Wednesday, February 19, 2020

Si Supremo Andres Bonifacio sa Cavite - Ika-2 sa 3 yugto


Ayon sa nasirang dating Punong Hukom ng Kataastaasang Hukuman ng Pilipinas, si Abraham Sarmiento,  na tumingin sa ginawang paglilitis kay Bonifacio, ito nga daw ay may kapintasan, ngunit hindi naman kaila na si Bonifacio ay lumaban sa pamahalaang himagsikan, at may karapatan si Pangulong Aguinaldo na gawin ang nararapat. (p. 150, Carlos Ronquillo, “Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik ng Taong 1896-1897, edited by Isagani Medina, UP Press, 1996)


Ngunit marami pa rin sa mga kababayan natin ang walang kamuwang-muwang sa usaping ito. Ang dahilan ay hindi gaanong napagukulan ng pansin ng ating paaralan ang mga salaysayin tungkol sa pagdayo ni Bonifacio sa Cavite. Si Epifanio de los Santos, ang manunulat kung kanino ipanangalan ang dating Highway 54 na tinatawag na EDSA, ang siyang unang kumilatis ng usaping ito sa katha niyang “Andres Bonifacio” na nalathala sa Revista Filipina (“Philippine Review, Vol 3, no. 1”) noong Enero, 1918. Binanggit niya rito ang halalan sa Tejeros (De los Santos, 45);  ang pagpapawalang bisa ni Bonifacio sa kinalabasan (ibid, 45);  ang pagsalo naman ng mga taga Batangas sa pamumuno ni Santiago Rillo sa pulong pagkatapos pawalang bisa ito ni Bonifacio, at pinagtibay ng mga naiwang kinatawan ang lahat ng napagkayarian, kasama ang pagkahalal kay Aguinaldo bilang pangulo ng itinayong pamahalaang himagsikan; (ibid, 53) ang kasulatang pagtutol ni Bonifacio sa kinalabasan ng halalan dahil sa bintang na dayaang naganap (ibid, 46) at ang kasunduang militar nina Bonifacio at kapanalig na nagtayo ng hiwalay na hukbo at pamahalaan (ibid, 47). Hindi nga ginamit ni De los Santos ang mga katagang  ”Acta de Tejeros” at “Acta de Naic” ngunit malinaw na ito ang kanyang mga tinutukoy. Ang dalawang matinding kilos na ito ni Bonifacio ay mababasa rin sa aklat ni Ronquillo sa pahina 92 at 104 at matutunghayan din sa aklat ni Jim Richardson na may pamagat na “The Light of Liberty” sa pahina 320 at 355.


Natalo man si Bonifacio sa halalan sa Tejeros ay siya pa rin ang Supremo ng Katipunan. Ngunit ang isang bunga ng pulong sa Tejeros ay ang pagtatayo ng bagong pamahalaang himagsikan na siyang magsusulong ng layuning makamtan ang kalayaan ng Pilipinas. Sa madaling salita naisangtabi at nawalan ng silbi ang Katipunan. Sa pamamagitan ng bagong pamahalaan, magiging isa na lamang ang magpapasya para sa Magdalo at Magdiwang hindi tulad ng dati na magkahiwalay pa ang kanilang pamumuno at pamahalaan. Ito sana ang tunguhin ng ginawang pulong noon Disyembre, 1896,sa Imus na naantala dahil sa pagdating ng mga kamaganak ni Dr. Jose Rizal na nagbalita sa ginawang pagbaril sa bayani. Nang napansin ni Bonifacio na nawawalan na siya ng papel at kapangyarihan sa pamumuno ng himagsikan hindi niya ito matanggap. Sa tulong ni Ricarte at mga Magdiwang, sinuway niya at nilabanan ang bagong pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng hiwalay na hukbo at sariling pamahalaan.


Ang mga aklat na nalimbag sa panahon natin tulad ng kay Ronquillo (at ang “Historia dela Insurreccion Filipina en Cavite” ni Telesforo Canseco), mga manunulat na taga-Cavite at saksi sa mga pangyayari, ay hindi pa rin nakararating sa kaalaman ng mga Pilipino sa panahon ngayon dahil sa pagkukulang ng mga nangangasiwa ng ating paaralan. Isa sa mga sumibol na makabagong mananalaysay, si Alfredo B. Saulo, isa ring Caviteno, ay tumalakay din ng mga pangyayari sa pagitan ni Aguinaldo at Bonifacio sa kanyang aklat na nalimbag noong 1983 na pinamagatang, “Emilio Aguinaldo – Generalissimo and President of the First Philippine Republic, First Republic in Asia”.


Katulad ng mga binanggit na dalawang aklat sa itaas, hindi rin nabigyan ang aklat ni Saulo ng kaukulang pagpapahalaga na maisama sa pambansang araling kasaysayan.  Ano nga kaya ang dahilan?  Dahil ba may kabagalang kumilos ang ating mga tagapangasiwa sa pagtuturo, o baka naman dahil si Saulo ay tubong Cavite, tulad din ni Ronquillo at Canseco?  Ang pagiging taga-Maynila o taga-Cavite kaya ay nagdudulot ng di matuwid na paghubog sa ating kasaysayan? Masalimuot ang mga salaysay ng Cavitenong si Saulo kaya nga dapat makarating din sa kaalaman ng ating mga kababayan. Narito ang maigsing bahagi ng aklat ni Saulo na nagpapaliwanag sa kataksilang inasal ni Bonifacio:


“Noong gabi ng Abril 19 (1897), habang si Aguinaldo ay may lagnat at nakaratay sa bahay ng mga Jocson, sa layong dalawang kilometro naman ay tinipon ni Bonifacio ang mga Magdiwang sa bahay asyenda ng mga Recoletos, malapit sa simbahan at kumbento ng Naik, at doon ay nilagdaan nila ang isang kasunduang militar, na nagtatayo ng hiwalay na hukbo na pamumunuan ni Heneral Pio del Pilar. Isa pang tauhan ni Aguinaldo, si Heneral Mariano Noriel, ay nahimok din ni Bonifacio na sumapi sa naturang kilusan. Ang humikayat sa dalawang heneral ni Aguinaldo na sumunod kay Bonifacio ay isang di umano’y walang lagdang sulat na nagsasaad na isusuko daw ni Aguinaldo ang lahat ng armas ng himagsikan sa Cavite sa pamahalaang Kastila bilang kasagutan sa alok tigil-putukan ng Huwesitang Paring si Pio Pi at Piskal Heneral Comenge, at ang pagsuko ay isasagawa sa pamamagitan ng isang sulat kay Heneral Lachambre na dadalhin ng  isang Kastilang bihag na si Domingo Martinez, na nakakulong sa bahay ni Heneral Tomas Mascardo.


“. . . Paano natuklasan ni Aguinaldo ang maitim na balak nina Bonifacio at Ricarte laban sa kanya at sa pamahalaang himagsikan? Hindi mapakali noon si Aguinaldo sa bahay ni Jocson. Hindi niya maintindihan bakit walang ginagawang paghahanda sa napipintong pagsalakay ng mga kaaway sa Naik. Nahulog na sa kamay ng kaaway ang San Francisco de Malabon, kabisera ng mga Magdiwang, at susunod na ang Sta. Cruz de Malabon (ngayon ay Tanza) dahil ang walang paninindigang Punong-bayan na si Francisco Valencia ay nagutos sa mga taongbayan na magsabit ng puting bandila sa kanilang mga bintana. (Ricarte, 45) At sa pagitan ng huling bayan at ng Naik ay isang malawak na kaparangan na walang harang na makapipigil sa pagsulong ng mga kaaway.


“Naisip ni Aguinaldo na magpadala ng animnapung kawal-tagamasid sa pamumuno ni Komandante Lazaro Makapagal upang pakiramdaman ang kalagayan noong hapon ng Abril 19. Magdidilim na nang si Makapagal ay nagiisang dumating at humahangos. Siya pala at kanyang mga kawal ay inanyayahan sa himpilan ni Bonifacio sa loob ng bahay asyenda upang kumain. At nang sila’y nasa loob na ay ikinulong sila sa unang palapag ng bahay asyenda. Nakatakas si Makapagal at isinumbong kay Aguinaldo ang pangyayari. (Archutegui, 355)

“Nagalit si Aguinaldo at inutusan sina Heneral Baldomero Aguinaldo at Tomas Mascardo na magtungo sa bahay asyenda upang magsiyasat. Ang dalawang heneral ay hindi pinapasok ng mga bantay dahil kasalukuyan daw nagpupulong sa itaas sina Bonifacio at mga kabig. Sa tulong ni Komandante Jocson nakipagugnayan si Aguinaldo kay Koronel Blas Bustamante at kanyang mga tauhan na magtungo rin sa bahay asyenda at paligiran ito. At saka nagiisang pumunta si Aguinaldo sa himpilan ni Bonifacio, kasama ang kanyang tagadala ng baril na si Benito Ylapit. Dinatnan niya sina Baldomero Aguinaldo at Mascardo na naghihintay sa labas ng bakuran ng bahay asyenda.


“Sinubukan ni Aguinlado na pumasok ngunit hinarang siya ng bantay at sinabing utos ito ng Supremo.


“Kilala mo ba ako?” tanong ni Aguinaldo sa kanila.

“Opo!”, sagot ng mga bantay.

“Ako ba ay kaaway?”

“Hindi po!”


“Dagling pumasok si Aguinaldo sa bakuran na hindi pinigilan ng mga bantay. At nang paakyat na siya sa itaas ng bahay ay muli siyang hinarang ng mga bantay dito. Inulit ni Aguinaldo ang mga tanong, at pagkatapos makasagot sa kanya ay tuloy-tuloy umakyat si Aguinaldo at hindi naman siya pinigil ng mga bantay. Susunod sana ang dalawang niyang Heneral at mga kawal, ngunit inutusan sila ni Aguinaldo na manatili sa ibaba at maghintay na lamang ng hudyat ng putok ng baril.


“Nang nasa itaas na si Aguinaldo lumapit siya sa pinto at sumilip sa isang siwang. Sa kabisera ng lamesa [kwento ni Aguinaldo] ay ang Supremo at kanyang mga ministro. Ngunit siya’y nabigla nang makita niya ang paborito niyang mga heneral – sina Pio del Pilar at Mariano Noriel. At sa kabilang dulo ng lamesa ay si Heneral Artemio Ricarte, nakita rin niya sina Santiago Alvarez, Pascual Alvarez at marami pa. Ang Supremo ay mayroong sulat na binabasa . . . At nalalarawan niya sa mukha ng kanyang dalawang heneral na sila’y paniwalang-paniwala sa sinasabi ni Bonifacio. At narinig niyang nagsalita ang Supremo, “Nagtitiwala ako na ang bago nating Kapitan Heneral na si Pio del Pilar ay makapagtatayo ng isang malakas na hukbo para sa ating pamahalaan.” (Aguinaldo, 202)


“Hindi namalayan ni Aguinaldo ang paglapit sa kanya ni Procopio Bonifacio, ang batang kapatid ng Supremo. Binuksan ni Procopio ang pintuan ng silid and inihayag ang pagdating ni Aguinaldo. Lahat ng naroroon ay nabigla, ngunit ang Supremo ay nakapagsalita, “Papasukin siya.” “Magandang gabi po sa inyo!” ang magalang at malamig na wika ni Aguinaldo.  Nang anyayahan ni Bonifacio si Aguinaldo na makisali sa pulong sinagot siya ng ganito, “Hindi na, salamat!” Hindi naman daw siya kailangan sa pulong, o inaasahan, kaya dagling lumabas ng silid. Nagtungo siya sa ibaba, at nang buksan ang isang pinto sumungaw sa kanya ang mga tauhan ni Komandante Makapagal na nakakulong sa loob. Inutusan ni Aguinaldo na sila’y magsilabas at gumawa ng hanay sa bakuran.


“Sa darating si Procopio at sinabing nagpipilit daw ang Supremo na makilahok si Aguinaldo sa pulong. Nagbalik si Aguinaldo at muling tinanggihan ang anyaya na makilahok sa pulong, muling nagpasalamat at saka umalis. Mahinahong pinagbubuksan ang pintuan ng iba pang mga silid ng bahay asyenda sa ibaba at pinakawalan ang mga nakabilanggong mga kawal. Habang nabubuo at lumalakas ang mga kabig ni Aguinaldo marahil nakarating ito sa kaalaman ng  mga Magdiwang at pagkaraka ay isang kawal ang tumatakbong lumapit at ibinalita kay Aguinaldo na ang Supremo at lahat ng kanyang mga kapanalig ay dali-daling nagsialisan.  Hinayaan naman ni Aguinaldo na dumulog ang mga kawal sa mga pagkaing naiwanan ng mga nagpulong.


“Ipinatawag ni Aguinaldo sina Heneral Noriel at Del Pilar, at dumating naman pagkaraan ng kalahating oras.

“Hindi ko akalain napahila  kayo kay Don Andres,” ang pasaring ni Aguinaldo.

“Nabulag po kami sa mga di-totoong pangako,” sagot ng dalawa, “Nagkamali po kami.”

“Kung gayon, bumalik na kayo sa inyong mga kawal at gawin ninyo ang mga atas ng inyong tungkulin,” ang huling habilin ni Aguinaldo. (Agoncillo, 235)


“Dapat maintindihan na sina Heneral Del Pilar at Noriel ay nahuli sa akto (“flagrante delecto”) ng kanilang Punong-Heneral kung saan maari silang ipabaril sa salang pagtataksil. Ngunit, tulad ng isang mapagpatawad na ama – kahit na mas matanda sina Del Pilar at Noriel kay Aguinaldo – kinalimutan niya ang pangyayari. “Natutuwa ako,” sabi ni Aguinaldo sa dalawang heneral,“ at inyong napagwari na lahat ay isang pandaraya na gawa-gawa lamang ng masamang isipan upang sirain ang pagkakaisa ng hukbong himagsikan at pigilin ang paghango ng ating bayang tinubuan sa pananakop ng mga Kastila.” (Aguinaldo, 204-205)

“Si Bonifacio at Ricarte (marahil sila ang utak) ay mga pangunahing pinuno ng Magdiwang na nagsitakbo  patungong Limbon, kasama ang kagalang-galang na matandang Mariano Alvarez, Jacinto Lumbreras, Severino de las Alas, Diego Mojica, at Santos Nocon. (Archutegui, 371) Nakita rin ni Aguinaldo sa pulong sina Santiago Alvarez pati kanyang tiyuhin na si Pascual Alvarez. (Aguinaldo, 201)


“Sa halip na sila’y ipahuli ni Aguinaldo sa salang kataksilan (“treason”) sila ay pinatawad – at ito ay isa sa mga hindi binabanggit ng ilang mga mananalaysay – at binigyan pa ng katungkulan sa kanyang gabinete: si Lumbreras na nagbukas ng kumbensyon sa Tejeros ay ginawang kalihim ng pamahalaan; si Mariano Alvarez na nagtayo ng Sangguniang Magdiwang at tiyuhin ng pangalawang asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus, kalihim ng fomento; si De las Alas, na nagmungkahi na gawing pangalawang pangulo si Bonfacio dangan siya’y pumangalawa sa dami ng boto, kalihim ng hustisya; at si Pascual Alvarez – pinsan ng matandang Mariano, kalihim pangloob. Lahat sila’y mga Magdiwang. Iisa lamang sa mga ministro ang Magdalo, si Baldomero Aguinaldo, hinirang na kailihim ng pananalapi.


“Isang mananalaysay (Quirino, 13) ang nagsabing binuo ni Aguinaldo ang kanyang gabinete noong Abril 17, bago sumapit ang araw ng pagkabuhay. Ang sabi naman ni Ricarte, na sumulat ng walang gamit na tandaan kundi tanging alaala lamang, ay nangyari daw ito pagkaraan ng araw ng pagkabuhay. (Ricarte, 46-47) Ang talagang tamang araw ng paghirang sa mga ministro ay nangyari pagkatapos ng kasunduang Militar ng Naik ni Bonifacio dahil ang mga Magdiwang na kusang sumapi sa pamahalaan at hinirang na ministro ay hindi na sumali sa gulo.


“. . . Nagpadala din si Aguinaldo ng sugo, sina Koronel Intong (Agapito Bonzon), Komandante Ignacio Pawa, at Komandante Felipe Topacio sa Limbon, isang nayon sa Indang, lalawigan ng Cavite, upang “makiusap sa Supremo na bumalik at makiisa kay Aguinaldo sa paglaban sa mga Kastila.” Ayon kay Intong, mukhang payag na sana ang Supremo, ngunit biglang dumating ang mainit na ulong kapatid na si Ciriaco, at mahigpit na tinanggihan ang alok ni Aguinaldo. (Archutegui, 373)


“Kung babalikan ang nakaraang dalawang linggo, Abril 7, inutos ni Aguinaldo ang pagpapalaya sa tatlong bihag na mamayang Kastila (kasama ang isang babae) bilang pasalamat kay Heneral Lachambre sa pasya niyang huwag nang sirain ang bayan ng Sta. Cruz de Malabon. Napagutusan ni Aguinaldo si Cayetano Topacio, dating kalihim ng pananalapi ng Magdalo, at si Heneral Mascardo na samahan at alalayan ang mga pinalayang Kastilang bihag patungong Sta. Cruz de Malabon upang hindi saktan ng mga galit na mga taongbayan.


“Nang malaman ni Bonifacio na pinalaya ang mga bihag na Kastila, galit na nagutos na ipahuli muli at dalhin sa kanyang himpilan sa Naik ang mga dating bihag, at sinamsam pa ang armas ng mga umalalay. Sumugod agad si Aguinaldo at hiningan si Bonifacio ng paliwanag. Ipinaalaala ni Bonifacio kay Aguinaldo ang pagsuko ng mga Magdalong sina Daniel Tirona at Juan Cailles sa mga Kastila, na ito ay kahihiyang pangyayari na lumalapastangan sa kapurihan ng himagsikan, at sinabi pang higit na dapat parusahan ang sinumang anak ng bayan (tulad ni Topacio at Mascardo)  na lihim na sasapi sa kaaway.


“Sagot naman ni Aguinaldo na hindi rin siya sangayon sa pagsuko ng dalawang pinunong Magdalo, ngunit sina Topacio at Mascardo ay inutusan lamang niyang pangalagaan ang kaligtasan ng mga bihag upang hindi saktan ng mga taongbayan at wala silang balak na sumuko sa mga Kastila. “Sa ginawang pagpapalaya ng mga bihag, Don Andres,” dagdag ni Aguinaldo, “ipinakikilala natin sa mundo na ang mga Pilipino ay maginoo rin tulad ng mga Kastila.” (Quirino, 12)


“Ang dalawang haligi ng himagsikan, pagkatapos nilang magkapaliwanagan, ay nagyakapan muna bago naghiwalay,  habang ang mga naroon naman ay nagsigawan ng, “Mabuhay ang Inang Bayan.”


“Subalit ang pagkakasundo ni Aguinaldo at Bonifacio ay tila balat-kayo lamang. Nang si Bonifacio kasama ang kanyang kabig ay lumisan sa bahay asyenda ng Recoletos at nagtungo sa Halang, isang nayon ng Indang, pagkatapos ng Kasunduang Militar ng Naik, naglabas siya ng isang kautusan na nagpapaalis sa tungkulin ng lahat na namumuno ng himagsikan sa lalawigan ng Cavite, maliban lang kina Diego Mojica, Santos Nocon, Artemio Ricarte, Silvestre Domingo, at ilan pa. (Agoncillo, 237)


“Marahil lumakas ang loob ni Bonifacio na ituloy ang kanyang paglaban sa pamahalaang himagsikan dahil sa ipinakitang tulong ni Heneral Miguel Malvar, pinakapuno ng panglalawigang pamahalaan ng Batangas, sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga armas sa Supremo, ayon kay Santiago Rillo, ang Kalihim pangloob ng naturang pamahalaan panglalawigan. (Taylor, I:299) Subalit hindi ibig sabihin, ayon sa isang mananalaysay (Agoncillo, 236) na ang panglalawigang pamahalaan ng Batangas ay kampi kay Bonifacio. Sa katunayan, si Malvar, na itinuring ni Bonifacio sa kanyang sulat kay Jacinto na mas marunong pa kaysa kay Heneral (Aguinaldo) ay sumama kay Aguinaldo sa Hong Kong pagkatapos ng kasunduang Biak-na-Bato.


“Ang isang magandang bunga ng sulat ni Rillo ay ang paglabas ng isa ding sulat sa Tagalog na walang lagda, na mukhang galing kay Aguinaldo, na nagmula sa Naik noong Abril 24, 1897. Ipinaaalam ng sulat sa panglalawigang pamahalaan ng Batangas na si Aguinaldo ay nahalal na pangulo ng pamahalaang himagsikan sa ginawang pulong sa Tejeros. Pagkatapos na paalalahanan sila tungkol sa kanilang tungkulin, “ipinagdiinan sa kanila na upang maisakatuparan ang mga layunin ng pangunahing pamahalaan kinakailangang tumulong ang lahat, at nang sa gayon sila’y pasasalamatan hindi lang ng buong bansa kundi pati ako (si Aguinaldo).” Nagtapos ang sulat kaakibat ang isang banta na “kung sakaling ipagdamot ang tulong na aking hinihingi, ito ay ituturing na isang pagtataksil sa bayan at lalapatan ng mabigat na parusa na igagawad sa lalong madaling panahon.” (Taylor, I:301)


“Sa himagsikang Pilipino, ang tanging mga hakbang na maaring pagpilian ni Bonifacio ay makiisa kaya sa pamahalaan ni Aguinaldo o humiwalay. Siya o sila lamang.


“Nang ipinadala ni Aguinaldo ang sulat niya sa panglalawigan pamahalaan ng Batangas noong Abril 24, dumating sa kanya ang isa namang sulat mula sa Pangulong-bayan ng Indang, si Severino de las Alas, dating ministro ng Magdiwang,  na humihingi ng tulong dahil ang mga kawal ng Supremo ay dumagsa sa bayan at nangulimbat ng mga pagkain at pangangailangan. Nang malaman ni de las Alas ang pagsalakay ng mga kabig ni Bonifacio, agad niyang isinumbong kay Aguinaldo.


“Ang ginawang ito ng Supremo ay ikinagalit ng mga taongbayan [patuloy ni Aguinaldo] at sa payo ni Heneral Emiliano Riego de Dios, ang kalihim ng digma, inatasan niya sina Heneral Baldomero Aguinaldo at Tomas Mascardo at sina Koronel Agapito Bonzon, Ignacio Pawa at Felipe Topacio na hulihin si Bonifacio at kanyang mga kabig and dalhin sila sa Naik. Umalis ang mga inutusan kasama ang kalahating batalyon ng kawal. Kinabukasan dumating sila sa himpilang bundok ni Bonifacio sa Limbon na napapaligiran ng mga tanggulang-hukay. PInapasok si Bonzon sa loob upang makipagusap sa Supremo.


“. . . At nang sabihin ni Intong na ang utos ni Aguinaldo ay ibalik sila sa Naik, nagsalita ang Supremo ng ganito, “Ah, sabihin ninyo kay Kapitan Emilio na ipagpatawad niya ako . . . hindi ako babalik sa bayan na ayaw magbigay sa akin ng pagkain.”


“Ano,” sagot ni Bonzon, “paano kayo magugutom sa dami ng nakuha ninyong pagkain sa bayan ng Naik?  Katunayan nito ay maraming pagkain ang naiwan ninyo sa bahay asyenda.”

“Hindi sinalungat si Bonifaco ang pangangatwiran ni Bonzon ngunit iginiit niya na walang pagkaing inilaan para sa mga pamilya ng mga kawal na napatay sa pagtatanggol ng San Francisco de Malabon. At kahit ano pa, pahayag ng Supremo, “Hindi ako babalik sa Naik, lalo na sa Indang.”


“Nagpaalam si Bonzon sa Supremo, ayon kay Aguinaldo, ngunit bago siya lumisan ay nagmasid-masid muna sa tanggulan ng himpilan ng Supremo. Nang makabalik sila sa Limbon pagkagaling sa pagsisiyasat ng kalagayan sa bayan ng Amadeo, at habang pinagaaralan nila ni Koronel Pawa at Topacio kung paano bibihagin ang Supremo at kanyang mga tauhan, nakita sila ni Ciriaco Bonifacio at walang pakundangang  pinaputukan sila ng ripleng Mauser. Napatay ang isang sarhento at kabo at nasugatan ang tatlong kawal ng pamahaalaan. Gumanti ng putok ang mga tauhan ni Bonzon at napatay si Ciriaco at nasugatan ang Supremo, at nabihag ang mga kawal ni Bonifacio. Dinala si Bonifacio lulan sa isang duyan pabalik sa Naik noong Abril 29.


“Nang hingan ng payo ni Aguinaldo sina Heneral Riego de Dios, Baldomero Aguinaldo at Mascardo, sinabi nilang di sila payag sa balak ni Pangulong Aguinaldo na litisin si Bonifacio at kapatid na Procopio sa isang Hukumang Militar sa dalawang dahilan: (1) kasalukuyang may digmaan, at (2) halos araw-araw ang sagupaan sa kaaway kaya walang panahon para sa isang paglilitis.


“At dagdag pa ng tatlong heneral na ang magkapatid na Bonifacio ay taksil sa pamahalaang himagsikan sangayon sa mga sumusunod na katunayan: (1) panghihibo (“deception”) sa hukbo sa pamamagitan ng isang walang lagdang sulat na nagpaparatang kay Aguinaldo na may balak siyang sumuko kay Heneral Lachambre; (2) lumagda ng kasulatan na magtatayo ng kanilang sariling pamahalaan; (3) balak na pagpatay kay Aguinaldo; (4) ang pagtakas ng magkapatid na Bonifacio at ni Ricarte upang umiwas sa pananagutan bunga ng kanilang paglaban sa pamahalaan; at (5) di pagtulong sa pamahalaan sa pakikipaglaban sa mga kaaway. Ang nararapat sa mga kasalanang iyan, giit ng mga heneral, ay  barilin na o lapatan agad ng parusang kamatayan na di na dadaan pa sa isang  paglilitis.


“Ngunit si Aguinaldo . . . ay naghayag ng ganito. “Ako’y humihingi ng paumanhin na sumalungat sa inyong payo. Naniniwala ako na kahit na tayo ay nasa kalagayan ng isang digmaan, kinakailangang kumilos tayo ng mahinahon at makatao. Ang buhay ng isang tao, kahit sino pa siya, ay kailangang igalang. Hindi tama na barilin ang isang tao na parang hayop, lalo na’t siya ay isang kapatid. Kung ano man ang kanilang pagkakasala, sila ay may karapatang litisin muna. At kung sakali mang ang pangkaraniwang batas ay hindi umiiral habang may digmaan, tutuo rin naman na may sinusunod pa ring batas sa panahon ng digmaan. Nariyan ang batas militar upang magbigay ng hustisya.”(Aguinaldo, 215)”


(Salin sa Tagalog mula Ingles sa dahong 141-147 ng aklat ni Alfredo B. Saulo, “Emilio Aguinaldo, Generalissimo and President of the First Philippine Republic – First Republic in Asia,” (Phoenix Publishing House, Inc., Quezon City 1983).

Ang mga angkop na batis sa nasabing aklat ay ang mga sumusunod: 
(1) Aguinaldo, Emilio, “Mga Gunita ng Himagsikan” (Memoirs of the Revolution), copyright 1964 by Cristina Aguinaldo Suntay (Manila, 1964); 

(2) Archutegui, Pedro S. de, S.J., and Bernad Miguel R. S.J., “Aguinaldo and the Revolution of 1896, A Documentary History” (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1972); 

(3) Quirino, Carlos, “Historical Introduction, The Trial of Andres Bonifacio,” translated from the Spanish by Virginia Palma-Bonifacio (Manila: Ateneo de Manila, 1965); 

(4) Taylor, John R.M., “The Philippine Insurrection Against the United States,” with Introduction by Renato Constantino, (Eugenio Lopez Foundation, Pasay City, 1971).  #TUKLAS

No comments:

Post a Comment