Saturday, January 2, 2021

Mga Katipunerong Tapon sa Isla Carolinas

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “The Story of Captured Katipuneros Exiled to the Carolinas,” na matatagpuan sa pahina 35-45 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know."  Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Ang kamangha-manghang karanasan ng mga Katipunerong nabihag sa labanan sa San Juan at ipinatapon sa Iyap Isla Carolinas.  Bakit kaya ang mga ganitong kwento ay hindi naisasapelikula?




Maikling kabuuan: 

Animnapu't limang mga Katipunero na nabihag sa labanan sa San Juan del Monte noong ika-30 ng Agosto, 1896 ang ipinatapon sa Isla Yap sa Carolinas at doon ay dinanas nila ang katakot-takot na hirap at pasakit – kasalatan sa pagkain, masikip at maruming tirahan, sagad sa mabigat na trabaho at palaging sinasaktan.  Nagbago ang kanilang buhay nang mapalitan ang gobernador ng Isla na itinuring silang hindi mga bilanggo kundi mararangal na tao.  Itinigil ang parusa at pananakit at binigyan sila ng maayos na pagkain at tirahan.  Minsan ay tumanggap ng sulat ang gobernador mula sa pamunuan ng corporacion religiosa sa Maynila na ipinatutupad sa kanya isang malupit na paraan ng pagtrato sa mga bihag na rebeldeng Pilipino.  Anang sulat, ang mga bihag na ito’y dapat gutumin sa pagkain at busugin sa palo hanggang mangamatay.  Pagalit namang sinabi ng gobernador na siya ang makapangyarihan sa Isla at walang prayleng makapaguutos sa kanya kung ano ang nararapat niyang gawin.  Hindi sinunod ang utos ng mga prayle at sa halip na sila’y higpitan lalo pang napabuti ang kalagayan ng mga bilanggong Pilipino dahil binigyan pa sila ng karagdagang pagkain, kalayaang makapagpahinga o maglibot sa Isla anumang oras na kanilang ibigin, huwag lamang tatakas ng Isla o lalampas sa takdang oras ng pagkain o pagtulog.  Nakabalik ang mga bihag na Katipunero  sa Pilipinas nang ibigay ng Espanya ang Isla sa Alemanya at bago sila naghiwa-hiwalay ay ipinagtapat ng gobernador na isa siyang pranses na naninilbihan sa pamahalaang Espanya at hindi siya lumuluhod sa mga prayle o kumikilala ng kanilang kapangyarihan at hindi siya payag ng siya’y gawing sangkalan ng mga napapanggap na banal upang pumatay.  Bilang payo sa mga Pilipino, sinabi ng gobernador na hindi nila dapat ikahiya ang nangyari sa kanila kundi dapat pa nga silang igalang at ipagbunyi dahil sa ginawa nilang pagpapakasakit para sa kalayaan ng kanilang Inang Bayang Pilipinas.

Ang sumusunod ay hinango ng buong-buo mula sa pahina 409-417 ng aklat ni Santiago Alvarez, "The Katipunan and the Revolution, Memoirs of a General, with the original Tagalog text."

Atin munang iwang saglit ang mga kilusan at paghahanda ng mga Anak ng Bayan sa kasalukuyang pagkikipaglaban, at atin namang tanawin ang madilim, matinik at mabanging landas ng Kamatayan, na kinasisiyahang lagusin ng Katipunan sa panunuparan ng kanyang tungkulin at pagtatanggol  sa kalayaan ng bayang tinubuan.

Naririnig pa marahil noong mga kaharap ang malakas na sigaw ng Supremo Andres Bonifacio na, “Sisid, mga Kapatid” noong umaga ng ika-30 ng Agosto, 1896, nang kasalukuyang nililibid ng mga sandatahang katipunan ang mga kaaway na kawal kastila na nagtatanggol ng himipilang Polvorista ng San Juan del Monte, Rizal.

Masiglang dumaluhong ang mga kawal gulukan, at sa mga puno nila ay kabilang si tenyente Bulalakaw, Miguel Ramos, at ng lumapit sa tanggulan ng mga kaaway ang lumulusob, ay sinalubong ng makapal na punlo, at isang sandali pa ay namayani naman ang putukang nanggagaling sa harap at likod ng mga Anak ng Bayan, dahil sa pagkadating ng saklolo ng mga kaaway na lumupig sa hukbo ni hral. Salogo, Ramon Bernardo, sa Santa Mesa, nang umaga ring iyon.

Mangkani-kaniyang ligtas”, - ang malakas na sigaw ng Supremo.  Magulung-magulo ang mga katipunang nagkani-kaniyang takbuhan ng pagligtas sa kagipitan.  Dapa”, - ang sigaw ni tenyente Bulalakaw, Miguel Ramos, sa mga kawal na gulukan, at ang mga kawal, nang magsidapa, ay ibinabaon ang katawan sa lupa, hindi makuhang magsitindig, dahil sa pangamba sa masinsin at makapal na punlong nagsalabat at mababa ang takbo.  Datapwa’t sumapit ang hangganan ng kagipitan, nakatayo at nakadapa man, iisa ang magiging kapalaran, at mabuti pa ang tumindig at lumaban, o umiwas, sa mag-antay ng punlo ng kaaway sa pagkadapa; marahil, sa gayong pag-iisip kaya kahi’t dumaragsa ang malakas na ulan ng mga punlo, ay isa ang biglang nagtindig at kumaskas ng takbong paiwas, at sukat ang naging halimbawang iyon, lahat ng nakadapa ay nagtindigan na rin at nakani-kanyang pagliligtas, na anopa’t sa gitna ng umuunos na punlo ng mga kaaway, ang mga anak na bayang gulukan ay naglisaw na walang tukoy na gagawin.  Marami rin ang nakalabas sa gayong pagkagipit, bagaman maraming sugatan, at ang mga namatay ay di na nakuha sa harap ng mga kaaway.

Ang mga kabayuhang kaaway ay nangharang at nanghagad sa nagpulasang katipunan, hanggang ika-12 oras ng tanghali na sa ibabaw ng bundok ay abutin at mahuli ng kabayuhan ang mga katipunang Manuel Castaneda, Teodorico Castaneda, Claro Castaneda, Catalino Bustamante, Victor de los Reyes, Miguel Ramos, at iba pa.”

Dahil sa bagay na ito, ay ipinahayag ni tenyente Bulalakaw, Miguel Ramos, ang kanilang dinanas sa pagiging bihag upang iagapay sa mga naiwan sa parang ng himagsikan, at matimbang kung magkakapatas o hindi ang mga sakit, dalita, hirap at panganib ng buhay, ng mga umiibig at nagasa ng Kalayaan ng Inang Bayan.

Nadakip kami ng mga kabayuhang kaaway, ipinababa sa lupa ang mga gulok naming hawak, ipinataas ang aming mga kamay at pinaurong ng layong isang dipa at kalahati sa mga sandata na pinagsasamsam at inapuhapan ang buong katawan namin, bago ipinagapos na abut-siko ng ga-daliring lubid na sinulid, at dinala sa himpilang sibil ng Marikina.

PInagkaisahan naming magkakasama na, saan man dumating at sa anumang paglilitis, ay sasabihing kami’y magsasaka at sa paggawa ng bukid naraanan ng mga taong barilan, pinipilit hingan ng baril, at nang walang maibigay ay hinuli at ginawang pangunahin at isinubo sa himpilan ng Polvorista sa San Juan del Monte, hanggan sa nang magtakbuhan ang hinagad at kami’y nahuli nga ng kabayuhan.  Pangatwirang siya naming isinusulit sa bawa’t punong kastilang sa ami’y lumitis.

Nang hapon ng ika-2 ng Sept., 1896, ay di kami binigyan ng pagkain at dinala sa Bilibid (sa Manila), at kinabukasang ika-3 ng Septiyembre, ay minsan lamang kaming pinakain, at nang ika-11 oras ng gabi ay pinag-gagapus na naman kami ng mahihigpit na abut-siko, pinagtutulakang inilabas ng Bilibid, dinala sa daungan, at isinakay sa bapor na kung tawagin ay Churruca.  Anim-na-pu, at lima kaming mga bihag, na kung itigil na saglit ay halos di na makalakad, pata sa hirap at gutom ang mga katawan, bakit mahihigpit ang mga gapos.  Inipon kami sa loob ng daong, at binuksan ang pinto o panakip sa ibabaw, lunas na hulugan o lagayan ng mga kasangkapan, madilim at walang hangin kung napipinid, may isang barang parisukat na panakip sa ibabaw.

Kami’y naliligid ng mga bantay, bagaman pata sa hirap at gutom at mga gapus pang katawan, nang kaginsa-ginsa’y pinaghahabok kami ng walang tuus na hampas ng dalawang kawal kastilang may hawak na palasan, at sa aming pagkakabali-baligtad sa malalakas na palo, ay isang tinig na malakas ang nagsabing “enterrar los muertos!” at kami’y pinagtulungang sinipa at itinulak hanggang mahulog sa lunas ng daong na aming pinatakan nang may patihaya, pataob, patagilid, pasubsub, at iba pang ayos.

Sa lunas ng daong ay totoo kaming masikip, bakit may mga gapus pa.  Sandigang napakagipit ang aming pinakahiga, at sa pag-aagaw buhay ay nagsasamantala sa ibinibigay na maruruming pagkain at inumin.  Siksikan at walang kilusan, kaya ang aming mga damit ay namimigta sa dumi, bakit totoong maalinsangan at ang pintong bahagyang nakabukas sa ibabaw na dinadaanan ng simoy ng hangin ay nahaharangan pa ng mga nagbabantay sa mahihina na at gapus na gapos na mga katawan.

Dumating ang daong sa Iyap, Islas Carolinas, hinango kami ng lubid sa hukay na pinagkulungan at binibilang na inihuhugos sa katihan, sa pag-aalalang baka may nakatatanan.  Pinalakad kaming taboy ng palo, tulak at sikad, hanggang maiharap sa komandante Miguel Marquez, gobernador militar ng Isla, at ito, marahil dahil sa aming karumihan at kabahuan, ay di kami pinalapit, at sukat ang sinabing kami’y pagaalisan ng gapos, dalhin sa paligawan ng mga baka sa tabing dagat, papaliguin at paglinisin ng mga damit.

Isang bundok na ang dakong ibaba’y natutuntong sa buhanginan ng malaking dagat at may matibay na bakurang kulungan ng mga hinuhuling baka.  Sa loob noon kami’y mga hubad na nagbibilaran ng mga damit, matapos makapaligo at makapaglinis.  Dumating ang dalawang kastilang may dalang pangkuhang-larawan, at hubu at hubad kaming inaayos at kinunan.

Ang Iyap ng Islas Carolinas, ay siyang parusahang sa ami’y pinagdalhan.  Ang gobernador doon, komandante Miguel Marquez, ay totoong masungit tumingin at magpasunod sa mga bilanggo, bukod sa pagpapalagay na mababang lahi at uri ang mga pilipino, sa harap ng mga europeo, at sadyang nauukol lamang ng mga lingkod na alipin ng mga puti sa habang panahon, kaya pinawang kanin at nilagang munggo na walang anumang halo, ang ipinabibigay sa amin sa lahat ng oras at araw na pagkain bukod sa tig-kakaunti lamang na di sapat sa dami ng katatagang pagkain ng tao.  Araw-araw ay natatali kami sa mahihirap at apurahang gawain, gaya ng maghakot ng lupa, maghukay o magtambak, na kung aming isipin ay pagpapahirap lamang sa amin ang pagpapagawa, sapagka’t walang magiging kayarian ang bawa’t naisip ituro; datapwa’t may daang dapat mayari, mapantay ang mga burol at matabunan ang mga labak, ang daang tungo sa daungan ng mga bapor, at bahay pamahalaan, nguni’t ang daang ito ay ipinagagawa lamang sa amin ng singkad na tatlong araw sa panahong idinadating  hanggang umalis ang bapor koreo, at tinatawag naming Impiyerno, na nabubuksan kung dumarating ang inuulit na bapor koreo, kaming mga bilanggo ay nahahanay sa daungan at handa sa pagpasan ng mga dahaling iaahon, ang mga kawal kastila at ang impanterya blg. 78 ay hahanay na madalang at mahaba sa magkabilang panig ng daan, na ang mga hawak ay makukunat na lunobo ng kahoy, kawayan, yantok at iba pa.

Pagkasadsad ng bapor, isang opisyal na marino ang mag-aabot sa gobernador Miguel Marquez ng isang sulat at pagkabasa ay ipag-uutos sa mga bilanggo ang pag-aahon ng mga hakutin.  Maghahakot na ang mga bilanggo na putos ng mabibigat na pasanin at pagkaahon sa daong ay tuloy sa pagdadalahan; ang gobernador ay mamamaywang, itataas ang kamay na may hawak ng tinanggap na sulat at iwawagayway.  Ang mga bilanggong putos sa mga dalahin, habang lumalakad ay pinapalong  mabuti ng mga kawal na nagbabantay, sa dahilang masama raw pumasan, mahinang lumakad, nagaasikot, ayaw magdala ng mabigat, natitisod, nagpipilay-pilayan, hihinkud-hinkod at iba pa.  Kung matapos ang mga hakutin at di pa naglululan ang bapor, sa pag-alis, ang mga bilanggo ay pag-aantayin sa daang bapor, at yaon ding pahirap ang ibinigay, pinapalong mabuti sa hinahakutan ng lupa, pinapalo sa pinagdaraanan at pinapalo sa pinagtatambakan, ng mga bantay na kawal kastila at impanterya, parusang nahihinto sa paghahatid ng mga ilululan sa bapor at sa pag-alis nito, at dahil sa mga pahirap na aming dinaranas, pagkaalis ng bapor ay maraming bilanggong nagtutuloy ng ospital, na ang mga sakit ay lagnat, pamamaga ng katawang binugbog, pamiitig ng mga ugat at laman, mga pasa, bukod at gasgas ng katawan sa pagkasubasob o pagkatihaya dahil sa lakas ng palo.  Sa gayon nanatiling mahabang araw ang aming malungkot na buhay, at palagay na ang aming mga loob na idinadamay at isinasamang maging kapupunan sa bilang ng mga kapatid na nangabulid sa kadiliman ng gabi sa pagibig sa Inang Bayan, at naihabilin na namin sa kalinga ni Bathala ang aming mga magulang, asawa, anak at mga kapatid, sa tagubiling pagningasing lagi ang kanilang puso ng pag-ibig sa Inang Bayan.

Isang araw ng Linggo ay umugong ang balita sa Isla na ang gobernador Komandante Miguel Marquez, ay hahalinhan ng isang Koronel, at di naman naglipat linggo, ay dumating ang isang daong-pandigma, na nilunsaran ng isang sakay na puno at sinalubong ng Gobernador Marquez.  Ang punong dumating ay ang Koronel Salvador Cortes, at siya ang hahalili sa gobernador Marquez.  Napagwari ng mga bilanggo na mabuti ang ayos at tindig ng pangangatawan, maayos din ang mukhang kinaaalang-alanganan, datapwa’t may ayos na mabalasik at laging lantad ang mukha kung makipag-usap kaninuman, hindi katulad ng gobernador Marquez na maamo ang mukha at laging nakatungo na di nakikita ang lahat ng kaharap; kaya nasabi ng isang bilanggo: - “Oo, kung iyang mukhang tupa, pinahirapan tayo, di lalo na iyang mukhang Leon.  Sukat na ang maraming pag-uusap, at tayo’y humanda sa lahat ng darating sa atin.”

Marahil ay sa paglilipatan ng mga pananagutan at ng tungkulin, kaya ang Koronel Cortes, ay kasama ng Komandante Marquez sa palipat-lipat na pagdalaw sa lahat ng tanggapan ng  pamahalaan, at nang pumasok sila sa bilangguan, kaming mga bilanggo ay sumaayos at nagbigay ng galang, na tinugunan ng Koronel ng galak at kasiyahan.

Nagtuloy sa lutuan at hinanap ang pagkain ng mga bilanggo.  Nakita ang  sinaing na pinawa, at ang nilagang munggo; hinalong mabuti ng sandok, at matapos masiyasat ay itinanong kung ano iyon, at sa ano gagamitin.  Iyang po ang pagkain ng mga bilanggo”, - ang sagot ng nagluluto.  Ang koronel ay saglit na natigilan at nagbuntung-hininga, tinapunan ng tingin ang ayos ng mga bilanggo, saka sinikaran ng malakas ang nangadurog na lalagyan ng sinasabing pagkain, at namumulang nagtanong kung doo’y may hayop na pinakakain, at kung wala, bakit pagkain ng hayop ang ibibigay sa kapwa tao.  Noon din ay madaling ipinatawag ang tagapamahala sa tanggapang iyon, at pagkaharap ay sinabing: “Ako ngayon ang gobernador dito, kahalili ni Komandante Marquez.  Ipinaguutos ko na ang mga bilanggo ay bibigyan ng mabuting pagkain, pagtingin at pakikisama, ihahanap ng mabubuting isda at igawa ng mabubuting luto, may sabaw o wala, ayon sa kanilang ibigin.  Kung kulang sa sariwa o mabuting ulam na nabibili, buksan ang imbakan at bigyan sila ng mga sariwang karne, o anumang mabuting ulam.  Ang malinis na bigas ang isasaing na kakanin nila.”  Tiningnan ang orasan at nang makitang higit na sa ika-11  oras ng tanghali, ay sinabing buksan ang imbakan ng mga ulam, madaling mag-ayos ng pagkain, at ika-12 oras ng tanghali pakanin ang mga bilanggo, at tuloy umalis kasama ang Komandante Marquez.

Mga bilanggo, matatangos ngayon ang inyong ilong”, - ang bati ng punong-katiwala ng kawanihan..

Matapos ilipat sa koronel Salvador Cortes ang tungkulin at pananagutan ng pamahalaan sa Iyap Oksidental ng Islas Carolinas, ang nahalinlahang komandante Miquel Marquez, lulan sa pag-alis ng daong pang-digma na naghatid sa humalili, at bilang unang biyayang ipinagkaloob ng bagong gobernador, koronel Salvador Cortes, ang pag-uutos sa puno ng bilangguan na sa umaga bigyan ng sagana at mabuting kape, asukal, tinapay na bago, mantekilya at sardinas ang mga bilanggo, gayon din sa tanghalian, mirindal at hapunan, mabubuting pagkain, kung linggo at mga araw ng pangilin, tsokolate, tinapay, keso, hamon at pritong baboy, baka, manok, o isdang masasarap, sagana sa panahog ang may sabaw at walang sabaw na luto, mga bungang kahoy na pang-alis suya, tig-isang kopang ugali ang laki ng mabuting alak ng ubas, at matamis na panghimagas, sila’y pabayaang makalaya, gumawa kung ibig,magtulog, maglibot o maglibang, nguni’t di lamang maaring makalabas ng Isla, at di rin maaari na sila’y wala sa himpilan mula sa ika-10 oras ng gabi, hanggang ika-7 ng umaga.  Ika-6 ng umaga ang almusal, ika-12 ng tanghali ang tanghalian, ika-3 ng hapon ang mirindal at ika-6 ang hapunan, mga biyayang ibinigay sa amin ng Diyos na totoong kinagagalakan at lagi naming pinasasalamatan.  Malaya na raw kami, ang sabihan ng aking mga kasamahan; mainam nga pala ang malaya, sagana sa kain, sa paglibot, sa paglilibang, sa pagtulog, at gumagawa kung ibig.  Tutoo, ang paliwanag ko sa lahat, nguni’t tayo’y di malaya at nakakukulong sa Islang ito; anopa’t sa ating dinaranas ito’y isang munting kalayaan nguni kung ang bayan ang siya nang malaya, ay lalong makikita ang buong kasiyahan, dunong, yaman, kapurihan, karangalan at lahat”.

Ugali doon na kung araw ng linggo, at ng mga pangilin sa pintakasi ang lahat ng tao ay umaahon sa bundok at  dumadalo ng pananalangin sa doo’y natatayong isang simbahan ng mga pareng romano.  Ika-7 ng umaga umalis kami sa himpilang bilangguan ng pagdalo sa simbahan, at nang ang paglakad ay nangangalahati na sa bundok na aming sinasalunga, sa laot ng dagat ay natanawan namin ang isang waring tabo ng bao ng niyog, maitim na lulutang-lutang sa tubig at lumalaki habang aming tinititigan.  Isang saglit pa at lalong lumaki, at natanawan namin na wari’y bakas ng usok, na habang pinagtatanawan ay nakikita ang sigabo ng makapal nang usok.  Kami ay naglambot sa pangamba, nanglumo ang aming mga katawan na di na halos makasalunga ng pagparoon sa simbahan.  “Koreo, koreo”, ang sigawan ng aking mga kasama, koreo na pag darating ay bahagya na kaming tirhan ng kaunting hininga sa pahirap hanggang umalis, kaya’t taas ang aming mga kamay ng pagsigaw ng: “Lumubog ka na, lumubog ka na! Isinusumpa ka namin, lumubog ka na!”

Nataon namang siyang pagdaan ng gobernador, kasama ang mga kawal na patungo rin ng simbahan, at kinumpasan kamin ng pagtulin; nagka-ipon-ipon kami sa pananampalataya, at nang matapos ang misa ay pinagbilinan ang katiwala sa amin ng kami’y idaan sa daungan at makatulong humakot sa bapor ng mga dalahin, bagay na ipinanginig ng mga katawan naming nanglalamig na mapapasubo na naman sa kakila-kilabot na pahirap, lalo’t isasaisip ang palagay ng aking mga kasamahan na marahil kaya kami binigyan ng kaluwagan at mabuting pagkain ay dito na ihahanggan ang aming buhay, at tulad din sa dati nangakatayo kaming malulungkot ang puso at ang mga mukha ay binabasa ng sariling luha sa pag-aantay ng oras na sa amin ay ipagpapahirap.

May 10 minuto ang lumipas.  Nang dumating sa daungan ang inaantay na bapor ng gobernador, ito’y sinalubungan ng isang sulat ng nag-abot ng punong bapor, at nang matapos basahin ang sulat ay namula at nanginig ang gobernador militar, koronel Salvador Cortes, tinawag ang patnugot ng mga bilanggo na Vicente Suarez, iniabot ang sulat at sinabing ihulog sa wikang tagalog nang malakas, upang marinig at malaman ng lahat.  Sa pagtupad ni Vicente Suarez ay binasa at inihulog sa wikang tagalog na gaya ng sumusunod:

Koronel Cortes: -

“Iginagalang na gobernador: -

“Maligayang panahon sa inyong pagsapit diyan sa Iyap Oksidental ng Islas Carolinas, at ipagtagumpay nawa ninyo ang kapurihan at karangalan ng ating Inang Espanya, hanggang sa lalong sulok na kinatitirikan ng kanyang Watawat.  Ipahintulot na ipagtagubilin sa inyo ng corporacion religiosa na ang mga rebeldes na pilipino, mga bilanggong nariyan sa Islang inyong pinamumunuan, sapagka’t iyan ang mga taksil sa gobiyerno at relihiyon, ay salatin sa pagkain, at busugin sa palo, hanggang sa mangamatay.

“Diyos ang mag-ingat sa inyo ng mahabang buhay, N.N.K.

“(May lagda ng isang praile)

Nang matapos mabasa ang sulat at maipatalastas sa amin sa wikang tagalog, ay nakangiting kinuha uli ang sulat ng gobernador kay G. Vicene Suarez, at sinabi:

Ako ang makapangyarihan dito.  Walang praileng maaaring sumaklaw o makapg-utos sa akin, at lahat ng masama na tulad nila ay di ko iginagalang sa loob ng aking nasasakop, sa halip pa’y parurusahan ko ng kakila-kilabot.  Sa inyong mga bilanggo, ipinakikiusap ko na bukas ng umaga kayo’y magsitulong sa pagbababa sa bapor ng mga dalahing ukol dito sa atin, sa paraang di kayo mahihirapan, at sakaling aabutin ng pagod sa pag-gawa, kayo’y magsialis, maglibot o umuwi kaya sa inyong himpilan.  Wala kayong anumang aalalahanin, pagka’t wala sinumang magbabantay o mag-uutos  sa inyo”, - saka nilingon ang kanyang mga kawal kastila.  Binatasang iwan ang pagbabantay sa mga bilanggo at tuloy pinauwi sa himpilan.  Pagkatapos, ay muling hinarap ang mga bilanggo, at anya pa:

Kayong lahat ay malaya sa akin sa loob ng Islang ito; maglibot o magpahinga sa himpilan, kung alin ang inyong ibigin.  Wala kayong taning na oras at walang bantay na sa inyo’y gagambala, datapwa’t sa mga oras ng pagkain ay kailangang kayo’y magkasalu-salo.  Huwag lamang ninyong kalilimutan na kayong lahat, gayon din ang mga kawal, ay aking inaanyayahan bukas ng umaga sa pagbababa ng mga hakutin sa  bapor, gayon din sa mga ilululan.  Sama-sama kayo na magkakapantay; walang papalo at walang papaluin; kapwa magsisigawa.  Kayo’y maaari nang magsipaglibot o magpahinga sa himpilan, kung alin ang inyong minamabuti” – bago kami nginitian at pinugayan, na amin namang niyukuran ng may kasiyahang loob, at kami’y kanyang nilisan.

Lumakad ang mga araw namin ng kaligayahan sa piling ng gobernador Cortes sa Islang sa ami’y pinagtapunan, na wala kaming mabigat na panimdim kundi ang pag-aalaala sa kalayaan ng bayang tinubuan at sa aming mga naiwanan.  Sa mga ipinakitang pagtingin sa amin ng nabanggit na gobernador, ay nadaragdag pa ang kung araw ng pangilin gaya ng linggo at iba pa, sa tanghali ay pinararagdagan ang aming mga pagkain ng tig-isang pinggan ng “aros balensiyana” at ng tig-isang kopang malapot at masarap na alak ng ubas.  Kaya’t ang panglilitis, pananakit, panghihina at pamumutla ng buo naming katawan sa puyat, sa pahirap at sa walang tuos na palong pakanin dili, ay napalitan ng paglakas, pagtaba, pamumula at pagiging masigla.

Dumating ang araw na umalingawngaw na ang Islas Carolinas, Iyap Oksidental, Bonaparte at Sepan, ay ibinigay ng pamahalaang kastila sa Alemanya, at di nga naglao’t dumating sa aming kinalalagyan ang isang dalawang daong, Uranus at Alba.  Ang una, o ang Uranus, ay siyang pinasakyan sa aming mga bilanggo, at nang kaming lahat ay nagasa loob na ng nabanggit na bapor, ang gobernador Cortes ay nagsalita ng ganito:

Mga kaginoohan, tayoy maghihiwa-hiwalay; kayo’y uuwi na sa inyo at kami naman ay sa aming bayan.  Ipagkaloob nawa ng Diyos na malwalhati nating masapit ang atin-atin.  Dapat kong ipatalastas sa inyo, na ako’y kawal at tagapagtanggol ng bandila ng pamahalaan ng Espanya, kaya’t sa lahat ng bayang dinating ko, na gaya nito, gaya rin sa Espanya, ako’y kastila, bagaman ang totoo’y tunay akong pranses, sa uri, lahi at sinibulan.  Nguni’t ang kapalaran ko ang naghatid sa akin na ako’y makapag-asawa sa isang espanyola sa Cartagena, Espanya, at doon ako nawiling manirahan, hanggang sumapit sa ganitong pagdadala ng mabigat na tungkulin, na inyong makarayama at makaulayaw dito sa Pilipinas.  Marahil ipinagtaka ninyo ng labis ang pakikisama at mga kaluwagang ibinigay ko sa inyo; datapwa’t dapat ninyong matalastas ang gaya ng sinabi ko na sa inyo, na ako’y pranses at di kastila na lumuluhod at humahalik sa mga praile.  Hindi ako maaaring sangkalaning maging isang mamamatay na lihim ng mga nagpapanggap na banal.  Dinaramdam ko ang hirap ng aking kapwa, sapagka’t pinagkalooban din ako ng Diyos ng isip at damdaming dapat ipagdamdam ng lahat.  Napasasalamat ako sa Maykapangyarihan at inabot ko kayong mga nakagagalaw pa, bagaman nangasa labi na ng hukay, at napasasalamat din ako at ipinagkaloob ng mabuting kapalaran na kayo’y magsilakas, sumigla at manauli sa dati ang inyong mga katawan.  Salamat sa Diyos! Kayo’y magsisiuwi na sa inyo-inyong bayan, pagka’t mula ngayo’y tunay na kayong malaya.  Sa harap ng lahat, ay wala kayong dapat ikahiya; kayo’y mga bilanggo dahil sa pag-ibig, pagnanasa at pagtatanggol ng kalayaan ng bayang tinubuan.  Inihandog ninyo nang walang pasubali ang dugo at buhay, na siyang tunay na kalaki-lakihang karangalan ng tao sa pagka makabayan na dapat masulat sa mga kasaysayan, purihin at igalang ng lahat.  At bago tayo maghiwa-hiwalay, ay mataos na ninanais ko ang tagumpay ng inyong mga hirap at sakit”.  – Pagkasabi nito, kami’y pinagkakamayang lahat; at samantala’y “Buen viaje”, mabuting paglalakabay, and di magkamayaw na sigawan naming lahat.

Ang mabait ng gobernador Cortes na lumisan sa amin, ay lumipat sa daong Alba at pumisan sa mga kawal na kasama; at a pagkakasabay ng pagtulak sa daungan, na ang daong Alba na sinasakyan nila’y patungong Espanya, samantalang ang Uranus na sinasakyan nami’y patungo naman ng Maynila; sa paghihiwalay ng daraanan, ang nabanggit na dalawang daong ay napuno ng sigawang “Adiyos! Adiyos!”.  At nang malapit nang makarinigang dili ang agwat, sa Alba ay narinig namin ang malakas na sigawang “Viva Espana”, sigaw na di ikinapigil ng aming mga damdamin sa Uranus, upang sumigaw naman ng: “Mabuhay ang Pilipinas”, bakit kami’y magsisilaya.  At ganito nga ang aming ginawa na pinagsumundan ng ilan, kung di man ng lahat, at siyang naging dahilan pa ng pagsisisihan, sa pangambang dahil sa sigaw na “Mabuhay ang Pilipinas!”, ay baka kami’y di ituloy ng Maynila at piitin na nama’t pahirapan sa ibang isla, bakit nakahalata kami sa ilang kawal at mga kastilang kasama sa bapor, na masasama ang tingin sa amin.  Gayon ma’y malwalhati at walang nangyaring anumang kapansanan sa amin, hanggan sa kami’y mairating ng Maynila.”

<><><>-o-O-o-<><><>

-           

No comments:

Post a Comment