(Ang sulating ito ay salin ng Mayakda mula Ingles sa kathang pinamagatang, “The Two Faces of Apolinario Mabini,” na matatagpuan sa pahina 227-232 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)
Sa mas malapit na pagsusuri, may dalawang Apolinario Mabini. Ang una’y si Mabini bago ipinatapon ng mga Amerikano sa Guam, at ang ikalawa’y si Mabini nang siya’y magbalik mula sa pagkatapon. Ang unang Mabini ay kapanig ni Aguinaldo, datapwa’t ang ikalawang Mabini ay laban kay Aguinaldo. Ang unang Mabini ay sang-ayon sa pagpatay kay Bonifacio, ngunit ang ikalawang Mabini ay bumatikos kay Aguinaldo, aniya’y ang kasakiman nito sa kapangyarihan ang naging sanhi ng pagkamatay ni Bonifacio.
Magkakasalungat ang mga pananaw ng iisang tao. Paanong ang isang kinikilalang intelektuwal at tinaguriang “utak ng rebolusyon” ay makapagkikimkim ng magkasalungat na paninindigan nang hindi pinag-uugnay ang mga ito? Paanong nangyari ito? Ano ang maaaring naging sanhi ng pagbabagong ito?
Walang nakaaalam kung ano ang tunay na nangyari kay Mabini sa panahon ng kaniyang pagkatapon. Siya ay nasa Guam na kasama si Artemio Ricarte, isang tapat na tagasunod ni Andres Bonifacio. Maaaring si Ricarte ba ang naging kasangkapan upang mapabago ang paninindigan ng unang Mabini at siya’y naging ikalawang Mabini? May kinalaman kaya ang mga Amerikano sa pagbabagong ito? Pinayagan kaya ng mga Amerikano ang pagbabalik ni Mabini mula sa pagkatapon kapalit ng mga pabor na kailangan niyang ibigay? Umaasa ang marami na sa pagdaan ng panahon ay may lilitaw na mga bagong katunayang pangkasaysayan na magliliwanag sa hiwagang ito.
Samantala, marapat lamang na malaman ng lahat na ang mga batikos ni Mabini kay Aguinaldo ay isinatinig sa kaniyang aklat na La Revolucion Filipina, na sinulat ng ikalawang Mabini habang siya’y nasa pagkatapon sa Guam.
Sa kaniyang pagpuna kay Aguinaldo kaugnay ng kaso ni Andres Bonifacio, ang ikalawang Mabini ay nagsabi sa kaniyang aklat, na ganito ang wika:
Ngunit noong Hunyo 1898, matapos ang pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas, nang hirangin ni Aguinaldo ang unang Mabini bilang tagapayo, mariin nitong tinuligsa ang malamig na pakikitungo kay Bonifacio, at aniya, kung sa kaniya nangyari ang ganoon, agad sana niyang ipinatupad ang Juicio Sumaresimo—ang dagling hatol—o pinagbaril si Bonifacio at ang kaniyang mga kasamahan nang hindi dininig sa hukuman. (Ronquillo, p. 27)“Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay hayagang nagpamalas kay G. Aguinaldo ng isang walang hanggang kasakiman sa kapangyarihan.”(Salin ng Mayakda mula Ingles sa Mabini, pp. 62–63)
Tungkol sa pagpaslang kay Heneral Antonio Luna, tinuligsa ng ikalawang Mabini si Aguinaldo sa kaniyang aklat, gaya ng sumusunod:
“...sa halip na ipapatay si Luna (o hayaang ipapatay), kung siya’y sinang-ayunan ni Aguinaldo at sinuportahan ng buo niyang kapangyarihan, marahil ay nagtagumpay ang Rebolusyon — ito ma’y isang palagay lamang, subalit wala akong alinlangang ang mga Amerikano sana’y nagkaroon ng higit na paggalang sa tapang at kakayahang militar ng mga Pilipino... Ang kabiguan ng Rebolusyon ay dahil sa maling pamumuno; sapagkat ang namuno ay nakamit ang katungkulan sa pamamagitan ng mga gawaing kapintasan sa halip na marapat na kagalingan; sapagkat sa halip na itaguyod ang mga lalaking tunay na kapaki-pakinabang sa bayan, sila’y ginawang walang saysay sanhi ng paninibugho.
Pinasan niya ang dangal ng bayan nguni’t isinakatuwid ang halaga ng isang tao hindi batay sa kakayahan, likas na pagkatao, at pagkamakabayan, kundi sa lawak ng pagkakaibigan at pagkakamag-anak sa kaniya; at sa labis na hangaring matamo ang lubos na pagtalima ng mga paborito sa kaniyang kapakanan, hinayaan ang kanilang mga paglabag.
Dahil sa pagpapabaya sa bayan, siya’y tinalikuran ng bayan; at nang siya’y talikuran ng bayan, nabuwal siyang gaya ng isang diyus-diyosang pagkit na natunaw sa init ng kahirapan. Loobin ng Diyos na huwag nating kalilimutan ang gayong mapait na aral, na natamo sa halaga ng di-mabilang na pagdurusa.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Mabini, p. 63)
At gayon man, noong Disyembre 1898, nang si Aguinaldo’y nagpagawa ng isang paanyaya sa kaniyang mga kapatid na Pilipino upang siya’y pahintulutang magbitiw at palitan ng isang lalaking higit na may pinag-aralan at may kakayahan, ang unang Mabini ang palihim na nag-utos na agawin at sunugin ang liham ng pagbibitiw ni Aguinaldo, batid niyang ito’y makasasama sa panahong ang kapalaran ng pamahalaang rebolusyonaryo ay nasa bingit ng panganib. (Saulo [Aguinaldo], p. 285)
Ang unang Mabini ay naging napakatalim din sa pagpuna kay Heneral Antonio Luna. Sa aklat ni Jose P. Santos na pinamagatang “Si Apolinario Mabini Laban Kay Heneral Antonio Luna,” palihim na sumulat ang unang Mabini kay Pangulong Emilio Aguinaldo upang ipahayag ang kaniyang pagkamuhi at tagong galit kay Heneral Luna. Tinawag niyang si Luna ay isang despotiko, na nag-uutos ng pagpatay nang walang paglilitis. Inakusahan niya si Luna na hindi nauunawaan ang hanggahan ng kaniyang tungkulin bilang pinuno ng hukbo at nakikialam sa pamamalakad ng pamahalaan. Umabot pa sa puntong lihim na inirerekomenda ng unang Mabini na palitan si Luna.
Nguni’t ang ikalawang Mabini ay nagpuri kay Luna. Wika niya sa kaniyang aklat:
“Lahat ng kilos ni Luna ay nagpapakita ng katapatan at pagkamakabayan na kalakip ang masigasig na pagkilos na naaayon sa pangangailangan ng panahon. Kung siya ma’y naging padalus-dalos at maging malupit sa kaniyang mga pasiya, ito’y sapagka’t nasa matinding kalagayan ang hukbo bunga ng pagkasira ng loob ng mga kawal at kakulangan sa bala; tanging ang mga gawaing mapangahas at may pambihirang sigla lamang ang makapagliligtas sa hukbo sa ganap na pagkawasak.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Mabini, p. 62)
Nguni’t nang mapatay si Luna, sumulat ang unang Mabini sa kaniyang kaibigang si Galicano Apacible at sinabing ang pagkawala ni Luna ay naging kapaki-pakinabang sapagka’t napigilan nito ang isang bantang kaguluhan. Sinabi pa ng unang Mabini na nagkamali si Luna sa pag-aakalang si Aguinaldo ay isang mahina at parang tau-tauhang wala namang saysay, sapagka’t kilala niya si Aguinaldo at kung sakaling nagtagumpay ang balak ni Luna, tiyak na magkakaroon ng pagkakabiyak-biyak na siya sanang magiging wakas ng lahat.
Sa harap ng lahat ng mga salungatang salaysay ng dalawang anyo ni Mabini hinggil sa katauhan nina Luna at Aguinaldo, alin ang dapat paniwalaan at ituring na totoo?
Ayon kay Santos, ang palagay ng unang Mabini hinggil sa mga ginawa ni Luna na nasasaad sa kaniyang liham kay Apacible ang siyang dapat manaig.
Maidadagdag pa na ang mga lihim na sulat ng unang Mabini kay Aguinaldo ang higit na dapat paniwalaan kaysa sa mga papuring binigkas ng ikalawang Mabini kay Luna sa aklat na sinulat niya para sa madla.
Tila may katwiran si Santos, sapagka’t ang mga salitang sinasabi sa matalik na kaibigan — o kaututang dila, ayon sa mga Tagalog — ay mas malapit sa puso ng nagsasalita, kaysa sa mga pahayag na inihanda upang mapakinggan ng madla o ipanghatid sa balana.
Binanggit din ni Gregoria de Jesus (Oryang), ang balo ng Supremong si Andres Bonifacio, sa pambungad na bahagi ng aklat ni Santos, na si Mabini ay hindi dapat ituring na “utak ng rebolusyon” (sapagka’t ang karangalang ito ay marapat kay Emilio Jacinto - Mayakda), dahilan sa si Mabini ay huli nang sumali sa kilusan.
Pinalawig pa ni Oryang ang kaniyang pananaw sa pagsasabing,
“...kung baga sa isang handaan ay dumating siyang luto na ang ulam, nakahanda ang dulang at siya'y kasama ng mga huling magsidulog upang tumikim at nakisalo sa masasarap na luto.” (Santos [Mabini], p. 9)
At ngayon, heto ang tanong: kung sa pananaw ni Mabini, kapwa sina Luna at Aguinaldo ay may mga pagkukulang sa asal at gawa, sino ngayon ang maituturing na mabuti?
Ang sagot, marahil, ay hindi malalayo sa maikling salaysay ni Oryang hinggil kay Mabini. Wika niya:
“Naalaala ko pa ng minsang dumalaw kami sa kaniya na ako, si Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang magkakasama at iba pa. Ng kami ay pauwi na ay narinig kong sinabi ni Emilio Jacinto kay Andres Bonifacio ang ganito: 'Katwa palang tao iyang si Mabini pati si Rizal ay sinisiran na di dapat sabihin sa harapan' sagot ni Andres na 'Siyanga, ngunit ang ibig ni Mabini say ipakilala na higit siya kay Rizal.'” (Santos [Mabini], p. 9)
Narito ang pagtalakay ni Jose P. Santos sa dalawang kuru-kurong magkasalungat ni Mabini na hinango ng Mayakda mula sa pahina 23- ng aklat na pinamagatang "Si Apolinario Mabini Laban kay Hen. Antonio Luna." Ganito ang nilalaman:
"Sino ang magsasabing si Mabini, ang bantug na lumpo at tinatawag ng ibang 'utak ng himagsikan' ay magkakaroon ng dalawang kuru-kurong magkasalungat?
"Kung ito'y ibabalita lamang sa sumulat ng mga talatang ito ay maaring hndi ko mapaniwalaan agad. Ngunit iya's siyang totoo. Na sa akin ang mga katibayan, kaya hindi ako makapagaalinglangan kaunti man.
"Sa kanyang napabantug ng LA REVOLUCION FILIPINA na sinualt niya sa Guam at pagkatapos ay siya rin ang naghulog sa wikang Ingles, ay pinakatulituligsa niya si Aguinaldo at piang-ukulan ng mapapait na paratang. Basahin nating ang kabanatang ika-X at ganito ang kanyang sinasabi:
'Andres Bonifacio's death had plainly shown Mr. Aguinaldo's immeasurable ambition of power, and the personal enemies of Luna by means of clever techniques exploited this weakness to ruin him. If Aguinaldo, instead of killing Luna, had supported him with all his might, it should be too much presumption to say that the revolution would have triumphed; but I have not the least doubt that the Americans would have had a higher idea of the courage and military capacity of the Filipinos. If Luna were living, I am certain that the deadly blow given by General Otis would have been checked or at least avoided in time, and Aguinaldo's incapacity in military command would not have been clearly demonstrated. Moreover, to get rid of Luna, Aguinaldo availed himself of the same soldiers the former had punished for breach of discipline; then Aguinaldo killed the discipline, destroying hie own army. With Lina its firmest support, the revolution fell, and the ignominy of the fall, weighing entirely upon Aguinaldo, caused his moral death, a thousand times bitterer than the physical one; then Aguinaldo ruined himself, condemned by his own actions. That is the way Providence punishes great crimes.'
"Na ang salin sa Tagalog ay ganito ang kahulugan:
'Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan, at ang mga sariling kaaway ni Hen. Luna sa pamamagitan ng mga hibo ay nakapagsamantala sa kahinaan niya, upang si Luna ay maipapatay. Kung kinatigan ng buong kaya ni Aguianldo si Luna, sa halip na patayin, sabihing nagtagumpay sana ang Panghihimagsik, ay isa marahil na napakalabis na pangarap; ngunit hindi ako nagaalinglangan ang mga Amerikano sana'y nagkaroon ng mataas na pahalaga sa tapang at kakayahan ng pagkamilitar ng mga Pilipino. Kung buhay si Luna, ay tiyak na masasabi kong ang dagok ng ibinigay ni Heneral Otis ay nagsupo o kung di ma'y nailagan sana, at di napagkilalang maliwanag ang kawalang kaya ni Aguinaldo sa pamamahala ng hukbo. Tangi sa rito, upang miaylis si Luna ay ginamit ni Aguinaldo ang mga kawal ding pinarusahan nito, dahilan sa paglabag sa disiplina, at siya na rin ang lumansag sa kanyang sariling hukbo. Sa pagkahulog ni Luna na siyang lalong matibay na suhaty, ay bumagsak ang paghihimagsik, at ang kalait-lait na pagkabagsak na buung-buong napapataw kay Aguinaldo ay siya ring pumatay ng katawan; si Aguinaldo nga'y siya ring sumira sa kanyang sarili, siya'y pinarusahan ng kanyang mga sariling kagagawan. Ganito kung magparusa si Bathala ssa malaking katrampalasan.'
"Sa kuru-kurong iyan ni Mabini ay maliwanag na pinanghihinayangan niya ang pagkamatay ni Luna. Iyan sa isang akdang kaya sinulat ay sa hangad na mabasa ng marami, ngunit sa sarilinan, sa isang sulat na ipinadala kay G. Galicano Apacible, naging Kailihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at Likas na Kayamanan at kaibigang matalik ni Mabini, na noo'y nasa Hong Kong, ay iba naman ang kanyang palagay at kuru-kuro sa pagkamatay ni Luna. Basahin natin ang ikatlong talata ng kanyang mahabang liham na niyari sa Rosales, noong ika-25 ng Hulyo ng 1899, at ganito ang nilalaman:
'por mas que yo deplore y repruebe la muelte violente de Luna, la desaparicion de este ha alejado una tormento que amenazaba. Luan aspiraba a mucho, convencido tal vez de que era mas instruido que Puno y si no habia hecho nada era por que no habia adquirido aun el prestigio necesario para ponerse frente a frente del Puno (Aguinaldo). Por eso aspiraba, a la Presidencia del Consejo con la Secretario de Guerra. La debilidad de Puno (Aguinaldo) para con el ha contribuido mucho a provocar sus ambiciones, pro que como le dejaba obrar creyo que podria manejarle como un maniqui; pero como you conozeo a Puno (Aguinaldo), no es muy arriesgado suponer que si Luna hubiese conseguido lo que deseaba, hubiera ocurrido una division que tal vez nos hubiese aniqyuilado a todos.'
"Narito ang salin sa Tagalog:
'baga man at dinaramdam ko at di minabuti ang magahasang pagkakapatay kay Luna, ang pagkawala nito ay nagpalayo ng isang sigwang nagbabala. Maraming hinahangad si Luna, sa pananalig marahil na siya ay may katalinuhang higit kay Puno (Aguinaldo), at kung hindi man gumawa ng ano man ay sapagaka't hindi pa nagkakaroon ng kailangang lakas upang makitalad nang harapan kay Puno (Aguianldo). Dahil sa gayong pananalig ay naghangad na malagay sa Panguluhan ng Sanggunian na kalakip dito'y ang Kalihim ng Digma. Ang kahinaan ni Puno (Aguinaldo) sa harap niya ay nakatulong upang gisingin ang mga paghahangad ni Luna, sa pagkka't pinabayaang siyang gumawa ay naniwala naman siyang maari niyang ipalagay na parang isang maniki; nguni't yamang nakikilala ko si Puno (Aguinaldo), ay hindi isang kapangahasang ipalagay na kung natamo ni Luna ang kanyang hinangad, sapilitang nagkaroon ng pagkakahait-hati na marahil ay nakapuksa sa lahat.'
"Sa harap ng dalawang magkasalungat na kuru-kurong iyan ni Mabini ay hindi kataka-takang pagalinlanganan kung alin ang dapat paniwalaan: kung ang nakalagay sa kanyang akda na sadyang sinulat upang mabasa ng marami o kung ang sinasabi niya sa sarilinan. Isa ring namang malaking palaisipan ito na kailangang isangguni sa bantug na orakulo ni Lola Basiang." (Santos[Mabini], 23-26)
<><><>-o-O-o-<><><>
Dahil sa dalawang magkasalungat na pahayag na ito ni Mabini, hindi na kataka-taka kung mag-aatubili ang marami sa pagtanggap kung alin ang dapat ituring na totoo: ang isang isinulat para sa bayan o ang isang sinadyang ipagkatiwala sa lihim.
Ito na naman ay isa na namang palaisipan na kailangang idulog sa dakilang orakulo — si Lola Basiang.
[Tala ng May-akda: Si Lola Basiang ay palayaw ng punong tagapagsalita sa isang tanyag na lumipas na programang radyo, kung saan ang mga tagapakinig buhat sa iba't ibang dako ng kapuluan ay makatatanggap ng sagot sa lahat ng uri ng tanong.]
<><><>-o-O-o-<><><>
No comments:
Post a Comment