(Ang sumusunod na hayag ay salin mula Ingles ng kathang pinamagatang, “Was Aguinaldo a Japanese Collaborator?,” na matatagpuan sa pahina 325-338 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)
Ang salinlahi ng Pilipino ngayon ay lito tungkol sa usaping kolaboresyon
noong panahong ng Hapon. Bunga ng
masugid na indoktrinasyon at propaganda ng mga Amerikano nakalimutan na ng
sambayanang Pilipino na ang Amerikano at Hapon ay parehong manlulupig at
mananakop, samakatuwid, parehong kaaway. Kapag ang isang Pilipino ay nakipagtulungan sa
Hapon, siya ay tinatawag na kolaboreytor.
Ngunit kabaligtaran ang tingin sa pakikpagtulungan sa Amerikano. Pero kung tutuusin, dahil parehong kaaway ng
mga Pilipino ang Amerikano at Hapon ang pakikipagtulungan sa Amerikano ay maituturing
ding gawang kolaboresyon sa kaaway.
Tuwing napapagusapan ang tungkol kolaboresyon
unang nababanggit ang pangalan ni Aguinaldo at siya ay buntunan ng tuligsa at
bintang na siya daw ay kolaboreytor. Bihira o hindi nababanggit ang pangalan
nina Vargas, Laurel, Recto, Madrigal, Aquino at marami pang mga pulitikong
Pilipino na talagang nakipagtulungan sa mga Hapon. O kaya, si Artemio Ricarte,
na dating heneral sa himagsikang Pilipino, na dumating sa Pilipinas kasama ng
mananakop na Imperyong Hukbong Hapon at nakasuot pa mandin ng kanilang
uniporme.
Kung ang pakikipagtulungan sa mga
Hapon ay kolaboresyon, samakatuwid ang lahat ng mga namuno at nagpatakbo ng
ikalawang republika ng Pilipinas sa ilalim ng pamamatnubay ng mga Hapon (at
hindi nga kasama sa kanila si Aguinaldo) ay mga kolaboreytor. Sa katunayan, si Jorge Vargas, ang Kalihim ng
pamahalaang Komonwelt, ang siyang pinagutusan ni Pangulong Manuel L. Quezon na
magpaiwan upang makipagugnayan sa mga Hapones bago siya tumakas patungong
Amerika kasama ng Amerikanong Heneral na si Douglas MacArthur. Sinunod naman ni
Vargas ang habilin ni Quezon. Kaya masasabing si Quezon ang pangunahing
kolaboreytor, hindi lamang sa kanyang pakikipagtulungan sa mga Amerikano, kundi
dahil ang mga gawang pakikipagtulungan ni Vargas sa mga Hapon ay responsibilidad
din ng nagutos, na walang iba kundi si Quezon.
Ang naging papel ni Aguinaldo noong
panahon ng Hapon ay gawin ang lahat ng kailangang hakbang upang maisakatuparan
ang kanyang pangarap tungo sa isang republikang Pilipino, kapalit ng unang
republika na winasak ng mga Amerikano noong giyera Pilipino at Amerikano. Isa siya sa mga nagtulak na makamtan ang
hangaring ito sa loob ng tatlong taong pananakop ng mga Hapon na hindi naibigay
ng mga Amerikano sa loob ng 45 taong.
Katayuan ng Pilipino Bago Dumating ang Hapon
Pagkatapos ng giyerang Pilipino at Amerikano noong 1903, labindalawang taong ipinagbawal ng mga Amerikano ang pagwagayway bandilang Pilipino na may katapat na parusang bilanggo sa mga susuway. Pagkakasala rin ang anumang gawain na may kulay o tunguihing makabayan. At sa loob ng maraming taon na pananakop ng mga Amerikano tinuruan ang mga Pilipino ng wikang Ingles, kasaysayang Amerikano at kulturang Amerikano. Kaya pagkatapos ng ilang dekadang pagtuturo, ang mga Pilipino ay malaki ang ipinagbago, naglaho ang pagkamakabayan at naging Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Kaya nga kung tawagin ang mga Pilipino noon, sila ay mga maliliit ng kayumangging kapatid, o, “Little Brown Brothers”, katagang galing sa Amerikanong Gobernador ng Pilipinas na si William Howard Taft. Mistulang nawalan ng sariling paninindigan ang mga Pilipino, tumitingala sa mga puti at naging sunod-sunuran sa mga Amerikano.
Bago dumating ang mga Hapones, ang Pilipinas ay tumutulay sa tinatawag na Komonwelt, isang gobyerno na itinatag ng mga Amerikano noong 1935 na tatagal ng sampung taon, o hanggang 1945, upang patunayan ng mga Pilipino na handa na silang maging malaya at nagsasarili. Si Manuel L. Quezon ang nahalal na presidente at si Heneral Douglas MacArthur naman ang pinuno ng hukbong militar. Kung wawariin, may sariling gobyerno na ang mga Pilipino noong panahon na iyon. Subalit nakasalalay pa rin sa kagustuhan ng Amerika kung matutuloy ang pagsasarili ng Pilipinas kung makapapasa sa kanilang panukat. Sa madaling salita, hangga't Amerika pa rin ang naghahari at may huling salita sa kasainlan ng Pilipinas. hindi pa lubos na malaya ang Pilipinas kahit na may pamahalaang Komonwelt.
Ang Pagdating ng Hapon
Pagkatapos bombahin ang Pearl Harbor, nagdeklara ng giyera ang Estados Unidos sa Hapon. Gayon din ang Komonwelt ng Pilipinas, na isang galamay ng Amerika. Kaya nga ang giyera ay maituturing na labanan ng dalawang makapangyarihang bansa - ang Estados Unidos at Hapon. Ang mga Pilipino, na hindi naman mga mamamayan ng Estados Unidos o bumubuo ng isang malayang bansa ay naipit sa pagitan. Sa ganitong kalagayan maraming Pilipino ang sumunod sa kagustuhan ng Imperyong Hukbong Hapon sa halos lahat ng pangaraw-araw na bagay. Mangilan-ilan ang hindi sumunod na pinatay ng Hapon, at ang iba naman ay namundok at lumaban sa Hapon bilang mga girelya.
Nang sakupin ng Imperyong Hukbong Hapon ang Maynila noong ika-2 ng Enero 1942, ang Hukbong Estados Unidos kasama ang tinatawag ng “Philippine Scouts” ay nagkanlong sa Bataan at Corregidor. Tumakas si Heneral MacArthur, pati na rin si Manuel L. Quezon, Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas, kasama rin si Sergio Osmena at iba pang mga pinuno ng pamahalaan, at ang naiwan ay si Jorge Vargas upang makitungo sa mga Hapon. Dumating ang panahon na sumuko din ang magkasamang Pilipino at Amerikano sa Bataaan at Corregidor. Sinundan ito ng pagsulpot nga mga girelya na nagpatuloy ng laban sa mga Hapon. Ang paglipat sa giyerang girelya ay hindi nagpabago sa anyo ng digmaan, laban pa rin ito ng Estados Unidos at ng Hapon. Ang mga Pilipino ay muling nahati – ang mga girelya na sumusunod sa utos ng USAFFE, ay kampi sa Estados Unidos, samantalang ang mga miyembro ng MAKAPILI (Makabayang Katipunan ng mga Pilipino) na itinayo ni Artemio Ricarte ay kampi naman sa mga Hapon.
Ang Pamahalaang Pakana ng Hapon
Ang unang ginawa ng mga mananakop na Hapones ay magtatag noong ika-26 ng Enero, 1942 ng Komisyong Magpapatakbo ng Pilipinas (“Philipine Executive Commission”) na binigyan ng kapangyarihang magpatibay at magpatupad ng batas at mamahala sa mga bagay-bagay tungkol sa pamahalaan. Si Jorge B. Vargas, ang Kalihim ng Komonwelt na pinagbilinan ni Quezon upang makipagugnayan sa mga Hapon ay nahirang na puno ng komisyonado kasama ang mga sumusunod na binigyan ng katungkulan: Benigno Aquino Sr., Komisyonado ng Pangloob, Jose P. Laurel, Hustisya; Rafael Alunan, Pagsasaka at Kalakal; Quintin Paredes, Gawaing Pampubliko at Komyunikasyon; Claro M. Recto, Edukasyon, Kalusugan at Pampublikong Kagalingan; Serafin Marabut, Komisyonadong Ehekutibo at Teofilo Sison, Pinuno ng Gastusin at Tagasulit. (De Viana[Kulaboretor], 31)
Nagtayo rin si Vargas ng isang lupon ng tagapayo at hinirang ang ilan mga tao kabilang si Emilio Aguinaldo. Ang iba pang miyembro ng lupon are sina: Ramon Avancena, Alejandro Roces at Miguel Unson. (De Viana[Kulaboretor], 32). Subalit hindi nakapagsagawa ng tungkulin ang lupon dahil palaging nakikialam ang mga Hapones sa mga pasya kaya ang nangyari naging tagabigay na lamang sila ng tagubilin. Di pa man nagtatagal, noong ika 21 ng Enero, 1942, nagpahayag ang pangunahing ministro ng Hapon na si Tojo na “. . . masayang ibibigay sa Pilipinas ang kalayaan kung kanyang kikilalanin at makikiisa sa palatuntunan ng Hapon sa pagtatayo ng Malawakang Kaginhawahan sa Silangang Asya (“Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.”) (Hartendorp, 468). At isang hakbang tungo rito, lahat ng partidong pulitika ay ipinasara noong Disyembre (1942) at ang pumalit ay iisang kalipunan kung tawagin ay KALIBAPI (Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas). Kasama sa ipinasarang samahan at sapilitang isinama sa KALIBAPI ay ang samahan ng mga veterano na pinamumunuan ni Aguinaldo kung saan ay hindi pinansin ang kanyang pagtutol.
Ang Pangalawang Republika ng Pilipinas
Pagkalipas ng ilang buwan, ipinahayag ng Imperyong Hukbong Hapon na ang Burma ay binigyan na ng kalayaan ng pamahalaang Hapones at ang Pilipinas ay susunod na sa lalong madaling panahon kung makikitaan ito ng ganap na pakikiisa. Kaya noong ika 23 ng Oktobre, 1943, ang ikalawang republika ng Pilipinas ay naitayo sa ilalim ng pagmamatyag ng mga Hapones. Si Jose P. Laurel ay nahalal na Pangulo sa naganap na pambansang kapulungan na binuo ng mga punong lalawigan at mga bayan-bayan.
Ang isang mahalagang tungkulin na
iniatas ng Imperyong Hukbong Hapon sa bagong republika ay ang magpahayag ng
pakikidigma sa Estados Unidos at mga kaalyado. Pinagtagaltagal ni Pangulong
Laurel ang pagpapasya at sinubukan huwag bigyan halaga ang utos. Nangangangamba
siya na kapag ang Pilipinas ay kaalyado na ng Hapon maaring hingin ang
pagtatala ng mga Pilipino upang maglingkod sa Hukbong Hapones katulad ng
nangyari sa mga Koreano. Ayaw ni Laurel na ipahintulot ito sakaling ang
Pilipinas ay magpahayag ng pakikidigma laban sa Estados Unidos. Napapayag niya
ang mga Hapon na tanggapin ang kanyang alok na magpahayag na lang ng kalagayang
digmaan o “state of war” na kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas. Ito’y kakaiba
sa kagustuhan ng Hapones dahil lumalabas na ang Pilipinas ay walang kaaway,
hindi kalaban ang Hapon, hindi rin kalaban ang Amerika.
Nararapat na tandaan na nang
ipinahayag ni Pangulong Laurel ang Maynila ay isang bukas na siyudad o “Open
City”, na ang ibig sabihin ay walang kakampi o kaaway, kung turingan sa Ingles
ay “neutral”, ang layon niya ay maiwasan ang pagkasira ng siyudad ng dahil sa
digmaan. Natuloy din ang pagkawasak ng Maynila ngunit hindi dahil sa mga
Hapones. Ang pagkawasak sa Maynila ay dahil sa ulan ng panganganyon ng mga
Amerikano upang masawata ang anumang lakas ng Hapones na maaring pumigil sa
pagpasok ng mga Amerikano sa Maynila at makasigurong maililigtas nila ang
kanilang mga kababayan na nakapiit sa Universidad ng Santo Tomas.
Ang Papel ni Aguinaldo
Sa ganitong kalagayan, ang dating pangulo ng unang republika ng Pilipinas at dating Heneral ng Himagsikan na si Emilio Aguinaldo ay nakisama at tumulong upang maitayo ang pangalawang republikang Pilipino. Una, tinanggap niya ang pagiging kasapi sa Sangguniang Estado o “Council of State,” na siyang nagbibigay payo sa Komisyong Ehekutibo ng Pilipinas. At saka, naging kasapi din siya sa Lupon Para sa Kalayaan ng Pilipinas (“Philippine Committee for Philippine Independence”), na nagbalangkas ng saligang batas sa binabalak ng republikang Pilipino. At noong idaos ang pagtatatag ng pangalawang republika, masigasig na nakilahok si Aguinaldo. Siya at ang dati niyang heneral, si Artemio Ricarte, ang nagtaas ng bandilang Pilipino, na nagwagayway sa unang pagkakataon mula ng unang araw ng pananakop ng mga Hapones.
Ang laging puna at bintang ng
kataksilan kay Aguinaldo ay ang pagsasalita niya sa radyo sa ilalim ng
propaganda ng mga Hapones. Ang una niyang pagsasalita ay itinuon kay Pangulong
Quezon ng Komonwelt at hiniling niyang lumabas ng Corregidor at manguna sa
pamamahala ng bagong republika. Ang sumunod niyang pagsasalita sa radyo ay
hiniling niya kay Heneral MacArthur na sumuko. At ang huling pagsasalita niya
ay hinikayat niya ang mga gerilya na sumuko din at itigil na ang
pakikipaglaban. Ang katuwiran ni Aguinaldo sa ginawa niyang pakiusap sa radyo
ay upang matigil na ang labanan at maiwasan ang pagkasawi ng maraming
buhay dahil sa malakas na pwersa ng mga Hapones, at mabigyan ng pagkakataong magtagumpay ang pangalawang republika sa ilalim ng tahimik at payapang kalagayan.
Nahahawig ito sa ginawa
niya pagkatapos na madakip siya ng mga Amerikano noong ika 23 ng Marso, 1901,
nang siya ay lumagda sa sumpa ng katapatan sa Amerika matapos siyang pagsabihan
na ang libo-libong Pilipinong bilanggong digma ay mananatili sa kulungan ng
walang hangganan kung hindi siya lalagda. (Abad, 278) At kaya rin siya naglabas ng
panawagan sa mga lumalabang pang mga pinuno ng hukbong republikanong Pilipino
na sumuko na at ibaba ang kanilang armas upang maiwasan ang patuloy na pagdanak
ng dugo na wala namang kahihinatnan kundi ang patuloy na paghihirap ng sambayanan, bunga ng malupit na paraan ng pagpapasunod ng pwersa ng Amerikano. Naglakbay din siya sa iba’t-ibang
lalawigan at kinausap ang mga dating pinuno ng himagsikan na tumulong sa
pamamayapang ginagawa ng mga Hapones
Nang matalo na at sumuko ang Hapon, ipinadakip si Aguinaldo noong ika 8 ng Marso, 1945 ng CIC (“Counter Intelligence Corps”), isang ahensiya ng hukbong Estados Unidos, at ipiniit siya sa bilangguang Bilibid. (De Viana[Kulaboretor], 114). Pagkatapos ng apat na araw, siya ay pinakawalan sa kondisyong hindi siya lalabas ng bahay. Ihinabla siya ng labing limang ulit ng pagkakasala kabilang sa may 5,556 na mga taong isinakdal din ng pagtataksil ng Tagapagsakdal. Ang mga tanyag ng mga taong kasama sa mga ihinabla ay sina Pangulong Jose P. Laurel na ginawaran ng sakdal na 130 bilang ng pagtataksil; si Jorge B. Vargas na may 115 bilang; Benigno Aquino, Sr., 111; Leon Guinto, 68; Claro M. Recto, 26; Gen Guillermo Francisco, 22; Quintin Paredes, 20; Antonio de las Alas, 20; Vicente Madrigal, 17; Hilario Moncado, 15; Camilo Osias, 14; Emiliano Tria Tirona, 13; Francisco Lozada, 10; Pedro
Subido, 8; at Antonio Torres, 4. (De Viana[Kulaboretor], 129)
Pangkalahatang Patawad ni Pangulong Roxas
Ang sakdal kay Aguinaldo ay hindi
nalitis ng Hukumang Bayan. Noong ika-28 ng Enero 1948, si Pangulong Manuel Roxas,
ang nahalal na pangulo ng ikatlong republika ng Pilipinas na pumalit sa
Komonwelt, at isa ring sa mga nakipagugnayan sa Hapones na pinatawad naman ni
Heneral MacArthur, ay naglabas ng Proklamasyon numero 51 na nagpatawad sa lahat
ng pampulitika at pangkabuhayang mga tinatawag na kolaboreytor. (De Viana[Kulaboretor],191). Isang masayang araw ito para sa mga nasakdal ng pagtataksil sa bayan,
ngunit ang ilan tulad ni Laurel at Recto ay may hinanakit dahil nawalan sila ng
pagkakataon na mapatunayan ang kanilang kawalan ng kasalanan. Kinabukasan nang
ilabas ang proklamasyon, ang sakdal na pagtataksil kay Aguinaldo ay pinawalang
sala ng Hukumang Bayan.
Pagkatapos na siya’y mapawalang sala,
nagbalik si Aguinaldo sa kanyang tahanan sa Kawit, Cavite “upang doon niya hintayin
ang pagsapit ng takip-silim ng kanyang buhay.” Lumantad siya sa madla noong
1950 nang siya ay hinirang ni Pangulong Elpidio Quirino na kagawad ng
Sangguniang Pambansa sa Malacanang at pagkatapos ay nagbalik sa pananahimik at
inasikaso na lamang ang kapakanan ng mga veterano ng himagsikan. Nang ang
pagalaala sa araw ng kalayaan ay binago ni Pangulong Diosdado Macapagal noong
1962 at ginawang ika-12 ng Hunyo sa halip na ika-4 ng Hulyo, siniguro ni
Aguinaldo na makadalo sa pagdiriwang kahit siya ay nanghihina na dahilan sa
sakit at katandaan. (Ara, 185)
Ano nga kaya ang dahilan bakit hindi tinapos ang paglilitis ng mga nasasakdal ng pagtataksil sa bayan? Hindi nagpaliwanag si Pangulong Roxas bakit siya naglabas ng pangkalahatang patawad, liban sa sinabi niyang pinagukulan niya ito ng matinding pagninilaynilay. Marahil sa dahilan na siya din ay isa ring kolaboreytor ng Hapon na naligtas lamang sa kahihiyan sa lakas ng pagkalinga ni Heneral MacArthur, maaring siya’y nakonsensiya at nakaramdam ng tungkulin na bigyan din ng ganoong pagkalinga ang kanyang mga kasamahan at kababayan.
Kung pagiisipan, waring masalimuot
ang katuwiran tungkol sa isyu ng kolaboreysyon. Noong nanakop ang mga Hapones,
ang sambayanang Pilipino ay hindi malaya. Ang bansa ay sakop ng Estados Unidos
ngunit ang mga taongbayan ay hindi tinaguriang mamamayan ng Amerika. Ang
Komonwelt ay hindi pamahalaang itinayo ng mga Pilipino kundi ito ay inatang ng
mga Amerikano. At pagkatapos ng sampung taong palugit, ang Komonwelt ay
pinalitan ng ikatlong republika ng Pilipinas na itinatag noong ika-4 ng Hulyo
1946 at si Manuel Roxas ang nahalal na Pangulo. Nangyari ito habang ang mga
sakdal ng pagtataksil ay nakasalang pa sa Hukumang Bayan.
Mapapansin na ang pagdakip sa mga
sakdal ay ginawa ng ahensiya ng Amerika, ang CIC, ngunit ang paglilitis ay
hindi ginawa ng pamahalaang Amerikano dahilan sa hindi na ito makapangyarihan
sa Pilipinas pagkatapos na ideklarang malaya na ang bansa. Ang dapat sanang
ginawa ay pinalawig muna ang Komonwelt upang ang Amerika ay patuloy na
makapangyarihan sa Pilipinas at malitis ang mga sakdal ng kolaboreysyon.
Subalit ang pamamalagi ng Amerika sa Pilipinas pagkatapos ng giyera ay
mangangahulugan na ang bigat ng pagsasaayos ng pinsala ng digmaan at
pagpapausad ng bagsak na ekonomiya ay magiging responsibilidad ng mga
Amerikano, bagay na kanilang naiwasan.
Mayroong nagmungkahi na ipadala sa
Amerika ang mga sakdal upang doon litisin, ngunit maari bang akusahan ng
Estados Unidos ang mga akusado ng pagtataksil sa Amerika kung hindi naman sila
mga mamamayan ng Estados Unidos? Sa kahuli-hulihan, ang mga akusado ay
inihabilin sa bagong tatag na ikatlong republika ng Pilipinas. Subalit mukhang
alanganin na ang magsasakdal ay isang pamahalaang hindi pa naitatag at wala
pang buhay noong panahon ng Hapon. Kaya paano magiging taksil ang mga akusado
sa isang pamahalaan na hindi pa umiiral?
Para bagang ang pagmamadali na
ideklara ang kalayaan ng Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo 1946, kahit na ang
bansa ay sira ng giyera at ang mga mamamayan ay hindi pa handang patakbuhin ang
isang wasak ng ekonomiya ay nakatulong sa kapakanan ng mga tinatawag na mga
kolaboreytor.
Kailan Kasalanan ang Kolaboreysyon
Upang makatulong sa usapin, paano nga
ba nangyayaring kasalanan ang tinatawag na kolaboresyon? Ang napakasimpling
sagot ay isinaad sa ganitong hinuha: “Lahat ay kolaboreytor noong giyera.
Sinasabing sinumang gumamit ng perang Hapon na tinatawag na salaping “Mickey
Mouse” ay mga kolaboreytor. Ang paggamit ng perang Hapon ay isang gawang
kolaboreysyon… Ang kolaboreysyon ay haka-haka lamang o kung hindi man lahat ay
nagkasala nito.” (Salin mula Ingles sa De Viana, tukoy si Teodoro Locsin, sa
tayo ng Partido Liberal tungkol kolaboreysyon, Ika-22 ng Marso, 1952)
At kailan naman masasabing ang
kolaboreysyon ay pagtataksil? Sa mata ng batas ang kahulugan ng kolaboreysyon
ay ang pagtulong ng isang mamamayan ng bansa sa dahuyang kaaway upang masakop o
mapahina ang bansa habang may digmaan. Ang mga kolaboreytor ay kumikilos laban sa
kapakanan ng kanilang bayan. Sinisira nila o pinahihina ang kakayahan ng bansa
na magtanggol laban sa kaaway at tinutulungan nila maisailalim ang bansa sa
kamay ng kaaway. (Salin mula Ingles sa De Viana[Kulaboretor], 3)
Dalawang uri ang kolaboreysyon. Una,
ang gawaing pagsunod sa kagusutuhan ng kaaway upang matupad ang kanilang
layuning militar, na hindi humantong sa pagsumpa ng katapatan. Ang uri ng
kolaboreysyon na ito ay hindi pagtataksil. Ang ikalawang uri ng kolaboreysyon,
na siyang tunay ng pagtataksil, ay nangangailangan, bukod pa sa unang uri, ay
may kasamang gawaing paninira o pagpapahina ng lakas ng bayan upang magapi ng
kaaway. Mahalagang maintindihan na ang kataksilan sa bayan ay nangyayari kung
ang isang mamamayan o nakatira sa isang lupain ay lumalaban o sumisira sa
pamahalaan. At mahalaga ring maintindihan na ang sinumang makapangyarihan sa
isang bayan o lupain ay siyang masasabing nakatalagang pamahalaan. Kaya noong
panahon ng mga Kastila, sila ang makapangyarihan at pamahalaan, kaya sinumang
lumaban sa Kastila ay itinuturing na taksil tulad ni Dr. Jose Rizal. Nang
nanaig ang unang republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Aguinaldo, ito
ang makapangyarihan sa malaking bahagi ng Pilipinas, kaya sinumang tumutulong
sa Amerika at lumalaban sa republika ay itinuring na taksil at ipinababaril
tulad ng ginawa ni Heneral Antonio Luna. At nang matalo ang mga Pilipino at
naghari ang mga Amerikano, sila naman ang makapangyarihan at pamahalaan, kaya
sinumang lumaban sa kanila tulad ni Macario Sakay ay itinuring na taksil. At
nang dumating ang panahon ng Komonwelt, masasabi rin bang ito ay
makapangyarihan at pamahalaan? Dahilan sa ang Amerika pa rin ang panghuling
pasya sa anumang gawain ng Komonwelt, masasabing Amerika pa rin ang
makapangyarihan noong panahon ng Komonwelt.
At nang nanaig ang Hapon dito sa
Pilipinas, naniniwala si Jose P. Laurel na ang kapangyarihan ng Estados Unidos
ay naglaho at pinalitan ng kapangyarihan ng Hapon pagkatapos na tumakas si
Quezon at mga namumuno ng pamahalaang Komonwelt kasama si Heneral MacArthur, at
sumuko ang hukbong USAFFE ng Amerika sa Bataan at Corregidor. (De Viana[Kulaboretor], 40)
Naging makapangyarihan sa Pilipinas ang pamahalaan ng Hapones na sinundan ng
bagong tayong ikalawang republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Jose P.
Laurel. Kaya masasabing sinumang sumuway o lumaban sa naghaharing pamahalaan
noong panahon ng Hapon ay maituturing ding taksil.
Hindi Nagtaksil si Aguinaldo
Ang pakikipagtulungan ni Aguinaldo ay
nabibilang sa unang uri ng kolaboreysyon dahilan sa ito ang hinihingi ng
kalagayan at panahon – ang pakikiisa sa naghaharing kapangyarihan at
pamahalaan. May sinumpaan nga si Aguinaldo na katapatan sa Amerika at
obligasyon niyang tuparin ito. Subalit siya naman ay hindi mamamayan ng Estados
Unidos kaya hindi siya maaring managot sa kasalanang pagtataksil sa isang bansa
na hindi naman siya kabilang na mamamayan.
Malinaw na ang umakit kay Aguinaldo
ay ang alok ng mga Hapones ng dagliang katuparan ng isang malayang republikang
Pilipino na unang ipinahayag ng pangunahing ministrong Hapones na si Tojo noong
Enero 1942. Hindi niya matanggap kung bakit kailangan ng mga Amerikano ang 45
taon upang ipakilala ng mga Pilipino na may kakayahan siilang magsarili.
Halatang balisa siya at hindi makahintay na tapusin pa ang sampung taong
Komonwelt. Maaring nawalan na ng tiwala si Aguinaldo sa mga Amerikano at
naghihinala siyang pahahabain pa ang komonwelt, o magaatang pa ng pasubali o
kabayaran tulad ng hiningi ng mga Amerikano pagkatapos magsarili ang Pilipinas
noong 1946. Maaring mas tiwala siya sa mga Hapones dahilan sa noong digmaan ng
Amerikano at Pilipino tinulungan siya ng mga Hapones sa pamamagitan ng mga
ipinadalang armas at tagapayo sa giyera.
Naibulalas ni Aguinaldo ang ganitong
damdamin nang sabihin niyang: “Ang Hapon ay siyang tanging bansa na gagapi sa
kapangyarihan ng mga taga-kanluran. Hindi na ako nagtitiwala sa puting lahi
lalo na sa mga Amerikano sa ating layuning kasarinlan.” (Salin mula Ingles sa
Ara, 175) Patuloy niyang pinaghihinalaan na baka linlangin muli ng Amerikano
ang mga Pilipino tulad ng kanyang naranasan, una, noong nagkunwaring magkakampi
sila laban sa Kastila, at ikalawa, nang siya ay isinangtabi at sumira sa
pangako na kikilalanin ang pangarap ng mga Pilipino na maging malaya pagkatapos
pagtulungan nila ang mga Kastila. Papaano niya makakalimutan na ang bunga ng
lahat ng kanyang pagsisikap at paghihirap na pinagalayan ng maraming buhay at
kayamanan, ang pinakamatayog na pangarap - ang unang Republikang Pilipino - ay
hindi kinilala at bagkus winasak pa ng mga Amerikano?
Naidagdag pa niya ang kanyang
pangamba sa pananakop ng mga Amerikano nang sabihin niyang: “Dapat sana ang
Estados Unidos ay naging marangal at maawain at kanyang kinilala ang republika
na ating itinatag. Sa halip, pinili niyang maging sakim na mananakop at hindi
siya pumayag na tayo ay magsarili pagdating ng 1946 kung ang ating produkto ay
kukumpetensiya sa kanilang negosyo.” at inulit niya ang nasabi niya sa kanyang
talumpati tungkol sa kasarinlang ipauubaya ng Hapon na “siyang tanging lakas na
magpapaluwag sa mahigpit na kapit ng Amerikano sa buhay ng mga Pilipino na
naiugat na sa kapuluang ito sa mga nakaraang 45 taon, at siya ring magiging
susi sa ganap ng katahimikan ng ating bayan.” (Salin mula Ingles sa Ara, 177)
Noong ika-12 ng Hunyo 1943, o apat na buwan bago naitayo ang pangalawang republika sa pamamatnubay ng Hapon, ito ang sinabi ni Aguinaldo sa isang talumpati sa pulong ng Veteranos de la Revolucion:
"At bakit hihintayin, o nanaisin man lamang, ng sinomang Pilipino ang pagbabalik ng Amerika sa Pilipinas? Bakit nanaisin ng sinomang Pilipinong makabayan at may paggalang sa sarili ang pagbabalik ng mga taong nagturing na siya’y aba at, sa kabila ng pangangalandakan ng mabubuting hangarin ay lagi nang makasarili ang mga hangarin at patakaran sa Pilipinas? Paaalalahanan tayo ng iba na nangako ang Amerika na tayo’y palalayain sa 1946. Nguni’t dapat alalahaning ang naturang pangako ay hindi udyok ng paggalang ng Amerika sa ating makasaysayang mga mithiin kungdi ng masakim niyang pagnanasang ipagsanggalang ang kanyang sarili laban sa mga manggagawa at mga kalakal na Pilipino. Ang maraming bugso ng pagnanasang palayain ang Pilipinas ay bunga ng akalang naghahari noon sa mga Amerikano na ang Amerika’y dapat umurong nang lubusan sa mga suliranin ng Dulong Silangan, at ng mga nagmamalasakit sa kapakanan ng puhunang Amerikano sa mga kalakal ng asukal, lubid, langis na hango sa buto ng bulak, at iba pa. Kung nalalamang ang mga ito ang una-unang nag-udyok sa Amerika upang pangakuan ng kalayaan ang Pilipinas ay sinong Pilipinong may pagmamalaki at pagpapahalaga sa sarili ang magnanasang makabalik pa ang Amerika at manauli ang pamamahala ng mga Amerikano sa bayang ito?"
Maliwanag na ang tanging layunin ni
Aguinaldo ay ang kalayaan ng Pilipinas, ang kaganapan ng kanyang pangarap na
ipinaglaban niya ng buong tagal at hirap. Hinadlangan ng mga Amerikano ang
katuparan nito. At sila ay naunahan ng mga Hapones nang ialok ang kalayaan ng
Pilipinas at itinatag ang ikalawang republika noong ika-23 ng Oktubre, 1943,
pagkatapos lamang ng maigsing panahon. Kung babalikan ang naranasan ni
Aguinaldo sa kanyang pakikitungo sa mga Amerikano nang siya ay lapitan ni
Konsul Pratt ng Estados Unidos sa Singapore noong ika-22, 1898 na may alok ng
alyansa laban sa Kastila, at noong ika-4 ng Pebrero 1899, nang biglang lusubin
ng hukbong Amerikano ang mga kawal Pilipino, at binalewala ang kanyang pakiusap
na itigil muna ang putukan habang inaayos ang di pagkakaunawaan, maliliwanagan
kung bakit nawalan ng tiwala at pananalig si Aguinaldo sa mga Amerikano.
Bakit si Aguinaldo lang ang
Itinuturo?
Ang sambayanang Pilipino ay
bukod-tangi kung karanasan sa mananakop ang paguusapan – 300 daang taon sa ilalim
ng mga Kastila, halos 50 taon sa Estados Unidos, at lampas 3 taon naman sa mga
Hapones. Mayroon din kaunting panahon sumingit ang kapangyarihan ng unang
republikang Pilipino ni Pangulong Emilio Aguinaldo. Sa loob ng kalagayang ito,
ilang mga tanghal ng Pilipino ay nakagawa ng mga kilos na maaring ituring na
laban sa Pilipino, tulad ng mga sumusunod:
1. Ang pagtanggi ni Dr. Jose Rizal sa
balakin ng Katipunan at sa halip ay ang pamanhik niya sa Gobernador Heneral na
payagan siyang magsilbi bilang pinunong mediko ng hukbong Kastila sa Cuba;
2. Ang pagtanggi ni Antonio Luna sa
alok ni Bonifacio na sumali sa Katipunan, na sinundan ng kanyang patutuo sa mga
Kastila na si Rizal ang tunay na puno ng Katipunan at isinangkot pa ang ilang
kasapi;
3. Ang paggawa ni Bonifacio ng huwad
na listahan ng mga kasapi sa Katipunan na naging dahilan ng pagdakip at
pagbaril sa mga walang kasalanan, at isa sa mga nabiktima ay ang milyonaryong
si Francisco Rojas;
4. Ang pagsapi sa hukbong Kastila ng
libo-libong mga Bisaya at katutubong Pilipino, lalo na ang mga Macabebe, na
lumaban at pumatay ng mga makabayang manghihimagsik;
5. Ang pagharang ni Artemio Ricarte,
sa utos ni Bonifacio, sa mga kawal Magdiwang na tutulong sana kay Heneral
Emilio Aguinaldo noong labanan sa Pasong Santol na naging sanhi ng pagkatalo ng
mga Magdalo at pagkamatay ng kapatid ni Aguinaldo na si Heneral Crispulo;
6. Ang paglunsad ng kudeta ni
Bonifacio at 40 kasamahan sa Sangguniang Magdiwang ng Katipunan, kasama ang
dalawang Heneral ng Magdalo, laban sa bagong tatag na pamahalaang himagsikan ni
pangulong Emilio Aguinaldo;
7. Ang paghahati-hating ginawa nina
Paciano Rizal, Artemio Ricarte, Pedro Paterno, Isabelo Artacho, Francisco
Makabulos at ilan pang naiwang mga pinuno ng rebolusyon sa ikalawang bayad na
P200,000 ng mga Kastila sa napagkayariang kasunduan ng Biak-na-bato na hindi
dapat galawin dahil ayon kay Aguinaldo ito ay salapi na nakalaan para gamitin
sa himagsikan kung sakaling hindi tuparin ng mga Kastila ang mga pinagkayarian;
8. Ang paghabla ni Isabelo Artacho
laban kay Aguinaldo na hinihinging paghati-hatiin ang halagang P400,000 na
unang bayad ng salaping Biak-na-Bato na nakadeposito sa bangko sa Hong Kong na
laan din para sa himagsikan;
9. Ang pagtanggap nina Artemio Ricarte,
Emiliano Riego de Dios, Baldomero Aguinaldo, Mariano Trias, Pablo Padilla, at
marami pang dating pinuno ng himagsikan sa alok ni Gobernador Heneral Agustin
na sumapi sa armadong lipon na itinatayo ng mga Kastila upang humarap sa
parating na hukbong Amerikano;
10. Ang pamamanhik nina Jose Basa at
ilang mga Pilipinong nakatira sa Hong Kong sa konsulado ng Estados Unidos na
nagsasaad ng kanilang pagkilala sa kapangyarihan ng Amerika at kagustuhan
nilang maging mamamayan ng Estados Unidos habang kasalukuyang nakikipaglaban sa
mga Amerikano ang hukbong republikano ni Pangulong Emilio Aguinaldo;
11. Ang pagsuko nina Heneral Licerio
Geronimo, Juan Cailles, at Mariano Trias sa Amerikano at pagsapi sa “Philippine
Scouts” na siyang tumugis sa mga girelyang Pilipino na lumalaban sa mga
Amerikano, na naging sanhi ng pagkapatay kay Heneral Luciano San Miguel;
12. Ang pagtulong ng mga tinaguriang
“Americanistas” tulad nina Lazaro Segovia, Hilario Tal Placido, Roman Roque at
ilan pang dating mga kasapi sa Hukbong Republikano Pilipino, na nagpagamit sa
mga Amerikano upang maisagawa ang isang pasukab na pagkadakip kay Pangulong
Emilio Aguinaldo sa Palanan, Isabela;
13. Ang pagpayag nina Apolinario
Mabini, Prudencio Mabini, Artemio Ricarte at mga tapon sa isla ng Marianas na
magpahayag ng katapatan sa Amerika kapalit ang pagbabalik nila sa Pilipinas;
14. Ang pagtatayo nina Pedro Paterno,
Felipe Buencamino, Benito Legarda, Florentino Torres, Pardo H. De Tavera at iba
pa, ng Partido Federal na nagudyok sa mga gerilyang Pilipino na sumuko sa
Amerikano at tanggapin ang mga alok na katayuan sa pamahalaang Amerikano;
15. Ang pagtanggap nina Jose P.
Laurel, Claro M. Recto, Antonio de las Alas, Rafael Alunan, Jr., Benigno
Aquino, Sr., Melecio Arnaiz, Ramon Avancena, Manuel C. Briones, Vicente
Madrigal, Camilo Osias, Quintin Paredes, Claro M. Recto, Manuel Roxas, Pedro
Subido, Sulta sa Ramain, Teofilo Sison, Emiliano Tria Tirona, Miguel Unson,
Jorge B. Vargas, Jose Yulo, Serafin Marabut, Elpidio Quirino, Esteban dela Rama,
Guillermo Francisco, Pio Duran, Eulogio Rodriguez, Sr., Artemio Ricarte, Leon
Guinto, Archbishop Gabriel Reyes and Bishop Enrique Sobrepena, ng katungkulan
sa Sangguniang Estado, at sa itinatag na ikalawang republika Pilipino sa ilalim
ng kapangyarihan ng mga Hapones na siyang naging batayan ng kanilang
pakikipagkolaboreyt sa mga Hapones.
Karamihan sa mga nakalista sa itaas
ay kinikilalang mga bayani at makikita ang kanilang mga pangalan sa mga kalye
at lugar sa Maynila at mga lalawigan. Tunay nga, na masalimuot ang ating
timbangan o pagkilala kung sino ang bayani at sino naman ang taksil. Ito ay
dahilan sa patong-patong na karanasan sa ilalim ng kapangyarihan ng mga
mananakop na sandaling pinutol ng maigising panahon ng kasarinlan, na patuloy
pa ring nararamdaman hanggang sa panahong ito, at itinataguyod ng mga nagmana
sa bunga ng himagsikang Pilipino na patuloy pa ring hinahangad ang tunay na
kalayaan.
Si Emilio Aguinaldo ay hindi taksil o
kolaboreytor. Liban sa pagiging puno ng pakikibaka para sa kalayaan at
kasarinlan ng sambayanang Pilipino laban sa Kastila at Amerikano, ipinagpatuloy
niya ang matayog na hangaring maka Pilipino noong panahon ng Hapon.
Kaya ang maitatanong sa mga Pilipino
sa panahon natin ngayon ay ito: Bakit si Aguinaldo ang tanging itinuturong
kolaboreytor at taksil?
<><><>-o-O-o-<><><>
No comments:
Post a Comment