Friday, March 18, 2022

Dinaya ba si Bonifacio sa Halalan sa Tejeros?

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Was Bonifacio Cheated in the Tejeros Elections?,” na matatagpuan sa pahina 58-63 ng bagong limbag na aklat ngMayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


 Ang paratang na dinaya ang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio sa naganap na halalan sa Tejeros, Cavite ay walang katotohanan dahil ito’y isang bintang lamang at walang patunay na batayan.  Ang totoo ay talo si Bonifacio sa pagiging Pangulo at Pangalawang Pangulo sa sunod-sunod na paghahalal.  Sa kahuli-huliha’y nahalal siya sa pinakamababang katungkulan ng Direktor ng Pangloob, wari’y isang pagpaparaya na lamang.  Ang mga nahalal sa matataas na katungkulan ay kilalang nagwagi laban sa mga Kastila ngunit si Bonifacio ay walang naipamalas na tagumpay na marahil siyang dahilan ng kawalan ng tiwala sa kanya na mamuno ng himagsikan.

Ayon kay Aguinaldo:

"...talagang pinaghandaan ang halalang ito sa Tejeros ng mga Magdiwang, dahilan sa ito'y lingid sa kaalaman ng mga Magdalo na noo'y kasalukuyang nakikipaglaban sa Dasmarinas at mga kanugnog. Sila ay walang kamalay-malay sa balak na pag-iisa ng puwersa ng Magdiwang-Magdalo para sa ikatatagumpay ng pakikipaglaban sa mga Kastila sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Jose Dominguez Lachambre. Talagang itinaon nina Bonifacio at Ricarte ang petsa ng halalan dahilan sa abalang abala noon ang mga Magdalo sa pakikipaglaban kaya wawalo lamang sa kanila ang nakadalo samantalang "naroon sa teritoryo ng Magdiwang taglay ang kanilang mahigit sa isang daang tauhan nila." (Ronquillo, 29).

Dapat malaman ng mambabasa na si Bonifacio ay hindi masasabing dayuhan sa Cavite.  Ang kanyang maybahay na si Gregoria de Jesus ay kamaganak ni Mariano Alvarez, ang puno ng Sangguniang Magdiwang ng Katipunan na namamahala sa kalahati ng Cavite (ang kalahati ay hawak naman ng Sangguniang Magdalo).  Tinanggap si Bonifacio bilang panauhing pangdangal ng mga Magdiwang at sa katunayan ay ipinaubaya sa kanya ang tungkuling pinuno bilang Haring Bayan ng Magdiwang, kaya si Mariano Alvarez ay bumaba sa tungkulin at naging pangalawang Haring Bayan. (Ronquillo, 140)

Na ang pandaraya ay isang balakin na isinakatuparan ng mga Magdalo upang paunlakan at panalunin si Aguinaldo ay lihis sa katotohanan.  Narito ang tunay na pangyayari:

Una – Ang pulong ay binalak at isinagawa ng mga Magdiwang, si Mariano Alvarez (at si Jacinto Lumbreras) ang nagpadala ng mga paanyaya.  Walang kinalaman si Aguinaldo o ang mga Magdalo (Alvarez[Recalling], 104; Corpuz, 119; Richardson, 324; May, 85);

Ikalawa – Si Bonifacio ang nangulo sa pulong pagkatapos na buksan ito ni Jacinto Lumbreras  (Alvarez[Recalling], 106; Corpuz, 120);

Ikatlo – Si Artemio Ricarte, isang kasapi ng Magdiwang at kakakampi ni Bonifacio ang gumanap na kalihim (Alvarez[Recalling], 107; Corpuz, 120; May,87);

Ikaapat – Si Ricarte, bilang kalihim, ang siyang namigay ng mga balota at bumilang ng mga boto (Alvarez[Recalling], 107);

Ikalima – Ang pulong ay ginanap sa bahay hasyenda sa Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite, isang lugar na hawak at nasa ilalim ng pamamahala ng mga Magdiwang (Alvarez[Recalling], 104; Corpuz, 119; May, 85);

Ikaanim – Ang mga Magdiwang ang nangibabaw sa bilang ng mga dumalo dahil wawalo lamang na naipadala ng mga Magdalo.  Ang karamihan sa kanila ay abala sa pagsasaayos ng mga tanggulan bilang paghahanda sa paglusob ng mga Kastila sa Pasong Santol, Dasmarinas, isa sa mga bayang sakop ng Magdalo. (Ronquillo, 29); at,

Ikapito – si Aguinaldo mismo ay hindi nakadalo subalit nahalal kahit wala siya sa pulong (Alvarez[Recalling], 107; Corpuz, 121; May, 88).

Malinaw na hindi magagawa ni Aguinaldo na mandaya dahil wala siya sa halalan at si Bonifacio at mga Magdiwang ang nagpakana nito at namahala.  Sa katunayan, masasabing ang paratang na pangdaraya ay bungang isip ni Bonifacio lamang.

Noong araw na halalan, bago niya nilisan ang pulong sa Tejeros kasunod ang kanyang mga tauhan, ipinahayag ni Bonifacio na ang pulong ay balewala at lahat ng mga napagkayarian ay walang kabuluhan dahil sa hindi daw sinunod ang kagustuhan ng nakararami.  Ang tinutukoy niya ay ang ginawa ni Daniel Tirona na paghamak sa kanyang kakayahang gumanap na Direktor Pangloob.  Bilang pangulo ng pulong, dapat sana ay hindi niya binigyan halaga ang walang pitagang panghihimasok ni Tirona at pinaupo na lamang niya ito dahil wala sa lugar.  Sa halip, binunot ni Bonifacio ang kanyang baril at akmang babarilin si Tirona, na bigla namang tumalilis at nawala sa karamihan (Corpuz, 121; Alvarez[Recalling], 108].

At kinabukasan, iba naman ang naging pahayag ni Bonifacio.  Ang sabi niya, siya daw ay dinaya, na ang halalan ay nahaluan ng pagsasamantala.  Ang kanyang paratang ay pinangawalahan ni Artemio Ricarte, at sa isang nilagdaang sulat, sinabi ni Ricarte na ang ilang balota na ipinamigay ay may sulat na.

At noong nagbobotohan, itong si Diego Mojica ay bumulong kay Bonifacio at sinabing napansin niyang ang ilang balota ay may sulat na, ngunit hindi siya initindi ni Bonifacio (Alvarez, 107).  Dapat sana, pinatigil muna ni Bonifacio ang botohan at siniyasat ang sumbong ni Mojica na may sulat na ang ilang balota.  Ngunit hindi siya kumilos at hinayaan niyang  lumakad ang halalan sa kabila ng sumbong na mayroong taliwas sa pangkaraniwang kaganapan.  Kaya nga, ang tanong, kung tutuo ngang may sulat na ang ilang balota, ayon kay Artemio Ricarte at Diego Mojica, hindi ba dapat ipinahinto ni Bonifacio ang halalan at gumawa siya ng kaukulang imbistigasyon?  Bakit hindi niya ginawa ito?  Baka naman, hindi pangalan ni Aguinaldo ang nakasulat doon kaya hindi binigyang pansin ni Bonifacio.

Ang mga paratang na ito ni Bonifacio na siya’y dinaya ay kanyang isinulat sa isang tinatawag ng “Acta de Tejeros” na nilagdaan niya at mahigit na apatnapung mga pinuno ng Magdiwang.  Hinihingi ng kasulatan na magbitiw ang lahat ng mga nahalal na opisyal ng bagong pamahalaan.  At ang kasulatan ay ipinadala ni Bonifacio sa mga Magdalo at iniutos na ito ay ipatupad.  Subalit hindi sinunod ng Magdalo ang iniutos ni Bonifacio at sinabing ang halalang naganap sa Tejeros ay maayos naman, walang nangyaring dayaan, at ang lahat ng napagkayarian ay pinagtibay ng mga delegado sa pangungulo ni Koronel Santiago Rillo pagkatapos lisanin ni Bonifacio ang pulong. (Richardson, 320-338; May, 98 and 109; Ronquillo, 66; Alvarez[Recalling],109)

Subalit hindi tumigil si Bonifacio.  Muli siyang gumawa ng panibagong hakbang.  Nilikom niya ang mga pinuno ng Magdiwang kasama ang dalawang Heneral ng Magdalo, sina Heneral Pio del Pilar at Mariano Noriel, at inilunsad nila ang isang kudeta na ang layon ay patalsikin sa pwesto ang mga nahalal na mga opisyal.  Ang balaking ito ay isinulat sa tinatawag na “Acta de Naic”.  (Ronquillo, 106-109; Richardson, 355-576; DeLos Santos, 46-47)  Sa kabutihang palad, napagalaman ni Aguinaldo ang binabalak nina Bonifacio at tinungo ang pinagpupulungan at hinarap niya ang grupo ni Bonifacio.  At nang matagpuan ni Aguinaldo ang mga kawal  na ikinulong nina Bonifacio na nagpahayag ng katapatan kay Aguinaldo, dali-daling nagsilisan at nagkanya-kanyang tago ang mga magkukudeta.

Hindi inalintana ni Bonifacio ang pagkabigo ng kanyang mahahalagang hakbang, ang dalawang “actas”, ay nagbuo siya na hukbo na itinapat sa hukbo ng pamahalaan at nagtayo ng tanggulan sa Limbon (Ronquillo, 91-92; Alvarez[Recalling], 117; Corpuz,124).  Nilusob ni Bonifacio ang bayan ng Indang upang mangalap ng mga pagkain at pangangailangan.  Nagsumbong ang presidente ng Indang kay Aguinaldo kaya iniutos niyang dakipin si Bonifacio.  Nakipagpalitan pa ng putok ang magkapatid na Andres at Ciriacio Bonifacio sa mga kawal ng pamahalaan na naatasang dumakip sa kanya na ikinamatay ng tatlong kawal ng pamahalaan at ng kapatid ni Andres na si Ciriaco. (Corpuz,124; Alvarez[Recalling], 117-118; Kalaw, 5).  Ang magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio ay nilitis ng Hukumang-Hukbo at hinatulan ng kamatayan.

At sa balik-tanaw, ano nga kaya ang dahilan kung bakit idinaos nina Bonifacio at ng Magdiwang ang halalan sa Tejeros?

Maaalaala na sa pulong sa Balintawak noong ika-24 ng Agosto, 1896  hinirang ni Bonifacio si Mariano Alvarez na pinakapuno ng pinagsamang pwersa ng Magdiwang at Magdalo sa lalawigan ng Cavite (Ronquillo, 138).  Subalit tatlong buwan na ang nakalipas hindi pa rin naipapatupad ang utos ni Bonifacio at ang dalawang sangay ng Katipunan ay patuloy pa ring magkahiwalay. 

At nakatanggap nga ng anyaya si Bonifacio na bumisita sa Cavite.  Ang nagpadala ng imbitasyon ay si Mariano Alvarez.  Ang sabi niya, nais niyang makarating si Bonifacio sa Cavite upang makita ang tagumpay ng himagsikan sa lalawigan.  Noong panahon na iyon, tanging Cavite lamang ang napalaya ng himagsikan kaya ito ay nais ipagmalaki ni Alvarez.  (Hindi tutuong inanyayahan si Bonifacio na magtungo sa Cavite upang mamagitan sa alitan ng dalawang sangay ng Katipunan tulad ng pakalat ng ilang manunulat.)  Tinanggap ni Bonifacio ang anyaya at sinabing hindi siya magtatagal o makikialam sa kani-kaniyang palakad ng dalawang sangay.  (Alvarez[recalling], 86; Corpuz,96)  Ngunit hindi nasunod ang ninais ni Bonifacio dahilan sa siya ay hindi na umalis ng Cavite at nakialam sa pamamahala ng Magdiwang at Magdalo.

Ano kaya ang nagbunsod kay Bonifacio na magbago ng plano sa kanyang pagbisita?  Wala pang patunay na magsasabi ng dahilan ng pagbabago ni Bonifacio ng balakin, ngunit maari namang pagisip-isipin.  Hinihinala ng mayakda na si Mariano Alvarez ang malaki ang nagawa upang pigilan si Bonifacio na manantili sa Cavite.  Ang dahilan, nais niyang magpatulong kay Bonifacio na ipatupad ang pagkahirang sa kanya bilang pinakapinuno sa lalawigan ng Cavite.  Napagkasunduan marahil ng dalawa na magdaos ng pulong upang pagpisanin ang dalawang sangay ng Katipunan at gawing pinakamataas ng pinuno si Mariano Alvarez.  Kaya nga sina Bonifacio at Alvarez at nagpasimuno ng pulong.  Subalit nang oras ng pulong, hindi pumayag ang mga Magdalo na ipagpatuloy pa ang Katipunan.  Napagkayarian sa pulong na magtayo ng bagong pamahalaang republika na papalit sa Katipunan at siya ngang nangyari at sa katapusan ay si Aguinaldo pa ang nahalal na pangulo ng bagong tayong pamahalaan, kahit wala siya sa pulong, dahil naghahanda sila ng mga Magdalo sa paglusob ng mga Kastila sa Pasong Santol.

Hindi pumasok sa isipan ni Bonifacio na ang himagsikan sa Cavite ay hindi na hawak ng Katipunan.  Sa halip, ang mga manghihimagsik ay binubuo ng mga pangkaraniwang mamayan na hindi naman sumanib sa Katipunan.  Hindi rin nabigyang halaga ni Bonifacio na ang pagiging pinuno ng himagsikan ay kinikilala sa mga tagumpay sa larangan ng labanan at ang kanyang pagkatalo sa kilusan sa Maynila noong ika-29 ng Agosto 1896 ay nagpababa ng tingin sa kanyang kakayahan na mamuno.  Naging matunog ang usaping ito dahilan sa ang mga tinatawag na “alsa balutan”, o mga katipunerong lumaban sa Maynila na nagsipagtago sa Cavite kasama ang kanilang mga pamilya,  at ang salaysay ng kanilang pagkabigo sa Maynila ay kumalat sa buong lalawigan ng Cavite.  Alam ng marami na si Bonifacio ay hindi matagpuan pagkatapos ng labanan sa Maynila at siya nagpalipat-lipat ng taguan upang maiwasang mahuli ng mga Kastila.  Ayon sa kanya bigo siyang makaagaw ng isang bayan upang gawing punong-himpilan at tanggulan.  Ang mga bagay na ito ang humilang pababa sa katanyagan at pagka-kilala kay Bonifacio bilang isang  maaasahang pinuno.  Kaya hindi kataka-taka na tinalikuran siya sa halalan sa Tejeros, na hindi niya matanggap at bagkus kanyang nilabanan, na naging sanhi ng kanyang pagbagsak at malagim na katapusan.

 <><><>-o-O-o-<><><>

 

 

 

 

 




No comments:

Post a Comment