(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Was Aguinaldo Hungry for Power?,” na matatagpuan sa pahina 233-236 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)
Una: Noong itatag ang Sangguniang Magdalo ng
Katipunan sa Cavite noon Abril, 1896, hindi pangulo ang piniling tungkulin ni
Aguinaldo. Ang pinsan niyang si
Baldomero ang naging pangulo at ang pinili ni Emilio ay ang pagiging “Teniente
Abanderado” o Lieutenant Flag Officer sa Ingles, o siyang mamumuno sa pangkat
ng mga armado. (Ronquillo, 29 at 137; Alvarez[Recalling], 23; Corpuz, 68 at 103)
Ikalawa: Noong ika-28 ng Disyembre, 1896, nang
nagpulong ang sangguniang Magdalo at Magdiwang sa Imus upang pagpisanin ang
dalawang sanggunian sa iisang pamahalan, iisang hukbo at iisang pinuno, hindi
inasam ni Aguinaldo ang pagka-pangulo.
Sa halip, inimungkahi niya si Edilberto Evangelista, isang inhenyero na
nagtapos sa Universidad ng Ghent sa Belhika, at siyang namahala sa pagawa ng
mga trincheria o hukay-tanggulan sa lahat ng mga bayang hawak ng Magdalo, ang
siyang tumakbo bilang pangulo. Walang
nangyari sa pulong na ito dahil dumating ang mga kapatid ni Doktor Jose Rizal
at asawang si Josephine Bracken at ibinalita ang hatol na pagbaril sa
bayani. (Ronquillo, 29 at 143)
Ikatlo: Sa kapulungan ginanap noong ika-22 ng
Marso 1897 sa Tejeros , bayan ng San Francisco de Malabon, hindi nakadalo si
Aguinaldo dahil, unang-una, hindi siya nasabihan na mayroong pulong, at
ikalawa, parating na ang lulusob na mga at ang inaasikaso niya ang pagtatalaga
ng mga kawal ng Sangguniang Magdalo upang makapaghanda sa pagtatanggol ng
Pasong Santol, sa Dasmarinas Cavite, kaya wawalo lang ang pinadalo ng Magdalo
sa pulong. (Ronquillo, 29 at 33) Ibinalita na lamang sa kanya ng mga
napagutusan na siya ang nahalal na pangulo ng bagong tayong pamahalaang
himagsikan. Nang sabihin sa kanya na
kailangan sumama siya upang manumpa, tinanggihan niya ang anyaya at ang sabi
niya, huli na, dahil kung sana agad nagawa ang pagsasanib ng pwersa ng Magdalo
at Magdiwang na ilang ulit niyang hiniling sa Supremo, hindi sana nahulog sa
kamay ng mga Kastila ang ilang bayan ng Magdalo. Napilit din siyang sumama at nakapanumpa si
Aguinaldo nang sa pangalawang sundo ay mismong kapatid niyang si Crispulo ang
dumating at nangangkong hahalili sa pagtatanggol. Sa kasamaang palad, napatay si Crispulo sa
labanan, nagkatutuo ang kanyang binitawan salita sa kapatid na dadaanan sa
ibabaw ng kanyang bangkay ang mga kalaban. (Saulo[Aguinaldo], 132)
Ikaapat: Nang si Bonifacio ay hindi kumilala
sa kapangyarihan ng bagong pamahalaan at gumawa ng mga kataksilang hakbangin,
iminungkahi ng mga heneral ni Aguinaldo na barilin na lamang si Bonifacio ay
huwag nang idaan sa paglilitis dahil kasalukuyang may digmaan at halos
araw-araw ay may sagupaan kaya walang panahon para sa isang paglilitis. Subalit hindi pumayag si Aguinaldo at sinabi
niyang kailangan kumilos ng mahinahon at makatao dahil ang buhay ng tao, aniya,
kahit sino pa siya, ay kailangang igalang at hindi tama na barilin na lamang na
parang isang hayop. (Saulo[Aguinaldo], 147)
Ikalima: Hinding ginusto ni Aguinaldo ang pagiging pangulo. Sa limbag ng "The Singapore Free Press noong ika-15 ng Septiyembre, 1898, inilathala na hiniling ni Aguinaldo kay Cayetano Arellano na tanggapin ang kanyang alok na maging pangulo ng pamahalaang himagsikan. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa The Singapore Free Press article - "Aguinaldo's disinterestedness')
Ikaanim: Noong kalagitnaan ng Disyembre, 1898,
nagbitiw si Aguinaldo bilang pangulo ng unang Republika ng Pilipinas, dahil
ayon sa kanya hindi siya karapat-dapat sa pinakamataas na katungkulan dahilan
sa kanyang dahop ng pinagaralan. Ang
kanyang pagbibitiw ay nakatuon sa mga mamayan at nakikiusap na bigyan siya ng
pamaskong handog na hayaan siyang mapalitan ng isang mas lalong nababagay sa
katungkulan. Ang pagbibitiw niya ay inilathala sa 5,000 kopyang sulat na
ipamimigay sa mga bayan-bayan. Nang
nakaabot sa kaalaman ni Apolinario Mabini at Felipe Buencamino ang balak gawin
ni Aguinaldo, inutos ni Mabini na likumin lahat ng kopya at ipinasunog, at
pinakiusapan ni Buencamino si Aguinaldo na huwag mababanggit ang bagay na ito
kaninuman dahil magiging sanhi ito ng pagkamatay ng himagsikan. (Saulo[Rewriting], 17;
Ronquillo, 70-71)
Ikapito: Noong digmaang Pilipino-Amerikano, habang mainit ang labanan, inalok si Aguinaldo ng Komisyadong Kapayapaan ni Schurman (Schurman Peace Commission) ng taunang pabuya sa halangang $5,000 at ang pamumuno sa mga Tagalog sa pagpili ng mga taong ilalagay sa pwesto sa mga munisipyo, kapalit ang pagpapalaganap ng kapayapaan sa ilalim ng pamamahala at kapangyarihan ng mga Amerikano. Kahit malaki halaga at makapangyayari ang panghalina kay Aguinaldo, hindi niya tinanggap ang alok at sa halip ay iginiit niya ang isang malaya at nagsasariling pamahalaan para sa mga Pilipino sa loob ng madaling panahon. (Van Meter, 151-152)
Sa kabilang dako, kabaligtaran naman si Bonifacio.
Ang mga sumusunod na pangyayari ay nagpapakitang masugid ang hangarin ni Bonifacio na makamit ang kapangyarihan, hawakan ito at gamitin:
Una: Binuyo ni Bonifacio na matanggal sa pwesto ang unang halal na pangulo ng Katipunan, si Deodato Arellano, at ang pumalit ay si Roman Basa. Subalit hindi nagtagal si Basa sa pwesto dahil nasipa din siya nang kanyang usisain ang kalagayan ng pananalapi ng Katipunan na nasa pangangalaga ni Bonifacio bilang taga-ingat yaman. (St. Clair, 44)
Ikalawa: Pagkarating niya sa Cavite noong Disyembre, 1896, tinanggap niya ang ipinagkaloob na katungkulan ng Magdiwang bilang “Haring Bayan”, at si Mariano Alvarez ay pinagkalooban ng titulong “Pangalawang Haring Bayan”, o “Vir-rey”. (Ronquillo, 140; Corpuz, 103) Bakit kaya tinanggap pa ni Bonifacio ang taguring "Haring Bayan" gayong siya na ang kinikilalang Supremo ng Katipunan?
Ikatlo: Nang malaman niyang may balak ang Magdalo na pagpisanin ang dalawang sangguniang Katipunan ng Cavite sa iisang pamahalaan na papalit sa Katipunan, agad siyang naglabas ng utos na bumuo ng bagong kilusan sa Cavite at ang hinirang niyang pangulo ay si Mariano Alvarez, at si Baldomero Aguinaldo ang pangalawang pangulo. Si Aguinaldo ay binigyan ng katungkulang Tenyente Heneral na sasagot sa Punong Heneral (General en Jefe) na si Santiago Alvarez. Nang tanungin ni Aguinaldo si Bonifacio kung ito ay ibig ng bayan, sumagot si Bonifacio ng ganito: “Hindi, sa aking sarili lamang; at di ba nila talastas at sampung ikaw po, na ako ang Supremo na tanging makapangyayari at tanging masusunod?” (Ronquillo, 552)
Ikaapat: Kinabukasan pagkatapos ng halalan sa Tejeros (23 ng Marso, 1897), iginiit niya na siya ay dinaya at ginamit niya itong paraan upang mahimok ang mga Magdiwang na lumagda sa isang kasulatan tinaguriang “Acta de Tejeros” na nagaatas sa mga halal na magbitiw sa kanilang tungkulin. Hindi pinakinggan ang utos na ito ni Bonifacio dahil ayon sa mga Magdalo maayos naman ang naganap ng halalan at lahat ng napagkayarian ay pinagtibay ng mga naroon. (Ronquillo, 93; Richardson, 320-336)
Ikaanim: Nang winalang halaga ang kanyang utos na magbitiw ang mga halal, nakumbinsi niya ang mga Magdiwang at dalawang heneral ng Magdalo (sina Mariano Noriel at Pio del Pila) sa paniwalang isusuko ni Aguinaldo ang himagsikan sa mga Kastila. Muling nagsilagda sila sa isang kasulatang tinaguriang “Acta de Naic” na ang tunguhin ay maglunsad ng kudeta at tanggalin sa pwesto si Aguinaldo. Subalit natunugan ang balak ni Bonifacio at sa pagsipot ni Aguinaldo sa pulong nila ay nagulat ang pangkat ni Bonifacio at dali-daling nagsialisan at nagkanya-kanyang tago. (Delos Santos, 47; Richardson, 355-377; Ronquillo, 106-109)
Sa kahuli-hulihan, walang itulak-kabigin sa dalawa kung sino
ang bayani at sino ang hamak. Parehong
bayani ang dalawa dahilan sa kanilang mahalagang ambag sa bayan.
Itinuloy ni Aguinaldo ang himagsikan laban sa mga Kastila na
sinimulan ni Bonifacio at siya ay nagtagumpay na makamit ang kasarinlan at
itayo ang isang republika pagkatapos na ihayag ang kalayaan ng Pilipinas. Ipinagtanggol niya ang unang republikang
Pilipino laban sa mananakop na mga Amerikano na nangailangang gumastos ng 400
na milyong dolyar, magtalaga ng 75,000 hukbo, nagbuwis ng 4,000 buhay at
sugatan, sa loob ng tatlong taong digmaan na ikinamatay ng 20,000 sundalong
Pilipino at higit sa 200,000 mamamayan.
Ang dalawang mahalagang pamana ni Aguinaldo ay ang pambansang awit at
watawat.
Si Bonifacio, kahit siya ay nakitaan ng masugid na pagyakap
sa kapangyarihan bilang Supremo ng Katipunan, masasabi talagang siya ay isang
magiting na bayani, hindi dahil sa pasimuno siya ng himagsikan laban sa mga
Kastila (marami na ring naunang gumawa nito tulad nina Francisco Dagohoy, Diego
Silang, Leon Kilat, etc.) kundi sa ginawa niyang pagpukaw sa damdaming
makabayan ng mga Pilipino gamit ang galing niya sa pagpapaliwanag ng tungkol sa
mga karapatan at tungkulin ng mga
pangkawaniwang mamamayan at husay sa paraan ng pagsasalansan ng pagbuo at pagpapalawak
ng Katipunan. Ang mga katipunerong
dumaan sa pagtuturo at pamumuno ni Bonifacio (sa tulong din ni Emilio Jacinto) tulad
nina Licerio Geronimo, Luciano San Migquel, Macario Sakay at marami pang iba ay
siyang naging haligi ng himagsikan na naging tinik ng mga kaaway noong digmaang
Pilipino at Amerikano. Inihandog ang
kanilang sarili upang makamit ang pangarap ng mga Pilipino na mahango sa
pananakop ng mga dayuhan, at maging malaya, hindi alintana ang anumang sakunang
naghihintay sa kanila at sa kanilang mga mahal sa buhay.
<><><>-o-O-o-<><><>
No comments:
Post a Comment