(Ang sulating ito ay salin ng Mayakda mula
Ingles sa artikulong pinamagatang,
“The Filipino Tragedy,” na matatagpuan sa pahina 1-34 ng bagong limbag na aklat ng Mayakda na may pamagat na "The Filipino Tragedy and Other Historical Facts Every Filipino Should Know." Ang mga batis o pinagkunan ng mga salaysay at kaalaman at mababasa sa pahina 402-415 ng nasabing aklat.)
Buod
Ang
digmaang Pilipino at Amerikano noong 1899-1902 ay hindi lamang nagbunga ng
pananakop ng Amerika sa Pilipinas kundi binago nito ang paguugali ng mga
Pilipino na noo'y makabayan ay naging mistulang sunod-sunuran sa mananakop, at
pati mga inapo sa panahon ngayon ay litong-lito sa pagkilala at pagyakap sa
nalambungan katutubong kultura at
katangiang Pilipino. Ang nasabing
digmaan ay nabahiran ng panlilinlang, pangungutya at kalupitan na ang tanging
layon ay maipatupad ang kagustuhan ni Pangulong William McKinley ng Estados
Unidos na mailagay ang Pilipinas sa mapa ng Amerika. Ang
pakanang ito ni McKinley ay isang maitim na bahid sa makulay at marangal
na demokratikong pamana ng kasaysayan ng mga Amerikano kaya nga't minabuting
itago, huwag bigyang halaga, at baguhin ang mga salaysay tungkol sa tunay na
mga pangyayari. Ang kinalabasan ay mga
Pilipinong nawalan ng ugnayan sa kabayanihan ng kanyang lahi, at naligaw ng
pananaw. Ang pagsakop ng mga Amerikano
sa Pilipinas ay paghahari sa tutol na sambayanan at isang ring halimbawa ng
pagkalimot ng bansa sa ginawang pananakop.
Ito and trahedya ng Pilipino. Ang
dapat gawin ngayon ay angkinin muli ang pagkamakabayan ng mga ninuno, na nabaon
sa limot at nalipasan ng panahon, at gamitin itong paraan upang maituro ang
tamang daan sa paghango sa kahirapan tungo sa kaunlaran ng sambayanan.
Paunang Salita
Nakapagtataka kung bakit ang maraming
Pilipino ngayon ay tila hindi mapagmahal sa bayan, di tulad ng mga Koreano o
Hapon. Ito ay sa kabila na noong
nakalipas na higit isang daang taong ang kapuluan ay hitik sa mga bayaning
nag-alsa at nagpabagsak sa kapangyarihan ng mga Kastila at lumaban sa mananakop
na mga Amerikano upang ipagtanggol ang nakamit na kalayaan at ang itinayong
unang Republica Filipina. Ang mga
katulad ni Maximo Abad, Crispulo Aguinaldo, Eugenio Daza, Martin Delgado,
Ananias Diokno, Edilberto Evangelista, David Fagen, Ambrosio Flores, Faustino
Guillermo, Urbano Lacuna, Sixto Lopez, Arcadio Maxilon, Julian Montalan, Simeon
Ola, Luciano San Miguel, Julian Santos, Manuel Sityar, Candido Tirona, Flaviano
Yenko, (ilan lamang sa mga bayaning karaniwa'y hindi nababanggit) na nagalay ng buhay at kabuhayan
sa dambana ng kalayaan at kasarinlan.

Subali’t sa kasalukuyan, ang naghahari ay kawalan ng pagasa,
di paggalang sa batas at walang pakialamanan.
Karamihan ay naguunahan sa tangkilik, sa katungkulan at sa pagtatangi
kaysa ialay ang sarili para sa bayan. Marami sa mga namumuno at
manggagawa sa mga sangay ng pamahalaan ay ginagamit ang kanilang talino at
karanasan sa pangungulimbat ng kaban ng
bayan sa halip na isipin kung ano ang makabubuti sa mamamayan. Hindi
makitaan ang mga pinuno ngayon ng taos-pusong hangarin na mahango ang
sambayanan sa kahirapan at kapabayaan.
Ang katakataka ay kung bakit wala na yatang lumilitaw ng katulad
ni Rizal, Bonifacio, Jacinto, Del Pilar, Luna, Lopez Jaena, Ponce o Aguinaldo. Ano nga kaya ang dahilan? Mayroon kayang mga pangyayari sa nakaraan na
naitago sa kaalaman ng mga Pilipino sa panahon ngayon?
Balik-tanaw sa Panahon ni Aguinaldo
Sinumang maghahalungkat sa
kasaysayan ng Pilipinas ay makagagamit ng
internet upang matuklasan ang kasagutan sa maraming katanungan.
Makakasumpong siya ng minahang ginto ng kaalaman - mga aklat, panulat, at mga
kasulatang nagsasaad ng mga pangyayaring hindi naipahayag sa madla at hindi rin
naituro sa mga paaralan sa Pilipinas.
Tunay nga na malaking yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ay nakatago pa,
lalo't ito'y tungkol at may kinalaman sa mga ginawa ng Amerika sa Pilipinas
noong ika-labingsiyam na siglo, matapos ang tatlong daan taong pananakop ng mga
Kastila.
Hindi agarang mamumuo ang
katotohahan, subalit sa sandaling maintindihan ang nahalungkat na mga kaalaman
ay mistulang mababanaag ang eksena ng kasaysayn na wari’y mga kwadrong
pumaparada sa paningin. Unang ay ang kwadro
ni Bonifacio, susunod si Aguinaldo, susunod ay ang labanan sa look ng Maynila,
susunod ang Hukbo ng manghihimagsik na Pilipino, susunod ang paglusob sa mga
kuta ng mga Kastila sa Luzon, Visaya, at ilang lugar sa Mindanao, susunod ay
ang nagwawagayway na bandilang Pilipino sa mga bayan-bayan na patunay ng
tagumpay laban sa mga Kastila, susunod ay ang Unang Republika ng Pilipinas,
pagkatapos ay kwadro ng digmaang Pilipino at Amerikano, at kahuli-hulihan ay
ang kwadro ng bagong Pilipino.
Mabubuo sa isipan ng mananaliksik na
ang dahilan kung bakit ang lahing Pilipino ngayon ay hindi makabayan ay dahil
angkan sila ng bagong Pilipino o iyong tinagurian ni William Howard Taft na “Little brown brothers”, o mga munting kayumangging kapatid
(Taft, 125). Ito ang lahi ng Pilipino na
dumaan sa sinadyang maling pagtuturo, na ayon kay Renato Constantino, ang
makabayang manunulat at mananalaysay, ay isang pamamaraan ng paghubog sa
kaisipan ng bagong Pilipino. Ang mga
magulang nila ay mga bayaning nakiisa kay Aguinaldo at nakipaghamok sa mga
mananakop, ngunit silang mga supling ay tinuruang maging sunod-sunuran lamang
noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.
Maaring maiisaisip ng mananaliksik na
ang pagtuturo ng maling kasaysayan ay di
sinasadya, o kaya'y dahil sa paggamit ng wikang Ingles kapalit ng wikang
Kastila sa pangangasiwa ng pamahalaan at pagtuturo sa paaralan. Subalit mababasa sa mga susunod na talata na
ang maling pagtuturo ay tunay na sinadya.
Ito'y ginamit upang mabura sa alaala ng mga Pilipino ang isang malungkot
na yugto ng kanilang kasaysayan. Ang mga
pampublikong paaralan ay ginamit na kasangkapan upang hugasan ang kaisipan ng
mga kabataan at mapawi ang anumang alaala tungkol sa paglaban ng ating mga
ninuno sa pananakop ng Amerika. Na
tagumpay ang pamamaraan ng maling pagtuturo ay makikita sa kinalabasan, ang
bagong Pilipino, na ngayon ay halos walang kamuwang-muwang sa dugo at luha na
inaalay ng mga bayani upang makamit ang kasarinlan at maitayo ang isang
pamahalaang tunay na kanila, malaya at nagsasarili.
Ang Pakana ni McKinley
Ang paglaho ng pagiging makabayan ng
Pilipino ay nangyari nang tumayo ang America bilang isang makapangyarihang
bansa sa mga huling araw ng siglo labing-siyam.
Nais ni pangulong William McKinley ng Estados Unidos na gawing isang
sakop ang Pilipinas katulad ng gawi ng mga Ingles. Ngunit ang pagkakaroon ng sakop labas sa
hangganan ng Amerika na hindi bibigyan ang mga naninirahan ng karapatang
kilalaning mamamayan ng Estados Unidos ay labag sa saligang batas ng America at
sa kaugaliang demokratiko na minana ng bansang ito. Ngunit hindi ito inalintana ni McKinley at sa
halip ay itinuloy ang kanyang hangaring magpalawak ng nasasakupan. Hindi niya binigyang halaga ang paniwala ni
Almirante Dewey at iba pang mga pinunong Amerikano na ang mga Pilipino ay may
kakayahang magsarili.
Hindi rin pinansin ni McKinley ang
tagumpay ng mga Pilipino sa kanilang paghihimagsik laban sa mga Kastila at ang
pagtatayo nila ng isang republika na namahala sa malaking bahagi ng bansa at
tumugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ayon sa mga pinunong Amerikano, ang tinatawag na Republica Filipina ay hindi kinikilala ng mga makapangyarihang
bansa tulad ng Inglatera, Pransiya, Alemanya, Hapon o Rusya, at kaya nga
ito'y hindi makatutuhanan. Ngunit kung
ang mga Amerikanong heneral ay humihingi ng tulong kay Aguinaldo tulad ng mga pangangailangang kabayo, bagon,
kalabaw, troso, mga himpilan, kaalaman at iba pa, ang tawag nila kay Aguinaldo
ay Senyor Don Emilio Aguinaldo, Heneral ng Hukbong Pilipino. (Leonidas, 95)
Sa halip na tulungan ang isang
nagsisikap lumayang sambayanan, nakaisip ng isang pakana ang pamahalaan ni
McKinley. Pinaniwala niya ang madlang
Amerika na ang mga Pilipino ay mga taong-gubat, walang kabihasnan at walang
kakayahang magsarili. Ang mga Pilipino
ay hinalingtulad sa mga katutubo sa America na nakatira sa kalat-kalat na mga
tribo sa ibat-ibang bahagi ng kapuluan.
Iniharap ni McKinley ang kanyang sarili na siyang napili ng Puong
Maykapal na maghahango sa mga Pilipino sa kanilang kalunos-lunos na kalagayan
at maituro sa kanila ang landas tungo sa liwanag ng kabihasnan ng mga
kanluranin. (Storey and Lichauco, 177)
[Paunawa ng Mayakda: May mga tribo mula sa Pilipinas, pinangunahan ng mga
Igorot, ay dinala sa Estados Unidos at ipinarada sa mga tanghalan ng ilang
lungsod. Hindi malinaw ang layunin nito,
ngunit ang ibinunga nito ay pagpapatibay ng ginawang pagpapakalat ni McKinley na ang mga Pilipino ay taong-gubat at walang
kakayahang magsarili. Pinalambot nito ang pagtutol ng publikong Amerikano sa
kanyang pakikipagsapalaran sa imperyalismo, at pinalabas niyang isang makataong
tungkulin ng pagtulong upang iangat ang mga Pilipino sa kanilang mababang
katayuan at ihanda sa pagsasarili.]
Subalit si Heneral Charles King na
nakipaglaban sa mga Pilipino ay may kabaligtarang pananaw.
Ang sabi niya:
“Ang kakayahan
ng mga Pilipinong magsarili ay hindi masusukatan; ang mga taong tulad ni
Arellano, Aguinaldo at marami pang iba, ay mataas ang napagaralan, siyam sa
sampu ay marunong bumasa't sumulat, magaling silang gumawa ng mga bagay-bagay,
masipag, matipid, mahinahon, at kung bibigyan ng patas na simula ay
mapapangalagaan nilang mabuti ang kanilang sarili higit pa sa akala nating mga
Amerikano. Sa aking palagay, mas mataas
ang kanilang antas kung ihahambing sa mga Cubano o sa mga Itim na binigyan
natin ng karapatang maghalal.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Leonidas,
129-130)
Hindi binigyang halaga ni McKinley na
mayroong lipon ng marurunong na Pilipinong binubuo ng mga tagaudyok na nagaral
sa Europa at, kasama ang mga tinaguriang ilustrado,
o mga nakapagaral, na nagtapos sa mataas na paaralan sa kapuluan, na nakiisa sa
himagsikan at kusang tumulong kay Aguinaldo, upang maitayo ang isang pamahalaan
sa ilalim ng kaunaunahang republikang Pilipino, na nabuo pagkatapos ng tatlong
daang taong pananakop ng mga Kastila.
Maaring ang nakaakit kay McKinley na
makialam sa Pilipinas ay ang salaping kikitain sa abaka, asukal, troso,
lastiko, ginto, pilak at iba pang yamang-likas ng bansa, at ang magagamit na
himpilang barko, at ang paghawak sa kalakal dito sa Silangan, na siyang naging tukso sa
mga mangangalakal na Amerikano na buong pusong nakiisa sa hangarin ni
McKinley. Hindi niya ipinaalam sa
madlang Amerika na ang mga Pilipino ay nag-alsa laban sa Espanya upang makamit
ang kalayaan at lalabanan din nila ang mga Amerikano upang ipagtanggol ang
kasarinlang ito. Kaya naiwasan ni
McKinley ang hadlang sa pananakop ng ibang lupain na nakasaad sa saligang batas
ng Amerika, na inayunan naman ng kanilang pambansang Batasan, at pinalakpakan
pa ng mga mamamayan. Ngunit, ang
talagang dahilan kung bakit sinakop ng Amerika ang Pilipinas ay hindi lamang
nakasandal sa pagpapalawak ng kanilang nasasakupan o pangangalakal, kundi
mayroong kinalaman ang mga Ingles sa pasyang sakupin ang Pilipinas, ayon sa mga
sumusunod:
“Noong mga
unang araw ng Hunyo 1898, ang mga pahayagan ng mga Ingles ay naglathala ng mga
parating na hinihingi sa Amerika na sakupin ang Pilipinas. Naliligalig
ang Englatera na kapag nagtayo ng isang republika sa Silangan, maaring
maging mitsa ito ng sunog sa kanyang mga sakop sa Borneo, Singapore, Hongkong,
at ang kanyang mga pagaari sa Silangang India.
Kaya minabuti ni McKinley na huwag magsimula ng isang Paul Kruger na
magiging masamang halimbawa sa mga sinasakupan ng Emperatris ng India. Tungkol sa Pilipinas, nasabi ng "London
Spectator" na sana'y huwag bitawan ng Amerika ang Pilipinas, dahil ang
pagod na higante ay nangangailangan ng isang kakampi, at ang tanging kakampi na
katulad sa isip at salita ay ang mga dakilang Amerikano.” (Salin ng Mayakda
mula Ingles sa Pettigrew, 607-608)
Ang Kataksilan
Nang nabalitang ang hukbong dagat ni
Dewey ay parating ng Pilipinas, ang mga Kastila, sa kanilang paghahanda sa
napipintong pakikipaghamok sa mga Amerikano, ay nagawang hikayatin makiisa sa
kanila laban sa Amerikano ang mga dating pinuno ng himagsikan na bumalik na sa
payapang buhay, pagkatapos malagdaan ang kasunduang kapayapaan ng
Biak-na-Bato. Ngunit nang dumating si
Aguinaldo galing Hongkong noong May 19, 1898, sakay sa barkong pangdigma ng
Amerikano, ang McCullough,
tinanggihan niya ang pakikipagisa dahil
aniya ito’y huli na, at isa pa, nakipagkasundo na siya sa mga Amerikano
na magtulungan laban sa Kastila.
Nagtayo si Aguinaldo ng isang hukbong
binubuo ng apatnapung-libong sundalo na sinakbatan niya ng mga baril na binili
sa Hongkong mula sa salapi ng Biak-na-Bato at sa mga nasamsam na mga armas sa
mga napasukong mga Kastila. Tinalo niya
ang hukbong
Kastila at naitaboy niya ang mga natitira pang mga sundalong Kastila, paurong
sa kanilang huling tanggulan, ang Intramuros sa Maynila.
Ang tagumpay ni Aguinaldo ay hindi
nalingid sa kaalaman ng mga Amerikano.
Narito ang sinabi ni Heneral Thomas Anderson tungkol sa bagay na ito:
“Nang panahon
na iyon [Hulyo, 1898] naitaboy ng mga manghihimagsik na Pilipino ang mga
sundalong Kastila sa hangganan ng tanggulan ng Maynila at sila'y napaligiran ng
4,000 sandatahang tauhan. Hindi man
sapat ang kanilang armas at kagamitang pangdigma, tinalo ng mga Pilipino ang mga Kastila sa maraming labanan at
nabihag nila ang 4,000 sundalong Kastila, at masasabing mataas ang antas ng
kanilang kasiglahan. Ang tanggulan ng
Maynila ay nanghina na ng loob at halos wala na silang pagnanais na lumaban, at
sa aking palagay, kung makikikpagkasundo kay Aguinaldo, ay maari nang lusubin
ang lungsod at mabihag ito, liban lamang sa napaderang siyudad o ang lumang
bayan ng Kastila.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information
Society[1:2], 7)

Ang nabanggit sa itaas ni Hen. Anderson ay pangyayari sa loob pa lamang ng dalawang buwan mula nang dumating si Aguinaldo galing Hong Kong. Bago nagtapos ang taong 1898, nadagdagan pa ang nabihag na mga Kastila na umabot sa
9,000. Narito ang patunay ni Fr.
Arcilla:
“Isa-isang sumuko ang mga tanggulan ng mga Kastila, at nadagdagan pa ang dami ng hukbong manghihimagsik at kanilang gamit pangdigma. Nakapagtataka na ang mga hiwa-hiwalay na tanggulan ng mga Kastila ay hindi man lamang lumaban. Marami sa kanila ang tumakas - kung maari lamang. Halimbawa, nilisan si Heneral Monet ang Pampanga at si Enrigue Polo de Lara ay iniwan naman ang Ilocos, si Almirante Peral ay tumakas at iniwan ang walong daang tauhan sa look ng Maynila na magiging sagabal sa kanyang pagtakas. Ang kapahamakang ito ay nagbunga ng pagkabihag ng 8,000 hanggang 9,000 sundalong Kastila, manunungkulan sa gobyerno at mga prayle sa kamay ng mga manghihimagsik. Kung kanilang natanto sana ang magiging kapalaran nila sa matagal at mahirap na pagkabihag, maaring nanindigan sila at lumaban ng puspusan. At dahil sa kahinaan ng mga namumuno na inuna pa ang pansariling kaligtasan, nagbayad ng di masukat na alay ang mga nasa ibabang hanay ng hukbong Kastila.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Arcilla, 127-128)
Isang nagmamasid na Amerikano ang naniniwala na naging mahirap sana ang laban ng Amerikano at Kastila kung sila ay nagtagumpay na hikayating makiisa sa kanila ang mga Pilipino, tulad na sinasabi sa sumusunod:
“Kung hindi pinansin nina Konsul Wildman, Konsul Pratt, Almirante Dewey ang pakiusap ng mga tapong [sa HongKong - Mayakda] manghihimagsik at ni Aguinaldo, nabalik sana ang pagtitiwala nila sa mga Kastila, at ang watawat ng Amerika ay hindi wawagayway sa Pilipinas, dahil hindi natin mapapangahasang labanan ang Espanya sa lupain ng Pilipinas kung ang mga Pilipino ay nakisanib sa dati nilang amo.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Wildman, 67)
Ganyan din ang palagay ni Kapitan J. Y. Mason Blunt, isang pinunong Amerikano na nagsilbi sa ika-labinglimang Kabayuhan noong 1901, at naging kasapi ng Konstabularya, at sumulat ng aklat na pinamagatang, “An Army Officer’s Philippine Studies”. Aniya:
“Kung ang mga pinunong Pilipino ay napaniwala na ang kanilang pagtingin sa Amerikano ay mali, at ang pagkaalam na iyon ay magtulak sa kanila na tanggapin ang alok ng mga Kastila na magkampihan, sa tulong ng mga Kastila ay makakabuo ang mga Pilipino ng isang malakas na hukbo at matatapatan nila ang anumang ihaharap ni Heneral Anderson, at kung nagkagayon ay hindi malayong makatikim ang Heneral ng di inaasahang pagkatalo.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Blunt, 172-173)
Ngunit naging tapat si Aguinaldo sa pakikiisa sa mga Amerikano na ginananp niyang isang tungkulin. Kararating pa lamang niya ay nilapitan siya ng isang lupon ng mga mamamayan at nagalok ng awtonomiya. Naniniwala ang lupon na si Gobernador-Heneral Agustin and Arsobispo Nozaleda ay kikilalanin ang kanyang pagiging Heneral at pati na ang kanyang mga kapanalig, at ibibigay sa kanya ang isang milyong pisong Mehikano, at malalaking sahod at pabuya sa lahat ng kasapi sa isang gagawing kapulungang Pambansa. (Salin sa Ingles ng Mayakda sa Aguinaldo[True Version], 34]. Subali’t tinanggihan ni Aguinaldo ang alok.
[Paunawa ng Mayakda: Noong kasagsagan ng digmaang Pilipino-Amerikano, tumanggap si Aguianaldo ng alok na $5,000 pabuya taon-taon mula sa Komisyonadong Schurman ng Estados Unidos at kapangyarihang pumili ng mga taong ilalagay sa mga pwesto sa mga munisipyo, kapalit ng pagpapalaganap ng kapayapaan sa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano. Tinanggihan ni Aguinaldo ang alok at ipinagpilitan ang pagpapatupad ng pamahalaang Pilipinong nagsasarili. (Van Meter, 151-152)]
Pagkapahayag ni Aguinaldo ng kalayaan ng Pilipinas, nagsimulang magdatingan ang hukbong Amerikano na humigit kumulang sa 11,000 bago magtapos ang buwan ng Hulyo 1898.
Ang pagdating ng Hukbong Amerikano ay nagdulot ng agam-agam sa mga heneral na Pilipino, ngunit naniwala pa rin si Aguinaldo sa pangako ni Dewey at iba pang mga pinuno ng mga Amerikano na kanilang igagalang ang kalayaan ng Pilipinas. Samantala, hinigpitan ni Aguinaldo ang pasok ng tubig at pagkain sa lungsod.
Ang balak ni Aguinaldo ay hindi bombahin or sugurin ang lungsod kundi gutumin ang mga nanganganlong ng mga Kastila (Singapore[At Manila], 2), isang mabisang paraang ginamit niya sa pagpapalaya ng Cavite. Kaya ang mga Kastilang nasa loob ng Intramuros ay napilitan magtawid- gutom sa karne ng kabayo at uminom ng tubig-ulan, at sa huli ay napilitang sumuko, ngunit hindi kay Aguinaldo, na binalewala at di binigyang halaga o pansin ng mga Kastila. Sa halip, ang siyudad ay isinuko ng mga Kastila sa Amerikano noong Agosto 13, 1898, pagkatapos ng ilang putok ng kanyon at mangilan-ilang barilan, isang labanan na tinaguriang huwad na labanan sa Maynila (o mock battle of Manila) (Van Meter, 233).
Lingid sa kaalaman ni Aguinaldo, ang paguusap ng Amerikano at Kastila tungkol sa pagsuko ng lungsod ay natapos na noong ika-24 pa ng Hulyo sa pamamagitan ng Konsul ng Belhika na si Edward Andre, ang hangarin ay maiwasan ang labanan at pagbomba sa lungsod, o ang pagbihag nito ng mga Pilipino.(Van Meter, 231) Ang kunwaring labanan ay kailangan upang di madungisan ang karangalan ng hukbong Kastila (Blunt, 177; Elliott, 307). Samakatuwid, ang pinakamahalagang gantimpala ng Himagsikang Pilipino, ang tagumpay laban sa mga Kastila, ay sadyang hindi ibinigay sa mga Pilipino dahil napakalaking kahihiyan sa Espanya ang pagsuko sa dati nilang alipin.
Ang mga Pilipino ay hindi isinali sa pagbihag ng lungsod dahil may utos ni Pangulong McKinley na wala dapat kasosyo sa pamamahala nito. Dahil walang pasabi kay Aguinaldo kung ano ang kanilang gagampanan, nagpasya siyang lusubin at sakupin ang iba'tibang lugar ng lungsod - ang Tondo, Sampaloc, Paco, Malate, Ermita, at Luneta, subalit hindi napasok ng mga Pilipino ang Intramuros dahil humarang ang mga Amerikano. Galit ang mga Pilipino. Ayon sa kanila ang digmaan ay kanilang digmaan, ang Maynila ay kanilang lungsod-kabisera, at ang Luson ay kanilang bayan (Van Meter, 235). Ang nagiinit na kalagayan ay halos nauwi sa isang madugong bakbakan na naawat lamang dahil sa pamamagitan nina Heneral Ricarte at Noriel sa panig ng mga Pilipino, at ni Heneral Anderson, sa panig ng mga Amerikano.
Pagkatapos na iparating ng mga Amerikano sa mga Pilipino na dapat isang hukbo lamang ang maiiwan sa loob ng lungsod, tumanggap si Aguinaldo ng paunawa galing kay Heneral Otis na kung hindi lalabas ang mga kawal Pilipino sa hangganan ng lungsod ayon sa napagkayarian sa usapang kapayapaan noong ika-12 ng Agosto 1898 na nilagdaan sa Washington DC sa pagitan ng Espanya at Amerika, siya (si Otis) ay mapipilitang gumamit ng dahas. At bago lumampas ang taning na ibinigay ni Otis, ang Hukbong Republikano ng Pilipinas ay lumikas ng lungsod noong ika-15 ng Septiyembre, 1898 tungo sa labas ng hangganan (Stickney, 293-297).
Ang tinaguriang huwad na labanan sa Maynila at ang pagsuko ng lungsod ay hindi na dapat ginawa dahil ang Usapang Kapayapaan (Peace Protocol) sa Washington DC ay nagbigay sa mga Amerikano ng karapatang hawakan ang lungsod, ang look at ang kanlungang-dagat, habang hindi pa malinaw ang kahihinatnan ng Pilipinas (Blount, 121). Dahil sa magkaibang oras at bagal ng dating ng balita hindi na naipatupad ang nasabing Usapang Kapayapaan.
Samantala, ang kahihinatnan ng Pilipinas na kailangang linawin ayon sa Usapang Kapayapaan ay pinagpupulungan sa Paris. Maraming dalubhasa sa buong mundo ang inanyayahan humarap sa pulong upang hingan ng payo tungkol sa tunguhin ng Pilipinas, ngunit wala ni isang Pilipino ang inanyayahang dumalo. Hindi binigyan-pansin ng Espanya at Amerika ang pakiusap ng mga Pilipino na makisali sa usapan. Si Felipe Agoncillo, ang piling sugo ni Aguinaldo, ay nagpunta pa sa Washington DC upang hingin kay Pangulong McKinley ang pagkilala sa Republica Filipina at bigyan siya ng karapatan na makipagpulong sa Kasunduang Paris, ngunit hindi kinilala ni pangulong McKinley ang kanyang pagiging kinatawan, o tinanggap man ang ginawa niyang sulat sa Senado ng Amerika na pinamagatang, "Memorial to the U.S. Senate" o Paalaala sa Senado ng Estados Unidos (tingnan ang Kalakip III - Mayakda). Bigo man si Agoncillo sa Amerika, nagtuloy pa rin siya sa Paris, at ipinamahagi ang kanyang ginawang pagtutol sa Kasunduang Paris (tingnan ang Kalakip II - Mayakda) , ngunit dito man ay hindi siya pinansin at hindi pinayagang makisali sa pulong.
Ayon kay Mabini, ang kasunduang ipinagkaloob ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos sa halagang $20 milyon ay walang bisa dahil ang pananakop ng mga Kastila ay natapos na noong sila’y matalo ng Pilipino sa digmaan st sumuko sa Amerikano. Dugtong pa ni Mabini na ang di pagsali ng mga Pilipino sa Kasunduang Paris ay labag sa batas ng mga bansa at sa likas na karapatan ng mga Pilipino kung kanino talagang nakalaan ang paghahari sa kapuluan (Taylor[4], 67). Sa katunayan, ang kapangyarihan ng mga Kastila sa kapuluan ay naglaho pagkatapos na isuko sa mga Amerikano ang Maynila, na siyang pinakaluklukan ng kapangyarihan ng Kastila. At kahit hawak ng mga Amerikano ang Maynila, hawak naman ng mga Pilipino ang lahat ng lugar sa labas ng hangganan at malaking bahagi ng kapuluan. Kaya kung mayroon mang usapan tungkol sa magiging kinabukasan ng mga Pilipino, ang paguusap na ito ay dapat sa pagitan ng Amerikano at Pilipino, hindi ng Kastila at Amerikano.
Unang Putok ng Digmaan
Pagkatapos lagdaan ang Kasunduang Paris noong ika-10 ng Disyembre, 1898, at bago pa ito pinagtibay ng Senado ng E.U., naglabas agad si McKinley ng kanyang patalastas na tinaguriang, “Benevolent Assimilation,” o Mapagkawanggawang Samahan, at sa pamamagitan nito ay inutos niya ang pagpapalawak ng paghahari ng Estados Unidos sa buong kapuluan. Tinutulan ng mga Pilipino ang patalastas na ito, ngunit walang ibinunga ang pagtutol. At pagkaraka'y muling nagsidatingan ang marami pang kawal Amerikano na umabot ang bilang sa 20,000 sa katapusan ng taong 1898. Kaya noong ika-4 ng Pebrero, 1899, sinimulan ni Heneral Otis ang digmaan (Sheridan, 170-172).
Ganito kung papaano nagsimula ang digmaan ayon kay Aguinaldo:
"Habang ako,
ang Pamahalaan, ang Pambansang Kapulungan at ang buong bansa ay naghihintay ng
pagdating ng inaasahang magandang sagot
(ang pagkilala ng Estados Unidos sa Kalayaan ng Pilipinas sa ilalim ng kanilang
pagkalinga), ang karamihan ay
nagkakaroon na ng magandang pangarap, nang dumating ang kahambal-hambal na
ika-4 na araw ng Pebrero nang gabing
iyon ang hukbong Amerikano ay biglang lumusob sa aming linya, na noon ay halos
di nababantayan, dahilan sa Sabado, ang araw bago magpista, ang ating mga
Heneral at mga matataas na pinuno ay humingi ng pahintulot na makauwi muna sa
kanila upang makasama ang pamilya. Si
Heneral Pantaleon Garcia lamang ang nasa tungkulin sa Maypajo, timog ng
Maynila, sina Heneral Noriel, Rizal at Ricarte, at sina Koronel San Miguel,
Cailles, at iba pa ay wala at nasa kanilang pamamahinga.” (Salin ng Mayakda
mula Ingles sa Aguinaldo[True Version], 51)

Ang paglusob ng mga Amerikano ay nagbunga ng malaking pinsala sa hukbong Pilipino na namatayan at nasugatan ng humigit kumulang sa 4,000. Samantalang sa panig ng mga Amerikano, 175 lamang ang nalagas. Ito ay sa loob lamang ng isang araw na labanan (Foreman, 487). Narito ang ibinalita ni Heneral Otis sa kinalabasan ng sagupaan:
"Ang nalagas sa amin sa araw na iyon kasama na ang patay at sugatan ay halos 250 lamang. Ang sa kalaban ay hindi matitiyak. Ang ating pagamutan ay puno ng kanilang sugatan, ang bilangguan ay puno rin ng bihag at inilibing namin ang 700 sa kanila. Tinataya na ang kabuuan nalagas sa kanila ay higit pa sa 3,000, at sa dami ng napatay sa bukirin ay maaring mababa pa. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, 330)
Ang malaking pagkatalo ng mga Pilipino ay nangailangan ng mahigpit na pangangalaga ni Heneral Antonio Luna na hinirang ni Pangulong Aguinaldo noong apat na buwang nakalipas upang tipunin muli, isaayos at palakasin ang hukbo Sinisi ng mga Amerikano ang mga Pilipino sa pagputok ng digmaan dahil pumasok daw ang Pilipino sa kanilang linya. Ayon naman sa mga Pilipino ang mga Amerikano ang sadyang lumampas sa itinakdang hangganan.
[Paunawa ng Mayakda: Ang buwan ng Pebrero ay pinangyarihan din ng paglusob ni Heneral Luna upang agawin ang Maynila gamit ang 6,000 sundalo na halos kalahati ang nalagas.]
Kinabukasan, nagalok si Aguinaldo ng tigil-putukan at magtalaga ng payapang pagitan sa dalawang hukbo habang nilulutas ang sanhi ng pagaaway. Tinanggihan ito ni Heneral Otis at sinabing ". . . dahil sinimulan ang labanan itutuloy ito hanggang sa malagim na hantungan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information Society, 1.6:38; at Pettigrew, 198). Ang hindi matinag na tayo ni Heneral Otis ay larawan ng tunay na katayuan ng mga Amerikano at mauunawaan ang patakaran ni McKinley nang sabihin niyang:
"Ang mga insurecto ang unang humambalos. Sinagot nila ang ating kabaitan ng
kalupitan, ang atin pagpaparaya, ng baril Mauser … Nilabanan nila ang ating
kapangyarihan, at hindi na kailangan ang walang silbing pagpupulong hangga't ang pagaalsa ay hindi pa nasusugpo at ang kapangyarihan ng Amerika ay tanggap at naitindig na. Ang Pilipinas ay atin tulad din ng pagkabili sa Louisiana, Teksas o Alaska." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Sawyer, 120)
Ginamit ni McKinley ang pagsiklab ng digmaan upang palabasin na lumusob ang mga Pilipino upang mahikayat ang Senado ng Estados Unidos na pagtibayin ang Kasunduang Paris na naipasa sa lamang na dalawang boto lang. Ang pangyayaring ito ang siyang kumitil sa musmos na kasarinlan ng Pilipinas at nagbabala sa napipintong pagbagsak ng Republica Filipina.
Pagtutol sa Pananakop ng America
Ang pagpapahayag ni McKinley ng patalastas na Mapagkawanggawang Samahan ay nagbigay sa mga Pilipino ng tanging pagpipilian - ang sumuko sa kapangyarihan ng Amerika o lumaban. Pinili ng mga Pilipino ang lumaban - harapin ang isang napakalakas na hukbo sa halip na magpasailalim sa kapangyarihan ng Amerika.
Ang palabang sagot ng mga Pilipino sa pagnanasa ng Amerika na sakupin ang Pilipinas ay inayunan ng Amerikanong si Koronel James Russell Codman:
"Hindi maitatanggi, may mga katibayan na mahahawakan ang sinumang mamamayan na ibig matanto ito, na ang tulong ni Aguinaldo ay hiningi ng mga pinuno ng Estados Unidos, na siya at kanyang mga kasamahan ay ginamit bilang kakampi ng mga pinunong ng hukbong tubigan at kati hanggang sa nabihag ang Maynila, na kung saan ay malaki ang kanilang naitulong, na sila ay naniwala na ang kalayaan ng kapuluang Pilipinas ay kikilalanin ng pamahalaang Amerikano, at nang malakas na ang hukbong Amerikano na sa akala ay makakaya nang talunin ang mga Pilipino, ang balatkayo ay inalis at ang pangakong kalayaan ay hindi ibinigay sa kanila, at ang kagustuhan ng Pangulo na itatag ang kapangyarihan at pagahahari ng Estados Unidos ay ipinahayag sa pamamagitan ng lakas ng hukbo. Na lumaban ang mga Pilipino at gumamit din ng lakas ay di dapat pagtakhan dahil ito rin gagawin ng mga Amerikano kung sa kanila ito nangyari." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Codman, 1)
Sa loob halos ng isang taon, nakipaghamok ang Hukbong Republikano ng Pilipinas laban sa malakas na Hukbong Amerikano sa tunggaliang harapan, subalit ang mga Pilipino ay laging gapi sa bawat sagupaan. Hindi pinansin ng mga Amerikano ang pakiusap ng mga Pilipino na ihinto muna ang labanan at pagusapan ang sigalot kung hindi isusuko muna ang buong hukbong Pilipino. Ayaw namang isuko ng mga Pilipino ang kanilang hukbo kung walang katumbas na pangakong kikilalanin ang kasarinlan ng Pilipinas sa ilalim ng pagkalinga ng Amerika. Kaya nagtuloy-tuloy ang labanan.
Dahil sa sunod-sunod na pagkatalo sa maraming sagupaan, napilitang umurong ang hukbong Pilipino ni Aguinaldo patungong timog Luzon. At mula sa huling tanggulan sa Bayambang, Pangasinan, nagdaos ang mga Heneral ng Kapulungang Digma noong ika-11 ng Nobyembre 1899, at kanilang ipinayo kay Aguinaldo na iwasan na ang harapan tunggalian at sa halip ay gamitin ang taktikang gerilya. Kung kaya naglabas ng utos si Aguinaldo na buwagin ang hukbong sandatahan at italaga ang mga pinuno at kawal ng hukbo na bumuo ng pangkat-gerilya sa kani-kanilang lalawigan.
Ang Paglabang Gamit ang Taktika-Gerilya
Nagulat ang mga Amerikano sa ginawang paglipat ng mga Pilipino sa paggamit ang taktikang gerilya dahil marami ngayon ang nasasawi sa mga Amerikano dahil sa lihim na paglusob na lihim at mga paghabat. Ang katangi-tanging paraan ng ganitong paglaban ay hindi lamang nangangailangan ng sandata at malakas na pangangakatawan kundi ang pakikiisa at pagtulong ng mga pangkaraniwang mamamayan:
"Ang mga gerilya ay humaharap lamang sa laban kung tiyak ang panalo, at halos lahat ng sagupaan ay nangyayari sa pagitan ng pulutong na kawal Amerikano sa mga ilang na lugar laban sa mga nakatalagang gerilyang nakahandang manghabat na sinadya upang malagay sa alanganin ang mga Amerikano. Ang paniniktik ng mga gerilya, ang nagkakanlong nilang pamahalaan sa mga bayan-bayan, ang mahigpit nilang hawak sa mga kabayanan at nayon, lahat nito ay nagpapalamang sa mga gerilya at nagagawang maitago sa mga himpilang Amerikano ang mga balak ng mga gerilya, paggalaw at lakas. Kung minsan, naiipit ang mga Amerikano sa kanila mismong himpilan, at sa ibang mga lugar inaakalang hindi ligtas ang lumabas ng kampo kung kulang sa apatnapu o limampu ang pulutong na kawal. Pagkatapos ng isang paglusob ang mga manghihimagsik ay nagsusuot ng damit sibilyan at nakikihalo sa mga mamamayan kaya hindi malaman ng mga sundalong Amerikano kung sino ang kalaban o sino ang kaibigan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Gates, 171)
Sulat ng isang sundalong Amerikano sa kanyang ina:
"Nangyaring ilang ulit na kung saan ang maliit na pwersa ay hihimpil sa isang nayon at ang mga tao ay babati ng magandang pagsalubong at sila ding mga lalaki ang tatalima sa mga sukal, kukunin ang kanilang mga baril at titirahin kayo sa may dulo ng daan. Gaganti kayo ng putok at sila'y mawawala dahil itatago nila ang kanilang baril, babalik sa kanilang bahay at sasabihin sa iyong sila'y kaibigan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Gates, 172)
At narito ang sinabi ni Heneral ng Brigada si Frederick Grant:
"May hawak akong dalawang kompanya ng "32d Regiment" ng infanteria ng Estados Unidos na nakatalaga sa bayan ng Dinalupihan, isang mahalagang lugar, di naman kalayuan sa tabing-dagat na papasok sa kabundukan ng Zambales. Ang mga naninirahan dito ay makaibigan at nakikihalubilo sa ating mga sundalo. Kaugalian na bawat ikasampung araw ay nagpapadala ng bagon na may alalay na mga sundalo mula Dinalupihan patungong Orani upang mamili ng pangangailangan. Ano pa't alam ng mga tagaroon ang dami ng umaalalay kaya isang araw umalis ang bagon patungong Orani at sa pagbalik nito ay nabara sa isang bahagi ng daan na sadyang sinira, kaya ang mga alalay na sundalo ay nagsibaba upang itaas ang gulong ng bagon. At habang nasa ganitong silang kalagayan ay pinaputukan sila ng mga insurecto sa layong mga apatnapu o limampung yarda. Anim sa labingisang sundalo ng Estados Unidos ang napatay o malubhang nasugatan, lima naman ang nangubli sa tabing daan at gumanti ng putok na siyang nagpaalis sa mga insurecto, at nakabalik ang bagon sa Orani." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Grant, 8)
Isang pahayagan sa Washington ang
naglathala nito:
“Kapansin-pansin
ang mga balitang galing Maynila na sinasabing maraming sundalo ang kailangan
dahil ang Hukbong Amerikano ay dumadanas ng kahihiyan sa dami ng namamatay
dahil sa kakulangan ng lakas na hahawak sa mga sakop na lugar kung saan
itinataboy ang mga insurecto.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Swift, 257)
Mula naman sa isang pinunong Amerikano:
“Karamihan sa
mga balitang dumadating sa Amerika ay hindi tutoo at ito ay nakakasira sa ating
layunin sa mga banyagang naririto.
Palaging nagpapahayag si Heneral
Otis na masusugpo na ang insureksiyon.
Ngunit wala namang naniniwala.
Ang mga insurecto ay makatatagal sa labanang gerilya gamit ang 10,000
tauhan, na magpapahirap sa 100,000 sundalong Amerikano hanggang limang
taon. Sa tag-ulan, tigil ang mga
pagkilos natin. Samantala ang mga
insurecto ay patuloy na nagiimbak ng kanilang pangangailangan, nagsasaka sa
ilang na mga pook at kaunting hirap lamang ang dinadanas.” (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Swift 261)
Kaya ang madugong labanan, ang unang makabagong digmaang gerilya sa Asya, ay umabot pa ng tatlong taon. Ang tibay ng pagtutol ng mga Pilipino ay mahihimigan sa pahayag ni Teodoro Sandico, kabilang sa gabinete ni Aguinaldo, noong ika-16 ng Mayo 1899 na nagsasabing:
"Bago natin tanggapin ang otonomiya (na gagawing lamang natin na huling hakbang) sa aking palagay ay katungkulan nating gamitin lahat ng ating kakayahan sa digmaan, italaga ang ating mga pwersa, at huwag nating akalaing tayo'y talo na hangga't hindi pa napapaputok ang kahuli-hulihang bala." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Philippine Information Society, 21 at Taylor[IV], 639)
Ang nagtatagal na digmaan sa Pilipinas ay hindi nakabubuti kay pangulong McKinley na humaharap sa halalan ng 1900. At di rin naman niya nais ipaalam sa madlang Amerikano ang tunay na nangyayari sa kapuluan ng Pilipinas. Ayaw niyang tanggapin ang palagay ni Heneral Arthur MacArthur (kapalit ni Heneral Otis) na ang buong bansa ay tunay na sumusunod at tapat kay Aguinaldo (Blount, 24) at bawat bayan ay nagsisilbing himpilan ng mga gerilyang Pilipino na tinutulungan ng taongbayan sa lahat ng kanilang pangangailangan (Gates, 195).
Narito ang natuklasan ni Heneral MacArthur:
"Noong simulan kong harapin ang mga rebelde . . . inakala ko na ang pwersa ni Aguinaldo ay kakaunti lamang. Hindi ko inakala na ang buong sambayanan ng Luzon - ibig kong sabihin ang mga mamamayan - ay tutol sa ating alok na tulong at mabuting pamahalaan. At sa tinagal-tagal, nang magkaroon ako ng pagkakataong makilala ang mga insurecto at amigo, di ko halos matanggap na ang mamamayang Pilipino ay tapat at laan kay Aguinaldo at sa pamahalaang pinamumunuan niya." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, 366-367)
Mayroong sinusundang malinaw na layunin si McKinley - ang ilagay ang Pilipinas sa mapa ng Estados Unidos. Kaya kinakailangan palabasin niya sa madlang Amerikano na ang mga lumalaban sa Amerika ay isa lamang pangkat ng naghihimagsik na tinuringan niyang lahing Tagalog, at ang mga iba namang lahi ay tanggap ang kapangyarihan ng Amerika. Kinakailangang papaniwalain niya ang madlang Amerikano na ang mga Pilipino ay tagagubat, katulad ng mga katutubo ng Amerika, na walang kakayahang pamahalaan ang kanilang sarili, kung kaya, may katwiran na makialam siya at ipilit ang kanyang palatuntunang Mapagkawanggawang Samahan.
Ngunit habang tumatagal ang digmaan ay hindi maintindihan ng madlang Amerikano kung bakit ang kakaunting mga lahing Tagalog na tagagubat ay nakakayang labanan ang pinakamakapangyarihang hukbo sa mundo na binubuo ng 70,000 mga sundalo na noong Hunyo 1900 ay nakatalaga sa 500 iba't ibang moog (Storey and Lichauco, 160). Nakakasira sa katayuang pampulitika ni McKinley ang nagbabagang kaguluhan na sampung libong milya ang layo sa Estados Unidos na nangangailangan pa ng dagdag na mga sundalo. Ito at ang matigas na pagtutol ng mga gerilyang Pilipino ang nagtulak sa mga Heneral na Amerikano na tapusin ang digmaan sa lalong madaling panahon sa anumang nararapat na paraan. At sa ganitong katayuan naunawaan ni MacArthur kung ano talaga ang kalagayan ng digmaan at ang dapat niyang gawin.
"Ang bagong paraan ng pamamamayapa ay nahubog mula sa pagkilala na ang inilalakas ng mga namumuno sa mga insurecto ay ang maayos na pamamaraan kung saan ang mga gamit at pangangailangan at mga kaalaman ay tinatanggap nila mula sa hawak nating mga bayan. Ang layunin ng bagong paraan ng pamamayapa ay putulin, kung maari, sirain ang pamamaraang ito." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Gates, 216)
Ang kanyang naging sapantaha ay malinaw na ipinaliwanag sa parating ng isang pinunong Amerikano:
"Ang mga manghihimagsik, hindi ang Amerikano, ang talagang humahawak sa mga bayan-bayan. Halimbawa, sa bayan ng San Fernando, ang mga pinuno ng bayan ay hindi lamang lumilikom ng ambag para sa himagsikan. sa katunayan naibigay na nila ang kabang-bayan sa mga girelya. Nakikipagugnayan din sila sa ibang bayan at pinagaaralan kung papaano lalabanan ang mga Amerikano. Lahat nang ito ay nangyayari sa mga bayang mayroong himpilan ang Amerikano. Sa San Juan, minali ng punongbayan ang pagsalin sa isang pahayag ng isang bata na naging dahilan ng pagkakatakas ng mga girelya. Sa isa pang bayan, ang salaping ambag sa mga girelya ay nakalista bilang gastos sa pagpapaunlad ng bayan. Ang parating ni Johnson na tinanggap ni MacArthur ay pinakamahusay na paliwanag kung papaano isinasaayos ng mga insurecto ang mga pamamaraan upang maitatag at bigyan tulong ang pwersa ng mga girelya." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Gates, 195)
Ang bagong nabuong pamamaraan ni MacArthur sa pagtataguyod ng digmaan ay nakasalalay sa pakiwaring dapat ". . . putulin ang kita at pagkain ng mga insurecto, palagi silang gipitin upang sila ay manghina." (Ramsey, 7)
Makikita sa utos bilang 22 ni Heneral ng Brigada Franklin Bell kung papaano niya ipatutupad ang bagong pamamaraan, wika niya:
"Upang malabanan ang isang sambayanan, kinakailangang gawin ang digmaan na hindi nila maaring salihan o pakialaman. Magagawa lang ito kung mailalagay sa isipan ng mga taumbayan ang takot at pangamba na ang mabuhay sa ganitong kalagayan ay hindi nila matitiis." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Storey and Lichauco, 120)
Sa madaling salita, ang mga taumbayan ang naging tuunan ng bagong kampanya militar na sadyang pinadanas ng hirap upang kanilang hingin ang kapayapaan at ihinto nila ang pagtulong sa mga gerilya. At mula dito ang pagpapatupad ng patakaran ng digma ay naging pilian at ang pagbabalita ng mga pangyayari sa digmaan ay binusalan.
Nakapangingilabot na Digmaan
Sa kagitnaan ng 1900, nagsimulang gumamit ang mga Amerikano at Macabebe ng pahirap-tubig at iba pang uri ng pagpapahirap. Dadakmain nila ang mga tao ay pupunuin ng tubig ang kanilang tiyan hangga't hindi ikinukumpisal kung saan nagtatago ang mga gerilya, o matatagpuan ang kanilang gamit at armas (Gates, 175) Tanging pahirap-tubig lamang ang makakapilit sa isang Pilipino na magtaksil sa kanyang kababayan (Blount, 204). Bawat isa ay kaibigan ng Amerikano o kaaway. Walang lugar dito ang hindi kakampi ng Amerikano. (Ramsey, 49)
Ang reconcentrado, o ang paraang ginamit ng mga Kastila upang mahiwalay ang mga naghihimagsik sa payapang taumbayan, ay malawakan ding ginamit. Ang mga taumbayan ay pinagsasama-sama sa isang bayan na itinalagang ligtas na lugar at sinuman tao, hayop, pagkain, o anumang bagay na makakatulong sa mga gerilya na makikita sa labas ng ligtas na lugar ay papatayin o sisirain.
Sa kanyang parating sa Washington noong ika-6 ng Disyembre 1901, ipinaalam ni Heneral Bell kung ano ang mga paraan na gagamitin niya laban sa mga rebelde sa Batangas. Sabi niya:
"Ako'y nagtitipon ngayon ng higit-kumulang sa 2,500 tauhan na hahati-hatiin ko sa pangkat na tiglilimampung katao bawat isa. Ginagamitan ko ng ganito karaming tao upang masaliksik ko bawat burol, bangin at tuktok ng bundok ng mga insurecto at pagkain, at inaasahang kong sirain ang anumang makita ko sa labas ng bayan. Lahat ng malalakas ang katawang lalaki ay papatayin o bibihagin. Ang mga taong ito ay kailangang saktan upang maturuan ng aral para sa kabutihan ng pinaguukulan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Storey and Lichauco, 120)
Si Doktor John Rich McDill, dating nagsilbi sa hukbong E.U. sa Cuba at Pilipinas at pagkatapos ay nagturo ng medisina sa Pamantasan ng Pilipinas ay naghayag ng kanyang namalas:
"Noong kami'y nasa larangan ng digmaan namasdan namin ang magandang lupain, ngunit pagkaraan ng mga linggo nadadaanan namin ang mga walang tao at tahimik na bayan, nayon at kabukiran . . . Ang mga babae at bata, matatanda at mahihina, ang maysakit, ay nagtatago sa mga gubat at bundok na walang bubong. Kami, isang ganap na hukbong sapat sa pangangailangan ng pinakamakapangyarihan republika sa mundo ay hinahabol at pinapatay ang mga maliliit at namumugtong matang kayumangging lalaki at kabataan, na halos hindi bihis, mukhang gutom at halos walang armas. . ." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa McDill, 1-2)
Si Tenyente Heneral Nelson A. Miles ng E.U. na naitalaga upang pagaralan ang kalagayan ng Pilipinas pagkatapos ng digmaan ay nangalap ng parating ng mga nangyaring pagpapahirap at walang habas na pagpatay. Narito ang halimbawa:
". . . Nang tumigil ako sa Lipa . . . ilang mga mamayan ay nais makipagusap sa akin at pinagbigyan ko naman. . . Nais daw nilang maghain ng daing tungkol sa pagmamalupit sa mga tao ng kabayanang ito; na sila daw ay tinipon sa bayan at dumanas ng pangaapi; na labing lima sa kanila ay ginamitan ng pahirap-tubig at isang iginagalang na mamamayan, animnaputlimang taon gulang, nangangalang Vincente Luna, habang dinadamdam ang dulot ng pagpapahirap sa kanya, ay kinaladkad sa loob ng kanyang bahay na sinilaban at siya'y namatay sa pagkasunog. Sinabi nila na ang mga kalupitan ay gawa ng mga tauhan ni Tenyente Hennessy at sila ay tinipon sa bayan, 600 ay pinagsiksikan sa isang gusali. Si Dr. Roxas nagsabing siya ay isang manggagamot at handa siyang humarap sa alinmang hukuman upang ipahayag na marami sa naroon ay namatay dahil sa hindi makahinga." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Miles, 6)
Isang panauhing Amerikano ang nagsabi nito:
"Naglakbay ako sa lalawigan ng Albay at nakita ko 300,000 mga taumbayan ang nakarekonsentrado, ang abaca ay nabubulok sa taniman, mga bahay walang tao at ni isa mang kaluluwang ang makikita sa labas - ito'y dahil lamang sa 300 mga lalaki ay nasa bundok bilang ladrones o insurecto. Iginigiit ko na hindi ito makatarungan o isang katanggap tanggap na paraan ng digmaan. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Doherty, 16)
At itong pahayag ng isang Republikanong mambabatas na dumalaw sa kapuluan noong 1902:
"Wala kang maririnig na kaguluhan sa timog Luzon, at ang lihim ng pamamayapa, sa aking palagay, ay ang lihim din ng pamamayapa sa buong kapuluan. Hindi na sila maghihimagsik sa timog Luzon dahil wala nang maghihimagsik doon. Ang lupain ay nilinis na maigi. Ang maykapal lamang ang nakaalam kung ilan mga Pilipino ang nabaon sa ilalim ng lupa. Ang ating mga sundalo ay hindi bumibihag, hindi rin gumagawa ng listahan; basta lang nila winalis ang lupain at kahit kailan o saan nila masumpungan ang isang Pilipino ay pinapatay nila. Hindi nila ginalaw ang mga babae at mga bata, kaya makikita na mas marami na sila kaysa mga lalake sa lugar na iyan ng kapuluan. (Salin
ng Mayakda mula Ingles sa Storey and Lichauco, 121-122)
At nariyan ang tinatawag na patayan sa Balangiga noong ika-28 ng Septyembre 1901, at ang mga sumunod na pangyayari. Isang pulutong ng 74 na sundalong Amerikano ang sinalakay ng mga Pilipinong nagbalatkayong mga taganayon, 44 sa mga Amerikano ang napatay, 22 ang sugatan, 4 ang nawawala at 4 ang nakaligtas. Sa ginawang pagganti ng mga Amerikano, 250 mamamayan na naninirahan sa Balangiga ang pinagpapatay (Hernan, 197-202)
Kasunod nito, sumugod si Heneral Jacob Smith ng E.U. at sinilaban ang buong Samar, isang pagganti na parang animo'y walang habas na pagpatay kung wawariin sa kanyang utos:
"'Ayaw ko ng mga bihag. Gusto kong pumatay kayo at manunog: ang marami kayong mapatay at masunog ay lalong katanggap-tanggap sa akin,' at sinabi niyang gusto niyang mapatay sinumang maaring humawak ng armas, at sa tanong ni Komandante Waller kung anong taong gulang ang sakop, sinagot niyang sampung taong gulang." (Salin mula Ingles sa Storey, 33)
Ang nakabababang tauhan ni Heneral Smith, si Komandante Waller, ay nagpasabi ng ganito:
"Sa aming pagtungo sa Liruan (isang bayan ng Samar) ang pangalawang pangkat, 50 sundalo, sa pamumuno ni Kapitan Bearss, ayon sa aking utos, ay sinira ang lahat ng nayon at mga bahay, ang nasunog ay isangdaan-animnaputlima lahat-lahat." (Salin ng Mayakda
mula Ingles sa Storey, 38)
At mula sa isang Amerikanong mambabalita:
"Noong ako'y nasa Samar ang alam kong bihag, ayon sa napagalaman ko ay hinuli ng pangkat ni Waller, at nalaman kong ito ay tinuligsa ng nakakataas na mga pinuno dahil mali na hindi daw niya dapat ulitin kung nalalaman lang niya ang kalagayan sa Samar . . . Kung sa paglakad nina Waller at kanyang mga tauhan ay binaril nila ang sinumang tagaroon na kanilang makakasalubong, ang kanilang ginawa ay naaayon sa pangkalahatang utos ni Heneral Smith. Sa katunayan, ang labanan sa Samar ay isang malawakang pamamatay." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Storey, 38)
Ang bagong pamamaraan ng mga Amerikano ay nagtagumpay. Sa pamamagitan ng pananakot, paninira ng pananim at ari-arian at pananakit o pagpatay sa mga hindi naman mga manlalaban, nagtagumpay ang mga Amerikano na paghiwalayin ang mga gerilya sa mga tumutulong sa kanila - ang mga taumbayan. Ang pagkakabukod ng mga gerilya at ang pagkawala ng tulong sa kanila ang siyang naging dahilan ng panghihina ng paglaban ng Pilipino at pagtatapos ng digmaan.
Isang manunulat ang nagtaya sa digmaan ng ganito:
"
. . . 126,500 na Amerikano ang nagsilbi sa pagaalsa sa Pilipinas, at 70,000 ang pinakamataas na bilang ng hukbong Amerikano na nakatalaga roon, at ang hukbong ito ay nalagasan ng 4,200 sundalo at 2,800 ang sugatan. Ito'y lumalabas 5.5 na bahagdan, isa sa pinakamataas sa kasaysayan ng Amerika. Ang ginastos ay lampas ng $400 milyon, na 20 ulit na mas mataas sa ibinayad sa Espanya. Ang mga manghihimagsik ay nalagasan ng 16,000-20,000 patay. Dagdag pa rito ay halos 200,000 Pilipino ang namatay sa gutom, sakit and mga bagay na dulot ng digmaan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Welch, 42)
Wala pang katanggap-tanggap na pagtataya kung ilang nga ang namatay dahil sa digmaan. Ang bilang ay tinatayang 200,000 hanggang 1.4 milyon. May ilang nagsabing ang digmaan daw ay isang
lipol-lahi. Subalit sa sariling pagtataya si Heneral J.M. Bell ng E.U., sa Luzon lamang ay isa-sa-anim ng naninirahan ang nalipol sa digmaan. Ang Luzon ay mayroong tatlo't-kalahating milyon mamamayan at ang isa-sa-anim na bahagi ay 600,000 lalaki, babae at mga bata. (Storey and Lichauco, 121, gamit ang taya ni Hen. Bell na nalathala sa New York Times noong Mayo 3 1901, na may talang: "
sinambit ni Gg. Hoar sa Senado ng E.U. at hindi naman tinutulan")
Isang Amerikanong tutol sa digmaan ang nagsabi:
"Walang alinlangan na mas marami tayong nilipol na buhay sa loob ng tatlong taon kaysa sa nagawa ng mga Kastila sa isa mang siglo ng kanilang malupit na pananakop." (Salin
ng Mayakda mula Ingles sa Ministers, 13)
Paglait at Pagdamay sa lahi
Sa labanan ito, naghari ang singkad ng galit sa magkabilang panig na ginatungan ng paglait sa lahing Pilipino. Isa sa mga nagsusulong sa digmaan ay ang paniwala na ang mga Pilipino ay tagagubat at walang kabihasnan, kaya hindi dapat bigyang ng pakundangan (Willis, 250). Si Aguinaldo at mga Pilipino ay inilalarawan na mga sinaunang maiitim ang balat, kulot ang buhok na mga batang tagagubat na nangangailangan ng pagkalinga ng Amerikano.
Ang tawag sa mga Pilipino ay mga negro, gugu, khakia at ladron. Isang awiting-digma na tanyag sa mga sundalong Amerikano ay mayroong linyang: "laitin, laitin, laitin ang Pilipino, duling na ladrong kakiack, sa ilalim ng ating watawat, bihasahin sila ng Krag" Ang ganitong panlalait sa Pilipino ay sinusundan ng karahasan, na ayon sa dalubguro na si David Livingston Smith, sa kanyang aklat , "Less than Human" ay karaniwang ikinikilos pagkatapos na alipustain ang isang kapwa tao.
Habang ang mga di magandang parating ng mga mambabalita ay nabubusalan, maraming mga salaysay tungkol sa pangaapi at paggamit ng kalupitan ay nakarating sa mga pahayagan sa kalupaan ng E.U. mula sa mga sulat ng mga sundalong Amerikano sa kanilang kaanak. Isang sulat ay ang nagungkat ng utos ni Heneral Wheaton na patayin lahat ng katutubo na makikita, ganti sa pagkakabaril sa isang sundalong Amerikano na biniyak ang tiyan; humigit-kumulang sa 1,000 lalake, babae at mga bata ang nasabing pinatay nang gabing iyon; nagtapos ang sulat sa ganitong mga salita: "Ako ay nasa aking kagitingan kung maisisipat ang aking baril sa isang itim ang balat at pipisilin ang gatilyo." (Salin mula Ingles sa Atkinson, 66, makikita rin sa Storey, 25 at Swift, 253)
Ilan sa mga sulat na ito ay nagtulak sa Senado ng E.U. na magsiyasat. Ang tala ng isa sa mga pagsisiyasat ay naglalaman ng patotoo ng dalawang sundalong Amerikano, si Charles Riley at William Lewis Smith, na inilalarawan ang paggamit ng pahirap-tubig sa punongbayan ng Igbarras, Iloilo at sa tatlong mga alagad ng batas, pati na ang pagsunog sa buong bayan (Riley, 2-4). Sa kasamaang palad, ang pagsisiyasat ay hindi nagbunga ng anumang kautusan ng Senado ng E.U. na sana'y makakapigil sa ginagawang pangaapi ni McKinley sa Pilipinas. Ang mga usapan sa pagsisiyasat ay lalo pang kumiling sa masamang gawain ng mga sundalo sa halip na sitahin at ipagbawal ito.
Gayun din, ang hatol ng Hukumang Militar sa ilang pinuno at kawal ay matutulad lang sa sampal sa palad. Ito namang parusa kay Heneral Smith na siyang mayakda ng pagwawasak ng buhay at ariarian sa Samar ay saway lamang.
Ilan sa matataas ng pinuno ng pamahalaan ni McKinley, pati na ang nasa Hukbo, ay naghayag ng pagayon sa mga kalabisan ng palakad ng mga Amerikano sa Pilipinas, at narito isang halimbawa:
"Baka kailangan kalahati ng Pilipino ay patayin upang ang natitirang kalahati ng mga tao ay maiangat sa mas mataas na uri ng buhay mula sa kanilang pagiging buhay tagagubat." o kaya, ". . . ang paglipol sa mga katutubo ay siya lamang pagasa ng Amerika upang maitayo ang isang matatag na pamahalaan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, 368)
Ang parating ng "Associated Press" galing New York noong ika-28 ng Hulyo1900 ay mayroong ganitong sinabi:
"Isang parating sa "Herald" mula sa Paris ay nagbalita: "Jean Hess, isang manlalakbay na Pranses na sumusulat tungkol sa lupang sakop, pagkatapos tumigil ng tatlong linggo sa Maynila, ay naglabas ng mahabang sulat, mula Hongkong, Hunyo 20. Sinabi ni G. Hess na ang kaisipang kalayaan ay nasa puso ng lahing Pilipino at mahahadlangan lamang kung lilipulin ang lahi." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Van Meter, 367)
Sa kabilang dako naman, isang pagpuri sa katapangan, tibay ng loob at pagtitiis ng kawal Pilipino ang nagmula sa isang pinunong Amerikano, walang iba kundi si Heneral Henry W. Lawton, ang napatay ng mga Pilipino sa isang labanan sa San Mateo, Rizal. Narito ang kanyang sinabi:
"
Kung wawariin sa mga kakulangan nila sa paglaban sa sandata, gamit at disiplina, - walang panganyon, kulang sa bala, mababang uri ng malilang, basyong paulit-ulit ang gamit hanggang masira, kulang-kulang sa lahat ng bagay ng gamit at pangangailangan, - sila ay pinakamatapang sa lahat ng aking nakilala . . . Ang gusto natin ay itigil ang digmaan ito . . . ang mga taong ito ay hindi mapapasuko. Sa tulay ng Bacoor hinintay nila hanggang mailapit ng mga Amerikano ang kanilang kanyon sa layong mga tatlumput limang yarda ng kanilang hukay-kublihan. Ang mga taong ganyan ay may karapatan mapakinggan. Ang gusto lang nila ay kaunting katarungan."(Salin ng Mayakda mula Ingles sa Storey and Lichauco, 110-111)

At mayroong mga sundalong Amerikano na nakiisa sa ipinaglalaban ng mga Pilipino. Ang katulad ni Arthur Howard, Henry Richter, Gorth Shores, Fred Hunter, William Denten, Enrique Warren, at ang sumikat na itim na Amerikanong si David Fagen, ilan lang sa mababanggit, ay natalos nila ang kawalan ng katarungan sa kanilang ginagawa and nagpasyang labanan ang watawat na isinumpa nilang ipagtatanggol. (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Tan, 250)
Ang Liga ng mga Laban sa Imperyalista sa Estados Unidos at ilang kasapi ng Kongreso ay nakiisa rin sa ipinaglalaban ng mga Pilipino at tinutuligsa nila ang patakaran ng pamamahala ni Pangulong McKinley. Pati na rin ang Partido Demokratiko na nagpayahag ng kanilang pagdamay sa hangarin ng Pilipinong maging malaya at ito isinama pa sa palatuntunan ng partido. Malaki ang pagasa ni Aguinaldo makakatulong sa Pilipinas ang kandidatong si William Jennings Bryan ng partidong Demokratiko sa halalan noong 1900, ngunit sa kasamaang palad natalo siya ni McKinley.
Pagtuturong Nagpabago sa Pilipino
Ang mga unang paaralang pinamahalaan ng mga Amerikano na
itinatag para sa pagtuturo sa mga batang Pilipino ay pinasimulan ng Hukbong
Estados Unidos agad-agad pagkatapos na matalo ang Hukbong Republikano
Pilipino. Ayon sa isang tagamasid:
"Di
pa siguro nakatanggap ng mabigat na tungkulin ang HukbongEstados Unido tulad ng kakaibang gawain na naitas sa kanila sa Pilipinas. Habang mabilis na pinapayapa ang mga
lalawigan hangga't pinapayagan ng mga gubat at panahon, nagtatag sila ng isang
kumpletong pamahalaang sibil at nagsagawa ng mga hukuman, adwana, koreo, at
paaralan para sa mga Batang Pilipino.
Ang mga malalaking gusaling imbakan sa Maynila ay puno ng lahat ng uri
ng mga gamit sa paaralan, kabilang ang mga aklat, palawaran, sulatan, lapis,
atbp. Ang mga pinunong namamahala ay
gumanap na mga superintendente din ng kagawaran ng pagtuturo. Nagkaroon ng mga pagsusulit, at ang mga
sundalong nakapasa ay binigyan ng katungkulan na magturo sa mga paaralan. Noong
taglagas ng 1900, nang dumating si Mr. Taft at mga kasama ng ikalawang
komisyong sibil sa Maynila upang pumalit sa
pamamahala ng Pilipinas, nakakita sila ng isang sistema ng paaralan na
di na nangangailangan ng kahit kaunting radikal na pagbabago upang matugunan
ang kanilang sariling mga plano para sa edukasyon ng mga batang Pilipino" (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Briggs,
76-77)
Naging hamon ang pangitaing ito sa isip ng sinumang malayang
tagamasid kung bakit nagmamadali sa pagpapatupad ng bago at hindi handang paraan
ng pagtuturo para sa mga batang Pilipino ng mga gurong hindi sanay. Umiiral pa ang lumang pamamaraan na minana sa
mga Kastila na maaari sanang nagsilbing pangtawid sa anumang pamamaraan ng
pagtuturo na kanilang ipatutupad. Dahil ba nagaapurang ihiwalay ang mga
Pilipino at itago sila sa kanilang makasaysayang nakaraan sa pamamagitan ng agarang Amerikanisasyon ng
isang nasupil na lahi, at burahin sa kanilang alaala ang makasalanang
panglulupig na isinagawa ng pamahalaang McKinley?
Kung itatapat sa mabunying
kasaysayan ng Amerika ang pakikialam ni McKinley sa Pilipinas lalabas na ito’y dungis
sa nagniningning na demokratikong mana ng mga Amerikano. Ang ginawang ito ni McKinley ay kabaligtaran
sa matagal nang paninindigan at saligan
ng demokratikong simulain ng pagiging
malaya na nasa puso ng sambayanang Amerikano - na bawat nilalang ay kakapwa at
may likas na karapatan sa kalayaan at demokrasya. Tutuong hindi papayagan ng mga maykapangyarihang
Amerikano na ang katampalasang ibinunga ng pagsakop nila sa Pilipinas ay
magiging bahid sa dangal ng Amerikano.
Kaya, hindi malayo na gumawa sila ng mga paraparaan upang guluhin ang
bahaging ito ng kasaysayan ng Pilipinas, lalo na ang pagyurak sa kanilang
karapatan, at itago ito sa mapagusig na mata ng mga bagong sibol na Pilipino.
Tunay nga, gumawa sila ng paraan upang makalimutan ito ng mga Pilipino!
Si Francis Burton Harrison, ang unang Gobernador Heneral na nahirang ng partido Demokratiko, kung saan nakitaan ang kanyang pamamahala ng pagiging mapagbigay at maunawain sa ipinaglaban ng mga Pilipino, ay nagpaliwanag ng mga hakbang na ginawa:
"Ang pagwawagayway ng watawat ng Pilipinas na ginamit nila sa pakikipaglaban sa atin ay ipinagbawal at ginawang kasalanang ikabibilanggo. Ang pagibig sa bayan ay hindi itinuro sa paaralan, o anumang bagay na magpapayabong ng kamalayang pambansa. Lahat ng bagay na maaring makatulong sa mga bata upang maunawaan nila ang kanilang lahi o maisaisip ang kinabukasan ng kanilang bansa ay masusing tinatakpan o inaalis. At sa halip ay napakaraming kaisipang Amerikano ang ibinuhos sa kanila upang sila'y matuto sa kaalaman tungkol sa ating mithiing demokrasya at sa maipagmamalaki nating kasarinlan." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Harrison, 45)

Nagtayo ang Estados Unidos ng
isang pamahalaang kolonyal na pinatakbo ng iilang mga Amerikano. Ito’y dahilan sa ang pamamahala ng mga
lalawigan at bayan-bayan ay ipinaubaya sa mga Pilipino, marami sa kanila ay
dating mga pinuno ng Hukbong Republikano Pilipino. Ang ganitong kaayusan ay
nagsilbing katibayan na may kakayahan ang mga Pilipino na magpatakbo ng isang pamahalaan,
at pinalalabas na napagkunwari ang pangasiwaan ni McKinley sa pagpapakalat ng
kasabihang ang mga Pilipino ay mababang uri at walang kakayahang magsarili. Pinatuyan din nito ang sapantaha na nilinlang
ni Pangulong McKinley ang madlang Amerikano nang sabihin niyang ang tunguhin ng
Amerika ay hindi mananakop ng ibang bansa kundi sundin ang isang makataong hangarin na iaangat
ang mga Pilipino na tinawag niyang katayuang taong-gubat.
Nagpairal ng batas laban sa pagaalsa
noong taong 1901, kasabay ng batas libelong-kriminal, na bumusal sa pagtutol sa
pamamahala ng Amerikano, at pumigil sa mga makabayang gawain, o anumang pagtitipon-tipon ng mga Pilipino, dangan at
tatapatan ng parusang pagkakakulong. Ang
mga nakisali sa pakikipaglaban sa Amerikano na hindi sumumpa ng katapatan sa
Estados Unidos ay ipinatapon sa Marianas. Ang kinalabasan ay tuluyang pagpuksa
at paglinis sa diwa at makabayang hangarin sa paglaya at pagsasarili. Hindi kataka-taka na ang mga salaysay tungkol
sa himagsikan at paglaban sa Amerikano, tulad ng mga sinulat nina Artemio
Ricarte at Santiago Alvarez ay nalathala lamang pagkalipas ng maraming taon.
Si Artemio Vibora Ricarte, ang heneral ng Hukbong Republikano ng Pilipino, na dinala sa kanyang libingan ang hindi pagsumpa ng katapatan sa Estados Unidos, inibig na mangibang bansa sa Yokohama, Hapon, ay nasilip kung ano ang nasa likod ng pakitang bait ng mga Amerikano. Sabi niya:
"Sa katotohanan ay tinuruan ng Amerika ang ating mga kabataan ng mga nagpapagunita ukol sa buhay nina Lincoln at Washington upang malimutan natin sa ating mga puso ang maningning na nagawa ng mga dakilang bayani ng ating bayan sa silangan. Naniniwala ang mga Amerikano na kailan pa ma't tayo ay nakapagsasalitang mabuti ng Ingles, ay isa ng sapat na katibayan ng ating kamulatan at mabuting kaugalian, ay naiuugat sa atin ang maling kaisipan ng pagiging mas mataas ng lahing puti. (Ricarte[Kabataan], 11-12)
Ang mga naiwang gamit-digmaan at napakaraming kasulatan ng bumagsak na pamahalaang Pilipino na nalikom na kung tawagin ngayon ay "Philippine Insurgents Records (PIR)" o Kasulatang ng Pilipinong Manghihimagsik, na tinatayang tumitimbang ng tatlong tonelada, ay ipinadala sa Estados Unidos at nalayo sa abot ng mga mananalaysay o mananaliksik na Pilipino. Ang Amerikanong pinuno na si Kapitan John R. M. Taylor, ang siyang naatasang mangalaga ng mga kasulatan, at siya ring nagsaayos nito sa isang katalogo, at nagsalin sa Ingles, at gumawa ng paghahanda upang malathala sa isang aklat. Ang unang sanang limbag nito ay itinakda noong 1906 ngunit hindi natuloy dahil ang inaasahang pagtatamang gagawin sana ni Gobernador Heneral William Howard Taft ay hindi natanggap. Ang pangalawa sanang paglilimbag noong 1909 ay hindi rin natuloy dahil ang gagawing pagkilatis ni James LeRoy ay hindi natapos. Sa madaling salita, hindi nalimbag ang aklat dahil pinigil ni Taft, na naging pangulo ng Estados Unidos, na sa kanyang tingin ay hindi makabubuti sa kalagayan ng pulitika. (Farrell, 404)
Pagkalipas ng pitumpung taon, noong 1971, nalimbag din ang PIR sa pagtangkilik ng Eugenio Lopez Foundation na pinamahalaan ng isang lupong pinamunuan ni Renato Constantino. Narito ang panimulang salita ni Constantino:
". . . Nang ating ipinamamalas sa mundo ang kagananapan
ng ating pagkabansa at ang kakayahan nating magsarili pagkatapos patalsikin ang
naghaharing banyaga at labanan ang
pananakop ng mga Amerikano, naglaho ang isang sanga ng ating kasaysayan.
Ang ating mga kasulatan ay sinamsam sa atin. Tonelada ng talaan ng mga "insurecto" ay ipinadala sa Washington, doon ay naiwang di nabasa sa loob ng higit isang siglo liban sa mga nabigyan ng pahintulot ng Ayudanteng Heneral ng Hukbong Estados Unidos. Mayroon tayong pangilan-ilang kaalaman tungkol sa panahong ito galing sa mga panulat ng mga naghalungkat ng katotohanan mula sa mga kakaunting napaghahawakan, ngunit sa kabuuan tayo'y walang pa ring malay kung ano talaga ang nangyari. Ang pagkawalang malay na ito ay lalo pang pinalala ng pagtanggap natin sa kasaysayan na ayon sa patakaran ng mananakop." (Saling ng Mayakda mula Ingles sa Taylor[1], x]
Dumating ang mga gurong Amerikano kung tawagin ay Thomasites (bansag ng pangalan ng barkong nagdala sa kanila) upang ilatag ang pamamaraan ng pangmadlang pagtuturo. Pumalit ang wikang Ingles sa wikang Kastila (isang pagpapalit na hindi ginawa ng mga Amerikano sa Puerto Rico o Cuba) at kasunod nito ay ang pagkawala ng karunungan at panulat ng mga nakaraang panahon na nakasulat sa wikang Kastila, at naihanda ang mga bagong sibol ng Pilipino na tumanggap ng mga kaisipang Amerikano.
Ang mga magaaral ay tinuruang sambahin ang Amerika at
maliitin ang sarili nilang lupang tinubuan.
Halimbawa, ang unang talata ng magandang awiting-pagibig pinamagatang "Lulay" - “Ako’y ipinanganak sa tuktok ng bundok,” ay isinalin sa Ingles na, “I was poorly born on the top of the mountain,”
idinidiin ang pagiging hikahos na pagsilang.
Sa katunayan, ang awit ay salaysay ng isang nangingibig – isang animo’y
diyos-diyosan - na ipinanganak sa tuktok ng bundok, kalaro-laro niya'y kulog na
matutunog, duyan niya'y ulap sa papawiring bughaw, at halik ng kidlat ang
kanyang kaulayaw.
At sa isa pang halimbawa, ang
panimulang talata – “Bahay kubo, kahit
munti” - ay isinalin sa Ingles na “My
nipa hut is very small" (Ang aking dampa ay napakaliit), at tulad ng
unang halimbawa, idinidiin ang kaliitan.
Sa pagsasaling ginawa ay naitago ang magandang katangian ng munting
bukirin na sari-saring gulay ang nakatanim.
Sa ganitong mga pakana ay nagsimulang sumibol sa murang kaisipan ng mga magaaral ang paghanga kundi man pagsamba sa anumang may tatak Amerika kahit ito'y nagpapababa sa kanilang karangalan. Sa tinagal ng panahon, ang mga katagang "Gawa sa Estados Unidos" ["Made in U.S.A."-vcl] ay siyang naguudyok sa Pilipino kung ano ang pipiliin sa pagbili ng anumang bagay.
Isa pang mahalagang hakbang na ginawa ng mga maykapangyarihang Amerikano ay ang siraan si Aguinaldo at palabasing masama siyang tao, na minsan ay nabanggit ni Aguinaldo. Aniya:
"Ako'y naging tapat sa America at mga Amerikano. Sinunod ko lahat ng kanilang tagubilin at payo, ginampanan ko ang kanilang kagustuhan, subalit sa kanilang mga pangaraw-araw na pahayagan ay nilait nila ako sa harap ng aking sambayanan. Tinawag nila akong magnanakaw, balimbing, at taksil, ng wala namang dahilan. Wala akong ginawang masama sa kanila; tinulungan ko sila sa kanilang pangangailangan, ngunit ngayon ay itinuring nila akong kaaway. Bakit nila ako tinawag na balimbing, taksil at magnanakaw? (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Sheridan, 90)
Ang pakanang ito ay lalong pinaliwag nang sadyaing pangibabawan ni Rizal ang pagiging bayani ni Aguinaldo:
"Ang isang bagay na kailangan ng mga Pilipino ay pambansang bayani - isang bayaning ligtas, at ang natatangi ay iyong patay na. Mataas ang tingin kay Aguinaldo dahilan sa kanyang pamumuno ng nakaraang himagsikan, ngunit sa mata ng mga namamahalang Amerikano siya ay mapanganib. Kinakailangan ang isang bayani na tatakip sa katanyagan ni Aguinaldo upang mabawasan ang kanyang kakayahang magsimula uli ng isang himagsikan . . . naisip agad ni Gobernador Taft si Jose Rizal . . ." (Salin ng Mayakda
mula Ingles sa Crow, 53)
Ang pagpili ni Gobernador Taft kay
Dr. Jose Rizal bilang pambansang bayani ay hindi lamang isang paraan upang
mapagtakpan ang mabunying pagkilala kay Aguinaldo at pigiling makapagsagawa muli
ng anumang masamang balakin. Kung
si Aguinaldo ay mananatiling bayani sa mata ng kanyang mga kababayan, ang
pagalaala ng kanyang mga ambag sa
pagkabansa ay hindi makakalimutan, hindi lamang ang tagumpay sa mga Kastila,
kundi pati na ang paglaban niya sa mga Amerikano, lalo na ang di makatarungang
pakikialam at pananakop na palakad ni Pangulong McKinley. Ang ginawang ito ni Taft ay paraan din upang ang mga
Kastila ang kilalaning masasama, hindi lamang sa kanilang malupit na pananakop,
kundi dahil sa pagpatay sa bayaning si Rizal, at sa ganoon ay ibigay sa
Amerikano ang dangal at papuri sa pagiging tagapagligtas ng mga Pilipino sa
kanilang ginawang tuluyang pagpabagsak sa kapangyariihan ng mga Kastila.
Nang bansagan si Aguinaldo bilang
isang taksil, na isinulong noong panahon ng mga Amerikano at ngayon ay
lumalaganap sa panlipunang huntahan (social media), nasadlak sa kalituhan ang
kaisipan ng Pilipino. Ang umiiral ngayon sa kamalayan ng maraming Pilipino ay hindi
tunay na bayani si Aguinaldo at lahat ng mga nakamit ng Pilipino sa pamumuno
niya – ang pambansang watawat, ang inihayag na kalayaan noon ika-12 ng Hunyo,
ang unang Republika sa Asya, ay pahapaw
lamang ang pagkilala at hindi nabigyan ng angkop na kahalagahan. Nakalimutan ng Pilipino ang pagmamalabis ng mga
Amerikano nang sila ay dumating sa Pilipinas at sinakop ang tumututol na
Pilipino. Sa halip ay kinilala ang
mananakop na Amerikano na tagapagligtas ng Pilipino sa kuko ng malupit na
kastila. Ang sinadyang pagtutuon
ng pansin sa kalupitan ng mga Kastila at pagtatakip sa kabayanihan ni Aguinaldo
ang siyang sumagip sa mga Amerikano upang hindi sila matandaan na lumipol
ng maraming buhay ng mga Pilipino,
sumira ng kanilang lupain at nagwasak ng kanilang republika.
Oo nga't ang mga katungkulan sa lehislatura, hustisya at ehekutibo ng pamahalaan ay naisakamay sa mga Pilipino sa mga huling yugto ng pananakop, subalit ang sangay ng pagtuturo ay patuloy na hinawakan ng isang Amerikano. Hanggang sa taong 1951, kahit tapos na ang pananakop ng Amerikano, itinuturo pa rin ang kasaysayan ng Amerika sa unang baytang ng mataas na paaralan at isinasaulo ang talumpati ni Lincoln sa Gettysburg, o ang tulang "The Song of Hiawatha", sa susunod na baytang ng paaralan. Kaya, sa loob ng limang dekada, mula noong itayo ang pamahalaang pangsakop, hanggang sa Komonwelt at ikalawang digmaan, at hanggang sa panahon ng pamahahala ng Pilipino ang pamamaraan ng pagbabago ng kaisipan ng mga Pilipino ay patuloy pa ring isinagawa.
At upang mapagtagni-tagni ang mga pamamaraan ng pagbabago ng kaisipan nga mga Pilipino, ang kanilan mga bayani ay binansagang mga insurecto noong digmaan, at mga bandido at tulisan, sa bandang huli; ang digmaan Pilipino at Amerikano ay tinawag na "Pagaalsa ng Pilipino" na itinago sa ilalim ng pamagat na Digmaang Kastila at Amerikano sa mga aklat at mga nilathalang babasahin sa Estados Unidos. Kung tutuusin, naglaban ang Amerikano at Kastila sa Pilipinas ng tatlong araw lamang, oo, tatlong araw - isang araw sa labanan ng mga barko sa look ng Maynila, isang araw sa pagsalakay sa tanggulan ng San Antonio Abad sa Ermita, at isang araw sa tinatawag na huwad na pagsuko ng Maynila. Sa katunayan lahat na labanan sa Pilipinas noong kasagsagan ng digmaang Amerikano at Kastila ay ginawa ng Hukbong Pilipinong Manghihimagsik ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kung paghahambingin, ang hinaba ng digmaan Pilipino at Amerikano ay lampas ng tatlong taon at nangailangan pa uli ng tatlong taon upang tuluyang mapayapa ang Pilipinas. At kahit malawak at mahalaga ang digmaang ito na tinawag lang ni McKinley na munting kaguluhan ("Splendid little war"), hindi ito binigyan ng pansin at pagkilala na nararapat. Kailan lamang pagkatapos ng ilang dekada pinapalitan ang pagtukoy sa mga bagay na nauukol sa digmaang nabanggit.
Kung pagninilaynilayin, ang pananakop ng Amerika sa Pilipinas ay hindi lamang isang pagsupil sa karapatan ng isang sambayanan. Ito ay isa ring halimbawa ng pagbura sa isipan ng napasukong sambayanang na sila ay nasupil.
Quo Vadis Filipino (Saan ka Pupunta Pilipino)
Ang mga Pilipinong dumaan sa pamamaraan ng pagbabago ng kaisipan ay mga Pilipino sa itsura, ngunit mga tunay na Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Kapara ng panukat ni Harrison, ang bagong Pilipino ay magaling magsalita ng Ingles, sa puso'y alam ang kasaysayan, kaisipan, sining, at tugtuging Amerikano, ngunit salat sa pagkaalam ng mga dinanas ng kanyang mga ninuno at ang banal na pangarap at hangaring nagtulak sa kanila na lumaban hanggang kamatayan. Lalabas siyang isang mahusay ang kaalaman sa hanapbuhay ngunit siya'y kulang sa damdaming makabayan. Salamat sa ginawang pamamaraan ng pagbabago ng kaisipan na binanggit ni Harrison.
Maaring hindi tanto ng Pilipino sa ngayong panahon na siya ay kamukha din ng kanyang kalahi noon, ang Mumunting Kayumangging Kapatid, o ang Pilipinong nabago na ang isipan. Hindi pa rin niya naiintindihan ang kasaysayan at hinihila siyang pabababa ng maling pagtingin sa sarili. Sa pangunang salita ng aklat na "Saga and Triumph", sinabi ni Onofre D. Corpuz ang sumusunod:
"Ang dekada ng 1896-1906 ay sukdulang lawa ng pagiging makabayan ng Pilipino. Kaya hindi kapanipaniwala na pagkatapos ng isang daang taon, isang siglo ng paghihimagsik laban sa Kastila noong 1996, at ng Republika Filipina noong Enero 1999, ay dumaan na walang kabuuang tala ng kabayanihan at di pangkaraniwang tagumpay na nakamit ng mga Pilipino. Ang kasaysayan ang siyang naghahabi ng iba't ibang himaymay ng mga nakaraan ng isang bansa. Sa uri ng himaymay ng alaalang iyan nakasalalay ang siyang magiging uri ng buhay sa darating na panahon. At ang pagsasaisip ng nagkakaisang alaala ang siyang humuhubog sa pagkabansa, maaninaw ang kasasadlakan sa kinabukasan, maisakatuparan ang kinabukasan sa pamamagitan ng tibay ng loob na malunasan ang pagsubok sa kasalukuyan. Kung walang maayos na kasaysayan, ang pagkakaisa ng alaala ay marupok at pira-piraso." (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Corpuz, xii)
Sa kanyang maigsing sinulat na pinamagatang "The Philippine Revolution in our Collective Memory", binanggit ni Corpuz ang kalunos-lunos na kalagayan ng ilang tala ng alaala ng kasaysayan. Sabi niya sa wikang Ingles: ". . ang ilang mga sinulat ay hindi tumutumbok sa tunay na mensahe ng himagsikan: ang ipinamamalas ay ang matinding alitan ng mga namuno. Kaya, sa kabuuan iniiwan tayong walang pa ring malay sa tunay na liwanag ng himagsikan: ang magiting na pakikibaka na hanggang sa ngayon ay siyang pinagkukunan ng pagiging makabayan ng Pilipino."
Lalong matindi ang puna ni Alfredo B. Saulo sa pambansang sakit na ito nang sabihin niyang:
"Dahil sa sadyang pagiwas, kawalan ng alam, o pagtatago ng di magandang katotohanan tungkol sa kasaysayan, ang ating mga mananalaysay ay nasanay sa uri ng pagsusulat na taliwas sa ating pagiging isang malaya at nagsasariling bansa. Sa ilalim ng ganitong mala-kolonyal na pagkilatis sa kasaysayan na naghubog sa tatlong salin-lahi ng mga Pilipino - maling napagaralan - ang kanilang pagpapahalaga sa buhay ay naging kanluranin at nawala sa kamalayan nila ang pansariling kapakanan. Matutunghayan sa kabataan ang kanilang pagkukulang sa pagiging makabayan, lalo't pinatawan pa ng kawalan ng pagkilala sa kabayanihan ng kanyang ninuno. Si Aguinaldo, na siyang nagpalaya sa Kapuluaan ng Pilipinas sa ilalim ng tatlong siglong pananakop ng mga Kastila ay niyuyurakan at nilalait hanggang sa panahong ito ng mga di pa namumulat na mga Pilipino." " (Salin ng Mayakda mula Ingles sa Saulo, xxxv-xxxvi)
Ang pagmamahal sa bayan ang siyang nagbibigkis sa isang bansa. Ito ang nagpapalakas sa mga mamamayan upang kusang ialay ang sarili para sa ikabubuti ng bayan. Ang isang bansa ay magtatagumpay kung ang mga mamamayan ay handang magalay. Ngunit kung walang pagmamahal sa bayan, paano maaasahan ang pagaalay?
Ang ikatatagumpay ng palatuntunan ng pamahalaan upang maiahon sa hirap ang bansa at gawing masagana ay hindi makaaasa sa salaping padala ng mga Pilipinong nangingibang bansa, o sa kinikita ng mga tinatawag na "call center", o tulong ng ibang bansa, o puhunan sa negosyo mula sa ibang bansa, o ang ibinigay na kalamangan ng pagtrato sa atin, o ang kalakalang malaya at ibang pang pamamaraan ng kalakalan, hangga't hindi nababago ang kaisipan ng mga Pilipino, ibig sabihin, ang buhayin muli at gawing sandigan ang simulaiin ng 1896 - ang pagmamahal sa bayan at ang hangad na maging malaya at nagsasarili.
Upang marating ang tunguhing ito, kinakailangan bawiin ng Pilipino ang pagiging makabayan ng kanyang mga ninuno na nagalay ng kanilang buhay at ariarian para sa bayan kung saan ang kanilang magiting na ambag ay nakatago sa ginulong nakaraan. Nangangailangan ito ng pagsasaalala ng mga minana sa kanila sa mga silid aralan upang mamulat ang darating pang kasunod ng lahi. Sa halip na pagsabungin ang mga bayani na parang mga manok-panabong, ang mga mananalaysay na Pilipno ay dapat manguna sa pagbabago ng maling kasaysayan na patuloy pa rin itinuturo sa mga paaralan. Ang magiging aklat ng nabagong kasaysayan ay magtatama sa maling natutunan na minana pa sa panahon ng pananakop ng dayuhan at ang tunay at tamang salaysay tungkol sa ambag at alay ng mga bayani ay magiiwan ng mabuting bakas sa isipan ng mga kabataan.
Ang mapanlikhang mananalaysay na si Doktor Gregorio F. Zaide ay nagalay ng limang dahilan kung bakit nararapat na sulating muli ang kasaysayan ng bansa. Ayon sa kanya:
(1) Bilang isang nagsasariling bansa, dapat sulatin natin ang atng kasaysayan - isang kasaysayang Pilipino, angkop sa Pilipino, at sinulat ng Pilipino;
(2) Bawat salin-lahi ay sumusulat ng kanilang kasaysayan. Ang salin-lahi ngayon ay gayon din, may sariling kasaysayan na nagpapahiwatig ng masidhing diwa, pagpupunyaging mabago ang pamahalaan at lipunan, at kagustuhang magkaroon ng masaganang buhay;
(3) Ang mga mali at pagkukulang na matagal nang nakadambana sa ating limbag na mga aklat ng kasaysayan ay kailangang iwasto;
(4) Maraming patlang sa ating nakasulat na kasaysayan dahilan sa kakulangan ng batis o kaalaman ng ating mananalaysay. Ang mga patlang na ito ay kailangang mapagpunan upang mapalawak ang ating kaalaman tungkol sa kasaysayan; at
(5) Panahon na upang bigyang kahulugan ang mga katotohanan sa kasaysayan mula sa pananaw ng Pilipino.
Panghuling Salita
Tulad din ng paggamit sa silid aralan upang burahin sa pinagisang alaala ng Pilipino ang magiting na nagawa ng kanyang ninuno, gagamitin din ito upang maibalik sa alaala ang nawala at nakalimutang makulay na kasaysayan. Sa ganitong paraan, maitatanim ang dangal sa sarili ng mga bagong sibol sa kinamulatang pamana ng lahi at maipupunla ang binhi ng pagmamahal sa bayan at mapapadali ang pagbabago ng kaisipang ng sambayanan. Hahantong ito sa pagkilala at pagtanggap ng kakayahan ng Pilipino na makagawa ng mga dakilang bagay katulad ng mga nagawa nina Rizal, Bonifacio at Aguinaldo. At sa katapusan ay magkakaroon ang Pilipino ngayon ng lakas at tibay ng loob upang malunasan ang suliranin sa kasalukuyan at mapaghandaan ang mga darating pa sa kinabukasan.