ng Singapore, upang makamtan namin ang aming kalayaan sa ilalim ng pagkalinga ng Estados Unidos.” (Singapore[Pratt and Philippinos], 3)

 

Ang kasagutan naman ni Pratt ay:

 

“Mga ginoo, ang karangalang inyong ipinagkaloob sa akin ay di inaasahan kaya hindi ako makahagip ng katapat na pangungusap para pasalamatan kayo, at maisagot sa inyong wagas na pananalita na inyong binasa sa akin.  Umasa kayo na aking nauunawaan at ganap na pinasasalamatan ang hangarin na nagbunsod sa inyong kilos, at ang inyong mga salita na tumimo ng malalim sa aking puso, ay matapat kong pararatingin sa Pangulo, kay Almirante Dewey, at sa sambayanang Amerikano, kung saan maaasahan ang kanilang mapagbigay na kasagutan.”


Pagbabalik ni Aguinaldo sa Hongkong


Bumalik si Aguinaldo at dalawa niyang alalay noong ika-1 ng Mayo ngunit hindi niya dinatnan si Commodore Dewey dahil nakaalis na ang armadang Amerikano patungong Maynila.  Samantala, tumanggap si Aguinaldo ng anyaya kay Amerikanong Konsul Rounsevelle Wildman ng Hongkong na makipagpulong sa konsulada ng E.U.  Sa pulong na ito, sinabi ni Konsul Wildman na ipinagbilin ni Commodore Dewey na ipaghanda si Aguinaldo ng isang barkong pangdigma upang iuwi sa Pilipinas.  Nagkasundo din sila sa pamamaraan ng pagbili ng mga armas at pagpapadala nito sa kapuluan.  Ang halagang $50,000 ay ibinigay kay Konsul Wildman at ginamit pambili ng lantsa, 2,000 baril na riple at 200,000 bala.  (Aguinaldo[True Version], 14)

 

Noon ding araw na iyon, nagpulong ang Kalipunan ng Pilipino sa Hongkong at dumalo sina: Felipe Agoncillo, Mariano Llanera, Miguel Malvar, Andres Garchitorena, Severo Buenaventura, Anastacio Francisco, Teodoro Sandico, Maximo Kabigting, Faustino Lichauco, Antonio Montenegro, at Doroteo Lopez.  Ang paksang pinagtalunan ay ang palagay ni Aguinaldo na mapangahas ang umuwi sa Pilipinas kung walang nakasulat na kasunduang nilagdaan ni Almirante Dewey. 

 

Iminungkahi ni Agoncillo na dapat umuwi na agad si Aguinaldo dahil sa  kabutihang idudulot sa Pilipinas kung siya ay naroon danga’t may kaguluhan  ang kalagayan at malaking pinsala na maaring mangyari kung ipagliliban pa ang kanyang pagalis.  Napagkayarian din na kung ang Washington ay talagang tapat sa kanyang pangunahing tuntunin hindi  dapat ipagalinlangan na ang Pilipinas ay hindi susubukang sakupin or ariin.  At kung anupaman, ang Pangulo, dahil sa kanyang kalat na kabantugan ay mahihikayat ang sambayanan na labanan ang panghihimasok ng Estados Unidos kung kanilang sasakupin ang bansa, at sila ay itataboy, at kung kinakailangan ay makihamok sa malawakang pakikipaglaban para sa kalayaan, kahit na masukol sa pakikibaka laban sa bagong mananakop. (Taylor[I], 505-510)

 

Kaya, ang mungkahi na pauwiin si Aguinaldo upang simulan muli ang paghihimagsik ay sinangayunan ng Kalipunan na siyang nagbigay daan para sa paguwi ni Aguinaldo sa Pilipinas.

 

Paguwi ni Aguinaldo sa Pilipinas

Noong ika-17 ng Mayo, ang barkong pangdigma ng E.U., ang “McCullouch” ay umalis ng Hongkong lulan si Aguinaldo at dumating sa Cavite noong ika-19 ng Mayo.  Isang lantsa ang tumabi sa barkong pangdigma upang kaunin si Aguinaldo at kanyang kasamang si Gg. Leyba upang makipagpulong kay Commodore Dewey sa itaas ng barkong-pinakawatawat na “Olympia”.

Isinalaysay ni Aguinaldo ang naging pulong nila ni Almirante Dewey (itinaas na ang katungkulan bilang Almirante pagkapanalo niya  noong ika-1 ng Mayo laban sa armadang Kastila) ang sumusunod: 


“Inihatid ako ng Almirante sa kanyang pangsariling silid, at pagkatapos ng pangkaraniwang kumustahan ay tinanong ko kung tutuo na ipinadala niya ang lahat ng telegrama sa Konsul ng Singpore, si Gg. Pratt, na ibinunyag tungkol sa kanya ng maginoong Konsul.  Sumagot ang Almirante na Oo, at dagdag pa na ang Estados Unidos ay nagtungo sa Pilipinas upan pangalagaan ang mga katutubo at palayain sila sa kuko ng Espanya.  At sinabi pa niya na ang Amerika ay napakayaman kung susukatin sa kalupaan, kinikita at likas na yaman kaya hindi nangangailangan ng mga sakop, at ako ay kanyang tiniyak na hindi dapat magalinlangan na kikilalanin ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas.  Pagkaraka ay tinanong ako ng Almirante kung magagawa kong papapgalsahin ang sambayanan laban sa mga Kastila sa loob ng madaling panahon at hanggang sa pangtapos na pagkilos.

 

“Ang sagot ko ay maaaninaw ito sa  mga pangyayari, ngunit naantala ang pagpapadala ng armas galing Tsina, kaya wala kaming magagawa pa, dahil kung walang armas bawat tagumpay ay magbubuwis ng maraming buhay ng matatapang na kawal.  Pagkaraka ay inako ng Almirante na magpapadala siya ng isang barko upang madaliin ang paglalakbay.  At agad-agad ibinigay niya sa aking pagpapasya ang paggamit ng lahat ng armas na nasamsam sa mga barkong Kastila at saka 62 Mauser at napakaraming bala, na nanggaling pa sa Corregidor dala ng barkong-pandigmang “U.S.S. Petrel”. (Aguinaldo[True Version], 16-17) 

Madaling kumilos si Aguinaldo sa pagtatayo ng hukbo.  Sa loob lamang ng kulang sa isang buwan napalaya niya ang Kabite, tinalo ang mga Kastila, nagpahayag ng kalayaan, kinubkob ang Maynila habang hinihintay ang pagsuko ng kapangyarihang Kastila, at itinayo ang unang pamahalaang republikano noong buwan ng Septiyembre 1898. 

Sa lathala ng Singapore Free Press noong ika-30 ng Hunyo, binanggit ang ipinadalang sulat ni Aguinaldo kay Konsul Pratt ng Singapore na may petsang ika-11 ng Hunyo.  Ibinabalita sa sulat ang mga pangyayari ng bagong pagkilos – ang tagumpay sa Kabite.  Binanggit din na ang mga manghihimagsik ay kulang na lamang sa isang milya ang layo sa pinaderang lungsod at ang hukbong Kastila ay napapaligiran na.  Ang sulat ay may tatak ng opisyal na selyo ni Aguinaldo, larawan ng sumisikat na araw, na pinaikutan ng mga salitang “Gobierno Dictatorial Filipinas”. (Singapore[General], 5) 

Ang Talagang Patakaran ng Estados Unidos

Hindi sinagot ni Konsul Pratt ang sulat ni Aguinaldo.  Marahil hindi niya nais na makipagugnayan pa kay Aguinaldo dahil noong ika-16 ng Hunyo 1898, nakatanggap siya ng pagsaway mula Washington sinasabing hindi niya dapat idawit ang pamahalaang Estados Unidos sa kanyang mga pakikipagkasundo kay Aguinaldo.  Ganito ang sinasabi sa telegrama: 


“Inaakala na hindi mo isinubo ang pamahalaang ito sa anumang pagkakampihan sa mga Pilipinong manghihimagsik.  Ang magawang tumulong si Aguinaldo sa pagkilos sa Maynila ay nararapat kung sa ginawang iyon ay hindi siya binigyan ng pagasang hindi natin maipatutupad ...  Kung sa iyong pakikipagusap kay Aguinaldo, tumuloy ka sa pagaakalang ang pamahalaang ito ay makikiisa sa kanya para makamit ang kanyang mga balak, o kaya, sa pagtanggap ng kanyang tulong ay wari’y isang sumpa na kikilalanin ang kanyang tunguhing pampolitika na kanyang isusulong, ang iyong kilos ay walang pahintulot at hindi sasangayunan.”  (Robinson, 46)

 

Malinaw na nakasaad ang tunay ng patakaran ng pamahalaan ng E.U. sa telegramang binanggit sa itaas.  Ngunit hindi ito ipinaalam ni Pratt kay Aguinaldo na tuloy-tuloy pa rin kumikilos ayon sa pagaakalang kikilalanin ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas pagkatapos na mapalayas ang mga Kastila sa pagtutulungan ng hukbo ni Aguinaldo at ni Almirante Dewey.

 

At habang ang mga Pilipino ay patuloy sa pagtatayo ng kanilang sariling pamahalaan, ang pangasiwaan ni Pangulong William McKinley at kanyang mga kinatawan sa kapuluan ay pinid ang bibig at pipi tungkol sa kanilang tunay na layunin.  Hindi nasabihan si Aguinaldo na ang kanyang tanging gagawin ay talunin ang mga Kastila at pagkatapos ay ialay sa kamay ng mga Amerikano ang napalayang bansa.  Kaya patuloy si Aguinaldo sa pagasang ang mga Amerikano ay tapat sa kanilang pangako sa Singapore na kikilalanin ang kalayaan ng Pilipinas.

 

Nang duamting na ang malaking bilang ng mga sundalong Amerikano, tiwala pa rin si Aguinaldo sa pangako ng mga Amerikano.  Ipinaubaya niya ang ilang himpilan at hukay-tanggulan ang hukbong Pilipino upang magamit ng mga bagong dating at binigyan pa niya ng lahat ng hinihinging pangangailangan.  Subalit ang Kasunduang Paris ay nalagdaan at naglabas si McKinley ng paghahayag na naguutos sa mga Pilipino na sumailalim sa kapangyarihan ng Amerika.  Tumutol si Aguinaldo ngunit hindi pinansin ng mga Amerikano ang kanyang pagtutol.  Dito na sumunod ang pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano noong ika-4 ng Pebrero 1899, na nagtulak sa Senado ng Estados Unidos na pagtibayin ang Kasunduang Paris dalawang araw pagkasiklab ng digmaan na siyang nagbabala sa masaklap na kapalaran ng Pilipinas.

 

Ang Pagbabawal sa Aklat ni John Foreman

 

Ang pinagtatalunang kasunduan ni Pratt at Aguinaldo ay naging paksang pandaigdigang nang ang aklat  ni John Foreman F.R.G.S. (“Fellow of the Royal Geographical Society”), isang mananalaysay na Ingles na ilabas niya ang kanyang aklat na pinamagatang, “The Philippine Islands” noong 1899.

 

Binanggit sa pahina 567-568 ng aklat ang tungkol sa di pa nalagdaang kasunduan sa pagitan ni Pratt at ni Aguinaldo sa Singapore.  Ang nasabing kasunduan ay bumabalangkas ng magiging katayuan ng Pilipinas tulad ng pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas, ang pagtatayo ng isang republika, at iba pang mga bagay nauukol sa kalakal, pamumuhunan at paghawak at pangangalaga sa mga banyaga.

 

Halos katulad na katulad ang nasabing kasunduan na binanggit sa pahayagan ng Singapore Free Press noong ika-4 ng Mayo 1898 kung saan inilathala ang naging usapan ni Pratt at Aguinaldo na tinutukoy naman  sa aklat ni Foreman.  Lumalabas na ang aklat ni Foreman ay nagsisilbing patunay na ang kalayaan ng Pilipinas ay siyang tanging dahilan kung bakit pumayag si Aguinaldo na makipagtulungan kay Dewey.  At ang nasabing di-lagdang kasunduan ay nanngangailan lamang ng lagda ni Dewey at pagsangayon ni Pangulong McKinley.


Maaalis na sa tungkulin bilang Konsul si Pratt nang lumabas ang aklat ni Foreman noong 1899.  Pagkatapos makakuha ng sipi ng aklat, naghain siya ng habla laban sa mga naglimbag upang ang aklat ay hindi  mailabas at maipagbili o maipakalat.

Noong litisin ang habla, ang hukom ay nagpasya na ang laman ng aklat ay hindi lamang kasinungalingan kundi isang paninirang puri.  Ngunit, sa isang pagkakasundo ibinasura na ang habla pati na ng paninirang puri at inutusan na lamang ng hukom na panghabang panahon na ipinagbababwal sa mga naglimbag ang ipagbili, ikalat, o ipamigay anumang sipi ng aklat na “The Philippine Islands”.  (Strait Budget[Spencer Pratt],16).

Sa muling paglilimbag ng pangatlong bilang ng aklat ni John Foreman na ginawa sa Maynila noong 1980 ng “Filipiniana Book Guild” ang pangyayaring binanggit sa itaas ay naisalaysay, ang sabi:


“Ang pangunahing bilang ng aklat ni John Foreman ay unang lumabas noong 1890 na inilimbag ng Kelly & Walsh ng Hongkong at muling nalimbag sa London pagkaraan ng isang taon.  Ang pangalawang bilang  na binago and pinalawak ay inilabas noong 1899 at ito ay may nakakatawag-pansing salaysay.  Sa unang tatak ng bilang ng aklat, mayroong pangungusap tungkol sa unawaan ni Edward Spencer Pratt, ang Konsul-Heneral ng Estados Unidos sa Singapore at ni Heneral Emilio Aguinaldo na tinutulan ng kumakatawan sa konsulado.  Naghabla si Pratt laban sa mga naglimbag ng aklat, nanalo, at ang naglimbag na taga Shanghai ay namultahan at inutusang bawiin ang mga siping na naipagbili na.  Kaya ang nangyari binura ng mayakda ang mga nakasulat sa pahina 567 at 568, at nangailangan ng ikalawang bilang na wala na ang tinutulang pangungusap.  Mukhang ang tinutulang salaysay na iniugnay kay Pratt ay ang ginawa niyang paghikayat kay Aguinaldo na umuwi sa Maynila at makipagtulungan kay Commodore Dewey upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan.   Si T. H. Pardo de Tavera, isang pantas na manunulat, sa kanyang Biblioteca Filipina ay naniniwalang si Konsul Rounsevelle Wildman ng Hongkong ang luminlang kay Aguinaldo at siya rin ang nagsabing ang sinulat ni Foreman ay “kasinungalingan at paninira sa pamhalaang Amerikano.”  Napakahalaga, na ang pangalan ni Pratt at ni Wildman ay hindi tinukoy sa bilang na lumabas noong 1906, at naniniwala din si Pardo na si Foreman ay nanumpa bilang pari sa kumbento ng Agustinyano sa Mehico.” (Foreman, xi-xii)

 

Ang Pagtanggi ni Pratt at Dewey

 

Nang wala na sa tungkulin si Spencer Pratt na dating Konsul ng Singpaore, itinanggi niyang nanagako siya ng kalayaan kay Aguinaldo.  Subalit sa kasulatang ginamit niyang patunay sa kanyang habla laban sa mga naglimbag ng aklat ni Foreman, inamin niyang hindi niya tinutulan ang salaysay sa Singapore Free Press noong ika-4 at 5 ng Mayo na nagsasaad ng patakarang kalayaan ni Aguinaldo na di-umano’y napagusapan sa pakikipagpulong niya kay Aguinaldo.   Kung hindi tinutulan ni Pratt o humingi ng paliwanag kung katotohanan nga ba ang laman ng sinulat sa Singapore Free Press masasabing talagang payag siya noon sa mga sinabi sa pahayagan.  Subalit nang matanggap niya ang pagsaway ng Washington nag-iba ang kanyang tayo, naging pagtanggi na.

Si Almirante Dewey ay itinanggi rin na nagbitaw siya ng pangako kay Aguinaldo.  Sa isang panayam ng Frisco Examiner na nalathala noong ika-16 ng Pebrero 1899 ng Singapore Free Press and Mercantile Advertiser nagpahayag si Dewey ng ganito: 


“Hindi ako nangako kay Aguinaldo ng anuman o kaya ay kinilala ko siyang isang kakampi.  Ako’y nahilingan ng Amerikanong Konsul sa Hongkong at iba pang mga pinuno na hayaan si Aguinaldo at ilang mga kasamahan na umuwi ng Kabite gamit ang aking mga barko.  Ang una kong kasagutan ay hindi, ngunit sa kabilang dako ay naisip kong magagamit ko siya para guluhin ang kalaban, kaya pumayag na ako, na siyang dahilan kung bakit nakauwi ang heneral ng manghihimagsik lulan sa Zafiro (di ba McCullough? - Mayakda) (Singapore[Aguinaldo’s], 11)

Ang pagtanggi ni Almirante Dewey sa usaping patakarang kalayaan ni Aguinaldo ay siya rin naging tayo ng mga kinatawan ng konsulado na sinaway ng Washington.  Subalit hindi maikakaila na si Dewey mismo ang unang lumapit kay Aguinaldo nang utusan niya si Kapitan Wood na makipagusap kay Aguinaldo noong ika-16 ng Marso 1898.  Si Dewey din ang nagpakana ng paguwi ni Aguinaldo mula Singapore patungong Hongkong upang mapagusapan ang pakikipagtulungan. 

At sa utos ni Dewey, si Aguinaldo at kanyang mga kasamahan ay ibinalik sa Pilipinas lulan sa mga barko ni Dewey, at siya rin ang nagbigay ng unang mga armas kay Aguinaldo.  Pinayagan din niya ang pagpasok ng kargamentong armas at bala na binili sa Tsina at ipinadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng tulong ng Konsul-Heneral ng Hongkong na si Rounsevelle Wildman.  Hindi rin sinita o tinanong man lamang ni Dewey si Aguinaldo kung bakit siya ay nagpahayag ng kalayaan, kahit siya ay inanyayahanag dumalo sa pagdiriwang na kanya namang hindi pinaulakan.  Hinayaan din niyang magtaas ng bandilang Pilipino sa mga gusali at mga barkong kabilang sa  bagong tayong hukbong dagat ni Aguinaldo. 

Patunay din ang pangyayari sa Subic na may kampihan sa pagitan ni Aguinaldo at Dewey.  Ang Filipinas na barkong pangdigma ng mga Pilipino ay nagtungo sa Subic at binomba ang kuta ng mga Kastila.  Nagtaas ng bandilang puti bilang pagsuko ang mga Kastila, ngunit nakialam ang barkong Alemang Irene upang tulungan ang mga Kastila,  Hinarap ng Irene ang Filipinas upang bihagin ngunit nagsumbong si Aguinaldo kay Dewey at inutusan niya ang barkong Raleigh at Concord  upang saklolohan ang Filipinas.  Tumalilis naman ang Irene nang makita ang parating na mga barkong Amerikano.  Tinanggap ng mga Amerikano ang pagsuko ng kuta ng mga Kastila at ang 500 bihag ay iniwan ni Dewey sa pangangalaga ni Aguinaldo. 

Tunay nga na ang patakaran ng pamahalaan ng E.U. ay huwag makipagugnayan kay Aguinaldo at hindi pinapahintulutang ang mga pinunong hukbo at konsulado na makipagkasundo kay Aguinaldo.  Kung ganoon ang patakaran dapat sana ay ipinaalam ng mga kumakatawan sa Estados Unidos kay Aguinaldo ang pagbabago ng kanilang pinagusapan.  Sa ginawang paglilihim kay Aguinaldo ng tunay na patakaran ng America na kanya lamang nahalata sa kanilang mga ikinilos na may balak sakupin ang Pilipinas nangangahulugang ang inasal ng mga Amerikano ay panlilinlang, kundi man kataksilan. 


Sa panig naman ni Howard W. Bray, ipinagtanggol niya si Aguinaldo.  Sabi niya:

 

“Kilala kong maigi ang Pilipinas sa loob ng labing-pitong taon, marahil mas malalim at malawak ang kaalaman ko kung ihahambing sa ibang  nakakaalam, at ako ay nagtataka sa walang pasubali at tapat na pakikisama ng mga taong matindi ang katampalasang ginawa sa kanila,  kung kanino ay ang “’malayang mamamayan’ ng Estados Unidos ay nakagawa ng isang napakalaking pagkakasala sa ngalan ng tinatawag ni McKinley na halatang walang katapatan at nakakasukang pagiimbot na “benevolent assimilation” o mapagkawanggawang paghiangay.”  (Singapore[True Account], 14)

 

Ang Amerikanong Konsul ng Hongkong na si Rounsevell Wildman na pinabitaw sa tungkulin ay nakiramay sa sinapit ng mga Pilipino.  Aniya:

 

Nais kong patunayan ng nakasulat na ang pamahalaang manghihimagsik ng Pilipinas ay hindi dapat itulad sa mga katutubong Amerikano na payag paglilipatin sa mga itinakdang tirahan sa kapritso ng amo.  Kung sakaling magpasya ang Estados Unidos na hindi sasakupin ang Pilipinas ang 10,000,000 sambayanan ay magpipilit na maging malaya, at anumang tangka ng sinumang banyagang bansa na kunin ang lupain o magtayo ng gatungan ng karbon ay tututulan nila katulad ng masiglang paglaban nila sa mga Kastila.”  (Singapore[American], 10) 

Sa isang sulat ni Heneral Charles King ng E.U. sa Chicago Record noong ika-13 ng Mayo, 1899 tungkol sa mga Pilipino, sinabi niya:

 

Katakataka ang mga pangyayari.  Noong una magkakampi tayo, at pagkaraka ay naging magkaaway dahil sa tulak ng kalagayan.”  (Van Meter, 236)

 

Sa harap ng mga di-maikakailang pangyayari, ang sabihin na walang kampihan at hindi nangako na kikilalanin ang kalayaan ng Pilipinas ay kaululan.


<><><>-o-O-o-<><><>


No comments:

Post a Comment