Mayroong paisa-isang mananalaysay
na namulat sa katotohanan at binigyan ng katarungan ang pagiging tunay na
bayani ni Aguinaldo. Isa rito ay si
Alfredo B. Saulo na humimay ng buhay ni Aguinaldo sa kanyang aklat sa wikang
Ingles na pinamagatang, “Emilio Aguinaldo – President of the First Philippine
Republic, First Republic in Asia” (Phoenix Publishing House Inc. Quezon City,
1983). Dito ay mauunawaan ang mga pangyayaring
namagitan kay Aguinaldo at Bonifacio na siyang naging dahilan ng pagkariwara ng
Supremo.
Para sa mga Pilipino sa panahon
natin ngayon, hindi malinaw ang naging buhay at ambag ni Emilio Aguinaldo sa
ating pagkabansa. Hindi nabigyan ng
halaga na sa kanyang pamumuno nagkaroon tayo ng sariling watawat at pambansang
awit. Ang dalawang bagay na ito, huwag
nang isama pa ang ibang mahahalagang ambag ni Aguinaldo, ay hindi hulog ng langit kundi nakamit sa
larangan ng pakikipaglaban sa mga dayuhang mananakop na pinagbuwisan ng napakaraming
buhay ng di na nakilala ngunit dakilang mga bayani ng lahi. At sa halip ang nangingibabaw ngayon ay mga walang
katotohanang bintang kay Aguinaldo na ipinunla ng Kastila at Amerikano na ang
hangarin ay sirain ang pagkakaisa ng ating mga ninuno upang humina at magapi ang
kanilang pagtutol at paglaban at mamayani ang kanilang kagustuhan.
Malaki ang nagawa sa pagsira ng
pangalan ni Aguinaldo ang aklat ni Mabini (“Revolucion Filipina”) na naglalaman
ng mga bintang kay Aguinaldo na naisalaysay naman sa kanya ni Ricarte noong
sila’y tapon sa Guam. Sinakyan ito ng
panig ni Manuel L. Quezon noong halalan ng 1935 at ginamit nilang panira at
propaganda na siyang naging dahilan ng malaking pagkatalo ni Aguinaldo. At ngayon, patuloy at dinagdagan pa ng mga bintang na sinungkit sa mga
pangyayari noong panahon ng Hapon. At ang
nangunguna ngayon sa pagbatikos kay Aguinaldo ay ang mga nasa hanay ng lipunan na
nagsusulong ng simulaing “masa laban elitista”, si Bonifacio ang masa, at si
Aguinaldo ang elitista. Para bagang
pinagsasabung ang dalawang bayani at pinapupusta ang bansa, ngunit hindi
maikakaila na sa kanila’y si Bonifacio ang nagwagi sa tupada, kung baga sa
sabung. Hindi dapat ganito ang mangyari
dahil pareho silang bayani. Si Bonifacio
ay bayani hindi dahil siya ang nagsimula ang himagsikan dahil marami nang nakagawa
nito tulad ni Francisco Dagohoy at Diego Silang. Ang tunay na kabayanihan ni Supremo Bonifacio
ay nakasalalay sa nagawa niyang malawakang pagpukaw sa damdaming makabayan ng
mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo ng tunay na pagmamahal sa
bayang tinubuan at Poong Maykapal, na
siyang nagbigay buhay at lakas sa pagsulong at pagtataguyod sa inaasamasam na
kalayaan at kasarinlan ng ating lahi. Si
Aguinaldo naman ang nagpatunloy ng sinimulan ni Bonifacio; naibagsak niya ang
kapangyarihan ng mga Kastila, naihayag ang Kalayaan, itinayo ang unang
republika, at ipinagtanggol ang republikang ito laban sa mananakop na mga
Amerikano. Sa ginagawang pagbabangaan ng
dalawang bayani ay nawawala ang tunay na mensahe ng kasaysayan - na ang mga
ninuno natin ay natutong magmahal sa
bayan, nagkaisa at nagpakita ng kakayahang magsarili at pangalagaan ang
kanilang kinabukasan. Sa halip ang
dumadaloy na pangkalahatang pagunawa sa kasaysayan ay pagkakahati-hati at pakakahiwahiwalay
at ang hindi pagkakaunawaan. Alalahanin natin ang pangaral ni Aguinaldo: na hindi tayo
magtatagumpay kung hindi magkaisa ang ating isipan.
Sa nakaraang una at ikalawang
yugto na nalimbag dito sa “Facebook”, binanggit ang mga hakbang ni Bonifacio na
naging mitsa ng kanyang malagim na hantungan:
UNA, ang tatlong ulit na pagtutol
niya sa mga mungkahi ni Aguinaldo na pagisahin ang hukbo ng Magdiwang at
Magdalo upang mapalakas ang pagharap sa lumulusob na mga Kastila;
IKALAWA, ang “Acta de Tejeros” o
ang hindi niya pagayon sa kinalabasan ng halalan sa Tejeros;
IKATLO, ang utos niyang harangin
at pigilin ang mga pulutong na kawal Magdiwang na sana’y handang dumamay sa mga
Magdalo upang ipagtatanggol ang Pasong Santol na nilulusub ng kaaway;
IKAAPAT, ang “Acta de Naic”, o
ang hayagang paglaban sa pamahalaang himagsikan sa pamamagitan ng pagtatayo niya
ng hiwalay na hukbo at sariling pamahalaan;
IKALIMA, ang paglusob ng kanyang
mga tauhan sa bayan ng Indang upang sumamsam ng pagkain at mga pangangailangan ayon
sa sumbong ng punongbayan si Serverino de las Alas na may kasabay na bantang
susunugin niya (ni Bonifacio) ang kumbento at simbahan ng bayan;
IKAANIM, ang pagtanggi niya sa
alok ni Aguinaldo na kalimutan ang nakaraan at bumalik siya sa Naik at muling
makiisa sa paglaban sa mga kaaway; at,
IKAPITO, ang pakikipaglaban ng
kapatid niyang si Ciriaco sa mga kawal pamahalaan na sinugo upang sila ay
hulihin.
Ang magkapatid na Bonifacio ay
hinuli at isinailalim sa isang paglilitis.
Sa bisa ng kautusan ni Aguinaldo, isang Kapulungang Digma (“Council of
War”) ang binuo upang magsiyasat sa mga pangyayari at itagubilin ang mga
napagalaman sa napagutusang Hukom ng Hukbo
na siyang maglalabas ng kinakailangang pasya o hatol.
Narito ang ikatlong at huling
yugto na isinatagalog ng mayakda mula sa wikang Ingles na gamit ni Saulo sa
kanyang aklat:
“Upang masimulan ang pagsusuri na
walang abala, hinirang ni Aguinaldo si Koronel Jose Lipana na Hukom at si
Koronel Jose Elises na Piskal. Nagsimula
agad ang pagsisiyasat nang dumating si Bonifacio noong Abril 29. Dalawang saksi, sina Procopio Bonifacio at
Benito Torres ang unang nagpatotoo.
Kinabukasan sampu pang saksi ang nagpahayag: sina Rafael Non, Narciso
Tiolo, at Domingo San Juan, lahat taga Maynila; si Domingo Denlaso at Gervasio
Santiago ng Malabon at Pasig, lalawigan ng Rizal; sina Bibiano Rojas, Pedro
Giron, at Nicolas de Guzman ng Guiguinto, Baliwag, at Bulakan, lalawigan ng
Bulakan; sina Julian Aguila ng San Jose, lalawigan ng Batangas; at Cayetano
Lopez ng Magalang, lalawigan ng Pampanga.
“Nang ikatlong araw, Mayo 1, ang
pagsisiyasat ay inilipat sa Maragondon, labingdalawang kilometro mula sa Naik,
dahil ang bagong gobernador at Kapitan Heneral ng mga Kastila, si Fernando
Primo de Rivera, Markis ng Estela, na napagaralan ang paglusob sa Cavite, ay
nakahandang magpadala ng tatlong brigada sa pamumuno ni Heneral Suero, Castilla
at Pastor (Gallegos, 59) Ayon kay
Aguinaldo mainit na ang labanan malapit sa ilog ng Timalan, mga apat na
kilometro sa labas ng poblaciĆ³n ng Naik.
“Dito, sa isang nakaraang
labanan, ipakita nina Koronel Modesto Ritual at Koronel Lucas Camerino ang
kanilang katapangan nang paurungin nila ang mga kaaway na nagiwan ng maraming
patay at gamit digma. Marami sa napatay
na kaaway ay inagos ng malakas na daloy ng ilog dahil mataas ang tubig
noon. Nakasamsam ang mga Pilipino ng
isandaang baril na “Mauser” at “Remington” , bala at pagkain.
“Si Aguinaldo na siyang namuno sa
labanan, ay nagsabing dapat sana ay nahuli nila ang mga natitirang sundalo ng
batalyon no. 14 ng mga Kastila kung hindi sana iniwan nina Bonifacio at Ricarte
ang labanan kasama ang kanilang kabig. Nalaman
ni Aguinaldo na hindi pala tutuong nagpunta sina Ricarte sa Batangas upang
sumaklolo doon kundi sila pala ay nagtago sa gubat ng Kaytitingga, Alfonso,
lalawigan ng Cavite. (Aguinaldo,216-217)
“Ang isang bagay na di
binibigyang pansin ng mga mananalaysay ay ang nakaatang na tungkulin kay Aguinaldo sa huling yugto ng
himagsikan sa Cavite. Bilang pangulo ng
pamahalaang himagsikan sinusubaybayin niya ang paglilitis kay Bonifacio habang pinangugunahan
din niya ang pamumuno sa lakas ng mga Pilipino upang pigilin ang paglusob ng
mga Kastila. Samakatwid, siya ay puno ng
pamahalaan at siya rin ay punong heneral na hukbo
“Pagkatapos na mailipat ang
tanggapan at mga gamit ng pamahalaan sa Maragondon noong gabi ng Mayo 1, nagpaiwan
sina Aguinaldo at ang hukbong manghihimagsik sa Naik upang salubungin ang mga
kaaway. Gapi ang mga nagtatanggol na mga
Pilipino dahil sa dami at lakas ng kaaway at si Aguinaldo, kasama ang
kakaunting natirang kabig, ay iniwan ang
Naik pati na ang daan-daang patay sa bakuran ng simbahan malapit sa bahay
asyenda ng Recoletos.
“Ang pagtatanggol sa Naik na
siyang huling tanggulan ng mga manghihimagsik,
ay isa sa mga makasaysayang pangyayari ng digmaan. Nagsimula ang labanan sa panganganyon ng
kaaway sa iba’t-ibang lugar na bayan, at maraming bala ng kanyon na hindi
pumutok ang napulot ng mga manghihimagsik. Narito ang salaysay ni Aguinaldo sa
pangyayari:
“Ang malakas ng panganganyon ng
kaaway ay sinundan ng paglusob nila sa lahat ng sulok ng bayan. Sinalakay kami mula sa hilaga, sa timog, at
kung saan-saang lugar ng bayan. Maraming
nalagas sa amin sa unang sagupaan at ang ilan sa mga nakaligtas na sugatan ay
humimpil sa mga kublihang-hukay (“trenches”).
At ang natitirang isang pulutong na kawal ay ginamit na kublihan ang mga
pader ng balkon ng kumbento. At sinabi
ko sa mga natitirang kawal na sa maliit na bakuran na ito hindi na tayo uurong. Sumigaw ako sabay sa malalakas na mga putok,
“Mamatay na tayo lahat dito”, and sila naman ay sumagot ng, “Opo.” Isang kasunduang kamatayan ng mga magkakapwa
kawal. At kahit mahusay na mamaril ang
mga kawal [patuloy ni Aguinaldo] dahil nakikita ko kung paano nila patumbahin
ang kaaway na parang mga barahang
bumabagsak sa bugso ng hangin, kami ay
nalalagasan ng marami kahit matibay ang aming kublihan. Pumasok sa aking isipan na ito na ang aking
katapusan kaya hinalikan ko ang aking ripleng “Winchester” bilang pasasalamat
at pagpapaalam.” (Aguinaldo, 218)
“At habang pinaaalalahanan ni
Aguinaldo ang ilan niyang natitirang mga kawal na sumipat na maigi upang hindi
maaksaya ang bala, isang malaking lalaki ang humila sa kanya sa balikat at ang
sabi, “Halina po kayo, hindi tayo makapagpapatuloy sa paglaban dahilan sa malakas
ng kaaway. Dumadami pa ang lumulusob na
kalaban.”
“Nakilala ni Aguinaldo ang lalaki
na si Koronel Mariano Diego de Dios, ang batang kapatid ng kalihim ng digma na
si Heneral Emiliano Riego de Dios.
“Ang matapang na koronel ay muling
nagsalita: “Halina po kayo, kailangan pa kayo ng bayan.”
“Tumakbo sila sa ilog ng Naik, na
malapit sa simbahan, binagtas nila at nawala sila sa makapal na kahuyan sa
kabilang pampang.
“Samantala, ang nangunguna sa
batalyong infanteria no. 73 ay naguunahang makaakyat sa tuktok ng simbahan
upang itayo ang watawat ng Kastila, at habang umaalingawngaw ang mga batingaw
ay nagsisigawan sila ng “Viva Espana! Viva Espana!”
“Kung sinundan kami ng kaaway,”
ang sulat ni Aguinaldo, “nahuli na sana ako at naikulong sa malaking hawulang
bakal na inihanda para sa akin upang mailantad ako sa Luneta bilang isang bihag.”
(Aguinaldo, 220)
“Dumating si Aguinaldo sa
Maragondon kasunod ang isang libong mga tao mula sa karatig bayan na natutuwang
makitang siya’y buhay, sa kabila ng balitang siya ay napatay sa Naik. Ito ang pangalawang balita na siya daw ay napatay sa labanan, ang
una ay noong nagpatay-patayan siya sa Bacoor habang dumadaan ang nangangabayong
alalay ni Heneral Ernesto de Aguirre.
Kung nahuli siya ni Aguirre noon, tapos na sana ang himagsikan.
“Ang pagsisiyasat sa mga sumbong
kay Bonifacio na itinigil dahil sa paglipat ng tanggapan ng pamahalaan sa Naik ay ipinagpatuloy sa munisipyo ng
Maragondon noong Mayo 4 at dito binigyan ng pagkakataon magpahayag si Bonifacio
at kanyang asawang si Gregoria de Jesus.
At pagkatapos nito ay ipinadala ng Hukom na si Lipana ang kasulatan ng
mga pangyayari sa Kapulungang Digma na binubuo nina Heneral Noriel, na siyang
pangulo; Koronel Tomas Mascardo, (bago pa siya naitaas ng rangko); Koronel
Mariano Riego de Dios, ang malaking lalaking opisyal na nagligtas kay Aguinaldo
sa Naik, Koronel Crisostomo Riel, Koronel Esteban Ynfante, Sulpicio Anthony, at
Placido Martinez.
“Ang paglilitis kay Bonifacio at
kanyang kapatid na si Procopio ay ginawa noong Mayo 5 at si Placido Martinez
ang humarap na manananggol para kay Bonifacio, si Teodoro Gonzales naman para
kay Procopio. Ang mga iniharap na sumbong
ay: (1) Kataksilan o pagsasabwatang ibagsak ang pamahalaang himagsikan; (2)
napintong pagpatay kay Pangulong Aguinaldo; (3) Panunuhol sa mga kawal upang
sila’y sumapi sa pagaalsa. Pinakinggan
ng Kapulungang Digma ang pakiusap ng manananggol at binigyan din si Bonifacio
ng pagkakataong makapagsalita. Pagkatapos
matalakay ang mga katibayan napatunayang nagkasala ang magkapatid noong Mayo 6
at hiniling ng Kapulungang Digma na ipataw ang parusang kamatayan.
“Nang araw ding iyon ipinadala ng
Kapulungang Digma ang kinalabasan ng paglilitis kay Pangulong Aguinaldo, at ito
nama’y isinangguni sa Hukom ng Hukbo na si Heneral Baldomero Aguinaldo upang
mapagaralan. Itinagubilin naman ng Hukom
kay Aguinaldo na sundin ang hatol.
“Sa isa pang pagkakataon kahit walang
kinausap o napagtanungan ipinakita ni Aguinaldo ang kanyang pagiging makatao
nang kanyang ibaba ang hatol na kamatayan at gawin na lamang na parusang tapon. Ang kanyang utos ng pagbababa ng hatol ay
ginawa noong Mayo 8, na nagsasaad ng ganito:
“Dahilan sa kasalukuyang kalagayan ng bayan at sapagkat ang mga
nahatulan ay tunay na mga anak ng bayan,
at alingsunod sa patakaran ng pamahalaan na huwag magbuhos ng dugo kung
hindi kailangan . . . Aking pinatatawad si Andres Bonifacio at si Procopio
Bonifacio sa hatol na kamatayan at sa halip ay ipatapon na lamang sa malayong
lugar, kung saan sila ay ipipiit, babantayan, at hindi papayagang sila’y magkausap
o kausapin ng sino man.”
“Ang mga kasamahan ni Bonifacio
na mga kawal ay pinatawan ng parusang isantaong paglilingkod bilang alila sa
himpilan ng hukbo. (Palma-Bonifacio, 58)
“Maalaala ng bago pa man
nagsimula ang paglilitis nagutos si Aguinaldo na maging mapagbigay at mapagunawa
sa mga nililitis ding mga kawal dahil sila’y sumunod lamang sa utos ng
nakatataas. (Aguinaldo, 215)
“Ang tugon sa pagbababa ni
Aguinaldo ng hatol ay mabilis. Sa loob
lamang ng dalawang oras, ayon sa isang mananalaysay, (Qurino, 41) biglang
nagsidatingan sina Heneral Pio del Pilar at Mariano Noriel sa Panguluhang
himpilan at hiningi kay Aguinaldo na bawiin ang utos. “Ang himagsikan ay malalagay sa panganib kung
papayagang mabuhay si Bonifacio.”, ang sabi ng dalawa, at dagdag pa ni Noriel:
“Hindi natin magagawang magkahiwa-hiwalay sa katayuan natin ngayon”; si Del
Pilar ang nakapagbigay ng tamang pangungusap.
Sabi niya: “Sa katunayan po, kayo o siya!”
“Pilit ding ipinababawi ang utos
ni Aguinaldo ng pagbaba ng hatol ang mga kumakatawan sa mga alsa balutan tulad
ng mananalaysay na si Clemente Jose Zulueta at Dr. Anastacio Francisco ng
Maynila, at Heneral Mamerto Natividad ng Nueva Ecija. Kaya sa bandang huli, napilitang si Aguinaldo
na bawiin ito ngunit sa salita lamang at hindi niya ito naisulat. Ang pangulo ng Kapulungan Digma na si Heneral
Mariano Noriel ay agad namang kumilos at inutusan ang isang pulutong ng kawal
sa pamumumo ni Komandante Lazaro Makapagal at noong Mayo 10 ay dinala ang
magkapatid sa bundok ng Hulog (hindi sa bundok ng Buntis ayon sa dalawang
kasapi ng Maragondon Historical Society) na may layong apat na kilometro sa
poblaciĆ³n ng Maragondon, at doon sila ay binaril.
“Tulad ng huling nabanggit,
ibinaba ni Aguinaldo ang hatol ng wala siyang hiningan ng payo; binaligtad niya ang tagubilin ng kanyang
pinsang Hukom na si Baldomero Aguinaldo at sinunod niya ang kanyang sariling kamalayan
bilang isang Kristiyano at Katoliko na mataas ang paggalang sa buhay at
karangalan ng tao. Maaring pumasok sa
isipan na ang pagbababa ni Aguinaldo ng hatol kamatayan ay unang hakbang tungo
sa tunay niyang balak na patawarin ng tuluyan ang magkapatid na Bonifacio dahil
sila ay “tunay na mga anak ng bayan.”
“Hindi maipagkakaila na ang
parusang tapon ay panandalian lamang dahilan sa kasalukuyang kalagayan na ang kapalaran
ng mga manghihimagsik ay nakataya. Paano
kung si Aguinaldo ay mahuli o mapatay ng kaaway? Sa pagpili ni Aguinaldo ng parusang tapon,
masasaisip ang tunay niyang ugali bilang isang taong makadiyos, na naniniwala
na ang buhay ng tao ay banal at wala sa kamay ninuman na ipariwara.
“At ang pagbawi niya ng pagbababa
ng hatol ay hindi rin sumasalungat sa kanyang matibay na paninindigan dahil ang
talagang balak niya ay “palamigin muna ang mainit na damdamin ng kanyang mga
tauhan.” (Aguinaldo and Pacis, 25) Sa
kasawiang palad hindi naipatupad ni Aguinaldo ang kanyang tunay na balak dahil
inakala ni Noriel na ang pagbawi ng pagbababa ng hatol ay hudyat na ituloy ang
hatol kamatayan ng Kapulungang Digma.
Kung sabagay tama si Noriel sa kanyang pagkakaintindi, ngunit sa ganang
kay Aguinaldo, dapat sana naghintay muna si Noriel ng nakasulat na utos na
ituloy ang hatol kamatayan dahil inaasahan ni Aguinaldo na sa ilang mga sandali
bago ipatupad ang hatol ay maaring magbago na at manlamig ang kanyang mga
kasamahan at tuluyang patawarin ang magkapatid na Bonifacio.
“Sinisi ni Aguinaldo si Noriel sa
kanyang mabilis na kilos, ngunit sa tingin naman ni Noriel wala na siyang ibang
magagawa dahil ang mga Kastila ay nakapagpahinga na pagkatapos makuha nila ang
Naik, ay nakahanda nang lusubin ang Maragondon noong umaga ng Mayo 10, at “kinakabahan siya na maaring mailigtas ng
kaaway sina Bonifacio o kaya sila’y bihagin.”
“May isa pang tabas ang sakunang
nangyari kay Bonifacio. “Kahit na
nanghihinayang ako sa pagkawala ni Bonifacio,” sulat ni Aguinaldo, “Hindi ako
dapat magpakita ng kahinaan. Ang panahon
at pangyayari ay humihingi ng katatagan at katigasan kahit mabigat sa aking
puso. Sa kanyang pagkamatay naiwan akong
tanging puno ng himagsikan, kaakibat ang mabigat na pananagutan at
pagpapakasakit ng tungkulin. Hindi ko maayos ang pinsala sa pagkakaisa na nagawa
ni Bonifacio sa pamamagitan ang isa pagkakahiwa-hiwalay na idudulot ng magkakasalungat
na pagunawa sa kanyang kaparusahan.” (Aguinaldo, 26)
“Ayon sa magtatalambuhay ni
Bonifacio na si Teodoro A. Agoncillo ang pagkakana ng Kapulungang Digma ay
isang pagkukunwari, at ang mga kalahok sa paghuhukom ay hindi na dapat nagaksaya
ng panahon sa isang libak ng paglilitis kung si Bonifacio sana ay binaril na
lamang dahil ang Kasunduang Militar ng Naik ay malinaw na patunay ng
pagkakasalang kataksilan ni Bonifacio.
Dagdag pa niya, dahil walang malakas na katibayang na inihain sa
paglilitis sa mga bintang dapat sana ay mas magaang na parusa ang ipinataw.
(Agoncillo, 301-302)
“Ang nasirang dalubhasang
propesor na si Nicolas Zafra, dating guro ni Agoncillo, ay hindi naman umaayon na ang
paglilitis daw kay Bonifacio ay pagkukunwari at paglalapastangan ng
katarungan. Mariing pinuna ni Zafra si Agoncillo
sa di niya pagayon sa sinabi ni Teodoro M. Kalaw na “si Bonifacio at kanyang
mga kabig ay kusang sumailalim sa kapangyarihan ng Kapulungang Digma at hindi
naman sila tumutol,” nagpapakita na “ang Kapulungang Digma ay makatarungan at
sila’y umasa sa isang patas na paglilitis.”
“Ayon kay Zafra ayaw tanggapin ni
Agoncillo itong pananaw ni Kalaw. Sa
halip sinabi ni Agoncillo na si Bonifacio daw ay hindi makatatanggi, dahil siya
ay isang bihag na may sugat. Sa ganitong
kalagayan [ayon kay Agoncillo] paano makakaiwas si Bonifacio at kanyang mga
kabig sa pakanang ito ng pamahalaan at tutulan at di kilalanin ang kapangyarihan
ng Kapulungang Digma? Ang may sugat at
bihag na si Bonifacio daw ay walang magagawa. (Zafra, 507-508)
“Sa ganang kay Zafra hindi nakita
ni Agoncillo ang kawastuhan ng pananaw ni Kalaw. Nang sabihin ni Kalaw na tinanggap ni
Bonifacio ang kapangyarihan ng Kapulungang Digma, ang tinutukoy niya ay hindi
tungkol sa lakas o kahinaan ng katawan, na maari ngang pigilin o pabayaan,
kundi ang malayang kagustuhan ng isip na hindi maaring pigilan ng anumang lakas
ng katawan. Mayroon si Bonifacio ng
ganyang kalayaan ng pagiisip na dapat sana ay kanyang ginamit upang
maipahiwatig niya ang kanyang pagtanggi sa saligang batas at kapangyarihan ng Kapulungang
Digma kung kanya lamang ginusto. (Aguinaldo and Pacis, 26)
“Ang mga katunayan [ayon kay
Teodoro M. Kalaw, mananalaysay at dating director ng pambansang aklatan at
museo] ay umaayon sa pananaw ni Aguinaldo, “Dapat mapanatili ang pagkakaisa . .
. lahat ng di ayon ay dapat harapin ng
kamay na bakal.” Sa kabilang dako, si
Maximo, ang mas nakababatang Kalaw na dating dekano ng pambansang Pamantasan at
kilalang dalubhasa sa politika, ay nagsabing ang paglilitis kay Bonifacio ay
makatwiran at makatarungan sa loob ng kaganapan ng panahon na iyon.
“Ang mga manghihimagsik
[paliwanag ni Maximo] ay di dapat magkahiwa-hiwalay. Isa lamang ang maaring tunguhin: ituloy ni
Bonifacio ang Katipunan o itulak ni Aguinaldo ang bagong pamahalaang himagsikan
na tanggap na ng karamihan . . . at napilitang tabigin sa isang tabi si
Bonifacio ng pamahalaang himagsikan. (Aguinaldo and Pacis, 26)
“Isa pang dalubhasang Pilipino,
si Epifanio de los Santos, tulad ni T. M. Kalaw, dating director ng pambansang
aklatan at museo, ay naniniwala na ang hatol kay Bonifacio ay hindi lamang
makatarungan kundi natataon dahil sa balak ni Bonifacio na mamuno sa isang paglaban
sa himagsikan; sa banta ng kaaway na kasalukuyang
winawalis ang Cavite ng tingga at bakal; sa udyok ng mga kasamahan, tulad ni
Clemente J. Zulueta at Feliciano Jocson; at higit sa lahat , dahilan sa
malawakang takot ng madla.
“Lahat ng bagay na binanggit na
dahilan ni De los Santos, ayon naman sa manalaysay na si propesor Leandro H.
Fernandez, “ay walang dudang nagtulak kay Bonifacio sa kamatayan, ngunit
mahirap turingan kung alin ang nangingibabaw. (Fernandez, 30-31)
“Nakakagulat din na ang tanging
sumalungat sa halos lahatang pagayon sa parusa kay Bonifacio ay galing kay
Apolinario Mabini, ang “nino bonito” ni Aguinaldo. Sinisi niya si Aguinaldo sa pagkamatay ng
supremo ng Katipunan, at tinukoy niya
itong isang sinadyang-pagpatay (“assassination”) . . . At sa walang pakundangang pananalita, sinabi
niyang ang pagkamatay ni Bonifacio ay nagpapakitang si Aguinaldo ay gahaman at
sakim sa kapangyarihan.(Mabini, 48; 62-63)
“Unang-una, hindi dapat
paniwalaan si Mabini tungkol sa mga
pangyayari sa unang yugto ng
himagsikan. Tulad ng maraming ilustrado
at mason ng panahon na iyon, hinuli si Mabini noong Oktobre 1896, pagkatapos na matuklasan ang Katipunan,
ngunit dahil sa sakit niyang pagkalumpo na dumapo sa kanya noong Enero ng taong
iyon, siya ay inilagak na lamang sa pagamutan ng San Juan de Dios hanggang sa
mapalaya siya noong Hunyo 1897 sa bisa ng kapatawarang ipinairal ng bagong
Gobernador Heneral at Kapitan Heneral na si Fernando Primo de rivera noong Mayo
17, na sumabay sa kapanangakan ng batang haring Alfonso XIII ng Espanya. Sa katunayan, si Mabini ay hindi nasangkot sa
himagsikan dahil, tulad ni Rizal, sa puso niya ay pagbabago ang kailangan
(“Reformist”). Oo nga siya ay nakasama
ni Bonifacio sa Liga Filipina na itinayo ni Rizal. Nang ipinatapon si Rizal sa Dapitan, ang Liga
ay nagpatuloy pa rin, “Salamat kay Andres Bonifacio at mga iba pa,” na nagtayo
ng mga sanggunian sa Tondo, Sta. Cruz, Ermita, Malate, Sampaloc, Pandacan at
iba pang lugar,” (Mabini, 41) at utang din kay Bonifacio na naging Kailihim si
Mabini ng Kataastaasang Sanggunian ng Liga. (De los Santos, 142-143).
“Sa dahilang hindi umuusad ang
Liga sa paghingi ng mga pagbabago sa mga may kapangyarihan, napagkayarian
itigil na ito, at iyong mga sangayon na ipagpatuloy ang paglalathala ng La
Solidaridad sa Madrid ay nagtayo ng tinatawag na Cuerpo de Compromisarios, at
sila’y nangakong magbibigay ng limang pisong buwanang ambag para sa
diaryo. Sumapi si Mabini sa mga
compromisarios, kaya binansagan siya ng mga kasamahan ni Bonifacio na “nanlalamig
na Makabayan”. Sa kabilang dako, si
Bonifacio, buo ang paniwala ng walang kahihinatnan ang mahinahong paraan ay
nagtayo ng lihim na kilusang Katipunan na ang adhikain ay hindi na pagbabago
kundi Kalayaan; at sa loob lamang ng isang taon ay kumalat ang kilusan sa buong
Maynila at sumanga sa Cavite at Bulacan. (Mabini, 43) Naging tagahanga ni
Bonifacio si Mabini kahit noong nagkasira si Aguinaldo at Bonifacio na
ikinamatay ng huli, na mapupuna sa mabuting pagkilatis niya kay Don Andres
Bonifacio na nababahiran ng mabangong pagtingin ng utang na loob. (De los Santos,
142-143) Hindi ito nakapagtataka dahil
si Mabini ay lihim na tagapayo ni Bonifacio. (Crisostomo, Isabelo T. “Bonifacio’s
Secret Adviser,” Philippines Free Press, November 30, 1968)
“Nasa pagamutan pa si Mabini nang
binaril ang magkapatid na Bonifacio noong Mayo 10, 1897. Samakatwid, anumang nalalaman ni Mabini tungkol sa malagim na sinapit ni
Bonifacio ay salaysay lamang sa kanya ng ibang tao. At saan ba kaya nakuha ni Mabini ang kanyang
napagalaman?
“Noon lamang Hunyo 12, 1898, ang
araw ng pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit ay siya ring araw ng
pagsali ni Mabini sa himagsikan. Sa
pamamagitan ng pakisuyo ng kanyang kalalawigang si Felipe Agoncillo, ang unang Sugong
Panglabas (“Diplomat”), si Mabini ay hinirang na pangsariling kalihim ni
Aguinaldo, (De Ocampo, 78) isang katungkulang hinawakan niya hanggang Enero 2,
1899, bago siya ginawang punong ministro at pansamantalang kalihim
panlabas. Nagsilbi si Mabini sa
katungkulang ito hanggang pinalitan siya ni Pedro Paterno na nagtayo ng kanyang
gabinete. Ang Batanguenong katiwala ng pamahalaang
(Mabini) ay nanahimik na nang siya ay mahuli ng mga Amerikano sa Cuyapo, Nueva
Ecija, noong Diyembre 10, pinalaya noong Septyembre 23, 1900, at muling hinuli
at ipinatapon sa Guam noong Enero 1901, kasama ang limampu’t anim na bayani,
kabilang si Ricarte. Si Mabini at
Ricarte na parehong tauhan ni Bonifacio ay nagtiis sa kanilang pagkakatapon ng
dalawang taon hanggang Pebrero 1903, nang sila ay ibalik sa PIlipinas. Doon sa Guam sinulat ni Mabini ang mapagpunang
aklat tungkol sa himagsikan, na singkad ang pintas laban kay Aguinaldo, na
galing lamang naman sa kanyang mga alaala, at walang pinagkunang tandaan o patunay.
“Makikita sa mga talaan na si
Mabini, bago pa siya napatapon sa Guam, ay hindi nagpahayag ng anumang pintas kay
Aguinaldo, ang taong umakay sa kanya sa kasikatan – isang 32-taong gulang na
manananggol na lumpo na nahaharap sa matagalang pagupo sa panglumpong upuan
hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay – nagbigay sa kanya ng mataas na
katungkulan at karangalan na maari di namang ibigay ni Aguinaldo sa mga
magagaling ding mambabatas tulad ni Felipe Buencamino, Sr., na noong siya ay 23
taong gulang pa lamang ay hinuli ng mga Kastila
dahil namuno siya sa Pamantasan ng Santo Tomas sa isang hayagang
pagtutol na wari’y isang kiluasang may adhikaing humiwalay; (De la Costa, 220)
si Ambrosio Rianzares Bautista, ang sumulat ng Pagpapahayag ng Kalayaan ng
Pilipinas; at si Felipe Calderon, ang namahala sa pagbuo ng Saligang Batas ng
Malolos.
“Sa isang sulat sa kanyang
kaibigan, binanggit niyang si Aguinaldo ang “tagapagligtas ng bansa” (Taylor,
4:82-89). Si Mabini rin ang lihim na
nagutos na likumin at sunugin ang sulat-pagbibitiw ni Aguinaldo noong Pasko ng
1898 na tanggapin ng mga mamayang Pilipino ang kanyang pagbaba bilang pangulo
ng republika. (Taylor, 3:419-424) Alam ni Mabini na kung wala si Aguinaldo ang
buong pamahalaang himagsikan ay babagsak, dahil wala ni isa sa mga punong
Pilipino dito o sa mga nangingibang bansa man ang may katangian, pamumuno,
karanasan at kakayahan. At sa isa ding
sulat, pinuri ni Mabini ang karunungang pulitika ni Aguinaldo sa pagtanggap niya ng pagbibitiw ng
gabinete ni Mabini noong Mayo 17, 1899
“dahil sa kagustuhan ni Aguinaldo na maihanap ng lunas ang mga
suliraning bumabagabag sa ating kaawaawang bansa”(Letters of Mabini, 176) Sa ngalan ng kanyang nagbitiw na gabinete
ipinangako ni Mabini ang “kanilang katapatan at kanilang kakaunting lakas na nakalaan
para sa lahat ng makabubuti sa kapakanan ng ating bayan.” (Letters of Mabini,
176)
“Naging mabuti ang tinginan ni
Aguinaldo at Mabini kahit umalis na sa katungkulan sa pamahalaan si
Mabini. Sa katunayan, nilakad ni
Aguinaldo na mahirang si Mabini bilang Punong Hukom ng Republika noong Hunyo
23, 1899. Inamin mismo ni Mabini na
matibay ang kagustuhan ni Aguinaldo na si Mabini ang malagay sa tungkulin kahit
malakas din ang pagsalungat ng gabinete ni Paterno at ni Ambrosio Rianzares
Bautista na siyang pangulo ng Lupon ng mga kinatawan. (Mabini to Kanoy, 201)
“Ang pagbabago ng pagtingin ni
Mabini kay Aguinaldo ay nangyari nang makasalamuha niya si Ricarte nang ang
dalawa ay tapon sa Guam. Maalaala na ang
gunita (“memoirs”) ni Ricarte, na sinulat sa loob ng kulungan ng Bilibid, ay wala
ding pinagkunang tandaan o patunay, at punong-puno ng batikos kay
Aguinaldo. Ang nalalaman ni Mabini
tungkol sa malagim na pangyayari kay Bonifacio ay maaring nanggaling kay
Ricarte. Dapat maintindihan na ang isang
magaling na manananggol tulad ni Mabini ay maari ding maging mababaw at
maramdamin sukdulang mawala sa kanya ang pagiging wasto o pagtitiwala.
“Halimbawa, may sinasabi si
Mabini na isang “pagsuway ni Aguinaldo sa pinuno ng Katipunan (Bonifacio) kung
saan siya ay kasapi.” Paanong pagsuway?
Si Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, at si Aguinaldo, isang kasapi, ay
parehong inimungkahing mahalal sa pagka pangulo sa pulong ng Tejeros na
pinamahalaan ni Bonifacio. Paano
nagkasala si Aguinaldo ng pagsuway sa kanyang amo kung ang pinuno ng Katipunan
at ang isang kasapi ay kapwa may karapatan sa halalan sa binalak na pamahalaang
himagsikan na papalit sa Katipunan?
“Iginiit minsan ni Mabini na pagkakasundo
lamang ang tanging lutas sa maselang kalagayan ng himagsikan sa Cavite. Hindi ba nagpadala ng sugo si Aguinaldo sa
katauhan ni Koronel Bonzon upang hikayatin si Bonifacio na bumalik sa Naik at
makiisa sa pamahalaang himagsikan sa
paglaban sa mga Kastila? Ginamit ni
Mabini ang katagang “sinadyang pagpatay” (“assassination”) sa halip na pagpapatupad
ng hatol sa magkapatid na Bonifacio. Ang
sinadyang pagpatay ay isang pagkakasala, samantalang ang pagpapatupad ng hatol
ay hindi dahil naaayon ito sa batas. Ang
magkapatid na Bonifacio ay binaril sa bisa ng hatol ng Kapulungang Digma. At isa pa, tinawag ni Mabini na kasalanan ang
pagpatay kay Bonifacio dahil ito daw ay hindi idinaan sa maayos na pagpapatupad
ng batas, na di naman kinakatigan ng kasaysayan.
“Nakapagtataka na si Mabini, naturingang
isang mahusay sa batas, ay magbibintang ng walang sinasandalang katibayan at pinintasan ang dati niyang amo,
kundi nga ba kaya siya ay nailigaw ng dating gurong si Ricarte (noong sila’y
nasa Guam), isang guro, kung saan ang kanyang sinulat na mga gunita ay puno ng
mali at kasinungalingan, at hindi magagamit sa isang maselang pagaaral ng
kasaysayan.
“Si Teodoro M. Kalaw, na nakaraang
binanggit, na nagsabing ang pagkamatay ni Bonifacio ay kinakailangang mangyari para
sa kapakanan ng himagsikan, at maaring, dahilan ng kahalagahan nito (o “raison d’
etat”), ay nagsabing ang malagim na pangyayari ay mananatiling maitim na dahon
sa kasaysayan ng himagsikan at mantsa sa karangalan ng mga nagbalak at
nagpakana nito.
“Iyan ay isa sa mga pananaw. Mayroon isa pang lalong malalim na pagtingin
ang ibinigay naman ni Aguinaldo nang sabihin niyang ang pamahalaang himagsikan
ay pumigil kay Bonifacio na ilubog ang bayan sa isang patayan ng magkakababayan
– isang krimeng ultimo - na ang ibig
sabihin ay libo-libong mga buhay ng Pilipino ang papanaw, marami ay walang
kasalanan; at sa pagkamatay ni Bonifacio siya ay naging mabunying apostol at
bayani ng lahi.
“Isang pagpapalang hindi
sinasadya.”
(Ang salaysay sa itaas ay salin ng
mayakda sa Tagalog mula Ingles sa dahong 147-157 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo: Generalissimo and President
of the First Philippine Republic, the First Republic in Asia”, (Phoenix
Publishing House, Inc. Quezon City,
1983)
Sources cited in Saulo’s book:
(1) Aguinaldo, Emilio, “Mga
Gunita ng Himagsikan” (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina
Aguinaldo Suntay (Manila, 1964);
(2) Aguinaldo, Emilio, and Pacis,
Vicente Albano, “A Second Look at America”, (New York: Robert Spiller and Sons,
Publishers, Inc., 1957)
(3) Agoncillo, Teodoro, “Revolt
of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan”, (University of the Philippines Press, 1956)
(4) De La Costa, “Readings in
Philippine History” (Manila, Bookmark, 1965)
(5) De Ocampo, Esteban (with
collaboration of A. B. Saulo), First Filipino Diplomat: Felipe Agoncillo,
1859-1941 (Manila: National Historical Institute, 1977)
(6) Fernandez, Leandro H., “The
Philippine Republic” (New York, Columbia University, 1926)
(7) Gallegos, Eduardo y Ramos,
“Operaciones Practicadas Contra Los Insurgentos de Cavite, (Madrid, 1898 cited
in Quirino, “The Young Aguinaldo, pp. 160-163.)
(8) Palma-Bonifacio, Virginia, “The Trial of
Andres Bonifacio: The Original Documents in Tagalog Text and English
Translation”, (Ateneo de Manila University Press in partnership with the
National Library of the Philippines, 1963)
(9) Quirino, Carlos, “Historical Introduction,
The Trial of Andres Bonifacio,” translated from the Spanish by Virginia
Palma-Bonifacio (Manila: Ateneo de Manila, 1965);
(10) Quirino, Carlos, “The Young
Aguinaldo: From Kawit to Biak-na-Bato”, (Aguinaldo Centennial Year, Manila,
1969)
(11) Taylor, John R.M., “The
Philippine Insurrection Against the United States,” with Introduction by Renato
Constantino, (Eugenio Lopez Foundation, Pasay City, 1971).
(12) Zafra, Nicolas, “’The Revolt
of the Masses’: Critique of a Book, “Philippine Studies, 1956)
#TUKLAS
No comments:
Post a Comment