Monday, March 16, 2020

GINAHASA BA SI GREGORIA DE JESUS (ORYANG)?

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Was Gregoria de Jesus Raped?,” na matatagpuan sa pahina 325-338 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)



Walang katibayan o salaysay na nagpapatunay na si Gregoria de Jesus (Oryang), ang magandang maybahay ni Supremo Andres Bonifacio, ay ginahasa noong 1897.  Ayon sa mga salaysay, may mga ginawang tangkang dungisan ang kanyang kapurihan ng isang Koronel nangangalang Agapito Bonson (Koronel Intong) ngunit walang panggagahasang naisakatuparan. Pati rin sa sariling-akdang talambuhay ni Gregoria de Jesus, wala ring binanggit doon liban sa tangkang hindi naman natuloy.

Ang isa sa mga nagsasabing may nangyaring panggagahasa ay ang mananalaysay na si Ambeth Ocampo na sumulat sa pahayagang “Inquirer”, at ito ang kanyang sinabi:
Ang listahan ng mga panggagahasa sa Pilipinas ay hindi mahuhusto kung hindi babanggitin si Gregoria de Jesus, maybahay ng supremo ng Katipunan, si Andres Bonifacio, na ginahasa ni Koronel Agapito Bonzon.  Ang koronel ay hindi siniyasat o naparusahan ni Emilio Aguinaldo sa pagkakasalang ito.  Ang panggagahasa kay Gregoria de Jesus ay isa sa kalunos-lunos na pangyayari sa himagsikan ng Pilipinas na karapatdapat bigyan ng hiwalay o tuusang pansin.” (Salin mula Ingles sa Ocampo[Rape])

Dalawang matinding punto ang ipinahayag ni Gg. Ocampo sa kanyang sinulat:

Una, si Oryang ay ginahasa, at,
Ikalawa, si Koronel Bonzon ay hindi siniyasat o pinarusahan ni Aguinaldo.


Pagusapan muna natin ang unang punto.  Sa “Inquirer,” mismong sinabi ni Gg. Ocampo na si Oryang ay ginahasa.  Ngunit sa kanyang aklat, “Looking Back,” narito ang sinabi ni Gg. Ocampo:
Siya ba ginahasa o hindi?  Lahat ng hiling na pagsisiyasat ay hindi pinansin ni Aguinaldo.  Pagsamasamahin ito at mauunawaan kung bakit ang mga mananalaysay ay siya ang itinuturo na may kagagawan ng pagkamatay ni Bonifacio.  Ako rin.” (Salin mula Ingles sa Ocampo[Looking], 83)

Ayon sa tinukoy sa itaas, hindi sinabi ni Gg. Ocampo na si Oryang ay ginahasa.  Sa halip, nagtatanong siya, ngunit hindi niya ibinigay ang sagot, at saka sinundan na pahayag na ang mga katulad niyang mananalaysay ay itinuturo si Aguinaldo na may kagagawan ng pagkamatay ni Bonifacio dahilan sa “hindi niya pinansin ang tawag na siyasatin ang paratang na panggagahasa.“  Mukhang hindi wasto ang pananaw niya dito.  Gayon man, mayroon nga bang naghain ng sumbong ng panggagahasa?  Sino at laban kanino?


Balikan natin ang sinulat ni Gg. Ocampo sa “Inquirer”.  Mapapansin na agad siyang nagpasya na si Oryang ay ginahasa.  Paano nabuo kay Gg. Ocampo ang pasyang ito?  Paano nagbago ang kanyang pagtingin mula sa posisyon na “siya ba ay ginahasa o hindi” sa kanyang aklat nang taong 1990, tungo sa posisyon na “siya ay ginahasa” sa kanyang sinulat sa “Inquirer” noong 2016?  Wala siyang ipinaliwanag sa “Inquirer” sa pagbabago ng kanyang pananaw.  Si Gg. Ocampo ay isang tanyag na mananalaysay, at mabigat ang kanyang tungkulin ang magingat sa mga pahayag na walang katibayan o dagliang kapasyahan.  Dapat maglabas siya ng paliwanag kung sakaling di pa niya ito nagawa.

Sa kanyang sariling-akdang talambuhay, walang binanggit si Oryang ng anumang paggahasa o tangkang pagdungis sa kanyang kapurihan.  Ngunit nabanggit niyang siya ay itinali sa isang punong kahoy at pilit na ipinalilitaw sa kanya kung saan nakatago ang salapi ng Katipunan. (Salin mula Ingles sa De Jesus, 18 and 65-68)


Ngunit sa kanyang patutuo noong nilitis si Bonifaio, sinabi ni Oryang na dalawang ulit siyang tinangkang gahasain ni Koronel Intong.  Narito ang kanyang sinabi:
Nang matapos ang labanan . . . umakyat sa bahay ang mga sundalo, hinanap ako at nang ako ay makita nila ay pilit nilang hinihingi ang aking salapi, alahas at mga ari-arian.  Sinamsam ni Koronel Intong ang aking singsing pangkasal, labindalawang piso, mga bala ng baril na nasa aking pangangalaga, at ako ay itinali sa isang punong kahoy, at mukhang lalapastanganin ako, ngunit napigil siya ng kanyang mga tauhan.  Noong ako ay dalhin sa Indang muli niya akong itinali sa isang punong kahoy at akmang lalapastanganin ako, ngunit hindi natuloy dahil sa matinding pagtutol ng kanyang mga sundalo.” (Salin mula Ingles sa Taylor, 1:323)

At narito ang sinabi ni Andres Bonifacio sa kanyang patutuo tungkol sa pagnanasa ni Koronel Intong noong siya ay nilitis:
Kung hindi dahil sa nagkataong pagpigil ng kanyang mga nakabababang pinuno, ang aking maybahay ay maaring nagahasa niya.  Nang hindi nagawa ito ni Koronel Intong, tinangkang niyang bihagin ang aking asawa, ngunit hindi niya naisakatuparan ang masamang balak dahil sa pagtutol ni Tomas Mascardo.” (Salin mula Ingles sa Taylor, 1:321)

Sumulat din si Santiago Alvarez nito sa kanyang gunita:
At sa ikagaganap ng budhing pamumuksa, sila'y sinamsaman ng mga ari-ariang kaunting damit at kaunting salaping baon; at ang asawa niya (ng nililitis na Supremo), ay tinangkang ipanhik sa isang Bahay na walang tao ni koronel Intong, Salamat sa pamamag-itan ng ibang punung-kawal na kasamahan di nila, at di natuloy ang gayong makahayop na banta.” (Alvarez[Katipunan], 342)

Ang salaysay ni Alvarez ay bumanggit ng pangalawang pagtatangka:
At sa Indang, samantalang nag-aalaga sa kanya ang kanyang may-bahay, sumipot ang isang punung-kawal na ang sabi ay Komandante, at pinipilit na kunin ang sinabing may-bahay; salamat di't sa-rarating si hral. Tomas Mascardo . . " (Alvarez[Katipunan], 342)

Sa kabuuan, walang nabanggit na panggagahasa sa lahat ng mga pahayag – ni Oryang, ni Bonifacio at ni Santiago Alvarez.  Maari ngang nangyari ang panggagahasa kay Oryang ngunit dahil sa kaugalian noon panahon na iyon na itago ang pagkakasira ng puri nagsasawalang kibo na lamang si Oryang.  Subalit habang walang salaysay o malinaw na katibayan na nagpapatunay na tutuo ang sabi-sabi na si Oryang ay ginahasa, masasabing ang panggagahasa kay Oryang ay hindi nangyari, kahit tutuong dalawang ulit na tinangka ito sa kanya.


Lumipat naman tayo sa ikalawang punto.  Sinabi ni Gg Ocampo na hindi siniyasat o pinarusahan si Koronel Bonzon ni Aguinaldo.  Kulang-kulang ang pahayag na ito.  Ang Hukom sa paglilitis kay Bonifacio na si Baldomero Aguinaldo ay naghain ng mungkahi noong ika 7 ng Mayo, 1897 sa Hukbong Hukom na siyasatin si Koronel Intong.  Narito ang sinabi ni Hukom Baldomero Aguinaldo:
Sa karagdagan, iminumungkahi kong siyasatin si Diego Mojica at Ariston Villanueva upang malaman kung ano kanilang papel sa pagsasabwatan, at ang kanilang pakikiisa sa balak ni Bonifacio.  Hinihingi ko rin sa Hukbong Hukom na magbukas ng pagsisiyasat sa masamang asal ni Koronel Bonson tungkol sa napabalitang di mabuting pakikitungo at tangkang panggagahasa sa asawa ni Bonifacio.” (Salin mula Ingles sa Taylor, 1:328)

Sa kasamaang palad, walang nangyari sa mungkahi ni Baldomero Aguinaldo dahil ang huling tanggulan ng pamahalaang himagsikan, ang Maragondon, kung saan ginawa ang paglilitis kay Bonifacio, ay nilusob ng mga Kastila at nagkaroon ng mainit na labanan na ikinasawi ng marami sa magkabilang panig.  Nakubkob ang Maragondon pagkatapos ng matagal at mahirap na labanan at sumunod na nakuha ng kalaban ang maliliit pang bayan – Mendez Nunez, Amadeo, Alfonso, Bailen at Magallanes na madaling napasakamay ng mga Kastila.  Nawasak ang pamahalaang himagsikan at nagkahiwa-hiwalay ang manghihimagsik sa kalapit na lalawigang Batangas at si Aguinaldo naman, kasama ang natitirang tauhan at maraming taongbayan, ay tumakas patungo sa Biak-na-Bato sa lalawigan ng Bulakan.


Papaano sa ganitong kalagayan mabibigyan ng pangunahing pansin ang sumbong na panggagahasa? Ang mga taong ito ay hindi nakaupo sa kanilang mga upisina at nagkakape tulad marahil ng nais ipahiwatig ng ilang mananalaysay.  Tama lang na ang unang bibigyang halaga ni Aguinaldo ay asikasuhin ang natitirang pang mga kawal, ikamada muli at isaayos ang hukbo.

Ang panggagahasa ay isang malubhang pagkakasala noong panahon na iyon – paghihiganti sa mga kamaganak ng napariwara at dagliang kamatayan naman sa nanggahasa.  Halimbawa, si Koronel Ritual (ang pinuno na nangalaga ng pinagkulungan kay Bonifacio) ay ginahasa ang magandang anak ng isa niyang nakabababang pinuno.  Ang ama, isang tenyente na nangangalang Antonio, ay hindi nagpakita ng sama ng loob o galit sa halip ay gumawa balak na paghihiganti.  Naghanda siya ng isang engrandeng tanghaliang na mayroong nilaga at piniritong manok, pesang kanduli and adobong hito, na may alak at iba pang pampagana.  Nang magsimulang kumain ang koronel at kanyang kasama, isang malakas na unday ang tumama sa ulo ng koronel at agad siyang namatay.  Nagtangkang tumakas ang kasama ngunit siya man ay inundayan sa ulo at napatay.  (Alvarez[Katipunan], 441)  Ganito ang kapalit ng pagdungis sa puri  ng isang babae mula sa kanyang mga kamaganak.


Si Oryang ay pamangkin ni Mariano Alvarez, ang pangulo ng sangguinang Magdiwang ng Katipunan, at pinsan ni Heneral Santiago “Apoy” Alvarez, ang kapitan heneral ng hukbong Magdiwang.  Ang mga Alvarez ay makapangyayari sa kalahati ng Cavite.  Hindi kaya kataka-taka kung bakit si Mariano Alvarez (at ang anak niyang si Santiago) ay tahimik at hindi nagbuhat ng kamay upang ipaghiganti o humingi ng katarungan sa ginawang paglapastangan sa kanyang pamangkin?  Ang kasagutan ay malinaw: paniwala ang mga Alvarez na walang nangyaring panggagahasa at walang dahilan upang maghiganti o humingi ng katarungan.

Ang mga salaysay ngayon tungkol sa sinasabing panggagahasa kay Oryang ay paulit-ulit na ikinakalat, na nagdadagdag ng gatong sa kumukulong kalituhan sa kasaysayan, na nagiiwan ng maitim na mantsa sa alaala ng ating mga bayani, kahit haka-haka lamang at walang katanggap-tanggap na katibayan.  Dapat matigil ito alang-alang sa pagkakaisa nating mga Pilipino.

<><><>-o-O-o-<><><>

























































































































No comments:

Post a Comment