Monday, April 6, 2020

Sino ba ang Unang Pangulo - Si Bonifacio o si Aguinaldo?

(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Was Bonifacio the first president of the Philippines?,” na matatagpuan sa pahina 95-112 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)





Hindi pa rin humuhupa ang ingay sa pahayagan at panlipunang talaytayan ng mga nagsusulong ng panukalang si Andres Bonifacio ang dapat itanghal na unang pangulo ng Pilipinas.  Ilang taon na rin ang nakalipas nang ihain ng mga kilalang mananalaysay at ilang mga dalubhasa ng mga tanyag na pamantasan ang isang pamanhik na bawiin kay Emilio Aguinaldo ang titulo.  Ngunit hangga ngayon ay hindi pa rin nabibigyang pansin ang pamanhik na ito at marahil dadaan ito sa butas ng karayom dahil hindi basta-basta mababaliwala ang hatol ng  Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute) noong ika-7 ng Hulyo 1994 na tinanggihan ang panukala na kilalanin si Andres Bonifacio bilang unang pangulo ng Pilipinas.

Ang pamanhik na ito na pinamagatang: GAWIN ANG MGA HAKBANG UPANG KILALANIN SI BONIFACIO BILANG UNANG PANGULO NG PILIPINAS (To take the necessary steps to recognize Bonifacio as the first president of the Philippines) ay nalathala sa Esquiremag Philippines noong Marso 2015 at sumonod naman sa talaytayang change.org nang ipinamanhik kay pangulong Rodrigo Duterte pagkahalal niya bilang pangulo ng Pilipinas noong taong 2016.

Ang mga nangunguna sa pamanhik na ito ay kilala sa pagtataguyod at humahaligi sa dalumat na ang ating lipunan ay hati sa dalawang hanay -  ang elit at ang masa.  Sa kanilang pananaw, si Andres Bonifacio ang kumakatawan sa masa, si Aguinaldo naman sa elit.  Ayon sa kanila hindi dapat kilalanin si Rizal at si Aguinaldo na bayani ng lahi dahil sila’y mga elit na may mga pansariling hangarin na nakukulayan ng pangdayuhang damdamin.  Ang tanging maituturing na bayani, ayon sa kanila, ay iyong mga nagmula sa masa tulad ni Bonifacio at Jacinto na ang adhikain ay nakatuon sa kapakanan ng bayan, hindi pangsarili.

Matagal nang ibinasura ng mundo ang  simulaing elit laban sa masa.  Ngunit dito sa atin ang lantang pananaw na ito ay pilit pa ring binubuhay at dinidilig ng paulit-ulit na wisik ng sigaw at ingay ng mga nasa hanay ng ating lipunan na ginagamit ang katauhan ni Bonifacio bilang simbolo ng kanilang rebolusyonaryong pakikibaka sa hangaring ibagsak ang lehitimong pamahalaan.

Mahalagang malaman kung ano ang ikinakatuwiran ng inihaing pamanhikan upang mailatag ang sagot na siyang magaakay sa mambabasa tungo sa katotohanan.  Narito ang mga pamanhik na hango sa nalathala sa change.org na isinalin sa Tagalog at ang katapat na sagot: 
PAMANHIK Blg. 1: Noong sumiklab ang himagsikang Pilipino noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay hindi lamang isang samahan kundi nagbagong anyo at naging isang pamahalaang himagsikan ayon sa mga kasulatan.  At dahil si Andres Bonifacio ang pinuno ng Katipunan noon, siya ang unang pangulo ng Pilipinas.
SAGOT: Hindi nagbago ang Katipunan, kung ano ito pagsiklab ng himagsikan, ganon din noong ito ay itatag, isang samahang panghihimagsik.  Ang tanging pagbabago ay naging lantad ang Katipunan sa panahon ni Bonifacio, sa halip na lihim.  Kaya kung susundan ang dalubmatwiran na ito, si Deodato Arellano ang unang pangulo, hindi si Bonifacio.
PAMANHIK Blg. 2:  Ang ugat ng pamumuno ni Aguinaldo ng himagsikan ay ang kanyang pagagaw ng kapangyarihan sa Supremo pagkatapos na siya ay barilin sa Cavite noon ika-10 ng Mayo 1897.
SAGOT: Kabaligtaran ito.  Si Bonifacio ang nagtangkang umagaw ng kapangyarihan kay Aguinaldo pagkatapos siyang mahalal na pangulo ng pamahalaang himagsikan.  Ang Cavite ay napalaya sa pagtutulungan nina Mariano Alvarez at Emilio Aguinaldo, o ng sangguninang Magdiwang at Magdalo ng Katipunan.  Nang magkaroon ng kapulungan sa Tejeros, nagtayo ng bagong pamahalaang himagsikan at si Aguinaldo ang nahalal na pangulo.  Dito nagsimula ang pangkalahatang kapangyarihan ni Aguinaldo, hindi galing sa pangaagaw kay Bonifacio ng katungkulan.  Si Bonifacio nga  ang nagtangkang bumawi ng kapangyarihan sa pamamagitan ng di pagkilala sa bagong pamahalaan at paglaban dito, na naging mitsa ng kanyang kinahantungan. (may dagdag paliwanag sa ibaba - vcl)
PAMANHIK Blg. 3: Ang araw ng halalan na naganap nang magsimula ang himagsikan ay pinapatunayan ng borador ng paghirang ni Bonfacio kay Mariano Alvarez na pangkalahatang pinuno ng manghihimagsik sa lalawigan ng Cavite na may petsang ika-26 ng Agosto 1896 sa Kalookan.
SAGOT: Walang naganap na halalan sa pulong noong ika-24 ng Agosto 1896 kundi ang paghirang sa mga heneral na mamumuno sa apat na pangkat na naatasang lulusob sa Maynila, at kasama na rin ang paghirang kay Mariano Alvarez na mamuno sa pinagisang kilusan ng manghihimagsik sa lalawigan ng Cavite.  Ang pulong ay dinaluhan din ng isang nangangalang Domingo Orcullo na kumatawan para sa mga Magdalo, at walang ibinalita si Orcullo kay Aguinaldo tungkol sa  halalan o pagtatayo ng pamahalaang himagsikan, liban sa mga balak na pagalsa, hudyatan at pagkakahirang sa apat na heneral at kay Mariano Alvarez. (may dagdag paliwanag sa ibaba - vcl)
PAMANHIK Blg. 4: Mahalaga ang mga kasulatang (nasa archivo militar ng Madrid) dahil nagpapakita na ang Katipunan ay mayroong pinakapusong nagpapatakbo ng pamahalaan.  Ang iba’t ibang sulat, utos at mga parating mula sa mga sanggunian ng Katipunan at mismong galing kay Bonifacio ay nagpapatunay na ang Katipunan bilang isang samahan noong 1896 ay tunay na pamahalaan, isang pamamaraan na naitalaga nang simulan ang Kataastaasang Kapisanan ng himagsikan at itayo ang pamahalaan.
SAGOT: Pagkatapos ng malaking pagkabigo sa Pinaglabanan, San Juan, noong ika-30 ng Agosto, 1896, nawalan ng hawak si Bonifacio sa samahan; namuhay siya mistulang isang lagalag sa loob halos ng apat na buwan, palipat-lipat ng taguan.  Sinubukan din niyang mangagaw ng bayan, ngunit bigo, kaya naipagtapat niya sa kanyang sulat kay Mariano Alvarez bago siya nagtungo sa Cavite na hindi siya makaagaw ni isang bayan na magagamit niyang himpilan.  Ang mga tinutukoy na nagawa ng Katipunan sa Maynila pagkatapos ng malaking pagkatalo sa Pinaglabanan ay walang saysay o kabuluhan. (may dagdag paliwanag sa ibaba - vcl)
PAMANHIK Blg. 5: Sa selyo ng Haring Bayang Katagalugan ang mga katagang Kataastaasang Kapisanan ay pinalitan ng Kataastaasang Kapulungan, na nangangahulugan ding Kataastaasang Katipunan, na nagbibigay himig ng lalong pangpamahalaan, isang paraan nina Bonifacio at kanyang kasamahan na itakda ang pamahalaang himagsikan na kakaiba sa samahang Katipunan.
SAGOT:  Anumang salita o bagay ay maaring ilagay sa selyo ngunit ito’y walang kabuluhan kung walang katapat na kaganapan.
PAMANHIK Blg. 6: Nang mga huling araw ng 1896 at sa panimula ng 1897 ang Kataastaasang Sanggunian ay gumaganap na isang panlalawigang pamahalaan sa ilang lugar, lalo na sa silangang Maynila at sa paambundok ng Sierra Madre, ang mga pinunong hukbo at sambayanan ay naghahalalan, humihirang ng tagasunod, nagbabalak at sumusuong sa mga sagupaan laban sa kastilang kaaway, lumilikom ng salapi para sa himagsikan, at pinangangalagaan ang mga taongbayan sa masamang bunga ng labanan.
SAGOT: Tulad din ng sagot sa Pamanhik Bg. 5 sa itaas, nasa mga kaganapan o kinalabasan ang timbangan ng kahalagahan o kabuluhan ng mga sinabi sa itaas.
PAMANHIK Blg. 7: Ang pamahalaan ng Katipunan ay mayroon ding pakikipagtungo sa labas ng bansa.  Isang komisyong nasa ibayong dagat ang nagtangkang makipagkasundo sa mga Hapon ng tulong – pulitika, militar at pananalapi at sinubukan din nilang makipagugnayan sa konsulado ng Amerikano, Pranses sa Hong Kong
SAGOT:  Ang tanging malinaw na naging pagsisikap na makahingi ng tulong sa ibayong dagat ay ang pagbisita ni Bonfacio at mga kasama sa Bazar Hapones sa Maynila upang makipagkita sa pinunong dagat ng barkong pangdigmang Hapon, ang Kongo, upang ibigay ang isang sulat-pamanhik sa Emperador na makialam ang bansang Hapon sa kalagayan ng Pilipinas at gawin itong isang bansang protektado ng Hapon.  Walang kinalabasan ang usapan at hindi binigyan ng kahalagahan ng pinunong Hapones ang nilalaman ng pamanhik (St. Clair, 213)
PAMANHIK Blg. 8: Pinapatunayan ng mga mananalaysay na sina Milagros Guerrero at Zeus Salazar sa kanilang mga nalathalang sinulat ang pangkalahatang pamumuno ni Bonifacio sa hukbong Katipunan, siya ang nagiisip ng patigayon para sa pambansang pagkilos, di tulad ni Aguinaldo na hanggang sa paggamit lamang ng mga taktika sa panimula pa man ng himagsikan.
SAGOT: Wala itong katotohanan.  Sapagkat pagkatapos ng malaking pagkatalo sa Pinaglabanan, San Juan, Maynila, si Bonifacio ay naging lagalag, naputol ang ugnayan sa iba’t-ibang sanggunian ng Katipunan.  Nang lumipat sa Cavite, sa halip na makatulong, naging sagabal siya sa mga plano at gawain ng mga manghihimagsik.  Ayaw niyang pumayag sa pakiusap ni Aguinaldo na magsanib ang hukbong Magdiwang at Magdalo upang harapin ang lumulusob ng mga Kastila, ayaw tumulong kay Aguinaldo, at ipinaharang pa ang mga tutulong sa mga hukbong Magdalo na nagtatanggol sa Pasong Santol.  Sa katunayang, naging pabigat nga siya. (Saulo[Emilio], 136)
PAMANHIK Blg. 9: Sa ika-8 ng Pebrero 1897 limbag ng “La Ilustraccion Espanola y America”, sa isang sinulat tungkol sa himagsikang Pilipino ay kasama ang isang larawan ni Bonifacio na nakasuot ng itim na lanang damit at puting taling-leeg na may nakasulat sa ibaba: “Andres Bonifacio Pangulo ng Republika Tagala.”
SAGOT: Ang mga dayuhang pahayagan ay hindi maaasahang magparating ng mga balita tungkol sa panahon ng himagsikan na mapapagkatiwalaan.  Tungkol sa bagay na ito ang mga sulat ng mga Kastilang sina Padre Pio Pi at Piscal Comenje (ibilang na rin ang galing kay Fray Tomas Espejo - vcl) na nagaalok ng tigil-putukan at paguusap ng kapayapaan ay nakapangalan kay Aguinaldo, hindi kay Bonifacio, nagpapatunay na si Aguinaldo ang kinikilala ng mga Kastila na puno ng himagsikan, hindi si Bonifacio. (Saulo[Emilio], 130)
Upang makatulong sa pagninilay-nilay ng usaping ito, dapat balikan ang mga pangyayari noong itayo ang Katipunan, sumiklab ang himagsikan, hanggang sa huling araw ng Supremo Andres Bonifacio.

Ang Katipunan
Ilang mananalaysay na nagsasabing ang Katipunan ay kathang isip ni Marcelo H. Del Pilar  nang ipayo niya ang pagtatayo ng isang samahan na kabibilangan ng mga pangakaraniwang tao at tagagawa sa bukid na bubuo ng isang malakas na pwersa, at sa pamumuno ng kanilang mga amo, ay ilulunsad ang himagsikan sa tamang panahon (St. Clair, 38).  May mga kasulatang naging batayan ng pagtatayo ng kilusan - ang Casaysayan, ang Pinagcasunduan, at ang Manga Daquilang Cautusan (Richardson, 6-38), danga't hindi malinaw kung ito nga ang mga kasulatang ipinadala ni Del Pilar kay Moises Salvador (Richardson, 24) na kasabay ng atas kina Deodato Arellano (kanyang kinakapatid), Andres Bonifacio, Ladislao Diwa at Teodoro Plata  na isagawa ang pagtatayo ng kilusan (Taylor, 1:196).

Nang maitayo ang Katipunan noong ika-7 ng Hulyo 1892 (Santos[Bonifacio], 35), si Deodato Arellano ang nahalal na unang pangulo at si Bonifacio ang naging kalihim.  Nang sumunod na taon, naalis si Arellano at pinalitan ni Roman Basa, nangyari ito sa pakikialam ni Bonifacio.  Di pa nagtatagal ay pinalitan din ni Bonifacio si Basa pagkatapos ng isang biglaang naganap na halalan na bunga ng pagtatanong ni Basa sa kalagayan ng pananalapi ng Katipunan na nasa pangangalaga ni Bonifacio. (St. Clair, 43-44)  Nang si Emilio Jacinto ay sumapi sa kilusan noong 1894, ang mga batas, alituntunin, patakaran, pagtuturo at pangaral ng Katipunan ay naisulat at naipakalat sa mga kasapi.

Bago pa man sumiklab ang himagsikan, ang Katipunan ay isa ng hubog pamahalaan dahil may nasasakupang mga kasapi, may saligang batas, may balangkas ng pangangatawan, patakaran at adhikain.  Kung tutuo ngang isang pamahalaan ang Katipunan si Arellano ang dapat tawaging unang pangulo ng Pilipinas kung susundin ang panukat ng mga namamanhik.  

Mali daw ito dahil lihim at tago pa ang Katipunan sa panahon ni Arellano at naging pamahalaan lamang nang natuklasan ng mga Kastila at napilitang lumantad ang Katipunan.  At dahil nga si Andres Bonifacio ang kasalukuyang pangulo nang sumiklab ang himagsikan at nalantad ang Katipunan sa kanya ibinibigay ang titulo na unang pangulo ng Pilipinas.

Ang pinagbabatayan ng kaisipang ito ay galing sa tinatawag na “Philippine Insurgents Records” (PIR) o mga kasulatan ng himagsikan na sinamsam ng mga Amerikano, at pinangalagaan ni Kapitan John M. Taylor.
.


Sa kanyang pagsasalaysay sa PIR ng himagsikan sinabi ni Taylor:
Lumabas ang Katipunan sa pagkakatago, itinabi ang balabal ng iba pang layunin, at tanging pinagtuunan ang paglaya ng Pilipinas.  Ang mga sanggunian ay ginawa ni Bonifacio na mga batalyon, ang mga tagapangasiwa ay naging mga kapitan, at ang katataastaasang sanggunian ng Katipunan ay naging pamahalaang himagsikan ng Pilipinas.” (Salin mula Ingles sa Taylor, 1:63)

Ayon kay Taylor, ang Katipunan ay naging isang pamahalaang himagsikan nang hubarin nito ang pagiging lihim at lumantad sa lipunan bilang isang kilusang manghihimagsik.  Tinutukoy ni Taylor ang mga pangyayari noong ika-24 ng Agosto 1896 sa Balintawak nang magpulong sina Bonifacio at mga manghihimagsik bago ilunsad ang himagsikan.  Sa pulong na ito isinaayos ang hukbo sa apat na pangkat at bawat isa ay pinamunuan ng napiling heneral.  Binalak din ang mga kilos sa gagawing sa paglusob sa Maynila pati na rin ang mga hudyatan na tatawag pansin sa mga karatig pook. Apat na heneral ang hinirang upang pamunuan ang paglusob, sila ay sina  Aguedo del Rosario, Ramon Bernardo, Francisco Carreon, at Vicente Fernandez.  Nahirang din si Mariano Alvarez na siyang “. . . magaakay ng Hukbo . . . sa pinagkaisang paggalaw . . . sa buong hukuman ng Tangway [Kabite]".    (Corpuz, 48-49; Ronquillo, 30) Ang pulong ay dinaluhan ni Domingo Orcullo bilang sugo ng Sangguniang Magdalo na may uwing sulat buhat sa Supremo Andres Bonifacio para kay Aguinaldo at ipinaaalam ang paglusob sa Maynila na magaganap sa gabi ng ika-29 ng Agosto, 1896 na pangungunahan ng babala sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw sa Luneta. Walang binanggit na nagtayo ng isang pamahalaan o naghalal ng mga bagong pamunuan.  (Aguinaldo[Gunita], 68)



Haring Bayang Katagalugan
Ayon sa mga nagtutulak ng kaisipan, ang pagiging pamahalaan ng Katipunan ay sumibol mula sa  tinatawag na  Bayan, na ang kahulugan ay kalipunan ng mga mamamayan na binibigkis ng nagkakaisang lahi, wika, kasaysayan, kultura, damdamin o adhikain.  Hindi kailangan na mayroong sakop na lupain, estado o balangkas ng republika upang maging isang pamahalaan. Sapat na may bumubuong mga kasapi upang ang kapangyarihang mamamahala sa kanila ay mamayani.  At sa ganitong kalagayan ay magkakabuhay ang isang pamahalaan.  

Samakatuwid, ang Katipunan ay isang bayang naghahari, o HaringBayan, kaya ang buong Pilipinas ay sinakop ng tinaguriang Haring Bayang Katagalugan.  Ayon sa kanila, kasama rito ang mga nakatira sa  lahat ng bahagi ng Pilipinas dahil ang salitang katagalugan ay hindi lamang mga Tagalog ang tinutukoy.  Ang salitang tagalog ay pinalawak ni Emilio Jacinto nang sabihin niyang, “. . . Sa salitang tagalog katutura'y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito, sa makatuid, bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc, ay tagalog din.” (Santos[Jacinto], 60)   Dahilang si Andres Bonifacio ang pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, siya ang dapat itanghal na unang pangulo ng Pilipinas.  

Ang tanong, may katuturan nga ba ang katuwirang ito?

Hindi, mapurol ang katuwiran.  Ang isang pamahalaan ay tunay na Haring Bayan kung ang mga galamay ay nagkakaisa sa mga katangiang  ginamit na batayan at sumusunod sa pangkalahatang patakaran at kautusan ng samahan.  Ganito ang katayuan ng Katipunan nang ilungsad ang himagsikan, isang pamahalaang maituturing na Haring Bayan. At hindi kinakailangan ng Katipunan na mayroon itong hawak na mga lupain dahilan sa ang isang Haring Bayan ay ganap na pamahalaan kapag umaayon sa mga batayan na nabanggit sa itaas.

Subalit masikip ang pagpapalagay na ito, dahilan sa hindi kaagad-agad maitataas ang antas ng Katipunan at gawing isang Haring Bayang Katagalugan hangga't hindi nagiging kaisa ang ibang mga bayan, tulad ng Bisaya, Iloko, Kapangpangan, atb., upang ang kapangyarihan ng Katipunang mamahala ay lumawak at sumakop hindi lamang sa mga kasaping nagkakaisa ng mga katangiang nabanggit. Kaya ang pangulo ng pamahalaang ito ay hindi matatawag na pangulo ng Pilipinas dahil siya ay pangulo lamang ng isang Haring Bayan, ang Katipunan, at hindi ng Haring Bayang Katagalugan.  

Ang pangsakop na salitang Katagalugan ay hindi aangkop tulad ng ninanais na malawak na hangganan ni Jacinto, dahil, una, ang nagsasalita lamang ng wikang Tagalog ang makakasali sa Haring Bayang,  at hindi buong Pilipinas; ikalawa, nang dahil din sa magkakaibang damdamin o adhikain ang mga Bisaya at Macabebe na nagsisilbi sa hukbo ng mga Kastila at ang mga hindi Kristiyanong taga Mindanao ay labas din sa sakop ng Haring Bayang.  Upang mapasama ang lahat ng tubo sa Pilipinas, kinakailangang ang Haring Bayang Katipunan ay maging isang estado o republika, upang sa ganitong kalagayan ay magiging ganap ang pagiging Haring Bayang Katagalugan ng Katipunan at hindi na kinakailangang bigkisin pa ang mga kasapi ng iisang lahi, wika, damdamin o adhikain.  Kaya nga ang Katipunan o Haring Bayan ay nanatiling isang naghaharing bayan lamang at hindi nagbago upang maging isang Haring Bayang Katagalugan na balak sasakop sa buong Pilipinas sa binagong pananaw ni Jacinto.  Samakatuwid, ang pagkapangulo ni Bonifacio ng Katipunan ay hanggang doon lamang at  hindi pangkapuluuan.  

Likas na Kahinaan ng Katipunan
Subalit ang pinakamatinding pagpuna sa Katipunan, ang naghaharing bayan, o Haring Bayan,  ay mismong kalagayan ng mga sangguniang bumubuo ng Katipunan, o ang kanyang pinaka balangkas nito.  Sa simula’t mula pa, ang mga sangguniang Katipunan hindi magkakaugnay.  Sila ay hiwa-hiwalay, may sari-sariling pinuno, at walang pakialamanan sa isa't isa.  Napatunayan ito sa nangyari kay Supremo Andres Bonifacio pagkatapos ng labanan sa San Juan.
  
Nang mabigo ang pagsalakay sa San Juan noong ika-30 ng Agosto 1896, nagkawatak-watak ang Katipunan at si Bonifacio ay namuhay sa Balara at mga bundok ng San Mateo sa loob halos ng apat na buwan halintulad sa isang lagalag.  Sampu na mga ilang tauhan, siya ay nagpalipat-lipat ng taguan, paminsan-minsan ay sumasalakay sa karatig bayan, ngunit palaging bigo.  Kaya nga nabanggit niya sa kanyang sagot sa anyayang bumisita sa Kabite na hindi siya nakabihag kahit isang bayan man lamang upang magamit na himpilan o tanggulan (Corpuz, 96).

Sa kanyang kalunoslunos na kalagayan nasaan ang mga sangguniang Katipunan at 30,000 kasapi?  Bakit walang sumaklolo, kumupkop o tumulong kay Bonifacio?  Kakaunti lang naman ang nasawi sa San Juan (Pinaglabanan) at ang maraming sanggunian ng Katipunan ay buo pa rin. Para bagang biglang naglaho ang Katipunan.  Ang katotohanan, hindi nagkaroon ng buhay ang Haring Bayan, ang sinasabing pamahalaan ng Katipunan,  kahit na ito’y lantad na, dahilan sa watak-watak pa rin, at ang pinakapangulo, ang Supremo, ay walang mahigpit na hawak o ugnayan sa mga namumuno ng mga sanggunian.

Nagkaroon lamang ng panibagong buhay ang Haring Bayan nang mapunta at mamalagi si Bonifacio sa Kabite kung saan dito unang lumabas ang titulo o pamagat na Haring Bayang Katagalugan.  Ngunit dito man sa Kabite ay hindi kinilala o tinanggap ang nasabing pamahalaang himagsikan na iniuugnay kay Bonifacio.

Hindi kaila na nagbago nga ng anyo ang Katipunan, subalit ang pagbabago ay pagiging isang kilusang lantad sa halip na lihim.  Ang mga sinasabi ni Taylor na “sangguniang naging batalyon”, “mga tagapangasiwang naging Kapitan” at ang “Kataastaasang Sanggunian ng Katipunan na naging pamahalaan ng manghihimagsik” ay malinaw na patalinhaga o pabulaklak na salita lamang.  Hindi nabago ang buod ng Katipunan, isa pa ring samahang hiwa-hiwalay, walang ugnayan, at walang sapat na katangian upang kilalaning isang tunay na pamahalaan.

Pulong sa Imus - Patunay na Walang Pamahalaang Himagsikan
Magagamit na patunay ang pulong na naganap sa Imus noong ika-28 (29 sabi ni S.V. Alvarez - vcl) ng Disyembre 1896 na ang Katipunan ay hindi isang pamahalaang himagsikan.  Sa pulong na ito, iminungkahi ni Baldomero Aguinaldo na pagsamahin ang Magdiwang at Magdalo sa iisang pamahalaan, iisang hukbo at iisang puno.  Narito ang napagusapan na salin mula Ingles sa mga pahina 2033-2036 ng aklat ni Zafra (tingnan din ang Corpuz, 98-100 at Saulo[Emilio], 122-123) :
Sinabi ni Ariston Villanueva, ang ministro ng digma ng Magdiwang, na sila ay ayon sa pagtatatag ng isang pamahalaang himagsikan, ngunit kanyang iminungkahi na ilaan ang pinakamataas na tungkulin kay Andres Bonifacio, bilang Supremo ng Katipunan.
“Tumutol si Edilberto Evangelista sa panukala ni Villanueva.  Tinawag niya ang kanilang pansin sa katunayan na maraming bilang ng mga mamamayan na hindi naman mga katipunero ang nakisali sa himagsikan.
“Hindi tama o nararapat sabihing ang himagsikan ay binabalikat lamang ng Katipunan.  Ang pagsasamasama ng ating mga lakas ay walang kahihinatnan kung hindi kikilalanin ang ambag ng ating mga kababayan sa ating layuning paglaya.
“Ang ministrong panloob ng Magdiwang ay tumayo din at nagsalita, “Kami ay umaayon na maghalal ng mga ministro ngunit hindi ang pinakpuno ng pamahalaang himagsikan.”
Natigil ang pulong ng walang napagkayarian dahilan sa dumating ang mga kaanak at balo ni Rizal at ibinalitang nahatulang barilin ang bayani.  Nalipat ang usapan sa isang balak na iligtas si Rizal, ngunit tumutol si Paciano dahil aniya hindi nanaisin ni Rizal na mautas ang dalawa o marami pang buhay ng dahil lang sa kanya. 

Maliwanag sa pulong na binanggit sa itaas na ang Katipunan ay hindi kinilala ng mga manghihimagsik sa Cavite bilang isang pamahalaan.  Ang napagusapan sa pulong ay ang pagtatatag ng bagong pamahalaang himagsikan ng pinagpisang Magdalo at Magdiwang, at ang paghahalal ng mga bagong mamumuno.  Ang mungkahi na ilaan ang pinakamataas na katungkulan kay Bonifacio at gawin siyang pinakapuno, danga’t siya ang Supremo ng Katipunan, ay tinanggihan, nangangahulugang ang binalak na bagong pamahalaan ay walang kinalaman o kaugnayan sa Katipunan.

Alam at tanggap ni Bonifacio na siya ay matimbang lamang sa mga kasapi ng Magdiwang.  Kung sa wari niya ay pamahalaan nga ang Katipunan hindi siya dapat pumayag na pagbukludin pa ang Magdalo at Magdiwang, ngunit hindi niya pinigilan nang ito ang naging tunguhin ng pulong.

Haring Bayang Magdiwang
Nang dumating si Bonifacio sa Kabite bago magpasko ng taong 1896 (Ricarte[Himagsikan], 31), marangya siyang sinalubong at naghiyawan ang mga taongbayan ng Mabuhay ang Hari. (Corpuz, 97)  Tinanggap si Bonifacio sa Kabite bilang pinuno ng himagsikan, at kinilala ang kanyang pagka Supremo ng Katipunan.  Sa halip na hindi pumanig o magpakita ng pagkiling, minabuti niyang pumisan sa mga Magdiwang kung saan siya ay kinilalang Haring Bayan (o baka Hari ng bayan? - vcl),  at si Mariano Alvarez na dating pinuno ay bumaba ng tungkulin at naging Vir-Rey o Pangalawang Haring Bayan.  (Ronquillo, 140)  

Bakit kaya ang tingin ng mga taongbayan kay Bonifacio ay Hari?  At bakit tinawag din siya ng Magdiwang na "Haring bayan"?  Ang sagot, wala sa kamalayan ng mga tao o ng mga Magdiwang ang dalumat ng estado o republika, at ang tanging laman ng kanilang kaalaman ay pamahalaang maitutulad sa isang monarkiya na pinamumunuan ng hari, halimbawa ang monarkiyang Espanya.   Ito ang tinutukoy ni Taylor nang sabihin niyang:
“Ang pagtatayo ng isang republika o ang paggamit ng pamagat na republika sa mga sangay ng isang diktadurang Malay ay sa huli lang naalala.  Ang mga katipunero, noong Agosto 1896, na nagtaas ng watawat ng himagsikan, ang manghihimagsik tulad ni Bonifacio at Aguinaldo, ay hindi gaanong bihasa sa mga bagay na nangyayari sa labas ng kapuluan upang maunawaan ang kanilang pangangailangan.  Natutunan ito ni Aguinaldo sa mga taong sumapi sa kanya na nagaral ng kasaysayan ng Pransia at Espanya at marunong sa mga pamamaraan at kaisipan ng mga Kastila.  Napagtanto nila na kailangang takpan ang kanilang diktadurang pamamaraan ng pabalat-bungang republika.” (Taylor, 1:68)
Ang pagiging Supremo o Hari ng bayan ni Bonifacio ay taliwas sa pagiging isang pangulo ng isang pamahalaan estado o republika ayon sa kasalukuyang pagkaunawa sa kahulugan ng tungkulin.  Ang isang pangulo ng bansa ay halal mapang himagsikan, o Haring Bayan, o estado, o pang republika man.  Ang kapangyarihan ay maaring maangkin, ang sarili ay maaring italaga bilang pangulo, at ang kapangyarihan ay maari ding ibigay ng iba, subalit ang lahat nang ito ay gawa ng isang monarko, o diktador, o panginoong-digma, hindi ng isang pangulo.  

Tutuo ngang nahalal na pangulo si Bonifacio ng Katipunan noong 1893, ngunit hindi nangangahulugang pangulo na rin siya ng Pilipinas ng taong iyon, dahil kung gayon ito rin ang dapat na tayo ni Deodato Arellano.  Kaya nga natuloy ang pagtatatag ng pamahalaang himagsikan doon sa ginawang pulong sa Tejeros noong ika-22 ng Marso 1897 dahil sa ganang kay Severino de las Alas, ang Katipunan ay hindi republika at hindi rin monarkiya (Corpuz, 120), at ayon naman kay Antonio Montenegro, kung ang katayuan ng Katipunan ay hindi maliliwanagan, sila ay "mapapatulad sa isang hamak na pangkat lamang ng mga tulisan o kaya'y masahol pa rito, o kaparis lamang tayo ng mga hayop na walang mga katuwiran" (Ricarte[Himagsikan], 54; Alvarez, 84), punang naging sanhi ng pansamantalang kaguluhan sa pulong.

Mismong si Bonifacio ay hindi umangkin ng titulong pangulo ng Pilipinas o ng pamahalaang himagsikan.  Matatandaan na noong pinawalang bisa niya ang pulong sa Tejeros, bago siya lumisan, nagsalita siya ng ganito:
“Ako, sa aking pagka-Pangulo ng kapulungang ito, at sa pagka-Pangulo rin naman ng Kataastaasang Sanggunian ng Katipunan, na di nalilingid sa lahat,  ay ipinahahayag kong lansag na ang kapulungan ito at pinawawalan ng kabuluhan ang lahat ng sa loob niya’y pinagkayarian at pinagpasyahan.” (Ronquillo, 54)
Hindi niya binanggit na siya ay may kapangyarihan din bilang pangulo ng pamahalaang himagsikan, o ng Haring Bayan, o ng bansang Pilipinas.  Ang dahilan ay alam niyang wala pang tatag na pamahalaang himagsikan o ng bansang Pilipinas at hindi siya maaring maging pangulo ng isang pamahalaang wala pang buhay.  

Ngunit sa kahuli-hulihan ang naging tawag ni Bonifacio sa kanyang sarili ay Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.  Ang bagong titulo ni Bonifacio ay makikita sa isang utos na inilabas niya noong ika-19 ng Abril 1897 na nagtatatalaga kay Emilio Jacinto bilang pangulong hukbo sa dakong hilagaan ng Maynila. (Ronguillo, 79)


Nangyari ito pagkalipas na ng halalan sa Tejeros.  Mapapagtagni-tagni na ang pamahalaang Haring Bayang Katagalugan ay iniharap ni Bonifacio na hiwalay na pamahalaan bilang tugon at pangtapat sa pamahalaang himagsikan na itinayo sa Tejeros.



Halalan sa Tejeros


Ang kaunaunahang halalan sa Pilipinas upang pumili ng magiging pangulo ng pamahalaang himagsikan ay ginanap sa isang kapulungan noong ika-22 ng Marso, 1897 sa Bahay Hasyenda sa nayon ng Tejeros, kabayanan ng San Francisco de Malabon sa Kabite, ang tanging lalawigang napalaya sa pananakop ng Kastila.  Si Emilio Aguinaldo ng Sangguniang Magdalo ng Katipunan, kahit hindi nakadalo, ang siyang nahalal na pangulo.  Ang kinalabasan ng lihim na paghalal ay 146 na boto kay Aguinaldo, 80 kay Bonifacio at 30 kay Mariano Trias (May, 105). 


Nagkagulo ang kapulungan dahil tinutulan ni Daniel Tirona ang pagkahalal kay Bonifacio sa pinakamababang pwesto na kung iisipin naman ay tila pakonsuelo-de-bobo, o pangtakip sa kanyang sunod-sunod na pagkatalo sa dalawa o tatlong mas mataas na pwesto.  Ang galit na Bonifacio ay hinarap si Tirona at tinutukan ng baril.  Mabilis namang nakapagkanlong si Tirona sa maraming tao at nawala.  Pinakiusapan si Bonifacio ni Santiago Rillo, ang punong delegasyon ng Batangas na ipagpatuloy ang kapulungan at tanggapin ang kanyang pagkahalal, ngunit tumanggi si Bonifacio at bagkus ipinahayag na walang halaga at bisa ang kapulungan, at saka dali-daling umalis kasama ang kanyang tropa.  Pagkaalis ni Bonifacio, humarap si Rillo sa kapulungan at nagsalita ng ganito: 
". . .Alam ng lahat ang aming katapatan sa nagtatag ng Katipunan at sa Magdiwang; ngunit kung laban sa katuwiran ang kinalabasan ng halalan na napagkayarian ng lahat ay pawawalang bisa, kaming mga taga-Batangas ang magpapatupad nito sa pamamagitan ng lakas, kahit kami lamang, kung hindi ayon ang mga taga-Kabite." (De los Santos, 53). 
Pumangalawa naman ang mga taga-gitnang Luzon at pumanig sa hangad ng mga taga-Batangas. Pagkatapos ay humingi ng kapangyarihang mangulo sa kapulungan si Rillo, at ibinigay naman, kaya natuloy ang pulong at pinagtibay nila ang napagkayariang pagtatayo ng pamahalaang himagsikan at ang pagkakahalal ng mga mamumuno. (Ronquillo, 58 at 64)

Nakita ni Bonifacio na hindi pinahalagahan ang ginawa niyang pagwawalang bisa sa kapulungan. Kaya gumawa siya ng mga hakbang upang maibasura ang kinalabasan ng halalan o mabawi ang kapangyarihan na unti-unting nakakaalpas sa kanya.  

Unang tangka: Kinabukasan pagkatapos ng pulong, inutos niyang magbitiw ang lahat ng mga nahalal sa kadahilanang nabalutan ng dayaan ang  halalan.  Ang paguutos ay isinaad sa isang kasulatang tinatawag na Acta de Tejeros (Richardson, 320-327) na nilagdaan ni Bonifacio at higit sa apatnapung mga kasapi ng Magdiwang.  Subalit ang utos niya ay hindi iginalang. (Alvarez, 323)

Ang nakapagtataka, bakit saka lang inungkat ni Bonifacio ang tungkol sa dayaan nang tapos na ang halalan. Bakit hindi niya ito inilabas habang nagpupulong sa Tejeros upang agad sanang nasiyasat at nagawan ng karapatang lunas.  Siya ang pangulo ng kapulungan at may kapangyarihang pakialaman ang anumang hindi ayon sa tunguhin ng pulong. Ang pagkukulang na ito ni Bonifacio ay patunay na ang bintang na dayaan sa halalan ay isang kathang isip lamang na ginamit niyang dahilan upang tutulan ang pagsulong ng bagong pamahalaan.

Talagang mahirap paniwalaan ang paratang ni Bonifacio na may dayaan.  Una, ang Sangguniang Magdiwang ang nagpakana at tumawag ng kapulungan.  Ikalawa, ginanap ang halalan sa kanilang nasasakupang bayan.  Ikatlo, si Bonifacio mismo ang nangulo at namahala ng pulong.  Ikaapat, si Ricarte, isang masugid na tagasunod ni Bonifacio, ang gumanap na kalihim ng pulong at namigay ng mga balota.  Ikalima, marami sa mga dumalo sa pulong ay mga kasapi ng Magdiwang.  Ikaanim, walo lamang sa mga Magdalo ang nakarating sa pulong dahil ang kanilang mga kasamahan ay nasa labanan sa Pasong Santol, bayan ng Dasmarinas, at naghahanda sa paglusob ng mga Kastila.  Ikapito, lahat ng mga nagwagi ay mga Magdiwang liban kina Aguinaldo, dahil si Trias, dating isang Magdiwang, ay bagong lipat sa sangguniang Magdalo bago naghalalan.  

Ikalawang tangka: Nang hindi matinag ang mga Magdalo, pinagbintangan ni Bonifacio si Aguinaldo na isusuko ang  himagsikan at sila’y naglunsad ng isang kudeta sa pamamagitan ng isang kasulatang tinaguriang Acta de Naic. (Richardson, 355-377) na nilagdaan ng higit na apatnapung pinuno ng Magdiwang kasama ang dalawang heneral ni Aguinaldo - si Pio del Pilar at Mariano Noriel. Sa di inaasahang pagkakataon, napagalaman ito ni Aguinaldo at agad sumugod sa pinagpupulungan ng mga magkukudeta.  Pagkatapos manubok at siya'y  makita ng mga nagpupulong, bumababa si Aguinaldo at hinanap ang mga kawal na ikinulong nina Bonifacio. Binuksan niya ang mga pinto at nagsilabasan ang mga nakakulong ng mga kawal.  Marahil natunugan ng mga nagpupulong sa itaas ang nangyayari sa ibaba dahil nagmamadaling nagsibabaan ang mga magkukudeta at nagsilisan na magkakahiwalay at kani-kaniyang tago (Saulo[Emilio], 141-143).  Sa halip na sila'y ipahuli pinatawad sila ni Aguinaldo at inanyayahang makisali sa bagong pamahalaan at sumunod naman ang tulad nina Jacinto Lumbreras, Mariano Alvarez, Severino De las Alas at Pascual Alvarez (Saulo[Emilio], 144).

Ikatlong tangka: Ang huling tangka ni Bonifacio na bawiin ang kapangyarihan ay ginawa niya sa pamamagitan ng pagtatayo ng hiwalay na  hukbo sa Limbon.  Kasama din sa mga hakbang ay ang nabanggit sa itaas na paghirang kay Emilio Jacinto bilang pangulo ng hukbo sa dakong hilagaan ng Maynila.

Subalit sa kanyang himpilan sa Limbon, halos walang nahikayat si Bonifacio na sumamang mga kawal kundi ang iilang datihang mga kasamang taga-Balara, at wala ni isa sa mga pinuno ng Magdiwang o Magdalo ang sumapi sa kanya.  (Corpuz, 128)  Nang isumbong ni Severino de las Alas, dating ministro ni Bonifacio, ang bantang pagsunog sa bayan ng Indang at ang ginawang paglaban ng ilang tauhan ni Bonifacio sa mga sundalo ng pamahalaang himagsikan,  napilitang si Aguinaldo na ipadakip si Bonifacio at siya ay nilitis ng Hukumang Hukbo, napatunayang nagtaksil, nahatulan ng kamatayan, at binaril (Corpuz, 124).

Mahalaga na tuunan ng pansin ang katunayan na hindi tinulungan si Bonifacio ng mga dati niyang kasamahan sa Magdiwang.  Ang mga pinuno ng Magdiwang na dating umaalalay kay Bonifacio ay tumanggap na rin sa alok ni Aguinaldo na magkaisa at nanungkulan na rin sa pamahalaang himagsikan.  Ang pangkaraniwang mamamayan ay hindi rin tumulong kay Bonifacio at sa katunayan ay ayaw nga siyang bigyan ng pagkain ng mga taga Indang na siya ngang pinagugatan ng sumbong ni  Severino de las Alas. (Alvarez, 332)

Walang ng ibang naunang halalang naganap na magbibigay na karapatang matawag na unang pangulo ng Pilipinas kundi itong halalan sa Tejeros.  Ang bagay na ito ay nagpapatibay na si Aguinaldo ang tunay ng unang pangulo ng Pilipinas.  Mahirap alisin sa isipan na ang pagtutulak na kilalanin si Bonifacio na unang pangulo ng pamahalaang himagsikan ay maliwanag na isang tangkang pagbabago sa kasaysayan na pakana ng mga di mapakaling hanay ng ating lipunan na may tagong pansariling adhikain.

Pagkilala kay Aguinaldo Bilang Unang Pangulo
Mahalagang manunawan ng henerasyon ngayon na hindi dapat pakialaman ang pasya ng ating mga ninuno. Sila ay may karapatan ding pumili ng mamumuno sa kanila at anumang tangka ng henerasyon ngayon na baguhin ang mga pangyayari ay isang pagyurak sa kanilang alaala at paghamak sa mga bayaning nagpakahirap upang makamtan ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.  Si Aguinaldo ay nahalal na pangulo ng dalawang ulit, sa Tejeros at sa Malolos.

Ang pagkapangulo ni Aguinaldo ay kinilala at nagtagal mula ika 22  ng Marso 1897 hanggang ika-23 ng Marso 1901 – nagsimula sa Tejeros,  umabot sa Biyak-na-Bato, hanggang sa Hong Kong, sa kanyang pagbalik sa Pilipinas upang simulan ang ikalawang yugto ng himagsikan, sa Malolos, sa pakikibaka laban sa mga Amerikano, sa mga bundok ng Cordillera, hanggang sa Palanan, Isabela kung saan siya ay nadakip ng mga Amerikano.

Si Pangulong Aguinaldo ang kinikilalang tunay na unang pangulo ng Pilipinas.  Narito ang katibayan ayon kay Isagani R. Medina, ang patnugot ng aklat ni Carlos Ronquillo na pinamagatang, “Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik nang Taong 1896-1897”:
Ang paninindigan ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (National Historical Institute) at Pambansang Lupon sa Pananaliksik na Pangkasaysayan (National Committee on Historical Research) ng Komisyong Pambansa ukol sa Kalinangan at mga Sining (National Commission for Culture and Arts) noong 1993 ukol sa pagkilala kay Heneral Emilio Aguinaldo bilang  kauna-unahang Pangulo ng Republica Filipina (Haringbayang Katagalugan) at hindi si Andres Bonifacio bilang Pangulo ng Haring Bayan ay nagpapatunay lamang na dapat bigyang karangalan ang pinakamaraming natanggap na paninirang-puri na pangulo ng Pilipinas.  Naging paninindigan kapwa ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan at ng Pambansang Lupon sa Pananaliksik ng Pangkasaysayan na hindi na natin maibabalik pa ang nangyari sa nakaraan ukol sa sinasabing pagkitil sa pamamagitan ng pagbaril kay Andres Bonifacio na ginawa ayon sa hatol na kamatayan ng isang prosesong panghukumang binuo ni Aguinaldo isang daang taon na ang nakalilipas.” (Ronquillo, 8)
Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga nagpapakita ng pagkilala kay Aguinaldo bilang unang pangulo ng Pilipinas:
“Habang nakabara ang mga barkong pangdigma ni Dewey, nang matatapos ang Hunyo, kahit walang pagkilala ang Almiranteng Amerikano, ang matatapang ng mga Pilipino ay naghayag na ang kapuluan ay malaya at nagsasarili, at inihalal si Aguinaldo bilang UNANG PANGULO.”  - (Salin mula Ingles sa Addington Bruce, “The Romance of the American Expansion”, Moffat Yard & Co., New York, 1909, p. 200);
. . . mula sa kasaysayan ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang UNANG PANGULO ng di-nagtagal na Republica ng Pilipinas, na ang kanyang kapangyarihan bilang diktador ay lumakas sa ganitong pamamaraan . . .” -  (Salin mula Ingles sa Victorino D. Diamonon, “The Development of Self-Government in the Philippine Island,” University of Iowa, 1920, p. 155);
"Aguinaldo, Emilio, Heneral na Pilipino at palabanwa, UNANG PANGULO ng Republica ng Pilipinas: ang kanyang galing bilang mandirigma . . .” – (Salin mula Ingles sa Charles, Edward Russell, et. al.,  “The Hero of the Filipinos,” The Century Co., New York and London, 1923, p. 383)

Isang pangkalahatang pulong ng mga pinuno ng mga manghihimagsik ang tinawag noong ika-12 ng Marso 1897 [Marso 22?] upang magtayo ng pansamantalang pamahalaan.  Inakala ni Bonifacio na siya ang pipiliing UNANG PANGULO ng Republica ng Pilipinas.  Subalit ang batang heneral na si Aguinaldo ang nahalal na pangulo, at si Mariano Trias ang pangalawang pangulo.”  - (Salin mula Ingles sa Charles Edward Russell, “The Outlook for the Philippines,” New York, 1922, p. 103)

Nang magapi ang mga Kastila, si Aguinaldo na naging UNANG PANGULO ng Republica ng Pilipinas ng walang tutol ang mga Amerikano, ay nagtalaga ng mga mamumuno sa estado, nagtayo ng kapulungang pambansa, at naningil ng buwis sa lahat ng mamamayan.  At saka, ang kanyang hukbo na bumibilang ng 50,000, ay nakapaligid sa Maynila at nakahandang lumusob.  Ang mga Amerikano naman na mayroong 21,000 sundalo ay naiipit sa tangi nilang sakop na Maynila at Kabite.” – (Salin mula Ingles sa G.J. Younghusband, “The Philippines and Round About: with some account of British Interest in these Waters,” McMillan & Co., Ltd., London & New York, 1899, p. 158)

<><><>-o-O-o-<><><>


No comments:

Post a Comment