Friday, February 21, 2020

Ang Pagkamatay ni Heneral Antonio Luna


Si Pangulong Emilio Aguinaldo ay puntirya ng tuligsa na siya daw ang utak sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna.  Ang mga nagtutulak nito ay nagsasabing ipinatawag daw ni Aguinaldo si Luna sa pamamagitan ng isang telegrama na pumunta sa Cabanatuan at doon ay mistulang nahulog ang walang malay na Heneral sa isang bitag na inihanda ng mga kawal na taga Kawit,  mga kababayan ni Aguinaldo, na siyang nagsisilbing alalay ng pangulo.  Ang kakila-kilabot na pangyayaring ito ay sanhi daw ng pagkaganid ni Aguinaldo sa kapangyarihan at sa takot niyang mapalitan ng isang karibal, tulad din daw ng takot niya sa unang kaagaw sa kapangyarihan, ang Supremo Andres Bonifacio ng Katipunan.  Tutuo nga bang si Aguinaldo ay may kinalaman sa pagkapatay kay Heneral Luna?

Mga Salaysay ng Pagkamatay ni Luna

Narito ang isa sa mga salaysay kung papaano napatay si Heneral Luna. Ang araw na binanggit ay dapat Hunyo 5 ng taong 1899:
"Noong ika-3 ng Hunyo 1899, pumasok si Luna sa opisyal na tahanan ni Pangulong Aguinaldo sa Cabanatuan (Nueva Ecija) kasama ang kanyang alalay na si Kapitan Roman at isa pang kasamahan.  Ang bantay, na binubuo ng pulutong ng mga sundalong taga Kawit Cavite, bayan ni Aguinaldo, sa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Pedro Janolino, ay nagbigay galang sa kanyang pagdating.  Nang si Luna at Roman ay umakyat sa itaas upang hanapin si Aguinaldo, isang putok ang narinig at si Luna ay nagmadaling bumaba at sa galit ay minura si Kapitan Janolino sa harap ng kanyang mga tauhan.  Hindi natanggap ni Janolino ang kahihiyan, at binunot agad ang kanyang balaraw at sinaksak si Luna sa ulo.  Sa kanilang paggigirian ay natumba si Luna at binaril ng ilang ulit.  Nakalabas siya sa daan, humihiyaw ng,  "Mga duwag", at saka namatay.  Samantala si Roman ay nagtatakbo patungo sa isang bahay ay nabaril sa dibdib at namatay rin.  Ang pamahalaan ay nakiramay at ang dalawang pinuno ay inilibing na may kasabay na pagpaparangal." (Salin mula sa Foreman, 50)
Pahayag ni Arcadio Zialcita

Isang nangangalang Arcadio Zialcita ang nakamasid ng pagpatay kay Heneral Luna at nagbigay siya ng patutuo sa komisyon ni Schurman ng Estados Unidos.  Narito ang panayam sa kanya:
Tanong: "Maari bang isalaysay mo sa amin ang pagkamatay ni Heneral Luna?"
Sagot: "Nasabi ko nang lahat ng nakita ko sa mambabalita ng El Progreso.  Ang panayam na iyon ay nagsasabi ng lahat."
Tanong: "Maari bang pakiulit mo lamang para sa amin?"
Sagot: "Nakita ko ang kanyang pagkamatay, ngunit kung ano ang dahilan hindi ko alam kundi ayon sa mga narinig ko lamang."
Tanong: "Nasaan ka noon?"
Sagot: "Naghihintay ako sa bahay malapit sa plasa, kung saan naroon din ang himpilan ng pamahalaan at simbahan  at tanaw ko ang buong paligid.  Ang sabi nila dumalaw daw si Luna kasama si Francisco Roman at hinahanap si Aguinaldo.  Nang hindi niya makita, nagalit siya at minura ang bantay, at nang akmang huhulihin ng mga bantay si Luna at kanyang kasama dahil sa tingin nila ang heneral ay nahihibang, nagpaputok si Luna at sinagot naman ng putok ng mga bantay."
Tanong: "Binaril ba ng bantay si Luna?"
Sagot: "Lahat sila.  Nais nilang hulihin siya, ngunit hawak ni Luna ang sable at rebolber na pananggol sa sarili, kaya wala silang ibang magagawa pa."
Tanong: "Napatay ba siya ng bala, balaraw o bayoneta?"
Sagot: "Sa balaraw at maaring sa bala din, dahil may mga tatlo o apat na putok, kaya hindi ko masabi kung puro sugat sa balaraw o tama ng bala."
Tanong: "Ano ang nangyari pagkamatay ni Luna?"
Sagot: Hindi ko masabi kung ano talaga.  Noong una, nagulat ang mga tao, nang malaunan ay maigi na raw ang nangyari dahil malupit ang heneral; marami siyang pinapatay na kanyang sariling sundalo at mga pinuno, isa siyang punong malupit.
Tanong: "Bumalik ba si Aguinaldo nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Luna?"
Sagot: "Hindi ko alam kung ibinalita sa kanya o kung siya ay bumalik.  Hindi ko siya nakita hanggang sa ako'y makaalis." (Salin mula Ingles sa United States[Commission], 1.2:148)

Isang pahayagan sa Singapore ang nakahagip ng panayam ng El Progresso kay Zialcita at ganito ang kanilang inihayag:

 “Si Heneral Luna ay napabalitang sinaksak sa likod ng isang bantay dahil binunutan niya at inumangan ng rebolber ang pinuno ng mga bantay sa bahay na tinitirahan ni Aguinaldo.  Ito ang salaysay ng El Progresso … Si Luna at kasamang Francisco Roman ay nagpunta sa tahanan ni Aguinaldo sa Cabanatuan na galit at pagkatapos na papasukin ng nakabantay sa labas ay umakyat sa itaas ng bahay and sapilitang pinasok ang silid na akala niya’y kinaroroonan ni Aguinaldo.  Sinita siya ng pinuno ng mga bantay at pagkatapos ng ilang maiinit sa sagutan binunot ni Luna ang kanyang rebolber at pinaputukan ang pinuno.  Isang bantay ang nagpaputok kay Luna at nasugatan siya sa braso.  Sumugod si Roman at binaril ang bantay, habang ang dalawa ay umurong pababa ng bahay.  Gumamit ang bantay ng gulok at napilitang lumabas ng bakuran sina Luna tungo sa Plaza kung saan sila ay pinagtataga.  Si Luna daw ay nagtamo ng 20 sugat.  (Salin ng Mayakda mula Ingles sa The Singapore Free Press article - "Manila") 

Panayam kay Pedro Janolino


Hindi isinangkot ni Kapitan Janolino si Aguinaldo o sinuman sa pangyayari at inako niya ang lahat ng pananagutan sa isang panayam niya kay Antonio K. Abad noong 1929 na nalathala sa Philippine Free Press noong ika-3 ng Abril 1954, na pinamagatang, "More on Luna's Death". (De Viana[I-Stories], 108-109)

 
Narito ang kanilang panayam:
Abad: "Sino ang nagutos sa iyo na patayin si Heneral Luna?"
Janolino: "Walang sinumang nagutos sa akin na patayin si Heneral Luna.  Inaako ko ang buong pananagutan."
Abad: "Kung tutuo iyan, bakit mo pataksil na pinatay ang heneral?"
Janolino: "Ang pangyayari ay hindi inaasahan dahil nang marinig niya mayroon nagpaputok  sa hagdanan sa ilalim ng kumbento, galit na galit siyang bumaba at nagsalita ng ganito: "Mga tanga! mga ulol!, hindi kayo marunong humawak ng baril!"  Akala naming sa oras na iyon ay sasaktan kami dahil siya'y galit na galit at kalat ang kanyang pagiging magaang ang kamay at mainitin ang ulo at ako'y natakot at bigla ko siyang inundayan ng saksak sa ulo.  At sumunod ang aking mga tauhan (mula sa pangkat ng Kawit) na tumulong sa akin hanggang nakalabas siya na malubha ang tinamong sugat."

Narito ang patalastas ni Severino delas Alas, ang kalihim ng Kagawarang Pangloob ng pamahalaang Republica Filipina na may petsang ika-8 ng Hunyo, 1899:

“Karagdagan sa aking telegrama noong ika-8 ng buwan, tungkol sa pagkamatay ni Heneral Antonio Luna at kanyang alalay si Koronel Francisco Roman, ipinaaalam ko na ang dahilan ng pagkamatay ng dalawang ginoo ay ang pagalipusta at pagsugod sa mga bantay ng Kagalang-galang na pangulo ng Republica, mga panglalait sa katauhan niya, na noon ay nasa ibang lugar.   Dahil sa mga pangiinsulto ng Heneral at pananadyak sa mga bantay at pagpaputok ng baril sa kanila, pati na rin ni Koronel Francisco Roman,  lalo na ang ginawang pagmumura at bantang pagpatay laban sa pangulo, nagawa ng mga bantay na gamitin ang kanilang armas upang labanan ang pananalakay ng Heneral, at silang dalawang magkasama ay parehong napatay." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Maximo[Development], 210) 

Ang Sabwatan daw Laban kay Luna

Ang ipinakakalat ng mga tumutuligsa ay isang kwento na si Aguinaldo daw ay sadyang inanyayahan si Heneral Luna na magtungo sa Cabanatuan para sa isang pulong at sa kanyang pagdating ay isinagawa ang balak na pagpatay sa Heneral.  Ang sinasabing anyaya ay ginawa sa pamamagitan ng isang telegrama na nakalarawan sa ibaba na may petsang Hunyo 4, 1899:



Ang tutuong telegrama ay isinubasta ng isang kilalang bahay-subastahan at ibinandong ito daw ang “umuusok na baril,” o “smoking gun”sa Ingles, o katibayang nagpapatunay na sangkot si Aguinaldo sa pagkapatay kay Heneral Luna.  Mismong ang mananalaysay na si Jim Richardson ang naglabas ng patutuo na ang nasabing telegrama ay tunay dahil ito ay nakatala sa talaan ng mga mensahe na nasa mga kasulatan ng mga manghihimagsik na Pilipino (Philippine Insurgents Records).  Ang tamang basa sa nakasulat na mensahe sa telegrama ay ito:

"Folabo puoncimane iun thiundotonade sin ordenar femicaen ciusi Esperando contestacion a me telegrama anterior  en que le pedia piso incupsicaen.  Suplico urgencia.”

Mapapansin na hindi mawari ang nakasulat na mensahe dahil sadyang pinagpalit ang ilang letra upang malito ang sinumang babasa.  Ngunit sa katalogo ng subastahan ang isinulat na salin sa Ingles ay ito:

"Paging for an important meeting, therefore you are ordered to come here immediately.  Waiting for a reply to my telegram about urgent matters to discuss.  It is really urgent.”

 At ang salin sa wikang Pilipino ay:

 Tumatawag ng mahalagang pulong, kaya ikaw (Luna) ay minamanduhang pumunta rito kaagad.  Hinihintay ko ang sagot mo sa aking telegrama tungkol sa mahalagang bagay na paguusapan.  kailangang-kailangan ito.”

Sinumang makababasa ng mensaheng ito ay agad ipapalagay ng talagang ipinatawag ni Aguinaldo si Luna na pumunta sa Cabanatuan.  Ngunit ang pagsasaling ito sa Ingles mula sa salitang Kastila ay mali, o sadyang minali, dahil ang tamang salin mula sa nilitong mensahe ay ito:

Felipe Buencamino aun detenido sin ordenar formacion causa Esperando contestacion a mi telegrama anterior en que le pedia acusacion.  Suplico urgencia."

At ang tamang salin sa wikang Pilipino ay:

"Si Felipe Buencamino ay aarestuhin na hindi sinampahan ng kaso.  Hinihintay ko ang kasagutan mo sa nakaraan kong telegrama kung saan hinihingi ko ang pinagbatayan ng iyong ginawa sa kanya."

Mayroon bang sinasabi ang telegrama na pinapupunta ni Aguinaldo si Luna sa Cabanatuan para sa isang pulong?  Wala.  Ayon kay Gg. Ambeth Ocampo, sa sinulat niya para sa pahayagang Philippines Daily Inquirer na lumabas noong ika-2 ng Disyembre, 2018 na pinamagatang sa Ingles na, “The Luna Telegram: Not so Deadly After All,”  sinabi niyang ang pinagtatalunang telegrama  ay hindi tunay na isang “umuusok na baril” o “smoking gun” sa Ingles, o kaya’y matibay na patunay na  matagal nang pinaghahanap ng mga historyador. Sa madaling salita, hindi tutuo na pinapupunta ni Aguinaldo si Luna sa Cabanatuan upang maisagawa ang sinasabing maitim na balak na sabwatang pagpatay sa Heneral.  Sa katunayan ang telegrama na di umano’y nagsasangkot kay Pangulong Aguinaldo sa pagkamatay ni Heneral Luna ay huwad, o isang gawa-gawa lamang ng ilang may masamang hangarin na siraan ang alaala ng isang magiting na bayani, si Aguinaldo.

Salaysay ni Aguinaldo 

Hindi inanyayahan ni Aguinaldo si Luna na pumunta sa Cabanatuan para sa isang pulong.  Sa halip ay kabaligtaran,  Ang tutuo si Luna ang tumelegrama kay Aguinaldo noong unang araw ng Hunyo 1899 at nagpapasabing siya ay darating upang makipagusap.  Hindi ito nababanggit ng mga mananalaysay ngunit mababasa ito sa mga di pa nalilimbag na mga notang sinulat  kamay ni Aguinaldo na may pamagat na,  "Ang Pagkamatay ng Heneral Luna" (Aguinaldo[Pagkamatay])

Narito ang larawan ng mga nasabing mga nota ni Aguinaldo na inilathala ng TUKLAS sa kanilang pahina sa "Facebook" kung saan doon ay unang ipinaalam sa madla:


Ayon sa mga nota, tumanggap si Aguinaldo ng telegrama noong unang araw ng Hunyo mula kay Luna na nais makipagpulong sa kanya.  Alam na ni Aguinaldo ayon sa parating ni Tenyente Koronel Pepito Leyba (Aguinaldo[alaala]) na may balak si Luna na maglunsad ng "golpe de estado" o kudeta at sa palagay ni Aguinaldo ay magiging sanhi ng digmaan ng magkakababayan kaya minabuti niyang huwag sagutin ang telegrama ni Luna.

Nagiingat na si Aguinaldo dahil namasdan niya mismo ang init ng ulo ni Luna noong sa isang pulong ng gabinete ay biglang pumasok si Luna kasama ang isang pulutong ng kawal at hinarap si Felipe Buencamino, ang kalihim panglabas, at inakusahan niya ng pagiging taksil.  At sa kainitan ng usapan, sinampal ni Luna si Buencamino sa harap ni Aguinaldo, at kaya sumama ang loob ang mga kasapi ng gabinete at bagay na hindi naibigan ni Aguinaldo.

Lumilitaw na nang malaman ni Buencamino ang pagdating si Luna, isang mahabang sulat ang ipinadala niya kay Aguianaldo kinabukasan ng ika-2 ng Hunyo 1899 (Taylor, 4:101-105) na humingi ng kalinga upang makaiwas sa maaring gawing pagaresto ni Luna sa kanya dahil galit ang heneral sa mga miyembro ng gabinete na naguudyok ng otonomiya o isang pamahalaang Pilipino sa ilalim ng pagkalinga ng Amerika,  at siya,  sina Paterno, ang kalihim ng pamahalaan, si Velarde at Aguelles ay nagkakaisang nagtutulak nito.  Ang mga opisyales na ito ay dati nang naatasan ni Aguinaldo na humanap ng paraan at makipagusap sa mga Amerikano upang maayos ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.  Nang malaman ito ni Luna, nagalit siya at ipinakulong ang apat na opisyal kahit walang isinampang sakdal.  Inilabas naman sila ni Aguinaldo ngunit hindi ito nagustuhan ni Luna.

Sa ganang si Aguinaldo ang telegrama ni Luna ay hudyat  na ilulunsad na niya ang kudeta pagdating niya sa Cabanatuan at kailangang gumawa si Aguinaldo na hakbang upang maiwasan ang digmaan ng magkakababayan.  Tulad ng sinabi ni Aguinaldo sa kanyang mga nota isinuot niya ang kanyang unipormeng Kapitan-Heneral at pumunta siya sa Bamban, Tarlac kasama si Heneral Gregorio del Pilar at kanyang brigade at inalis niya sa katungkulan ni Heneral Venancio Concepcion sa pamumuno ng Dibisyong Luna na kusang namang nagpaubaya kayAguinaldo.

Ang paghawak ni Aguinaldo ng pamumuno ng Dibisyong Luna ay sa kadahilanang baka gamitin ito sa balak na kudeta ni Luna. At pagkatapos na mapaghiwahiwalay ang Dibishyong Luna sa iba't ibang brigada ay pinadalhan ni Aguinaldo si Luna ng telegrama noong Hunyo 5 na magpakita sa kanya sa Tarlac at kinabukasan lamang niya nalaman na napatay na pala si Luna.

Narito ang kapirasong salaysay ni Aguinaldo mula sa pagsasaayos ni Gng. Angsioco ng di pa nalilimbag mga nota, "Ang Pagkamatay ng Heneral Luna":
"SA PAGKAT, naitaboy na ng Kalabang Americano, sa Kabanatuan, Nueva Ecija ang Presidencia ng Republika Filipina, at sa pangunahing araw ng Junio 1899, ay tumanggap ako ng isang Telegrama ng Heneral Antonio Luna, na makikipanayam lamang sa akin; at sa pagkat dati ko ng alam na isasagawa na nia, sa pagparitong ito ang panukala niang, GOLPE DE ESTADO SA Pamahalaang Republika; at sa pagkat napagalaman ko na nga, na micha o pangdikit na tuloy sa GUERRA CIVIL o Patayan ng magkababayan ang nasabing Golpe de Estado, na mahirap ng mailagan ang kahit ipanganlong (at) sa kababaan ng loob ko rin, ay minarapat ko ng unahin ang pag-ilag o pagiingat at hindi ko na sinagot ang kaniang telegrama; bakit talagang mayroon na siang naituro sa akin, na dapat pag-ingatan ko sia, simula ng kaniang pangahasang ipanghik dito rin sa Presidencia sa Kabanatuan, ang kalahating Pelotong Kawal na kaniang Escolta, at bago ginulo nia ang Pulong ng Gabinete, kahit kaharap ako, at bago pinagtatampal pa nia ang Secretario de Estado Don Felipe Buencamino, dahil sa pagka Autonomista lamang, na hindi nia sinunod ang sigao ko, kundi ng hawakan ko sia; kaya sa halip nga na sagutin ko pa ang nasabing telegrama nia, ay nagbihis at isinuut ko agad ang aking Uniforme sa pagka Kapitan Heneral, na kailan pa man hindi ko pa nagagamit, kundi noon lamang; dahil naman sa paggugunita ko, na baka ako hindi kilalanin, kung humarap ako ng nakapaisano at sa nais kong mabigla at makuyum ko agad ang Kuartel Heneral ng Heneral Luna, sa Bamban, Tarlak, ay umalis ako agad sa Kabanatuan, matapos na mapagtagubilinan ko ang Oficial de Guardia, Kapitan Pedro Janolino, sa Presidencia, “na mag- ingat sa pagtanggap kay Heneral Luna, na sakaling maparito sa ika 5 ng Junio; ay sabihin sa utos ko na ipinagbabawal kong makapagsama pa sia, sa pagpanghik sa Presidencia, sa sino mang Kawal na Escolta nia; at sakaling maanyuan ninyo, na ibig pa niang mangahasa at manampal uli sa sino mang Secretario ng Pamahalaan o sa sino mang Tauhan ng Presidencia ng Republika, ay Arrestuhin agad at alsan ng sandata ang kanyang Escolta.” 
"AT SA AMING PAGKAALIS ng ilang Guardia kong Alabarderos, sa Kabanatuan, ng ika 3 ng Junio, ay tumigil muna kami sa Factoria o San Isidro, dating Cabecera ng Nueva Ecija, at madalian kong ipinahanap ang Columna ng Brigada ng Heneral Gregorio del PIlar, na nabalitaan kong umalis at umilag na maalsan pa sia ng Sandata ng Heneral Luna; at ng dumating ng kinabukasan, ay dalidali kaming umalis at naglakad sa boong magdamag at dumating naman kami ng naninikat na ang araw sa Kuartel Heneral sa Banban, Tarlak. 
"At sa aming pagkadating na yon, ay agad sumaayos ang mga Taliba at mabuti naman ang pagkatanggap sa amin ng Heneral Venancio Concepcion, kahit parang nabigla ito sa amin, agad sumailalim sa aking Kapangyarihan at wala akong nahalatang Kilos hostil. GANITO MAN, at sa pagiingat kong mailagan ang Guerra Civil, ay pinagwatak-watak ko agad ang malaking Columnang ito ng Division Luna sa ibat ibang Brigada. AT BAGO sa araw ding ito, 5 Junio, ay Tinelegramahan ko ang Heneral Antonio Luna, sa Kuartel Heneral nia sa Bayanbang-Bautista, Pangasinan, na humarap agad sa akin, sa Tarlak, Tarlak. Subhali, sa kinabukasan ay tumanggap naman ako ng isang Telegrama ng Gobernador Politico Militar ng Plaza sa Kabanatuan, Nueva Ecija, at ipinagbibigay alam ang sakunang nanyari sa pagkamatay ng Heneral Antonio Luna at ng Coronel Pako Roman." (Aguinaldo[Pagkamatay], 17-18)
Ang nasa itaas na salaysay ni Aguinaldo ay mababasa rin sa pahina 204-206 ng aklat ni Augusto de Viana,  "Stories Barely Told", New Day Publishers, Quezon City, 2013, at sa pahina 33-35 ng aklat naman ni Dr. Emmanuel Franco Calairo, "Saloobin", Cavite Historical Society, 2002, ngunit mayroon lamang hindi pagtutugma ng mga ng mga araw at buwan ng ilang salaysay.

Walang Dahilan si Aguinaldo upang Patayin si Luna

Kung tutuong nais ipapatay ni Aguinaldo si Luna hindi niya ito gagawin sa kanyang tahanan sa halip ay sa lugar ng labanan upang sa Amerikano mabagsak ang sisi.  Narito ang sabi ni Aguinaldo:
"Kung nais kong ipapatay si Luna sa akala ba ninyo ay nasisiraan ako ng bait na patayin siya sa aking himpilan mismo at sa gayon ay ako ang pagsuspetsahan?  Napakadali kong iutos sa aking mga tapat na tauhan na barilin si Luna habang nakikipaglaban sa mga Amerikano upang sa gayon ang Amerikano ang maiturong may kagagawan." (Salin mula Ingles sa Saulo[Rewriting], 28)
Walang dahilan upang ipapatay ni Aguinaldo si Luna.  Binigyan niya ng mataas na tungkulin si Luna na lampas pa sa naabot ng kanyang mga kasamahang heneral sa himagsikan at ang mga ito nga ay hindi naibigan ang ginawang paghirang kay Luna.  Ngunit, ipinilit pa rin ni Aguinaldo ang kanyang pasya at nangibabaw ito sa lahat, kasama na ang kagustuhan ng kanyang mga pinsan.  Ipinaliwanag ni Aguinaldo ang nasa likod ng kanyang pasya:
"Kinuha ko si Luna at hinirang ko siyang Pangalawang Kalihim ng Digma na may rangkong Heneral ng Brigada dahil kulang tayo sa magagaling ng pinuno ng hukbo.  Silang lahat ay pareparehong nagbuo ng kanilang pangkat ng sundalo na nanggaling sa kanilang mga tagagawa sa bukid at kapitbahay, at ang mga ito ay walang ibang sinusunod.  Oo nga't ang mga pinuno natin ay marurunong at matatapang, ngunit hindi sila sanay humawak ng malalaking pangkat . .  Si Luna mandin ay hindi nagaral sa paaralang pagsusundalo, siya ay talagang parmaceutico ang kinasanayan, ngunit liban sa kanyang katapangan, siya ay masugid na nagaaral ng pangdigmang kaalaman at kasaysayan.  Hindi lamang siya ang pinakamagaling natin pinuno kundi mayroon din siyang malayong pananaw na magtayo ng paaralang pangsundalo kung saan sinanay niya ang marami nating mga pinuno.  Kailangan natin siya upang mahawakan ng maayos ang ating hukbo, at mas lalo nating kailangan ang kanyang kakilakilabot na pagkamagalitin upang madisiplina ang mga hindi nagaral nating hukbo." (Saulo[Rewriting], 15)
Ang paghihimay ng malungkot na pangyayari sa ating kasaysayan ay makukunan din ng dagdag na patunay na si Aguinaldo ay walang kinalalaman sa pagpatay kay Heneral Luna.  Halimbawa:

Una: Kung talagang nasa likod si Aguinaldo sa pagkamatay ni Luna, bakit hindi niya pinaghandaan ito?  Una, hindi niya dinagdagan ang kakaunting mga bantay.  Alam niya na may pangkat ng mga nakakabayong alalay na sundalo si Luna na naiwan bago bumagtas ng ilog patungong Cabanatuan.

Pangalawa:  Hindi itinago ni Aguinaldo ang kanyang asawa at ina sa isang ligtas na taguan.   Magiging isang lugar ng putukan ang kanyang himpilan kung tutuo ngang balak patayin si Luna at malalagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga mahal sa buhay at wala siya doon upang maipagtanggol sila.

Pangapat: nagtuloy si Luna sa Cabanatuan na kasama lang niya sa pagakyat sa bahay pamahalaan  isang alalay.  Nangangahulugan na inaasahan ni Luna na dalawa lamang sila ni Aguinaldo ang maguusap tungkol sa mahalagang bagay.  Lumalabas na si Luna talaga ang humingi ng paguusap.  Itong mga galaw nina Luna at Aguinaldo ay nagpapatunay na walang galitan o balak na magsakitan ang dalawa.

Panglima:  ang katawan ni Luna ay mayroong higit na apatnapung sugat, isang pahiwatig ng pagkasuklam at sukdulang galit ng mga pumatay sa kanya kung ihahambing kay Koronel Roman na napatay sa isang bala lamang sa dibdib.  Hindi kaila na ang mga Caviteno ay malaki ang sama ng loob kay Luna:  pinagbintangan silang dahilan ng pagkatalo ng hukbo sa labanan sa Caloocan; hiniya ang kanilang pangkat sa harapan ng mga ibang sundalo ng hukbo, inalisan ng mga rangko at ibinilanggo; ang kanilang pangkat ay pinaghiwa-hiwalay; ang kanilang mga asawa at anak ay pinagpapalo na pamalong sa kabayo para palabasin sa tren na ginagamit ng hukbo.  Si Heneral Jose Alejandrino, kaibigan at kalihiman ni Luna, na isa sa mga nakakita nitong pangyayari ay nagsabing: "Hindi ako magtataka kung ang ilan sa kanila ay sumali sa nangyari sa Cabanatuan." (Alejandrino, 133)

Panganim: si Janolino at kanyang mga kasamahan ay hindi raw naparusahan.  Ang tutuo, isang Hukumang Hukbo ang itinayo para sa kanila ayon sa isang pahayag ng pamahalaan noong Hunyo 8, 1899 at sinasabing: 
". . . ang Hukumang Hukbo ang madaliang nagpasimuno ng isang pagsiyasat . . ." (KalawM[Development], 211), 
ngunit hindi natapos ang kanilang gawain.  At itong pagkaudlot ng pagsisiyasat ay naging tapunan ng puna.  Ito daw ay patunay na si Aguinaldo ay sangkot dahilan sa hindi niya ipinagpatuloy ang pagsisiyasat upang maparusahan ang mga salarin.  Hindi yata inaalintana ng mga tumutuligsa na ang malakas na pwersa ng Amerikano ay patuloy na rumaragasa sa lahat ng ginawang pagtatanggol ng hukbong Pilipino, kaya naman ang pamahalaan ay patuloy din ang pagurong at hindi na nabigyan ng halaga ang gawain ng Hukumang Hukbo.  Subalit lumalabas naman na sina Janolino at kanyang mga kasamahan ay inalis ni Aguinaldo sa katungkulan ng pagbabantay sa pangulo at ibinalik sa karaniwang tungkulin sa hukbo.

Pangpito: si Dona Trinidad Y Famy, ang ina ni Pangulong Aguinaldo ay walang kamuwang-muwang sa mga pangyayari.  May nakapagsabi na dumungaw siya sa bintana at sumigaw: "Bakit ninyo pinatay ang Heneral?  Hindi ba ninyo siya nakilala?  Masasamang tao kayo."  (De Viana[I-Stories], 108-109)

Panghuling Salita

Ang hindi pinagukulan ng pansin ng mga tumutuligsa kay Aguinaldo ay ang tinutungo ng kanyang mga layunin, ang kalayaan at kasarinlan ng bayan.  Si Almirante Dewey, pati na si William Bray, Rounseville Wildman, at Felipe Agoncillo ay nagpaalaala kay Aguinaldo na mahalagang ipakita niya sa mundo na ang mga Pilipino ay mayroong kabihasnan at karapat dapat na maging malaya at nagsasarili.  Kung siya ay mapatunayan ngang sangkot sa pagkamatay ni Luna lalabas na ang pamahalaang Pilipino ay pinamamahalaan ng mga taong salbahe na walang kabihasnan.  At lalabas na tama nga ang puna ng Amerika at mga bansang kanluran na ang mga Pilipino ay tagagubat, at wala sa kanila ang kaugaliang ayusin ang kanilang di pagkakaunawaan sa maayos at sibilisadong paraan.  Tunay na si Aguinaldo ay mayroong talino na maintindihan ito at naging mahinahon sa kanyang mga hakbang. 

May nakikitaang tularan na nabubuo sa ginagawang pagtuligsa kay Aguinaldo sa pagkamatay ni Luna na kasabay din ng pagtuligsa sa kanya sa pagkamatay ni Bonifacio.  Kaya ito ginagawa sa kanya ay upang pagmukhaing masama si Aguinaldo ng sa gayon  ang mahahalagang ambag at tulong niya sa pagbubuo ng pagkabansa ng mga Pilipino ay hindi kilalanin at sa halip ay maibigay ang karangalan sa iba.

Subalit ang isang masusi at patas na pagaaral ng mga katibayan ay lilitaw na ang pagkamatay ni Heneral Antonio Luna ay bunga ng kanyang pagkamainitin ng ulo at pagkamalupit.  Marami ang nagtanim sa kanya ng sama ng loob lalo na ang mga pinuno ng himagsikan na naging kaisa na ni Aguinaldo sa  mula't-mula pa.  Si Heneral Aguinaldo, ang palagiang bagsakan ng puna at sisi ng mga taong nais itiwarik ang kasaysayan ay walang kinalaman sa mga kasalanan ibinibintang sa kanya.

Mga BATIS (Sources):

1. Alejandrino, Jose: "The Price of Freedom (La Senda del Sacrificio), Episodes and anecdotes of our struggle for freedom," Original in Spanish, prologue by Teodoro M. Kalaw, Manila, 1949

2. De Viana, Augusto: "The I Stories - The Events in the Philippine Revolution and Filipino American war as told by Eyewitness and Participants," UST Publishing House University of Santo Tomas Espana, Manila, 2006

3. Foreman, John: "The Philippines," Manila, Filipiniana Book Guild, 1980, University of Michigan Library 2005,http://name.umdl.umich.edu/AAQ5315.0001.001

4. Kalaw, Maximo M.: "The development of Philippine politics," Manila: P.I., Oriental commercial company, inc, 1927, University of Michigan Library 2005, http://name.umdl.umich.edu/AFJ2233.0001.001

5. Saulo, Alfredo B.: "Rewriting Philippine History - The Truth About Aguinaldo and other Heroes", Phoenix Publishing House Inc. Quezon City, 1987

6. Taylor, John R..M.: "The Philippine Insurrection Against the United States, a compilation of documents with introduction by Renato Constantino," Eugenio Lopez Foundation, 5 Volumes, Pasay City, Philippines, 1971;

7. The Singapore Free Press and Mercantil Advertiser (Weekly), Newspaper article - Manila, June 23, 1899, page 12 (nlb.gov.sg)

8. United States Philippine Commission[1899-1900]: "Report of the Philippine Commission to the President.: January 31, 1900," Vol 1, No.2, Washington, Government Printing Office, 1900-1901, University of Michigan Library 2005, http://name.umdl.umich.edu/aex9637.0001.002

#TUKLAS








No comments:

Post a Comment