Thursday, April 2, 2020

Ipinagbili nga ba ni Aguinaldo ang Himagsikan?

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Did Aguinaldo Sell the Revolution to Spain?,” na matatagpuan sa pahina 113-118 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)



Marami ding mga nakapagaral na Pilipino, kasama na ang ilang kiling na mananalaysay, ang naniniwalang ipinagbili ni Aguinaldo ang himagsikan sa Espanya.  Marahil ang tinutukoy nila ay ang kasunduang Biyak-na-Bato kung saan napagkayarian ng mga manghihimagsik at ng mga Kastila na itigil na ang putukan upang mangibabaw ang kapayapaan,  kapalit ang pagsuko ng armas, patawad at  kabayaran ng malaking halaga sa panig ng mga manghihimagsik.  Sa katunayan, ang Pangulong Emilio Aguinaldo at animnapung mga pinuno ng himagsikan ay nagpulong at napagkaisahang nilang itigil muna ang labanan upang magkaroon ng panahaon na makapagpahinga at magkapagtayo ng isang puhunang pangdigma, na sinangayunan ng walang pasubali ng Kataastaasang Sanggunian ng pamahalaang himagsikan ng Biyak-na-Bato.


Nang makatakas ng Kabite si Aguinaldo at nagtayo ng himpilan sa Biyak-na-Bato, hindi na Kabite ang tumbukin ng mga Kastila kundi nalipat sa Gitnang Luson na ang sentro ay Bulakan.  Sa paglakbay ni Aguinaldo patungong hilagang Luson, kinilala ang kanyang kapangyarihan ng mga manghihimagsik sa mga pook na kanyang nadaanan.  At nang makarating siya sa Biyak-na-Bato ang mga manghihimagsik sa buong Luson ay nabuo sa isang malaking panguluhang pangpulitika at pangmilitar.  At sa maraming ulit na pagkagapi ng mga Kastila , ang kahuli-hulihan ay ang labanan sa bundok ng Puray,  napagtanto ni Gobernador Heneral Primo de Rivera na  hindi niya kayang masawata ang himagsikan sa pamamagitan lamang ng lakas.  “Makukuha ko ang Biyak-na-Bato,” ang sabi ni Rivera sa Madrid.  “Kahit sinong pinuno ay magagawa ito, ngunit hindi ko masasagot kung matatapos ko ang himagsikan.” (Salin mula Ingles sa Gregorio at  Zaide, 118)

Ang pangungusap na ito ni Gobernador Rivera  na may hawig ng pangtanggap ng pagkabigo ay hindi bago.  Ang dating Gobernador-Heneral na si Camilo de Polavieja, na siyang nagpakana ng pagbaril kay Dr. Jose Rizal at ng pagsugpo ng himagsikan sa Kabite ay nagbabala bago siya umuwi ng Espanya.  Ang sabi niya: “Ang Kabite ay alingasngas, ngunit ang Bulakan ay panganib.” (Salin mula Ingles sa Zaide, 155)  Natanggap ng mga Kastila na hindi masusugpo ang himagsikan kung lakas lamang ng hukbo ang aasahan; isang kasunduang tigil-putukan at kapayapaan ang lalong mainam na paraan. (Corpuz,133)

Sa madaling salita, ang magkabilang panig ay parehong nangangailangan ng pahinga sa labanan na kumukitil ng maraming buhay at lumulustay ng kayamanan ngunit ayaw umamin ang isa't-isa sa tunay na dahilan kung bakit sila ay payag na dumulog sa usaping kapayapaan.  Ang mga Pilipino ay nangailangan ng salapi upang itustos sa pagbili ng makabagong baril at armas upang makapantay sa lakas ng kalaban, samantala ang mga Kastila naman ay hangad na ipakita sa kanilang pamahalaan sa Madrid na nasugpo nila ang paghihimagsik ng mga Tagalog.  Kaya natuloy ang dalawang panig na magusap tungo sa kapayapaan.

Ganito ang mga pangyayari na nagsulong ng usapang kapayapaan at pagayon sa kasunduan.

Ang nagakay ng usapin para sa kapayapaan ay si Pedro Paterno na dumalo sa isang pulong ng Gobernador Heneral sa Malacanang noong ika-1 ng Agosto 1897.  Nagustuhan ng Gobernador Heneral ang kanyang panukala na subukan ang daan tungo sa kapayapaan at ito ay agad ipinaalam sa pangunahing ministro sa Espanya.  Noong ika-4 ng Agosto, binigyan si Paterno ng pahintulot na lumabas ng linya ng mga Kastila upang makapunta sa Biyak-na-Bato at nakarating siya sa himpilan ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong ika-9 ng Agosto. (Corpuz, 144)

Sinabi ni Pangulong Aguinaldo kay Paterno na walang kasunduang maaring pagkayarian kung hindi hihingin muna ang kapasyahan ng mga pinuno ng himagsikan kasama rin ang mga nasa larangan.  Kaya kinailanganan pang maglakbay si Paterno sa Morong (ngayon ay Rizal), Kabite, Laguna, Batangas, Tayabas (ngayon ay Quezon), Nueva Ecija, Bulakan, Pampanga, Pangasinan, Tarlak, Infanta, Albay at Kamarines, at nakipagkita kina Vito Belarmino, Pantaleon Garcia, Pascual Alvarez, Doroteo Lopez, Perez Gil Manikis, Salvador Estrella, Mariano Noriel, Artemio Ricarte, Benito Natividad, Esteban Viola, Jose Alejandrino, at Anastacio Francisco.  Nagparoo’t parito siya sa Biyak-na-Bato ng apat na ulit bago niya natapos ang kanyang gawain.  (Corpuz, 145)

Noong ika-27 ng Septiyembre, 1897, nagpulong ang mga pinuno ng himagsikan sa Biyak-na-Bato at isang katakatakang pangyayari ang naganap.  Isang sumpa ang nilagdaan ng mga pinuno ng himagsikan sa harap ni Pangulong Emilio Aguinaldo na nagsasaad ng: (1) “Upang maparami at mapalaki ang kayamanan ng pamahalaan ipinangangako namin na idadagdag ang aming pangsariling pagaari”, (2) “Amin ding ipagkakaloob sa pamahalaan ang anumang buwis na matitipon namin sa aming bayan o nayon,” at, (3) “Wala kaming karapatang akuin o gastusin ang salaping natipon liban kung ipinaalam at pinahintulutan ng Pangulo.”  Sinasabi rin sa kasulatan na sinumang lalabag sa sumpa ay tatanggap ng parusang isa o dalawang bala sa dibdib hanggang sa siya ay mamatay. (Taylor, 1:369)

Isinaad ni Aguinaldo sa kanyang salaysay tungkol sa himagsikan na mayroong kasunduan ang mga manghihimagsik sa Biyak-na-Bato na ang salaping ibinayad ng mga Kastila ay hindi paghahatian, kundi itatabi bilang puhunang pangdigma na gagamiting pambili ng armas para sa susunod na himagsikan. (Taylor, 1:86)  Walang makitang ganitong kasulatan na nagpapatibay na ito nga ang naging kasunduan ng mga manghihimagsik.  Ngunit kung pagtutugmatugmain ang ginawang sumpang binanggit sa itaas at mga sumunod na pangyayari, walang ibang hahantungan ang mga palagay kundi ang pagkakasundo ng mga manghihimagsik na magtayo ng puhunang pangdigma upang doon ilagak ang ibabayad na salapi ng mga Kastila kapalit ng kapayapaan.   Danga’t hindi binanggit sa sinumpaang kasulatan ang salaping manggagaling sa kasunduang Biyak-na-Bato, marahil upang ipaglihim, malinaw na isang puhunang pangdigma ang itinayo para sa kapakanan ng himagsikan na hindi magagalaw ng walang pahintulot ni Aguinaldo.

Lumalabas na inayunan ng mga pinuno ng himagsikan ang isang kasunduang kapayapaan sangayon sa isang walang petsang kasulatan na pinamagatang “Borador ng Kasunduang Biyak-na-Bato” na nilagdaan nina Pangulong Aguinaldo, Mariano Llanera, at Mamerto Natividad at nakatala sa mga kasulatang tago ni Taylor sa kanyang PIR (“Philipine Insurgents Records”) o Mga Kasulatan ng Himagsikan . (Taylor, 1:359-361; Corpuz, 145)

Marahil ang nagudyok sa mga pinuno ng himagsikan na makipagsundo tungo sa kapayapaan ay bunga ng mga nakaraang pangyayari.  Halos mauubos na ang gamit pangdigma ni Aguinaldo noong Marso at Abril nang lumusob ang mga Kastila at binawi ang lalawigan ng Kabite.  At sa Biyak-na-Bato, bumaba na ang bilang ng kanilang tauhan at pati na rin ang kanilang gamit upang ipagpatuloy pa ang laban, at nakatalaga sila sa isang ilang na taguan malayo sa panggagalingan ng pagkain at mga pangarawaraw na pangangailangan.  Napagisip marahil ng mga pinuno ng himagsikan na isang pagkakataon ang alok na kapayapaan upang makapahinga, maghintay, at magtayo ng puhunang pangdigma.  Sa kanyang sulat kay Ferdinand Blumentritt, sinabi ni Heneral Jose Alejandrino na “kung sakaling tatanggapin ang kapayapaan ito ay para lamang sa salapi na ilalaan sa paghahanda ng isang wakasang himagsikan.” (Salin mula Ingles sa Bell, 38)

Kaya noong ika-15 ng Nobyembre ang kasunduang kapayapaan ay nilagdaan sa Malacanang ng Kastilang Gobernador Heneral Primo de Rivera at ni Pedro Paterno na siyang kumatawan kay Pangulong Aguinaldo bilang Tagahatol. (Corpuz,146)

Pagkaraka’y tumawag ng pulong si Aguinaldo na dinaluhan ng humigit-kumulang sa animnapung mga pinuno ng himagsikan noong ika-14 na Disyembre, 1897 upang pagtibayin ang borador ng kasunduang kapayapaan na nilagdaan niya, ni Llanera at ni Natividad.  Ipinaubaya naman  ng mga pinuno sa Kataastaasang Sanggunian ng pamahalaan ang kapangyarihang na magpasya.  At sa pulong ng Kataastaasang Sanggunian na binubuo nina Pangulong Emilio Aguinaldo, Pangalawang Pangulong Mariano Trias, Kalihim ng Pangloob Isabelo Artacho, Kalihim Panglabas Antonio Montenegro, Kalihim ng Digma Emiliano Riego de Dios, Kalihim ng Yaman Baldomero Aguinaldo, Katulong ng Kalihim ng Pangloob Lino Viola, Vito Belarmino, at Katulong ng Kalihim ng Yaman Paciano Rizal, ang Kasunduang Kapayapaan ay pinagtibay ng walang pasubali, kahit tutol sina Paciano Rizal at Miguel Malvar na dapat daw  ay ituloy na lamang ang digmaan.  (Taylor, 1:422 at 444)

Nangako ang pamahalaang Kastila na magbabayad ng halagang 1,700,000 milyong dolyar Mehicano sa mga manghihimagsik kapalit ng pagsuko ng mga armas at pagdestierro sa ibang bansa ng mga pinuno ng himagsikan, na kasabay naman ang patawad at pagsasagawa ng pagbabago sa sistema ng lipunan.  Ang halagang 400,000 ay ibinayad kay Aguinaldo sa Hong Kong, at ang halagang 200,000 ay ibinigay sa mga pinuno na nagpaiwan sa Pilipinas.  Ang kakulangan ay hindi na nabayaran dahilan sa ang magkabilang panig ay hindi na tumupad sa mga pinagkayarian at ang himagsikan ay umusad na sa bagong yugto.

Naglabas si Pangulong Aguinaldo ng magpapayapang utos noong ika-16 ng Disyembre.  Halos lahat ng pinuno, liban sa ilan tulad ni Isidoro Torres at Francisco Macabulos (Taylor,1:417) ay agarang sumunod sa utos at sumuko sila sa mga Kastila dala ang kanilang mga tauhan at armas. Sumuko na rin si Macabulos nang isinama siya sa hatian ng ikalawang bayad na halagang 200,000; at mula sa halagang 14,000 na kanyang tinanggap, ibinahagi niya ang halagang 8,000 sa kanyang mga tauhan at inako niya ang natira. (Taylor, 1:430)

Nang katanghalian ng ika 25 ng Disyembre si Aguinaldo at labingwalong pinuno ng himagsikan ay umalis ng Biyak-na-Bato patungong Dagupan, tumuloy sa Sual, na kung saan ang barkong “Uranus” ay naghihintay sa kanila.  Sumakay sila ng alas tres ng hapon noong ika-29 ng Disyembre, kasama si Paterno at ang Kastilang Koronel na si Miguel Primo de Rivera, na kumakatawan bilang pangseguro sa katiwasayan ng mga destierro at sa pagtupad ng unang kabayaran. (Corpuz, 147)

Hindi ipinaalam ni Gobernador Heneral Primo de Rivera ang buong katotohanan tungkol sa kasunduan sa kanyang mga nakakataas.  Sa kanyang sulat sa Panguluhan ng mga Ministro ng Espanya na may petsang Ika 12 ng Disyembre, sinabi niya na ang mga pinuno ng himagsikan ay kusang sumuko kapalit ang kanilang buhay at tulong upang sila ay makapangibang bansa. (Foreman, 562)

Hindi binanggit ni Rivera, na karagdagan sa pangakong magbabayad ng bigaypala ng digmaan, ang mga gagawing pagbabago ng sistema sa lipunan na nakatala sa borador ng kasunduang na nilagdaan nina Aguinaldo, Llnaera at Natividad.  Ang tunay at opisyal na kasunduan na nilagdaan ni Rivera at Paterno, na kumatawan kay Aguinaldo, ay walang binanggit tungkol sa mga gagawing pagbabago.  (Taylor, 1:359-64 at 1:401-4)  Hindi malinaw kung binigyan ni Aguinaldo si Paterno ng kapangyarihan na baguhin ang borador o kusang pinalitan ito ni Paterno ng walang pahintulot ni Aguinaldo. 

Anu’t-ano pa man, ang kasunduan ay isang tagumpay ni Aguinaldo at ng mga pinuno ng himagsikan dahil nagkaroon sila panahon na makapagpahina, magipon ng puhunang pangdigma, at kilalanin sila ng pamahalaang Kastila hindi lamang rebelde kundi isang katunggali sa digmaan,  at higit sa lahat, ang pagtanggap kay Pangulong Aguinaldo bilang kapantay sa usaping kapayapaan  kahit pilit iniiba ang pangyayari at itinatago ng mga Kastila ang katotohanan.

Bilang panghuling salita, isang pinunong Amerikano ang naghayag ng papuri tungkol sa kasunduang kapayapaan ng sabihin niyang: “Sa halip na paghatihatian nila ang salaping tinanggap kay Heneral Primo de Rivera, o ibayad sa mga kamag-anakan na naghirap sa digma, ito ay kanilang itinabi bilang puhunang pangdigma na gagamitin sa darating na panahon.” (Blunt, 140)

<><><>-o-O-o-<><><>





No comments:

Post a Comment