Wednesday, July 16, 2025

Pulong ng Hong Kong Junta Ika-4 ng Mayo 1898

 

KALAKIP IX 

Ika-4 ng Mayo, 1898

Don Doroteo Lopez y Perez, pansamantalang Kalihim ng Komiteng Pilipino na itinatag sa Hongkong upang pangalagaan ang kapakanan ng bayan:

Nagpapatotoo: Na sa aklat ng mga tala ay may isang kasulatang ganito ang nilalaman:

“Sa Lungsod ng Hongkong, ika-4 ng Mayo, taong 1898, ay nagkatipon ang mga sumusunod na ginoo: Don Felipe Agoncillo, Don Mariano Llanera, Don Miguel Malvar, Don Andres Garchitorena, Don Severo Buenaventura, Don Anastacio Francisco, Don Teodoro Sandico, Don Maximo Kabigting, Don Faustino Lichauco, Don Antonio Montenegro, at Don Doroteo Lopez. Binuksan ang pagpupulong ng pansamantalang Pangulo. Binasa ng pansamantalang Kalihim ang katitikan ng nakaraang pagpupulong at ito’y pinagtibay.

Ipinabatid ng Pangulo na si Don Emilio Aguinaldo ay bagong dating mula sa Singapore at gayon din ay kinailangang pumili ng kapalit ni Ginoong Jose Alejandrino, sapagkat sa kalagayang umiiral noon sa Pilipinas ay kailangang mapabilang sa Komite ang mga lalaking may mataas na kakayahan upang maipahayag ang kanilang mga kuro-kuro na magbibigay-linaw sa mga mahahalagang suliraning kinakaharap ng ating bayan.

Sa ganitong diwa, may mungkahing ihalal ang isang angkop na kapalit ni G. Alejandrino, at ang mungkahing ito’y pinagtibay ng lahat.

Nang mabilang ang mga boto, ay napag-alamang si Don Galicano Apacible ay may sampung boto, si Don Arcadio del Rosario ay may dalawa, at si Don Justo Lucban ay may isa. Dahil dito, si G. Apacible ay nahalal sa pamamagitan ng nakararaming boto.

Pagkatapos nito’y kagyat na ipinadala ang isang magalang na paanyaya kina G. Apacible at G. Aguinaldo. Sandaling itinigil ang pagpupulong upang bigyang-laya ang dalawang ginoo na makaparoon sa bulwagang pulungan, at matapos manumpa ay tinanggap nila ang tungkuling iniatang sa kanila.

Pagkabukas muli ng pagpupulong, sa harap nina Don Emilio Aguinaldo at Don Galicano Apacible ay ipinasambit ang panunumpang ito:
“Ipinanunumpa ba ninyo sa inyong dangal na kayo’y magiging tapat sa Inang Bayan at buong katapatan at sigasig na tutupdin ang mga tungkuling kaugnay ng mga katungkulang inyong tinanggap?”

Nang sila’y tumugon: “Ipinanunumpa namin,” ay sinabi ng Pangulo:
“Kung inyong tutuparin, nawa’y gantimpalaan kayo ng bayan; ngunit kung hindi, nawa’y siya’y lumait at maningil sa inyo.”

Pagkatapos ng seremonya, isinalin ni Don Felipe Agoncillo ang pagkapangulo kay Emilio Aguinaldo; sila ni G. Apacible ay lumuklok sa kani-kaniyang tungkulin matapos ipahayag sa mga kagalang-galang na kasapi ng Komite ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa mataas na karangalang ipinagkaloob sa kanila. Ipinangako nilang buong tapat nilang tutuparin ang lahat ng tungkuling kaakibat ng kanilang katungkulan, ayon sa kaya ng kanilang abang kakayahan, yamang ang mga tungkuling iyon ay itinuturing nilang sagrado at banal.

Ipinahayag ng Pangulo ang ukol sa mga pakikipagkasundong naganap noong siya’y nasa Singapore, sa pagitan niya at ng Konsul-Amerikano sa nasabing kolonya ng mga Ingles. Kapwa sila sumang-ayon na ang Pangulo ay makipagkita sa Almirante na namumuno sa hukbong-dagat ng Amerika na nakahimpil sa Mirs Bay, at kung sakaling tanggapin ng Almirante ang kaniyang mga mungkahi, na sa kanyang palagay ay kapaki-pakinabang sa Pilipinas, siya'y sasakay sa isa sa mga cruiser ng hukbo upang makabalik sa Pilipinas at makibahagi sa mga kasalukuyang pangyayari. Ngunit sapagkat hindi niya nadatnan ang Almirante, minarapat niyang makipagpanayam na lamang sa Konsul-Amerikano ng kolonyang ito sa araw ng kaniyang pagdating, subalit hindi siya nasiyahan sa naging bunga ng nasabing pagpupulong.

Dahil sa maselan at alanganing kalagayan sa Pilipinas, nakiusap ang Pangulo sa Komite na talakayin ang pagiging marapat ng kaniyang pag-uwi sa nasabing kapuluan, kalakip ang mga pangunahing pinuno ng nakaraang himagsikan na naririto sa kolonyang ito, kung sakaling magbigay daan ang Almirante sa gayong layunin.

Nagsalita si G. Sandico, na ayon sa mga pagpupulong na kaniyang ginawa kapwa sa Almirante ng hukbong-dagat ng Amerika at sa Konsul-Amerikano sa kolonyang ito, ay naniniwala siyang sa kasalukuyang kalagayan ay lubos na kailangan na ang Pangulo ay makabalik na sa Pilipinas. Ayon sa Konsul-Amerikano, ang Maynila ay nasakop na ng hukbong-dagat ng Amerika, at isang pansamantalang pamahalaan ang kasalukuyang binubuo sa kabiserang iyon. Ang paglahok ng Pangulo sa pagtatatag ng nasabing pamahalaan ay tunay na mahalaga, sapagkat ang kaniyang prestihiyo, na kinikilala ng lahat, ay siyang makapipigil sa anumang alitan ng mga anak ng bayan. Sa gayon ay magiging madali ang pagtatag ng isang ganap na kaayusan sa larangan ng hukbo at pamahalaang sibil ng ating bayan.

Nagpahayag din sina G. Garchitorena at G. Apacible ng kanilang pagsang-ayon sa mga nabanggit na kaisipan.

Gayunman, sa kabila ng mga naunang pananalita, iginiit ng Pangulo na para sa kaniya ay isang panganib at kawalang-ingat na bumalik sa Pilipinas nang walang kasulatang kasunduan mula sa Almirante, sapagkat maaaring sa sandaling siya'y mapailalim sa pamumuno nito ay pilitin siyang lumagda o pumayag sa isang kasunduang labis na makapipinsala sa kapakanan ng bayan, at mula rito'y maaaring magbunga ng dalawang napakabigat na panganib:

1. Kung kanyang tanggapin ang mga panukala, siya’y tiyak na makagagawa ng isang gawaing laban sa bayan, at ang kaniyang pangalan ay marapat lamang na sumpain magpakailanman ng lahat ng Pilipino.

2. Kung kanyang tanggihan naman, malinaw na magkakaroon ng hidwaan sa pagitan nila ng Almirante.

At upang maiwasan ang ganitong mahigpit na pagkakabigkis sa panganib, iminungkahi niya sa Komite na apat na pangkat ng mga rebolusyonaryo na naririto ngayon ay ipadala sa Pilipinas sa pamumuno ng mga pinunong may sapat na kakayahan at may sulat na pahintulot mula sa kaniya, upang makialam—matapos makipagpulong sa Almirante—sa mga mahalagang usaping ito. Sa ganang kanya, ang ganitong paraan ang nararapat gamitin bilang unang hakbang upang matiyak sa isang tunay at tiyak na paraan kung ano nga ba ang layunin ng Pamahalaang Amerikano hinggil sa ating bayan. At kung mapatunayang talagang kailangang-kailangan ang kanyang paglahok, hindi siya mag-aatubiling lumulan patungong Pilipinas, at buong lakas niyang pagsusumikapang malunasan ang masidhing krisis na kinakaharap ng bayan—isang bayang inihandog na niya, at laging handang ihandog pa rin, ang kaniyang sariling buhay.

Dagdag pa niya, kung walang magiging kasulatan ng kasunduan, maaaring tanggihan ng Almirante ang pagbibigay sa kanya ng mga sandata na kinakailangan upang masiguro ang kapakanan ng bayan. At kung ito’y mangyari, baka siya’y mapilitang gumawa ng isang pasyang lubhang nakamamatay sa kanya, yamang nauunawaan niyang sa gayong pagkakataon ay wala na siyang magagawa, at baka ang Pamahalaang Kastila ay maghabol na maibalik ang halagang 400,000 pesos, alinsunod sa kaniyang magiging kilos. Ito pa’y bukod sa isinampang kaso ni Don Isabelo Artacho sa Kataas-taasang Hukuman, na humiling, at pinagbigyan, ng kautusang ipagpaliban ang pagbabayad ng naturang halaga ng mga bangkong Hong Kong Shanghai at Chartered Bank.

Gayunman, sinabi rin niyang ang kautusang ito ay maaari lamang ipatupad sa halagang 350,000 pesos, yamang 50,000 pesos ay nasa kanyang mga kamay pa, isang halagang kanyang iniurong mula sa Chartered Bank sanhi ng nabanggit na usapin. Hindi niya nagawang ilabas ang kabuuang pondo sa kabila ng kanyang mga pagsisikap, sapagkat tumutol ang mga Direktor ng mga nasabing bangko, dahilan sa ang mga panahon ng bayaran ay hindi pa dumarating.

Ang 200,000 pesos ay naka-deposito sa Hong Kong Shanghai Bank na may takdang panahon bago maaaring bawiin; at ang 200,000 pesos naman ay nasa Chartered Bank, kung saan maaari lamang i-withdraw ang 50,000 pesos tuwing tatlong buwan. Kaya’t sa ngayon, may nalalabing 150,000 pesos pa roon.

Sina G. Sandico, G. Garchitorena, G. Gonzaga, at G. Apacible ay sumagot na sila’y lubos na naniniwalang ang Almirante ng hukbong-dagat ng Amerika ay tiyak na maglalaan ng lahat ng sandatang kailangan ng Pangulo, sapagkat kumbinsido umano ang Almirante na walang magagawa ang kanilang hukbo sa Pilipinas kung ito’y hindi makikipagtulungan sa mga rebolusyonaryo sa pagsasakatuparan ng kanilang mga balak sa digmaan laban sa pamahalaang Kastila.

Hindi maaaring di paniwalaan na ang Almirante ay ikagagalak ang pagsama ng Pangulo at ng ibang mga pinuno sakay sa alinmang cruiser ng kanyang hukbo.

Tungkol naman sa pangambang mapilit ang Pangulo na lumagda sa isang kasulatan na naglalaman ng mga panukalang makapipinsala sa Pilipinas, ay naniniwala ang mga kagalang-galang na ginoo na hindi mangyayari ito, alinsunod sa antas ng kultúra at kabihasnan ng Almirante. At kung sakaling mangyari pa rin, maaaring tanggihan iyon ng Pangulo, na ipapaliwanag na narito sa kolonyang ito ang isang Komite na gumaganap ng mga tungkulin ng pamahalaan at siyang may pananagutan sa lahat ng usaping pampulitika ng bansa, at sa Komiteng ito siya maaaring direktang makipagkasundo.

Tungkol naman sa kapangyarihang nais ipagkaloob ng Pangulo sa iba pang pinuno upang sila ang makipagkasundo, bagaman hindi isinasantabi ang kanilang sariling mga kakayahan, ay hindi rin nila pinaniwalaang magiging kasing bisa ng sariling pagharap ng Pangulo, sapagkat ang ganitong mga usapin ay nangangailangan ng kanyang tuwirang pagkilos.

Walang mas mainam na pagkakataon kaysa sa kasalukuyan upang masiguro ang paglapag ng mga puwersa ng rebolusyon sa mga kapuluan, upang sila’y makapagsandata sa tulong ng mga Amerikano, at upang tiyakin ang kalagayan ng Pilipinas hinggil sa kanyang makatarungang mithiin laban mismo sa naturang dayuhang kapangyarihan.

Ang sambayanang Pilipino, kung walang sandata, ay magiging biktima ng mga pangingikil at pag-aangkin ng Estados Unidos; ngunit kung may sandata, ay makakapanlaban sila, magpupunyagi para sa kalayaan, na siyang tunay na kaligayahan ng Pilipinas.

At tinapos nila ang kanilang pahayag sa pagsasabing walang kabuluhan kung hingin man ng Pamahalaang Kastila ang pagbabalik ng ₱400,000, at kung igawad man ang kahilingang ito ng hukuman, sapagkat ang layunin ng naturang halaga ay para sa pakikibaka para sa makatarungang mithiin ng bayan.

Si G. Agoncillo, isinaalang-alang ang mga katuwirang inilahad nina G. Sandico, Gonzaga, Garchitorena, at Apacible, ay nagsabing ang magiging bunga ng paglalakbay ng Pangulo ay totoong nakasalalay sa pagkakataon, dahil sa kasalukuyang masalimuot na kalagayan ng bansa. Aniya, ganyan nga ang takbo ng mga bagay—halimbawa, sino ba ang inaasahan na magaganap ang digmaan sa pagitan ng España at Estados Unidos?

Upang pag-isipan ang mga hadlang na inilahad ng Pangulo, kailangang timbangin ang mga kapakinabangan na makakamit ng bayan at ang mga pinsalang maaaring danasin, kung siya’y tutuloy o hindi sa pagpunta sa Pilipinas. Hindi dapat kaligtaan ang karangalan at prestihiyong kanyang natamo sa nakaraang himagsikan, na napailalim na sa pinakaugat ng lupa ng Pilipinas. At kung ilalagay sa isang panig ng timbangan ang mga kapakinabangan, at sa kabila ang mga kapinsalaan, tiyak na mahahayag kung alin ang higit na may timbang.

Ang Pangulo, sa kanyang prestihiyo, ay maaaring magbigay-sigla sa mga anak ng bayan upang labanan ang mga kahilingan ng Estados Unidos kung sakaling ito’y magtangkang kolonisahin ang bansa; at kung kailangan, madadala sila sa isang makapangyarihang pakikibaka para sa kasarinlan, kahit pa sila’y mabuwal sa pagsisikap na itaboy ang bagong mananakop.

Kung ipatutupad ng Washington ang mga saligang simulain ng kanyang konstitusyon, ay walang pag-aalinlangan na hindi nito nanaising sakupin o aneksyunan ang Pilipinas. At kung ganito nga ang mangyayari—na pagkakalooban ang Pilipinas ng kalayaan at garantiya nito—kinakailangang naroroon ang Pangulo upang mapigilan ang mga alitan sa pagitan ng mga anak ng bayan na nag-aagawan sa mga katungkulan, bagay na maaaring maging dahilan ng panganghimasok ng mga kapangyarihang Europeo, at ang ganitong panghihimasok ay tiyak na makasasama sa kapakanan ng bayan.

Sa bisa ng kanyang pangalan, makatitiyak ang Pangulo na maitatatag sa bansa ang isang pamahalaang kaayus-ayos at angkop sa bagong yugto ng pambansang pag-unlad sa larangan ng lipunan at politika.

Ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas ay mataimtim na humihingi ng tulong ng kanyang matatapang na anak upang gampanan ang kanyang kapalaran at malunasan ang kilalang mga suliranin.
At kung maghintay pa—ano ang pinsalang maaaring sapitin ng Pilipinas kung sakaling hindi pagkalooban ng Almirante ng mga sandata ang Pangulo, bunga ng kanyang pagtangging lumagda sa isang panukalang laban sa bayan, kahit pa ginawa na niya ang lahat upang maipagtanggol ito? Wala.
Ang gayong hakbang ng Pangulo ay hindi maipaparatang na kasalanan, kundi isang karangalan, sapagkat ito’y isa na namang patunay ng kanyang tunay na pagmamahal sa bayan.

Ang anumang pag-aatubili ng Pangulo sa pagpunta sa Pilipinas sa sandaling napakakritikal ng panahon ay maaaring iparatang na kakulangan sa pagkamakabayan, na ang bunga’y tiyak na kapahamakan.
Ang kanyang hindi pagkilos, kahit panandalian, ay maaaring tawaging isang kahinaang karapat-dapat hatulan, at ang lahat ng ito ay makasisira sa walang kapantay na pangalan na kanyang maluwalhating nakamit sa huling himagsikan.

Aniya, batid ng lahat na ang isang taong inilaan ang sarili sa mga gawaing ukol sa ikabubuti ng kanyang bayan ay kailangang magsapanganib ng kanyang buhay sa di mabilang na pagkakataon, at kung ito’y isusuko, ito’y isang mabuting sakripisyo at siya’y papurihan magpakailanman.

Ayon kay G. Agoncillo, naipahayag na niya sa pangkalahatan ang mga pakinabang na makakamtan ng Pilipinas kung ang Pangulo ay tutuloy sa pag-uwi sa kasalukuyang kalagayan, at ang malaking kapinsalaang tiyak na darating kung ipagpaliban pa ito, sapagkat sa pagkaantala ay maaaring lumitaw ang lahat ng sakunang dapat sana’y naiwasan ng Pangulo.

At sa wakas, ang suspensiyon ng pagbabayad ng pondo ay ipinag-utos na ng Kataas-taasang Hukuman bunga ng kasong isinampa ni Don Isabelo Artacho laban sa Pangulo, kaya’t ang pondo’y ngayon ay bahagi ng usapin na batid ng lahat ng naroroon.

Dahil dito, walang anumang kabutihan para sa bayan ang idudulot ng paghihintay hanggang sa dumating ang panahong maaari nang magamit ang nasabing salapi, samantalang ang mga suliraning kinahaharap ng Pilipinas ay nangangailangan ng agarang lunas mula sa kanyang mga anak na pinag-aalab ng banal na apoy ng pagkamakabayan.

Bunga ng mga katuwirang ito, si G. Agoncillo ay nagpahayag na si G. Aguinaldo, kalakip ang iba pang mga pinuno, ay dapat nang tumulak sakay ng isa sa mga sasakyang-dagat ng hukbong Amerikano, yamang iniaalok na ito, at humiling na pagbotohan ang panukalang ito, at pati na rin kung ipagkakatiwala ng Pangulo sa Komite ang pamamahala sa mga bagay na may kaugnayan sa patakaran ng bayan—sa madaling sabi, kung may lubos siyang pagtitiwala sa kakayahan ng Komite na gampanan ang gayong mahahalagang tungkulin.

Isinagawa ang botohan sa pangalanan, at ang mungkahi ni G. Agoncillo na sinuportahan nina G. Gonzaga, Sandico, Garchitorena, at Apacible, ay ipinasa ng buong kapulungan nang walang pagtutol.

Gayundin, ang kahilingan ng Pangulo na siya’y bigyan ng ganap na kalayaan sa pagpili ng mga taong isasama niya sa paglalakbay ay pinagtibay din ng lahat, at gayundin ang kanyang kahilingang ang alinmang taong kanyang pangalanan ay hindi dapat sumuway sa kanya.

At yamang ang mga usaping pinagtalunan sa pulong na ito ay may pinakamataas na kahalagahan, napagkasunduang ang tamang katitikan ay dapat likhain, na ginawa nga at pinagtibay ng lahat ng naroroon, at gayundin ang pagbibigay ng sipì ng kasulatang ito sa Pangulo, gaya ng kanyang kahilingan.

Yamang wala nang ibang paksa na dapat talakayin, ang pagpupulong ay winakasan.
At sa lahat ng ito, ako, ang pansamantalang Kalihim, ay nagpapatotoo:

Emilio Aguinaldo, Felipe Agoncillo, Faustino Lichauco, Andres Garchitorena, Galicano Apacible, Severo Buenaventura, Gracio Gonzaga, Anastacio Francisco, Tomas Mascardo, Maximo Kabigting, Vito Belarmino, Miguel Malvar, Mariano Llanera, Teodoro Sandico, Antonio Montenegro, D. Lopez.

Ang lahat ng nasa itaas ay tumutugma sa orihinal, at sa bisa ng isang pasyang pinagtibay, ay ipinagkakaloob ang siping ito kay G. Emilio Aguinaldo para sa nararapat na layunin.

Sa Hong Kong, ika-lima ng Mayo, labing-walo’t siyamnapu’t walo.

(Salin ng Mayakda mula Ingles sa Taylor, Tomo I, mga pahina 505–510)

No comments:

Post a Comment