Saturday, April 4, 2020

Si Aguinaldo at ang Americanistang Elitista

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “The Patriot and the Elite,” na matatagpuan sa pahina 237-242 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)


Isang nakakatawag pansing palitan ng sulat sa pagitan ni Aguinaldo at ng dati niyang kalihim sa gabinete na si Benito Legarda, kung kanino ay ipinangalan ang isang kalsada na malapit sa Malacanang, at  mababanaag ang malinaw na pagkakaiba ng pagiisip ng isang elitista at ng isang makabayan.


Nais ni Legarda na sumuko na ang mga Pilipino at tanggapin ang pananakop ng mga Amerikano, subalit si Aguinaldo ay matigas na tumutol at kanyang ipinanindigan ang patuloy na pakikipaglaban. Sa kanyang sagot kay Legarda, naibulalas ni Aguinaldo ang kanyang hinanakit, na halatang nakatuon sa mga elitista ng lipunang Pilipino.  Ang sabi niya:
Ano pa ang buhay para sa atin kung tayo ay alipin ng dayuhan?  Nakakalungkot na lahat ng nagaral at naliwanagang Pilipino ay hindi ginagamit ang kanilang dunong at karanasan sa pagtatanggol ng ating bayan.
Ang mga sulat nina Legarda at Aguinaldo ay salin mula sa inilathalang “The Luzon Campaign”, Vol. 1, No. 7, na inilimbag ng Philippine Information Society, Boston, 1901, at mababasa sa Aklatan ng Universidad ng Michigan  (Philippine Information Society 1.7,26-30)

Narito ang sulat ni Legarda kay Aguinaldo:
"Maynila, Ika-7 ng Hulyo 1899
"Sr. Don Emilio Aguinaldo
"Mahal kong Don Emilio:
"Naibigay sa akin ni Gg. Olimpio Guamson ang iyon mensahe, na humihingi ng tapat na kuro-kuro tungkol sa kasalukuyang kalagayang pulitika, at ang maaring kahihinatnan nito.  Natutuwa akong ibigay sa iyo, hindi lang dahil sa tungkulin ko bilang Pilipino, kundi ng dahil din sa ating pagiging matalik na magkaibigan.  Hindi ako babanggit ng anumang puna sa mga nagawa mo bago mag ika-4 ng Pebrero, ang araw ng pagputok ng digmaan, gagamitin ko lamang ito bilang batayan ng aking pagninilay, at hinahaka ko na sa lahat ng iyon ay mayroon kang mabuting hangarin at napilitang kang kumilos ayon sa isang makabayang layunin.
"Sinimulan natin ang digmaan, natupad ang ating nais, alalahanin mo na ang pakikidigma ang siyang kagustuhan ng nakararami, ang  mga nasa hukbo ang maingay, itinaas ang kanilang boses sa bagay na ito, at hinila ang buong sambayanan.  Ano ang ating nakamit? Wala kundi sakuna, kamatayan, at kapahamakan.
"Hindi natin mapigilan ang mga Amerikano na pumunta kahit saang lugar na kanilang naisin , at malinaw na ang inaasahan nating katapangan ay hindi sapat; upang matalo sila kailangan natin ng maraming bagay na sagana ang mga Amerikano samantalang tayo naman ay kapus.
"At habang lumilipas ang mga araw, ang pagasa natin magtagumpay ay lalong lumalabo, at habang ang pwersa ng mga Amerikano ay sumusulong lalong namang napapasama ang kalagayan nating mabigyan ng pagpaparaya para sa ating malungkot na bansa. 
"Hanggang sa oras na ito, sa aking palagay ay walang ibig ipakita ang mga sundalong Amerikano kundi ang kanilang katapangan, isang katangiang hindi kinilala ng ating mga kasama at ng mga pahayagan.  Maaring dahil dito o kaya sa ibang dahilan, hindi pa ipinapadala ng Amerika ang hukbong siyang mananakop sa lahat ng ating lupain, at hindi pa sinisimulan ang malawakang kampanya; magagawa ito ng Amerika ay wala akong duda, at gagawin nila ito kung magpupumilit tayo sa kasalukuyan nating kilos.  At ano ang mangyayari sa atin?
"Ano ang maari nating hingin?
"Tayo ay nagkamali at nagpipilit tayo sa mali, itinutulak tayo ng pinapangarap na tagumpay ng isang partido na ngayon ay isang minoriya sa Estados Unidos, at nakalimutan nating ang partidong ito ay isa ring Amerikano, at hindi nila iaabot ang ating kalayaan dahil lang sa bugso ng damdamin ng hindi tataliwas sa kanilang karangalan at mahalagang pananagutan, panloob man o panglabas ng bansa, na kanilang nilagdaan sa kasunduan sa Paris.  Ang iba sa atin ay nangangarap niyan dahilan sa ang ilang pahayagan sa Europa ay gumagaya sa mga anti-imperyalismo sa Amerika na tumutuligsa sa pamahalaan ni Pangulong McKinley na isang pakikialam ng mga taga Europa ay maasahan, kahit na ang kasunduan sa Paris ay ginawa sa harap ng mundo at tanggap ito. 
"Ang digmaan ay nagpamalas lamang ng ating pagkukulang at kapintasan.
"Sa aking palagay, ayon din sa ating kalagayan, dumating na ang panahon na dapat nang palitan ang iyong patakaran sa kaugat-ugatan, maliban kung nais mong makita ang paglaho ng pagasa ng sambayanan ay maging kaisa sa mga makabihasnang bansa, maliban kung gusto mong mamasdan ang pagkasira ng ating lahi at pati na ng ating bayan, at maliban kung tinatanggap mo ang malubhang pananagutan na maaatang sa iyo.  Kaya ngayon, nangungusap ako sa iyo bilang kaibigan at nagsasabing ang kapayapaan ay kailangang-kailangan.
"Walang makapipigil sa tagumpay ng Amerika .. Huwag piliting humarang sa di maiiwasan.
"Ang kapayapaan ay talagang darating, at ang taong magpapanumbalik nito sa Pilipinas ay tatanggap ng papuri ng mundo, at pasasalamat ng bayan.  Maging ikaw ang taong iyan.  Mula pa noong 1896 ikaw na ang kaluluwa ng sambayanan, at napagukulan ka ng pagpapala dahilan sa iyong di akalaing katalihuhan.  Maging tagapagpayapa ka na upang ang iyong kabunyian ay mamalagi.  Di nga ba’t ikaw ang dinala dito ng mga Amerikano, namuno sa sambayanan upang makalaya sa Espanya, ikaw na ngayon ang magsalita “Itigil na ang labanan”.
"Napatunayan natin na ang ating adhikain ay hindi makakamtan sa ganitong paraan; kailangan natin ang kapayapaan, gawin natin ito at matuto.  Dahil sa paggawa at pagkaalam katulong ang mga malayang Amerikano,  mahuhugasan ang ating masasamang ugali na minana sa dating amo, at sa darating na panahon makakamtan din natin ang minimithing kalayaan.
"Ito sa aking palagay ang hinihingi sa atin na dapat gawin, at sa wari ko ay hindi mo pagsisisihan.  Wala ibang kalutasan – walang ibang paraan.  Huwag kalimutan na maraming Pilipino ang namamatay araw-araw sa pagtatanggol ng di mangyayari; at lalo pang nasisira ang mga ari-arian inilalaan sa walang kahihinatnan, at sa huli, kung walang makakatulong kundi ang sumuko sa mga Amerikano, hindi mo madadaan sa pagaalay ng lalong maraming buhay at ari-arian, na ang mangyayari ay sasagutin mo sa panginoon at sa mga tao ang isang malaking pananagutan na aking ikinababahala. 
"Tumigil ka habang maaga pa, at maniwala ka sa akin na ito na ang pagkakataon: kung pagtatagalin pa ay maaring ang patakaran ng pamahalaang Amerikano ay magbabago sa damdamin ng malaya at mabunying mga tao, na nagmamahal sa sarili nilang kalayaan tulad din ng pagmamahal ng ibang bansa, at matuloy ito sa isang labanan ng lahi na magtatapos sa ating pagkalipol.
"Naniniwala ako sa mga nasambit ko dito ay nagawa ko aking tungkulin at nagampanan ang iyong hinihiling.  Nais kong malaman mo na kusa kong ginawa ito, walang nagbigay ng mungkahi o pumilit sa akin, at hindi rin ako sumangguni sa araling pulitika, o kaya ay naghanda upang makapangusap tungkol sa mga bagay na ito.   Ang halaga lamang nitong aking palagay ay ang pagpapakita ng taimtim na paniniwala ng isang mamamayan na sumusunod lamang sa mabuting pananalig at hangarin ng kanyang kababayan.
"Ako, tulad ng dati, iyong nagmamahal na kaibigan at tagsunod,
"B. Legarda"

At narito naman ang sagot ni Aguinaldo:
"Personal
"Pamahalaang Republikano ng Kapuluang Pilipinas Tanggapan ng Pangulo    
 "Tarlac, Ika-4 ng Septiyembre 1899
"Sr. Benito Legarda, Manila.
"Natatangi kong kaibigan:
"Ang dalawang mabuting sulat mo ay aking natanggap at natanto ko ang nilalaman. Salamat sa mga pabatid na ibinigay mo.  Humihingi ako ng paumanhin sa pagkaantala ng aking sagot, dahil masasabi ko sa iyo na may kaunting panahon ang lumipas bago dumating ang mga sulat.
"Naniniwala ako sa sinasabi mo na ang tulong ng mga kaaway ay hindi magtatagal at darating.  Hindi lang ako naniniwala dito, kundi ito’y katunayan, at bago pa man sumiklab ang digmaan dahil sa kanilang yaman at makapangyarihang pangdigma, magagawa nila, kung nanaisin, na magpadala ng kahit ilan.
"Bilang sagot ko dito sinasabi ko sa iyo na hindi mangyayari na tatalikod ako sa aking sinimulan – na ipagtanggol ang ating bayan, lalo na’t sumumpa ako na habang may buhay ay magpupunyagi hanggang makamtan ang pagkilala sa kalayaan ng Pilipinas. Huwag mong isaisip na ang pagnanais kong ito ay isang kapalaluan, sa katunayan ito’y bunga ng pagnanais na matupad ang nasabing sumpa.  Ito, at dagdag pa ang katunayan na ang pakikibaka para sa kalayaan ng ating bayan ay makatuwiran at nakasalalay sa ating likas na karapatan.
"Kami ay hindi natatakot sa dami ng sandata o tapang ng kaaway.  Ano na lang ang buhay kung tayo ay magiging alipin ng dayuhan?  Nakakalungkot na lahat ng nagaral at naliwanagang Pilipino ay hindi ginagamit ang kanilang dunong at karanasan sa pagtatanggol ng ating bayan.  Inuulit ko, hindi namin isusuko ang pakikibaka hanggang hindi nakakamtan ang minimithing kalayaan: ang kamatayan ay hindi nakakabahala sa amin kung ito ang siyang titiyak ng katiwasayan ng sambayanan at mga darating pang salinlahi.
"Hindi tayo dapat mahalina sa makukulay na pangako ng kaaway.  Alam mo na una nilang ipinangako sa akin na kikilalanin ang ating kalayaan.  Datapawa’t, sinusubukan nilang ipagpilitan sa atin ang autonomiya sa pamamagitan ng lakas.  Gumagamit sila ng sumasabog na bala simula noong ika 9 ng Agosto, at binobomba nila ang hindi makakapagtanggol na kuta, labag sa kautusan ng pangdaigdigang batas.  Ngunit walang halaga na gumamit sila ng mapamuksang pangdigma.  Ang matagalang paglaban at tibay ng kapasyahan ay sapat na upang sila ay manghina.  Kung ito ay kulang pa upang ang kaaway ay tumigil sa kanilang sikap, kami ay mamumundok, kung kailangan, at hindi kami tatanggap ng anumang kasunduan ng kapayapaan na ikahihiya ng hukbong Pilipinas at makakasira sa kinabukasan ng ating bayan, tulad ng kanilang nais na sapilitang ipatupad.
"At dahil dito, pinapayuhan ko lahat ng hindi handang dumanas ng paghihirap, at ang kanilang paninilbi ay hindi lubhang kailangan ng ating pamahalaan, na bumalik sa Maynila at sa mga bayang sakop ng kaaway, at paghandaan ang pagpapalakas ng katatagan ng ating pamahalaan kapag nakamit na ang ating kalayaan, papalitan ang mga pagod sa pakikibaka, na nangangailangan ng pahinga.
"Hindi ako nababagabag kung ang ilang mga Pilipino ay payag na magsilbi sa serbisyo ng mga Amerikano; sa kabaligtaran, ako ay natutuwa sa ginawa nilang ito, dahil sa ganitong paraan ay makikilala nila ang tunay na katauhan ng mga Amerikano. Natutuwa din ako na ang ating kaaway ay umaasa sa mga Pilipino na mamahala ng matataas na tungkulin sa pampublikong serbisyo at mga sangay nito, nagpapatunay na kinikilala nila ang kakayahan ng ating sambayanan sa nagsasariling pamahalaan.
"Bago ako magtapos nais kong ilatag sa iyo ang katanungang ito:  Saan nakatuon ang patakarang panghikayat na pinaiiral ng kaaway kundi sa patuloy na paglaban ng ating hukbo?
"Hindi dapat pagsisihan ang isang makatuwirang kapasyahan.
"Mabuting pagbati sa iyong kamaganakan at kina Gg. Arellano, Pardo, Torres, ang iba pang kaibigan.
"Pagutusan po ang inyong nagmamahal na kaibigan,
"E. Aguinaldo."

<><><>-o-O-o-<><><>









































No comments:

Post a Comment