Thursday, October 21, 2021

Ang Nawalang Pananalapi ng Republika

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “How the Treasury of the First Philippine Republic Vanished,” na matatagpuan sa pahina 292-295 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Ang Republika ng Pilipinas noong 1898 ay mayroong  pamamaraan ng pananalapi na sumasagot sa pangangailangan ng pangdagat at katihang hukbo at gastusin ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan tulad ng panglabas na palatalastasin (foreign affairs), pangloob na pamamahala (interior), pampaaralan, pahatiran, gawaimbayan, pagbubukid, kalalang (industry) at kalakal (commerce).


Ayon kay Leandro H. Fernandez, ang talagulgulan (budget) ng republika ay $6.3 milyon (Mehicano). Ang $4.0 milyon ay galing sa buwis pangdigma na sinisingil sa lahat ng mga taong labinwalong gulang at pataas, $1.0 milyon ay galing sa buwis ng kinita at adwana, $0.5 milyon sa kalakal, at $.0.8 milyon kung saan-saan galing. Mayroong nakahiwalay na pondo na inutang sa halagang $0.3 milyon. (Fernandez, 165)

Hindi malinaw kung magkano ang natirang salapi nang nakubkob ng mga Amerikano ang huling kabisera ng mga Pilipino sa Tarlac noong Nobyembre 1899.  Ang mayroong salaysay ay ang ginawa ni Presidente Aguinaldo na tangkang pagtatago ang kabang yaman na sa kahuli-hulihan ay nahulog pa rin sa kamay ng mga Amerikano.

Habang lumalapit ang mga pwersa ni Heneral Arthur MacArthur sa Tarlac, humirang si Presidente Aguinaldo ng apat na pinuno at dalawampung kawal upang itago ang salapi at mahahalagang kasulatan ng pamahalaan.  Isinalaysay ni Maximo B. Sevilla kung papaano sininop at inilayo ang mga salapi at kasulatan.  Aniya:

“Samantalang ang hokbong tagalog ay napipilan sa lahat ng dako, sunodsunod ang pagtatagumpay ng mga kalaban ng lahi; sa lahat ng tagpuan ay daigdaigan ang mga kawal tagalog, at kung malaginlin ay parang dahon ng halaman kung ginagahasa ng unos.  Salat sa pagkain, at kulang sa kasangkapan magagamit sa pakikidigma, ang mga Pilipino ay napilitang umurong ng umurong.  At noon nagsimula ang pagsambulat ng hukbo ng lahi.  Natulad sa isang walis na napatdan ng buklod, sumambulat na lahat ang mga tingting.  Ang mga kawal Pilipino ay nagkaniya-kaniya na ng lakad at kung saansaang gubat nagsisipagtago.  Iilanilang pulutong na, ng mga bayani ang natitira na siyang matatapang na nakikidigma at ipinagtatanggol ang kalayaang ibig gagahin, at ang mga ito ang pinagdudumugan ng mga amerikano.  Si matandang Selso ay ipinakaon ng mataas na pamahalaan, na nang kasalukuyan ay na sa Tarlak at ikinatiwala sa kanyang pangangalaga ang malaking bahagi ng pananalapi ng himagsikan, upang kalingain niya at ilayo sa kamay ng mga kaaway. Gayon nga ang ginawa.  Isinakay sa labinwalong kariton ang lahat ng salapi, at kasama ng apat na pamunuan at dalawangpuong kawal na yumaong patungo sa Hilaga." (Sevilla, 133-134)

Naglakbay ang pangkat mula Tarlac patungo Pangasinan, tumagos sila sa makikipot na daan sa mga bundok at halos sila ay maabutan ng mga humahabol na mga Amerikano.  Ang namumuno na si Selso ay nagpasya na ibaba ang kanilang dala at ibaon sa may bangin pagkatapos na pakawalan ang mga kawal upang humayo ng kanilang nais.

 Ang pagtatago sa salapi ay isinalaysay ni Sevilla.  Aniya:

Sinimulan nila ang pagtatago ng salapi; at sapagka’t sila ay aapat na, at gahol sa panahon ay di na nila nagawang ibaon ang napakaraming kayamanang na sa kanilang pangangalaga.  Ibinubuhos nila na parang gasang sa kailaliman ng bangin, sa pagasang ang tiyan ng lupa ay siyang matapat na katiwalang magtatago ng salapi ng himagsikan.  At ang kalansingan ng salaping nagpalopalo sa batong nagungos ang siyang bumagabag sa katahimikan ng gabi; ng gabing napakalagim na parang piping saksi na nagmamasid sa bawa’t kanilang kilos.  Nang sila ay matapos ay maguumaga na.  Ang mga salaping papel, ang mga kasulatan na kinatatalaan ng malaking bahagi ng kasaysayan ng himagsikan, ang mga kahong pinagsidlan ng pilak at ang lahat ng kariton ay pinaglapitlapit nila at saka sinusuhan.  Ang lagablab ng apoy ay napaitaas at ilang sandal pa ay abo ng lahat ang kanina ay salaping-papel at mga kasulatan.  Subali’t ang silab na inaakala nila na siyang maglilihim ng kanilang ginawa ay siyang nagsiwalat sa kaaway ng kinaroroonan nila.” (Sevilla, 163-164)

Kapag karaka ay natunton ng mga Amerikano ang kayamanan nang ang isa sa mga kawal Tagalog ay sumuko at itunuro ang lugal ng pinagtaguan.  Agad nagsitungo ang mga sundalong Amerikano at kabayuhan at kanilang nakuha ang kayamanan.  Dalawandaang libong dolyar ang naintriga sa mga pinuno ng Pangatlong Kabayuhan ng hukbong Estados Unidos, subali’t marami ding sundalong Amerikano ang nakapagtabi at sinarili ang kanilang naitago.

Narito ang salaysay ng isang pinuno ng hukbo ng Estados Unidos, si Komandante Edward S. O’Reilly.  Aniya:

Kami’y dalawang araw nang naroon nang matuklasan ang kayamanan ni Aguinaldo na ibinaon.  Nababasa ko ito sa mga pahayagan ngunit ngayon ko lang natalos ang katunayan.  Narito ang pangyayari.  Isang magkakaritong Tagalog ang lumapit sa himpilan ng mga manunubok (scouts) at humingi ng makakain.  Pagkatapos niyang kumain at mausisa, sinabi niyang siya ay nagsilbi sa mga insurekto.  At pagkatapos ng matagal na tanungan ito ang kanyang isinalaysay.  Siya ang humawak ng isang karitong hila ng kalabaw na naghakot ng mga gamit ng mga pinuno ng pamahalaang insurekto.  Kasama rito ay tatlong karitong punong-puno ng pilak na salapi, mga kasangkapan at maraming kahon ng mga kasulatan.  Ang salapi ay nakabaon sa may burol isang milya ang layo mula sa pagakyat sa bundok.  Nakita niyang ibinaon.  Lahat ng mga naghawak ng kariton ay tinipon at pinabantayan.  Dahil sa takot niyang baka siya ay ipabaril dahil sa nalalaman niya tungkol sa kayamanan, siya ay tumakas at nakarating sa San Nicolas.  Dumating siyang masakit ang katawan at gutom.

“Nang maisalaysay ang buong pangyayari, ang mga manunubok ni Lowe ay nagsilundagan sa kanilang baril at nagsitungo sa burol.  Bawat isa ay nalalarawan ang malalaking lalagyan ng salaping pilak at sako-sakong ginto ng mga Kastila.  Kami ay nangangalahati pa lamang patungong burol nang nilampasan kami ng mga kabayuhan ng Pangatlong Kabayuhan.  Para namang hiwaga kung bakit ang salaysay tungkol sa kayamanan ay nakarating at umikot sa bayan.  Naglalakad lamang kami kaya naiwan kami ng malayo ng mga kabayuhan.  Nang nakaratinig kami sa burol, nakita namin ang mga kahon ng pilak na inilululan sa mga kariton.  May nakita rin kaming isang kahon ng gintong salapi.  Nalaman din naming mahigit sa dalawandaang libong  salapi ang naisulit sa pamunuan ng Pangatlong Kabayuhan.  Sa aking pagkaalam hindi ito lamang ang kayamanan.  Galit at bigo kami habang minamasdan namin ang mga sundalong kabayuhan.  Sa bawat kilos nila parang tumutunog ang isang sakong salapi.  Pati mga bulsa ng kanilang luklukan sa kabayo ay puno ng pilak.  Malungkot kaming bumalik sa bayan.

“Alam ng mga sundalo na sila ay kakapkapan pagbalik nila sa San Nicolas.  Kaya gumawa sila ng mga paraan upang maitago ang salapi bago dumating ng bayan.  Tinatalian nila ang mga salaping pilak ng panyo at inihuhulog sa dinaraanang kadawagan o sa likod ng malalakiing bato.  Ang pulutong ng mga sundalo ay pinatayo sa liwasan ay bawat isa ay kinapkapan ng mga pinuno.  Ilan libong dolyar din ang nakuha sa kanila.  At sa takbo nga ng pangyayari, mga manunubok ang nakatalagang magbantay sa labas ng bayan na malapit sa landas.  Nang gabing iyon, may mga sundalong kabayuhan ang nakitang pumupuslit sa hangganan ng binabantayan, at napagwari ng mga manunubok kung ano ang pakay nila.  Kaya sila ay nagbuo ng kawing-kawing na pagbabantay at hinintay ang pagbalik ng mga sundalong kabayuhan.  Kaya ang nangyari napilitang magbigay ang mga sundalong kabayuhan ng kanilang tagong salapi kaysa madala sa kulungan.

“At sa huli ay hindi rin naisahan ang mga manunubok at nakaparte din sila sa kayamanan.  Ilang araw ang lumipas at natuklasan ang mga kasangkapang galing sa himpilan ng pamahalaang insurekto.  Sa isang malinis na lugal sa gubat ay naroon ang maraming lamesa, upuan, at kung ano-anong gamit gawa sa magagandang klase ng kahoy – lawaan, nara, teka, at iba pa.  Hindi naming magagastos ang mga kasangkapan sa kantina kaya iniwan lang namin ang mga ito sa gubat.” (Isinatagalog mula sa O’Reilly, 119-121)

<><><>-o-O-o-<><><>

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 



No comments:

Post a Comment